79 Bible Verses About Birthdays
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Ngayon sa mga araw na iyon, nangyari na si Cesar Agustus ay naglabas ng isang batas na nag-uutos na magkaroon ng sensus sa lahat ng tao na nabubuhay sa mundo. 2 Ito ang unang sensus na ginawa habang si Cirenio ang gobernador ng Syria. 3 Kaya pumunta ang bawat isa sa kaniyang sariling bayan upang mailista para sa sensus.
4 Si Jose ay umalis din mula sa lungsod ng Nazaret sa Galilea at naglakbay papunta sa Betlehem na bayan ng Judea na kilala bilang lungsod ni David, dahil siya ay kaapu-apuhan mula sa pamilya ni David. 5 Pumunta siya doon upang magpalista kasama si Maria na nakatakdang ikasal sa kaniya at kasalukuyang nagdadalang tao.
6 At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7 Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan.
8 Sa rehiyon ding iyon, may mga pastol na naninirahan sa parang at nagbabantay sa kanilang mga kawan ng tupa sa gabi. 9 Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11 Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon! 12 Ito ang palatandaan na maibibigay sa inyo, matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng pirasong tela na nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Kasama ng anghel, biglang may malaking bilang ng hukbong makalangit na nagpupuri sa Diyos, at sinasabi, 14 “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at nawa ay magkaroon ng kapayapaan dito sa lupa sa mga tao na kaniyang kinalulugdan.”
15 At nangyari nang umalis ang mga anghel mula sa kanila patungong langit, sinabi ng mga pastol sa bawat isa, “Tayo na pumunta sa Betlehem, at tingnan ang bagay na ito na nangyari na ipinaalam ng Panginoon sa atin”.
16 Sila ay nagmadaling pumunta doon at natagpuan sina Maria at Jose, at nakita ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Pagkatapos nilang makita ito, ipinaalam nila sa mga tao kung ano ang sinabi sa kanila tungkol sa batang ito. 18 Lahat ng nakarinig nito ay namangha sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Ngunit laging iniisip ni Maria ang lahat ng bagay na kaniyang narinig, iniingatan ang mga ito sa kaniyang puso.
20 Bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos sa lahat ng kanilang narinig at nakita, tulad ng sinabi sa kanila.
-
20 Dumating ang panahon sa ikatlong araw ay ang kaarawan ni Paraon. Gumawa siya ng salu-salo para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Siya ay nagbigay ng natatanging pansin sa punong tagahawak ng saro at sa punong panadero, na mas higit sa lahat ng iba niyang mga lingkod. 21 Binalik niya ang punong tagahawak ng saro sa kanyang pananagutan, at muli niyang nilagay ang saro sa kamay ni Paraon. 22 Ngunit binitay niya ang punong panadero gaya ng paliwanag ni Jose sa kanila.
23 Ganoon pa man ay hindi naalala ng punong tagahawak ng saro na tulungan si Jose. Sa halip, kinalimutan niya ang tungkol sa kanya.
-
11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato. 13 Dudurugin mo ang mga leon at ulupong sa iyong mga paa; iyong yuyurakan ang mga batang leon at mga ahas. 14 Dahil matapat siya sa akin, ililigtas ko siya. Poproktetahan ko siya dahil matapat siya sa akin. 15 Kapag tumatawag siya sa akin, ako ay tutugon sa kaniya. Makakasama niya ako sa kaguluhan; bibigyan ko siya ng katagumpayan at pararangalan siya. 16 Bibigyan ko siya ng kasiyahan sa mahabang buhay at ipapakita ko sa kaniya ang aking kaligtasan.
-
18 Naganap ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa ganitong kapamaraanan. Si Maria na kaniyang ina ay naipagkasundong maikasal kay Jose. Ngunit bago pa man sila magsama, nalamang nagdadalang tao siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya.
20 Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21 Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.”
22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23 “Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.”
24 Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya. 25 Gayunpaman, hindi niya ito sinipingan hanggang sa isinilang niya ang anak na lalaki. At tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.
-
6 Ngunit noong dumating ang kaarawan ni Herodes, ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw sa gitna at nalugod si Herodes. 7 Bilang tugon, nangako siya na may panunumpa na ipagkakaloob ang anumang hihilingin nito.
8 Pagkatapos matagubilinan ng kaniyang ina, sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito, sa isang bandihado, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
9 Lubhang nabalisa ang hari dahil sa kaniyang kahilingan, ngunit dahil sa kaniyang sumpang binitawan at dahil sa lahat ng naroon sa hapunan na kasama niya, iniutos niya na ito ay mangyari. 10 Nag-utos siya at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.
11 Pagkatapos ay dinala ang kaniyang ulong nasa bandihado at ibinigay sa babae at dinala niya ito sa kaniyang ina.
-
17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha.
-
13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari.
-
8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.
-
3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”
4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, “Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?”
5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Iyong ipanganak sa laman ay laman, at iyong ipanganak sa Espiritu ay espritu. 7 Huwag kayong mamangha na sinabi ko sa inyo, 'Dapat kayong ipanganak muli.' 8 Umiihip ang hangin kung saan niya gusto. Naririnig ninyo ang huni nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan ito nagmula o kung saan ito pupunta. Gayon din naman ang sinumang isilang sa Espiritu.”
-
11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.
-
4 Sa bawat araw na may kani-kaniyang pagdiriwang ang mga anak na lalaki, ipinapatawag nila ang kanilang tatlong kapatid na babae para kumain at uminom kasama nila.
5 Pagkatapos ng mga araw ng pista, sila ay ipinapatawag at muli silang itatalaga ni Job sa Diyos. Babangon siya nang maagang-maaga at mag-aalay ng sinunog na handog para sa bawat kaniyang mga anak, dahil iniisip niya na, “Marahil nagkasala ang aking mga anak at isinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ito ay laging ginagawa ni Job.
-
12 Kaya turuan mo kaming isaalang-alang ang aming buhay para mamuhay kami ng may karunungan.
-
21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa: 22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas. 23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila!
-
10 Makinig, aking anak, at pansinin ang aking mga salita, at ikaw ay magkakaroon ng maraming mga taon sa iyong buhay. 11 Papatnubayan kita sa daan ng karunungan; pangungunahan kita sa matuwid na mga landas. 12 Kapag ikaw ay lumalakad, walang hahadlang sa iyong daanan at kapag ikaw ay tatakbo, hindi ka matitisod. 13 Kumapit ka sa disiplina, huwag itong bibitawan; bantayan ito, dahil ito ay iyong buhay.
-
6 Dahil para sa atin, isang sanggol ang isinilang, isang anak na lalaki ang binibigay; at ang kapamahalaan ay nasa kaniyang balikat; at ang pangalang itatawag sa kaniya ay Kahanga-hangang Taga-payo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. 7 Sa paglawak ng kaniyang kapamahalaan, mananatili ang kapayapaan, habang siya ay nakaluklok sa trono ni David, sakop ang kaniyang kaharian, patatatagin niya at panatilihin ito nang may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang tutupad nito.
-
6 Habang ako ay nasa sinapupunan, inalalayan mo ako; ikaw ang siyang kumuha sa akin palabas sa tiyan ng aking ina; ang aking papuri ay tungkol palagi sa iyo. 7 Isa akong halimbawa sa maraming tao; ikaw ang aking matibay na kublihan. 8 Ang aking bibig ay mapupuno ng iyong papuri, na may karangalan mo sa buong araw.
-
11 Dahil sa pamamagitan ko ang mga araw mo ay dadami, at dadagdag ang taon ng buhay mo.
-
15 Sa Diyos nawa ang lahat ng pasasalamat sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob!
-
4 Nawa ay ipagkaloob niya sa iyo ang hinahangad ng iyong puso at tuparin ang lahat ng iyong mga plano.
-
4 Pagkatapos hanapin mo ang kaligayahan kay Yahweh, at ibibigay niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso. 5 Ibigay mo ang iyong pamamaraan kay Yahweh; magtiwala ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo. 6 Itatanghal niya ang iyong katarungan gaya ng liwanag ng araw at ang iyong kawalang-muwang gaya ng araw sa tanghali.
-
24 Ito ang araw na kumilos si Yahweh; tayo ay magalak at magsaya. 25 Pakiusap, O Yahweh, bigyan mo kami ng tagumpay! Pakiusap, O Yahweh, bigyan mo kami ng tagumpay!
-
5 “Bago kita binuo sa sinapupunan, pinili na kita. Bago ka ipanganak, itinalaga na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”
-
11 Tinuturo mo sa akin ang landas ng buhay; nag-uumapaw na kagalakan ay nananahan sa iyong piling; labis na tuwa ay nananatili sa iyong kanang kamay magpakailanman!
-
8 Kung may taong mabubuhay ng maraming mga taon, hayaan mo siyang sumaya sa lahat ng iyon, ngunit hayaan mo siyang isipin ang paparating na mga araw ng kadiliman, dahil marami sila. Lahat ng darating ay naglalahong usok. 9 Magalak ka, batang lalaki, sa iyong kabataan, at hayaang magalak ang iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan. Ipagpatuloy ang mga mabubuting hangarin ng iyong puso at anumang nakikita ng iyong mga mata. Gayunpaman, isipin mo na hahatulan ka ng Diyos para sa lahat ng mga bagay na ito. 10 Palayasin mo ang galit mula sa iyong puso, at huwag mong pansinin ang anumang sakit ng iyong katawan, dahil ang kabataan at ang lakas nito ay usok.
-
11 Kinokoronahan mo ang taon ng iyong kabutihan; naghuhulog ng pataba sa lupa ang mga bakas ng iyong karwahe.
-
1 Pagkatapos maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga araw ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang mga pantas na kalalakihan mula sa silangan na nagsasabi, 2 “Nasaan siyang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang bituin niya sa silangan kaya pumarito kami upang sumamba sa kaniya.”
-
21 Ang babae ay may dalamhati kapag siya ay nakararamdam ng pananakit ng tiyan dahil ang oras ng kaniyang panganganak ay malapit na; ngunit kapag naipanganak na niya ang bata, hindi na niya naaalala ang sakit dahil sa kaniyang kagalakan na isang sanggol ay naipanganak na sa mundo.
-
4 Yahweh, ipaalam mo sa akin kung kailan ang katapusan ng aking buhay at ang kahabaan ng aking mga araw. Ipakita mo sa akin kung paano ako lilipas. 5 Tingnan mo, ginawa mo lamang kasing lapad ng aking kamay ang aking mga araw, at ang haba ng aking buhay ay balewala para sa iyo. Tunay na ang bawat tao ay parang isang hininga. Selah
-
5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.
-
1 Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga sa mamahaling pabango at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti sa araw nang kapanganakan.
-
12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.
-
4 Isang bagay ang aking hiniling kay Yahweh, at iyon ay aking hahanapin: na ako ay mananahan sa tahanan ni Yahweh sa lahat ng mga araw ng aking buhay, para makita ang kagandahan ni Yahweh at para magnilay-nilay sa kanyang templo. 5 Dahil sa araw ng kaguluhan ay ikukubli niya ako sa kanyang kubol; sa loob ng kanyang tolda ay itatago niya ako. Itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato! 6 Pagkatapos ay itataas ang aking ulo nang mas angat kaysa aking mga kaaway na nasa paligid ko, at ako ay maghahain ng mga handog ng kagalakan sa kanyang tolda! Aawit ako at gagawa ng mga awitin kay Yahweh! 7 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking tinig kapag ako ay umiiyak! Maawa ka sa akin, at sagutin mo ako!
-
31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.
-
12 Dahil sino ang nakakaalam ng mabuti sa buhay ng tao sa kaniyang walang kabuluhan at bilang na mga araw na kaniyang dadaanan tulad ng isang anino? Sino ang makapagsasabi sa isang tao kung ano ang sasapitin sa ilalim ng araw pagkatapos siyang mamatay?
-
5 Sa isang dako, pinahahalagahan ng isang tao ang isang araw ng higit kaysa sa iba. Sa kabilang dako, pinahahalagahan naman ng iba ang bawat araw ng pantay-pantay. Ang bawat tao ay magpasya sa kaniyang sariling isipan. 6 Ang nagpapahalaga ng araw, ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At siya na kumakain, ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos. Ang hindi kumakain, ay nagpipigil na kumain para sa Panginoon. Nagpapasalamat din siya sa Diyos.
-
15 Pagkatapos ang hari ng Ehipto ay nakipag-usap sa Hebreong mga komadrona; ang pangalan ng isa ay si Sifra, at ang isa ay si Pua. 16 Sinabi niya, “Kung tutulong kayo sa mga Hebreong babae sa paanakan, pagmasdan ninyo kapag sila ay manganganak. Kapag ang sanggol ay lalaki, patayin ninyo; pero kung ito ay babae, siya ay mabubuhay.”
17 Pero ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang iniutos ng hari ng Ehipto; sa halip, pinabayaan nilang mabuhay ang mga lalaking sanggol. 18 Pinatawag ng hari ng Ehipto ang mga komadrona at sinabi sa kanila, “Bakit pinabayaan ninyo na mabuhay ang mga lalaking sanggol?”
19 Sumagot ang mga hilot kay Paraon, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng taga-Ehipto; sila ay masigla at tapos nang manganak bago dumating ang komadrona.”
20 Pinangalagaan ng Diyos ang mga komadrona. Ang mga tao ay dumarami ang bilang at naging napakalakas.
-
9 Dahil kinuha mo ako mula sa sinapupunan; hinayaan mong magtiwala ako sa iyo habang ako ay nasa dibdib ng aking ina. 10 Ipinagkatiwala na ako sa iyo mula pa sa sinapupunan; ikaw ang aking Diyos simula pa ng ako ay nasa sinapupunan ng aking ina!
-
9 Pagkatapos nilang makinig sa hari, sila ay tumuloy sa kanilang lakbayin, at pinangunahan sila ng bituwin na kanilang nakita mula sa silangan hanggang sa ito ay tumigil kung nasaan naroroon ang bata. 10 Nang nakita nila ang bituin, sila ay nagalak nang may labis na kagalakan. 11 Sila ay pumunta sa bahay at kanilang nakita ang bata kasama ng kaniyang inang si Maria. Yumukod sila at sumamba sa kaniya. Binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog nila ang kanilang mga kaloob na ginto, kamanyang, at mira.
-
13 Ngayon nawa ang Diyos ng pagtitiwala ay punuin kayo ng buong kagalakan at kapayapaan sa inyong paniniwala, upang kayo ay managana sa pagtitiwala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
-
1 Pagkatapos nito, binuksan ni Job ang kaniyang bibig at isinumpa ang araw ng kapanganakan niya. 2 Sinabi niya, 3 “Sana napuksa na lang ang araw na ipinanganak ako, ang gabi na binalitang 'isang sanggol na lalaki ang ipinanganak.' 4 Sana napuno na lang ng kadiliman ang araw na iyon, huwag na sana itong maalala ng Diyos, o kaya sikatan pa ito ng araw.
-
9 Anong pakinabang ang makukuha ng manggagawa sa kaniyang gawain? 10 Nakita ko na ang gawain na ibinigay ng Diyos sa tao para tapusin. 11 Ginawang angkop ng Diyos ang lahat ng bagay para sa bawat panahon. Inilagay din niya ang kawalang hanggan sa kanilang mga puso. Ngunit hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang mga gawang ginawa ng Diyos, mula sa simula hanggang sa wakas.
12 Alam ko na walang mabuti sa isang tao maliban sa magsaya at gumawa nang kabutihan habang siya ay nabubuhay— 13 at ang bawat isa ay dapat kumain at uminom, at dapat maunawaan kung paano matuwa sa kabutihang nagmumula sa lahat ng kanyang ginawa. Ito ay isang kaloob mula sa Diyos. 14 Alam ko na anuman ang ginawa ng Diyos ay magtatagal magpakailanman. Walang maaaring maidagdag pa o maalis, dahil ang Diyos ang siyang gumawa dito upang lumapit ang mga tao sa kaniya nang may karangalan.
-
7 Bago humilab ang kanyang tiyan, siya ay manganganak; bago siya lukuban ng sakit, siya ay nagsilang ng isang lalaki. 8 Sino ang nakarinig at nakakita na ng ganung bagay? Maaari bang isilang ang isang lupain sa isang araw? Maaari bang maitatag ang isang bansa sa isang sandali? Gayunman sa sandaling humilab ang tiyan ng Sion, nagsilang siya sa kanyang mga anak. 9 Dadalhin ko ba ang isang sanggol sa may labasan ng panganganak at hindi pahihintulutan ang pagluwal nito? — tinatanong ni Yahweh. O dadalhin ko ba ang isang bata sa panahong dapat nang iluwal at pagkatapos pipigilan ang pagsilang nito? — tinatanong ng inyong Diyos. 10 Makisaya sa Jerusalam at magalak para sa kanya, lahat kayong nagmamahal sa kanya, kayo'y makisaya sa kanya, lahat kayong nagdalamhati para sa kanya! 11 Dahil kayo ay pasususuhin at masisiyahan; sa kanyang dibdib kayo ay magiginhawahan, dahil makakainom kayo ng lubos at masisiyahan kayo sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian.
12 Ito ay kung anong sinabi ni Yahweh, “Palalaganapin ko na ang kasaganaan sa kanya tulad ng isang ilog, at ang kayamanan ng mga bansa tulad ng umaapaw na batis. Ikaw ay pasususuhin sa kanyang tabi, bubuhatin sa kanyang mga bisig, at ihehele sa kanyang kandungan.
-
14 Isumpa nawa ang araw ng aking kapanganakan. Huwag pagpalain ang araw na ipinanganak ako ng aking ina. 15 Isumpa ang taong nagsabi sa aking ama na, 'Isang sanggol na lalaki ang ipinanganak para sa iyo,' na nagdulot ng labis na kagalakan. 16 Hayaan ang taong iyon ay maging tulad ng mga lungsod na winasak ni Yahweh nang nawala ang kaniyang awa. Nawa ay marinig niya ang isang panawagan ng tulong sa madaling araw at ang sigaw ng labanan sa tanghali. 17 Mangyari nawa ito, yamang hindi ako pinatay ni Yahweh sa sinapupunan o ginawang libingan ko ang aking ina, isang sinapupunang buntis magpakailanman. 18 Bakit ako lumabas sa sinapupunan upang makita ang mga kaguluhan at matinding paghihirap, upang mapuno ng kahihiyan ang aking mga araw?”
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa.
-
31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos.
-
4 Ngunit nang dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5 Ginawa niya ito upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop bilang mga anak.
-
13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.
15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.”
-
15 Tingnan ninyo, inilagay ko sa araw na ito sa inyong harapan ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan. 16 Kung susundin ninyo ang mga panuntunan ni Yahweh na inyong Diyos, na sinasabi ko sa inyo sa araw na ito na mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para mamuhay ng naaayon sa kaniyang paraan, at sundin ang kaniyang mga kautusan, ang kaniyang mga batas at kaniyang mga ordenansa, mabubuhay kayo at paparamihin, at pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin.
17 Pero kung ang inyong puso ay tumalikod at hindi kayo nakinig sa halip ay lumayo at nagpatirapa pababa sa ibang mga diyus-diyosan at sasambahin sila, 18 kung gayon, sasabihin ko sa inyo sa araw na ito siguradong mamamatay kayo, hindi tatagal ang inyong buhay sa lupain na inyong dadaanan sa kabila ng Jordan para puntahan at angkinin.
19 Tinatawag ko ang langit at ang lupa para maging saksi laban sa inyo sa araw na ito, itinalaga ko sa inyo ang buhay at kamatayan, ang mga pagpapala at mga sumpa, kaya piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mamuhay ng matagal. 20 Gawin ito para mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang kaniyang salita, at para kumapit sa kaniya. Dahil siya ang inyong buhay at ang haba ng inyong mga araw, gawin ninyo ito para maaari kayong mamuhay sa lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.”
-
9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”
-
28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.
-
9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko.
-
2 Wala ng banal tulad ni Yahweh, sapagka't walang iba maliban sa iyo; walang ibang bato tulad ng ating Diyos. 3 Huwag nang magmataas ng buong kapurihan; huwag hayaang maglabas ng kahambugan ang iyong bibig. Sapagka't si Yahweh ay Diyos ng kaalaman; sa pamamagitan niya tinitimbang ang mga kilos. 4 Nasira ang mga pana ng mga makapangyarihang kalalakihan, ngunit iyong mga nadapa ay nagsuot ng kalakasan tulad ng isang sinturon. 5 Ipinaupa ng mga busog ang kanilang sarili para sa tinapay; sa mga gutom sila ay hindi na naging gutom. Kahit na ang isang baog ay magsisilang ng pito, ngunit mananamlay ang babaeng maraming anak. 6 Pumapatay si Yahweh at bumubuhay. Siya ang nagbababa sa Sheol at nagtataas. 7 Si Yahweh ang nagpapadukha, at siya ang nagpapayaman. Siya ang nagpapababa, ngunit siya rin naman ang nagpapataas.
-
1 Ang mga tao, na ipinanganak ng babae, na nabubuhay ng kaunting araw at puno ng kaguluhan.
-
25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila?
-
1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.
-
1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana.
-
14 Huwag kayong makikipag-isa sa mga hindi mananampalataya. Ano ang kaugnayan ng katuwiran sa kasamaan? At anong kaugnayan mayroon ang ilaw sa kadiliman? 15 Anong kasunduan mayroon si Cristo kay Belial? O anong kabahagi mayroon ang mga mananampalataya sa mga hindi mananampalataya? 16 At anong kasunduan mayroon sa pagitan ng templo ng Diyos at sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo ang templo ng buhay na Diyos, katulad ng sinabi ng Diyos: “Ako ay mananahan sa kanila at lalakad kasama nila. Ako ang magiging Diyos nila at sila ay magiging bayan ko.” 17 Kaya, “Lumabas kayo mula sa kanilang kalagitnaan, at maihiwalay kayo,” sabi ng Panginoon. “Huwag humawak ng anumang maruming bagay, at tatanggapin ko kayo.
18 Ako ay magiging Ama sa inyo, at kayo ay magiging aking mga anak na lalaki at babae,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan.
-
13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.
-
16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo.
-
7 Si Yahweh na Diyos ay ginawa ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging buhay na nilalang.
-
7 May isang kerida si Saul na ang pangalan ay Rizpa, ang anak na babae ni Aya. Sinabi ni Isobet kay Abner, “Bakit mo sinipingan ang kerida ng aking ama?”
-
1 Yahweh, sinayasat mo ako at kilala. 2 Alam mo kung kailan ako uupo at babangon; kahit malayo ka sa akin nauunawaan mo ang aking saloobin. 3 Minamasdan mo ang aking daan at kapag ako ay nahihiga; alam mo ang lahat sa aking pamumuhay. 4 Yahweh, wala akong sinasabi na hindi mo lubos na alam. 5 Sa likuran at harapan ay nandoon ang iyong mga kamay sa akin.
-
24 Walang mabuti sa isang tao maliban lamang sa kumain at uminom at masiyahan sa kung ano ang mabuti sa kaniyang ginagawa. Nakita ko na ang katotohanang ito ay nagmumula sa kamay ng Diyos.
-
3 at sinabi, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, maliban na lamang kung kayo ay magsisi at maging katulad ng mga maliliit na bata, hindi talaga kayo makapapasok sa kaharian ng langit.
-
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa bawat ala-ala ninyo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, palagi akong nananalangin nang may kagalakan. 5 Nagpapasalamat ako sa inyong pakikiisa sa ebanghelyo mula sa unang araw hanggang sa ngayon. 6 Nagtitiwala ako sa bagay na ito, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay ipagpapatuloy na tapusin ito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.
-
7 Minamahal, mahalin natin ang isa't isa, dahil ang pag-ibig ay sa Diyos, at lahat ng nagmamahal ay pinanganak sa Diyos at kilala ang Diyos.
-
1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.
2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.
3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag.
-
8 Ang iyong mga kamay ang nagbalangkas at humubog sa akin, pero sinisira mo ako. 9 Alalahanin mo, nagsusumamo ako sa iyo, na hinubog mo ako gaya ng putik; ibabalik mo ba muli ako sa alabok? 10 Hindi ba't ibinuhos mo ako na parang gatas at binuo mo ako na parang keso? 11 Binihisan mo ako ng balat at laman at hinabi mo akong magkakasama ng mga buto at mga litid. 12 Pinagkalooban mo ako ng buhay at katapatan sa tipan; ang tulong mo ang nagbantay sa aking espiritu.
-
5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan.
-
5 Maawain at makatarungan si Yahweh; ang ating Diyos ay mahabagin.
-
15 Mahalaga sa paningin ni Yahweh ang kamatayan ng kaniyang mga santo.
-
10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay.
-
4 Hanggang sa katandaan ay Ako ay siya nga, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita, at tutulungan kita, akin kitang dadalhin sa kaligtasan.
-
15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat na kayo ay hindi masakop ng lahat ng kasakimang pagnanasa, dahil ang buhay ng isang tao ay hindi batay sa kasaganaan ng kaniyang mga ari-arian.”
-
22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon. 23 Hindi lamang iyan, ngunit maging tayo mismo, na nagtataglay ng mga unang bunga ng Espiritu—kahit tayo mismo ay dumadaing sa ating mga sarili, naghihintay para sa ating pagkakakupkop, ang pagkatubos ng ating katawan.
-
3 Sapagkat kung sinuman ang nag-iisip na siya ay mahalaga gayong wala siyang halaga, nililinlang niya ang kaniyang sarili.
-
29 Kung alam ninyo na siya ay makatuwiran, alam ninyong ang lahat nang gumagawa ng tama ay ipinanganak sa kanya.
-
3 Sapagkat ito ang pagmamahal para sa Diyos-nananatili tayo sa kanyang mga kautusan. At ang kanyang mga kautusan ay hindi pasanin. 4 Ang sinumang ipinanganak sa Diyos ay napagtagumpayan ang mundo. At ito ang pagwawagi na napagtagumpayan ng mundo, kahit ang ating pananampalataya.
Shows Read in context, Share and Copy.