51 Bible Verses About Bearing Fruit

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Bearing Fruit
  1. 1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin.

    5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nanatili sa akin, tinatapon siya katulad ng sanga at natutuyo; tinitipon ng mga tao ang mga sanga at itinatapon ang mga ito sa apoy, at ang mga ito ay sinusunog. 7 Kung kayo ay mananatili sa akin, at kung ang aking mga salita ay mananatili sa inyo, humingi kayo ng anumang nais ninyo, at ito ay gagawin para sa inyo. 8 Sa ganito ay naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay mamunga ng marami at na kayo ay maging aking mga alagad.

  2. 15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga. 18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.

    21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

  3. 19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

    22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

    24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa.

  4. 8 Mamunga kayo na karapat-dapat sa pagsisisi.

  5. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin ngunit pinili ko kayo at itinalaga kayo na humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Ito ay upang kung anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na magmahalan kayo sa isa't isa.

  6. 4 Kaya, aking mga kapatid, naging patay kayo sa batas sa pamamagitan ng katawan ni Cristo. Ito ay upang maaari kayong makisama sa iba, iyan ay, sa kaniya na binuhay mula sa patay, upang sa gayon maaari tayong magsipagbunga para sa Diyos. 5 Sapagkat noong tayo ay nasa laman, ang mga makasalanang pagnanasa ay naging buhay sa ating mga bahagi sa pamamagitan ng kautusan na magbibigay ng bunga sa kamatayan. 6 Ngunit ngayon, pinakawalan na tayo mula sa kautusan. Namatay tayo sa kung ano ang dating humahawak sa atin. Ito ay upang makapaglingkod tayo sa panibagong Espiritu at hindi sa kalumaan ng sulat.

  7. 11 Sinabi ng Diyos, “Hayaang tumubo ang halaman sa lupa: mga pananim na nagbibigay ng buto at mga namumungang punong kahoy na kung saan ang buto nito'y nasa loob ng kanyang bunga, ayon sa kanyang sariling uri.” At nagkagayon nga. 12 Tinubuan ng halaman ang lupa, mga pananim na nagbibigay ng buto mula sa kanilang uri, at mga namumungang punong kahoy na taglay nito ang buto, mula sa kanilang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya.

  8. 6 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, “May isang taong may isang puno ng igos na nakatanim sa kaniyang ubasan at dumating siya at naghanap ng bunga nito ngunit wala siyang matagpuan. 7 Sinabi niya sa hardinero, 'Tingnan mo, tatlong taon na akong pumaparito, at sinubukang maghanap ng bunga ng puno ng igos na ito ngunit wala akong natagpuan. Putulin mo ito. Bakit hahayaang sayangin nito ang lupa?'

    8 Sumagot ang hardinero at sinabi, 'Pabayaan mo muna ito sa taong ito hanggang sa aking mahukayan ang palibot nito at malagyan ito ng pataba. 9 Kung mamunga ito sa susunod na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin mo ito!”'

  9. 8 Mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi, at huwag ninyong simulan na sabihin sa inyong mga sarili, 'Mayroon tayong Abraham bilang ama natin,' dahil sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay may kakayahang lumikha ng mga anak para kay Abraham kahit pa mula sa mga batong ito. 9 Ang palakol ay nailagay na sa ugat ng mga puno. Kaya ang bawat puno na hindi namumunga nang mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.”

  10. 17 Ngunit ang karunungang mula sa itaas unang-una ay dalisay, at maibigin sa kapayapaan, mahinahon, may nag-aalab na puso, puno ng awa at mabuting bunga, walang inaayunang ibang tao, at tapat. 18 At ang bunga ng katuwiran ay naitanim sa kapayapaan alang-alang sa mga gumagawa ng kapayapaan.

  11. 8 Sapagkat noon kayo ay kadiliman, ngunit ngayon kayo ay kaliwanagan sa Panginoon. Kaya lumakad kayo bilang mga anak ng liwanag. 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay napapalooban ng lahat ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan. 10 Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.

  12. 1 Pagkatapos, nangyari agad na si Jesus ay nagsimulang maglakbay sa iba't ibang mga lungsod at mga nayon, nangangaral at nagpapahayag ng magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos at ang Labindalawa ay sumama sa kaniya, 2 at gayundin ang mga ilang kababaihan na napagaling mula sa mga masasamang espiritu at mga karamdaman. Sila ay sina Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kaniya ay pitong demonyo ang pinalayas, 3 si Juana ang asawa ni Cusa, na tagapangasiwa ni Herodes, si Susana at marami pang ibang mga kababaihan na nagbigay sa kanilang pangangailangan mula sa kanilang sariling mga pinagkukunan.

    4 Ngayon, nang ang napakaraming bilang ng tao ay nagtipun-tipon, kasama ang mga tao na pumupunta sa kaniya mula sa iba't-ibang mga lungsod, siya ay nagsalita sa kanila gamit ang isang talinghaga. 5 “May isang manghahasik na lumabas upang maghasik ng mga butil. Sa kaniyang paghahasik, ang ilang mga butil ay nahulog sa tabi ng daan at ang mga ito ay natapakan, at nilamon ang mga ibon sa langit ang mga ito.

    6 Ang ibang mga butil ay nahulog sa mabatong lupa, at agad sa kanilang pagtubo, ang mga ito ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig.

    7 Ang ibang mga butil naman ay nahulog sa mga matitinik na halaman, at ang mga matitinik na halaman ay tumubo kasabay ng mga butil at sinakal ang mga ito.

    8 Ngunit ang ilang mga butil ay nahulog sa mabuting lupa at namunga ng higit pa sa isandaan.” Pagkatapos na sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay nangusap, “Sinuman ang may taingang pandinig, makinig siya.”

    9 Pagkatapos, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang ito.

    10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang mga hiwaga sa kaharian ng Diyos, ngunit ang ibang mga tao ay tuturuan lamang sa mga talinghaga, kaya tumingin man sila ay hindi talaga sila makakakita, at makinig man sila ay hindi talaga sila makakaunawa.

    11 Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas.

    13 At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag.

    14 Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago.

    15 Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga.

  13. 9 Dahil sa pag-ibig na ito, mula sa araw na narinig namin ito, hindi kami tumigil na manalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at pang-unawang espirituwal. 10 Ipinapanalangin namin na lumakad kayo na karapat- dapat sa Panginoon sa mga kalugod-lugod na paraan. Ipinapanalangin namin na mamunga kayo sa bawat mabubuting gawa at ng lumago kayo sa inyong kaalaman sa Diyos. 11 Ipinapanalangin namin na mapalakas kayo sa bawat kakayahang naaayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian tungo sa lahat ng pagtitiyaga at pagtitiis. 12 Ipinapanalangin namin na kayo ay magpapasalamat ng may galak sa Ama, na siyang nagkaloob sa inyo na makibahagi sa mga kayamanan ng mga mananampalataya sa liwanag.

    13 Sinagip niya tayo mula sa pamamahala ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. 14 Sa kaniyang Anak mayroong tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.

  14. 33 O gawing mabuti ang puno at ang bunga nito ay mabuti, o gawing masama ang puno at ang bunga nito ay masama, sapagkat makikilala ang bawat puno ayon sa bunga nito. 34 Kayong mga anak ng mga ulupong, dahil kayo ay masama, paano kayo magsasabi ng mga mabubuting bagay? Sapagkat kung ano ang nilalaman ng puso ay siyang binibigkas ng bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso ay naglalabas ng mabuti at ang masamang tao na may masamang kayamanan sa kaniyang puso ay naglalabas ng masama. 36 At sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, ang mga tao ay mananagot sa bawat salita na kanilang binitawan na walang kabuluhan. 37 Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay parurusahan.”

  15. 1 Sa araw na iyon ay lumabas ng bahay si Jesus at umupo sa tabi ng dagat. 2 May napakaraming bilang ng tao ang pumalibot sa kaniya kaya sumakay siya sa isang bangka at umupo doon. Ang lahat ng tao ay tumayo sa dalampasigan.

    3 At nagsabi si Jesus sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinghaga. Kaniyang sinabi, “Masdan ito, isang manghahasik ang lumabas upang maghasik. 4 Sa kaniyang paghahasik, nahulog ang ilang mga binhi sa tabi ng daan, dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito.

    5 Ang ibang mga binhi naman ay nahulog sa mabatong lupa kung saan kakaunti lamang ang lupa. Ang mga ito ay mabilis na tumubo sapagkat mababaw lamang ang lupa. 6 Ngunit nang sumikat na ang araw, ang mga ito ay natuyo dahil wala itong mga ugat, at nalanta ang mga ito.

    7 Ang ibang mga binhi ay nahulog sa may mga matitinik na halaman. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito.

    8 Ang ibang mga binhi ay nahulog sa mabuting lupa at ang mga ito ay namunga, ang iba ay tig-iisandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tigtatatlumpu.

    9 Ang may taingang pandinig, ay makinig.”

  16. 43 Sapagkat walang mabuting puno ang namumunga ng bulok na bunga, ni walang bulok na puno ang namumunga ng mabuting bunga. 44 Sapagkat ang bawat puno ay nakikilala sa uri ng kaniyang bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi umaani ng igos sa matinik na damo, ni hindi sila umaani ng ubas sa matinik na baging. 45 Inilalabas ng mabuting tao ang kabutihan na nagmumula sa kayamanan ng kaniyang puso, at inilalabas ng masamang tao ang masama mula sa masamang kayamanan ng kaniyang puso. Sapagkat mula sa kasaganaan ng kaniyang puso, nagsasalita ang kaniyang bibig.

  17. 23 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang oras ay dumating na upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin. 24 Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay nanatili sa kaniyang sarili na mag-isa, ngunit kung ito ay mamatay, magbubunga ito ng napakarami.

  18. 14 Ang ating mga tao dapat matutunan ang makisali sa paggawa ng mabuti na tumutugon sa mga agarang pangangailangan upang sila ay maging mabunga.

  19. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.

    28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo.

  20. 13 Mamahalin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo; pagpapalain niya rin ang bunga ng inyong mga katawan at bunga ng inyong lupain, inyong butil, inyong bagong alak, at ang inyong langis, ang pagpaparami ng inyong mga baka at ang inyong mga batang kawan, sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ama na ibibigay niya sa inyo.

  21. 10 Nakahanda na ang palakol sa mga ugat ng mga puno. Kaya bawat punong hindi namumunga ng mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy.

  22. 7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.

    9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko.

  23. 9 At ipinapanalangin ko ito: na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa. 10 Ipinapanalangin ko ito upang masubukan ninyo at mapili ang mga bagay na mahusay. Ipinapanalangin ko ito upang kayo ay maging tapat at walang sala sa araw ni Cristo. 11 Ito rin ay upang mapuno kayo ng bunga ng katuwiran na dumarating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.

  24. 1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana.

  25. 12 Ang mga matutuwid ay yayabong katulad ng puno ng palma; ito ay lalago katulad ng isang sedar sa Lebanon. 13 Sila ay nakatanim sa tahanan ni Yahweh; sila ay yayabong sa patyo ng ating Diyos. 14 Namumunga sila kahit sila ay matanda na; nanatili silang sariwa at luntian,

  26. 11 Sa ganoon ding paraan, kinakailangan din ninyong ituring ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

    12 Samakatuwid huwag ninyong hayaan na pagharian ng kasalanan ang inyong mga namamatay na katawan upang inyong sundin ang mga pagnanasa nito. 13 Huwag ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan para sa kasamaan, ngunit ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos, na buhay mula sa patay. At ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng katuwiran para sa Diyos. 14 Huwag ninyong hayaan na pagharian kayo ng kasalanan. Sapagkat wala na kayo sa ilalim ng kautusan ngunit sa ilalim ng biyaya.

  27. 5 Sa kadahilanang ito, gawin ninyo ang inyong makakaya para dagdagan ang kabutihan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, at sa pamamagitan ng inyong kabutihan ay kaalaman. 6 Sa pamamagitan ng inyong kaalaman ay pagpipigil sa sarili, at sa pamamagitan ng inyong pagpipigil sa sarili ay pagtitiyaga, at sa pamamagitan ng inyong pagtitiyaga ay pagiging maka-diyos. 7 Sa pamamagitan ng inyong pagiging maka-diyos ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, at sa pamamagitan ng inyong pagmamahal bilang magkakapatid ay ang pag-ibig. 8 Kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at lumalago sa inyo, kayo ay hindi magiging baog o hindi namumunga sa kaalaman ng ating Panginoon na si Jesu-Cristo. 9 Ngunit ang sinuman na nagkukulang sa mga bagay na ito ay nakikita niya lamang kung ano ang malapit; siya ay bulag. Nakalimutan niya ang paglilinis mula sa kaniyang mga lumang kasalanan.

    10 Samakatwid, mga kapatid, gawin ninyo ang inyong makakaya upang gawin ang inyong pagkatawag at pagkakapili na tiyak sa inyong mga sarili. Kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa gayon, ang daan ay masaganang ipagkakaloob sa inyo sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

  28. 5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay binibigyang-pansin ang mga bagay na para sa laman, ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay binibigyang pansin ang mga bagay na para sa Espiritu. 6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ito ay dahil sumasalungat sa Diyos ang kaisipan ng laman, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging sakop. 8 Hindi kayang pasiyahin ng taong nasa laman ang Diyos.

  29. 1 At pinagpala ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki, at sinabi sa kanila, “Maging mabunga kayo, magpakarami, at punuin ang mundo.

  30. 4 Pagpapalain ang bunga ng inyong katawan, at ang bunga ng inyong lupa, at ang bunga ng inyong mga hayop, ang pagdami ng inyong mga baka, at ang mga guya ng inyong kawan.

  31. 12 Hinahangad ng masama ang mga ninakaw ng makasalanan mula sa iba, pero ang bunga ng mga matuwid ay galing sa kanilang mga sarili.

  32. 10 Sabihin mo sa matuwid na magiging maayos ang lahat sa kaniya; dahil kakainin niya ang bunga ng mga gawain niya. 11 Kaawa-awa ang masasama! Mamalasin siya, dahil aanihin niya ang ginawa ng mga kamay niya.

  33. 7 Ngunit mapalad ang tao na nagtitiwala kay Yahweh, sapagkat si Yahweh ang kaniyang pag-asa. 8 Sapagkat magiging katulad siya ng halaman na itinanim sa tabi ng tubig-batis; ang kaniyang mga ugat ay kakalat. Hindi niya makikita ang init na parating, sapagkat ang kaniyang mga dahon ay malalapad at maganda. At sa panahon ng tag-tuyot hindi siya mangangamba, ni titigil ang kaniyang pamumunga.

  34. 18 Ngayon, makinig kayo sa talinghaga ng manghahasik. 19 Kapag mapakinggan ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi ito nauunawaan, darating ang masama at nanakawin ang mga binhi na naihasik sa kaniyang puso. Ito ay ang binhi na naihasik sa tabi ng daan.

    20 Siya na naihasik sa mabatong lupa ay siyang nakakarinig sa salita at agad itong tinatanggap nang may galak. 21 Gayunman wala siyang mga ugat at tumatagal lamang ng panandalian. At kung ang kapighatian at pag-uusig ay dumating dahil sa salita, siya ay agad nadadapa.

    22 Siya na naihasik sa may mga matitinik na halaman ay nakaririnig ng salita, ngunit ang pagkabalisa sa mundo at ang panlilinlang ng mga yaman ang siyang sumakal sa salita, at hindi siya namunga.

    23 Siya na naihasik sa mabuting lupa ay siyang nakarinig sa salita at nakaunawa dito. Siya ang tunay na namumunga at nagpapayabong nito; ang ilan ay namunga ng tig-iisandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tig-tatatlumpu..”

  35. 12 Kinabukasan, sa kanilang pagbabalik mula sa Bethania, nagutom siya. 13 At nang nakakita siya sa malayo ng puno ng igos na may mga dahon, pumunta siya upang tingnan kung mayroon ba siyang makukuha rito. At pagkarating niya doon, wala siyang nakita kung hindi puro dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos. 14 Kinausap niya ito, “Wala ng makakakain muli ng bunga mula sa iyo.” At narinig ito ng kaniyang mga alagad.

  36. 13 Sapagkat kung mabubuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu inyong pinatay ang mga gawain ng inyong katawan, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat marami ang pinapangunahan ng Espiritu ng Diyos, sila ay mga anak ng Diyos.

  37. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan.

  38. 22 Pinagpala sila ng Diyos, sinasabing, “Maging mabunga kayo at magpakarami, punuin niyo ang katubigan sa mga dagat. Hayaang dumami ang mga ibon sa mundo.

  39. 15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 “Lumabas ka sa arka, ikaw, ang iyong asawa, ang iyong mga anak na lalaki, at ang mga asawa ng iyong mga anak na lalaki. 17 Dalhin mo palabas ang bawat buhay na nilalang ng lahat ng laman na kasama mo, pati na ang mga ibon, ang mga alagang hayop, at ang bawat gumagapang na bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, upang sila ay lumaganap sa buong mundo, maging mabunga, at magpakarami sa mundo.”

  40. 7 Para sa inyo, maging mabunga kayo at magpakarami, lumaganap kayo sa buong mundo at magpakarami rito.”

  41. 9 Si Yahweh na inyong Diyos ay gagawing masagana ang lahat ng ginawa ng inyong kamay sa bunga ng inyong katawan, sa bunga ng inyong mga baka, at sa bunga ng inyong mga pananim, para sa kasaganahan, para kay Yahweh muling masisiyahan ulit siya sa inyo sa kasaganahan, gaya ng pagkalugod niya sa inyong mga ninuno. 10 Gagawin niya ito kung susundin ninyo ang salita ni Yahweh na inyong Diyos, para panatilihin ang kaniyang mga kautusan at mga batas na nasusulat sa aklat ng kautusan, kung babalik kayo kay Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa.

  42. 8 Ito ay nakatanim sa magandang lupa sa tabi ng malawak na bahagi ng tubig upang ito ay magkaroon ng maraming sanga at mamunga, upang maging kahangahangang baging!

  43. 12 Sa tabi ng ilog sa mga pampang nito, sa magkabilang dako, tutubo ang lahat ng uri ng puno na nakakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito at hindi kailanman titigil sa pamumunga ang mga ito. Mamumunga ang mga puno sa bawat buwan, yamang nanggaling sa Santuwaryo ang tubig ng mga ito. Magiging pagkain ang mga bunga nito at magiging gamot ang mga dahon nito.

  44. 22 Huwag kayong matakot, mga hayop sa parang, sapagkat tutubo ang mga pastulan sa ilang, mamumunga ang mga puno at mamumunga ng maraming ani ang mga puno ng igos at ubas.

  45. 18 Kinaumagahan nang pabalik na si Jesus sa lungsod, nagutom siya. 19 Nakakita siya ng puno ng igos sa tabi ng daan. Pinuntahan niya ito, subalit wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. At sinabihan niya ito, “Hindi ka na magbubunga mula ngayon at magpakailan man.” Kaagad-agad ang puno ng igos ay natuyo.

    20 At nang makita ito ng kaniyang mga alagad, namangha sila at sinabi, “Paanong ang puno ng igos ay kaagad-agad na natuyo?”

    21 Sumagot at sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-alinlangan, hindi lang ninyo magagawa kung ano ang nangyari sa puno ng igos, maaari ninyo ring sabihin sa burol na ito, 'Maiangat ka at maihagis sa dagat,' at ito ay magaganap. 22 Lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin na may paniniwala, matatanggap ninyo.”

  46. 42 Ang kaniyang tinig ay tumaas at nagsabi nang malakas, “Pinagpala ka sa lahat ng mga babae at Pinagpala din ang bunga ng iyong sinapupunan.

  47. 21 Sa mga panahong iyon, ano ang naging bunga ng mga bagay na ikinahihiya na ninyo ngayon? Sapagkat ang kinahantungan ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayon na kayo ay pinalaya mula sa kasalanan at alipin na ng Diyos, nasa inyo ang inyong bunga para sa ikababanal. Ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

  48. 16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin.

  49. 25 Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin naman ay lumakad sa pamamagitan ng Espiritu.

  50. 12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.

  51. 10 Sapagkat ang ating mga ama nga ay nagdidisplina sa atin ng ilang mga taon sa alam nilang tama para sa kanila, subalit tayo ay dinidisiplina ng Diyos upang tayo ay makibahagi sa kaniyang kabanalan. 11 Walang disiplina sa kasalukuyan na masaya kundi masakit. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon ito ay magbibigay ng mapayapang bunga ng katuwiran para sa sinumang nagsanay sa pamamagitan nito.