76 Bible Verses About Love
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
7 Minamahal, mahalin natin ang isa't isa, dahil ang pag-ibig ay sa Diyos, at lahat ng nagmamahal ay pinanganak sa Diyos at kilala ang Diyos. 8 Ang taong hindi nagmamahal ay hindi kilala ang Diyos, dahil ang Diyos ay pag-ibig.
9 Sa pamamagitan nito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa atin, na pinadala ng Diyos ang kanyang bugtong na anak sa mundo upang tayo ay maaring mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Sa ganito ang pag-ibig, hindi dahil minahal natin siya, kundi minahal niya tayo, at pinadala niya ang kanyang Anak na maging kabayaran ng ating mga kasalanan.
11 Minamahal, kung tayo'y lubos na minahal ng Diyos, nararapat din nating mahalin ang bawat isa. 12 Walang sinuman ang nakakita kailanman sa Diyos. Kung mahal natin ang isa't isa, ang Diyos ay mananatili sa atin at ang pag-ibig niya ay lubos na nasa atin.
-
16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.
-
16 At alam natin at pinaniwalaan ang pag-ibig na mayroon ang Diyos na nasa sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig, at siyang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganito ang pagmamahal ay ginawang lubos sa atin, nang sa gayon tayo ay maaring magkaroon ng kasiguraduhan sa araw ng paghuhukom, dahil gaya niya, gayon din tayo sa mundong ito.
18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pero ang pag-ibig na lubos ay inaalis ang takot, dahil ang takot ay may kinalaman sa kaparusahan. Pero kung sinuman ang siyang natatakot ay hindi nagawang lubos sa pag-ibig. 19 Nagmamahal tayo dahil minahal muna tayo ng Diyos.
20 Kung sinuman ang nagsasabi, “Mahal ko ang Diyos” pero kinapopootan ang kanyang kapatid siya ay isang sinungaling. Pagkat ang sinuman na hindi umiibig sa kanyang kapatid, na kanyang nakikita, ay hindi umiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. 21 At ito ang kautusan na mayroon tayo mula sa kanya: Kung sinuman ang nagmamahal sa Diyos ay dapat ding mahalin ang kanyang kapatid.
-
4 Ang pag-ibig ay mapagpasensya at magandang loob. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit o nagyayabang. Hindi mapagmataas, 5 o hindi marahas. Hindi makasarili, hindi madaling magalit, ni nagkikimkim ng bilang na mga kamalian. 6 Hindi nagsasaya sa kalikuan. Sa halip, nagsasaya sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay kinakaya ang lahat ng mga bagay, pinaniniwalaan ang lahat, at nagtitiwala sa lahat ng mga bagay, at tinitiis ang lahat ng mga bagay.
8 Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroon mang mga propesiya, ang mga ito ay lilipas. Kung mayroon mang pagsasalita ng wika, ang mga ito ay hihinto, at kung may kaalaman ito ay lilipas. 9 Sapagkat nalalaman natin ng bahagya at nakapagpapahayag din tayo ng ng propesiya ng bahagya. 10 Ngunit kapag ang kaganapan ay dumating na, ang alin mang hindi ganap ay lilipas.
11 Noong ako ay bata pa, ang salita ko ay tulad ng isang bata. Ang isip ko ay tulad ng isang bata, nagdadahilan ako na tulad ng isang bata. Ngunit ng ako ay nasa hustong gulang na, iniwan ko na ang mga bagay ng pagiging isip-bata. 12 Sa ngayon ang nakikita natin sa salamin ay tila madilim na larawan, ngunit pagkatapos ay mukhaan na. Ngayon ay nalalaman ko ang bahagya, ngunit sa pang-hinaharap lubusan ko ng malalaman na gaya ng lubos na pagkakilala sa akin.
13 Ngunit ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananampalataya, pag-asa sa hinaharap, at pag-ibig. Ngunit ang higit sa lahat ng mga ito ay ang pag-ibig.
-
36 “Guro, alin ba ang pinakadakilang utos sa kautusan?”
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.' 40 Dito sa dalawang mga kautusang ito nakasalalay ang buong kautusan at ang mga propeta.”
-
3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.
6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos. 7 Sapagkat mahirap para sa isang tao na mamatay para sa isang matuwid na tao. Iyan ay, marahil kung may isang maglalakas-loob na mamatay para sa mabuting tao. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin.
9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay natanggap natin ang pagkakasundong ito.
-
31 Nang si Judas ay umalis na, sinabi niJesus, “Ngayon ang Anak ng Tao ay naluwalhati. 32 At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya. Luluwalhatiin siya ng Diyos sa kaniyang sarili, at agad siyang luluwalhatiin niya.
33 Mga batang paslit, makakasama pa ninyo ako ng maikli pang panahon. Hahanapin ninyo ako, at tulad ng sinabi ko sa mga Judio, 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakapunta.' Ngayon sinasabi ko rin ito sa inyo.
34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”
-
12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.
-
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.
-
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kasuklaman kung ano ang masama; panghawakan kung ano ang mabuti. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.
11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.
12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.
13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.
-
1 Ipagpalagay na nakapagsasalita ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel. Ngunit kung wala akong pag-ibig, ako ay gaya lang ng isang batingaw na maingay o ng isang pompiyang na umaalingawngaw. 2 Ipagpalagay na mayroon akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ang lahat ng lihim na katotohanan at kaalaman, at mayroon ako ng lahat ng pananampalataya sa ganoon ay napapalipat ko ang mga bundok. Ngunit kung ako ay walang pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. 3 At ipagpalagay na naibibigay ko ang lahat ng nasa akin upang maipakain sa mga mahihirap, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin. Ngunit kung wala akong pag-ibig, ako ay walang pakinabang.
-
43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.' 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, 45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid. 46 Sapagkat kung mamahalin ninyo lamang ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong babatiin, ano ang ginawa ninyo na higit sa iba? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga Gentil?
48 Kaya dapat kayong maging ganap sapagkat ang inyong Amang nasa langit ay ganap.
-
35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang matinding pagdurusa ba, o pagdadalamhati, o pag-uusig, o pagkagutom, o kahubaran, o panganib, o espada? 36 Gaya ng nasusulat, “Para sa iyong kapakinabangan pinapatay kami buong araw. Itinuturing kaming tulad ng isang tupa na kakatayin.”
37 Sa lahat ng bagay na ito, higit pa tayo sa mga manlulupig sa pamamagitan ng nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat naniniwala ako na kahit ang kamatayan, ni ang buhay, ni mga anghel, ni mga pamahalaan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, 39 ni ang kataasan, ni ang kailaliman, ni anumang bagay na nilikha, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
-
12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap.
-
1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.
4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag.
-
21 Ang sinuman na mayroon ng aking mga kautusan at isinasagawa ang mga ito; siya ang nagmamahal sa akin; at siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at mamahalin ko rin siya, at ipakikita ko sa kaniya ang aking sarili.”
22 Sinabi ni Judas (hindi si Iscariote) kay Jesus, “Panginoon, ano ang nangyayari na inyong ipakikita ang iyong sarili sa amin at hindi sa mundo?”
23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: “Kung sinuman ang magmamahal sa akin, isasagawa niya ang aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama, at kami ay paparoon sa kaniya at gagawa kami ng aming tirahan kasama niya. 24 Ang sinumang hindi nagmamahal sa akin ay hindi isinasagawa ang aking mga salita. Ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin, ngunit sa Ama na nagsugo sa akin.
-
25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya. 26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita. 27 Ginawa niya ito upang maiharap sa kaniya ang isang maluwalhati na Iglesia na walang dungis o kulubot o ano mang katulad nito, ngunit sa halip banal at walang kamalian.
-
7 Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba.
-
14 Ang lahat na inyong ginagawa ay gawin sa pag-ibig.
-
13 Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa. 14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung magkakagatan at magsasakmalan kayo, tingnan ninyo na hindi ninyo sinisira ang isa't isa.
-
1 Para sa inyo, kayo ay mga patay sa inyong mga pagkakasala at mga kasalanan. 2 Sa ganito rin kayo minsang lumakad ayon sa panahon ng mundong ito. Lumalakad kayo ayon sa kapangyarihan ng namumuno sa hangin. Ito ang kaniyang espiritu na gumagawa sa mga anak ng pagsuway. 3 Tayong lahat ay minsan ding naging katulad ng mga hindi mananampalataya. Gumagawa tayo ayon sa mga masasamang nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang kagustuhan ng laman at ng isip. Likas tayong mga anak ng poot katulad ng iba.
4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.
-
16 Sa pamamagitan nito alam natin ang pag-ibig, sapagkat inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Nararapat din nating ialay ang ating mga buhay para sa mga kapatid. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?
18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan. 19 Sa pamamagitan nito alam natin na tayo ay nasa katotohanan at tinitiyak natin ang ating mga puso sa kanyang harapan.
-
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
-
6 Ilagay mo ako bilang isang tatak sa iyong puso, katulad ng isang selyo sa iyong bisig, dahil ang pag-ibig ay kasing lakas tulad ng kamatayan. Ang madamdaming debosyon ay tulad ng pagpupumilit ng sheol; ang mga apoy nito ay lumalagablab; ito ay isang nagliliyab na apoy, isang apoy na mas mainit kaysa sa anumang apoy. 7 Hindi kayang pawiin ng mga tubig na dumadaluyong ang pag-ibig, kahit mga baha ay hindi kayang tangayin nito. Kung ibinigay ng isang lalaki ang lahat ng mga pag-aari sa kaniyang tahanan para sa pag-ibig, ang inaalok niya ay maaaring lubos na hamakin. Ang mga kapatid na lalaki ng dalagang babae ay nagsasalita sa kanilang mga sarili.
-
28 Isa sa mga eskriba ang nagpunta at nakarinig sa kanilang pag-uusap, nakita niyang mahusay silang sinagot ni Jesus. Tinanong niya ito, “Ano ang pinakamahalagang kautusan sa lahat?”
29 Sumagot si Jesus, “Ang pinakamahalagang kautusan ay, 'Makinig kayo, Israel, ang Panginoong ating Diyos, ang Panginoon ay iisa. 30 Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.' 31 Ito ang ikalawang kautusan, 'Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.' Wala nang iba pang kautusang higit na dakila kaysa mga ito.”
32 Sinabi ng eskriba, “Mahusay, Guro! Tunay na nasabi ninyong iisa ang Diyos, at wala ng iba pa maliban sa kaniya. 33 Ang ibigin siya nang buong puso, nang buong pang-unawa, nang buong kalakasan, at ang ibigin ang kapwa gaya ng sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng mga susunuging mga alay at mga hain.”
34 Nang makita ni Jesus na siya ay nagbigay ng matalinong kasagutan, sinabi niya sa kaniya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Matapos iyon walang sinumang nangahas magtanong kay Jesus ng anumang mga katanungan.
-
15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.”
16 Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”.
17 Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”.
18 Tunay nga sinabi ko sa iyo, noong bata ka pa, dinadamitan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kahit saan mo gusto; subalit pagtumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay, at ibang tao ang magdadamit sa iyo at dadalhin ka sa lugar na ayaw mong puntahan.”
-
17 Huwag kamuhian ang inyong kapatid sa inyong puso. Dapat ninyong pagsabihan nang tapat ang inyong kapwa upang hindi kayo magkasala dahil sa kanya. 18 Huwag maghiganti o magtanim ng sama ng loob laban sa sinuman sa inyong kapwa, nguni't sa halip mahalin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili. Ako si Yahweh.
-
1 Ngayon mayroon isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo, kasapi ng Konseho ng Judio. 2 Pumunta ang taong ito kay Jesus nang bandang gabi, at sinabi niya “Rabi, alam namin ikaw ay isang guro galing sa Diyos dahil walang sinumang makagagawa ng mga tandang ito na ginawa mo maliban na nasa kaniya ang Diyos.”
3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”
-
9 Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, kayo rin ay minahal ko, manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga kautusan, mananatili kayo sa aking pagmamahal katulad ng pagtutupad ko sa mga kautusan ng Ama at nanatili sa kaniyang pagmamahal.
-
31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
-
3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao.
-
27 Ngunit sinasabi ko sa inyo na nakikinig, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga umaapi sa inyo. 29 Sa sumasampal sa iyong pisngi, ialok mo rin sa kaniya ang kabila. Kung may kumuha ng iyong panlabas na damit, huwag mong ipagkait pati na ang iyong panloob na tunika. 30 Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo. Kung may kumuha ng isang bagay na pag-aari mo, huwag mong hingiin sa kaniya na ibalik ito sa iyo. 31 Kung anuman ang nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang dapat ninyong gawin sa kanila.
32 Kung ang minamahal lamang ninyo ay ang mga taong nagmamahal sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalan ay minamahal din ang mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung sa mga taong gumawa sa inyo ng mabuti lamang kayo gumagawa ng mabuti, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalanan ay ganoon din ang ginagawa. 34 Kung ang inyong pinapahiraman lamang ay ang mga tao na inaasahan ninyong magbibigay ng mga ito pabalik sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan at umaasang iyon ding halaga ang muling matatanggap.
35 Ngunit mahalin ninyo ang inyong kaaway at gawin ang mabuti sa kanila. Pahiramin ninyo sila na hindi kailanman nag-aalala kung may babalik pa sa inyo at ang inyong gantimpala ay magiging dakila. Kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya mismo ay mabuti sa mga taong hindi marunong magpasalamat at masasama.
-
28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.
-
14 Dahil dito lumuluhod ako sa Ama, 15 kung saan nagmula ang bawat pamilya sa langit at sa lupa. 16 Ipinapanalangin ko na pagkalooban kayo ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na mapalakas kayo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nasa inyo. 17 Ipinapanalangin ko na manahan si Cristo sa mga puso ninyo sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinapanalangin ko na mag-ugat at maging matatag kayo sa kaniyang pag-ibig. 18 Nawa nasa pag-ibig niya kayo upang maunawaan ninyo, kasama ng lahat ng nananampalataya, kung gaano kalawak, kahaba, kataas at kalalim ang pag-ibig ni Cristo. 19 Ipinapanalangin ko na malaman niyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman. Nawa gawin ninyo ito upang mapuno kayo ng kapuspusan ng Diyos.
-
12 Nawa palaguin kayo at pasaganahin ng Panginoon sa pag-ibig sa isa't-isa at sa lahat ng tao, na gaya ng ginagawa namin sa inyo. 13 Nawa ay gawin niya ito upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harap ng ating Diyos at Ama sa pagdating ng ating Panginoong Jesus kasama ang lahat ng kaniyang mga banal.
-
1 Kung sinuman ang naniniwala na si Jesus ay ang Cristo na ipinanganak sa Diyos. At kung sinuman ang nagmamahal sa kanya na nagmula sa Ama ay minamahal din ang kanyang mga anak. 2 Sa pamamagitan nito malalaman natin na mahal natin ang mga anak ng Diyos-kung mahal natin ang Diyos at ginagawa ang kanyang mga kautusan. 3 Sapagkat ito ang pagmamahal para sa Diyos-nananatili tayo sa kanyang mga kautusan. At ang kanyang mga kautusan ay hindi pasanin. 4 Ang sinumang ipinanganak sa Diyos ay napagtagumpayan ang mundo. At ito ang pagwawagi na napagtagumpayan ng mundo, kahit ang ating pananampalataya.
-
4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.
6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso;
-
17 Ang kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng oras, at ang kapatid ay isinilang para sa mga oras ng kaguluhan.
-
9 Ang gawain ng dalawang tao ay mas mabuti kaysa sa isa; sabay silang makikinabang sa isang mainam na kabayaran sa kanilang gawain. 10 Kapag nabuwal ang isa, maaaring ibangon ng isa ang kaniyang kaibigan. Subalit, kalungkutan ang sumusunod sa nag-iisa kapag nabuwal siya kung walang magbabangon sa kaniya. 11 At kung ang dalawa ay magkasamang mahihiga, maaari silang mainitan, ngunit paanong maaaring mainitan ang nag-iisa. 12 Ang isang taong nag-iisa ay maaaring madaig, ngunit maaring mapagtagumpayan ng dalawa ang isang pagsalakay, at ang isang tatlong ikit na lubid ay hindi agad malalagot.
-
3 Nagpakita sa akin si Yahweh noong nakaraan at sinabi, “Minahal kita Israel, ng walang hanggang pagmamahal. Kaya inilapit kita sa aking sarili na may matapat na kasunduan.
-
15 Kung mahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga kautusan.
-
14 Dahil ang pagmamahal ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami ay sigurado dito: na mayroong isang tao na namatay para sa lahat, kaya ang lahat ay namatay. 15 At namatay si Cristo para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay hindi na mamuhay para sa kanilang mga sarili. Sa halip dapat silang mamuhay para sa kaniya na namatay at muling nabuhay.
16 At dahil dito, mula ngayon, hindi na natin hahatulan ang sinuman ayon sa batayan ng tao, kahit na noong simula ay ganoon din ang ating pagtingin kay Cristo. Ngunit ngayon hindi na tayo tumitingin sa kanino man sa ganitong paraan. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.
18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.
-
22 Sa pamamagitan ng tadyang na kinuha ni Yahweh na Diyos mula sa lalaki, ginawa niya ang babae at dinala siya sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki, “Sa oras na ito, ito ang buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman. Tatawagin siyang 'babae', dahil kinuha siya sa lalaki.”
24 Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, makikipag-isa siya sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman.
-
6 Dumaan si Yahweh sa kaniya at inihayag, “Yahweh, Yahweh, ang Diyos ay maawain at mapagbigay-loob, hindi madaling magalit, at nag-uumapaw sa katapatan ng tipan at mapagkakatiwalaan, 7 pinananatili ang katapatan ng tipan para sa libu-libong mga salinlahi, nagpapatawad sa mga kasamaan, mga pagsuway at mga pagkakasala. Pero gagawin niyang walang kasalanan ang nagkasala. Magdadala siya ng parusa sa kasalanan ng ama sa kanilang mga anak at anak ng kanilang mga anak, hanggang sa pangatlo at pang-apat na salinlahi.”
-
9 Kaya kilalanin si Yahweh na inyong Diyos— siya ay Diyos, ang tapat na Diyos, na nagpapanatili ng mga tipan at katapatan sa isang libong salinlahi sa mga nagmamahal sa kaniya at nagpapanatili ng kaniyang mga utos,
-
8 Hayaan mong marinig ko ang iyong katapatan sa tipan sa umaga, dahil nagtitiwala ako sa iyo. Ipakita mo sa akin ang daan kung saan ako dapat lumakad, dahil itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
-
12 Ang galit ay nagpapasimula ng mga kaguluhan, subalit ang pag-ibig ay matatakpan ang lahat ng pagkakasala.
-
1 Kaya tularan ninyo ang Diyos, bilang kaniyang mga minamahal na anak. 2 At lumakad sa pag-ibig, katulad ng pagmamahal ni Cristo sa atin at pagbigay ng kaniyang sarili sa atin. Siya ay naging alay at handog na naging kalugod-lugod sa Diyos.
-
8 Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, kung paano ko pinananabikan na makasama kayong lahat sa kalaliman ng pag-ibig ni Cristo Jesus.
9 At ipinapanalangin ko ito: na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa.
-
8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala.
-
15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
-
35 Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.
37 Ang nagmamahal sa kaniyang ama at ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagmamahal sa kaniyang anak na lalaki at babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang hindi nagbubuhat ng kaniyang krus at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
-
18 At sinabi ng lalaki sa kaniya, “Alin sa mga kautusan? Sinabi ni Jesus, “Huwag kang pumatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magsinungaling sa iyong pagsaksi, 19 igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, at ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamamhal mo sa iyong sarili.
-
42 Sabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin ninyo ako, sapagkat ako ay nagmula at nanggaling sa Diyos; sapagkat hindi ako naparito dahil sa aking sarili lamang, kundi isinugo niya ako.
-
27 dahil ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, dahil minahal ninyo ako at sapagka't kayo ay naniwala na ako ay nagmula sa Ama.
-
17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.
19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”
20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”
21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.
-
15 Kung dahil sa pagkain ay nasaktan ang iyong kapatid, hindi ka na lumalakad sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak sa iyong pagkain ang siyang pinagkamatayan ni Cristo.
-
20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.
-
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.
3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili.
-
8 Gayunman, kung tinutupad ninyo ang mga maharlikang kautusan, na naisulat sa mga kasulatan, “Mahalin ninyo ang inyong kapwa tulad ng inyong sarili,” maganda ang ginagawa ninyo.
-
22 Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos.
-
5 Huwag dapat kayong yuyukod sa kanila o sambahin sila, dahil Ako, si Yahweh na inyong Diyos, ay selosong Diyos. Paparusahan ko ang kasamaan ng mga ninuno sa pamamagitan ng pagpapadala ng kaparusahan sa mga kaapu-apuhan, patungo sa ikatlo at ikaapat na salinlahi sa mga galit sa akin. 6 Pero magpapakita ako ng katapatan sa tipan sa libu-libong mga nagmamahal sa akin at susunod sa aking mga utos.
-
33 Kung naninirahan ang isang dayuhan sa inyong lupain, huwag dapat kayong gumawa ng anumang mali sa kanya. 34 Ang naninirahang dayuhan sa inyo ay dapat maging tulad ninyong katutubong Israelita na kasama ninyong naninirahan, at dapat ninyo siyang mahalin tulad ng inyong sarili, sapagkat naging mga dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. Ako si Yahweh na inyong Diyos.
-
15 “Makakalimutan ba ng isang babae ang kaniyang sanggol, na pinasususo sa kaniyang suso, kaya wala siyang habag sa kaniyang anak na ipinanganak? Oo, maaaring makalimutan nila, pero hindi kita makakalimutan. 16 Tingnan mo, sinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad; nasa harapan ko palagi ang iyong mga pader.
-
25 Masdan ito, may isang guro ng kautusan ng Judio na tumindig at sinubukan siya, sinabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng walang hanggang buhay?”
26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nakasulat sa kautusan? Paano mo ito binabasa?”
27 Sumagot na nagsabi siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong kaisipan, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
28 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong sinabi. Gawin mo ito, at mabubuhay ka.”
-
26 “Kung sinuman ang lumapit sa akin at hindi namumuhi sa kaniyang sariling ama, ina, asawa, anak, mga kapatid—oo, at pati ang kaniyang sariling buhay—hindi siya maaaring maging alagad ko.
-
24 Ama, silang mga ibinigay mo sa akin — nais ko rin na sila ay makasama ko kung nasasaan ako, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: dahil ako ay minahal mo mula noong bago pa lang natatag ang mundo.
-
26 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa kanila, at ipapahayag ko ito upang ang pagmamahal na iyong ibinigay sa akin ay mapasakanila, at ako ay mapasakanila.”
-
1 Ngayon tayong mga malalakas ang nararapat na pumasan sa mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi natin dapat bigyang-lugod ang ating mga sarili. 2 Bigyang-lugod ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapwa dahil mabuti iyon, upang pagtibayin siya. 3 Sapagkat kahit si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili. Sa halip, gaya ng nasusulat, “Ang mga panlalait ng mga nanlait sa iyo ay sa akin bumabagsak”.
-
1 Ngayon tungkol sa pagkain na inialay sa mga diyus-diyosan: Alam natin na “tayong lahat ay may kaalaman”. Ang kaalaman ay nakapagpapalalo ngunit ang pag-ibig ang nagpapatibay.
-
1 Para sa kalayaan kaya pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag kayong magpabitag muli sa ilalim ng kapangyarihan ng pagkabihag.
2 Makinig kayo, ako si Pablo, ay nagsasabi sa inyo na kung kayo ay magiging tuli, walang kayong mapapakinabangan na anuman kay Cristo. 3 Muli, pinatotohanan ko sa bawat tao na tuli, na mapipilitan kayong sundin ang buong kautusan. 4 Nahiwalay kayo kay Cristo, kayong lahat na “pinawalang sala” sa pamamagitan ng kautusan. Lamayo kayo mula sa biyaya.
5 Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya, naghihintay tayo sa pag-asang tayo ay magiging matuwid. 6 Hindi mahalaga kay Cristo ang pagtutuli. Ang pananampalataya lamang na gumagawa sa pamamagitan pag-ibig ang may halaga.
-
14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.
-
9 Tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, hindi kailangan may sumulat pa sa inyo, sapagkat kayo sa inyong sarili ay naturuan na ng Diyos na umibig sa isat-isa. 10 Sa katunayan, ginagawa ninyo ito sa lahat ng mga kapatid na nasa Macedonia. Ngunit hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na gawin ninyo ito ng higit pa.
-
5 Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya.
-
1 Hayaang magpatuloy ang pag-ibig bilang mga magkakapatid. 2 Huwag kalimutang malugod na tanggapin ang mga dayuhan sapagkat sa paggawa nito ay hindi ninyo alam na ang iba sa mga tinatanggap ninyo ay mga anghel. 3 Alalahanin ninyo ang mga nasa bilangguan, na parang kayo ay kasama rin nila doon at ang inyong mga katawan ay pinagmamalupitan ng kagaya nila.
-
6 At ito ang pag-ibig, na dapat tayong lumakad ayon sa kanyang mga kautusan. Ito ang kautusan, kahit narinig ninyo na mula sa simula, na dapat ninyo itong lakaran.
Shows Read in context, Share and Copy.