38 Bible Verses About Immigration
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
33 Kung naninirahan ang isang dayuhan sa inyong lupain, huwag dapat kayong gumawa ng anumang mali sa kanya. 34 Ang naninirahang dayuhan sa inyo ay dapat maging tulad ninyong katutubong Israelita na kasama ninyong naninirahan, at dapat ninyo siyang mahalin tulad ng inyong sarili, sapagkat naging mga dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. Ako si Yahweh na inyong Diyos.
-
17 Dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, ang tanging makapangyarihan at ang tanging kinatatakutan, na siyang walang itinatanging sinuman at hindi tumatanggap ng mga suhol. 18 Nagpapatupad siya ng katarungan para sa ulila at balo, at ipinapakita niya ang pagmamahal para sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain at kasuotan. 19 Kaya mahalin ang dayuhan; dahil naging dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto.
-
22 Sa panahong iyon kinausap nila Abimelek at Ficol na kapitan ng kanyang hukbo si Abraham at sinabing, “Kasama mo ang Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. 23 Kaya ngayon manumpa ka sa Diyos, na hindi mo ako gagawan ng masama, ni ang aking mga anak, ni ang aking mga kaapu-apuhan. Ipakita mo sa akin at sa lupain kung saan ka naninirahan ang parehong katapatan sa kasunduan na ipinakita ko sa iyo.”
24 “Nangangako ako” sagot ni Abraham.
25 Nagreklamo rin si Abraham kay Abimelek patungkol sa balon ng tubig na inagaw mula sa kanya ng mga lingkod ni Abimelek. 26 Sinabi ni Abimelek, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa ng bagay na ito. Hindi mo ito sinabi sa akin liban ngayon; hindi ko ito narining kundi ngayon.”
27 Kaya kumuha si Abraham ng tupa at mga lalaking baka at binigay ang mga ito kay Abimelek, at gumawa ang dalawa ng isang kasunduan. 28 Pagkatapos nagbukod si Abraham ng pitong mga babaeng tupa ng kawan. 29 Sinabi ni Abimelek kay Abraham, “Anong kahulugan nitong pitong babaeng tupang ibinukod mo?”
30 Sumagot siya, “Matatanggap mo mula sa aking kamay itong pitong babaing tupa, upang maging saksi para sa akin, na hinukay ko ang balong ito.” 31 Kaya tinawag niya ang lugar na iyong Beer-seba, dahil doon sila kapwa nagsumpaan ng isang kasunduan. 32 Gumawa sila ng isang kasunduan sa Beer-seba, at pagkatapos bumalik si Abimelek at Ficol, ang kapitan ng kanyang hukbo sa lupain ng mga Filisteo.
33 Nagtanim si Abraham ng puno ng tamarisko sa Beer-seba. Doon sinamba niya si Yahweh, ang Diyos na walang hanggan. 34 Namalagi si Abraham bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo nang maraming araw.
-
17 Huwag ninyong piliting ilayo ang hustisya na nararapat sa dayuhan o as ulila, o kunin ang damit ng balo bilang kabayaran sa utang. 18 Sa halip, dapat ninyong isaisip na kayo ay isang alipin sa Ehipto at si Yahweh na inyong Diyos ay iniligtas kayo mula doon. Samakatuwid, tinuturuan ko kayo na sumunod sa utos na ito.
19 Kapag kayo ay mag-aani sa inyong bukid at nakalimot kayo ng isang bigkis sa bukid, hindi na dapat ninyo kunin ito, para na ito sa mga dayuhan, sa mga ulila, o sa balo, para pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gawain ng inyong mga kamay.
20 Kapag inalog niyo ang puno ng olibo, dapat hindi na ninyo babalikang muli ang mga sanga, para na ito sa mga dayuhan, sa mga ulila, o sa balo.
21 Kapag pinagtipon-tipon ninyo ang mga ubas sa inyong ubasan, hindi mo na dapat pulutin ang nasa likuran mo, ito ay para na sa dayuhan, sa mga ulila, o sa balo. 22 Dapat ninyong isaisip na kayo ay naging isang alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't itinuturo ko sa inyo na sundin ang utos na ito.
-
5 Sapagkat kung ganap ninyong gagawing mabuti ang inyong mga kaparaanan at mga kaugalian, kung ganap ninyong ipinapakita ang katarungan sa pagitan ng isang tao at ng kaniyang kapwa. 6 Kung hindi ninyo sinasamantala o inaabuso ang isang tao na naninirahan sa lupain, ang ulila o ang balo at hindi dumanak ang inosenteng dugo sa lugar na ito at hindi kayo sumunod sa ibang mga diyos para sa inyong sariling kapahamakan. 7 Hahayaan ko kayong manatili sa lugar na ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno magmula pa noong unang panahon at magpakailanman.
-
31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32 Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.
34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.
37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'
40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'
41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42 sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43 ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.
44 At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?'
45 At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'
46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”
-
1 Hayaang magpatuloy ang pag-ibig bilang mga magkakapatid. 2 Huwag kalimutang malugod na tanggapin ang mga dayuhan sapagkat sa paggawa nito ay hindi ninyo alam na ang iba sa mga tinatanggap ninyo ay mga anghel. 3 Alalahanin ninyo ang mga nasa bilangguan, na parang kayo ay kasama rin nila doon at ang inyong mga katawan ay pinagmamalupitan ng kagaya nila.
-
21 Huwag dapat ninyong gawan ng masama ang isang dayuhan o pagmalupitan siya, dahil naging mga dayuhan din kayo sa lupain ng Ehipto.
22 Huwag dapat ninyong apihin ang sinumang balo o mga batang ulila sa ama. 23 Kung sasaktan ninyo sila, at kung tumawag sila sa akin, na si Yahweh, siguradong pakikinggan ko ang kanilang tawag. 24 Magliliyab ang aking galit, at papatayin ko kayo sa pamamagitan ng espada; ang inyong mga asawa ay magiging balo, at ang inyong mga anak ay magiging ulila sa ama.
-
9 “Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Humatol nang may tunay na katarungan, katapatan sa kasunduan at habag. Gawin ito ng bawat lalaki para sa kaniyang kapatid na lalaki. 10 Tungkol naman sa balo at ulila, ang dayuhan at ang mahirap na tao, huwag silang apihin. At sa paggawa ng anumang masama sa bawat isa, hindi kayo dapat magbalak ng anumang masama sa inyong puso.'
-
5 “Pagkatapos lalapit ako sa inyo para sa paghahatol. Magiging isa akong mabilis na saksi laban sa mga manghuhula, sa mga mangangalunya, sa mga hindi totoong saksi, at laban sa mga nang-aapi sa mga inuupahang manggagawa sa kaniyang sahod, sila na nang-aapi sa mga balo at sa mga ulila, at naglalayo sa mga dayuhan sa kanilang mga karapatan, at laban sa mga taong hindi ako pinararangalan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
-
9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan.
11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.
13 Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14 maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.
16 Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang kapatiran. Magkaroon kayo ng takot sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.
-
19 'Nawa'y isumpa ang taong nagkakait ng katarungan na nararapat sa isang dayuhan, ulila, o balo.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.'
-
9 Huwag mo dapat apihin ang dayuhan, dahil alam mo ang buhay ng isang dayuhan, dahil naging mga dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto.
-
9 Inaalagaan ni Yahweh ang mga dayuhan sa lupain; kaniyang pinapasan ang mga walang ama at mga balo, pero siya ang sumasalungat sa masasama.
-
48 Kapag maninirahan ang isang dayuhan sa inyo at gustong obserbahan ang Paskua para kay Yahweh, lahat ng kaniyang lalaking kamag-anak ay dapat tuliin. Pagkatapos siya ay maaaring dumating at sundin ito. Siya ay magiging katulad ng mga taong ipinanganak sa lupain. Ganun pa man, walang sinumang taong hindi tuli ang makakakain ng anumang pagkain. 49 Parehong batas ang siyang gagamitin sa kapwa katutubo o dayuhan na naninirahan kasama ninyong lahat.”
-
14 Hindi dapat ninyo pahirapan ang isang inuupahang lingkod na mahirap at nangangailangan, maging siya ay kapwa mong mga Israelita, o mga dayuhan na nasa inyong lupain sa loob ng tarangkahan ng inyong lungsod; 15 Bawat araw dapat ninyo ibigay sa kaniya ang kaniyang sahod, dapat hindi lulubog ang araw na hindi siya mabayaran, dahil siya ay mahirap at umaasa dito. Gawin ito para hindi siya dumaing kay Yahweh laban sa inyo at hindi ito magiging kasalanan na iyong nagawa.
-
9 Kapag inani ninyo ang mga pananim sa inyong lupain, hindi ninyo dapat anihin ang lahat ng sulok ng inyong bukirin, ni ipunin ang lahat ng bunga ng inyong ani. 10 Hindi ninyo dapat ipunin ang bawat ubas mula sa inyong ubasan, ni ipunin ang mga ubas na nahulog sa lupa sa inyong ubasan. Dapat ninyong iwan ang mga ito para sa mahihirap at para sa dayuhan. Ako si Yahweh na inyong Diyos.
-
22 Kapag gagapasin ninyo ang ani ng inyong lupain, dapat hindi ninyo gagapasin nang lubos ang mga sulok ng inyong mga bukirin, at dapat hindi ninyo iipunin ang mga naipon ninyong ani. Dapat ninyong iwanan ang mga ito para sa mga mahihirap at para sa mga dayuhan. Ako ay Yahweh na inyong Diyos.'”
-
1 Ngayon sinabi ni Yahweh kay Abram, “Humayo ka mula sa iyong bansa, at mula sa iyong mga kamag-anak, at mula sa sambahayan ng iyong ama, sa lupaing ipakikita ko sa iyo. 2 Gagawin kitang isang dakilang bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging isang pagpapala. 3 Pagpapalain ko ang magpapala sa iyo, pero sinuman ang maninira sa iyo ay susumpain ko. Sa pamamagitan mo, ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo ay pagpapalain.”
4 Kaya humayo si Abram, gaya ng sinabi ni Yahweh na kaniyang gawin, at sumama si Lot sa kaniya. Pitumpu't-limang taong gulang si Abram nang umalis siya sa Haran.
-
2 Sabihin mo, 'Hari ng Juda, ikaw na nakaupo sa trono ni David, makinig ka sa salita ni Yahweh. At makinig, kayo na mga lingkod niya, at kayo na kaniyang mamamayan na pumasok dito sa mga tarangkahan. 3 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Maging makatarungan at makatuwiran, at sinuman ang ninakawan—iligtas siya sa kamay ng mang-aapi sa kaniya. Huwag apihin ang mga dayuhan sa inyong bayan, o anumang ulila o balo. Huwag gagawa ng karahasan o magbubuhos ng dugo ng walang kasalanan sa lugar na ito.
4 Sapagkat kung talagang gagawin ninyo ang mga bagay na ito, ang mga haring umupo sa trono ni David ay papasok sa mga tarangkahan ng tahanan niya na nakasakay ng karwahe at mga kabayo. Siya, ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga tao! 5 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa mga salitang ito mula sa akin na inihayag ko—ito ang pahayag ni Yahweh—kung gayon ang maharlikang palasyong ito ay masisira.'”
-
21 Sa ganitong paraan ninyo hahatiin ang lupaing ito para sa inyong mga sarili, para sa mga tribo ng Israel. 22 At mangyayari na magpapalabunutan kayo para sa mga mana para sa inyong mga sarili at para sa mga dayuhan na nasa inyong kalagitnaan, ang mga nagsilang ng mga bata sa inyong kalagitnaan at nakasama ninyo, tulad ng mga katutubong naipanganak na mga tao ng Israel. Magpapalabunutan kayo para sa mga mana sa mga tribo ng Israel. 23 At mangyayari na makakasama ng dayuhan ang tribo kung saan siya nakikitira. Dapat ninyo siyang bigyan ng mana. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”
-
10 Nagkaroon ng taggutom sa lupain, kaya bumaba si Abram papunta sa Ehipto para manirahan doon, dahil matindi ang taggutom sa lupain.
-
22 Dapat kang magkaroon ng magkatulad na batas para sa kapwa dayuhan at dayuhang Israelita, dahil ako si Yahweh na inyong Diyos.'”
-
35 Kung naging mahirap ang kapwa kababayan ninyo, kung kaya hindi na niya kayang itaguyod ang kanyang sarili, sa gayon dapat ninyo siyang tulungan tulad ng tutulungan ang isang dayuhan o sino pa mang naninirahan bilang tagalabas na kasama ninyo. 36 Huwag siyang singilin ng tubo o subukang kumita mula sa kanya sa anumang paraan, ngunit parangalan ang inyong Diyos upang ang kapatid ninyo ay makapanatiling namumuhay kasama ninyo. 37 Hindi ninyo siya dapat bigyan ng pautang na pera at patawan ng tubo, ni pagbilhan ng iyong pagkain upang kumita.
-
17 Tularan ninyo ako, mga kapatid. Tingnan ninyong mabuti ang mga lumalakad sa pamamagitan ng mga halimbawang mayroon kayo sa amin. 18 Marami ang lumalakad, sila ang mga madalas kong sinasabi sa inyo, at ngayon sinasabi ko sa inyo na may kasamang pagluha—marami ang lumalakad bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kanilang patutunguhan. Sapagkat ang diyos nila ay ang kanilang sikmura, at ang kanilang pagmamalaki ay nasa kanilang kahihiyan. Iniisip nila ang tungkol sa mga makamundong bagay.
20 Ngunit ang ating pagkamamamayan ay sa langit, kung saan naghihintay rin tayo sa isang tagapagligtas na ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang ating mga katawang lupa upang maging mga katawang binuo gaya ng kaniyang maluwalhating katawan, binuo sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang kapangyarihan upang mapasailalim sa kaniya ang lahat ng bagay.
-
26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.
27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.'
-
27 Lahat kayo na nabautismuhan kay Cristo, isinuot ninyo ang buhay ni Cristo na parang damit. 28 Walang Judio o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 Kung kayo ay kay Cristo, kayo rin ay mga kaapu-apuhan ni Abraham, tagapagmana ayon sa pangako.
-
28 Sa katapusan ng bawat tatlong taon ay ibibigay ninyo ang lahat na ikapu ng inyong bunga sa parehong taon, at iimbakin ninyo ito sa loob ng inyong mga tarangkahan; 29 at ang Levita, dahil wala silang bahagi ni pamana na nasa inyo, at ang dayuhan, at ang ulila, at ang balo na nasa loob ng inyong mga tarangkahan, pupunta at kakain at mabusog. Gawin ito para pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gawain ng inyong kamay na inyong gagawin.
-
15 Dapat may parehong batas lamang para sa sambayanan at para sa dayuhang nakikitira sa inyo, isang palagiang batas sa buong salinlahi ng inyong mga tao. Kung ano kayo, gayundin dapat ang mga manlalakbay na naninirahan kasama ninyo. Dapat siyang kumilos gaya ng inyong pagkilos sa harapan ni Yahweh. 16 Ang parehong batas at kautusan ang dapat masunod sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”'
-
27 Nang dalhin nila sila, iniharap sila sa konseho. Nagtanong ang pinaka-punong pari sa kanila, 28 nagsasabing, ''Hindi ba't mahigpit namin kayong pinangbilinan na huwag magturo sa pangalang ito, gayon pa man, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong katuruan, at ninais ninyong dalhin sa amin ang dugo ng taong ito.”
29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kinakailangang sundin namin ang Diyos ng higit kaysa sa mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ama ang bumuhay kay Jesus, na inyong pinatay sa pamamagitan ng pagbitin sa kaniya sa puno. 31 Tinaas siya ng Diyos sa kaniyang kanang kamay upang maging prinsipe at tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel at kapatawaran sa mga kasalanan. 32 Mga saksi kami ng mga bagay na ito, at gayundin ang Banal na Espiritu, na ibinigay ng Diyos sa mga susunod sa kaniya.”
-
1 Pagkatapos pumasok si Jose at sinabi sa Paraon, “Ang aking ama at ang aking mga kapatid na lalaki, ang kanilang mga hayop, ang kanilang mga alagang kawan, at ang lahat ng kanilang pagmamay-ari, ay dumating na galing sa lupain ng Canaan. Tingnan mo, sila ay nasa lupain na ng Gosen.
2 Sinama niya ang lima sa kanyang mga kapatid na lalaki at ipinakilala sila sa Paraon.
3 Sinabi ng Paraon sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Ano ang hanapbuhay ninyo?” Sinabi nila sa Paraon, “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, katulad ng aming mga ninuno.
4 Pagkatapos sinabi nila kay Paraon, “Pumunta kami bilang pansamantalang mamamayan sa lupain. Wala ng pastulan para sa mga hayop ng inyong mga lingkod, dahil malubha na ang taggutom sa lupain ng Canaan. Kaya ngayon, pakiusap hayaan niyo ang iyong mga lingkod na manirahan sa lupain ng Gosen.”
5 Pagkatapos nagsalita ang Paraon kay Jose, at sinabing, “Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid na lalaki ay pumunta sa iyo, 6 Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo. Patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid na lalaki sa pinakamainam na rehiyon, sa lupain ng Gosen. Kung may kakilala kang mga lalaki mula sa kanila na may kakayahan, ilagay mo sila bilang tagapamahala sa aking mga alagang hayop.”
-
14 Kung nakikitira ang isang dayuhan sa inyo at ipinagdiriwang ang Paskua sa karangalan ni Yahweh, dapat niyang panatilihin ito at gawin lahat ng kaniyang iniuutos, sinusunod ang mga alituntunin ng Paskua at sinusunod ang mga batas para rito. Dapat kayong magkaroon ng parehong batas para sa dayuhan at para sa lahat ng ipinanganak sa lupain.”
-
15 Para sa mga tao ng Israel, para sa mga dayuhan, para sa sinumang naninirahan sa piling ninyo, ang anim na lungsod na ito ay magsisilbing isang kublihan na maaaring matakasan ng sinumang makapatay ng isang tao nang hindi sinasadya.
-
21 Hindi ninyo dapat kainin ang anumang hayop na kusang namatay; maaari ninyo itong ibigay sa dayuhan na nasa inyong mga tarangkahan, na maaari niyang kainin ito; o maaari ninyo itong ipagbili sa isang dayuhan. Sapagka't kayo ay isang bansa na inilaan para kay Yahweh na inyong Diyos. Dapat huwag ninyong pakuluan ang isang batang kambing sa gatas ng ina nito.
-
3 Huwag ninyong hayaan ang sinumang dayuhan na naging tagasunod ni Yahweh ang magsabi na, “Tiyak na ihihiwalay ako ni Yahweh mula sa kanyang bayan. “Huwag sasabihin ng isang eunuko na, “Tingnan mo, ako ay isang tuyot na puno.”
4 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, “Sa mga eunuko na sumusunod sa aking mga Araw ng Pamamahinga at pumipili kung ano ang nakalulugod sa akin at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan— 5 Itatatag ko sa kanila sa loob aking tahanan at sa loob ng aking mga pader ang isang bantayog na mas mabuti kaysa pagkakaroon ng mga anak na lalaki at mga babae; bibigyan ko sila ng walang hanggang bantayog na hindi mapuputol. 6 Gayon din ang mga dayuhan na umanib kay Yahweh, para maglingkod sa kanya, at nagmamahal sa pangalan ni Yahweh, para sambahin siya, lahat na tumutupad sa Araw ng Pamamahinga at mga nag-iingat na dungisan ito, at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan, 7 dadalhin ko ang mga ito sa aking banal na bundok at gagawin ko silang maligaya sa aking bahay-dalanginan; ang kanilang mga handog na susunugin at kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking altar. Dahil ang aking tahanan ay tatawagin na bahay dalanginan para sa lahat ng mga bansa,
-
6 Ano ang aking dadalhin kay Yahweh bilang pagpapakumbaba sa kataas-taasang Diyos? Pupunta ba ako sa kaniya na may dalang isang taong gulang na mga guyang susunugin upang ialay? 7 Malulugod ba si Yahweh sa isang libong lalaking tupa o kaya sampung libong mga ilog ng langis? Dapat ko bang ibigay ang aking unang anak para sa aking pagsuway, ang bunga ng aking katawan para sa aking sariling kasalanan? 8 Sinabi niya sa inyo, tao, kung ano ang mabuti at kung ano ang nais ni Yahweh mula sa iyo: Kumilos ng makatarungan, umibig na may kabaitan at lumakad na may pagpapakumbaba kasama ang inyong Diyos.
-
34 At binuksan ni Pedro ang kaniyang bibig at sinabi, “Sa katotohanan, naunawaan ko ng lubusan na walang tinatangi ang Diyos. 35 Sa halip, sa bawat bansa ang sinumang sumasamba at gumagawa ng mga matuwid na gawain ay katanggap-tanggap sa kaniya.
-
13 Ang lahat ng ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, sa halip kahit malayo pa nakita at tinanggap na nila, na sila ay mga dayuhan at banyaga dito sa lupa.
14 Kaya sa mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagbibigay linaw na sila ay naghahanap ng kanilang sariling bayan. 15 Sa katunanayan, kung ang iniwan nilang lupain ang kanilang iniisip, sila ay may pagkakataon pang bumalik, 16 Subalit naghahangad sila ng mas mabuting bayan, na isang makalangit. Kaya naman hindi nahihiya ang Diyos na tawaging kanilang Diyos sapagkat naghanda siya ng isang lungsod para sa kanila.
Shows Read in context, Share and Copy.