60 Bible Verses About God's Provision

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About God's Provision
  1. 19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

  2. 6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”

    10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin.

  3. 25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila? 27 At sino sa inyo ang kayang dagdagan ng isang siko ang haba ng kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkabalisa?

    28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit. 29 Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito. 30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?

    31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

    34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  4. 1 Itataas ko ang aking mga mata sa mga bundok. Mula saan manggagaling ang aking saklolo? 2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Yahweh, na gumawa ng langit at lupa. 3 Hindi niya papayagang madulas ang paa mo; siya na nag-iingat sa iyo ay hindi iidlip. 4 Tingnan mo, ang tagapangalaga ng Israel ay hindi kailanman iidlip o matutulog. 5 Tagapangalaga ninyo si Yahweh; si Yahweh ay lilim sa inyong kanang kamay. 6 Hindi ka masasaktan ng araw sa umaga, ni ng buwan sa gabi. 7 Iingatan ka ni Yahweh sa lahat ng kapahamakan, at iingatan niya ang iyong buhay. 8 Iingatan ni Yahweh ang lahat ng iyong ginagawa ngayon at magpakailanman.

  5. 4 Hanggang sa katandaan ay Ako ay siya nga, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita, at tutulungan kita, akin kitang dadalhin sa kaligtasan.

  6. 7 Humingi kayo, at ito ay ibibigay sa inyo. Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo. Kumatok kayo, at bubuksan ito para sa inyo. 8 Sapagkat ang lahat na humihingi, ay makatatanggap. At ang lahat na maghahanap, ay makakatagpo. At sa kanila na kumakatok, ito ay mabubuksan.

    9 O anong tao sa inyo na kapag humingi ng tinapay ang kaniyang anak ay bibigyan niya ng bato? 10 O kapag humihingi siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? 11 Kaya kung kayong mga masasama ay marunong magbigay ng mga mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na nagbibigay ng mga mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya?

  7. 6 Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na susunugin at ipinapasan ito kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang kutsilyo; at kapwa silang umalis na magkasama.

    7 Kinausap ni Isaac si Abraham na kaniyang ama at sinabing, “Aking ama,” at sumagot si Abraham, “Narito ako, aking anak.” Sinabi niya, “Narito, ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang tupa para sa handog na susunugin?”

    8 Sinabi ni Abraham, “Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak.” Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama.

  8. 13 Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.”

  9. 15 Masdan mo, kasama mo ako, iingatan kita saan ka man magpunta. Dadalhin kitang muli sa lupaing ito; dahil hindi kita iiwan. Tutuparin ko ang lahat ng naipangako ko sa iyo.”

  10. 13 Nangyari sa gabi na may dumating na mga pugo at natabunan ang kampo. Sa umaga ang hamog ay nalatag sa palibot ng kampo. 14 Pagkawala ng hamog, doon sa ibabaw ng ilang ay may mga manipis na mumunting piraso na parang namuong hamog sa lupa. 15 Nang makita iyon ng bayan ng Israel, sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Hindi nila alam kung ano iyon. Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang tinapay na bigay ni Yahweh sa inyo para kainin. 16 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh sa inyo: 'Kayo ay dapat magtipon, bawat isa sa inyo, ng dami na kailangan ninyong kainin, isang omer sa bawat tao mula sa bilang ng inyong mga tao. Ganito ninyo titipunin iyon: Magtipon ng tama lang para kainin ng bawat taong naninirahan sa inyong tolda.'”

    17 Ginawa iyon ng bayan ng Israel. Ang ilan ay nagtipon ng mas marami, ang ilan ay nagtipon ng mas kaunti. 18 Nang sukatin nila iyon sa sukat ng omer, ang mga nagtipon ng mas marami ay walang anumang natira, ang mga nagtipon ng mas kaunti ay hindi nagkulang. Bawat tao ay nagtipon ng tama lamang para mapunan ang kanilang pangangailangan.

  11. 3 Labis na nauuhaw ang mga tao, at nagreklamo laban kay Moises. Sinabi nila, “Bakit dinala mo kami palabas sa Ehipto? Para patayin kami at ang aming mga anak pati mga baka sa pagkauhaw?”

    4 Kaya dumaing si Moises kay Yahweh, “Ano ba ang dapat kong gawin sa mga taong ito? Halos handa na silang batuhin ako.”

    5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Mauna ka sa mga tao at magdala ka ng ilan sa mga nakatatanda ng Israel. Dalhin mo ang tungkod na inihampas mo sa ilog at umalis ka. 6 Tatayo ako sa harapan mo doon sa ibabaw ng bato sa Horeb, at papaluin mo ang bato. Lalabas ang tubig mula dito para inumin ng mga tao. Pagkatapos ginawa ito ni Moises sa paningin ng mga nakatatanda ng Israel.

  12. 4 Ilang dayuhan ang nagsimulang magkampo kasama ang mga kaapu-apuhan ng Israel. Gusto nilang kumain ng masasarap na pagkain. Pagkatapos nagsimulang umiyak ang mga tao ng Israel at sinabi, “Sino ang magbibigay sa atin ng karne na kakainin? 5 Naaalala namin ang isda na kinain namin nang libre sa Ehipto, ang mga pipino, mga pakwan, mga dahon ng sibuyas o lasuna, ang mga sibuyas, at bawang. 6 Ngayon nanghihina kami. Wala kaming makitang makakain kundi manna.”

  13. 31 Pagkatapos, isang hangin ang dumating mula kay Yahweh at nagdala ng pugo mula sa dagat. Bumagsak ang mga ito malapit sa kampo, na may isang araw na paglalakbay sa isang dako at isang araw na paglalakbay sa kabilang dako. Pumalibot ang mga pugo sa kampo na may dalawang siko ang taas mula sa lupa. 32 Ang mga tao ay abala sa paghuhuli sa mga pugo ng buong araw, buong gabi, at sa sumunod na araw. Walang nanghuli ng mas kaunti sa sampung homer ng pugo. Ibinahagi nila ang mga pugo sa buong kampo.

  14. 7 Dahil pinagpala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gagawin ng inyong kamay; alam niya ang inyong paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Dahil sa loob ng apatnapung mga taon na ito si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo, at hindi kayo nagkulang sa anumang bagay.”'

  15. 13 Mangyayari ito, kung masigasig kayong makikinig sa aking mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon para mahalin si Yahweh na inyong Diyos, at paglingkuran siya ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa, 14 na ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kapanahunan nito, ang paunang ulan at ang panghuling ulan, para matipon ninyo ang inyong mga butil, ang inyong bagong alak, at inyong langis. 15 Magbibigay ako ng damo sa inyong mga bukid para sa inyong mga baka, at kakain kayo at mabubusog.

    16 Bigyang pansin ang inyong mga sarili, para hindi malinlang ang inyong puso, at kayo'y lumihis at sumamba sa ibang mga diyus-diyosan, at yumukod sa kanila; 17 para ang galit ni Yahweh ay hindi mag-alab laban sa inyo, at para hindi niya isara ang kalangitan, para hindi magkaroon ng ulan, at ang lupa ay hindi magbigay ng kaniyang bunga, at para hindi kayo madaling mamatay mula sa masaganang lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh.

  16. 8 Ibinabangon niya ang mahirap mula sa alabok. Itinataas niya ang mga nangangailangan mula sa tambak ng abo upang paupuin sila kasama ang mga prinsipe at manahin ang upuan ng karangalan. Sapagka't ang mga haligi ng mundo ay kay Yahweh at kanyang ipinatong sa kanila ang sanlibutan.

  17. 9 Gagabayan niya ang mga paa ng kanyang mga tapat, ngunit patatahimikin ang mga makasalanan sa kadiliman, sapagka't walang ni isa ang mananaig sa pamamgitan ng lakas.

  18. 6 Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga at sa gabi, at uminom siya mula sa batis.

  19. 8 Dumating ang mensahe ng Diyos sa kaniya na nagsasabing, 9 “Bumangon ka, pumunta ka sa Sarepta na sakop ng Sidon, at doon ka manahan. Tingnan mo, inutusan ko ang isang balo para alagaan ka.

    10 Kaya bumangon siya at pumunta sa Sarepta, at nang makarating siya sa tarangkahan ng lungsod isang balo ang namumulot ng mga kahoy. Kaya tinawag niya ito at sinabi, “Pakidalhan mo naman ako ng kaunting tubig na nasa banga para maka-inom ako.” 11 Habang siya ay papunta para kumuha ng tubig tinawag siya ni Elias at sinabi, “Pahingi naman ng tinapay na nasa kamay mo.”

    12 Sumagot siya, “Si Yahweh na iyong Diyos ay buhay, wala na akong tinapay, maliban na lang sa isang dakot ng harina at kaunting mantika sa lalagyan. Tingnan mo, namulot ako ng dalawang kahoy para lutuin ito para sa akin at sa anak ko, para kami makakain, at mamatay.”

    13 Sinabi ni Elias sa kaniya, “Huwag kang matakot. Pumunta ka at gawin ang sinabi mo pero magluto ka muna ng maliit na tinapay at dalhin mo sa akin. At pagkatapos magluto ka na ng para sa inyo ng anak mo. 14 Dahil sinabi ni Yahweh, na Diyos ng Israel, “Hindi mauubusan ng laman ang banga ng harina, maging ang lalagyan ng mantika ay hindi hihinto sa pagdaloy, hanggang sa magpadala si Yahweh ng ulan sa buong lupain.”

    15 Pagkatapos, ginawa niya ang sinabi ni Elias, at siya, si Elias at ang bata ay kumain nang maraming araw. 16 Hindi naubos ang harina sa banga maging ang mantika sa lalagyan ay hindi huminto sa pagdaloy, na siyang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.

  20. 5 Kaya humiga siya at natulog sa ilalim ng puno ng retama; sa hindi inaasahan isang anghel ang humawak sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Bumangon ka at kumain.”

    6 Tumingin si Elias, at malapit sa kaniyang ulunan ay mayroong tinapay na niluto sa uling at isang pitsel ng tubig. Kaya kinain niya ito at ininom at muling humiga.

    7 Sa pangalawang pagkakataon muling bumalik ang anghel ni Yahweh at hinawakan siya at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil ang iyong paglalakbay ay higit na mas mahirap para sa iyo.”

    8 Kaya siya ay tumayo at kumain at uminom, at naglakbay siya sa lakas na mula sa pagkain sa apatnapung araw at apatnapung gabi sa Horeb, na bundok ng Diyos.

  21. 42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit sa lingkod ng Diyos at nagdala ng labingdalawang trigong tinapay sa kaniyang sako mula sa bagong ani, at sariwang aning butil. Sinabi niya, “Ibigay mo ito sa mga tao para makakain sila.”

    43 Sinabi ng kaniyang alipin, “Ano, dapat ko ba itong ihain sa harapan ng isang-daang lalaki?” Pero sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo ito sa mga tao, para makakain sila, dahil sinabi ito ni Yahweh, 'Kakain sila at magkakaroon pa ng tira.'”

    44 Kaya hinain ito ng kaniyang alipin sa kanilang harapan; kumain sila, at may mga natira pa, gaya ng pinangakong salita ni Yahweh.

  22. 12 Nagmula sa iyo ang kayamanan at karangalan, at namumuno ka sa lahat ng mga tao. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan. Taglay mo ang lakas at kalakasan na gawing dakila ang mga tao at magbigay ng lakas sa sinuman.

  23. 12 Dahil pagpapalain mo ang matuwid, Yahweh; palilibutan mo sila ng pagpapala tulad ng isang kalasag.

  24. 9 Pumunta ka para tulungan ang mundo; dinidiligan mo ito; pinagyayaman ng lubos; ang ilog ng Diyos ay puno ng tubig; pinagkalooban mo ng mga butil ang sangkatauhan nang inihanda mo ang daigdig. 10 Tinutubigan mo ang mga bukirin nang masagana; inaayos mo ang mga taniman; ginagawa mong malambot ang mga ito sa mga patak ng ulan; pinagpapala mo ang mga tumutubo sa pagitan nito. 11 Kinokoronahan mo ang taon ng iyong kabutihan; naghuhulog ng pataba sa lupa ang mga bakas ng iyong karwahe. 12 Nahuhulog ang mga ito sa pastulan sa mga ilang, at ang mga kaburulan ay sinuotan ng sinturon ng kagalakan. 13 Ang mga pastulan ay dinamitan ng mga kawan; ang mga lambak ay nababalutan ng butil; sumisigaw sila ng kagalakan, at sila ay umaawit.

  25. 5 Ang ama ng mga walang ama, ang hukom ng mga balo, ay Diyos sa banal na lugar kung saan siya nananahan.

  26. 9 Dahil si Yahweh ang aking kanlungan! Gawin mo ring kanlungan ang Kataas-taasan. 10 Walang kasamaang makakaabot sa iyo; walang paghihirap ang makakalapit sa iyong tahanan. 11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato. 13 Dudurugin mo ang mga leon at ulupong sa iyong mga paa; iyong yuyurakan ang mga batang leon at mga ahas.

  27. 27 Ang lahat ng mga ito ay tumitingin sa iyo para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 28 Kapag nagbibigay ka sa kanila, sila ay nagtitipon; kapag binubuksan mo ang iyong palad, sila ay nasisiyahan.

  28. 9 Dahil panapawi niya ang pananabik nilang mga nauuhaw, at ang mga pagnanasa nilang mga gutom ay kaniyang pinupuno ng magagandang bagay.

  29. 5 Nagbibigay siya ng pagkain sa kaniyang tapat na mga tagasunod. Palagi niyang inaalala ang kaniyang tipan.

  30. 7 Inilagay niya ang mga ulap mula sa malayo, na gumagawa ng lumiliwanag na kidlat kasama ng ulan at nagdadala ng hangin mula sa kaniyang imbakan.

  31. 12 Alam kong si Yahweh ang magpapanatili ng kapakanan ng mga nasaktan, at siyang magpapatuloy ng katarungan para sa mga nangangailangan.

  32. 14 Itinataguyod ni Yahweh ang lahat ng bumabagsak at ibinabangon silang mga nanghihinang loob.

  33. 16 Binuksan mo ang iyong kamay at pinupunan ang nais ng bawat may buhay.

  34. 5 Mapalad siya na may Diyos ni Jacob para tulungan siya, na ang pag-asa ay na kay Yahweh na kaniyang Diyos. 6 Nilikha ni Yahweh ang langit at lupa, ang dagat, at ang lahat ng mayroon sila; kaniyang pinagmamasdan ang pagiging mapagkakatiwalaan magpakailanman. 7 Siya ang nagpapatupad ng katarungan sa mga inaapi at nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinapalaya ni Yahweh ang mga bilanggo; 8 minumulat ni Yahweh ang mga mata ng bulag; ibinabangon ni Yahweh ang mga nalulugmok; iniibig ni Yahweh ang mga matutuwid. 9 Inaalagaan ni Yahweh ang mga dayuhan sa lupain; kaniyang pinapasan ang mga walang ama at mga balo, pero siya ang sumasalungat sa masasama. 10 Si Yahweh na iyong Diyos, ang maghahari magpakailanman, Sion, para sa lahat ng henerasyon. Purihin si Yahweh.

  35. 7 Umawit kay Yahweh ng may pasasalamat; gamit ang alpa, umawit ng papuri para sa ating Diyos. 8 Tinatakpan niya ang kalangitan ng mga ulap at hinahanda ang ulan para sa lupa, na nagpapalago ng mga damo sa mga kabunkukan. 9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at mga inakay na uwak kapag sila ay umiiyak. 10 Hindi siya humahanga sa bilis ng kabayo o nasisiyahan sa lakas ng binti ng isang tao. 11 Nasisiyahan si Yahweh sa mga nagpaparangal sa kaniya, sa mga umaasa sa katapatan niya sa tipan.

  36. 26 Magdadala rin ako ng mga pagpapala sa kanila at ang aking nakapalibot na mga burol, sapagkat magpapadala ako ng mga ambon sa takdang panahon. Ito ay mga ambon ng pagpapala! 27 At ang mga punongkahoy sa bukirin ay mamumunga, at ang lupa ang siyang mag-aani sa mga bunga nito. Ang aking tupa ay magiging matiwasay sa kanilang lupain; at malalaman nila na ako si Yahweh, kapag pinutol ko ang mga kabilya ng kanilang pamatok, at kapag sinagip ko sila mula sa kamay ng mga umalipin sa kanila.

    28 Hindi na sila madadambong pa ng mga bansa, at hindi na sila lalamunin ng mga mababangis na hayop sa lupa! Sapagkat sila ay mamumuhay nang matiwasay, at hindi na sila matatakot.

    29 Sapagkat lilikha ako ng mapayapang lugar na taniman para sa kanila kaya hindi na sila mamamatay sa gutom sa lupain, at hindi na sila lalaitin pa ng mga bansa.

  37. 43 Inyong narinig na sinabing, 'Mahalin ninyo ang inyong kapwa at kamuhian ang inyong kaaway.' 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, 45 upang magiging mga anak kayo ng inyong Amang nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at mabuti at kaniyang ipinadadala ang ulan sa mga matutuwid at sa mga hindi matutuwid. 46 Sapagkat kung mamahalin ninyo lamang ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong babatiin, ano ang ginawa ninyo na higit sa iba? Hindi ba't ganiyan din ang ginagawa ng mga Gentil?

    48 Kaya dapat kayong maging ganap sapagkat ang inyong Amang nasa langit ay ganap.

  38. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  39. 12 Nang patapos na ang araw, lumapit sa kaniya ang Labindalawa at sinabi, “Pauwiin mo na ang mga tao upang sila ay makapunta sa mga kalapit na nayon at kabukiran upang makapaghanap ng matutuluyan at makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na lugar.”

    13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sinabi nila, “Ang mayroon po tayo ay hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung kami ay bibili ng pagkain para sa mga taong ito. 14 Mayroong nasa limanlibong lalaki ang naroon. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila sa grupong may tiglilimampung bilang.” 15 At ginawa nila iyon at lahat ng mga tao ay umupo.

    16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, at habang nakatingin sa langit, pinagpasalamatan niya ang mga ito, at pinagpira-piraso, at ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao.

    17 Silang lahat ay nakakain at nabusog, at ang mga tira sa mga pagkain ay pinulot at napuno ang labindalawang basket.

  40. 22 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin. 23 Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit. 24 Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!

    25 At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay? 26 Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?

    27 Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito. 28 Kung dinamitan nga ng Diyos ang damo sa bukid, na nananatili ngayon, at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kayo na kaniyang dadamitan, O kayong mga maliit ang pananampalataya!

    29 Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala. 30 Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo.

  41. 21 Kaya wala ng magyayabang sa mga tao! Sapagkat lahat ng mga bagay ay sa inyo, 22 kahit na si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o mga bagay sa kasalukuyan, o mga bagay na darating. Lahat ng mga bagay ay sa inyo, 23 at kayo ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

  42. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

  43. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

  44. 3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5 Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon.

  45. 3 Lahat ng mga bagay ng banal na kapangyarihan para sa buhay at pagiging maka-diyos ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaalaman ng Diyos na siyang tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kabutihan. 4 Sa pamamagitan nito, binigyan niya tayo ng mahahalaga at dakilang mga pangako. Ginawa niya ito upang kayo ay makibahagi sa banal na katangian habang kayo ay tumatakas mula sa kasamaan na nasa mundo sa masamang hangarin.

  46. 24 Ngayon sa kanya na may kakayanang ilayo kayo sa pagkakatisod, at dahilan upang tayo ay makatayo sa harapan ng kanyang maluwalhating presensya, walang dungis at may labis na kagalakan, 25 sa tanging Diyos ating tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ating Panginoon, ang kaluwalhatian, kadakilaan, kataas-taasan, kapangyarihan-bago sa lahat ng panahon, at ngayon, at magpakailanman. Amen.

  47. 10 Yamang pinanatili ninyo ang aking utos na matiyagang pagtitiis. Iingatan ko rin kayo mula sa oras ng pagsubok na darating sa buong mundo, para subukin sila na siyang nakatira sa mundo.

  48. 18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito.

  49. 24 Katakutan lamang si Yahweh at paglingkuran siya sa katotohanan ng inyong buong puso. Isaalang-alang ang mga dakilang bagay na nagawa niya para sa inyo.

  50. 1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang.

  51. 5 Ipinaghahanda mo ako ng isang hapag sa harapan ng aking mga kaaway; binuhusan mo ng langis ang aking ulo; ang saro ko ay nag-uumapaw.

  52. 10 Ang batang leon minsan ay nagkukulang sa pagkain at nagugutom; pero ang mga humahanap kay Yahweh ay hindi magkukukulang ng anumang bagay na mabuti.

  53. 9 Ikaw, O Diyos, ay nagpadala ng saganang ulan; pinalakas mo ang iyong pamana noong nanghina ito.

  54. 11 Dahil si Yahweh na Diyos ay ang ating araw at kalasag; si Yahweh ay magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian; hindi niya pinagkakait ang anumang mabuting bagay mula sa lumalakad na may dangal.

  55. 21 Ang gumagawa ng tama at mabait—ang taong ito ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan.

  56. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas.

  57. 9 Ngunit gaya ng nasusulat, “Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”

  58. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.

  59. 5 Ngayon nais kong ipaalala sa inyo, kahit na lubos na ninyong alam ito, na ang Panginoon ang nagligtas sa isang bayan palabas sa lupain ng Ehipto, ngunit pagkatapos pinuksa niya ang mga hindi naniwala.

  60. 1 Minahal ko noong binata pa si Israel, at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto. 2 Lalo ko silang tinawag, lalo silang tumalikod palayo. Nag-alay sila sa mga Baal at nagsunog ng insenso sa mga diyus-diyosan. 3 Gayunpaman ako ang nagturo kay Efraim na lumakad. Ako ang nag-angat sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga bisig, ngunit hindi nila alam na iniingatan ko sila. 4 Pinangungunahan ko sila nang mga tali ng sangkatauhan, may mga tali ng pag-ibig. Katulad ako sa isang tao na nagpapagaan ng pamatok sa kanilang mga panga, at yumuko ako upang pakainin sila.