63 Bible Verses About Babies

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Babies
  1. 3 Masdan mo, ang mga bata ay isang pamana mula kay Yahweh at ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala mula sa kaniya. 4 Tulad ng mga palaso sa kamay ng isang mandirigma, gayundin ang mga anak ng iyong kabataan. 5 Mapalad ang taong puno ang kaniyang talangga ng palaso. Hindi siya malalagay sa kahihiyan kapag hinarap niya ang kaniyang mga kaaway sa tarangkahan.

  2. 13 At dinala nila ang kanilang mga anak sa kaniya upang sila ay maaari niyang hawakan, ngunit sinaway sila ng mga alagad.

    14 Ngunit nang mabatid ito ni Jesus, labis na sumama ang kaniyang loob at sinabi sa kanila, “Pahintulutan ninyong pumunta sa akin ang mga maliliit na bata at huwag ninyo silang pagbawalan, dahil nabibilang ang mga katulad nila sa kaharian ng Diyos. 15 Totoo, sinasabi ko ito sa inyo, sinumang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang maliit na bata ay tiyak na hindi makakapasok dito.” 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata at binasbasan niya sila sa pagpatong ng kaniyang kamay sa kanila.

  3. 13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari. 17 Napakahalaga ng iyong kaisipan sa akin, O Diyos! Napakalawak ng kanilang kabuuan. 18 Kung susubukan ko itong bilangin, sila ay higit pa sa bilang ng mga buhangin. Sa aking paggising, ako ay nasa iyo pa rin.

  4. 13 May maliliit na mga bata na dinala sa kaniya upang patungan ng kaniyang mga kamay at ipanalangin sila, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ang maliliit na mga bata, at huwag silang pagbawalan na pumunta sa akin, sapagkat ang kaharian ng langit ay para sa mga ganito.” 15 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at pagkatapos umalis mula roon.

  5. 5 “Bago kita binuo sa sinapupunan, pinili na kita. Bago ka ipanganak, itinalaga na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”

  6. 15 Dinadala rin ng mga tao kay Jesus ang kanilang mga sanggol, upang sila ay kaniyang mahawakan, ngunit nang makita ito ng mga alagad, sinaway nila ang mga ito, 16 Ngunit pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, sinasabi, “Payagan ninyo ang mga maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang pagbawalan. Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga gaya nila. 17 Totoo, sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang bata ay tiyak na hindi makapapasok doon.”

  7. 24 Nang hindi na niya siya pinapasuso, isinama niya siya kasama ang tatlong taong gulang na toro, isang epa ng pagkain at isang bote ng alak, at dinala niya siya sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Ngayon ang anak niya ay bata pa. 25 Pinatay nila ang toro, at dinala nila ang bata kay Eli.

    26 Sinabi niya, “O aking panginoon! Habang buhay ka, aking panginoon, ako ang babaeng tumayo rito sa tabi mo na nananalangin kay Yahweh. 27 Sapagkat ang batang ito ang aking ipinanalangin at ibinigay sa akin ni Yahweh ang aking kahilingan na aking hiniling sa kanya. 28 Ibinibigay ko siya kay Yahweh; habang nabubuhay siya ipapahiram ko siya kay Yahweh.” At sinamba ni Elkana at kanyang pamilya si Yahweh doon.

  8. 1 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo, hinahayag mo ang iyong kaluwalhatian sa kalangitan. 2 Mula sa mga bibig ng mga bata at sanggol ay lumikha ka ng papuri dahil sa mga kaaway mo, para patahimikin ang kaaway at ang tagapaghiganti.

  9. 6 Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon.

  10. 1 Sa oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi, “ Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”

    2 Tinawag ni Jesus ang isang bata sa kaniya, at inilagay niya sa kanilang kalagitnaan, 3 at sinabi, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, maliban na lamang kung kayo ay magsisi at maging katulad ng mga maliliit na bata, hindi talaga kayo makapapasok sa kaharian ng langit. 4 Kaya kung sinuman ang nagpapakumbaba sa kaniyang sarili katulad ng maliit na batang ito, ang taong iyon ang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 At sinumang tumatanggap sa katulad ng maliit na batang ito alang-alang sa aking pangalan ay tinatanggap ako.

    6 Ngunit ang sinuman ang magiging sanhi ng pagkakasala ng isa sa mga maliliit na bata na sumampalataya sa akin, mas mabuti para sa kaniya na talian ang leeg ng malaking batong gilingan, at dapat siyang ilubog sa kailaliman ng dagat.

    7 Sa aba sa sanlibutan dahil sa panahon ng pagkatisod! Sapagkat kinakailangang dumating ang mga panahong iyon, ngunit sa aba sa taong sanhi ng pinanggalingan nito!

  11. 25 Nang mga oras na iyon sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at nakauunawa at iyong inihayag ang mga ito sa mga hindi nakapag-aral, tulad ng mga maliliit na bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ito ang labis na nakalulugod sa iyong paningin.

    27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking ama. At walang nakakikilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakikilala sa Ama maliban sa Anak, at sa kahit sinuman na naisin ng Anak na ihayag ang Ama.

    28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

  12. 1 Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2 Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3 kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon.

  13. 41 At nangyari nga nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang bata sa kaniyang sinapupunan at si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Ang kaniyang tinig ay tumaas at nagsabi nang malakas, “Pinagpala ka sa lahat ng mga babae at Pinagpala din ang bunga ng iyong sinapupunan.

  14. 33 At dumating sila sa Capernaum. At nang siya ay nasa loob ng bahay, tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Ngunit sila ay tahimik. Sapagkat habang sila ay nasa daan nakikipagtalo sila sa isa't isa kung sino ang pinakadakila sa kanila.

    35 Umupo siya at tinawag ang Labindalawa nang magkakasama, at sinabi niya sa kanila, “Kung sino man ang nais mauna, dapat siyang maging huli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.”

    36 Kumuha siya ng isang maliit na bata at pinaupo sa kanilang kalagitnaan. Binuhat niya ito at sinabi sa kanila, 37 “Sinumang tumanggap sa isang batang katulad nito sa aking pangalan ay tumanggap din sa akin, at kung sinuman ang tumanggap sa akin, hindi lamang ako ang tinanggap niya, kundi maging ang nagsugo sa akin.”

  15. 21 Noong ikawalong araw at siyang panahon para tuliin ang sanggol, pinangalanan nila siyang Jesus, ang pangalan na ibinigay ng anghel bago pa siya ipinagbuntis.

    22 Nang lumipas ang nakatakdang bilang ng mga araw ng kanilang seremonya ng paglilinis, alinsunod sa kautusan ni Moises, dinala siya ni Jose at Maria sa templo sa Jerusalem para iharap siya sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat anak na lalaki na nagbubukas sa sinapupunan ay tatawaging nakatalaga sa Panginoon.” 24 Sila rin ay dumating upang mag-alay ng handog na alinsunod sa sinabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang kalapati o dalawang inakay na batu-bato.”

  16. 11 Marami kaming masasabi tungkol kay Jesus, ngunit mahirap itong ipaliwanag sapagkat kayo ay mapurol sa pakikinig. 12 Kahit sa oras na ito ay marapat na sana kayong maging tagapagturo, ngunit kinakailangan pa rin na may magturo sa inyo ng mga pangunahing alituntunin ng mga salita ng Diyos. Nangangailangan kayo ng gatas, hindi nang matigas na pagkain.

    13 Sapagkat sinuman na gatas pa lamang ang iniinom ay walang karanasan sa mensahe ng katuwiran, sapagkat siya ay sanggol pa lang. 14 Sa ibang banda, ang matigas na pagkain ay para sa mga may ganap nang gulang, sila na dahil sa kanilang karanasang kumilala ng tama sa mali, ay sinanay upang maunawaan ang mabuti at masama.

  17. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino.

  18. 5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan.

  19. 44 Sapagkat tingnan mo, nang marinig ko ang iyong pagbati ay tumalon sa galak ang bata sa aking sinapupunan. 45 At pinagpala ang siyang nanampalataya na mayroong katuparan ang mga bagay na ipinahayag sa kaniya mula sa Panginoon.”

    46 Sinabi ni Maria, “Ang kaluluwa ko ay nagpupuri sa Panginoon, 47 at ang aking espiritu ay nagalak sa Diyos na aking tagapagligtas.” 48 Sapagkat siya ay tumingin sa kababaan ng kaniyang lingkod na babae. Kaya tingnan mo, mula ngayon ang lahat ng salinlahi ay tatawagin akong pinagpala.

  20. 5 Kung paanong hindi mo alam kung saan manggagaling ang hangin, maging kung paano lumalaki ang mga buto ng sanggol sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din hindi mo rin mauunawaan ang gawa ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat.

  21. 1 At ako, mga kapatid, hindi ko kayo nakakausap na tulad ng mga taong espiritual, sa halip bilang mga taong makalaman, bilang mga sanggol kay Cristo. 2 Pinaiinom ko kayo ng gatas at hindi ko kayo pinapakain ng karne, sapagkat hindi pa kayo handa sa karne. At hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo handa. 3 Sapagkat nananatili kayong makalaman. Dahil kung may paninibugho at pagtatalo na umiiral pa sa inyo, hindi ba namumuhay pa kayo sa laman at hindi ba kayo lumalakad sa pamantayan ng tao? 4 Sapagkat kapag may isang nagsabi, “Ako ay sumusunod kay Pablo,” at sinasabi naman ng isa, “Ako ay sumusunod kay Apolos,” hindi ba namumuhay pa kayo bilang isang tao?

    5 Sino ba si Apolos? At sino ba si Pablo? Mga lingkod na dahil sa kanila kayo ay sumampalataya, na bawat isa sa kanila ay nabigyan ng Panginoon ng mga tungkulin.

  22. 6 Ang mga apo ay korona ng mga matatanda, at ang mga magulang ay nagbibigay dangal sa kanilang mga anak.

  23. 14 Dahil diyan, ang Panginoon mismo ang magbibigay sa iyo ng tanda: masdan mo, nagbubuntis ang isang babae, magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Immanuel.

  24. 20 Mga kapatid, huwag maging mga bata sa inyong pag-iisip. Sa halip, kung tungkol sa kasamaan, maging gaya ng mga sanggol. Ngunit maging ganap sa inyong pag-iisip.

  25. 5 Nang tumingala si Esau, nakita niya ang mga babae at mga bata. Sinabi niya, “Sino itong mga taong kasama mo?” Sinabi ni Jacob, “Ang mga anak na malugod na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”

  26. 24 Ito ang sinasabi ni Yahweh, iyong Manunubos, na siyang humubog sa iyo mula sa sinapupunan: Ako si Yahweh, na gumawa ng lahat ng bagay, na nag-iisang naglatag ng kalangitan, na nagiisang naghugis ng kalupaan.

  27. 6 Dahil para sa atin, isang sanggol ang isinilang, isang anak na lalaki ang binibigay; at ang kapamahalaan ay nasa kaniyang balikat; at ang pangalang itatawag sa kaniya ay Kahanga-hangang Taga-payo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. 7 Sa paglawak ng kaniyang kapamahalaan, mananatili ang kapayapaan, habang siya ay nakaluklok sa trono ni David, sakop ang kaniyang kaharian, patatatagin niya at panatilihin ito nang may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang tutupad nito.

  28. 31 At makikita mo, ikaw ay magbubuntis sa iyong sinapupunan at magsisilang ng isang anak na lalaki. Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na 'Jesus'. 32 Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ang Panginoong Diyos ang magbibigay sa kaniya ng trono ng kaniyang ninunong si David. 33 Siya ay maghahari sa mga angkan ni Jacob magpakailanman, at walang katapusan ang kaniyang kaharian.”

  29. 21 Ang babae ay may dalamhati kapag siya ay nakararamdam ng pananakit ng tiyan dahil ang oras ng kaniyang panganganak ay malapit na; ngunit kapag naipanganak na niya ang bata, hindi na niya naaalala ang sakit dahil sa kaniyang kagalakan na isang sanggol ay naipanganak na sa mundo.

  30. 10 Sinabi niya, “Makatitiyak ka na babalik ako sa iyo sa tagsibol at makikita mo, magkakaroon ng anak na lalaki ang iyong asawa na si Sarah.” Nakikinig si Sarah sa pintuan ng tolda na nasa likod ni Abraham. 11 Ngayon matanda na nga sina Abraham at Sarah, talagang napakatanda na at nalampasan na ni Sarah ang edad kung saan hindi na maaaring magkaanak pa ang isang babae. 12 Kaya tinawanan ni Sarah ang kaniyang sarili at sinabing,” “Ngayong matanda na ako, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan, gayong ang panginoon ko ay matanda na rin?”

    13 Sinabi ni Yahweh kay Abraham, “Bakit tumawa si Sarah at sinabing, 'Magkakaanak pa batalaga ako gayong matanda na ako?' 14 Mayroon bang mahirap para kay Yahweh? Pagsapit ng itinakda kong panahon, sa tagsibol, babalik ako sa iyo. Sa ganitong oras sa susunod na taon, si Sarah ay magkakaroon ng anak na lalaki.

  31. 6 Nang buksan niya ito, nakita niya ang bata. Masdan ito, ang bata ay umiiyak. Siya ay nahabag sa kaniya at sinabing, “Ito ay tiyak na isa sa mga sanggol ng mga Hebreo.”

  32. 9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”

  33. 14 Kaya sinabi ni Eliseo, “Ano pala ang maaari nating gawin para sa kaniya?” Sumagot si Gehazi, “Tunay nga, wala siyang anak, at matanda na ang kaniyang asawa.”

    15 Kaya sumagot si Eliseo, “Tawagin mo siya.” Nang siya ay tinawag niya, tumayo siya sa pintuan. 16 Sinabi ni Eliseo, “Sa parehong oras ng taong ito, pagkatapos ng isang taon, makakahawak ka ng isang anak.” Sinabi niya, “Hindi, aking panginoon at lingkod ng Diyos, huwag kang magsinungaling sa iyong alipin.”

    17 Pero nagdalang-tao ang babae at nanganak ng isang lalaki sa parehong panahon ng sumunod na taon, tulad ng sinabi ni Eliseo sa kaniya.

  34. 14 Nawa palalaguin ni Yahweh ang inyong bilang ng higit pa, kayo at ang inyong mga kaapu-apuhan. 15 Pagpalain kayo ni Yahweh, na siyang gumawa ng langit at lupa.

  35. 1 Ang mga kawikaan ni Solomon. Ang isang marunong na anak ay ikinagagalak ng kaniyang ama ngunit ang isang hangal na anak ay nagdadala ng pighati sa kaniyang ina.

  36. 15 Subalit nang makita ng mga pinunong pari at ng mga eskriba ang mga kamanghamanghang mga bagay na kaniyang ginawa, at nang mapakinggan nila ang mga bata na sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa anak ni David,” sila ay lubhang nagalit.

    16 Sinabi nila sa kaniya, “Narinig mo ba kung ano ang sinasabi ng mga taong ito?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo! Ngunit hindi ba ninyo nababasa, 'Na mula sa mga bibig ng mga sanggol at mga sumususo pa lamang ay ginawa mong ganap ang papuri'?”

  37. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kaniya “Huwag kang matakot Zacarias, sapagkat ang iyong panalangin ay pinakinggan. Ipagbubuntis ng asawa mong si Elisabet ang iyong anak na lalaki. Juan ang ipapangalan mo sa kaniya. 14 Magkakaroon ka ng kagalakan at saya, at marami ang matutuwa sa pagsilang sa kaniya. 15 Sapagkat siya ay magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin, at siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula sa sinapupunan ng kaniyang ina. 16 At maraming tao sa bayan ng Israel ang mapapanumbalik sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias. Gagawin niya ito upang mapanumbalik ang puso ng mga ama sa mga anak, upang ang mga hindi sumusunod ay mamuhay sa karunungan ng mga matuwid. Gagawin niya ito upang ihanda para sa Panginoon, ang mga taong inihanda na para sa kaniya.”

  38. 6 At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7 Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan.

    8 Sa rehiyon ding iyon, may mga pastol na naninirahan sa parang at nagbabantay sa kanilang mga kawan ng tupa sa gabi. 9 Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11 Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon! 12 Ito ang palatandaan na maibibigay sa inyo, matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng pirasong tela na nakahiga sa isang sabsaban.”

  39. 15 Ngunit ikinalugod ng Diyos na piliin ako mula pa sa sinapupunan ng aking ina. Tinawag niya ako sa pamamagitan ng kaniyang biyaya

  40. 1 Sinasabi ko na hanggang ang tagapagmana ay bata pa, wala siyang pinagkaiba sa isang alipin, kahit na siya pa ang nagmamay-ari ng buong lupain. 2 Sa halip, nasa ilalim pa siya ng kaniyang mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa dumating ang panahon na itinakda ng kaniyang ama.

    3 Kaya ganoon din tayo, noong tayo ay mga bata pa, sakop tayo ng pagkaalipin sa mga alituntunin ng daigdig. 4 Ngunit nang dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5 Ginawa niya ito upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop bilang mga anak.

  41. 18 Kaya nga ilagay ang mga salita kong ito sa inyong puso at kaluluwa; itali ang mga ito bilang isang tanda sa inyong kamay, at hayaan ang mga ito na maging gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 19 Ituturo ninyo ang mga ito sa inyong mga anak at pag-usapan ang tungkol sa mga ito kapag nakaupo kayo sa bahay ninyo, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag humihiga at bumabangon kayo.

  42. 22 Sumagot si David, “Habang buhay pa ang bata nag-ayuno ako at umiyak. Sinabi ko, 'Sinong nakakaalam kung kaaawaan ako ni Yahweh o hindi na maaaring mabuhay ang bata?' 23 Pero ngayon patay na siya, bakit pa ako mag-ayuno? Maibabalik ko ba siyang muli? Pupunta ako sa kaniya, pero hindi siya babalik sa akin.”

    24 Inaliw ni David ang kaniyang asawang si Batsheba at pumunta sa kaniya at sumiping sa kaniya. Kaya nagkaanak siya ng isang batang lalaki at pinangalanang Solomon ang bata. Mahal siya ni Yahweh, 25 kaya nagpadala siya ng salita sa pamamagitan ni Natan ang propeta para pangalanan siyang Jedidias, dahil mahal siya ni Yahweh.

  43. 9 Dahil kinuha mo ako mula sa sinapupunan; hinayaan mong magtiwala ako sa iyo habang ako ay nasa dibdib ng aking ina. 10 Ipinagkatiwala na ako sa iyo mula pa sa sinapupunan; ikaw ang aking Diyos simula pa ng ako ay nasa sinapupunan ng aking ina!

  44. 3 Ihinihiwalay ang mga masasama mula sa sinapupunan; naliligaw na sila simula nang kapanganakan pa lamang, na nagsasabi ng mga kasinungalingan.

  45. 15 “Makakalimutan ba ng isang babae ang kaniyang sanggol, na pinasususo sa kaniyang suso, kaya wala siyang habag sa kaniyang anak na ipinanganak? Oo, maaaring makalimutan nila, pero hindi kita makakalimutan.

  46. 13 At tuturuan ni Yahweh ang lahat ng inyong mga anak; at ang kapayapaan ng inyong mga anak ay magiging dakila.

  47. 46 Pagkatapos, isang pagtatalo ang nagsimula sa kanila tungkol sa kung sino ang magiging lubos na dakila. 47 Ngunit nang malaman ni Jesus ang kanilang mga pangangatwiran sa kanilang mga puso, kumuha siya ng isang bata at nilapit sa kaniyang tabi, 48 at sinabi sa kanila, “Kung sinuman ang tumanggap sa isang maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, siya rin ay tumatanggap sa akin, at kung sinuman ang tumatanggap sa akin, siya rin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin. Dahil kung sinuman ang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang dakila.”

  48. 11 Noong ako ay bata pa, ang salita ko ay tulad ng isang bata. Ang isip ko ay tulad ng isang bata, nagdadahilan ako na tulad ng isang bata. Ngunit ng ako ay nasa hustong gulang na, iniwan ko na ang mga bagay ng pagiging isip-bata.

  49. 21 Nagdasal si Isaac kay Yahweh para sa kanyang asawa dahil wala itong anak, at sinagot ni Yahweh ang kanyang dasal, at si Rebeca na kanyang asawa ay nabuntis.

    22 Ang mga bata ay magkasamang nagtunggali sa loob niya at sinabi niya, “Bakit ito nangyayari sa akin?” Tinanong niya si Yahweh tungkol dito. 23 Sinabi ni Yahweh sa kanya, “Dalawang bansa ang nasa iyong sinapupunan, at dalawang bayan ang mahihiwalay mula sa iyong loob. Isang bayan ang magiging mas malakas kaysa sa isa, at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

    24 Nang oras na para siya ay manganak, masdan mo, mayroong kambal sa kanyang sinapupunan. 25 At ang unang lumabas ay nababalutan ng pula gaya ng mabalahibong damit. Tinawag nila siya sa kanyang pangalan na Esau. 26 Pagkatapos noon, ang kanyang kapatid ay lumabas. Ang kanyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau. Siya ay tinawag na Jacob. Si Isaac ay animnapung taong gulang nang ang kanyang asawa ay nagsilang sa kanila.

  50. 13 Kaya kinuha ni Boaz si Ruth, at siya ay naging asawa niya. Sinipingan niya ito, at pinahintulutan ni Yahweh na mabuntis siya at nagsilang siya ng isang anak na lalaki.

    14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, “Pagpalain ka nawa ni Yahweh, na hindi ka iniwan sa araw na ito na walang isang malapit na kamag-anak, itong sanggol. Nawa maging kilala ang kaniyang pangalan sa Israel. 15 Nawa maging isa siyang tagapagpanumbalik ng buhay, at isang tagapagpalusog sa iyong katandaan, dahil isinilang siya ng iyong manugang, na nagmahal sa iyo, na mas mabuti sa iyo kaysa pitong anak na lalaki.”

    16 Pagkatapos kinuha ni Naomi ang bata, pinahiga niya siya sa kaniyang dibdib at inalagaan siya.

    17 At ang mga babae, kaniyang mga kapitbahay, binigyan siya ng pangalan, sinasabing, “Isang bata ang ipinanganak kay Naomi.” Pinangalanan nila siyang Obed. Naging ama siya ni Jesse, na naging ama ni David.

  51. 3 Ang iyong asawang babae ay tulad ng mabungang ubasan sa iyong tahanan; at ang iyong mga anak ay magiging tulad ng tanim ng olibo habang sila ay nakaupo sa palibot sa iyong lamesa.

  52. 5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Iyong ipanganak sa laman ay laman, at iyong ipanganak sa Espiritu ay espritu. 7 Huwag kayong mamangha na sinabi ko sa inyo, 'Dapat kayong ipanganak muli.'

  53. 25 Kayo ang mga anak ng mga propeta at ng kasunduan na ginawa ng Diyos kasama ng inyong mga ninuno, katulad ng sinabi niya kay Abraham, 'Sa iyong binhi pagpapalain ko ang lahat ng mga sambahayan sa buong mundo.'

  54. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  55. 7 Magtatatag ako ng tipan sa pagitan natin at sa iyong mga magiging kaapu-apuhan, hanggang sa kanilang buong salinlahi, para sa isang walang hanggang tipan, na ako ang magiging Diyos mo at ng mga susunod mong mga kaapu-apuhan.

    8 Ibibigay ko sayo at sa mga susunod mong kaapu-apuhan, ang lupain kung saan ka naninirahan, lahat ng lupain sa Canaan, para sa walang hanggang pag-aari at ako ang magiging Diyos nila.”

    9 Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Abraham, “Para sayo, dapat mong ingatan ang aking tipan, ikaw at ang susunod mong kaapu-apuhan hanggang sa kanilang buong salinlahi. 10 Ito ang aking tipan sa pagitan ko at sa pagitan mo at sa susunod mong mga kaapu-apuhan na dapat mong ingatan: Lahat ng lalaki sa inyo ay dapat matuli. 11 Dapat kayong matuli sa laman ng iyong balat, at ito ang magiging palatandaan ng tipan sa pagitan ko at pagitan mo.

    12 Bawat lalaki sa inyo ay dapat na matuli pagsapit ng ikawalong araw na gulang, maging sa mga susunod ninyong salinlahi. Kasama rito ang mga ipinanganak sa iyong sambahayan, pati na ang nabili ng salapi mula sa mga dayuhan na hindi kasama sa iyong mga kaapu-apuhan. 13 Siya na ipinanganak sa iyong sambahayan, at nabili ng iyong salapi ay dapat matuli. Sa gayon ang aking tipan ay mapapasaiyong laman para sa walang hanggang tipan.

    14 Sinuman sa mga hindi tuli ang hindi tinuli sa laman ng kaniyang balat ay ihihiwalay mula sa kanyang sambayahan. Sinira niya ang aking tipan.

  56. 15 Pagkatapos ang hari ng Ehipto ay nakipag-usap sa Hebreong mga komadrona; ang pangalan ng isa ay si Sifra, at ang isa ay si Pua. 16 Sinabi niya, “Kung tutulong kayo sa mga Hebreong babae sa paanakan, pagmasdan ninyo kapag sila ay manganganak. Kapag ang sanggol ay lalaki, patayin ninyo; pero kung ito ay babae, siya ay mabubuhay.”

    17 Pero ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang iniutos ng hari ng Ehipto; sa halip, pinabayaan nilang mabuhay ang mga lalaking sanggol. 18 Pinatawag ng hari ng Ehipto ang mga komadrona at sinabi sa kanila, “Bakit pinabayaan ninyo na mabuhay ang mga lalaking sanggol?”

    19 Sumagot ang mga hilot kay Paraon, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng taga-Ehipto; sila ay masigla at tapos nang manganak bago dumating ang komadrona.”

    20 Pinangalagaan ng Diyos ang mga komadrona. Ang mga tao ay dumarami ang bilang at naging napakalakas. 21 Dahil may takot ang mga komadrona sa Diyos, binigyan sila ng kanilang sariling pamilya.

    22 Inutusan ni Paraon ang lahat ng kaniyang mga tao, “Kailangan ninyong itapon sa ilog bawat lalaki na ipinanganak, pero pabayaan ninyong mabuhay ang bawat babae.”

  57. 1 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabing, 2 “Ilaan sa akin ang lahat ng mga panganay, ang bawat panganay na lalaki ng mga Israelita, kapwa mula sa mga tao at sa mga hayop. Pagmamay-ari ko ang mga panganay.”

  58. 4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.

    6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.

  59. 11 Maging ang isang kabataan ay nakikilala sa kaniyang mga kilos, kung ang kaniyang pag-uugali ay dalisay at matuwid.

  60. 16 Nang nakita ni Herodes na kinutya siya ng mga pantas na kalalakihan, siya ay nagalit nang labis. Nagsugo siya at ipinapatay ang lahat ng mga batang lalaking naroon sa Bethlehem at sa buong rehiyon, ang mga may dalawang taong gulang pababa ayon sa tiyak na panahong nalaman niya mula sa mga pantas. 17 At natupad nga ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na si Jeremias, 18 “Isang tinig ang narinig sa Ramah, pananangis at labis na pagdadalamhati, umiiyak si Raquel para sa kaniyang mga anak at ayaw niyang paaliw sapagkat sila ay wala na.”

  61. 59 Ngayon ay nangyari sa ikawalong araw na tuliin nila ang sanggol. Tatawagin sana nila siyang “Zacarias” mula sa pangalan ng kaniyang ama,

  62. 21 Sa parehong oras na iyon, siya ay nagalak nang lubusan sa Banal na Espiritu, at sinabi, “Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at nakakaunawa, at ipinahayag ang mga ito sa mga walang muwang, tulad ng mga maliliit na bata. Oo, Ama, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyong paningin.”

    22 ''Ang lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin mula sa aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak, at kanino man na naisin ng Anak na ipahayag siya.”

  63. 18 Ngunit, lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen!