65 Bible Verses About God's Plan

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About God's Plan
  1. 10 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Kapag pinamunuan kayo ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon, tutulungan ko kayo at ipagpapatuloy ang mabuting salita ko para sa inyo upang ibalik kayo sa lugar na ito. 11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. 13 Sapagkat hahanapin ninyo ako at masusumpungan, sapagkat hahanapin ninyo ako nang buong puso. 14 At matatagpuan ninyo ako at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Ito ang pahayag ni Yahweh. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at mga lugar kung saan ko kayo ikinalat, sapagkat ibabalik ko kayo mula sa lugar kung saan ko kayo ipinadala nang sapilitan.' Ito ang pahayag ni Yahweh.

  2. 3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak.

    7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo.

  3. 27 Ang sumisiyasat ng mga puso ay alam ang kaisipan ng Espiritu, dahil namamagitan siya para sa mga mananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos.

    28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.

  4. 10 Binibigo ni Yahweh ang pagsasanib ng mga bansa; siya ang nananaig sa mga plano ng mga tao. 11 Ang mga plano ni Yahweh ay nananatili magpakailanman, ang mga plano ng kanyang puso para sa lahat ng salinlahi.

  5. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  6. 24 Nanumpa si Yahweh ng mga hukbo, “Sigurado, gaya ng nais ko, mangyayari iyon; at gaya ng layunin ko, mangyayari iyon: 25 Wawasakin ko ang mga taga-Asiria sa aking lupain, at tatapakan ko sila sa aking mga bundok. Pagkatapos, maiaangat ang pamatok sa kaniya at kaniyang pasanin sa kaniyang mga balikat.” 26 Ito ang plano na nais ko para sa buong mundo, at ito ang kamay na nakataas sa lahat ng mga bansa. 27 Dahil binalak ni Yahweh ng mga hukbo ito; sino ang makapipigil sa kaniya? Nakataas ang kaniyang kamay, at sino ang makabababa nito?

  7. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  8. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

  9. 22 Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus ng Nazaret, ang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga kamangha- manghang bagay at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya, sa inyong kalagitnaan, katulad ng inyong nalalaman- 23 dahil sa nakatakdang plano at kaalaman ng Diyos mula sa simula pa siya ay isinuko ninyo sa mga kamay ng taong lumalabag sa batas, ipinako siya sa krus at pinatay; 24 binuhay ng Diyos, inalis ang mga sakit at kamatayan sa kaniya, sapagakat hindi siya maaaring pigilan nito.

  10. 21 Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig.

  11. 9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.

  12. 6 Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala.

  13. 5 Kanino ninyo ako itutulad? at kanino ninyo ako ipaparis, para kami ay ihambing? 6 Sila ay nagbuhos ng ginto mula sa supot at nagtitimbang ng pilak sa timbangan. Sila ay umuupa ng isang panday, at ginagawa niya ito ng isang diyos; sila ay nagpapatirapa at sinasamba ito. 7 Pinapasan nila ito sa balikat at dinadala nila ito; inilalagay ito sa kaniyang lugar, at ito ay nakatayo sa kaniyang lugar at hindi gumagalaw mula dito. Tumatawag sila dito, gayun man hindi ito makakasagot ni makapagliligtas ng sinuman sa kanilang kaguluhan. 8 Tandaan ninyo ang mga bagay na ito; huwag ninyo itong balewalain, kayong mga suwail! 9 Isipin ninyo ang mga unang pangyayari, mga nakaraang panahon, dahil ako ang Diyos, wala ng iba, Ako ay Diyos, at walang ibang katulad ko. 10 Ipinapahayag ko ang wakas mula sa pasimula, at mga bagay na mangyayari na hindi pa nangyayari; Sinasabi ko, “magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng nais kong gawin.” 11 Tumatawag ako ng ibong mangdadagit mula sa silangan, ng taong aking pinili mula sa malayong lupain; Oo, ako ay nagsalita; tutuparin ko rin ito; ako ang nagplano; ako rin ang gagawa nito.

  14. 15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon.

  15. 13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.

    15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.” 16 Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama. 17 Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan.

  16. 8 Ito ay hindi sana mawawala sa inyong kaalaman, mga minamahal, na ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng isang libong mga taon, at ang isang libong mga taon ay tulad ng isang araw. 9 Ang Panginoon ay hindi mabagal tungkol sa kaniyang mga pangako, na itinuturing ng iba na kabagalan, ngunit siya ay matiyaga sa iyo. Hindi niya ninanais na sino man sa inyo ay mapahamak, ngunit ninanais niyang bigyan ng panahon ang lahat upang magsisi.

  17. 6 Ngayon nagsasalita kami ng karunungan sa mga ganap, ngunit hindi ang karunungan ng mundong ito, o ng mga namumuno sa kapanahunang ito, na lumilipas. 7 Sa halip nagsasalita kami ng karunungan ng Diyos sa lihim na katotohanan, ang lihim na karunungang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga panahon para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala sa mga namumuno sa panahong ito ang nakakaalam ng ganitong karunungan, sapagkat kung naunawaan lang sana nila ito sa panahong iyon, hindi na sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Ngunit gaya ng nasusulat, “Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”

    10 Ito ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat sinasaliksik ng Espiritu ang lahat, kahit ang mga lihim ng Diyos.

  18. 2 “Alam kong kaya mong gawin ang lahat ng bagay, na wala kang layunin na mapipigilan.

  19. 16 Magalak kayo lagi. 17 Manalangin ng walang patid. 18 Magpasalamat kayo sa lahat ng bagay. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus.

  20. 5 “Bago kita binuo sa sinapupunan, pinili na kita. Bago ka ipanganak, itinalaga na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”

    6 “O! Panginoong Yahweh!” Sinabi ko, “Hindi ako marunong magsalita sapagkat napakabata ko pa.”

    7 Ngunit sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong sabihin na, 'Napakabata ko pa.' Dapat kang pumunta saanman kita ipadala at dapat mong sabihin ang anumang iuutos ko sa iyo! 8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat sasamahan kita upang iligtas ka. Ito ang pahayag ni Yawheh.”

  21. 1 Sa wakas, mga kapatid, pinapalakas namin kayo at hinihikayat sa Panginoong Jesus. Gaya sa inyong pagtanggap ng mga tagubilin mula sa amin tungkol sa kung paano kayo dapat lumakad at nagbibigay lugod sa Diyos, sa ganitong paraan kayo lumakad, upang magawa ninyo ito ng higit pa. 2 Sapagkat alam ninyo kung anong mga tagubilin sa Panginoong Jesus ang aming naibigay sa inyo.

    3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos: ang inyong pagpapakabanal—umiwas kayo sa kahalayan, 4 na bawat isa sa inyo ay alam kung paano makitungo sa kaniyang asawa ng may kabanalan at karangalan. 5 Huwag kayong mag-asawa sa kahalayan ng laman (gaya ng mga Gentil na di nakakakilala sa Diyos). 6 Huwag hayaan ang sinuman na pagsamantalahan at dayain ang kaniyang kapatid sa bagay na ito. Sapagkat ang Panginoon ang gaganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya sa aming babala sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan, kundi sa kabanalan. 8 Kaya, ang sinumang magtanggi nito ay hindi ang tao ang tinanggi niya, kundi ang Diyos, na nagkaloob ng Banal na Espiritu sa inyo.

    9 Tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, hindi kailangan may sumulat pa sa inyo, sapagkat kayo sa inyong sarili ay naturuan na ng Diyos na umibig sa isat-isa. 10 Sa katunayan, ginagawa ninyo ito sa lahat ng mga kapatid na nasa Macedonia. Ngunit hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na gawin ninyo ito ng higit pa. 11 Hinihikayat rin namin kayo na pagsumikapan ninyong mamuhay ng tahimik, gawin ninyo ang inyong sariling gawain, at magtrabaho kayo sa inyong sariling mga kamay, gaya ng inutos namin sa inyo. 12 Gawin ninyo ito upang makalakad kayo ng maayos na may paggalang sa mga taong nasa labas ng pananampalataya, at upang hindi na kayo mangailangan ng anuman.

  22. 4 Lumapit kayo sa kaniya na siyang buhay na bato na tinanggihan ng mga tao, pero pinili ng Diyos at natatangi sa kaniya. 5 Tulad kayo ng buhay na mga bato na kasalukuyang binubuo upang maging espiritwal na tahanan, upang maging banal na mga pari na naghahandog ng espiritwal na mga alay na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. 6 Sinasabi ng kasulatan, “Masdan ninyo, inilatag ko sa Sion ang isang panulukang bato, pinuno at pinili at mahalaga. Sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.”

    7 Kaya ang karangalan ay para sa inyo na nananampalataya. Pero, “ang bato na tinanggihan ng mga manggagawa, ito ang naging puno sa panulukan”— 8 at, “ang batong katitisuran at ang batong kadarapaan.” Madarapa sila sa hindi pagsunod sa salita, kung saan sila rin ay itinalaga.

    9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan.

    11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.

  23. 8 Pangangaralan kita at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Pangangaralan kita habang nagmamasid ako sa iyo.

  24. 38 Sapagkat ako ay bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

    39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, na dapat walang sinuman akong maiwala sa lahat ng ibinigay niya sa akin, subalit dapat maibangon sila sa huling araw. 40 Dahil ito ang kalooban ng aking Ama, na bawat isa na nakakakita sa Anak at sumampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa huling araw.

  25. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  26. 3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa bawat ala-ala ninyo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, palagi akong nananalangin nang may kagalakan. 5 Nagpapasalamat ako sa inyong pakikiisa sa ebanghelyo mula sa unang araw hanggang sa ngayon. 6 Nagtitiwala ako sa bagay na ito, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay ipagpapatuloy na tapusin ito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.

  27. 26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.

    28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.

    31 Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.

  28. 12 Ngunit sa kasing-dami nang tumanggap sa kaniya, na naniwala sa kaniyang pangalan, sa kanila niya ipinagkaloob ang karapatang maging mga anak ng Diyos, 13 ipinanganak sila hindi sa pamamagitan nang dugo, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng laman, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Diyos.

  29. 13 Kaya sumagot si Pablo, “Ano ang ginagawa ninyo, umiiyak at dinudurog ang aking puso? Sapagkat handa na ako, hindi lang upang magapos, ngunit para mamatay din sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Dahil ayaw ni Pablo na hikayatin siya, tumigil na kami sa pagsubok at sinabing “Nawa mangyari ang kalooban ng Panginoon.”

  30. 20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? Hindi ba't pinalitan ng Diyos ang karunungan ng mundong ito ng kamangmangan? 21 Dahil ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kinilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang sinumang sumasampalataya.

    22 Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego. 23 Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang ikinatitisod ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego. 24 Ngunit sa lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin na si Cristo ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos.

    25 Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas higit sa karunungan ng tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.

    26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. 28 Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilan upang magyabang sa harapan niya.

    30 Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin na mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya nga, gaya ng sinabi ng kasulatan, “Kung ang isa man ay magmamalaki, ipagmalaki niya ang Panginoon,”

  31. 23 Sa pamamagitan ni Yahweh naitatag ang mga hakbang ng isang tao, ang tao na ang balakin ay kapuri-puri sa paningin ng Diyos. 24 Bagama't siya ay nadapa, siya ay hindi babagsak, dahil hinahawakan siya ni Yahweh sa kaniyang kamay.

  32. 26 Subalit, ang Manga-aliw na ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama sa aking pangalan ay magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay at magpapaalala ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

  33. 5 Nang dumating si Cristo dito sa mundo, sinabi niya, “Hindi mo nais ang mga handog o ang mga hain. Sa halip, inihanda mo ang isang katawan para sa akin. 6 Wala kang kasiyahan sa mga haing sinusunog o mga handog para sa kasalanan.” 7 At aking sinabi, “Masdan mo, narito ako upang gawin ang iyong kalooban, o Diyos, gaya ng nasusulat tungkol sa akin na nasa balumbon.”

    8 Sinabi niya gaya ng nasabi sa itaas, “Hindi mo nais ang mga handog at mga hain o ang mga handog na sinusunog para sa kasalanan, ni hindi ka nasisiyahan sa mga ito”— mga handog na inialay ayon sa kautusan. 9 At sinabi niya, “masdan mo, ako ay narito upang gawin ang iyong kalooban.” Isinantabi niya ang unang kaugalian upang maitatag ang pangalawa. 10 Sa pangalawang kaugalian, tayo ay naihandog sa Diyos sa kaniyang kalooban at sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Jesu-Cristo ng minsan para sa lahat.

  34. 20 Ngayon nawa ang Diyos ng kapayapaan, na siyang nagbalik mula sa kamatayan ang dakilang Pastol ng mga tupa, Ang ating Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, 21 ay magbigay sa inyo ng bawat mabubuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, kumikilos sa atin na mga nakakalugod sa kaniyang paningin, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na nararapat tumanggap ng papuri magpakailan man. Amen

  35. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.

  36. 14 At ito ang pananalig na mayroon tayo sa kanyang harapan, na kung anuman ang hilingin natin ayon sa kanyang kalooban, naririnig niya tayo.

  37. 20 At para sa inyo, ninais niyo na ipahamak ako, pero ninais ng Diyos ito para sa kabutihan, para pag-ingatan ang buhay ng maraming tao, gaya ng nakikita ninyo ngayon.

  38. 8 Sinabi niya sa inyo, tao, kung ano ang mabuti at kung ano ang nais ni Yahweh mula sa iyo: Kumilos ng makatarungan, umibig na may kabaitan at lumakad na may pagpapakumbaba kasama ang inyong Diyos.

  39. 31 Samantala hinihimuk siya ng mga alagad, sinasabi, “Rabi, kumain ka.”

    32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing kakanin na hindi niyo nalalaman.”

    33 Kaya sinabi ng mga alagad sa isa't-isa, “Wala namang nagdala sa kaniya ng anumang kakainin, mayroon ba?”

    34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng siyang nagpadala sa akin, at para tapusin ang kaniyang gawa.

  40. 30 Wala akong magagawa mula sa aking sarili. Kung anon narinig ko, humahatol ako, at ang aking hatol ay matuwid dahil hindi ko hinahangad ang sarili kong kalooban ngunit ang kalooban ng nagpadala sa akin.

  41. 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4 na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman.

  42. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.

  43. 33 Sinagot niya sila, “Sino ang ina at mga kapatid ko?” 34 Tiningnan niya ang mga taong nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Tingnan ninyo, ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Dahil kung sino man ang tumutupad sa kalooban ng Diyos, ang taong iyon ay ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

  44. 25 Sapagkat hindi ko nais na hindi ninyo alam, mga kapatid, ang hiwagang ito, upang hindi kayo magmarunong sa inyong sariling isipan. Ang hiwagang ito ay nagkaroon sa Israel ng bahagyang katigasan, hanggang sa makapasok ang kabuuan ng mga Gentil. 26 Kaya ang lahat ng Israel ay maliligtas, gaya ito ng nasusulat: “Mula sa Sion manggagaling ang Tagapagligtas. Tatanggalin niya ang kasamaan mula kay Jacob. 27 At ito ang magiging kasunduan ko sa kanila, kapag tinanggal ko ang kanilang mga kasalanan.”

    28 Sa isang dako, patungkol sa ebanghelyo, sila ay kinamuhian dahil sa inyo. Sa kabilang dako ayon naman sa pagpili ng Diyos, sila ay minamahal dahil sa mga ninuno. 29 Sapagkat ang mga kaloob at ang tawag ng Diyos ay hindi mababago.

    30 Sapagkat kayo ay dating hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nakatanggap ng awa dahil sa kanilang hindi pagsunod. 31 Gayon din naman, ngayon ang mga Judiong ito ay naging suwail. Ang kinahinatnan nito, sa pamamagitan ng awa na ipinakita sa inyo, makatatanggap din sila ngayon ng awa. 32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa kasuwayan, nang sa gayon maipakita niya ang awa sa lahat.

    33 O, napakayaman ng Diyos sa karunungan at kaalaman! Hindi masuri ang kaniyang mga hatol, at ang kaniyang mga kaparaanan ay hindi kayang matuklasan! 34 “Sapagkat sino ang nakakaalam ng isipan ng Panginoon? O sino ang naging tagapayo niya? 35 O sino ang nagbigay ng una sa Diyos, upang ito ay bayaran sa kaniya?” 36 Sapagkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

  45. 35 Kaya nga huwag ninyong isasawalang-bahala ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiyaga upang inyong matanggap ang ipinangako ng Diyos pagkatapos ninyong magawa ang kaniyang kalooban. 37 “Sapagkat sa kaunting panahon, ang siyang paparating ay tiyak na darating at hindi ito maaantala. 38 Mabubuhay ang matuwid kong lingkod sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung tatalikod siya, hindi ako masisiyahan sa kaniya.”

  46. 14 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, “Dahil ginawa mo ito, sumpain ka sa lahat ng mga hayop at sa lahat ng mababangis na hayop sa bukid. Gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng araw ng iyong buhay. 15 Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi. Dudurugin niya ang iyong ulo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”

  47. 15 Tingnan ninyo, inilagay ko sa araw na ito sa inyong harapan ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan. 16 Kung susundin ninyo ang mga panuntunan ni Yahweh na inyong Diyos, na sinasabi ko sa inyo sa araw na ito na mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para mamuhay ng naaayon sa kaniyang paraan, at sundin ang kaniyang mga kautusan, ang kaniyang mga batas at kaniyang mga ordenansa, mabubuhay kayo at paparamihin, at pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin.

    17 Pero kung ang inyong puso ay tumalikod at hindi kayo nakinig sa halip ay lumayo at nagpatirapa pababa sa ibang mga diyus-diyosan at sasambahin sila, 18 kung gayon, sasabihin ko sa inyo sa araw na ito siguradong mamamatay kayo, hindi tatagal ang inyong buhay sa lupain na inyong dadaanan sa kabila ng Jordan para puntahan at angkinin.

    19 Tinatawag ko ang langit at ang lupa para maging saksi laban sa inyo sa araw na ito, itinalaga ko sa inyo ang buhay at kamatayan, ang mga pagpapala at mga sumpa, kaya piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mamuhay ng matagal. 20 Gawin ito para mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang kaniyang salita, at para kumapit sa kaniya. Dahil siya ang inyong buhay at ang haba ng inyong mga araw, gawin ninyo ito para maaari kayong mamuhay sa lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.”

  48. 20 Bigyang papuri si Yahweh kayong mga anghel na napakalakas at sumusunod sa kanyang salita, na masunurin sa kanyang mga kautusan. 21 Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang hukbo ng mga anghel, kayo ay kanyang mga lingkod na nagsasagawa ng kanyang kalooban.

  49. 13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari. 17 Napakahalaga ng iyong kaisipan sa akin, O Diyos! Napakalawak ng kanilang kabuuan.

  50. 10 Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban dahil ikaw ang aking Diyos. Nawa ang iyong mabuting Espiritu ay pangunahan ako sa lupain ng katuwiran.

  51. 21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit.

  52. 50 Sapagkat ang sinumang gumagawa sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit, ang taong iyon ay aking kapatid at ina.”

  53. 10 Tingnan ninyo na huwag ninyong hahamakin kahit na isa sa mga maliliit na bata. Sapagkat sasabihin ko sa inyo na sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nakatingin sa mukha ng aking Amang nasa langit. ( 11 Sapagkat pumarito ang Anak ng Tao upang maligtas ang mga nawawala.)

    12 Ano sa palagay ninyo? Kung may isang taong mayroong isandaang tupa, at ang isa ay naligaw, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa burol at maghahanap sa isang naliligaw? 13 At kung matagpuan niya ito, totoo itong sinasabi ko sa inyo, ikagagalak niya ito higit sa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Sa gayon ding paraan, hindi ito ang kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa mga maliliit na batang ito ay mapahamak.

  54. 39 Lumakad siya nga medyo malayo, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin. Sinabi nya, “Aking Ama, kung maaari, hayaan na ang tasang ito ay lalampas sa akin. Gayunman, hindi sa nais ko kundi ayon sa nais mo.”

    40 Lumapit siya sa mga alagad at sila'y kaniyang nadatnang natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Ano, hindi ba ninyo kayang magbantay kasama ko ng isang oras?

  55. 42 Umalis siya sa pangalawang pagkakataon at nanalangin, at nagsabi, “Aking Ama, kung hindi ito maaring lilipas maliban na inumin ko ito, ang kalooban mo ang magaganap.”

  56. 42 sinasabi, “Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang tasang ito. Gayunman, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang mangyari.”

  57. 22 Nang matapos siyang alisin ng Diyos sa pagiging hari, hinirang niya si David upang maging kanilang hari. Sinabi ito ng Diyos tungkol kay David, 'Natagpuan ko si David na anak ni Jesse isang lalaking malapit sa aking puso, gagawin niya ang lahat ng aking naisin.'

  58. 3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5 Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon.

    6 Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7 Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo.

    8 Hindi ninyo siya nakita, pero mahal ninyo siya. Hindi ninyo siya nakikita ngayon, ngunit naniniwala kayo sa kaniya at lubos kayong nagagalak na may kaligayahang hindi maipaliwanag na punong-puno ng kaluwalhatian. 9 Kayo mismo ang tumatanggap ng bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.

    10 Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11 Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya.

    12 Naihayag sa mga propeta na naglilingkod sila sa mga bagay na ito, hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa inyo— ang pagsasabi ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga nagdadala ng ebanghelyo sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, mga bagay na ninanais maipahayag maging ng mga anghel.

  59. 19 Kaya ipagkatiwala nawa ng mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na Manlilikha habang sila ay gumagawa ng kabutihan.

  60. 5 Binigyan ang halimaw ng bibig na maaring magsalita ng mga mapagmataas na mga salita at mga paglalapastangan. Pinahintulutan siyang gamitin ang kapangyarihan ng apatnapu't dalawang buwan. 6 Kaya binuksan ng halimaw ang kaniyang bibig para magsalita ng mga paglalapastangan laban sa Diyos, hinahamak ang kaniyang pangalan, ang lugar kung saan siya nanirahan, at silang mga naninirahan sa langit.

    7 Pinahintulutan ang halimaw na makipagdigmaan sa mga mananampalataya at para lupigin sila. Gayundin, ibinigay sa kaniya ang kapangyarihan ng bawat lipi, mga tao, wika, at bansa. 8 Lahat ng mga naninirahan sa lupa ay sasambahin siya, ang lahat ng hindi nakasulat ang pangalan, simula pa nang nilikha ang mundo, sa aklat ng buhay, na pagmamay-ari ng Kordero, siyang pinatay.

  61. 4 Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pakiusap, lumapit kayo sa akin.” Lumapit sila. Sinabi niya, “Ako si Jose ang inyong kapatid na lalaki, na inyong ipinagbili sa Ehipto. 5 At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo. 6 Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani. 7 Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan. 8 Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto.

  62. 8 Nalulugod akong gawin ang iyong kalooban, aking Diyos; ang iyong mga batas ay nasa aking puso.”

  63. 6 Mamumuhay ang lobo kasama ng kordero, at hihiga ang leopardo kasama ng batang kambing, guya, batang leon at pinatabang guya. Isang maliit na bata ang mamumuno sa kanila. 7 Magkasamang kakain ang baka at oso, at magkakasamang matutulog ang kanilang mga anak. Kakain ang leon ng damo gaya ng baka. 8 Makapaglalaro ang isang sanggol sa bahay ng ahas, at mailalagay ng batang hindi na sumususo sa kaniyang ina ang kaniyang mga kamay sa lungga ng ahas. 9 Hindi nila sasaktan ni wawasakin ang lahat ng banal na bundok; dahil mapupuno ang mundo ng maraming kaalaman kay Yahweh, gaya ng tubig na binabalutan ang dagat.

  64. 29 Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama. 30 At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat. 31 Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.

  65. 13 Sapagkat nang ginawa ng Diyos ang kaniyang pangako kay Abraham, siya ay nanumpa sa kaniyang sarili, sapagkat hindi siya makapanumpa sa mas higit sa kaniya. 14 Sinabi niya, “Tunay na ikaw ay aking pagpapalain, at labis kong dadagdagan ang iyong mga kaapu-apuhan.'' 15 Sa ganitong paraan, natanggap ni Abraham kung ano ang ipinangako pagkatapos niyang maghintay ng may pagtitiis.

    16 Sapagkat ang mga tao ay nanunumpa sa mas mataas sa kanilang mga sarili, at sa bawat pagtatalo nila, ang sinumpaan ang siyang pangwakas bilang pagpapatunay. 17 Nang nagpasya ang Diyos na ipakita ng mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako ang hindi nagbabagong katangian ng kaniyang layunin, tiniyak niya ito ng may panunumpa. 18 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi nababago, na kung saan hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayo na nagsitakas para magpakupkop ay magkaroon ng matatag na lakas ng loob upang matibay na panghawakan ang pagtitiwala na inilagay sa ating harapan.

    19 Mayroon tayo nitong pagtitiwala bilang matatag at maaasahan na angkla ng ating mga kaluluwa, ang pagtitiwala na pumapasok sa dakong loob sa likod ng tabing. 20 Pumasok si Jesus sa dakong iyon bilang tagapanguna para sa atin, at naging pinaka-punongpari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.