43 Bible Verses About Death

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Death
  1. 50 Ngayon sinasabi ko ito, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi maaring magmana ng kaharian ng Diyos. Ni ang mga nasisira ay hindi magmamana ng hindi nasisira.

    51 Tingnan ninyo! Sinasabi ko sa inyo ang lihim na katotohanan: Tayong lahat ay hindi mamamatay ngunit tayong lahat ay mababago. 52 Tayong ay mababago sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at babangon ang lahat ng namatay na hindi na nasisira at tayo ay mababago. 53 Sapagkat itong nasisira ay dapat mailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay dapat mailagay sa hindi namamatay.

    54 Ngunit kung itong nasisira ay nailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay mailalagay sa hindi namamatay, mangyayari ang tungkol sa kasabihang naisulat, “Nilamon ang kamatayan ng pagtatagumpay.” 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”

    56 Ang kamandag ng kamatayan ay kasalanan at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

    58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

  2. 13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.

    15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.

    18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.

  3. 1 Pagkatapos nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong mundo, dahil ang unang langit at unang mundo ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. 2 Nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumamababa mula sa langit mula sa Diyos, inihanda tulad ng isang babaeng ikakasal na pinaganda para sa kaniyang asawa.

    3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono sinasabing: “Tingnan mo! Ang tirahan ng Diyos ay kasama ng mga tao, at siya ay naninirahan kasama nila. Sila ay magiging kaniyang bayan, at ang Diyos mismo ay makakasama nila at siya ay magiging kanilang Diyos. 4 Papahirin niya ang bawat luha mula sa kanilang mga mata, wala nang kamatayan, o pagdadalamhati, o pag-iyak, o sakit. Ang naunang mga bagay ay lumipas na.

    5 Siya na nakaupo sa trono ay sinabing, “Tingnan mo! Ginawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi niya, “Isulat mo ito dahil ang mga salitang ito ay mapagkakatiwalaan at totoo.

  4. 9 Gayon pa man, nakikita natin ang isa na ginawa sa maikling panahon, na mababa kaysa mga anghel— si Jesus, dahil sa kaniyang paghihirap at kamatayan ay kinoronahan ng kaluwalhatian at karangalan. Kaya ngayon sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naranasan ni Jesus ang kamatayan para sa bawat tao.

    10 Sapagkat nararapat na ang Diyos, dahil para sa kaniya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming mga anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang nagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng pagdurusa. 11 Sapagkat parehong ang tagapaghandog at mga ihinahandog ay iisa lang ang pinanggalingan, ang Diyos. Dahil dito, ang tagapaghandog nila sa Diyos ay hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinasabi niya, “Ipapahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, aawitin ko ang tungkol saiyo sa loob ng pagpupulong.”

    13 At sinasabi niyang muli, “Magtitiwala ako sa kaniya.” At muli, “Masdan ninyo, heto ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

    14 Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15 Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.

  5. 12 Kung gayon, sa pamamagitan ng isang tao pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, sa ganitong kapamaraanan pumasok ang kamatayan dahil sa kasalanan. At lumaganap ang kamatayan sa sangkatauhan, dahil nagkasala ang lahat. 13 Sapagkat bago ang kautusan, ang kasalanan ay nasa sanlibutan na, ngunit walang pananagutan para sa kasalanan kung walang kautusan. 14 Gayunpaman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, at kahit pa sa mga hindi nagkasala na katulad ng pagsuway ni Adan na siyang huwaran ng paparating.

    15 Ngunit gayunpaman, ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagkakasala. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagkakasala ng isa ay namatay ang marami, mas higit pa na sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos at ang kaloob sa pamamagitan ng biyaya ng isang tao na si Jesu-Cristo. 16 Sapagkat ang kaloob ay hindi tulad ng kinahantungan ng nagkasala. Sa isang banda, dumating ang paghatol ng kaparusahan dahil sa pagkakasala ng isang tao. Ngunit sa kabilang banda, ang kaloob na nagbubunga ng pagpapawalang-sala ay dumating pagkatapos ng maraming pagkakasala. 17 Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagkakasala ng isa, ang kamatayan ay naghari sa pamamagitan ng isa, mas lalo nang maghahari ang mga tatanggap ng kasaganahan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng buhay ng isa na si Jesu-Cristo.

  6. 18 Ano naman? Sa alinmang paraan maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, naihahayag si Cristo, at dahil dito nagagalak ako! Oo, ako ay magagalak. 19 Sapagkat alam kong magdudulot ito sa akin ng paglaya. Mangyayari ito dahil sa inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Naaayon ito sa aking matibay na inaasahan at kasiguraduhan na hindi ako mapapahiya. Sa halip, inaasahan kong maitataas si Cristo sa aking katawan, sa buhay man o sa kamatayan nang may buong tapang, na lagi naman at maging sa ngayon.

    21 Sapagkat para sa akin, ang mabuhay ay kay Cristo at ang mamatay ay kapakinabangan. 22 Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay magdudulot ng bunga sa aking paghihirap, kung gayon hindi ko alam kung ano ang pipiliin. 23 Sapagkat naguguluhan ako sa dalawang pagpipilian na ito. Gusto ko nang mamatay at makasama si Cristo, kung saan iyon ang pinakamabuti! 24 Ngunit ang manatili sa laman ay mas kinakailangan para sa inyong kapakanan.

  7. 23 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang kapatid mo ay babangong muli.”

    24 Sinabi ni Marta sa kaniya, “Alam ko na muli siyang babangon sa muling pagkabuhay sa huling araw.”

    25 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay; ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya ay mamamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; 26 at sinuman ang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi na mamatay. Naniniwala ka ba dito?”

  8. 1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan. 4 Kahit na lumakad ako sa gitna ng napakadilim na anino ng lambak, hindi ko katatakutan ang kapahamakan dahil ikaw ang kasama ko; ang iyong pamalo at iyong tungkod ang nagpapayapa sa akin. 5 Ipinaghahanda mo ako ng isang hapag sa harapan ng aking mga kaaway; binuhusan mo ng langis ang aking ulo; ang saro ko ay nag-uumapaw.

  9. 19 Ngayon, may isang mayamang lalaki na nakadamit ng kulay lila na gawa sa pinong lino, at araw-araw nagsasaya sa kaniyang labis na kayamanan. 20 May isang pulubi na nagngangalang Lazarus na pinahiga sa kaniyang tarangkahan na lipos ng sugat, 21 at inaasam-asam niyang kainin ang nahuhulog sa mesa ng mayamang tao—at maliban doon, lumapit ang mga aso at dinilaan ang kaniyang mga sugat.

    22 At nangyari na namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa kinaroroonan ni Abraham. Namatay din ang mayamang tao at inilibing, 23 at doon sa hades, sa kaniyang pagdurusa, tumingala siya at nakita si Abraham sa malayo at si Lazarus na nasa tabi niya.

    24 At sumigaw siya at sinabi, 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at papuntahin mo si Lazarus, upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, dahil naghihirap ako sa apoy na ito.'

    25 Ngunit sinabi ni Abraham, 'Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo, natanggap mo ang mga magagandang bagay, at si Lazaro sa ganoon ding paraan ay masasamang bagay. Ngunit ngayon, siya ay inaaliw dito, at ikaw ay nagdurusa. 26 At maliban sa lahat ng ito, may malaking bangin na nakalagay upang ang mga gustong tumawid mula rito papunta sa iyo ay hindi makakatawid, at wala ring makakatawid mula riyan papunta sa amin.'

  10. 10 Pero ang tao ay namamatay; nagiging mahina; sa katunayan nga, nalalagutan ng hininga ang tao, at kung gayon nasaan siya? 11 Gaya ng tubig na nawawala sa isang lawa, at tulad ng isang ilog na nauubusan ng tubig at natutuyo, 12 gayundin ang mga tao ay humimlay at hindi na bumangon muli. Hanggang mawala ang kalangitan, hindi na sila gigising ni magigising man sa kanilang pagkakatulog. 13 O, nais mo akong itagong palayo sa sheol na malayo mula sa mga kaguluhan, at nais mo akong panatilihing itago hanggang matapos ang iyong poot, nais mo akong ilagay sa takdang panahon para manatili doon at pagkatapos alalahanin mo ako! 14 Kung ang isang tao ay mamamatay, mabubuhay ba siyang muli? Kung gayon, hinahangad kong maghintay sa nakakapagod na panahon doon hanggang dumating ang aking paglaya. 15 Tatawag ka, at sasagutin kita. Nais mong magkaroon ng hangarin para sa gawa ng iyong mga kamay.

  11. 27 Tulad ng bawat tao ay itinakda na mamatay minsan, at pagkatapos ay ang paghatol,

  12. 11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.

    14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.

  13. 4 Yahweh, ipaalam mo sa akin kung kailan ang katapusan ng aking buhay at ang kahabaan ng aking mga araw. Ipakita mo sa akin kung paano ako lilipas. 5 Tingnan mo, ginawa mo lamang kasing lapad ng aking kamay ang aking mga araw, at ang haba ng aking buhay ay balewala para sa iyo. Tunay na ang bawat tao ay parang isang hininga. Selah 6 Tunay nga na ang bawat tao ay lumalakad tulad ng isang anino. Tunay nga na ang lahat ng tao ay nagmamadali sa pag-iipon ng kayamanan kahit na hindi nila alam kung kanino mapupunta ito.

  14. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  15. 16 Inutusan ni Yahweh na Diyos ang lalaki, sinasabing, “Mula sa bawat puno sa hardin ay malaya kang makakakain. 17 Pero mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama ay hindi ka maaaring kumain, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon, ikaw ay tiyak na mamamatay.”

  16. 1 Kung gayon, wala ng paghatol sa mga taong na kay Cristo Jesus. 2 Sapagkat pinalaya ako ng tuntunin ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan. 3 Sapagkat kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ito sa pamamagitan ng laman ay ginawa ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling Anak na kawangis ng makasalanang laman para maging isang handog sa kasalanan, at hinatulan niya ang kasalanan sa laman. 4 Ginawa niya ito upang sa gayon ang mga hinihingi ng kautusan ay matupad sa atin, tayong mga hindi lumalakad ayon sa laman, ngunit ayon sa Espiritu.

    5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay binibigyang-pansin ang mga bagay na para sa laman, ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay binibigyang pansin ang mga bagay na para sa Espiritu. 6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ito ay dahil sumasalungat sa Diyos ang kaisipan ng laman, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging sakop. 8 Hindi kayang pasiyahin ng taong nasa laman ang Diyos.

  17. 20 Ngunit ngayon si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, ang unang bunga ng mga namatay na. 21 Sapagkat ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng isang tao, at sa pamamagitan rin ng isang tao dumating ang pagkabuhay sa mga patay. 22 Sapagkat gaya kay Adan ang lahat ay mamamatay, gaya din kay Cristo ang lahat ay mabubuhay. 23 Ngunit ayon sa pagkakasunod-sunod ng bawat isa: Si Cristo, ang pangunahin sa mga bunga, at pagkatapos ang mga nakabilang kay Cristo ay bubuhaying muli sa kaniyang pagdating.

    24 Pagkatapos darating ang wakas, kapag nailipat na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama. Ito ay kapag kaniyang binuwag na ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat dapat na Siya ay maghari hanggang maipasakop ang lahat ng mga kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na sisirain ay ang kamatayan. 27 Sapagkat “inilagay niya ang lahat sa ilalim ng kaniyang mga paa.” Ngunit kapag sinasabi, “inilagay niya ang lahat,” ito ay maliwanag na hindi kasama ang naglagay ng lahat na ipinasakop sa kaniya. 28 Kapag ang lahat ay naipasakop na sa kaniya, ang Anak mismo ay magpapasakop doon sa nagpailalim ng lahat sa kaniya. Ito ay mangyayari upang ang Diyos Ama ay maging lahat sa lahat.

  18. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

  19. 1 Alalahanin mo rin ang iyong Manlilikha sa araw ng iyong kabataan, bago dumating ang araw ng paghihirap, at bago dumating ang mga taon na sasabihin mong, “Hindi ako nasisiyahan sa kanila,” 2 bago dumilim ang liwanag ng araw at buwan at mga bituin, at bumalik ang mga maiitim na ulap pagkatapos ng ulan. 3 Iyon ang panahon na manginginig ang mga tagapagbantay ng palasyo, at yuyuko ang mga malalakas na tao, at ang mga babaeng nagdidikdik ay titigil dahil kaunti sila, at ang mga tumatanaw sa mga bintana ay hindi na makakakita nang malinaw. 4 Iyon ang panahon na isasara ang mga pinto sa lansangan, at titigil ang tunog ng pagdidikdik, kapag nasisindak ang mga lalaki sa tinig ng ibon, at kapag lumilipas na ang mga kanta ng mga babae. 5 Iyon ang panahon na matatakot ang mga lalaki sa mga matataas na lugar at sa mga kapahamakan sa lansangan, kapag sumagana ang puno ng pili, at kapag hinahatak ng mga tipaklong ang mga sarili nila, at kapag naglaho ang mga likas na pagnanasa. Pagkatapos, pupunta ang tao sa kaniyang walang hanggang tahanan at ang mga nagdadalamhati ay tutungo sa mga lansangan. 6 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha bago maputol ang pilak na tali, o madurog ang gintong mangkok, o mabasag sa batis ang lalagyan ng tubig, o masira ang gulong ng tubig sa balon, 7 bago bumalik ang alabok sa lupa kung saan ito nanggaling, at bumalik sa Diyos ang espiritu na siyang nagbigay nito. 8 “Usok,” ang sabi ng Mangangaral, “ang lahat ay naglalahong usok.”

  20. 32 Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling Anak ngunit ibinigay niya para sa ating lahat, paanong hindi niya rin ibibigay sa atin ng libre ang lahat ng bagay? 33 Sino ang magpaparatang laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang nagpapawalang-sala. 34 Sino ang hahatol? Si Cristo na siyang namatay para sa atin at higit pa roon, binuhay din siyang muli. Naghahari siya kasama ang Diyos sa lugar ng karangalan at siya ang namamagitan para sa atin.

    35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang matinding pagdurusa ba, o pagdadalamhati, o pag-uusig, o pagkagutom, o kahubaran, o panganib, o espada? 36 Gaya ng nasusulat, “Para sa iyong kapakinabangan pinapatay kami buong araw. Itinuturing kaming tulad ng isang tupa na kakatayin.”

    37 Sa lahat ng bagay na ito, higit pa tayo sa mga manlulupig sa pamamagitan ng nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat naniniwala ako na kahit ang kamatayan, ni ang buhay, ni mga anghel, ni mga pamahalaan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, 39 ni ang kataasan, ni ang kailaliman, ni anumang bagay na nilikha, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  21. 19 Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik.”

  22. 1 Para sa inyo, kayo ay mga patay sa inyong mga pagkakasala at mga kasalanan. 2 Sa ganito rin kayo minsang lumakad ayon sa panahon ng mundong ito. Lumalakad kayo ayon sa kapangyarihan ng namumuno sa hangin. Ito ang kaniyang espiritu na gumagawa sa mga anak ng pagsuway. 3 Tayong lahat ay minsan ding naging katulad ng mga hindi mananampalataya. Gumagawa tayo ayon sa mga masasamang nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang kagustuhan ng laman at ng isip. Likas tayong mga anak ng poot katulad ng iba.

    4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan.

  23. 5 Dahil alam ng mga nabubuhay na tao na mamamatay sila, ngunit walang alam ang mga patay. Wala na silang gantimpala dahil ang kanilang alaala ay nakalimutan na. 6 Ang kanilang pag-ibig, pagkamuhi, at inggit ay matagal nang naglaho. Hindi na sila magkakaroon ng lugar sa anumang bagay na ginawa sa ilalim ng araw.

  24. 19 Subalit sinasabi mo, 'Bakit hindi magawang akuin ng anak ang katampalasan ng kaniyang ama?' Dahil isinasagawa ng lalaking anak ang katarungan at katuwiran; at iniingatan ang aking mga utos at ginagawa niya ang mga ito. Tiyak na mabubuhay siya!

    20 Ang siyang nagkasala, siya ang mamamatay. Hindi dadalhin ng anak ang kasalanan ng kaniyang ama, at hindi dadalhin ng ama ang kasalanan ng kaniyang anak. Ang katuwiran ng taong kumikilos nang makatarungan ay sa kaniyang sarili, at ang kasamaan ng masamang tao ay sa kaniyang sarili.

    21 Ngunit kung ang taong makasalanan ay tatalikod sa lahat ng kaniyang mga ginawang kasalanan, at iingatan ang aking mga kautusan at isasagawa ang katarungan at katuwiran, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay. 22 Lahat ng pagsuway na kaniyang ginawa ay hindi na aalalahanin laban sa kanila. Siya ay mabubuhay sa pamamagitan ng katuwiran na kaniyang ginagawa na patuloy na ginagawa. 23 Labis ko bang ikinagagalak ang pagkamatay ng makasalanan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—at hindi ang kaniyang pagtalikod mula sa kaniyang kaparaanan upang siya ay mabuhay?

    24 Subalit kung ang matuwid na tao ay tumalikod sa kaniyang pagkamakatuwiran at isinagawa ang mga kasuklam-suklam tulad ng lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Lahat ng matuwid na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin kapag ipinagkanulo niya ako sa kaniyang kataksilan. Kaya siya ay mamamatay sa mga kasalanang kaniyang ginawa.

  25. 7 Sapagkat wala sa atin ang nabubuhay para sa kaniyang sarili, at walang namamatay para sa kaniyang sarili. 8 Sapagkat kung tayo ay nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon. At kung tayo ay mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya kung tayo man ay mamamatay o mabubuhay, tayo ay sa Panginoon.

  26. 1 Alam natin na kung nasira ang ating lupang tahanan na tinitirahan, mayroon tayong tahanan sa langit na ginawa ng Diyos. Ito ay tirahan na hindi ginawa ng kamay ng tao, kundi walang hanggang tahanan, sa langit. 2 Sapagkat dumaraing tayo sa katawang lupa na ito, na naghahangad na madamitan ng ating makalangit na tahanan. 3 Hinahangad natin ito sapagkat sa pamamagitan ng ating pagsuot dito hindi tayo madaratnang hubad. 4 Sapagkat habang nakatira pa tayo sa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil nabibigatan. Ayaw nating matanggalan ng damit. Sa halip, nais nating madamitan, upang ang katawang namamatay ay mapalitan ng buhay.

  27. 14 Ililigtas ko ba talaga sila mula sa kapangyarihan ng sheol? Ililigtas ko ba talaga sila mula sa Kamatayan? Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Dalhin mo sila rito. Sheol, nasaan ang iyong pagwawasak? Dalhin mo ito dito. Nakatago mula sa aking mga mata ang kahabagan.”

  28. 6 Kaya maging laging malakas ang loob. Dapat nating malaman na habang tayo ay nasa katawang-lupa, malayo tayo sa Panginoon. 7 Sapagkat lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Kaya mayroon tayong lakas ng loob. Mas pipiliin pa nating iwanan ang katawang ito at manirahan kasama ng Panginoon.

  29. 11 Kung kayo ay may tainga, makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang isa na siyang nakalupig ay hindi masasaktan sa pamamagitan ng ikalawang kamatayan.

  30. 2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng daigdig ang babangon, ang ilan ay sa walang hanggang buhay at ang ilan ay sa kahihiyan at walang hanggang pagdurusa.

  31. 24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.

    25 Tunay nga, sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon at narito na, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nakarinig ay mabubuhay. 26 Sapagkat tulad ng Ama na may buhay sa kaniyang sarili, kaya binigyan din niya ang Anak ng buhay sa kaniyang sarili,

  32. 6 Sapagkat ako ay ibinubuhos na. Dumating na ang araw ng aking pag-alis. 7 Nakipaglaban ako ng mabuti sa paligsahan, natapos ko ang aking takbuhin, napanatili ko ang pananampalataya. 8 Ang korona ng katuwiran ay nakalaan na para sa akin, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, sa araw na iyon. At hindi lamang sa akin ngunit sa lahat din ng umiibig sa kaniyang pagpapakita.

  33. 39 Nilait siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus, sinasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.”

    40 Ngunit sumagot ang isa, sinaway siya at sinabi, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos, sapagkat ikaw ay nasa ilalim ng parehong parusa? 41 Nararapat lang na narito tayo, sapagkat tinatanggap natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit ang taong ito ay walang ginawang mali.” 42 At dagdag pa niya, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”

    43 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tunay ngang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa paraiso.”

    44 Nang pasapit na ang Ika-anim na oras, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras 45 habang nagdidilim ang araw. Pagkatapos, nahati sa gitna ang kurtina ng templo.

    46 At si Jesus, na may malakas na tinig ay nagsabi, “Ama, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu sa iyong mga kamay.” Pagkasabi niya nito, siya ay namatay.

    47 Nang makita ng senturion ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos, sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito.” 48 Nang ang mga bagay na naganap ay nakita ng napakaraming taong sama-samang dumating upang saksihan ang pangyayaring ito, nagsi-uwian sila na dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, at ang mga babaing sumunod sa kaniya mula sa Galilea, ay nakatayo sa di-kalayuan, pinapanood ang mga bagay na ito.

  34. 11 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito, at pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi niya sa kanila, “Ang ating kaibigan na si Lazaro ay nakatulog, subalit pupunta ako doon upang gisingin siya mula sa kaniyang pagkakatulog.”

    12 Kaya sinabi ng mga alagad sa kaniya, “Kung si Lazaro ay nakatulog, siya ay gagaling. 13 Ngayon, sinabi sa kanila ni Jesus ang tungkol sa kamatayan ni Lazaro, ngunit inakala nilang lahat na ito ay tungkol lamang sa pagpapahinga sa pagtulog.

    14 Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus nang malinaw, “Si Lazaro ay patay na.”

  35. 1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Dapat ba tayong magpatuloy sa kasalanan upang managana ang biyaya? 2 Huwag nawa itong mangyari. Tayong mga namatay sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay rito? 3 Hindi ba ninyo alam na kung gaano karami ang nabautismuhan kay Jesu-Cristo ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Inilibing na tayo kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Nangyari ito upang gaya ng pagkabuhay ni Cristo mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, lalakad din tayo sa panibagong buhay.

    5 Sapagkat kung tayo ay nakiisa sa kaniya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tayo rin ay makikiisa sa kaniyang muling pagkabuhay.

  36. 8 Kaya huwag mong ikakahiya ang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, maging ako, si Pablo, na kaniyang bilanggo. Sa halip, makibahagi sa pagdurusa para sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos. 9 Ang Diyos ang nagligtas sa atin at tumawag sa atin sa banal na pagkatawag. Ginawa niya ito, hindi ayon sa ating mga gawa, ngunit ayon sa kaniyang layunin at biyaya. Ibinigay niya ang mga bagay na ito sa atin kay Cristo Jesus bago pa ang pasimula ng panahon. 10 Ngunit ngayon naihayag na ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Si Cristo ang siyang naglagay ng hangganan sa kamatayan at nagdala ng buhay na walang hangganan upang magliwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo.

  37. 29 Kapag itinatago mo ang iyong mukha, sila ay nababagabag; kapag nilalagot mo ang kanilang hininga, sila ay namamatay at nauuwi sa alabok.

  38. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  39. 10 Kung nasa inyo si Cristo, sa isang panig ang katawan ay patay sa kasalanan, ngunit sa kabilang panig ang espiritu ay buhay sa katuwiran. 11 Kung ang Espiritu ng Diyos na bumuhay kay Jesus mula sa kamatayan ang nananahan sa inyo, siya na bumuhay kay Cristo mula sa kamatayan ang magbibigay din ng buhay sa inyong mga namamatay na katawan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na siyang nananahan sa inyo.

    12 Kaya nga, mga kapatid, may mga utang tayo, ngunit hindi sa laman upang mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat kung mabubuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu inyong pinatay ang mga gawain ng inyong katawan, kayo ay mabubuhay.

  40. 4 Pagkatapos nakita ko ang mga trono. Ang mga binigyan ng kapangyarihang humatol ang nakaupo sa mga ito. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo tungkol kay Cristo at sa salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o sa kaniyang imahe, at tumanggi silang tanggapin ang tatak sa kanilang mga noo at kamay. Nabuhay silang muli, at naghari kasama ni Cristo ng isang libong taon.

    5 Ang ibang mga namatay ay hindi na nabuhay muli hanggang sa matapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay. 6 Pinagpala at banal ang sinuman na makibahagi sa unang muling pagkabuhay! Ang pangalawang kamatayan ay walang kapangyarihan na tulad ng mga ito. Sila ay magiging mga pari ng Diyos at sila ay maghahari kasama niya sa loob ng isang libong taon.

  41. 5 Bakit kailangang matakot ako sa mga araw ng kasamaan, kapag napapaligiran ako ng kasamaan sa aking mga sakong? 6 Ang mga nagtitiwala sa kanilang yaman at ipinagmamalaki ang halaga ng kanilang yaman - 7 tiyak na walang makatutubos sa kaniyang kapatid o makapagbibigay sa Diyos ng panubos para sa kaniya, 8 Dahil mahal ang pagtubos ng buhay ng isang tao, at sa ating pagkakautang walang makakapagbayad. 9 Walang mabubuhay ng magpakailanman nang hindi mabubulok ang kanyang katawan. 10 Dahil makararanas siya ng pagkabulok. Ang mga marurunong ay namamatay; ang mga hangal at ang mga malupit ay parehong mamamatay at iiwanan nila ang kanilang kayamanan sa iba.

  42. 17 Ang patay ay hindi magpupuri kay Yahweh, ni sinumang bumaba sa katahimikan;

  43. 8 Pero para sa mga duwag, sa walang pananampalataya, sa mga kasuklam-suklam, sa mga mamamatay-tao, sa mga sekswal na imoralidad, sa mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kanilang lugar ay sa dagat-dagatang apoy ng nagniningas na asupre. Na siyang ikalawang kamatayan.