28 Bible Verses About Christmas
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
4 Si Jose ay umalis din mula sa lungsod ng Nazaret sa Galilea at naglakbay papunta sa Betlehem na bayan ng Judea na kilala bilang lungsod ni David, dahil siya ay kaapu-apuhan mula sa pamilya ni David. 5 Pumunta siya doon upang magpalista kasama si Maria na nakatakdang ikasal sa kaniya at kasalukuyang nagdadalang tao.
6 At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7 Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan.
8 Sa rehiyon ding iyon, may mga pastol na naninirahan sa parang at nagbabantay sa kanilang mga kawan ng tupa sa gabi. 9 Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11 Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon! 12 Ito ang palatandaan na maibibigay sa inyo, matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng pirasong tela na nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Kasama ng anghel, biglang may malaking bilang ng hukbong makalangit na nagpupuri sa Diyos, at sinasabi, 14 “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at nawa ay magkaroon ng kapayapaan dito sa lupa sa mga tao na kaniyang kinalulugdan.”
15 At nangyari nang umalis ang mga anghel mula sa kanila patungong langit, sinabi ng mga pastol sa bawat isa, “Tayo na pumunta sa Betlehem, at tingnan ang bagay na ito na nangyari na ipinaalam ng Panginoon sa atin”.
16 Sila ay nagmadaling pumunta doon at natagpuan sina Maria at Jose, at nakita ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Pagkatapos nilang makita ito, ipinaalam nila sa mga tao kung ano ang sinabi sa kanila tungkol sa batang ito. 18 Lahat ng nakarinig nito ay namangha sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Ngunit laging iniisip ni Maria ang lahat ng bagay na kaniyang narinig, iniingatan ang mga ito sa kaniyang puso.
20 Bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos sa lahat ng kanilang narinig at nakita, tulad ng sinabi sa kanila.
-
18 Naganap ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa ganitong kapamaraanan. Si Maria na kaniyang ina ay naipagkasundong maikasal kay Jose. Ngunit bago pa man sila magsama, nalamang nagdadalang tao siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya.
20 Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21 Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.”
22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23 “Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.”
24 Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya. 25 Gayunpaman, hindi niya ito sinipingan hanggang sa isinilang niya ang anak na lalaki. At tinawag niya ang kaniyang pangalan na Jesus.
-
14 Dahil diyan, ang Panginoon mismo ang magbibigay sa iyo ng tanda: masdan mo, nagbubuntis ang isang babae, magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Immanuel. 15 Kakain siya ng namuong gatas at pulot kapag natutunan na niyang tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan.
-
6 Dahil para sa atin, isang sanggol ang isinilang, isang anak na lalaki ang binibigay; at ang kapamahalaan ay nasa kaniyang balikat; at ang pangalang itatawag sa kaniya ay Kahanga-hangang Taga-payo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. 7 Sa paglawak ng kaniyang kapamahalaan, mananatili ang kapayapaan, habang siya ay nakaluklok sa trono ni David, sakop ang kaniyang kaharian, patatatagin niya at panatilihin ito nang may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang tutupad nito.
-
16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.
19 Ito ang dahilan sa paghahatol, na ang ilaw ay dumating sa mundo, at minahal ng mga tao ang dilim kaysa ang liwanag dahil masama ang kanilang mga naging gawa. 20 Dahil ang sinuman na gumagawa ng masama ay galit sa liwanag at hindi lumalapit sa ilaw upang ang kaniyang mga gawa ay hindi malantad. 21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag upang ang kaniyang mga gawa ay malinaw na makita at ang mga iyon ay naganap dahil sa pagsunod sa Diyos.”
-
1 Pagkatapos maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga araw ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang mga pantas na kalalakihan mula sa silangan na nagsasabi, 2 “Nasaan siyang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang bituin niya sa silangan kaya pumarito kami upang sumamba sa kaniya.”
3 Nang marinig ito ni haring Herodes, nabagabag siya at ang buong Jerusalem na kasama niya. 4 At tinipon ni Herodes ang lahat ng mga punong pari at mga eskriba ng mga tao, at tinanong niya ang mga ito, “Saan ipapanganak ang Cristo?”
5 Sinabi nila sa kaniya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta, 6 'At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Judah, ay hindi pinakahamak sa mga pinuno ng Judah, sapagkat sayo magmumula ang isang pinuno na magpapastol sa aking mga taong Israelita.'”
7 At lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas na kalalakihan upang tanungin kung ano ang tiyak na oras na nagpakita ang bituin. 8 Pinapunta niya ang mga ito sa Bethlehem at sinabing, “Humayo kayo at hanaping mabuti ang bata. Kung nahanap ninyo siya, ipaalam ninyo sa akin upang makapunta at makasamba din ako sa kaniya.”
9 Pagkatapos nilang makinig sa hari, sila ay tumuloy sa kanilang lakbayin, at pinangunahan sila ng bituwin na kanilang nakita mula sa silangan hanggang sa ito ay tumigil kung nasaan naroroon ang bata. 10 Nang nakita nila ang bituin, sila ay nagalak nang may labis na kagalakan. 11 Sila ay pumunta sa bahay at kanilang nakita ang bata kasama ng kaniyang inang si Maria. Yumukod sila at sumamba sa kaniya. Binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog nila ang kanilang mga kaloob na ginto, kamanyang, at mira.
12 Binalaan sila ng Diyos sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya umiba sila ng daan pauwi sa kanilang bayan.
-
26 Ngayon sa kaniyang ikaanim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod sa Galilea na ang pangalan ay Nazaret, 27 sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa lalaking nagngangalang Jose. Siya ay kabilang sa angkan ni David at ang pangalan ng birhen ay Maria. 28 Siya ay lumapit sa kaniya at sinabi, “Binabati kita, ikaw ay lubos na pinagpala! Ang Panginoon ay nasa iyo.”
29 Ngunit siya ay lubhang naguluhan sa kaniyang sinabi at siya ay namangha kung anong uri ng pagbati ito. 30 Sinabi ng anghel sa kaniya, “Huwag kang matakot, Maria, dahil ikaw ay nakatanggap ng biyaya sa Diyos.” 31 At makikita mo, ikaw ay magbubuntis sa iyong sinapupunan at magsisilang ng isang anak na lalaki. Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na 'Jesus'. 32 Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ang Panginoong Diyos ang magbibigay sa kaniya ng trono ng kaniyang ninunong si David. 33 Siya ay maghahari sa mga angkan ni Jacob magpakailanman, at walang katapusan ang kaniyang kaharian.”
34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito, yamang hindi pa naman ako nakitabi kasama ang sinumang lalaki?”
35 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya, “Ang Banal na Espirito ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay mapapasaiyo. Kaya ang banal na isisilang, ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 At tingnan mo, ang iyong kamag-anak na si Elisabet ay nagbuntis din ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito na ang kaniyang ikaanim na buwan, siya na tinawag na baog. 37 Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.”
38 Sinabi ni Maria, “Tingnan mo, ako ay babaeng lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong mensahe.” At iniwan na siya ng anghel.
-
1 Sa simula pa lamang ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Itong Salitang ito ay nasa simula pa kasama ng Diyos. 3 Ang lahat nang mga bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, ay wala kahit isang bagay ang nilikha na nalikha. 4 Sa kaniya ay buhay, at ang buhay na iyon ay liwanag sa lahat ng sangkatauhan. 5 Ang liwanag ay sumisinag sa kadiliman, at ito ay hindi napawi nang kadiliman.
6 May isang lalaki na isinugo mula sa Diyos, na ang pangalan ay Juan. 7 Dumating siya bilang isang saksi upang magpatotoo tungkol sa liwanag, upang ang lahat ay maaaring maniwala sa pamamagitan niya. 8 Hindi si Juan ang liwanag, ngunit naparito upang makapagpatotoo siya tungkol sa liwanag.
9 Iyon ang tunay na liwanag na dumarating sa mundo at iyon ang nagpapaliwanang sa lahat. 10 Siya ay nasa mundo, at ang mundo ay nalikha sa pamamagitan niya, at ang mundo ay hindi nakakakilala sa kaniya. 11 Dumating siya sa kaniyang sariling kababayan, at hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga kababayan. 12 Ngunit sa kasing-dami nang tumanggap sa kaniya, na naniwala sa kaniyang pangalan, sa kanila niya ipinagkaloob ang karapatang maging mga anak ng Diyos, 13 ipinanganak sila hindi sa pamamagitan nang dugo, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng laman, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Diyos.
14 Ngayon ang Salita ay naging laman at namuhay na kasama namin. Nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang katulad ng nasa nag-iisang natatanging katauhan na naparito mula sa Ama, punong-puno ng biyaya at katotohanan.
15 Pinatotohanan ni Juan ang tungkol sa kaniya at sumigaw na nagsasabi, “Siyang sinabi ko sa inyo, 'Ang darating kasunod ko ay mas higit sa akin, sapagkat siya ay nauna sa akin.'”
16 Sapagkat mula sa kaniyang kapuspusan tayong lahat ay nakatanggap ng sunod-sunod na libreng kaloob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Biyaya at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanman, walang tao ang nakakita sa Diyos. Ang isa at nag-iisang katauhan, na mismo ay Diyos, na siyang nasa dibdib ng Ama, nagawa niya siyang maipakilala.
-
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.
3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.
5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.
-
15 Sa Diyos nawa ang lahat ng pasasalamat sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob!
-
23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
-
13 Pagkatapos nilang umalis, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Jose sa panaginip at sinabi, “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas kayo patungong Egipto. Manatili kayo doon hanggang sa sasabihin ko, sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin siya”.
14 Sa gabing iyon, bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at umalis patungong Egipto. 15 Nanatili siya roon hanggang sa pagkamatay si Herodes. Tinupad nito ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Mula sa Egipto tinawag ko ang aking anak.”
16 Nang nakita ni Herodes na kinutya siya ng mga pantas na kalalakihan, siya ay nagalit nang labis. Nagsugo siya at ipinapatay ang lahat ng mga batang lalaking naroon sa Bethlehem at sa buong rehiyon, ang mga may dalawang taong gulang pababa ayon sa tiyak na panahong nalaman niya mula sa mga pantas. 17 At natupad nga ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na si Jeremias, 18 “Isang tinig ang narinig sa Ramah, pananangis at labis na pagdadalamhati, umiiyak si Raquel para sa kaniyang mga anak at ayaw niyang paaliw sapagkat sila ay wala na.”
-
1 Isang sibol ang magmumula sa ugat ni Jesse, at ang isang sanga mula sa kaniyang ugat ang magbubunga. 2 Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh.
-
9 Sumigaw ka nang may labis na kagalakan, anak na babae ng Zion! Sumigaw ka nang may kasiyahan, anak na babae ng Jerusalem! Masdan ninyo! Parating sa inyo ang inyong hari nang may katuwiran at ililigtas kayo. Mapagpakumbaba at sasakay siya sa isang asno, sa anak ng isang asno.
-
11 At ang patotoo ay ito- na tayo ay binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak.
-
22 Ang isang masayahing puso ay mainam na gamot, pero ang mabigat na kalooban ay nakakatuyo ng mga buto.
-
27 Kapayapaan ang iiwan ko sa inyo; ibinibigay ko ang aking kapayapaan sa inyo. Hindi ko ito ibinibigay katulad ng pagbibigay ng mundo. Huwag hayaang mabalisa ang inyong puso, at huwag ito hayaang matakot.
-
5 Tingnan ninyo, ang mga araw ay paparating—ito ang pahayag ni Yahweh—kapag magbabangon ako para kay David ng isang matuwid na sanga. Mamumuno siya bilang hari; magdadala siya ng kasaganaan at magpapatupad siya ng katarungan at katuwiran sa lupain.
-
14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos.
-
5 Nagsilang siya ng isang anak, isang batang lalaki, na siyang maghahari sa lahat ng mga bansa nang may tungkod na bakal. Inagaw ang kaniyang anak papunta sa Diyos at sa kaniyang trono,
-
38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”
-
27 Sumagot na nagsabi siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong kaisipan, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
-
24 May isa na siyang naghahasik ng binhi—siya ay makaiipon nang higit pa; ang isa pa ay hindi naghahasik—siya ay darating sa kahirapan. 25 Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili.
-
25 Ngayon sasabihin ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o ang inyong iinumin—o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat hindi ba mas higit ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa mga damit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim o nag-aani ni nag-iipon sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit kayong mahalaga kaysa sa kanila? 27 At sino sa inyo ang kayang dagdagan ng isang siko ang haba ng kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkabalisa?
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit. 29 Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito. 30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.
-
29 Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, “Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo!
-
29 Sapagkat ang mga kaloob at ang tawag ng Diyos ay hindi mababago.
-
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kasuklaman kung ano ang masama; panghawakan kung ano ang mabuti. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.
11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.
12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.
13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.
14 Pagpalain ninyo ang mga umaapi sa inyo; pagpalain at huwag isumpa. 15 Makipaggalak kayo sa mga nagagalak; makipagtangis kayo sa mga tumatangis. 16 Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag mag-isip sa mga paraang mapagmataas, ngunit tanggapin ang mga mabababang tao. Huwag maging marunong sa inyong mga sariling isipan.
17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.
19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”
20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”
21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.
-
4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak.
Shows Read in context, Share and Copy.