78 Bible Verses About Spreading the Gospel

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Spreading the Gospel
  1. 16 Ngunit ang labing-isa na mga alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na kung saan itinuro ni Jesus sa kanila. 17 Nang siya ay nakita nila, sinamba nila siya, ngunit ang iba ay nag-alinlangan.

    18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  2. 14 May utang ako sa mga Griyego at sa mga dayuhan, sa mga marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya, para sa akin, handa akong ipahayag ang ebanghelyo sa inyong nasa Roma.

    16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego. 17 Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay naihahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya, gaya ng nasusulat, “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”

    18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

  3. 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.

    11 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” 12 Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya. 13 Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

    14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”

    16 Ngunit hindi lahat sa kanila ay nakinig sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo.

  4. 15 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilikha. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas at ang hindi naniniwala ay hahatulan.

  5. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.

  6. 35 Pumunta si Jesus sa lahat ng mga lungsod at mga nayon. Nagpatuloy siyang nagtuturo sa kanilang mga sinagoga, ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian, at pinapagaling niya ang lahat ng mga uri ng karamdaman at ang lahat ng uri ng sakit. 36 Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, dahil sila ay naguguluhan at pinanghihinaan ng loob. Para silang tupang walang pastol.

    37 Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa. 38 Kaya madaliin ninyong idalangin sa Panginoon ng pag-aani, upang makapagpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.”

  7. 1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

    3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat.

    5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng bagay, pagtiisan mo ang paghihirap, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelista, tuparin mo ang iyong paglilingkod.

  8. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.

    18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.

    20 Kaya kami ay itinalaga bilang mga kinatawan ni Cristo, na para bang ang Diyos mismo ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan namin. Ipinakikiusap namin sa inyo, alang-alang kay Cristo: “Makipagkasundo kayo sa Diyos!” 21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.

  9. 8 Ngunit makakatanggap kayo ng kapangyarihan, kapag sumainyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.''

  10. 1 Ngayon aking pina-aalala sa inyo, mga kapatid, ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, na inyong tinanggap at tinatayuan. 2 Sa pamamagitan ng ebanghelyong ito kayo ay naligtas, kung kayo ay hahawak na mabuti sa mga salita na aking ipinangaral sa inyo, maliban lang kung kayo ay naniwala ng walang kabuluhan.

    3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan, 4 na siya ay inilibing, at siya ay nabuhay noong ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5 At na siya ay nagpakita kay Cefas, at pagkatapos sa Labindalawa. 6 Pagkatapos siya ay nagpakita sa mahigit limandaan na mga kapatid ng paminsan. Karamihan sa kanila ay buhay pa, ngunit ang ilan ay natulog na.

  11. 12 Magsaya kayo at labis na magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Sapagkat sa ganitong paraan inusig ng mga tao ang mga propetang nabuhay noon bago pa kayo.

    13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano muling maibabalik ang alat nito? Wala na itong pakinabang pa kundi itapon at tapak-tapakan ng mga tao.

    14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.

  12. 1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta.”

    5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, papaano namin malalaman ang daan?

    6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.

  13. 15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang. 16 Magkaroon kayo ng malinis na budhi upang ang mga taong umaalipusta sa inyong magandang buhay kay Cristo ay mapahiya dahil nagsasalita sila laban sa inyo na tila kayo ay masasamang tao.

  14. 21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

    25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

  15. 9 Nangyari sa mga araw na iyon na si Jesus ay dumating mula sa Nazaret sa Galilea at siya ay binautismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 10 Nang si Jesus ay umahon sa tubig, nakita niya na bumukas ang langit at ang Espiritu ay bumaba sa kaniya na tulad ng kalapati. 11 At isang tinig ang nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak. Ako ay labis na nalulugod sa iyo.”

    12 At agad-agad, sapilitan siyang pinapunta ng Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya sa ilang sa loob ng apatnapung araw na tinutukso ni Satanas. Kasama niya ang mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

    14 Ngayon matapos madakip si Juan, dumating si Jesus sa Galilea na nagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos, 15 at sinasabi, “Ang panahon ay naganap na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi kayo at maniwala sa ebanghelyo.”

  16. 14 Itong ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. At pagkatapos nito darating na ang katapusan.

  17. 2 Taimtim na magpatuloy sa panalangin. Manatiling handa sa pasasalamat. 3 Manalangin kayo ng sama-sama para sa amin, na magbukas ang Diyos ng pagkakataon para sa kaniyang salita upang sabihin ang lihim na katotohanan ni Cristo. Dahil dito, iginapos ako. 4 At manalangin na magawa ko ito ng malinaw gaya ng nararapat kong sabihin.

    5 Lumakad sa karunungan para sa mga hindi mananampalataya at pahalagahan ang pagkakataon. 6 Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang malaman ninyo kung paano dapat sumagot sa bawat tao.

  18. 8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  19. 47 Sapagkat iniutos sa amin ng Panginoon, na nagsasabi, 'Inilagay ko kayo bilang ilaw sa mga Gentil upang kayo ay magdala ng kaligtasan sa mga pinakadulong bahagi ng mundo.”'

  20. 16 Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, wala akong dahilan para magmayabang dahil dapat ko itong gawin. At kaawa-awa ako kung hindi ko ipangangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung gagawin ko ito ng maluwag sa kalooban, may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, may responsibilidad pa rin ako sa ipinagkatiwala sa akin.

  21. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  22. 19 Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami. 20 Sa mga Judio, naging katulad ako ng isang Judio upang makahikayat ng mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautuan, naging katulad ako ng isang nasa ilalim ng batas upang makahikayat ng mga nasa ilalim ng batas. Ginawa ko ito kahit na wala ako sa ilalim ng batas. 21 Sa mga nasa labas ng kautusan, naging katulad ako ng nasa labas ng kautusan, kahit na ako mismo ay wala sa labas ng kautusan ng Diyos ngunit sa ilalim ng kautusan ni Cristo. Ginawa ko ito upang aking mahikayat ang mga nasa labas ng kautusan. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina, upang aking mahikayat ang mga mahihina. Naging kagaya ako ng lahat ng mga bagay upang sa lahat ng paraan ay maligtas ko ang ilan.

    23 Ginawa ko ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng ebanghelyo, upang makalahok ako sa lahat ng pagpapala nito.

  23. 6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.

    8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”

    10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo.

    11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinahayag ay hindi nanggaling sa mga tao lamang.

  24. 7 Kay ganda sa mga kabundukan ang mga paa ng mensahero na nagdadala ng mabuting balita, na siyang nagpapahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mga mabuting balita, na nagpapahayag ng kaligtasan, na sinasabi sa Sion, “Ang Diyos ninyo ay naghahari!” 8 Makinig kayo, ang inyong mga bantay ay nilalakasan ang kanilang mga tinig, sabay sabay silang sumisigaw sa kagalakan, dahil makikita nila, sa kanilang bawat mata ang pagbabalik ni Yahweh sa Sion. 9 Magsimula kayong umawit ng sabay-sabay ng may kagalakan; kayong mga guho ng Jerusalem, dahil inaliw ni Yahweh ang kanyang bayan: tinubos niya ang Jerusalem. 10 Inilantad ni Yahweh ang kanyang makapangyarihang kamay sa paningin ng lahat ng mga bansa; makikita ng buong daigdig ang pagliligtas ng ating Diyos.

  25. 12 Ngunit sa kasing-dami nang tumanggap sa kaniya, na naniwala sa kaniyang pangalan, sa kanila niya ipinagkaloob ang karapatang maging mga anak ng Diyos,

  26. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”

  27. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin.

    9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos.

  28. 1 Nang pumunta ako sa inyo, mga kapatid, hindi ako pumariyan na may kahusayan ng pananalita o karunungan nang aking ipinahayag ang mga lihim na katotohanan tungkol sa Diyos. 2 Sapagkat nagpasya akong walang kilalanin nang ako ay nasa inyo maliban kay Jesu-Cristo na siyang ipinako sa krus. 3 At nakasama ninyo ako sa kahinaan, at pagkatakot, at sa matinding panginginig. 4 At ang aking mensahe at pagpapahayag ay hindi sa mapang-akit na pananalita ng karunungan. Sa halip, kasama ng mga ito ang pagpapakita ng Espiritu at ng kapangyarihan, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

  29. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig at disiplina.

    8 Kaya huwag mong ikakahiya ang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, maging ako, si Pablo, na kaniyang bilanggo. Sa halip, makibahagi sa pagdurusa para sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos. 9 Ang Diyos ang nagligtas sa atin at tumawag sa atin sa banal na pagkatawag. Ginawa niya ito, hindi ayon sa ating mga gawa, ngunit ayon sa kaniyang layunin at biyaya. Ibinigay niya ang mga bagay na ito sa atin kay Cristo Jesus bago pa ang pasimula ng panahon. 10 Ngunit ngayon naihayag na ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Si Cristo ang siyang naglagay ng hangganan sa kamatayan at nagdala ng buhay na walang hangganan upang magliwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo. 11 Dahil dito, ako ay hinirang na tagapangaral, isang apostol, at tagapagturo.

  30. 1 Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. 2 Pinadala niya ako para ipahayag ang taon ng pabor ni Yahweh, ang araw ng paghihiganti ng aming Diyos, at para aliwin ang lahat ng nagluluksa— 3 para ilagay sa lugar ang mga tumatangis sa Sion—para bigyan sila ng isang turban sa halip na mga abo, langis ng kagalakan sa halip na pagtatangis, isang balabal ng papuri kapalit ng isang espiritu ng kalungkutan, para tawagin silang mga puno ng katuwiran, ang pagtatanim ni Yahweh, para siya ay maaaring luwalhatiin.

  31. 12 Walang kaligtasan sa sinumang tao: sapagkat wala ng iba pang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, kung saan tayo maliligtas.”

  32. 24 Ngunit hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay para sa aking sarili, upang matapos ko ang aking pagtakbo at ang ministeryong tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

  33. 1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos. 2 Ito ang ebanghelyo na noon pa man ay ipinangako na niya sa pamamagitan ng mga propeta sa banal na kasulatan. 3 Ito ay tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak mula sa kaapu-apuhan ni David ayon sa laman. 4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

    5 Sa pamamagitan niya ay natanggap namin ang biyaya at ang pagiging apostol upang magdulot ng pagsunod ng pananampalataya sa lahat ng mga bansa, alang-alang sa pangalan niya. 6 Kasama ng mga bansang ito, kayo rin ay tinawag upang maging kay Jesu-Cristo.

    7 Ang liham na ito ay para sa lahat ng nasa Roma, ang mga minamahal ng Diyos, na tinawag upang maging mga taong banal. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan na nagmumula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

  34. 24 Ngayon nagagalak ako sa aking mga paghihirap para sa inyo. At pinupunan ko sa aking laman anuman ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, na ang iglesiya. 25 Dahil sa iglesiyang ito kaya ako naging lingkod, ayon sa tungkulin mula sa Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo upang punuin ang salita ng Diyos. 26 Ito ang lihim na katotohanan na itinago sa panahon at sa mga salinlahi. Ngunit nahayag ito ngayon sa mga naniniwala sa kaniya. 27 Ito ay para sa kanila na nais ng Diyos na makaalam kung ano ang mga kayamanan ng maluwalhating lihim na ito ng katotohanan sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na nasa inyo, ang pagtitiwala ng kaluwalhatian sa hinaharap.

    28 Siya ito na ating ipinapahayag. Pinagsasabihan natin ang bawat isa, at tinuturuan natin ang bawat isa ng may buong karunungan, upang maiharap natin ang bawat tao na ganap kay Cristo. 29 Dahil dito, ako ay gumagawa at nagpapakahirap ayon sa kaniyang kalakasan na kumikilos sa akin sa kapangyarihan.

  35. 13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang unang bunga ng kaligtasan sa pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14 Ito ang dahilan kung bakit niya kayo tinawag sa pamamagitan ng ating ebanghelyo upang matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo. Hawakang mahigpit ang mga tradisyon na naituro sa inyo, kahit na sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat.

    16 Ngayon, nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo, at ang ating Diyos Ama na nagmamahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa hinaharap sa pamamagitan ng biyaya, 17 ang mag-aliw at magpatatag ng inyong mga puso para sa mabuting gawa at salita.

  36. 15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

  37. 8 Narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabing, “Sino ang aking isusugo? Sino ang magpapahayag para sa atin? Pagkatapos sinabi ko, “Narito ako; ako ang iyong isugo.”

  38. 24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.

  39. 2 Habang sumasamba at nag-aayuno sila sa Diyos, sinabi ng Banal na Espiritu, “Ihiwalay ninyo para sa akin sina Bernabe at Saul, upang gawin ang gawain kung saan ko sila tinawag.” 3 Pagkatapos na ang kapulungan ay mag-ayuno, manalangin at magpatong ng kanilang mga kamay sa mga lalaking ito, sila ay kanilang sinugo.

  40. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” o “Kay Cefas ako,” o “Kay Cristo ako.”

    13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsasabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan. 16 (Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan.

  41. 1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

    2 Ngayon pinupuri ko kayo dahil naalala ninyo ako sa lahat ng bagay. Pinupuri ko kayo dahil pinanghawakan ninyo ng mahigpit ang mga tradisyong gaya ng pagturo ko sa inyo. 3 Ngayon, gusto kong maintindihan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang ulo ng babae, at ang Diyos ang ulo ni Cristo.

    4 Sinumang lalaki ang mananalangin at magpapahayag ng propesiya na may takip ang kaniyang ulo ay hindi niya ginagalang ang kaniyang ulo.

  42. 18 Nagdusa rin si Cristo para sa mga kasalanan. Siya na matuwid ay nagdusa para sa atin, na mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos. Pinatay siya sa laman, pero muling binuhay sa espiritu. 19 Sa espiritu, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritu na ngayon ay naka-bilanggo. 20 Sila ay ayaw sumunod noong ang Diyos ay matiyagang naghihintay sa panahon ni Noe, sa mga araw ng ginagawa ang arko, at nagligtas ang Diyos ng iilang tao—walong kaluluwa—sa baha. 21 Ito ay sumisimbolo ng pagbabautismo na nagliligtas sa inyo ngayon, hindi bilang paglilinis ng karumihan mula sa katawan, pero bilang panawagan ng mabuting budhi sa Diyos, sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu-Cristo. 22 Siya ay nasa kanang kamay ng Diyos. Nagpunta siya sa langit. Ang mga anghel, mga pamahalaanan, at ang mga kapangyarihan ay dapat magpasakop sa kaniya.

  43. 5 Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6 Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.

    8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

  44. 5 Ipinadala ni Jesus ang labindalawang ito. Tinagubilinan niya ang mga ito at sinabi, “Huwag kayong pumunta sa alin mang lugar na tinitirhan ng mga Gentil, at huwag kayong papasok sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, pumunta kayo sa mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. 7 At sa pagpunta ninyo, ipangaral ninyo at sabihing, 'Ang kaharian ng langit ay nalalapit na.' 8 Pagalingin ninyo ang may sakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin, at palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang walang bayad, ipamigay ninyo nang walang bayad.

  45. 44 Sinabi niya sa kanila, “Nang kasama ko kayo, sinabi ko sa inyo na lahat ng nakasulat sa kautusan ni Moises at ng mga propeta at sa Aklat ng Mga Awit ay kailangan matupad.” 45 At binuksan niya ang kanilang mga isipan upang maunawaan nila ang Kasulatan.

    46 Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47 At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Kayo ay mga saksi ng lahat ng ito.

    49 Tingnan ninyo, ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Ngunit mag-hintay kayo sa lungsod, hanggang kayo ay mapagkalooban ng kapangyarihang mula sa taas.”

  46. 12 Isang pinto ang binuksan para sa akin ng Panginoon nang ako ay pumunta sa lungsod ng Troas upang maipangaral ang ebanghelyo ni Cristo doon. 13 Kahit pa walang kapayapaan sa aking isipan, dahil hindi ko nahanap doon si Tito na aking kapatid. Kaya iniwan ko sila doon at bumalik sa Macedonia.

    14 Ngunit, salamat sa Diyos na laging nagdadala sa atin sa tagumpay kay Cristo. Sa pamamagitan natin, ipinalaganap niya ang mabangong samyo ng kaalaman sa kaniya sa lahat ng dako. 15 Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong samyo kay Cristo, maging sa mga nailigtas at sa mga napapahamak. 16 Sa mga taong napapahamak, ito ay isang samyo mula sa kamatayan para sa kamatayan. Sa mga nailigtas, ito ay isang samyo mula sa buhay para sa buhay. Sino ang karapat-dapat sa mga bagay na ito?

    17 Dahil hindi kami tulad ng maraming tao na ipinagbibili ang salita ng Diyos para sa kita. Kundi, sa malinis na layunin, nagsasalita kami kay Cristo, dahil kami ay mga sinugo mula sa Diyos, sa paningin ng Diyos.

  47. 4 Mga kapatid na iniibig ng Diyos, alam namin ang inyong pagkatawag, 5 kung paanong ang ating ebanghelyo ay dumating sa inyo na hindi lamang sa salita, ngunit gayon din sa kapangyarihan, sa Banal na Espiritu, at sa lubos na katiyakan. Gayon din naman, inyong nalalaman kung anong uri ng tao kami sa inyo para sa inyong kapakanan. 6 ninyo kami at ang Panginoon, gaya nga ng pagtanggap ninyo sa salita sa matinding paghihirap na may kagalakan mula sa Banal na Espiritu.

    7 Bilang resulta, kayo ay naging halimbawa sa lahat ng mananampalataya sa Macedonia at Acaya. 8 Sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay lumaganap, at hindi lamang sa Macedonia at Acaya. Kundi, sa lahat ng dako kung saan ang inyong pananampalataya sa Diyos ay naibalita. Bilang resulta, hindi na namin kailangang magsalita ng ano pa man.

  48. 7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan, at mga balita ng digmaan, huwag kayong mag-alala; dapat mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Sapagkat makikipaglaban ang isang bansa sa kapwa niya bansa, at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga lindol sa maraming lugar at mga tag-gutom. Ito ang mga pasimula ng paghihirap na tulad ng isang babaing manganganak.

    9 Maging mapagbantay kayo. Dadalhin nila kayo sa mga konseho, at kayo ay bubugbugin sa mga sinagoga. Haharap kayo sa mga hari at mga gobernador alang-alang sa akin, bilang isang patotoo sa kanila. 10 Ngunit ang ebanghelyo ay dapat munang maihayag sa lahat ng mga bansa.

  49. 16 Isang araw, siya ay pumunta sa Nazaret, ang lungsod na kung saan siya pinalaki. Sa kaniyang nakagawian, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pamamahinga, at tumayo upang basahin ang kasulatan. 17 Ang balumbon ni propeta Isaias ay iniabot sa kaniya, kaya binuksan niya ang balumbon at nakita ang bahagi kung saan nakasulat, 18 “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, dahil itinalaga niya ako upang ipangaral ang magandang balita sa mga mahihirap. Isinugo niya ako upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at manumbalik ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga inaapi, 19 ipahayag ang pinagpalang panahon ng Panginoon.”

    20 Pagkatapos ay inirolyo niya ang kasulatang binalumbon, ibinalik sa tagapangasiwa ng sinagoga, at umupo. Ang mga mata ng lahat ng tao sa sinagoga ay nakatuon sa kaniya. 21 Siya ay nagsimulang magsalita sa kanila, “Ngayon itong kasulatan ay natupad sa inyong pandinig.”

  50. 43 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Dapat ko ring ipangaral ang magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos sa marami pang lungsod, dahil ito ang dahilan kung bakit ako ipinadala dito.”

  51. 42 Inutusan niya kami upang mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang pinili ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at mga patay. 43 Ito ay para sa kaniya kaya nagpapatotoo ang mgapropeta, upang ang lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay makatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”

    44 Habang sinasabi pa lamang ni Pedro ang mga bagay na ito, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa lahat ng mga nakikinig sa kaniyang mensahe. 45 Ang mga taong napabilang sa mga mananampalatayang tuli—lahat ng mga sumama kay Pedro— ay namangha, dahil ang kaloob ng Banal na Espiritu ay naibuhos din sa mga Gentil. 46 Dahil narinig nila ang mga Gentil na nagsasalita ng iba't-ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Pagkatapos sinabi ni Pedro, 47 “Mayroon bang hahadlang sa mga taong ito upang hindi mabautismuhan sa tubig, ang mga taong ito na nakatanggap ng Banal na Espiritu na katulad natin?” 48 At sila ay inutusan niya na magpabautismo sa ngalan ni Jesu-Cristo. At hiniling nila na manatili siya sa kanila ng ilang araw.

  52. 14 Ako man sa aking sarili ay naniniwala tungkol sa inyo, aking mga kapatid. Naniniwala din ako na kayo mismo ay puno ng kabutihan, puno ng lahat ng kaalaman. Naniniwala ako na kayo ay may kakayahan ding payuhan ang isa't isa. 15 Ngunit mas matapang akong sumusulat sa inyo tungkol sa ilang mga bagay upang paalalahanan kayong muli, dahil sa kaloob na ibinigay sa akin ng Diyos. 16 Itong kaloob na dapat akong maging lingkod ni Cristo Jesus na isinugo sa mga Gentil, upang ihandog bilang isang pari ang ebanghelyo ng Diyos. Kailangan kong gawin ito upang ang handog ng mga Gentil ay maging katanggap-tanggap, nakalaan sa Diyos sa pamamangitan ng Banal na Espiritu.

    17 Kaya ang aking kagalakan ay kay Cristo Jesus at sa mga bagay na mula sa Diyos. 18 Sapagkat hindi ako mangangahas na magsalita ng kahit na ano maliban sa mga bagay na ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko para sa pagsunod ng mga Gentil. Ito ay mga bagay ng ginawa sa pamamagitan ng salita at gawa, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga tanda at mga kahanga-hangang gawa, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ito ay nangyari mula sa Jerusalem, at sa palibot hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko nang lubos ang ebanghelyo ni Cristo.

    20 Sa ganitong paraan, ang aking hangarin ay ang maipahayag ang ebanghelyo, ngunit hindi kung saan kilala ang pangalan ni Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa pundasyon ng ibang tao. 21 Katulad ng nasusulat: “Makikita siya ng mga hindi dinatnan ng balita tungkol sa kaniya, at maiintindihan ng mga hindi nakarinig.”

  53. 10 Sapagkat tayo ay haharap sa hukuman ni Cristo, upang ang bawat isa ay makatanggap ng nararapat sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa katawan, maging sa mabuti man o masama.

    11 Samakatuwid, sa pagkaalam ng takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao. Malinaw na nakikita ng Diyos kung sino tayo. Sana ay malinaw din ito sa inyong budhi.

  54. 1 Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa.

  55. 9 Umakyat ka sa mataas na bundok Sion, tagapagdala ng mabuting balita; buong lakas mong itaas ang iyong tinig, ipahayag mo sa Jerusalem ang mga mabuting balita. Sumigaw ka nang malakas; huwag kang matakot. Sasabihin mo sa mga lungsod ng Juda, “Narito ang inyong Diyos!” 10 Masdan niyo, ang Panginoon na si Yahweh ay dumadating bilang matagumpay na mandirigma, at ang kaniyang malakas na bisig ang namumuno para sa kaniya. Tingnan mo, ang kaniyang gantimpala ay nasa kaniya, at ang kaniyang gantimpala ay nauuna sa kaniya. 11 Papakainin niya ang kaniyang kawan tulad ng isang pastol, titipunin niya ang mga tupa sa kaniyang bisig, at dadalhin sila ng malapit sa kaniyang puso, at dahan-dahang pangungunahan ang mga babaing tupa na inaalagaan ang kanilang anak.

  56. 23 Sapagkat ipapakita ko ang aking kadakilaan at ang aking kabanalan at ipakikilala ko ang aking sarili sa mga mata ng maraming bansa, at malalaman nila na ako si Yahweh!”'

  57. 17 Mula nang panahong iyon, nagsimulang mangaral si Jesus at sinasabi, “Magsisi na kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”

  58. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.

  59. 23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea, nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinangaral niya ang ebanghelyo ng kaharian, pinapagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao.

  60. 1 Ito ang simula ng ebanghelyo tungkol kay Jesu-Cristo, na Anak ng Diyos. 2 Katulad ng nasusulat sa aklat ni Isaias na propeta, “Tingnan mo, ipapadala ko ang aking taga-pamalita na mauuna sa iyo, ang maghahanda ng iyong daan. 3 Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, 'Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Ituwid ang kaniyang daraanan.'”

    4 Dumating si Juan na nagbabautismo sa ilang at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi alang-alang sa kapatawaran ng mga kasalanan.

  61. 1 Samakatuwid, dahil kami ay mayroong ganitong ministeryo, at dahil nakatanggap kami ng awa, hindi kami pinanghinaan ng loob. 2 Sa halip, itinakwil pa namin ang mga kaparaanan na kahiya-hiya at nakatago. Hindi kami namumuhay sa pandaraya, at hindi namin ginagamit sa maling paraan ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan, iminumungkahi namin ang aming sarili para sa budhi ng lahat sa paningin ng Diyos. 3 Ngunit kung ang ating ebanghelyo ay nakatalukbong, nakatalukbong lamang ito sa mga nawawala.

    4 Sa kanilang kalagayan, ang kanilang mga isip na walang pananampalataya ay binulag ng diyos ng mundong ito. Bilang resulta nito, wala silang kakayanang makita ang liwanag ng kaluwalhatian ni Cristo, na kalarawan ng Diyos. 5 Sapagkat hindi namin ipinapangaral ang aming mga sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami bilang inyong mga lingkod alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat ang Diyos ang siyang nagsabi, “Ang liwanag ay magniningning mula sa kadiliman.” Siya ay nagliwanag sa aming mga puso, upang ibigay ang liwanag ng kaalaman sa kaluwalhatian ng Diyos sa presensiya ni Jesu-Cristo.

  62. 1 Kayo mismo ang nakakaalam mga kapatid, na ang aming pagpunta sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan. 2 Alam naman ninyo na kami ay naghirap noon at inalipusta ng kahiya-hiya sa Filipos, gaya ng inyong alam. Malakas ang loob namin sa ating Diyos na ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos na may labis na pagsisikap.

    3 Sapagkat ang aming panghihikayat ay hindi galing sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang. 4 Sa halip, kami ay pinagtibay ng Diyos na napagkatiwalaan ng ebanghelyo, kaya ito ay aming sinasabi. Kami ay nagsasalita, hindi upang magbigay lugod sa mga tao, kundi upang magbigay lugod sa Diyos. Siya ang nakakasiyasat sa aming mga puso.

  63. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.

  64. 1 O, umawit kay Yahweh ng isang bagong awitin; umawit kay Yahweh, buong daigdig. 2 Umawit kay Yahweh, purihin ang kanyang pangalan; ipahayag ang kanyang kaligtasan araw-araw. 3 Ipahayag ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa gitna ng lahat ng mga bansa. 4 Dahil si Yahweh ay dakila at marapat siyang papurihan ng lubos. Dapat siyang katakutan higit sa lahat ng ibang mga diyos.

  65. 29 Sinabi ni Jesus, “Totoo ang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman ang nang-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita, 30 ang hindi makatatanggap ng isandaang ulit pa ng mga ito sa mundo ngayon: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak at mga lupain na may mga pag-uusig, at sa mundong paparating, ang buhay na walang hanggan.

  66. 15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.”

    16 Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”.

    17 Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”.

  67. 36 Kaya naman siguraduhing ipaalam sa lahat ng tahanan sa Israel na ginawa siya ng Diyos na parehong Panginoon at Cristo, ang Jesus na ito na ipinako ninyo sa krus.”

    37 Nang marinig nila ito, nadurog ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa iba pang mga apostol, “Mga kapatid, ano ba ang dapat naming gawin?”

    38 At sinabi ni Pedro sa kanila, “Magsisi at magpabautismo, ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at inyong tatanggapin ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat sa inyo ang pangako at sa inyong mga anak at sa lahat ng mga nasa malayo, at sa mga tao na tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

    40 Pinatotohanan at hinimok niya sila sa pamamagitan ng maraming mga salita; sinabi niya,” Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa mga masasamang salin-lahing ito. 41 Pagkatapos tinanggap nila ang kaniyang salita at nabautismuhan, at ng araw na iyon may mga naidagdag na aabot sa tatlong libong mga kaluluwa.

  68. 18 At ano ang aking gantimpala? Na kung ako ay nangangaral, maiaalok ko ang ebanghelyo nang walang bayad at hindi ko lubos na gagamitin ang aking karapatan sa ebanghelyo.

  69. 8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, mula sa binhi ni David, na binuhay mula sa mga patay. Ayon ito sa aking mensahe ng ebanghelyo, 9 kung saan ako ay nagdurusa na humantong sa pagkakadena sa akin na parang isang kriminal. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nakatanikala. 10 Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay para sa mga pinili, upang matamo din nila ang kaligtasan na nakay Cristo Jesus, na may kaluwalhatian na walang hanggan.

    11 Ang kasabihang ito ay mapagkakatiwalaan, “Kung namatay tayong kasama niya, mabubuhay din tayo kasama niya. 12 Kung magtitiis tayo, maghahari din tayong kasama niya. Kung ikakaila natin siya, ikakaila din niya tayo. 13 Kung hindi tayo tapat, nananatili siyang tapat, sapagkat hindi niya maaaring ipagkaila ang kaniyang sarili.”

  70. 9 Pinahayag ko ang magandang balita ng iyong katuwiran sa malaking pagtitipon; Yahweh, alam mong hindi ko mapipigilan ang labi ko sa pagsasabi nito. 10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa aking puso; inihayag ko ang iyong katapatan at kaligtasan; hindi ko itinago ang iyong katapatan sa tipan o iyong pagiging mapagkakatiwalaan sa malaking pagtitipon.

  71. 4 Sa araw na iyon, inyong sasabihin, “Magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at tumawag sa kaniyang pangalan; sabihin ang kaniyang mga ginawa sa kalagitnaan ng mga tao, ihayag ang dakila niyang pangalan.

  72. 8 Sinasabi ko sa inyo, ang bawat taong kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos, 9 ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.

  73. 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng siyang nagpadala sa akin, at para tapusin ang kaniyang gawa. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, 'Mayroon pang apat na buwan at pagkatapos darating ang anihan'? Sinasabi ko sa inyo, tingnan ninyo at pagmasdan ang mga kabukiran, dahil ang mga iyon ay hinog na upang anihin!

    36 Ang nag-aani ay tatanggap ng bayad at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang nagtatanim at ang umaanii ay maaaring magkasamang magdiwang. 37 Dahil dito totoo ang kasabihan 'Isa ang nagtatanim, at iba ang nag-aani.' 38 isinugo ko kayo upang anihin iyong hindi kayo ang nagpagal. Iba ang nagpagal at kayo mismo ay napabilang sa kanilang pagpapagal.”

  74. 10 Nang makita ni Pablo ang pangitain, nagmamadali kaming pumunta sa Macedonia, pinatutunayan na tinawag kami ng Diyos upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

  75. 15 Tunay na inihahayag ng iba si Cristo dahil sa inggit at alitan, at ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban. 16 Ang mga naghahayag kay Cristo dahil sa pag-ibig ay nalalaman na inilagay ako dito upang ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ngunit ipinapahayag ng iba si Cristo dahil sa makasarili at hindi tapat na mga dahilan. Iniisip nilang mapapahirapan nila ako habang nasa kulungan.

    18 Ano naman? Sa alinmang paraan maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, naihahayag si Cristo, at dahil dito nagagalak ako! Oo, ako ay magagalak.

  76. 16 At hindi maikakaila na ang katotohanang inihayag ng pagkamaka-diyos ay dakila: “Nagpakita siya sa laman, pinatunayang matuwid ng Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinahayag sa mga bansa, pinaniwalaan sa mundo, at itinaas sa kaluwalhatian.”

  77. 14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  78. 6 Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa alapaap, na may walang hanggang mensahe ng magandang balita para ipahayag sa mga naninirahan sa mundo — sa bawat bansa, tribo, wika, at mga tao. 7 Tumawag siya nang may malakas na tinig, “Matakot sa Diyos at bigyan siya ng kaluwalhatian. Dahil sa oras ng kaniyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin siya, siya na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig.