35 Bible Verses About Planning

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Planning
  1. 13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.

    15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.” 16 Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama. 17 Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan.

  2. 11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. 13 Sapagkat hahanapin ninyo ako at masusumpungan, sapagkat hahanapin ninyo ako nang buong puso.

  3. 1 Ang mga balak ng puso ay pag-aari ng isang tao, ngunit mula kay Yahweh ang sagot mula sa kaniyang dila. 2 Lahat ng pamamaraan ng isang tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin, pero tinitimbang ni Yahweh ang mga kalooban. 3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo. 4 Ginawa ni Yahweh ang lahat ng bagay ukol sa kaniyang layunin, maging ang mga masama para sa araw ng kaguluhan.

  4. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan.

  5. 9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.

  6. 20 Dinggin mo at sundin ang aking katuruan, at ikaw ay magiging marunong hanggang sa katapusan ng iyong buhay. 21 Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig.

  7. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala.

  8. 28 Sapagkat sino sa inyo, ang naghahangad na magtayo ng isang tore, ang hindi muna mauupo at bibilangin ang gastos upang kuwentahin kung nasa kaniya ang mga kailangan niya upang ito ay tapusin? 29 Kung hindi, kapag nagtayo siya ng pundasyon at hindi ito natapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat ng mga makakakita nito, 30 sinasabi, 'Ang taong ito ay nagsimulang magtayo at hindi niya natapos.'

    31 O anong hari, sa kaniyang pagpunta upang sagupain sa digmaan ang isa pang hari, ang hindi muna mauupo at hihingi ng payo kung kaya ba niya kasama ang sampung libong tao na labanan ang isa pang hari na dumarating laban sa kaniya na may kasamang dalawampung libong tao? 32 At kung hindi, habang malayo pa ang hukbo na iyon, magpapadala siya ng kinatawan at hihingi ng mga kailangan sa pagkakasundo.

    33 Kaya, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman sa inyo na hindi magsusuko ng lahat ng nasa kaniya.

  9. 31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

    34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  10. 22 Ang mga balak ay namamali kapag walang payo, pero kapag marami ang tagapayo sila ay nagtatagumpay.

  11. 11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.

    14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.

  12. 4 Nawa ay ipagkaloob niya sa iyo ang hinahangad ng iyong puso at tuparin ang lahat ng iyong mga plano.

  13. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.

  14. 6 Tingnan mo ang langgam, ikaw na tamad na tao, pagmasdan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at maging matalino. 7 Wala siyang tagapag-utos, opisyal, o tagapamahala, 8 gayon pa man ay naghahanda siya ng pagkain sa tag-init, at habang sa pag-aani ay nagtatabi ito ng kung ano ang kakainin. 9 Gaano katagal ka matutulog, ikaw na tamad na tao? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkatulog? 10 “Isa pang kaunting pagtulog, isa pang kaunting pagkaidlip, isa pang kaunting pagtiklop ng mga kamay upang magpahinga”— 11 at ang iyong kahirapan ay darating sa iyo gayang isang magnanakaw at ang iyong pangangailangan gaya ng isang armadong sundalo.

  15. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan.

  16. 1 Huwag ipagyabang ang patungkol bukas, dahil hindi mo alam kung ano ang maaaring dala ng isang araw.

  17. 16 Pagkatapos, nagsabi sa kanila si Jesus ng isang talinghaga, na nagsasabi, “Ang bukid ng isang mayamang tao ay umani ng masagana, 17 at nangatwiran sa kaniyang sarili, na nagsasabi, “Ano ang aking gagawin, dahil wala na akong paglagyan ng aking mga ani?' 18 Sinabi niya, 'Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at tatayuan ko ng mas malalaki at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at iba pang mga ari-arian. 19 Sasabihin ko sa aking kaluluwa, “Kaluluwa, marami kang mga ari-arian na naitago sa maraming taon. Magpahinga ng mabuti, kumain, uminom, at magpakasaya.'”

    20 Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, 'Hangal na tao, ang iyong kaluluwa ay kukunin ngayong gabi, at ang mga bagay na iyong inihanda, kanino mapupunta ang mga ito?

    21 Ganyan ang isang tao na nag-iipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili at hindi mayaman para sa Diyos.”

    22 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin. 23 Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit. 24 Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon!

    25 At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay? 26 Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay?

  18. 1 Ngayon tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa ating pagtitipon nang sama-sama upang makasama niya: hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag kaagad kayong mabalisa o mabahala, maging sa pamamagitan ng espiritu, ng mensahe, o ng sulat na parang nagmula sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3 Huwag ninyong hayaan na kayo ay malinlang sa kahit na anong paraan. Sapagkat hindi ito darating hanggang sa mangyari ang pagbagsak at ang taong suwail ay maihayag, ang anak ng pagkawasak. 4 Siya ang kakalaban at itataas ang kaniyang sarili laban sa lahat ng tinatawag na Diyos o sa mga sinasamba. Bilang resulta, siya ay uupo sa templo ng Diyos at itatanghal ang sarili bilang Diyos.

    5 Hindi ba ninyo naalala na noong kasama ninyo ako ay sinabi ko ang mga bagay na ito?

  19. 8 Hayaan mong marinig ko ang iyong katapatan sa tipan sa umaga, dahil nagtitiwala ako sa iyo. Ipakita mo sa akin ang daan kung saan ako dapat lumakad, dahil itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.

  20. 17 Mayroong pag-asa sa iyong hinaharap, ito ang pahayag ni Yahweh, babalik ang iyong mga kaapu-apuhan sa loob ng kanilang mga hangganan.”

  21. 8 Pangangaralan kita at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Pangangaralan kita habang nagmamasid ako sa iyo.

  22. 12 Kaya turuan mo kaming isaalang-alang ang aming buhay para mamuhay kami ng may karunungan.

  23. 18 Ang mga plano ay pinagtitibay sa pamamagitan ng payo, at sa marunong na patnubay lamang ay dapat kang makipaglaban.

  24. 27 Ihanda mo ang iyong panlabas na gawain, at gawin mong handa ang lahat para sa iyong sarili sa bukirin; pagkatapos noon, itayo mo ang iyong bahay.

  25. 23 Tiyakin na alam mo ang kalagayan ng iyong kawan at magmalasakit ka sa iyong mga kawan, 24 dahil ang kayamanan ay hindi panghabang panahon. Ang isang korona ba ay nanatili sa lahat ng mga henerasyon? 25 Ang damo ay nawawala at lumilitaw ang bagong tubo at tinipon ang pagkain ng baka sa kabundukan. 26 Ang mga tupa ay magbibigay ng iyong kasuotan, at ang mga kambing ay magbibigay ng halaga para sa bukid. 27 Magkakaroon ng gatas ng kambing para sa iyong pagkain—ang pagkain para sa iyong sambahayan—at pagkain para sa iyong mga aliping babae.

  26. 1 Sa lahat ng mga bagay ay mayroong isang itinakdang panahon, at isang kapanahunan sa bawat layunin sa ilalim ng langit. 2 Panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan, panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbubunot ng mga pananim, 3 panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling, panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo, 4 panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa, panahon ng pagtangis at panahon ng pagsayaw, 5 panahon ng paghahagis ng mga bato at panahon ng pag-iipon ng mga bato, panahon na pagyakap sa ibang tao, at panahong hindi pagyakap, 6 panahon sa paghahanap sa mga bagay at panahon ng paghinto sa paghahanap, panahon ng pag-iingat ng mga bagay at panahon ng pagtatapon ng mga bagay, 7 panahon ng pagpunit ng kasuotan at panahon ng pananahi ng kasuotan, panahon ng pananahimik at panahon ng pagsasalita, 8 panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkamuhi, panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.

  27. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

  28. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.

  29. 10 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Kapag pinamunuan kayo ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon, tutulungan ko kayo at ipagpapatuloy ang mabuting salita ko para sa inyo upang ibalik kayo sa lugar na ito.

  30. 24 Pito na tig-pipitumpong taon ang iniatas para sa iyong mga tao at sa iyong banal na lungsod upang wakasan ang pagkakasala at wakasan ang kasalanan, upang pagbayaran ang kasamaan, upang dalhin ang walang hanggang katuwiran, upang tuparin ang pangitain at propesiya at upang gawing banal ang dakong kabanal-banalan.

    25 Alamin at unawain na mula sa pagpapalaganap ng utos na panunumbalikin at itatayong muli ang Jerusalem sa pagdating ng isang hinirang (na magiging isang pinuno), magkakaroon ng pito na tig-pipito at pito na tig-aanimnaputdalawa. Muling maitatayo ang Jerusalem kasama ang mga lansangan at isang kanal kahit pa sa mga panahon ng kabalisahan.

    26 Pagkatapos ng pito na tig-aanimnapu't dalawang taon, ang isang hinirang ay malilipol at mawawalan. Wawasakin ng hukbo ng isang parating na pinuno ang lungsod at ang banal na lugar. Darating ang katapusan nito sa pamamagitan ng baha at magkakaroon ng digmaan hanggang sa huli. Ang pagkawasak ay itinakda na. 27 Pagtitibayin niya ang isang kasunduan sa marami sa loob ng isang pito. Sa kalagitnaan ng pito wawakasan niya ang pag-aalay at ang paghahandog. Sa pakpak ng mga kasuklam-suklam darating ang isang tao na siyang gagawa ng pagkasira. Isang ganap na pagwawakas at pagkawasak ang itinakdang ibubuhos sa gumawa ng pagkasira.”

  31. 1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din.

  32. 6 Nang sama-sama silang nagkatipon tinanong nila siya, ''Panginoon, ito na ba ang oras na ibabalik mo ang kaharian sa Israel?''

    7 Sinabi niya sa kanila, ''Hindi na para malaman ninyo ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan. 8 Ngunit makakatanggap kayo ng kapangyarihan, kapag sumainyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa mga dulo ng mundo.''

    9 Nang sabihin ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, habang nakatingala sila, siya ay itinaas, at itinago siya ng ulap mula sa kanilang mga mata. 10 Habang nakatitig sila sa langit nang siya ay paalis, bigla na lamang may dalawang lalaking nakatayo sa tabi nila na nakasuot ng puti. 11 Sinabi nila, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo dito na nakatingin sa langit? Itong Jesus na umakyat sa langit ay babalik rin sa paraang katulad ng nakita ninyo na pagpunta niya sa langit.”

  33. 6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

  34. 8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.

    9 Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot, kundi upang matamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Siya ang namatay para sa atin, nang sa gayon, gising man tayo o natutulog, mabubuhay tayong kasama niya.

  35. 3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan— 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo.