81 Bible Verses About Work

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Work
  1. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran.

  2. 6 Ngayon inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na lumayo kayo sa mga taong tamad sa pamumuhay at hindi ayon sa mga kaugalian na inyong tinanggap mula sa amin. 7 Sapagkat inyong nalalaman sa inyong mga sarili na nararapat ninyo kaming gayahin. Hindi kami namuhay na nakasama ninyo na katulad ng mga taong ito na walang disiplina. 8 At hindi kami kumakain ng pagkain ng iba nang hindi nagbayad para dito. Sa halip, gumagawa kami sa gabi at araw ng mabibigat na gawain at paghihirap, dahil ayaw namin na maging pabigat sa inyo. 9 Ginagawa namin ito hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan. Sa halip, ginagawa namin ito ng maayos upang maging halimbawa sa inyo, upang kami ay inyong tularan. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, “Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin.”

    11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob na gawin kung ano ang tama.

    14 Kung mayroon mang hindi sumusunod sa mga salita na aming isinulat, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mahiya.

  3. 4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus.

    8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  4. 16 Sinabi niya sa babae, “Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya.”

    17 Sinabi niya kay Adan, “Dahil nakinig ka sa boses ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, kung alin ay iniutos ko sa iyo, nang sinabi kong, “Hindi kayo maaaring kumain mula rito,' sinumpa ang lupa dahil sa iyo; sa matinding pagpapagal kakain ka mula rito sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 18 Ito ay tutubuan ng mga tinik at mga damo para sa iyo, at kakainin mo ang mga pananim sa bukid. 19 Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik.”

  5. 26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.

    28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.

    31 Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.

  6. 8 Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, ihandog ninyo ito sa akin. 9 Dapat magtrabaho kayo at gawin ang lahat ng gawain sa loob ng anim na araw. 10 Pero ang ikapitong araw, ay isang Araw ng Pamamahinga para sa akin, si Yahweh ang inyong Diyos. Dito dapat walang gagawa ng anumang gawain, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki, ni ang iyong anak na babae, ni iyong lalaking lingkod, ni iyong babaeng lingkod, ni iyong baka, ni ang dayuhan na nasa loob ng iyong mga tarangkahan. 11 Dahil sa ikaanim na araw Ako, si Yahweh, ang lumikha ng langit, lupa at dagat at lahat ng bagay na nasa loob nito at nagpahinga sa ikapitong araw. Kaya nga Ako, si Yahweh, ay pinagpala ang Araw ng Pamamahinga at inihandog ito sa aking sarili.

  7. 9 Tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, hindi kailangan may sumulat pa sa inyo, sapagkat kayo sa inyong sarili ay naturuan na ng Diyos na umibig sa isat-isa. 10 Sa katunayan, ginagawa ninyo ito sa lahat ng mga kapatid na nasa Macedonia. Ngunit hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na gawin ninyo ito ng higit pa. 11 Hinihikayat rin namin kayo na pagsumikapan ninyong mamuhay ng tahimik, gawin ninyo ang inyong sariling gawain, at magtrabaho kayo sa inyong sariling mga kamay, gaya ng inutos namin sa inyo. 12 Gawin ninyo ito upang makalakad kayo ng maayos na may paggalang sa mga taong nasa labas ng pananampalataya, at upang hindi na kayo mangailangan ng anuman.

  8. 4 Ang kamay na tamad ay nagdudulot sa isang tao para maging mahirap, ngunit ang kamay ng masipag na tao ay magtatamo ng kayamanan. 5 Ang marunong na anak ay magtitipon ng pananim sa tag-araw, ngunit kahihiyan sa kaniya para matulog habang anihan.

  9. 5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya.

    9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi.

  10. 6 Tingnan mo ang langgam, ikaw na tamad na tao, pagmasdan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at maging matalino. 7 Wala siyang tagapag-utos, opisyal, o tagapamahala, 8 gayon pa man ay naghahanda siya ng pagkain sa tag-init, at habang sa pag-aani ay nagtatabi ito ng kung ano ang kakainin. 9 Gaano katagal ka matutulog, ikaw na tamad na tao? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkatulog? 10 “Isa pang kaunting pagtulog, isa pang kaunting pagkaidlip, isa pang kaunting pagtiklop ng mga kamay upang magpahinga”— 11 at ang iyong kahirapan ay darating sa iyo gayang isang magnanakaw at ang iyong pangangailangan gaya ng isang armadong sundalo.

  11. 23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan.

  12. 4 Kailangan nating gawin ang mga gawain niya na siyang nagpadala sa akin habang araw pa. Darating ang gabi na kung kailan wala ng kayang gumawa. 5 Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”

    6 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalake. 7 Sinabi niya sa kaniya, “Pumunta ka at maghilamos sa languyan ng Siloam (na isinalin na 'isinugo').” Kaya't umalis ang lalake, naghilamos, at bumalik nang nakakakakita na.

  13. 28 Sino man ang nagnanakaw ay hindi na dapat magnakaw. Sa halip, kailangan niyang magpagal. Kailangan niyang magtrabaho gamit ang kaniyang mga kamay, upang makatulong sa tao na nangangailangan.

  14. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

  15. 1 Ngunit ikaw, sabihin ang tama kasama ng tapat na pagtuturo.

    2 Ang mga nakatatandang lalake ay dapat maging mahinahon, marangal, matino, nasa tamang pananampalataya, sa pag-ibig, at sa katiyagaan.

    3 Ang mga nakatatandang babae gayon din dapat laging ipakilalang sila rin ay kagalang-galang at hindi mga tsismosa. Sila ay hindi dapat inalipin ng sobrang alak. Sila ay dapat nagtuturo ng kung ano ang mabuti 4 upang masanay ang mga nakababatang babae sa matinong pagmamahal sa kanilang sariling mga asawa at mga anak. 5 Sila ang dapat magsanay sa kanila na maging matino, dalisay, mga mabuting tagapangalaga ng tahanan at masunurin sa kanilang sariling mga asawa. Dapat nilang gawin ang mga bagay na ito upang ang Salita ng Diyos ay hindi maalipusta.

    6 Sa parehong paraan, himukin ninyo ang mga nakababatang lalake upang maging matino.

    7 Sa lahat ng paraan, ihayag ang inyong sarili bilang isang huwaran ng mabubuting gawa; at kapag nagtuturo kayo, ipakita ang katapatan at karangalan. 8 Magpahayag ng isang mensahe na nakapagpapalakas at walang kapintasan, kaya yaong sinuman ang sumasalungat ay mapahiya, dahil wala siyang masamang masasabi tungkol sa atin.

  16. 30 Dumaan ako sa bukirin ng isang tamad na tao, lagpas sa ubasan ng taong walang isip. 31 Ang mga tinik ay tumubo sa lahat ng dako, ang lupa ay nababalot ng halamang matinik at ang batong pader nito ay sira. 32 Pagkatapos ay nakita ko at pinag-isipan ito; tumingin ako at nakatanggap ng katuruan. 33 Kaunting tulog, kaunting idlip, kaunting pagtitiklop ng mga kamay para magpahinga— 34 at ang kahirapan ay pupunta sa iyo tulad ng isang magnanakaw at ang iyong mga pangangailangan ay pupunta sa iyo tulad ng isang armadong sundalo.

  17. 2 Sapagkat kung pinawalang-sala si Abraham sa pamamagitan ng mga gawa, magkakaroon sana siya ng dahilan upang magmalaki, ngunit hindi sa harapan ng Diyos. 3 Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya bilang katuwiran.”

    4 Ngayon sa kaniya na gumagawa, ang bayad ay hindi maibibilang na biyaya, ngunit isang kabayaran. 5 Ngunit sa kaniya na hindi gumagawa na sa halip ay sumasampalataya sa kaniya na nagpapawalang-sala sa mga masasama, maibibilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya.

  18. 58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

  19. 1 Nagsalita si Yahweh kay Moises, 2 “Tingnan mo, tinawag ko sa pangalan si Bezalel anak na lalaki ni Uri na anak na lalaki ni Hur, mula sa lipi ni Juda. 3 Pinuno ko si Bezalel ng aking Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa, at kaalaman, para sa lahat ng uri ng gawain, 4 para gumawa ng pang-sining na mga disenyo at para sa paggawa sa ginto, pilak, at tanso; 5 para rin sa pagputol at paglagay ng mga bato at para sa pang-ukit ng kahoy-para gawin ang lahat ng uri ng gawain.

  20. 4 Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana.

  21. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang aking Ama ay gumagawa kahit ngayon, at ako rin ay gumagawa.

  22. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

  23. 16 Hayaan mong makita ng iyong mga lingkod ang iyong mga gawa, at hayaang makita ng aming mga anak ang iyong kaluwalhatian. 17 Nawa ang pabor ng Panginoon ay mapasaamin; pasaganahin ang gawa ng aming mga kamay; tunay nga, pasaganahin mo ang gawa ng aming mga kamay.

  24. 9 Anong pakinabang ang makukuha ng manggagawa sa kaniyang gawain? 10 Nakita ko na ang gawain na ibinigay ng Diyos sa tao para tapusin. 11 Ginawang angkop ng Diyos ang lahat ng bagay para sa bawat panahon. Inilagay din niya ang kawalang hanggan sa kanilang mga puso. Ngunit hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang mga gawang ginawa ng Diyos, mula sa simula hanggang sa wakas.

    12 Alam ko na walang mabuti sa isang tao maliban sa magsaya at gumawa nang kabutihan habang siya ay nabubuhay— 13 at ang bawat isa ay dapat kumain at uminom, at dapat maunawaan kung paano matuwa sa kabutihang nagmumula sa lahat ng kanyang ginawa. Ito ay isang kaloob mula sa Diyos.

  25. 15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga. 18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.

    21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

  26. 28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

  27. 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng siyang nagpadala sa akin, at para tapusin ang kaniyang gawa.

  28. 1 Kaya’t ang kalangitan at ang mundo ay natapos, at ang lahat ng buhay na mga bagay na pumuno sa kanila. 2 Sa ikapitong araw dumating ang Diyos sa pagtatapos ng gawain na kanyang ginawa, at siya ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat niyang gawain.

    3 Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawang banal ito, dahil doon siya nagpahinga mula sa lahat ng gawain na kanyang nagawa sa kanyang paglikha.

  29. 12 Sundin ang Araw ng Pamamahinga para mapanatili itong banal, bilang utos ni Yahweh sa inyo. 13 Para sa anim na araw magtatrabaho kayo at gawin lahat ang inyong trabaho; 14 pero ang ikapitong araw ay ang Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh na inyong Diyos. Sa araw na ito hindi na kayo gagawa ng anumang trabaho, ikaw, ni inyong anak na lalaki, ni inyong anak na babae, ni inyong lalaking tagapaglingkod, ni inyong babaeng tagapaglingkod, ni inyong baka, ni inyong asno, ni alinman sa inyong kawan, ni sino mang dayuhan na nasa loob ng mga tarangkahan. Para ang iyong lalaking tagapaglingkod at babaeng tagapaglingkod ay maaaring makapagpahinga ganoon din kayo. 15 Isasaisip ninyo na kayo ay naging isang lingkod sa lupain ng Ehipto, at si Yahweh na inyong Diyos ang nagdala sa inyo palabas mula doon sa pamamagitan ng isang malakas na kamay at sa pamamagitan ng pagpapakita ng kapangyarihan. Kaya si Yahweh na inyong Diyos ang nagutos sa inyo na sundin ang Araw ng Pamamahinga.

  30. 17 Kaya kinamuhian ko ang buhay dahil lahat ng ginawa sa ilalaim ng araw ay masama para sa akin. Ito ay dahil ang lahat ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.

    18 Kinamuhian ko ang lahat ng aking natupad na aking pinaghirapan sa ilalim ng araw dahil kailangang iwanan ko sila sa taong susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung siya ay magiging matalinong tao o isang mangmang? Gayunman siya ay magiging panginoon sa lahat ng bagay sa ilalim ng araw kung saan naitayo ang aking gawa at naitatag ang aking karunungan. Ito rin ay usok.

    20 Dahil doon nag-umpisang malungkot ang aking puso sa lahat ng paghihirap na aking ginawa sa ilalim ng araw. 21 Sapagkat maaaring may isang taong gumagawa nang may karunungan, may kaalaman, at kahusayan, ngunit iiwan niya ang lahat na mayroon siya sa isang taong walang nagawa sa anuman dito. Ito rin ay usok at isang malaking kapahamakan. 22 Para sa anong pakinabang ang makukuha ng tao na nagsisikap magtrabaho at sa kaniyang puso ay pinipilit tapusin ang kaniyang mga gawain sa ilalim ng araw? 23 Bawat araw, ang kaniyang trabaho ay masakit at mahirap, kaya sa gabi ang kaniyang kaluluwa ay hindi makahanap nang kapahingahan. Ito rin ay usok.

  31. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.

  32. 36 Ngunit ang patotoo na mayroon ako ay higit na dakila kaysa kay Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama na dapat kong ganapin, ang mismong mga gawain na ginagawa ko, ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako ay isinugo ng Ama.

  33. 15 Kami na ipinanganak na Judio at hindi “makasalanang mga Gentil” , 16 alam namin na walang sinuman ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sa halip, pinawalang-sala sila sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo Jesus. Tayo ay nanampalataya kay Cristo Jesus upang maaari tayong mapawalang-sala sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sapagkat sa pammamagitan ng paggawa ng kautusan, walang laman ang mapapawalang-sala.

  34. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.

  35. 4 Ngunit kapag ang kabutihan at pagmamahal ng ating Diyos na tagapagligtas ay nalantad sa sangkatauhan, 5 eto ay hindi sa pamamagitan na ating makatuwirang mga nagawa, kundi dahil sa kanyang habag kaya tayo ay naligtas. Niligtas nya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas ng bagong kapanganakan at pagpapabago sa pamamagitan ng Banal na Espirito. 6 Masaganang binuhos ng Panginoon sa atin ang Banal na Espirito sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu Cristo. 7 Ginawa Nya ito, upang, ang mga pinawalang sala sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maaring maging kabahagi sa kasiguraduhan ng buhay na walang hanggan.

  36. 24 Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho.

  37. 9 Sinumang tamad sa gawain ay kapatid sa taong mapanira.

  38. 4 Nagawa ko ang mga dakilang bagay. Nagtayo ako ng mga bahay para sa aking sarili at nagtanim ng mga ubasan. 5 Nagtayo ako ng mga hardin at mga liwasan para sa aking sarili; sa loob ng mga ito ay nagtanim ako nang lahat ng uri ng bungang kahoy. 6 Lumikha ako ng mga lawa ng tubig upang diligan ang isang kagubatan kung saan naglalakihan ang mga puno.

    7 Bumili ako ng mga aliping lalaki at aliping babae; mayroon akong mga aliping isinilang sa aking palasyo. Mayroon din akong mga malalaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, higit na marami kaysa sa sinumang haring namuno sa Jerusalem bago ako. 8 Nakapag-ipon ako para sa aking sarili ng pilak at ginto, ang mga kayamanan ng mga hari at mga lalawigan. Mayroon akong mga lalaki at babaeng mang-aawit para sa aking sarili; sa pagmamagitan ng maraming asawa at mga iba pang babaeng kinakasama, ginawa ko ang mga bagay na maaaring magdulot nang kaligayahan sa sinumang lalaki sa ibabaw ng mundo.

    9 Kaya ako ay naging higit na dakila at mas mayaman kaysa sa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem, at ang aking karunungan ay nanatili sa akin. 10 Anuman ang hangarin ng aking mga mata, hindi ako nagpipigil sa kanila. Hindi ko pinipigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, dahil ang puso ko ay natuwa sa lahat ng pinaghihirapan ko, at ang kasiyahan ay ang aking gantimpala sa lahat ng aking gawain.

    11 Pagkatapos minasdan ko ang lahat ng mga gawain na tinapos gawin ng aking mga kamay, at sa pinagsikapang gawin, ngunit muli, ang lahat ng bagay ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. Wala itong pakinabang sa ilalim ng araw.

  39. 19 Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20 Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.'

    21 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    22 Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.'

    23 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    24 Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25 Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.'

    26 Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27 Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera.

    28 Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29 Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30 Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.

  40. 38 Ngayon sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, siya ay pumunta sa isang nayon, at isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa loob ng kaniyang bahay. 39 Mayroon siyang isang kapatid na nagngangalang Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kaniyang salita. 40 Ngunit si Marta ay sobrang abala sa paghahanda ng pagkain. Lumapit siya kay Jesus, at sinabi, “Panginoon, pababayaan mo ba na iniwan ako ng aking kapatid na mag-isang maglingkod? Kaya sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.”

    41 Ngunit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kaniya, “Marta, Marta, masyado kang abala tungkol sa maraming bagay, 42 ngunit iisang bagay lamang ang kinakailangan. Pinili ni Maria kung ano ang pinakamabuti, na hindi makukuha mula sa kaniya.”

  41. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  42. 12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.

  43. 11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.

  44. 19 Itinalaga niya ang buwan bilang tanda ng mga panahon; alam ng araw ang oras ng kanyang paglubog. 20 Ginawa mo ang kadiliman ng gabi kung kailan lahat ng mga hayop sa gubat ay lumalabas. 21 Umuungol ang mga batang leon para sa kanilang huli at naghahanap sila ng pagkain mula sa Diyos. 22 Sa pagsikat ng araw, bumabalik at natutulog sila sa kanilang mga lungga. 23 Samantala, nagtatrabaho ang mga tao at gumagawa hanggang gabi.

  45. 24 Yahweh, kayrami at iba't iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo.

  46. 2 Walang saysay na ikaw ay gumising ng maaga at umuwi nang gabing-gabi, o kainin ang tinapay na pinaghirapan, dahil si Yahweh ang nagbibigay ng pinakaaasam na tulog.

  47. 11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip.

  48. 15 Hinahagis ng katamaran ang isang tao sa mahimbing na tulog, pero magugutom ang isang tao na ayaw maghanapbuhay.

  49. 29 Nakikita mo ba ang isang bihasang lalaki sa kaniyang gawain? Siya ay tatayo sa harapan ng mga hari; hindi siya tatayo sa harapan ng pangkaraniwang mga tao.

  50. 27 Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos, bibigyan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.

  51. 29 Sumagot si Jesus, “Ang pinakamahalagang kautusan ay, 'Makinig kayo, Israel, ang Panginoong ating Diyos, ang Panginoon ay iisa. 30 Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.' 31 Ito ang ikalawang kautusan, 'Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.' Wala nang iba pang kautusang higit na dakila kaysa mga ito.”

  52. 37 Kung hindi ko ginagawa ang gawain ng aking Ama, huwag kayong manampalataya sa akin. 38 “Subalit, kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi kayo manampalataya sa akin, maniwala kayo sa mga gawain upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa sa akin at ako ay nasa sa Ama.”

  53. 21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

    25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

    27 Kung gayon, nasaan ang pagmamalaki? Ito ay inihiwalay na! Sa anong batayan? Sa mga gawa? Hindi, kundi batay sa pananampalataya.

  54. 6 Dahil dito nagbabayad din kayo ng mga buwis. Sapagkat ang mga may kapangyarihan ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa nito.

  55. 12 Palipas na ang gabi at malapit ng mag-umaga. Kaya iisantabi natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isuot ang baluti ng liwanag.

  56. 10 Ayon sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos bilang isang mahusay na punong tagapagtayo, ako ang naglagay ng pundasyon at may ibang nagtatayo sa ibabaw nito. Subalit mag-ingat ang bawat tao kung paano siya magtatayo sa ibabaw nito. 11 Sapagkat walang sinuman ang makapaglalagay ng ibang pundasyon maliban sa isa na naitayo na, na si Jesu-Cristo.

    12 Ngayon kung sinumang nagtatayo sa ibabaw ng pundasyon sa ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan, 13 ang kaniyang gawa ay maihahayag, dahil ang liwanag ng araw ang magsisiwalat nito. Sapagkat ito ay ihahayag ng apoy. Ang apoy ang susubok sa uri at halaga ng anumang gawa ng bawat isa. 14 Kung mananatili ang anumang bagay na tinayo ng tao, siya ay tatanggap ng gantimpala. 15 Nguni't kung masunog ang ginawa ng sinuman, siya ay mawawalan. Nguni't siya mismo ay ligtas, na gaya ng naligtas mula sa mga apoy.

  57. 20 Dapat manatili ang bawat isa sa pagkakatawag kung ano siya noon ng tawagin siya ng Diyos upang sumampalataya. 21 Kayo ba ay alipin ng tawagin ng Diyos? Huwag ng alalahanin ang tungkol dito. Ngunit kung ikaw ay maaaring maging malaya, gawin mo ito. 22 Sapagkat sinumang tinawag ng Panginoon bilang isang alipin ay malayang tao ng Panginoon. Gayundin sa bawat isa na malaya nang tawagin siya ng Panginoon upang sumampalataya ay alipin ni Cristo.

    23 Kayo ay nabili ng may halaga kaya huwag na kayong magpa-alipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, anumang buhay ng bawat isa sa atin nang tayo ay tinawag upang sumampalataya ay manatili tayo sa ganyang buhay.

  58. 10 Sila na umasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sinumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa kautusan, upang gawin ang lahat ng ito.” 11 Ngayon malinaw na walang sinuman ang pinapawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” 12 Ang kautusan ay hindi galing sa pananampalataya, sa halip, “Ang mga gumagawa sa mga bagay na ito na nasa kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga kautusan.”

    13 Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan noong siya ay naging sumpa para sa atin. Sapagkat nasusulat, “Sinumpa ang sinumang ibinitin sa isang puno.” 14 Ang layunin ay upang ang pagpapala na nakay Abraham ay dumating sa mga Gentil dahil kay Cristo Jesus, upang sa ganoon ay matanggap natin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.

  59. 16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin. 18 Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.

    19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

    22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

    24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa.

  60. 3 Sapagkat kung sinuman ang nag-iisip na siya ay mahalaga gayong wala siyang halaga, nililinlang niya ang kaniyang sarili.

    4 Dapat suriin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa. At sa ganun mayroon na siyang maipagmayabang sa kaniyang sarili, na hindi kailangang ihambing pa ang kaniyang sarili sa iba. 5 Sapagkat bubuhatin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasanin.

  61. 9 Sapagkat inyong naaalala, mga kapatid, ang aming trabaho at pagpapakahirap. Sa araw at gabi kami ay gumagawa upang hindi maging pabigat kaninuman sa inyo. Sa panahong iyon, ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.

  62. 1 Kaya ikaw, anak ko, maging matatag ka sa biyayang nakay Cristo Jesus. 2 At ang mga bagay na narinig mo sa akin kasama ng maraming saksi, ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat na tao na kaya ring magturo sa iba.

    3 Samahan mo ako sa pagdurusa at paghihirap, tulad ng isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. 4 Walang sundalo ang naglilingkod habang nakatali sa mga bagay ng buhay na ito, upang sa ganoon kalugdan siya ng kaniyang mataas na opisyal. 5 Gayundin naman, kung sinuman ang makipagpaligsahan tulad ng isang manlalaro, hindi siya kokoronahan maliban kung siya ay makipagpaligsahan ayon sa mga alituntunin. 6 Kinakailangang ang isang masipag na magsasaka ay maunang tatanggap ng kaniyang bahagi sa ani. 7 Isipin mo ang tungkol sa aking sinasabi, sapagkat ang Panginoon ang magbibigay sa iyo ng pang-unawa sa lahat ng bagay.

  63. 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya? 15 Kung ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ang nangangailangan ng kasuotan at pagkain araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsasabi sa kanila, “Humayo kayong mapayapa, mangagpainit kayo at magpakabusog kayo,”' subalit hindi ninyo sila binigyan ng mga kinakailangan para sa katawan, anong kabutihan iyon? 17 Sa ganuon ding pamamaraan ang pananampalataya lang, kung hindi ito nagtataglay ng mga gawa, ay patay.

    18 Ngunit may isang magsasabing, “Mayroon kang pananampalataya, at mayroon akong gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na walang gawa, at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Naniniwala ka na ang Diyos ay iisa; tama ka. Ngunit ang mga demonyo ay naniniwala rin at nanginginig.

    20 Gusto mo bang malaman, taong mangmang, kung paano na ang pananampalataya na walang gawa ay walang kabuluhan? 21 Hindi ba si Abraham na ating patriyarka ay pinawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa nang ihain niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Nakita ninyo na ang pananampalataya ay kumilos kasama ang kaniyang gawa, at sa pamamagitan ng paggawa nakamit ng kaniyang pananampalataya ang layunin nito. 23 Natupad ang kasulatan na nagsasabing, “Naniwala si Abraham sa Diyos, at ibinilang ito sa kaniya na katuwiran.” Kaya't si Abraham ay tinawag na kaibigan ng Diyos. 24 Nakita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa ang tao ay mapapa-walang sala, at hindi sa pananampalataya lamang.

    25 Sa parehong paraan din hindi ba't si Rahab na nagbebenta ng aliw ay napawalang sala sa pamamagitan ng gawa, nang tinanggap niya ang mga mensahero at pinaalis sila sa pamamagitan ng ibang daan? 26 Kung paanong ang katawan na hiwalay sa espiritu ay patay, gayon din ang pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ay patay.

  64. 1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.

    2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.

    3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag.

  65. 3 Kapag tumitingin ako sa iyong mga kalangitan, na ginawa ng iyong mga daliri, ang buwan at mga tala, na nilagay mo sa lugar, 4 ano ang halaga ng sangkatauhan na pinapansin mo sila, o ang mga tao na pinapakinggan sila?

  66. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  67. 8 Gayun pa man, Yahweh, ikaw ang aming ama, kami ang putik. Ikaw ang nagbigay hugis sa amin, at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.

  68. 54 Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa kaniyang sariling rehiyon at nagturo sa mga tao sa kanilang mga sinagoga. Ang kinalabasan nito ay namangha sila at sinabi, “Saan kinuha ng taong ito ang kaniyang karunungan at saan nagmula ang mga himalang ito?

  69. 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabihan ko kayo, ngunit hindi kayo naniwala. Ang mga gawain na aking ginawa sa ngalan ng aking Ama, ang mga ito ang magpapatotoo patungkol sa akin.

  70. 11 Maniwala kayo sa akin, na ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; o kaya, maniwala kayo sa akin dahil sa mismo kong ginagawa.

  71. 12 Tunay nga ang sinasabi ko sa inyo, sinuman ang sumasampalataya sa akin, sa mga gawain na ginagawa ko, gagawin niya rin itong mga ginagawa ko; at gagawa siya ng mas higit na dakilang mga gawain dahil ako ay pupunta sa Ama.

  72. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin.

  73. 28 Kaya masasabi natin na ang isang tao ay napawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya na wala ang mga gawa ng kautusan.

  74. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.

  75. 2 Gusto ko lang malaman ito mula sa inyo. Natanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan o sa pamamagitan ng paniniwala sa inyong napakinggan?

  76. 5 Kung gayon, siya ba na nagbigay ng Espiritu sa inyo at gumawa ng mga makapangyarihang gawa sa inyo ginawa niya ba ito sa pamamagitan ng paggawa sa kautusan o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya?

  77. 6 Hindi mahalaga kay Cristo ang pagtutuli. Ang pananampalataya lamang na gumagawa sa pamamagitan pag-ibig ang may halaga.

  78. 14 Ang ating mga tao dapat matutunan ang makisali sa paggawa ng mabuti na tumutugon sa mga agarang pangangailangan upang sila ay maging mabunga.

  79. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila.

    11 At labis naming ninanais na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng parehong kasipagan hanggang sa wakas na may buong katiyakan ng pagtitiwala. 12 Ayaw namin na maging mabigat ang inyong katawan, sa halip maging katulad kayo ng mga magmamana ng mga pangako dahil sa pananampalataya at pagtitiis.

  80. 17 At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18 Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19 Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan.

  81. 12 Tingnan mo! Malapit na akong dumating. Ang aking gantimpala ay nasa akin, para gantihan ang bawat isa ayon sa anuman na kaniyang ginawa.