40 Bible Verses About Living for God
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.
6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kasuklaman kung ano ang masama; panghawakan kung ano ang mabuti. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.
11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.
12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.
13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.
14 Pagpalain ninyo ang mga umaapi sa inyo; pagpalain at huwag isumpa. 15 Makipaggalak kayo sa mga nagagalak; makipagtangis kayo sa mga tumatangis. 16 Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag mag-isip sa mga paraang mapagmataas, ngunit tanggapin ang mga mabababang tao. Huwag maging marunong sa inyong mga sariling isipan.
17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.
19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”
20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”
21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.
-
1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.
5 patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo—pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Sa mga bagay na ito na minsan rin ninyong nilakaran ng namuhay kayo sa mga ito. 8 Ngunit ngayon dapat ninyong alisin ang lahat ng mga bagay na ito—poot, galit, mga masasamang layunin, mga pang-aalipusta at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.
9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.
12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
-
1 Tanggapin ang sinumang mahina ang pananampalataya, nang hindi hinahatulan ang mga pagtatalo. 2 Sa isang dako, ang isang tao ay may paniniwalang maari niyang kainin ang kahit na ano, ngunit sa kabilang dako, ang ibang mahina ay kumakain lamang ng mga gulay. 3 Huwag sanang hamakin ng taong kumakain ng kahit na ano ang taong hindi kinakain ang lahat. At ang siyang hindi kinakain ang lahat ay huwag husgahan ang taong kumakain ng lahat. Dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka, ikaw na humuhusga sa isang lingkod na pagmamay-ari ng iba? Sa harapan ng kaniyang amo siya tatayo o matutumba. Ngunit siya ay patatayuin, dahil nagagawa ng Panginoon na siya ay patayuin.
5 Sa isang dako, pinahahalagahan ng isang tao ang isang araw ng higit kaysa sa iba. Sa kabilang dako, pinahahalagahan naman ng iba ang bawat araw ng pantay-pantay. Ang bawat tao ay magpasya sa kaniyang sariling isipan. 6 Ang nagpapahalaga ng araw, ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At siya na kumakain, ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos. Ang hindi kumakain, ay nagpipigil na kumain para sa Panginoon. Nagpapasalamat din siya sa Diyos.
7 Sapagkat wala sa atin ang nabubuhay para sa kaniyang sarili, at walang namamatay para sa kaniyang sarili. 8 Sapagkat kung tayo ay nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon. At kung tayo ay mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya kung tayo man ay mamamatay o mabubuhay, tayo ay sa Panginoon. 9 Dahil sa layuning ito namatay si Cristo at nabuhay muli, upang siya ay maging Panginoon ng mga patay at mga buhay.
-
1 Kaya nga, dahil si Cristo ay naghirap sa laman, armasan ninyo ang inyong mga sarili ng kaparehas na hangarin. Sinuman ang naghirap sa laman ay tumigil na sa kasalanan. 2 Ang taong ito ay hindi na namumuhay para sa mga pansariling pagnanasa, pero para sa kalooban ng Diyos—sa kaniyang natitirang buhay. 3 Sapagkat sapat na panahon na ang lumipas para gawin ng mga Gentil ang nais nilang gawin—kahalayan, pagkahumaling, paglalasing, panggugulo, labis na pagsasaya at kasuklam-suklam na pagsamba sa diyus-diyosan.
4 Naisip nilang kakaiba na hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na ito kasama sila, kaya nagsasalita sila ng masama patungkol sa inyo. 5 Magbibigay sila ng pagsusulit sa kaniya na handang hatulan ang lahat ng mga tao, patay man o buhay. 6 Sa layuning ito, ipinangaral ang ebanghelyo sa mga namatay, sa gayun, kahit na sila ay hinatulan sa kanilang mga katawan bilang mga tao, sila ay makapapamuhay ayon sa Diyos sa espiritu.
7 Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba. 9 Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo.
10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen
-
12 “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang para sa akin. “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas,” ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito. 13 “Para sa tiyan ang pagkain, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit kapwa wawasakin ng Diyos ang mga ito. Hindi ginawa ang katawan para sa gawaing mahahalay. Sa halip, ang katawan ay para sa Diyos, at ang Panginoon ang magkakaloob para sa katawan. 14 Binuhay ng Diyos ang Panginoon at siya din ang bubuhay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Maaari ko bang kunin ang mga bahagi ni Cristo at isama sa mga nagbebenta ng aliw? Hindi ito maaari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang sinumang nakipag-isa sa mga nagbebenta ng aliw ay magiging isang laman kasama siya? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang sinumang nakipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kaniya sa espiritu.
18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! “Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan,” ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
-
15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
-
4 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”'
-
8 Sa ganito ay naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay mamunga ng marami at na kayo ay maging aking mga alagad.
9 Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, kayo rin ay minahal ko, manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga kautusan, mananatili kayo sa aking pagmamahal katulad ng pagtutupad ko sa mga kautusan ng Ama at nanatili sa kaniyang pagmamahal. 11 Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang ang aking kagalakan ay sumainyo at upang ang inyong kagalakan ay maging lubos.
12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.
14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin ngunit pinili ko kayo at itinalaga kayo na humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Ito ay upang kung anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na magmahalan kayo sa isa't isa.
-
15 Kaya ano? Magkakasala ba tayo dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan, ngunit sa ilalim ng biyaya? Huwag nawa itong mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.
19 Nagsasalita ako tulad ng isang tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat gaya ng paghahandog ninyo ng mga bahagi ng inyong katawan bilang mga alipin sa karumihan at kasamaan, ngayon, sa ganoon ding paraan, ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa katuwiran para sa ikababanal.
20 Sapagkat noong kayo ay mga alipin ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Sa mga panahong iyon, ano ang naging bunga ng mga bagay na ikinahihiya na ninyo ngayon? Sapagkat ang kinahantungan ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayon na kayo ay pinalaya mula sa kasalanan at alipin na ng Diyos, nasa inyo ang inyong bunga para sa ikababanal. Ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
-
26 Sa ganoon paraan, tumutulong din ang Espiritu sa ating kahinaan. Sapagkat hindi natin alam kung paano tayo dapat manalangin, ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan sa atin ng mga daing na hindi maipahayag na mga daing. 27 Ang sumisiyasat ng mga puso ay alam ang kaisipan ng Espiritu, dahil namamagitan siya para sa mga mananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos.
28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid.
-
11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.
-
15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
-
10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito.
-
34 Huwag ninyong isipin na pumarito ako sa lupa upang magbigay ng kapayapaan. Hindi ako dumating upang magbigay ng kapayapaan, kundi isang espada. 35 Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.
37 Ang nagmamahal sa kaniyang ama at ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagmamahal sa kaniyang anak na lalaki at babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang hindi nagbubuhat ng kaniyang krus at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang naghahanap ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang mawawalan ng buhay nang dahil sa akin ay makahahanap nito.
-
1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Dapat ba tayong magpatuloy sa kasalanan upang managana ang biyaya? 2 Huwag nawa itong mangyari. Tayong mga namatay sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay rito? 3 Hindi ba ninyo alam na kung gaano karami ang nabautismuhan kay Jesu-Cristo ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Inilibing na tayo kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Nangyari ito upang gaya ng pagkabuhay ni Cristo mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, lalakad din tayo sa panibagong buhay.
5 Sapagkat kung tayo ay nakiisa sa kaniya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tayo rin ay makikiisa sa kaniyang muling pagkabuhay. 6 Nalalaman natin ito, na ang dati nating pagkatao ay ipinako sa krus kasama niya, upang sa gayon ay masira ang ating katawang makasalanan. Nangyari ito upang hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan. 7 Siya na namatay ay inihayag na matuwid hinggil sa kasalanan.
8 Ngunit kung namatay tayo kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. 9 Alam nating si Cristo ay binuhay mula sa patay at hindi na siya patay. Hindi na naghahari sa kaniya ang kamatayan. 10 Sapagkat ukol sa kamatayan na namatay siya sa kasalanan, namatay siya nang minsanan para sa lahat. Subalit, ang buhay na kaniyang ipinamuhay ay ipinamuhay niya para sa Diyos. 11 Sa ganoon ding paraan, kinakailangan din ninyong ituring ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.
12 Samakatuwid huwag ninyong hayaan na pagharian ng kasalanan ang inyong mga namamatay na katawan upang inyong sundin ang mga pagnanasa nito. 13 Huwag ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan para sa kasamaan, ngunit ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos, na buhay mula sa patay. At ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng katuwiran para sa Diyos. 14 Huwag ninyong hayaan na pagharian kayo ng kasalanan. Sapagkat wala na kayo sa ilalim ng kautusan ngunit sa ilalim ng biyaya.
-
8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.
-
19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
22 Ang mata ay ang ilaw ng katawan. Kaya kung mabuti ang inyong mata, mapupuno ng liwanag ang buong katawan. 23 Ngunit kung masama ang inyong mata, ang inyong buong katawan ay puno ng kadiliman. Kaya kung ang liwanag na nasa inyo ay pawang kadiliman, napakatindi ng kadilimang iyon!
24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.
-
22 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin. 23 Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit.
-
13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.
-
31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos.
-
14 Dahil ang pagmamahal ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami ay sigurado dito: na mayroong isang tao na namatay para sa lahat, kaya ang lahat ay namatay. 15 At namatay si Cristo para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay hindi na mamuhay para sa kanilang mga sarili. Sa halip dapat silang mamuhay para sa kaniya na namatay at muling nabuhay.
-
10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo.
-
20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko ipinagwawalang-halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pagkamakatuwiran ay umiiral sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.
-
21 Sapagkat para sa akin, ang mabuhay ay kay Cristo at ang mamatay ay kapakinabangan.
-
18 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, dahil ito ang nararapat sa Panginoon.
19 Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyong mga asawa at huwag maging malupit laban sa kanila.
20 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat nakalulugod ito sa Panginoon.
21 Mga ama, huwag ninyong labis na pagalitan ang inyong mga anak, upang hindi sila panghinaan ng loob.
22 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo ayon sa laman sa lahat ng mga bagay, hindi lamang kapag may nakakakita upang magbigay lugod sa mga tao, ngunit nang may tapat na puso. Matakot kayo sa Panginoon.
23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran. 25 Sapagkat sinumang gumawa ng hindi matuwid ay tatanggap ng kabayaran para sa hindi matuwid na kaniyang ginawa at wala ditong pinapanigan.
-
5 Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6 Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.
-
2 Isasa-isip ninyo ang lahat ng mga kaparaanan ni Yahweh na inyong Diyos na nagdala sa inyo ng apatnapung taon sa ilang, para kayo ay ibaba niya, para subukin niya kayo para malaman kung ano ang nasa inyong puso, kung susundin ninyo ang kaniyang mga utos o hindi.
3 Ibinaba niya kayo, at ginutom, at pinakain kayo ng manna, na hindi ninyo alam kung ano, ni ng inyong mga ninuno, ni ng inyong mga ama. Ginawa niya ang mga iyon para malaman ninyo na ang mga tao ay hindi lamang nabubuhay sa tinapay, kung hindi, ito ay sa pamamagitan ng bawat salita na nagmumula sa bibig ni Yahweh kaya nabubuhay ang mga tao.
-
13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.
-
21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'
23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'
24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.
26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”
-
29 Sinabi ni Jesus, “Totoo ang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman ang nang-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita, 30 ang hindi makatatanggap ng isandaang ulit pa ng mga ito sa mundo ngayon: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak at mga lupain na may mga pag-uusig, at sa mundong paparating, ang buhay na walang hanggan.
-
39 Sinaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat akala ninyo na sa mga ito ay mayroon na kayong buhay na walang hanggan, at ang mga kasulatan ding ito ay nagpatotoo tungkol sa akin, 40 at hindi ninyo gustong lumapit sa akin upang kayo ay magkaroon ng buhay.
-
6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.
-
16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin. 18 Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.
19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa. 25 Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin naman ay lumakad sa pamamagitan ng Espiritu. 26 Huwag tayong maging mapagpahalaga sa sarili, galitin ang isa't isa o mainggit sa isa't isa.
-
14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.
17 Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta. Naparito ako hindi upang sirain ang mga ito kundi upang ito ay tuparin. 18 Sapagkat totoo itong sinasabi ko sa inyo, hanggang hindi lilipas ang langit at lupa, wala ni isang tuldok o kudlit man ang mawawala sa kautusan, hanggang sa ang lahat ng mga bagay ay maganap.
19 Kung gayon, sinuman ang lalabag ng kahit isa sa kaliit-liitan sa mga kautusang ito at nagtuturo sa iba na gawin ang paglabag nito ay tatawaging pinakahamak sa kaharian ng langit. Ngunit ang sinumang tumupad sa mga ito at itinuturo sa iba na tupariin ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
-
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.'
-
3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”
4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, “Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?”
5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Iyong ipanganak sa laman ay laman, at iyong ipanganak sa Espiritu ay espritu. 7 Huwag kayong mamangha na sinabi ko sa inyo, 'Dapat kayong ipanganak muli.' 8 Umiihip ang hangin kung saan niya gusto. Naririnig ninyo ang huni nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan ito nagmula o kung saan ito pupunta. Gayon din naman ang sinumang isilang sa Espiritu.”
-
14 Huwag kayong makikipag-isa sa mga hindi mananampalataya. Ano ang kaugnayan ng katuwiran sa kasamaan? At anong kaugnayan mayroon ang ilaw sa kadiliman? 15 Anong kasunduan mayroon si Cristo kay Belial? O anong kabahagi mayroon ang mga mananampalataya sa mga hindi mananampalataya? 16 At anong kasunduan mayroon sa pagitan ng templo ng Diyos at sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo ang templo ng buhay na Diyos, katulad ng sinabi ng Diyos: “Ako ay mananahan sa kanila at lalakad kasama nila. Ako ang magiging Diyos nila at sila ay magiging bayan ko.” 17 Kaya, “Lumabas kayo mula sa kanilang kalagitnaan, at maihiwalay kayo,” sabi ng Panginoon. “Huwag humawak ng anumang maruming bagay, at tatanggapin ko kayo.
18 Ako ay magiging Ama sa inyo, at kayo ay magiging aking mga anak na lalaki at babae,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan.
-
1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.
-
3 Sa pamamagitan nito alam nating kilala natin siya, kung iniingatan natin ang kanyang mga kautusan. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.
Shows Read in context, Share and Copy.