53 Bible Verses About Guidance

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Guidance
  1. 1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  2. 6 Dahil dito, ang lahat ng makadiyos ay dapat manalangin sa iyo sa oras ng mabigat na paghihirap. Pagkatapos kapag ang daluyong ng tubig ay umapaw, hindi nila maabot ang mga tao. 7 Ikaw ang aking kublihan; babantayan mo ako sa kaguluhan. Papalibutan mo ako ng mga awit ng pagtatagumpay. Selah 8 Pangangaralan kita at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Pangangaralan kita habang nagmamasid ako sa iyo. 9 Huwag kang tumulad sa isang kabayo o katulad ng isang asno, na walang pagkakaintindi; dahil lamang sa renda sa bibig kaya napapasunod sila kung saan mo sila gustong papuntahin.

  3. 12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Tingnan mo, sinasabi mo sa akin, 'Dalhin mo ang mga taong ito sa kanilang paglalakbay,' pero hindi mo pinaalam sa akin kung sino ang ipapadala mo na kasama ko. Sinabi mo, 'Nakikilala mo ako sa pangalan, at ikaw din ang nakatagpo ng pabor sa aking paningin.' 13 Ngayon kung ako ay nakatagpo ng pabor sa iyong paningin, ipakita mo sa akin ang iyong mga paraan nang sa ganon ay makilala kita at patuloy na makatagpo ng pabor sa iyong paningin. Tandaan mo ang bayang ito ay iyong bayan.

    14 Sumagot si Yahweh, “Ang sarili kong presensiya ay sasama sa iyo, at bibigyan kita ng pahinga.”

    15 Sinabi ni Moises sa kaniya, “Kung ang inyong presensiya ay hindi sasama sa amin, huwag mo kaming alisin mula rito. 16 Dahil kung hindi, paano malalaman na ako ay nakatagpo ng pabor sa iyong paningin, ako at ang inyong bayan? Hindi ba nararapat lamang na sumama ka sa amin para ako at ang iyong bayan ay maiba mula sa lahat ng ibang bayan na nasa ibabaw ng mundo?

    17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin ko din ang bagay na ito na iyong hiniling, dahil ikaw ang nakatagpo ng pabor sa aking paningin, at nakikilalamo ako sa pangalan.”

  4. 105 Ang salita mo ay ilawan ng aking mga paa at liwanag para sa aking landas.

  5. 4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga kaparaanan, Yahweh, ituro mo sa akin ang iyong mga landas. 5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, dahil ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; Ako ay umaasa sa iyo buong araw.

  6. 23 Gayumpaman, ako ay palaging kasama mo; hawak mo ang aking kanang kamay. 24 Gagabayan mo ako ng iyong payo at pagkatapos tanggapin mo ako sa kaluwalhatian. 25 Sino ang hahanapin ko sa langit bukod sa iyo? Walang sinuman na nasa daigdig ang aking ninanais kundi ikaw. 26 Humina man ang aking katawan at ang aking puso, pero ang Diyos ang lakas ng aking puso magpakailanman. 27 Ang mga malayo sa iyo ay mamamatay; wawasakin mo ang lahat ng mga taksil sa iyo. 28 Pero para sa akin, ang kailangan ko lang gawin ay lumapit sa Diyos. Ginawa kong kublihan si Yahweh na aking Panginoon. Ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga gawa.

  7. 1 “Aba sa inyong mga pastol na sumisira at nagsisingalat sa mga tupa ng aking pastulan—Ito ang pahayag ni Yahweh.”

    2 Kaya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sinasabi ito tungkol sa mga pastol na nagpapastol sa kaniyang mga tao, “Inyong pinapangalat ang aking kawan at itinaboy ninyo sila palayo. Hindi ninyo sila inalagaan kailanman. Alamin ninyo ito! Pagbabayarin ko kayo sa mga kasamaang ginagawa ninyo—Ito ang pahayag ni Yahweh.

    3 Ako mismo ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga kawan mula sa lahat ng mga lupain kung saan ko sila dinala, at ibabalik ko sila sa isang masaganang lugar, kung saan sila ay magiging mabunga at dadami. 4 Pagkatapos ay magbabangon ako ng mga pastol na magpapastol sa kanila upang hindi na sila matatakot o magugulo. Wala ng maliligaw sa kanila—Ito ang pahayag ni Yahweh.

  8. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  9. 12 Maraming mga bagay akong sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo mauunawaan ang mga ito sa ngayon. 13 Subalit, kapag siya na Espiritu ng Katotohanan ay dumating, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan: dahil hindi siya magsasalita mula sa kaniyang sarili, ngunit anumang mga bagay ang naririnig niya, sasabihin niya ang mga ito, at ihahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, dahil kukunin niya ang mga bagay na akin, at ihahayag ang mga ito sa inyo. 15 Ang lahat ng anumang bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga sinabi ko na kukunin ng Espritu ang mga bagay na akin at ihahayag ang mga ito sa inyo.

  10. 5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8 ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at pabagu-bago sa lahat ng kaniyang ginagawa.

  11. 1 Ngayon sinabi ni Yahweh kay Abram, “Humayo ka mula sa iyong bansa, at mula sa iyong mga kamag-anak, at mula sa sambahayan ng iyong ama, sa lupaing ipakikita ko sa iyo. 2 Gagawin kitang isang dakilang bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging isang pagpapala. 3 Pagpapalain ko ang magpapala sa iyo, pero sinuman ang maninira sa iyo ay susumpain ko. Sa pamamagitan mo, ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo ay pagpapalain.”

    4 Kaya humayo si Abram, gaya ng sinabi ni Yahweh na kaniyang gawin, at sumama si Lot sa kaniya. Pitumpu't-limang taong gulang si Abram nang umalis siya sa Haran.

  12. 10 Binibigo ni Yahweh ang pagsasanib ng mga bansa; siya ang nananaig sa mga plano ng mga tao. 11 Ang mga plano ni Yahweh ay nananatili magpakailanman, ang mga plano ng kanyang puso para sa lahat ng salinlahi.

  13. 133 Akayin mo ang aking mga yapak sa pamamagitan ng iyong salita; huwag mong hayaang pamunuan ako ng kahit anong kasalanan.

  14. 1 At ngayon sa kapulungan ng Antioquia, mayroong mga iilang propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon (na tinatawag na Niger), Lucio na taga-Cirene, Manaen (kinakapatid na lalaki ni Herodes na Tetrarka) at Saul. 2 Habang sumasamba at nag-aayuno sila sa Diyos, sinabi ng Banal na Espiritu, “Ihiwalay ninyo para sa akin sina Bernabe at Saul, upang gawin ang gawain kung saan ko sila tinawag.” 3 Pagkatapos na ang kapulungan ay mag-ayuno, manalangin at magpatong ng kanilang mga kamay sa mga lalaking ito, sila ay kanilang sinugo.

    4 Kaya sumunod sina Bernabe at Saul sa Banal na Espiritu at bumaba papuntang Seleucia; Mula doon ay naglayag sila papunta sa isla ng Sayprus. 5 Nang naroon na sila sa lungsod ng Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama din nila si Juan Marcos bilang kanilang katulong.

  15. 6 Tumungo si Pablo at ang kaniyang mga kasama sa mga lupain ng Frigia at Galacia, dahil hindi pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral sila ng salita ng Diyos sa probinsiya ng Asia. 7 Nang malapit na sila sa Misia, ninais nila na tumungo sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya ng makalampas sila sa Misia, tumungo sila sa lungsod ng Troas.

    9 Isang pangitain ang nakita ni Pablo ng gabing iyon: may isang lalaki na Macedonia ang nakatayo doon na tumatawag sa kaniya at nagsasabing, “Tumungo kayo dito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Nang makita ni Pablo ang pangitain, nagmamadali kaming pumunta sa Macedonia, pinatutunayan na tinawag kami ng Diyos upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

  16. 34 Kaya ngayon lumakad ka, pangunahan mo ang bayan papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo. Tingnan, ang aking anghel ang mangunguna sa inyo. Pero sa araw na parusahan ko sila, paparusahan ko sila dahil sa kanilang pagkakasala.

  17. 1 Pagkaraan nito nagtanong si David kay Yahweh at sinabi, “Pupunta ba ako sa isa sa mga lungsod sa Juda?” Sumagot si Yahweh sa kaniya, “Pumunta ka.” Sabi ni David, “Sa anong lungsod ako pupunta?” Sumagot si Yahweh, “Sa Hebron.”

    2 Kaya umalis si David kasama ang kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam mula sa Jezreel, at Abigail mula sa Carmel, ang biyuda ni Nabal.

  18. 17 Ngayon nang mabalitaan ng mga Filisteo na nahirang na si David bilang hari ng buong Israel, lumabas silang lahat para makita siya. Pero nabalitaan ni David ito at bumaba siya sa kuta.

    18 Ngayon dumating ang mga Filisteo at nagsikalat sa lambak ng Refaim. 19 Pagkatapos humingi si David ng tulong mula kay Yahweh. Sinabi niya, “Kailangan ko bang salakayin ang Filisteo? Bibigyan mo ba ako ng tagumpay laban sa kanila?” Sinabi ni Yahweh kay David, “Salakayin mo, dahil siguradong bibigyan kita ng tagumpay laban sa Filisteo.”

    20 Kaya sinalakay ni David ang Baal Perazim, at doon tinalo niya sila. Sinabi niya, “Pinatumba ni Yahweh ang aking mga kalaban sa aking harapan katulad ng isang rumaragasang tubig baha.” Kaya naging Baal Perazim ang pangalan ng lugar na iyon.

  19. 1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan.

  20. 8 Si Yahweh ay mabuti at matuwid; kaya itinuturo niya ang daan sa mga makasalanan. 9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba na may katarungan at itinuturo niya ang kanyang daan sa mga mapagpakumbaba. 10 Ang lahat ng mga landas ni Yahweh ay ginawa mula sa katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan sa mga nag-iingat ng kanyang tipan at kanyang mga tapat na kautusan.

  21. 11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Masdan ninyo! Ako mismo ang hahanap sa aking kawan at ako ang mag-aalaga sa kanila, 12 tulad ng isang pastol na hinahanap ang kaniyang kawan sa araw na siya ay nasa kalagitnaan ng kaniyang nangagkalat na kawan. Ganoon ko hahanapin ang aking kawan, at sasagipin ko sila mula sa lahat ng mga lugar kung saan sila nangagkalat sa araw ng mga kaulapan at kadiliman. 13 At ilalabas ko sila mula sa mga tao; Titipunin ko sila mula sa mga lupain at dadalhin sila sa inyong lupain. Ilalagay ko sila sa mga pastulan sa mga bahagi ng kabundukan ng Israel, sa tabi ng mga bukal, at sa bawat pamayanan sa lupain. 14 Ilalagay ko sila sa magandang mga pastulan; ang mataas na kabundukan ng Israel ang magiging lugar na kanilang panginginainan. Hihiga sila roon sa mga magagandang lugar na panginainan, sa masasaganang mga pastulan, at sila ay manginginain sa mga kabundukan ng Israel.

    15 Ako mismo ang magpapastol sa aking kawan, at ako mismo ang magpapahiga sa kanila—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at panunumbalikin ang mga naitaboy; Bebendahan ko ang napilay na tupa at pagagalingin ang may sakit na tupa. At aking lilipulin ang mga pinataba at malalakas! Magpapastol ako nang may katarungan!

  22. 3 Gayunpaman ako ang nagturo kay Efraim na lumakad. Ako ang nag-angat sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga bisig, ngunit hindi nila alam na iniingatan ko sila. 4 Pinangungunahan ko sila nang mga tali ng sangkatauhan, may mga tali ng pag-ibig. Katulad ako sa isang tao na nagpapagaan ng pamatok sa kanilang mga panga, at yumuko ako upang pakainin sila.

  23. 39 Lumakad siya nga medyo malayo, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin. Sinabi nya, “Aking Ama, kung maaari, hayaan na ang tasang ito ay lalampas sa akin. Gayunman, hindi sa nais ko kundi ayon sa nais mo.”

  24. 35 Pumunta si Jesus sa di kalayuan, nagpatirapa sa lupa at nanalangin na kung maaari ay lampasan siya ng oras na ito. 36 Sinabi niya, “Abba, Ama, kaya mong gawin ang lahat. Alisin mo ang tasang ito sa akin. Ngunit hindi ang aking kalooban, kundi ang iyong kalooban.”

  25. 3 Binubuksan siya ng tagapagbantay ng tarangkahan. Pinapakinggan ng mga tupa ang kaniyang boses, at tinatawag niya ang sarili niyang tupa sa kani-kanilang pangalan at pinangungunahan silang palabas.

    4 Kapag nailabas na niya ang lahat nang sariling kaniya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa sapagkat kilala nila ang kaniyang boses.

  26. 26 Sa ganoon paraan, tumutulong din ang Espiritu sa ating kahinaan. Sapagkat hindi natin alam kung paano tayo dapat manalangin, ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan sa atin ng mga daing na hindi maipahayag na mga daing. 27 Ang sumisiyasat ng mga puso ay alam ang kaisipan ng Espiritu, dahil namamagitan siya para sa mga mananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos.

    28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.

  27. 13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat kay Yahweh. Hindi siya sumunod sa mga tagubilin ni Yahweh, sa halip, humingi siya ng payo sa taong nakikipag-usap sa patay. 14 Hindi siya humingi ng patnubay mula kay Yahweh, kaya pinatay siya ni Yahweh at ibinigay ang kaniyang kaharian kay David na anak na lalaki ni Jesse.

  28. 23 Sa pamamagitan ni Yahweh naitatag ang mga hakbang ng isang tao, ang tao na ang balakin ay kapuri-puri sa paningin ng Diyos. 24 Bagama't siya ay nadapa, siya ay hindi babagsak, dahil hinahawakan siya ni Yahweh sa kaniyang kamay.

  29. 6 Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon.

  30. 11 Kung ganoon patuloy kayong pagungunahan ni Yahweh at bibigyan kayo ng kasiyahan sa mga rehiyon kung saan walang tubig, at palalakasin niya ang inyong mga buto. Kayo ay magiging katulad ng isang nadiligang hardin, at katulad ng isang bukal ng tubig, na hindi natutuyuan ng tubig kailanman.

  31. 21 Sumabay si Yahweh sa kanila bilang isang haligi na ulap sa umaga para manguna sa kanilang landas. At sa gabi bilang isang haligi na apoy para bigyan sila ng ilaw. 22 Hindi inaalis ni Yahweh mula sa harapan ng mga tao ang pang-araw na haligi na ulap maging ang pang-gabi na haligi na apoy.

  32. 31 Huwag bumaling sa mga nakikipag usap sa mga patay o sa mga espiritu. Huwag hanapin ang mga ito, o dudungisan lang nila kayo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.

  33. 9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.

  34. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala.

  35. 23 Alam ko Yahweh na ang landas ng tao ay hindi nagmula sa kaniyang sarili. Walang tao ang nangunguna sa sarili niyang mga hakbang.

  36. 19 'Kaawa-awa sa taong nagsasabi sa mga kahoy, Gumising ka! O sa mga tahimik na bato, Bumangon ka!' Nagtuturo ba ang mga bagay na ito? Tingnan ninyo, ito ay nababalot ng ginto at pilak, ngunit wala itong hininga man lang.

  37. 17 Kung sinuman ang nagnanais gawin ang kaniyang kalooban, malalaman niya ang tungkol sa katuruang ito, kung ito ay nangagaling sa Diyos o nanggaling sa sarili ko.

  38. 17 Nang pinayagan ni Paraon na umalis ang mga tao, hindi sila pinangunahan ng Diyos sa landas patungo sa lupain ng mga Palestina, kahit pa malapit ang lupain. Dahil sinabi ng Diyos, “Marahil magbabago ang mga tao ng kanilang mga isipan kapag nakaranas sila ng digmaan at pagkatapos babalik sa Ehipto. 18 Kaya pinatnubayan ng Diyos ang mga tao paikot sa may ilang patungo sa Dagat ng mga Tambo. Umakyat ang mga Israelita papalabas mula sa Ehipto na armado para sa pakikipaglaban.

  39. 2 Isasa-isip ninyo ang lahat ng mga kaparaanan ni Yahweh na inyong Diyos na nagdala sa inyo ng apatnapung taon sa ilang, para kayo ay ibaba niya, para subukin niya kayo para malaman kung ano ang nasa inyong puso, kung susundin ninyo ang kaniyang mga utos o hindi.

    3 Ibinaba niya kayo, at ginutom, at pinakain kayo ng manna, na hindi ninyo alam kung ano, ni ng inyong mga ninuno, ni ng inyong mga ama. Ginawa niya ang mga iyon para malaman ninyo na ang mga tao ay hindi lamang nabubuhay sa tinapay, kung hindi, ito ay sa pamamagitan ng bawat salita na nagmumula sa bibig ni Yahweh kaya nabubuhay ang mga tao.

  40. 6 Maging malakas at matapang. Idudulot mong manahin ng mga taong ito ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninunong ibibigay ko sa kanila.

    7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.

    9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”

  41. 7 Pupurihin ko si Yahweh na naggagabay sa akin; maging sa gabi, ang isipan ko ay nagtuturo sa akin. 8 Inuuna ko si Yahweh sa lahat ng oras, kaya't hindi ako mayayanig mula sa kaniyang kanang kamay!

  42. 11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Yahweh! Pangunahan mo ako sa patag na landas dahil sa aking mga kaaway.

  43. 19 Papunta sa dagat ang iyong landas at ang iyong daan ay patungo sa umaalong tubig, pero ang mga bakas ng iyong mga paa ay hindi nakita. 20 Inakay mo ang iyong bayan tulad ng isang kawan sa pamamagitan ng mga kamay ni Moises at Aaron.

  44. 10 Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban dahil ikaw ang aking Diyos. Nawa ang iyong mabuting Espiritu ay pangunahan ako sa lupain ng katuwiran.

  45. 14 Kung saan walang matalinong direksiyon, ang isang bansa ay bumabagsak, pero ang tagumpay ay dumarating sa pagsangguni sa maraming tagapayo.

  46. 12 Mayroong isang landas na tila tama sa isang tao, ngunit ang dulo nito ay naghahatid lamang sa kamatayan.

  47. 16 Dadalhin ko ang bulag sa daan na hindi nila alam; dadalhin ko sila sa mga landas na hindi nila alam na dadalhin ko sila. Ang kadiliman ay gagawin kong liwanag sa harap nila at itutuwid ang baluktot na mga lugar. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko sila pababayaan.

  48. 26 Ngayon ang anghel ng Panginoon ay nangusap kay Felipe at sinabi, “Tumayo ka at pumunta sa bahaging timog sa daang pababa mula sa Jerusalem papuntang Gaza.”( Ang daang ito ay nasa disyerto). 27 Siya ay tumayo at umalis. May isang lalaking mula Ethiopia, isang eunoko na may dakilang kapangyarihan mula kay Candace, na reyna ng mga Etiope. Siya ang namamahala sa lahat ng kaniyang kayamanan. Siya ay pumunta sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay bumalik at nakaupo sa kaniyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni propeta Isaias.

    29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Umakyat ka at sabayan mo ang karwahe.”

    30 Kaya patakbong lumapit si Felipe, at narinig niyang binabasa ang aklat ni propeta Isaias, at sinabi, “Naiintindihan mo ba ang iyong binabasa?”

    31 Sumagot ang taga-Ethiopia, “Paano ko maiintindihan, maliban kung may magtuturo sa akin?” Nakiusap siya kay Felipe na umakyat sa karwahe at umupo sa tabi niya.

  49. 19 Habang iniisip pa rin ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi ng Espiritu sa kaniya, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo. 20 Bumangon ka at bumaba at sumama sa kanila. Huwag kang matakot na sumama sa kanila, dahil ipinadala ko sila.”

  50. 4 At kayo mga ama, huwag ninyong sulsulan ang inyong mga anak sa galit. Sa halip, palakihin sila na may disiplina at katuruan ng Panginoon.

  51. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.

  52. 13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.

    15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.”

  53. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.