90 Bible Verses About Worshiping God

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Worshiping God
  1. 21 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Babae, maniwala ka sa akin, darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama ni sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman. Alam namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmula sa mga Judio. 23 Subalit darating ang oras, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang Ama ay naghahanap ng mga ganoong tao na sasamba sa kaniya. 24 Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga taong sasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”

  2. 1 O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan. 2 Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri. 3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos. 4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya. 5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa. 6 O halika, tayo ay magpuri at yumukod; tayo ay lumuhod sa harapan ni Yahweh, ang ating tagapaglikha: 7 Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang mga tao sa kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, marinig niyo nawa ang kaniyang tinig!

  3. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod.

  4. 1 Sumigaw na may kagalakan kay Yahweh, buong daigdig. 2 Maglingkod kay Yahweh ng may kasiyahan; magsilapit sa kanyang presensiya na umaawit nang may kagalakan. 3 Kilalalanin ninyo na si Yahweh ay Diyos; siya ang gumawa sa atin, at tayo ay sa kanya. Tayo ang kanyang bayan at mga tupa sa kanyang pastulan. 4 Magsipasok kayo sa loob ng kanyang mga tarangkahan na may pagpapasalamat at sa loob ng kanyang mga silid na may pagpupuri. Pasalamatan at purihin ang kanyang pangalan.

  5. 1 Kilalanin na si Yahweh— kayo na mga anak ng makapangyarihan— kilalanin na si Yahweh ay may kaluwalhatian at kapangyarihan! 2 Ibigay kay Yahweh ang karangalan na nararapat sa kaniyang pangalan; sambahin si Yahweh sa pananamit na naaangkop para sa kaniyang kabanalan.

  6. 8 Iukol kay Yahweh ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan. Magdala ng handog at magsipasok sa kanyang mga silid. 9 Magbigay galang kay Yahweh sa kanyang banal na kaningningan. Manginig kayo sa kanyang harapan, buong daigdig.

  7. 8 Ang bawat isa sa apat na buhay na mga nilalang ay mayroong anim na mga pakpak, puno ng mga mata sa tuktok at sa ilalim. Gabi at araw hindi sila tumigil sa pagsasabing, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang namumuno sa lahat, siyang noon, at siyang ngayon, at siyang darating.

    9 Kapag ang buhay na mga nilalang ay nagbigay ng kaluwalhatian, karangalan at pasasalamat sa isa na siyang nakaupo sa trono, sa isa na siyang nabubuhay magpakailan pa man, 10 ang dalawampu't apat na nakatatanda ay nagpatirapa sa harap ng isang nakaupo sa trono. Yumuko sila sa isang nabubuhay ng walang hanggan at magpakailan pa man, at inihagis nila ang kanilang mga korona sa harap ng trono, sinasabing, 11 “Karapat-dapat ka, aming Panginoon at aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan. Dahil nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban, sila ay nabuhay at nilikha.

  8. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.

    16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

  9. 28 Samakatuwid, magpapasalamat tayo sa pagtanggap ng isang kahariang hindi nayayanig, at sa ganitong pagpupuri sa Diyos sa paraang katanggaptanggap na may paggalang at paghanga 29 sapagkat ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok

  10. 15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.

  11. 5 Tapos ang mga Levita, Jeshua, at Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias, ay sinabing, “Tumayo kayo at magbigay ng papuri kay Yahweh na inyong Diyos magpakailanman.” “Nawa pagpalain nila ang iyong maluwalhating pangalan, at madakila ito nang higit sa anumang pagpapala at pagpupuri. 6 Ikaw si Yahweh. Ikaw lamang. Ginawa mo ang langit, ang pinakamataas na kalangitan, kasama ng lahat ng kanilang mga anghel na nakahanda para sa digmaan, at ang lupa at lahat nang naroon, at ang mga dagat at lahat ng nasa kanila. Nagbigay ka ng buhay sa kanilang lahat, at ang hukbo ng mga anghel ng langit ay sumasamba sa iyo.

  12. 29 Ibigay kay Yahweh ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan. Magdala ng handog at lumapit sa kaniyang harapan. Yumuko kay Yahweh sa kaniyang banal na kaluwalhatian.

  13. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag magpakalasing sa alak, sapagkat hahantong ito sa pagkasira. Sa halip, mapuspos kayo ng Banal na Espiritu.

    19 Mangusap kayo sa isat-isa sa mga salmo at mga himno at mga espiritwal na mga awitin. Umawit at magpuri sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Magpasalamat lagi sa Diyos Ama sa lahat ng bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

    21 Magpasakop kayo sa isa't isa tanda ng paggalang kay Cristo.

  14. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

  15. 3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak.

  16. 9 Pagkatapos makita ko ang mga ito, at mayroong isang malaking maraming tao na walang sinuman ang makabilang — mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika — nakatayo sa harap ng trono sa harapan ng Kordero. Nakasuot sila ng puting mga balabal at hawak ang mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay, 10 at sila ay sumisigaw ng may malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay pagmamay-ari ng ating Diyos, siya na nakaupo sa trono, at ng Kordero!”

    11 Ang lahat ng mga anghel ay nakatayo sa paligid ng trono, at sa paligid ng mga matatanda at ng apat na buhay na mga nilalang, at sila ay humiga sa lupa, at inilapat ang kanilang mga mukha sa lupa sa harap ng trono at sumamba sila sa Diyos, 12 na nagsasabing, “Amen! Papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan ay sumaating Diyos magpakailan pa man. Amen!”

  17. 8 Ako, si Juan, ang siyang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. Nang aking makita at narinig sila, ipinatirapa ko ang aking sarili sa paanan ng anghel para sambahin siya, ang anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito. 9 Sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan!” Ako ay tulad mo ring lingkod na kasama mo, kasama ng iyong mga kapatid na mga propeta, at kasama ng mga sumusunod sa mga salita ng aklat na ito. Sambahin ang Diyos!”

  18. 9 Umawit sila ng bagong awit: “Ikaw ay karapat-dapat kumuha ng balumbon at buksan ang mga selyo nito. Dahil ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo, binili mo ang mga tao para sa Diyos mula sa bawat lipi, wika, mga tao, at bansa. 10 Ginawa mo silang isang kaharian at mga pari para maglingkod sa ating Diyos at sila ay maghahari sa mundo.

    11 Pagkatapos nakita ko at narinig ang tunog ng maraming mga anghel sa palibot ng trono, — ang kanilang bilang ay 200, 000, 000 — at ang mga buhay na nilalang at mga nakatatanda. 12 Kanilang sinabi sa malakas na tinig, “Karapat-dapat ang Kordero na pinatay na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan.”

    13 Narinig ko bawat bagay na nasa langit, at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat — lahat ng bagay sa kanila — sinasabing: “Sa kaniya na siyang nakaupo sa trono, at sa Kordero, ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan para mamahala, magpakailan pa man.

    14 Ang apat na buhay na nilalang ay sinabing'”Amen” at ang mga nakatatanda ay humiga at sumamba.

  19. 7 Nagpakita si Yahweh kay Abram, at sinabing, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan.” Kaya nagtayo roon si Abram ng altar para kay Yahweh, na nagpakita sa kaniya.

    8 Mula roon siya ay lumipat sa bulubunduking bayan sa silangan ng Bethel, kung saan niya itinayo ang kaniyang tolda, na ang Bethel ay nasa kanluran at ang Ai ay nasa silangan. Doon nagtayo siya ng altar para kay Yahweh at tumawag sa pangalan ni Yahweh.

  20. 1 Sinabi ng Diyos ang mga salitang ito:

    2 “Ako ay si Yahweh, inyong Diyos, ang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa labas ng bahay ng pagkaalipin. 3 Dapat wala kang ibang diyos sa harapan ko. 4 Huwag dapat kayong gumawa para sa sarili ninyo ng isang inukit na larawan ni kahalintulad ng anumang bagay na nasa itaas ng langit, o sa lupa na nasa ilalim, o sa tubig na nasa ibaba. 5 Huwag dapat kayong yuyukod sa kanila o sambahin sila, dahil Ako, si Yahweh na inyong Diyos, ay selosong Diyos. Paparusahan ko ang kasamaan ng mga ninuno sa pamamagitan ng pagpapadala ng kaparusahan sa mga kaapu-apuhan, patungo sa ikatlo at ikaapat na salinlahi sa mga galit sa akin. 6 Pero magpapakita ako ng katapatan sa tipan sa libu-libong mga nagmamahal sa akin at susunod sa aking mga utos.

  21. 1 Kumuha ng kani-kaniyang insensaryo sina Nadab at Abihu na mga anak ni Aaron, nilagyan ito ng apoy at saka insenso. Pagkatapos naghandog sila ng hindi karapat-dapat na apoy sa harapan ni Yahweh na hindi niya iniutos sa kanila na ihandog. 2 Kaya lumabas ang apoy mula sa harapan ni Yahweh at sila ay nilamon at namatay sa harapan ni Yahweh.

    3 Pagkatapos sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang tinutukoy ni Yahweh nang sinabi niyang, 'Ihahayag ko ang aking kabanalan sa sinumang lalapit sa akin. Luluwalhatiin ako sa harapan ng lahat ng mga tao.'” Walang kahit anong sinabi si Aaron.

  22. 1 Ngayon sa ika-dalawampu't-apat na araw ng parehong na buwan, ang bayan ng Israel ay nagpulong at sila ay nag-ayuno, at nagsuot sila ng telang sako, at naglagay ng alikabok sa kanilang mga ulo. 2 Inihiwalay ng mga kaapu-apuhan ng Israel ang kanilang sarili mula sa lahat ng mga dayuhan. Tumayo sila at nagtapat ng kanilang sariling mga kasalanan at masasamang mga gawain ng kanilang mga ninuno.

    3 Tumayo sila sa kanilang mga lugar, at sa ika-apat na araw nagbasa sila mula sa Aklat ng Batas ni Yahweh na kanilang Diyos. Sa isa pang ika-apat na araw sila ay nagtatapat at yumuyuko sa harap ni Yahweh na kanilang Diyos.

  23. 1 O Diyos, ikaw ang aking Diyos! Masigasig kitang hinahanap, nauuhaw ang aking kaluluwa sa iyo, at nananabik ang aking laman sa iyo, sa tuyot at tigang na lupa na walang tubig. 2 Kaya tumingin ako sa iyo sa mga banal na mga tao para makita ko ang iyong kapangyarihan at kaluwalhatian. 3 Dahil higit pa sa buhay ang iyong katapatan sa tipan, magpupuri ang aking mga labi sa iyo. 4 Kaya pagpapalain kita habang ako ay nabubuhay; itataas ko ang aking mga kamay sa iyong pangalan.

  24. 13 Sinabi ng Panginoon, “Ang bayang ito ay lumalapit sa akin gamit ang kanilang bibig at pinararangalan ako gamit ang kanilang mga labi, pero malayo ang kanilang puso sa akin. Ang pagpaparangal nila sa akin ay isang kautusan na itinuro ng mga tao. 14 Kaya nga, tingnan ninyo, magpapatuloy akong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa mga taong ito, kababalaghan kasunod ng isa pang kababalaghan. Ang karunungan ng kanilang matatalinong tao ay mawawala, at ang pang-unawa ng kanilang mga nakakaunawang mga tao ay maglalaho.”

  25. 42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin. 43 Dumating ang takot sa bawat kaluluwa, at maraming mga kamangha- manghang bagay at mga tanda ang nagawa ng mga apostol.

    44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

    46 Nagpatuloy sila sa bawat araw na may iisang layunin sa templo, at nagpira-piraso sila ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at namamahagi ng pagkain na may kagalakan at kapakumbabaan ng puso. 47 Nagpupuri sila sa Diyos at kinalugdan sila ng lahat ng mga tao. Dinagdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.

  26. 7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang propesiya tungkol sa inyo ni Isaias noong sinabi niya, 8 'Iginagalang ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. 9 Sinasamba nila ako na walang kabuluhan, dahil ang itinuturo nila bilang mga doktrina ay ang mga utos ng mga tao.'''

  27. 8 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.”'

  28. 29 Pagkatapos pumunta at tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng mga nakatatanda ng mga Israelita. 30 Sinabi ni Aaron ang lahat ng mga salita na sinabi ni Yahweh kay Moises. Ipinakita niya rin ang mga palatandaan ng kapangyarihan ni Yahweh sa paningin ng mga tao. 31 Naniwala ang mga tao. Nang marinig nila na si Yahweh ay nag-oobserba sa mga Israelita at nakita niya ang kanilang pagkaalipin, pagkatapos iniyuko nila ang kanilang mga ulo at sinamba siya.

  29. 31 Matuwa ang mga langit at ang daigdig ay magalak; sasabihin nila sa lahat ng mga bansa, “maghari si Yahweh.” 32 Dadagundong ang karagatan, at sisigaw ng may kagalakan ang mga pumupuno nito. Magagalak ang mga parang, at ang lahat ng nandito. 33 Sisigaw ng may kagalakan sa harap ni Yahweh ang mga puno sa kagubatan, sapagkat darating siya upang hatulan ang mundo. 34 Magpasalamat kay Yahweh, sapagkat siya ay mabuti, at ang matapat niyang kasunduan ay magtatagal magpakailanman. 35 At sabihing, “Iligtas mo kami, Diyos ng aming kaligtasan. Tipunin mo kami ng magkakasama at iligtas mo kami mula sa ibang mga bansa, upang makapagpasalamat kami sa iyong banal na pangalan at kaluwalhatian sa iyong kapurihan.” 36 Nawa si Yahweh, ang Diyos ng Israel ay papurihan magpakailanman hanggang sa magpasawalang-hanggan. Sinabi ng lahat ng tao, “Amen” at pinuri si Yahweh.

  30. 3 Tumingin ang lahat ng mga tao ng Israel nang bumaba ang apoy at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay nasa tahanan. Yumuko sila na nakasayad ang kanilang mga mukha sa sahig na bato, sumamba, at nagpasalamat kay Yahweh. Sinabi nila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang tipan ng katapatan ay magpakailanman.”

  31. 22 Ihahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita. 23 Kayo na may takot kay Yahweh, purihin siya! Kayong lahat na mga kaapu-apuhan ni Jacob, parangalan siya! Ipakita niyo ang inyong pagkamangha sa kaniya, kayong lahat na mga kaapu-apuhan ng Israel!

  32. 1 Mag-ingay sa galak para sa Diyos, lahat ng nilalang; 2 Awitin ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan; gawing maluwalhati ang kaniyang kapurihan. 3 Sabihin mo sa Diyos, “Nakakikilabot ang iyong mga gawa! Sa pamamagitan ng kadakilaan ng iyong kapangyarihan, magpapasakop sa iyo ang iyong mga kaaway. 4 Sasamba at aawit sa iyo ang lahat ng nasa lupa; aawit sila sa iyong pangalan.” Selah

  33. 24 Pagkatapos niyang matanggap ang utos na ito, pinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinadena ang kanilang paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy.

    25 Nang maghahating gabi na sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig ang ibang bilanggo sa kanila. 26 Biglang may malakas na lindol, kaya't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig; at agad nagbukas ang lahat ng mga pintuan, at nakalas ang kadena ng bawat isa.

  34. 14 Hindi kayo dapat sumamba ng ibang diyos, dahil ako lang, si Yahweh, ang may pangalang 'Mapanibugho,' ako ang mapanibughong Diyos.

  35. 1 Ipagbubunyi kita, aking Diyos na Hari; pupurihin ko ang iyong pangalan magpakailanman. 2 Araw-araw pupurihin kita, pupurihin ko ang ngalan mo magpakailanman. 3 Dakila si Yahweh at karapat-dapat na papurihan; ang kaniyang kadakilaan ay hindi matatagpuan. 4 Ang isang henerasyon ay papupurihan ang iyong mga gawa hanggang sa mga susunod at ipahahayag ang iyong makapangyarihang mga gawa.

  36. 3 Purihin siya sa ihip ng tambuli; purihin siya gamit ang plawta at alpa. 4 Purihin siya gamit ang tamburin at sayawan; purihin siya gamit ang mga instrumentong may kuwerdas at mga instrumentong hinihipan. 5 Purihin siya gamit ang maiingay na pompyang; purihin siya gamit ang matitinis na pompyang. 6 Purihin si Yahweh ng lahat ng may hininga. Purihin si Yahweh.

  37. 8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita ang lahat ng mga kaharian ng mundo pat na ang kanilang karingalan. 9 Sinabi niya sa kaniya, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay yuyukod at sasambahin ako.”

    10 At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Umalis ka dito Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong paglingkuran.”

  38. 52 Kaya siya ay sinamba nila, at bumalik sila sa Jerusalem nang may labis na kagalakan. 53 Namalagi sila sa Templo, na nagpupuri sa Diyos.

  39. 1 O, umawit kay Yahweh ng isang bagong awitin; umawit kay Yahweh, buong daigdig. 2 Umawit kay Yahweh, purihin ang kanyang pangalan; ipahayag ang kanyang kaligtasan araw-araw. 3 Ipahayag ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa gitna ng lahat ng mga bansa. 4 Dahil si Yahweh ay dakila at marapat siyang papurihan ng lubos. Dapat siyang katakutan higit sa lahat ng ibang mga diyos. 5 Dahil lahat ng mga diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan, pero si Yahweh ang lumikha ng kalangitan. 6 Kaningningan at kamahalan ang nasa kanyang presensiya. Kalakasan at kagandahan ang nasa kanyang santuwaryo.

  40. 10 Nang nalaman ni Daniel na nalagdaan na ang kasulatan na isina-batas, pumunta siya sa kaniyang bahay (ngayon ang kaniyang bintana sa itaas ay nakabukas sa dakong Jerusalem) at siya ay lumuhod, gaya ng ginagawa niya ng tatlong beses sa isang araw, at nanalangin at nagpapasalamat sa harapan ng kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang dating ginagawa.

  41. 3 Sapagkat tayo ang pagtutuli. Tayo na sumasamba sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Tayo na ipinagmamalaki si Cristo Jesus at walang anumang pagtitiwala sa laman.

  42. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises, ang lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Panginoong Diyos, siya na naghahari sa lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga gawa, Hari ng mga bansa. 4 Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan? Dahil ikaw lamang ang banal. Lahat ng mga bansa ay pupunta at sasamba sa iyong harapan dahil ang iyong mga gawang matuwid ay naihayag.

  43. 20 Napatayo si Job, pinunit ang kaniyang damit, inahit ang kaniyang buhok, nagpatirapa sa lupa at sinamba ang Diyos.” 21 Sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik doon. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi; ang pangalan nawa ng Diyos ang mapapurihan.”

  44. 8 Walang sinuman ang maihahambing sa iyo sa mga diyos, Panginoon. Walang mga gawa ang makakatulad sa mga ginawa mo. 9 Lahat ng bansa na iyong ginawa ay pupunta at yuyuko sa iyo, Panginoon. Pararangalan nila ang iyong pangalan. 10 Dahil ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay, ikaw lamang ang Diyos.

  45. 5 Purihin si Yahweh ang ating Diyos at sambahin siya sa kanyang tuntungan. Siya ay banal.

  46. 6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malinaw na sinabi ng propetang Isaias ang tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, isinulat niya, 'Pinaparangalan ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit malayo ang kanilang puso sa akin. 7 Walang laman ang pagsasamba na inaalay nila sa akin, itinuturo nila ang mga patakaran ng mga tao bilang kanilang doktrina.'

  47. 9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan.

  48. 4 Ang dalawamput-apat na nakatatanda at apat na buhay na nilalang ay nagpatirapa sa kanilang sarili at sumamba sa Diyos na siyang nakaupo sa trono. Sinasabi nila, “Amen. Aleluya!”

    5 Pagkatapos lumabas ang isang tinig mula sa trono, na sinasabing, “Purihin ang ating Diyos, kayong lahat na kaniyang mga lingkod, kayo na may takot sa kaniya, kapwa hindi mahahalaga at ang malalakas.”

    6 Pagkatapos narinig ko ang tunog na tulad ng tinig ng isang malaking bilang ng mga tao, tulad ng dagundong ng maraming tubig, katulad ng malakas na salpukan ng kulog, sinasabing, “Aleluya! Dahil ang Panginoon, ang ating Diyos, ang namumuno ng lahat, siya ay maghahari. 7 Magalak tayo at maging napakasaya at bigyan siya ng kaluwalhatian dahil ang pagdiriwang ng kasalan ng Kordero ay darating, at ang babaing kaniyang papakasalan ay inihanda ang kaniyang sarili.

  49. 20 Si Miriam, ang babaeng propeta, na kapatid na babae ni Aaron, ay dumampot ng tamburin, at lumabas ang lahat ng mga kababaihan na may mga tamburin, sabay na sumasayaw kasama niya. 21 Inawit ni Miriam sa kanila: “Umawit kay Yahweh, dahil siya ay maluwalhating nagtagumpay. Itinapon niya sa dagat ang kabayo at ang kaniyang mangangabayo.”

  50. 27 Inutusan sila ni Ezequias na ihandog sa altar ang alay na susunugin. Nang magsimula ang pag-aalay, nagsimula rin ang awit para kay Yahweh na may kasamang mga trumpeta, kasama ang mga instrumento ni David na hari ng Israel. 28 Sumamba ang buong kapulungan, umawit ang mga mang-aawit at tumugtog ang mga manunugtog ng trumpeta, nagpatuloy ang mga ito hanggang sa natapos ang pagsusunog ng mga alay.

    29 Nang matapos nila ang mga pag-aalay, yumukod at sumamba ang hari at ang lahat ng kasama niyang naroon. 30 Bukod pa rito, inutusan ni haring Ezequias at ng mga pinuno ang mga Levita na umawit ng mga papuri kay Yahweh gamit ang mga awit ni David at ng propetang si Asaf. Umawit sila ng mga papuri nang may kagalakan at nagsiyukod sila at sumamba.

  51. 1 Pupurihin ko si Yahweh sa lahat ng oras; ang kaniyang kapurihan ay laging mamumutawi sa aking bibig. 2 Pupurihin ko si Yahweh; nawa marinig ito ng api at sila ay matuwa. 3 Purihin natin si Yahweh; sama-sama nating itaas ang kaniyang pangalan.

  52. 3 Purihin nila ang kaniyang pangalan na may sayawan; umawit sila ng papuri sa kaniya nang may tamburin at alpa.

  53. 20 Sapagkat kung kayo ay nagtitipun-tipon, hindi ang Banal na Hapunan ng Panginoon ang inyong pinagsasaluhan. 21 Kapag kumakain kayo, kinakain ng bawat isa ang kaniyang sariling pagkain bago kumain ang iba. Ang iba ay nagugutom, at ang iba ay nalalasing na. 22 Wala ba kayong mga bahay upang doon kayo kumain at uminom? Hinahamak ba ninyo ang iglesiya ng Diyos at ibinababa ang mga walang-wala? Ano ang kailangan kong sabihin sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Hindi ko kayo pupurihin para dito!

    23 Sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang ibinibigay ko sa inyo na ang Panginoong Jesus, sa gabing siya ay ipagkanulo, humuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagpira-piraso niya ito at sinabi: “Ito ang aking katawan, na para sa inyo. Gawin ninyo ito upang alalahanin ako.” 25 Sa ganoon ding paraan, matapos ang Hapunan, kinuha niya ang tasa at kaniyang sinabi, “Ito ang tasa ng bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo itong madalas na pag-inom, upang alalahanin ako.” 26 Sapagkat sa tuwing kumakain kayo ng tinapay na ito at umiinom sa tasang ito, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kaniyang pagbabalik.

    27 Sinuman ang kakain ng tinapay o iinom sa tasa ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na pamamaraan, magkakasala siya sa katawan at sa dugo ng Panginoon. 28 Siyasatin muna ng isang tao ang kaniyang sarili, at sa paraang ito hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa kopa.

  54. 6 Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa alapaap, na may walang hanggang mensahe ng magandang balita para ipahayag sa mga naninirahan sa mundo — sa bawat bansa, tribo, wika, at mga tao. 7 Tumawag siya nang may malakas na tinig, “Matakot sa Diyos at bigyan siya ng kaluwalhatian. Dahil sa oras ng kaniyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin siya, siya na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig.

  55. 9 Sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan sa Kordero.” Sinabi rin niya sa akin, “Ito ang tunay na mga salita ng Diyos.

    10 Ipapatirapa ko ang aking sarili sa kaniyang paanan para sambahin siya, pero sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan!” Ako ay kapwa lingkod na kasama mo, at ng iyong mga kapatid na pinanghahawakan ang patotoo tungkol kay Jesus. Sambahin ang Diyos, dahil ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang espiritu ng propesiya.

  56. 9 Kapag pumapasok si Moises sa tolda, ang haliging ulap ay bumababa at nananatili sa labas ng tolda, at nagsasalita si Yahweh kay Moises. 10 Kapag nakita ng mga tao ang haliging ulap na nananatili sa pasukan ng tolda, sila ay tumatayo at sumasamba, bawat lalaki sa kanilang sariling pasukan ng tolda.

  57. 4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.

    6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.

  58. 22 Sumagot si Samuel, “Mas nagagalak ba si Yahweh sa mga handog na susunugin at mga alay, kaysa sa pagsunod sa boses ni Yahweh? Ang pagsunod ay maigi kaysa sa alay, at ang pakikinig ay maigi kaysa sa taba ng mga lalaking tupa.

  59. Para sa punong manunugtog; nakatakda sa estilo ng Muth Laben. Isang awit ni David.

    1  Buong puso akong magpapasalamat kay Yahweh; ihahayag ko ang lahat ng kamangha-mangha mong mga gawain. 2 Magagalak ako at magsasaya sa iyo; aawit ako ng papuri sa iyong pangalan, Kataas-taasan!

  60. 11 Pinalitan mo ang aking pagluluksa ng pagsasayaw; hinubad mo ang aking sako at dinamitan ako ng kagalakan. 12 Kaya ngayon ang naparangalan kong puso ay aawit nang papuri sa iyo at hindi mananahimik; Yahweh aking Diyos, magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo magpakailanman!

  61. 4 Pagkatapos, pupunta ako sa altar ng Diyos, sa Diyos na aking lubos na kaligayahan; at sa aking alpa pupurihin kita, O Diyos, aking Diyos.

  62. 1 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at ng lahat ng mayroon ako, binibigyang papuri ko ang kanyang banal na pangalan.

  63. 16 Magalak kayo lagi. 17 Manalangin ng walang patid. 18 Magpasalamat kayo sa lahat ng bagay. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus.

  64. 12 Ngayon, Israel, ano ang kailangan ni Yahweh na inyong Diyos, maliban sa matakot kay Yahweh na inyong Diyos, para lumakad sa lahat ng kaniyang kaparaanan, para ibigin siya, at para sambahin si Yahweh na inyong Diyos ng buong puso at buong kaluluwa, 13 para sundin ang mga utos ni Yahweh, at ang kaniyang mga batas, na inuutos ko sa inyo ngayon para sa inyong kabutihan?

  65. 15 Nang marinig ni Gideon ang muling pagsasalaysay ng panaginip at ang kahulugan nito, nagpatirapa siya sa pagsamba. Bumalik siya sa kampo ng Israel at sinabi, “Bumangon kayo! Binigyan kayo ni Yahweh ng tagumpay laban sa mga hukbo ng Midian.”

  66. 11 Nangyari na ang mga pari ay lumabas mula sa dakong banal. Inilaan ng lahat ng mga paring naroon ang kanilang mga sarili kay Yahweh; pinangkat sila ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi. 12 Maging ang mga Levitang mga mang-aawit, lahat sila, kabilang sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang lalaking anak at ang kanilang mga kapatid na lalaki ay nakadamit ng pinong lino at tumutugtog ng mga pompiyang, mga alpa, at mga lira, na nakatayo sa silangang dulo ng altar. Kasama nila ang 120 pari na umiihip ng mga trumpeta. 13 Nangyari na ang mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang gumawa ng musika, tumutugtog nang iisang tunog na maririnig para sa pagpupuri at pagpapasalamat kay Yahweh. Nilakasan nila ang kanilang mga tinig kasama ng mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang mga instrumento, at pinuri nila si Yahweh. Umawit sila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang katapatan sa kaniyang kasunduan ay nananatili magpakailanman.” At ang tahanan, na tahanan ni Yahweh ay napuno ng ulap. 14 Ang mga pari ay hindi makatayo sa loob upang maglingkod dahil sa ulap, sapagkat pinuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan.

  67. 15 Ngayon magiging bukas ang aking mga mata at makikinig ang aking mga tainga sa mga panalangin na gagawin sa lugar na ito. 16 Sapagkat pinili ko ngayon at inilaan ang tahanang ito, upang ang aking pangalan ay naroon magpakailanman; at ang aking mga mata at puso ay naroon sa lahat ng panahon.

  68. 5 Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng lahat ng mga tao, dahil siya ay nakatayo nang mataas sa mga tao, at nang binuksan niya ito, ang lahat ng tao ay tumayo. 6 Si Ezra ay nagbigay ng pasasalamat kay Yahweh, ang dakilang Diyos, at lahat ng mga tao ay itinaas ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen!” Pagkatapos, iniyuko nila ang kanilang mga ulo at sumamba kay Yahweh na nakasayad ang kanilang mukha sa lupa.

  69. 25 Ang aking pagpupuri ay dahil sa iyo sa gitna ng napakalaking kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harap nilang may takot sa kaniya. 26 Ang mga naaapi ay makakakain at mabubusog; sila na naghahanap kay Yahweh ay magpupuri sa kaniya. Nawa ang inyong mga puso ay mabuhay magpakailanman. 27 Ang lahat ng mga tao sa lupa ay aalalahanin at babalik kay Yahweh; lahat ng mga pamilya ng mga bansa ay luluhod sa iyong harapan. 28 Dahil ang kaharian ay kay Yahweh; siya ang namumuno sa mga bansa.

  70. 3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? 4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. 5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. 6 Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah

  71. 1 Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa. 2 Umawit sa kaniya, umawit sa kaniya ng mga papuri; Ipahayag ang lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa. 3 Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh. 4 Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensya. 5 Alalahanin ang mga kahanga-hangang bagay na kaniyang ginawa, ang kaniyang mga himala at ang mga kautusan mula sa kaniyang bibig, 6 kayong mga kaapu-apuhan ni Abraham na kaniyang lingkod, kayong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga pinili.

  72. 1 Yahweh, ikaw ang aking Diyos; dadakilain kita, pupurihin ko ang pangalan mo; dahil gumawa ka ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na matagal mo nang binalak, sa ganap na katapatan.

  73. 6 Gayon din ang mga dayuhan na umanib kay Yahweh, para maglingkod sa kanya, at nagmamahal sa pangalan ni Yahweh, para sambahin siya, lahat na tumutupad sa Araw ng Pamamahinga at mga nag-iingat na dungisan ito, at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan, 7 dadalhin ko ang mga ito sa aking banal na bundok at gagawin ko silang maligaya sa aking bahay-dalanginan; ang kanilang mga handog na susunugin at kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking altar. Dahil ang aking tahanan ay tatawagin na bahay dalanginan para sa lahat ng mga bansa,

  74. 28 Sinabi ni Nebucadnezar, “Purihin natin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego na nagpadala ng kaniyang mensahero at nagbigay ng kaniyang mensahe sa kaniyang mga lingkod. Nagtiwala sila sa kaniya nang isinantabi nila ang aking utos at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa sumamba o magpatirapa sa sinumang diyos maliban sa kanilang Diyos.

  75. 5 Tulad kayo ng buhay na mga bato na kasalukuyang binubuo upang maging espiritwal na tahanan, upang maging banal na mga pari na naghahandog ng espiritwal na mga alay na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo.

  76. 10 Ang mga tagapagtayo ay inaglagay ang pundasyon para sa templo ni Yahweh. Binigyang daan nito ang mga paring nakatayo na suot ang kanilang mga kasuotan kasama ang mga trumpeta, at mga Levita, mga anak ni Asaf, upang papurihan si Yahweh sa pamamagitan ng pompyang, gaya ng iniutos ng mga kamay ni David, na hari ng Israel. 11 Umawit sila ng papuri at pasasalamat kay Yahweh, “Siya ay mabuti! ang kaniyang tipan ng katapatan sa Israel ay mananatili magpakailanman.” Ang lahat ng mamamayan ay humiyaw nang may kagalakan sa pagpupuri kay Yahweh dahil ang pundasyon ng templo ay nailagay na.

    12 Ngunit marami sa mga pari, mga Levita, mga punong ama ng lipi, at matatandang mga taong nakakita sa unang tahanan ang tumangis ng malakas nang mailagay ang mga pundasyon ng tahanang ito sa harap ng kanilang mga mata. Ngunit marami ang sumisigaw sa tuwa na may galak at isang nasasabik na tunog. 13 Ang kinahinatnan, ang mamamayan ay hindi makilala ang ingay ng nagagalak at masaya sa ingay ng pagtangis ng mga tao, sapagkat ang mga tao ay umiiyak nang may malaking tuwa, at narinig ang ingay hanggang sa malayo.

  77. 2 Luluhod ako sa iyong banal na templo at magpapasalamat sa iyong ngalan para sa katapatan sa tipan at sa iyong pagiging mapagkakatiwalaan. Dinakila mo ang iyong salita at iyong pangalan higit sa lahat.

  78. 21 “Kinamumuhian ko, at kinasusuklaman ko ang inyong mga kapistahan, hindi ako nasisiyahan sa inyong mga taimtim na mga pagpupulong. 22 Kahit na ihandog ninyo sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyan, ni hindi ko titingnan ang mga pinataba ninyong hayop na ihahandog ninyong pangkapayapaan. 23 Huwag ninyong iparinig ang ingay ng inyong mga awit; hindi ko pakikinggan ang mga tunog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, paaagusin ninyo ang katarungan na tulad ng tubig na umaagos, at paaagusin ninyo ang katuwiran tulad ng batis na patuloy sa pag-agos.

  79. 6 Ano ang aking dadalhin kay Yahweh bilang pagpapakumbaba sa kataas-taasang Diyos? Pupunta ba ako sa kaniya na may dalang isang taong gulang na mga guyang susunugin upang ialay? 7 Malulugod ba si Yahweh sa isang libong lalaking tupa o kaya sampung libong mga ilog ng langis? Dapat ko bang ibigay ang aking unang anak para sa aking pagsuway, ang bunga ng aking katawan para sa aking sariling kasalanan? 8 Sinabi niya sa inyo, tao, kung ano ang mabuti at kung ano ang nais ni Yahweh mula sa iyo: Kumilos ng makatarungan, umibig na may kabaitan at lumakad na may pagpapakumbaba kasama ang inyong Diyos.

  80. 16 Narinig ko, at ang aking kaloob-loobang bahagi ay nanginig! Ang aking mga labi ay nangatal sa tunog! Kabulukan ay pumasok sa aking mga buto, at sa ilalim ng katawan ko ay nanginig habang tahimik kong hinihintay na dumating ang araw nang kaguluhan sa mga taong lumulusob sa amin.

    17 Bagaman ang mga puno ng igos ay hindi sumibol at walang bunga mula sa mga puno ng ubas; bagaman ang puno ng olibo ay hindi namunga, at ang mga bukirin ay walang naibibigay na pagkain; bagaman ang kawan ay naihiwalay sa kulungan, at walang baka sa mga kuwadra— 18 Gayon man, magagalak ako kay Yahweh! Matutuwa ako dahil ang Diyos ang aking kaligtasan!

  81. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

    24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili. 25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.

  82. 26 Ano nga ang susunod mga kapatid? Kung magsasama-sama kayo, ang bawat isa ay may salmo, may katuruan, may pahayag, may pagsasalita sa wika, o may pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng bagay upang mapatatag ang iglesya.

    27 Kung mayroon mang nagsasalita sa iba't ibang wika, hayaan na may dalawa o tatlo, at magsalitan ang bawat isa. At dapat na mayroong magpaliwanag sa kung ano ang nasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa sa iglesya. Hayaang magsalita ang bawat isa sa kaniyang sarili at sa Diyos.

    29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong propeta at ang iba na makinig ng may pagkaalam sa kung ano ang nasabi. 30 Ngunit kung may kaalaman na naibigay sa isa sa mga nakaupo sa pagtitipon, manahimik ang nagsasalita. 31 Sapagkat ang bawat isa sa inyo ay maaring magpahayag ng isa-isa upang matuto ang bawat isa at ang lahat ay mapalakas. 32 Sapagkat ang mga espiritu ng mga propeta ay napapasailalim sa pamamahala ng mga propeta. 33 Sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kalituhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng lahat ng nasa iglesya ng mga mananampalataya, 34 dapat manahimik ang mga kababaihan sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita. Sa halip, dapat silang magpasakop tulad ng sinasabi sa kautusan. 35 Kung mayroon man silang nais matutuhan, hayaan silang magtanong sa kanilang mga asawa sa tahanan. Sapagkat nakakahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.

    36 Nagmula ba sa inyo ang salita ng Diyos? Kayo lamang ba ang naabot nito? 37 Kung mayroon man ang nag-iisip sa sarili niya na isa siyang propeta o espiritwal, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay ang mga kautusan ng Panginoon. 38 Ngunit kung may sinumang hindi kumikilala nito, huwag siyang kilalanin.

    39 Kaya mga kapatid, masigasig ninyong mithiin ang magpahayag ng propesiya at huwag pagbawalan ang sinuman sa pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Ngunit gawin ang lahat na may angkop at kaayusan.

  83. 25 Sapagkat si Yahweh ay dakila at marapat na papurihan, at marapat siyang katakutan higit sa lahat ng ibang diyos.

  84. 3 Pero ikaw ay banal; ikaw ay nakaupo bilang hari kasama ang mga papuri ng Israel.

  85. 1 Dakila si Yahweh at lubos na dakila para purihin, sa lungsod ng ating Diyos sa kaniyang bundok na banal.

  86. 9 Magpapasalamat ako sa iyo, Panginoon, sa gitna ng mga tao; aawit ako sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.

  87. 4 Umawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kaniyang pangalan; gumawa ng daan sa kapatagan para sa naglalakbay sa gitna ng lambak sa Ilog Jordan; Yahweh ang kaniyang pangalan; magalak kayo sa harap niya. 5 Ang ama ng mga walang ama, ang hukom ng mga balo, ay Diyos sa banal na lugar kung saan siya nananahan.

  88. 8 Ang aking bibig ay mapupuno ng iyong papuri, na may karangalan mo sa buong araw.

  89. 1 Purihin si Yahweh. Purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kalangitan; purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kaitaas-taasan. 2 Purihin niyo siya, lahat kayong mga anghel; purihin niyo siya, lahat kayong mga hukbo ng anghel. 3 Purihin niyo siya, araw at buwan; purihin niyo siya, kayong mga nagniningning na bituin. 4 Purihin niyo siya, kayong pinakamataas na kalangitan at kayong mga katubigan sa kaulapan. 5 Hayaan silang purihin ang pangalan ni Yahweh, dahil binigay niya ang utos at sila ay nalikha.

  90. 37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.'