80 Bible Verses About Scripture
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
7 Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8 Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9 Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10 Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan. 11 Oo, sa pamamagitan ng mga ito ang iyong lingkod ay binalaan; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala. 12 Sino ang makababatid sa lahat ng kaniyang sariling mga kamalian? Linisin mo ako sa mga lihim na kasalanan. 13 Ingatan mo rin ang iyong lingkod sa mga kasalanang mapagmataas; huwag mong hayaan na ang mga ito ay maghari sa akin. Sa gayon ako ay magiging ganap, at inosente sa maraming kasalanan.
-
21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa.
22 Sundin ninyo ang salita, huwag lamang itong pakinggan, kung saan dinadaya ninyo lang ang inyong mga sarili. 23 Sapagkat kung sinuman ang nakarinig ng salita at hindi ito ginagawa, para siyang isang taong humarap sa salamin at tiningnan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Tinignan ang kaniyang mukha, at umalis, at hindi nagtagal nakalimutan niya kung ano ang kaniyang itsura. 25 Ngunit ang taong tumitingin ng maingat sa ganap na batas, ang batas na nagbibigay ng kalayaan, at patuloy na sinusunod ito, hindi lamang siya naging tagapakinig na nakakalimot, ang taong ito ay pagpapalain habang ginagawa niya ito.
-
4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.
-
6 Kaya, dahil ang kapahingahan ng Diyos ay nakalaan hanggang ngayon para sa ilan upang makapasok, at dahil maraming mga Israelita na nakarinig ng magandang balita tungkol sa kaniyang kapahingahan ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway. 7 Muli ang Diyos ay nagtakda ng tiyak na araw, na tinatawag na “Ngayon”. Itinakda niya ang araw na ito nang nakipag-usap siya sa pamamagitan ni David, na sinabi noon pa pagkatapos ng unang pagsasabi nito, “Ngayon, kung pakikinggan ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Kung naibigay na ni Joshua sa kanila ang kapahingahan, hindi na magsasalita ang Diyos tungkol sa ibang araw. 9 Kaya, mayroon pa ring isang Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa mga tao ng Diyos. 10 Sapagkat sinuman ang makapapasok sa kapahingahan ng Diyos kailangan siya mismo din ay nagpahinga mula sa kaniyang mga ginagawa, katulad ng ginawa ng Diyos. 11 Kaya manabik tayo na makapasok sa kapahingahan na iyon, upang walang sinuman ang mahulog sa uri ng pagsuway na kanilang ginawa.
12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso. 13 Walang bagay nanilikha ang makakatago sa paningin ng Diyos. Sa halip, lahat ng bagay ay lantad at hayag sa mga mata ng dapat nating panagutan.
-
10 Nang gabing iyon pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Nang makarating sila roon, nagpunta sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Ngayon ang mga taong ito ay mas matalino kaysa sa mga taga Tesalonica, dahil tinanggap nila ang salita nang may kahandaan ng isip, nagsasaliksik ng mga kasulatan araw araw, upang makita kung ang mga bagay na ito ay totoo.
-
1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana.
-
44 Sinabi niya sa kanila, “Nang kasama ko kayo, sinabi ko sa inyo na lahat ng nakasulat sa kautusan ni Moises at ng mga propeta at sa Aklat ng Mga Awit ay kailangan matupad.” 45 At binuksan niya ang kanilang mga isipan upang maunawaan nila ang Kasulatan.
46 Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47 At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.
-
8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.
11 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” 12 Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya. 13 Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.
14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”
16 Ngunit hindi lahat sa kanila ay nakinig sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo.
-
19 Kaya naman, mga kapatid, may pananalig tayong makakapasok sa kabanal-banalang lugar sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Iyon ang paraan na kaniyang binuksan para sa atin sa pamamagitan ng kaniyang katawan, isang bago at buhay na daan sa pamamagitan ng tabing. 21 At dahil mayroon tayong dakilang pari sa bahay ng Diyos, 22 Lumapit tayo na may totoong puso na may lubos na katiyakan ng pananampalataya, na may mga pusong nawisikan at nilinis mula sa masamang budhi at ang ating katawan na nahugasan ng dalisay na tubig.
23 Panghawakan ding mabuti ang paghahayag ng ating pananalig ng walang pag-aalinlangan, sapagkat ang Diyos na siyang nangako ay tapat. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.
26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!
32 Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, pagkatapos na kayo ay maliwanagan kung papaanong kayo ay nagtiis ng matinding pagdurusa. 33 Nailantad kayo sa madla ng may pangungutya sa pamamagitan ng mga panlalait, pag-uusig at kayo ay kabilang sa mga nakaranas ng ganitong pagdurusa. 34 Sapagkat mayroon kayong habag sa mga bilanggo, at inyong tinanggap nang may kagalakan ang pagsamsam ng inyong mga ari-arian, na alam ninyo sa inyong mga sarili na mayroon kayong mas mabuti at walang hanggang pag-aari.
35 Kaya nga huwag ninyong isasawalang-bahala ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiyaga upang inyong matanggap ang ipinangako ng Diyos pagkatapos ninyong magawa ang kaniyang kalooban.
-
130 Ang paglalahad ng mga salita mo ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ito ng pang-unawa sa mga hindi naturuan.
-
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
-
17 Italaga mo sila sa iyong sarili na nasa katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.
-
19 Nasa amin ang mga salitang ipinahayag ng mga propeta at ito ay lalong tiyak, ito ay mabuting pag-ukulan ninyo ng pansin. Ito ay tulad ng isang lampara na nagliliwanag sa madilim na lugar hanggang dumating ang umaga at ang mga bituin sa umaga ay sisikat sa inyong mga puso. 20 Una ninyong alamin ito, na ang nasusulat na propesiya ay hindi nagmula sa mismong pangangatwiran ng propeta. 21 Sapagkat walang anumang propesiya ang nagmula sa kalooban ng tao, kundi sa pamamagitan ng tao, sa ilalim ng Banal na Espiritu na siyang nagsalita mula sa Diyos.
-
17 Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta. Naparito ako hindi upang sirain ang mga ito kundi upang ito ay tuparin. 18 Sapagkat totoo itong sinasabi ko sa inyo, hanggang hindi lilipas ang langit at lupa, wala ni isang tuldok o kudlit man ang mawawala sa kautusan, hanggang sa ang lahat ng mga bagay ay maganap.
19 Kung gayon, sinuman ang lalabag ng kahit isa sa kaliit-liitan sa mga kautusang ito at nagtuturo sa iba na gawin ang paglabag nito ay tatawaging pinakahamak sa kaharian ng langit. Ngunit ang sinumang tumupad sa mga ito at itinuturo sa iba na tupariin ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
-
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya, “Aking Panginoon at aking Diyos.”
29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Dahil nakita mo ako, ikaw ay naniwala”. Pinagpala silang mga hindi nakakita ngunit naniwala.”
30 Ngayon, si Jesus ay gumawa ng maraming mga tanda sa harapan ng mga alagad, mga tandang hindi naisulat sa aklat na ito, 31 ngunit naisulat ang mga ito upang kayo ay maniwala na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang habang kayo ay naniniwala, kayo ay magkakaroon ng buhay sa kaniyang pangalan.
-
1 Ngayon aking pina-aalala sa inyo, mga kapatid, ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, na inyong tinanggap at tinatayuan. 2 Sa pamamagitan ng ebanghelyong ito kayo ay naligtas, kung kayo ay hahawak na mabuti sa mga salita na aking ipinangaral sa inyo, maliban lang kung kayo ay naniwala ng walang kabuluhan.
3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan, 4 na siya ay inilibing, at siya ay nabuhay noong ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5 At na siya ay nagpakita kay Cefas, at pagkatapos sa Labindalawa. 6 Pagkatapos siya ay nagpakita sa mahigit limandaan na mga kapatid ng paminsan. Karamihan sa kanila ay buhay pa, ngunit ang ilan ay natulog na. 7 At pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago, at sa lahat ng mga apostol. 8 Kahulihulihan sa lahat, siya ay nagpakita sa akin, katulad ng isang sanggol na ipinanganak na hindi pa napapanahon. Sapagkat ako ang pinakahamak sa lahat ng mga apostol. Ako ay hindi karapat-dapat na tawaging apostol, 9 sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ako ay naging ako, at ang kaniyang biyaya sa akin ay hindi nawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako ay mas nagtrabaho ng higit sa kanila. Ngunit hindi ako iyon, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya kahit na ako o sila man, kami ay nangaral at naniwala kayo.
-
22 Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25 pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo.
-
7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.
-
104 Sa pamamagitan ng mga tagubilin mo, natamo ko ang tamang pagpapasiya; kaya nga kinapopootan ko ang bawat maling paraan. NUN.
105 Ang salita mo ay ilawan ng aking mga paa at liwanag para sa aking landas.
-
27 Nangyari na, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may isang babae na sumigaw sa gitna ng napakaraming tao at nagsabi sa kaniya, “Pinagpala ang sinapupunan na nagsilang sa iyo at ang nagpasuso sa iyo.”
28 Ngunit sinabi niya, “Higit pa na pinagpala ang mga nakarinig ng salita ng Diyos at iningatan ito.”
-
39 Sinaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat akala ninyo na sa mga ito ay mayroon na kayong buhay na walang hanggan, at ang mga kasulatan ding ito ay nagpatotoo tungkol sa akin, 40 at hindi ninyo gustong lumapit sa akin upang kayo ay magkaroon ng buhay.
-
1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos. 2 Ito ang ebanghelyo na noon pa man ay ipinangako na niya sa pamamagitan ng mga propeta sa banal na kasulatan. 3 Ito ay tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak mula sa kaapu-apuhan ni David ayon sa laman. 4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
5 Sa pamamagitan niya ay natanggap namin ang biyaya at ang pagiging apostol upang magdulot ng pagsunod ng pananampalataya sa lahat ng mga bansa, alang-alang sa pangalan niya. 6 Kasama ng mga bansang ito, kayo rin ay tinawag upang maging kay Jesu-Cristo.
-
24 Ngayon, may isang Judio na nagngangalang Apollos na ipinanganak sa Alexandria, ang nagpunta sa Efeso. Mahusay siyang mangusap at bihasa sa mga kasulatan. 25 Naturuan si Apollos sa mga katuruan ng Panginoon. Sa pagiging maalab sa espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol sa mga bagay ukol kay Jesus, ngunit tungkol lamang sa baustismo ni Juan ang kaniyang nalalaman. 26 Nagsimulang magsalita si Pablo nang may katapangan sa sinagoga. Ngunit nang marinig siya nina Priscila at Aquila, kinaibigan nila siya at ipinaliwanag sa kaniya ang paraan ng Diyos ng mas mabuti.
27 Nang ninais niyang dumaan sa Acaya, pinalakas ng mga kapatiran ang kaniyang loob at sumulat sa mga disipulo sa Acaya upang siya ay tanggapin. Nang dumating siya, tinulungan niya ng labis ang mga nanampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Lubhang dinaig ni Apolos sa publiko ang mga Judio taglay ang kaniyang kapangyarihan at kahusayan, ipinapakita sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus nga ang Cristo.
-
9 Ngunit gaya ng nasusulat, “Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”
10 Ito ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat sinasaliksik ng Espiritu ang lahat, kahit ang mga lihim ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakakaalam sa iniisip ng tao, maliban ang espiritung nasa kaniya? Ganoon din, walang nakakaalam sa mga lihim ng Diyos maliban ang Espiritu ng Diyos. 12 Ngunit hindi natin tinanggap ang espiritu ng mundo, kundi ang Espiritu na siyang nagmula sa Diyos, upang maaari nating malaman ang mga bagay na kusang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 Sinasabi namin ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng salita na hindi kayang ituro sa pamamagitan ng karunungan ng tao, ngunit itinuro ng Espiritu sa amin. Ipinapaliwanag ng Espiritu ang mga espiritwal na mga salita sa espiritwal na karunungan.
-
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.
3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.
5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.
12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.
14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagrereklamo at pagtatalo. 15 Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay maging walang kapintasan at tapat na mga anak ng Diyos na walang dungis. Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay magningning tulad ng mga liwanag sa mundo, sa gitna ng baluktot at bulok na salinlahi. 16 Ipahayag ninyo ang salita ng buhay nang sa gayon ay may dahilan ako upang magluwalhati sa araw ni Cristo. Doon ko malalaman na hindi ako tumatakbo ng walang kabuluhan o gumagawa ng walang kabuluhan.
-
14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya, 15 At isaalang-alang ninyo ang katiyagahan ng ating Panginoon na maging kaligtasan, kagaya ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungan na ipinagkaloob sa kaniya. 16 Sinabi ni Pablo ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng kaniyang mga sulat, na kung saan maraming mga bagay ang mahihirap na maintindihan. Ang mga bagay na ito ay binaluktot ng mga taong hindi naturuan at walang katiyakan, habang sila ay gumagawa ng ibang mga kasulatan para sa sarili nilang kapahamakan.
-
50 Ito ang kaaliwan ko sa aking paghihirap: na pinapanatili akong buhay ng pangako mo. 51 Hinahamak ako ng mga mapagmalaki, pero hindi ako tumalikod sa iyong batas.
-
140 Labis nang nasubok ang iyong salita, at iniibig ito ng iyong lingkod. 141 Ako ay walang halaga at inalipusta, pero hindi ko pa rin kinalilimutan ang mga tagubilin mo. 142 Ang katarungan mo ay matuwid magpakailanman, at ang batas mo ay mapagkakatiwalaan. 143 Kahit na natagpuan ako ng bagabag at paghihirap, ang kautusan mo pa rin ang aking kasiyahan.
-
6 Sinabi ng tinig, “umiyak”. Sumagot ang isa “Ano ang dapat kong iiyak?” “Ang lahat ng laman ay damo, at lahat ng kanilang katapatan sa tipan ay tulad ng bulaklak sa bukid. 7 Ang damo ay natutuyot at ang bulaklak ay nalalanta kapag ang hininga ni Yahweh ay umihip dito; totoo ang sangkatauhan ay damo. 8 Ang damo ay natutuyot, ang bulaklak ay nalalanta, ngunit ang salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”
-
28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.
-
37 Ngayon sa huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan, tumayo si Jesus at sumigaw na nagsasabi, “Kung sinuman ang nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. 38 Kung sino ang sumampalataya sa akin, gaya ng sinabi ng kasulatan, mula sa kaniya dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay.
-
1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nanatili sa akin, tinatapon siya katulad ng sanga at natutuyo; tinitipon ng mga tao ang mga sanga at itinatapon ang mga ito sa apoy, at ang mga ito ay sinusunog. 7 Kung kayo ay mananatili sa akin, at kung ang aking mga salita ay mananatili sa inyo, humingi kayo ng anumang nais ninyo, at ito ay gagawin para sa inyo. 8 Sa ganito ay naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay mamunga ng marami at na kayo ay maging aking mga alagad.
-
11 Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito.
12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.
-
9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan.
11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating.
13 Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14 maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal.
-
18 Pinatototohanan ko sa bawat isang nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung sinumang magdagdag sa mga ito, ang Diyos ang magdadagdag sa kaniya ng mga salot na tulad ng nakasaad sa aklat na ito. 19 Kung sinuman ang mag-aalis mula sa mga salita ng aklat na ito ng propesiya, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa puno ng buhay at sa banal na lungsod, na nakasulat tungkol sa aklat na ito.
-
28 Ngayon sa muling pagkabuhay, kaninong asawa siya sa pitong magkakapatid? Sapagkat siya ay naging asawa nilang lahat.”
29 Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang mga kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin. Sa halip, sila ay katulad ng mga anghel sa langit. 31 Ngunit tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nababasa kung ano ang sinabi sa inyo ng Diyos, na nagsasabi, 32 'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob'? “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kung hindi ng mga buhay.”
33 Nang mapakinggan ito ng mga tao, sila ay namangha sa kaniyang katuruan.
-
13 Sa dahilang ito kami rin ay walang tigil na nagpapasalamat sa Diyos. Sapagkat nang inyong natanggap mula sa amin ang mensahe ng Diyos na inyong napakinggan, ito ay inyong tinanggap hindi bilang salita ng tao. Sa halip, tinanggap ninyo itong totoo, ang salita ng Diyos. Ito rin ang salita na gumagawa sa inyo na sumasampalataya.
-
15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.
16 Iwasan ang usapang malaswa, na siyang nagiging daan sa higit pang kawalan ng pagkilala sa Diyos. 17 Ang kanilang salita ay kakalat tulad ng ganggrena. Kabilang dito sina Himeneo at Fileto. 18 Sila ang mga lalaking nalihis sa katotohanan. Sinasabi nila na ang muling pagkabuhay ay nangyari na. Ginugulo nila ang pananampalataya ng ilan.
-
1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat.
5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng bagay, pagtiisan mo ang paghihirap, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelista, tuparin mo ang iyong paglilingkod.
-
9 Paano pananatilihing dalisay ng isang kabataan ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pagsunod sa iyong salita.
-
34 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hanggang mangyari ang lahat ng ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko ay hindi kailanman lilipas.
-
10 Hindi ba ninyo nababasa ang kasulatang ito? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo, ang naging batong-panulukan.
-
27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
-
1 Nang araw na iyon binasa nila ang Aklat ni Moises na naririnig ng mga tao. Natuklasan nila na nakasulat doon na walang Ammonita o Moabita ang dapat sumali sa kapulungan ng Diyos, magpakailanman. 2 Ito ay dahil hindi sila lumapit sa mga mamamayan ng Israel nang may tinapay at tubig, sa halip binayaran nila si Balaam para sumpain ang Israel. Gayumpaman, ginawa ng ating Diyos na isang pagpapala ang sumpa.
3 Nang narinig nila ang Batas, pinaalis nila mula sa Israel ang bawat dayuhan.
-
8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala.
-
18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”
-
13 Subalit, kapag siya na Espiritu ng Katotohanan ay dumating, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan: dahil hindi siya magsasalita mula sa kaniyang sarili, ngunit anumang mga bagay ang naririnig niya, sasabihin niya ang mga ito, at ihahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating.
-
15 Sa mga araw na iyon, tumayo si Pedro sa kalagitnaan ng mga kapatid, na halos 120 katao at sinabi, 16 “Mga kapatid, kinailangan na ang kasulatan ay matupad, na ang Banal na Espiritu ay magsalita sa pamamagitan ng bibig ni David tungkol kay Judas, na siyang gumabay sa mga dumakip kay Jesus. 17 Sapagkat nakasama natin siya at tinanggap ang kaniyang bahagi ng kapakinabangan sa ministeryong ito.”
-
4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.
6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.
-
160 Ang diwa ng iyong salita ay mapagkakatiwalaan; bawat isa sa mga utos mo ay mananatili magpakailanman. SHIN.
-
47 Kung sinuman ang nakakarinig ng aking mga salita, subalit hindi sinusunod ang mga ito, hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ang mundo. 48 Ang sinumang tumanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita ay mayroong isang hahatol sa kaniya, ito ay ang salita na aking sinabi na siyang hahatol sa kaniya sa huling araw.
49 Sapagkat hindi ako nagsalita mula sa aking sarili. Sa halip ang Ama na siyang nagsugo sa akin, na siyang nagbigay sa akin ng utos tungkol sa kung ano ang aking dapat sabihin at dapat ipahayag. 50 Alam ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; kaya iyong mga sinasabi ko—na ayon sa sinasabi ng Ama sa akin, ay sinasabi ko sa kanila.”
-
12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.
14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin ngunit pinili ko kayo at itinalaga kayo na humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Ito ay upang kung anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na magmahalan kayo sa isa't isa.
18 Kung kinamumuhian kayo ng mundo, alam ninyo na kinamuhian muna ako nito bago kayo kamuhian nito. 19 Kung kayo ay sa mundo, mamahalin kayo ng mundo bilang sa kaniya; ngunit dahil hindi kayo sa mundo, at dahil pinili ko kayo mula sa mundo, sa kadahilanang ito kayo ay kinamumuhian ng mundo.
-
6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.
8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”
10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo.
11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinahayag ay hindi nanggaling sa mga tao lamang. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, hindi rin ito itinuro sa akin. Sa halip, sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo sa akin.
-
11 At ang patotoo ay ito- na tayo ay binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak. 12 Siya na pinananahanan ng Anak ay may buhay. Siya na hindi pinananahanan ng Anak ng Diyos ay walang buhay.
13 Ang mga bagay na ito ay sinulat ko sa inyo para malaman ninyo na mayroon kayong buhay na walang hanggan-sa inyo na naniniwala sa pangalan ng Anak ng Diyos. 14 At ito ang pananalig na mayroon tayo sa kanyang harapan, na kung anuman ang hilingin natin ayon sa kanyang kalooban, naririnig niya tayo. 15 At kung alam natin na pinapakinggan niya tayo-anuman ang hiling natin sa kanya-alam nating mayroon na tayo ng anumang hiniling natin sa kanya.
-
12 Hindi ko tinalikuran ang mga kautusan ng kaniyang mga labi; iningatan ko sa aking puso ang mga salita ng kaniyang bibig.
-
97 O iniibig ko ang iyong batas! Ito ang pinagninilayan ko buong araw. 98 Higit akong pinatatalino ng mga kautusan mo kaysa sa mga kaaway ko, dahil lagi kong kasama ang mga kautusan mo. 99 Mayroon akong higit na pang-unawa kaysa sa lahat ng aking mga guro, dahil pinagninilayan ko ang mga utos mo sa tipan.
-
1 Pagkatapos, pinangunahan ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Noong nag-ayuno siya sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom.
3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”
4 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”'
5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at dinala siya sa pinakamataas na bahagi ng gusali ng templo 6 at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka sa baba, sapagkat nasusulat, 'Uutusan niya ang kaniyang mga anghel upang pangalagaan ka,' at 'Itataas ka nila sa kanilang mga kamay upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.”'
7 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “At nasusulat din, 'Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.'”
8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita ang lahat ng mga kaharian ng mundo pat na ang kanilang karingalan. 9 Sinabi niya sa kaniya, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay yuyukod at sasambahin ako.”
10 At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Umalis ka dito Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong paglingkuran.”
11 At iniwan siya ng diyablo at masdan ito, dumating ang mga anghel at naglingkod sa kaniya.
-
28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”
-
5 Bawat salita ng Diyos ay nasubok, siya ay isang panangga sa mga nagkukubli sa kaniya. 6 Huwag magdagdag sa kaniyang mga salita, o pagsasabihan ka niya at ikaw ay mapapatunayang isang sinungaling.
-
16 Maghanap kayo mula sa balumbon ng kasulatan ni Yahweh; wala isa man sa mga ito ang mawawala. Walang magkukulang ng kapareha; dahil inutos ito ng kaniyang bibig, at sila ay tinipon ng kaniyang espiritu.
-
42 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa sa mga kasulatan, 'Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay ay naging batong panulukan. Ito ay galing sa Panginoon, at ito ay kamanghamangha sa ating mga mata.'
-
21 Siya ay nagsimulang magsalita sa kanila, “Ngayon itong kasulatan ay natupad sa inyong pandinig.”
-
63 Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang pakinabang ang laman. Ang mga salita na nasabi ko sa inyo ay mga espiritu, at ang mga ito ay buhay.
-
20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 Ang sinuman na mayroon ng aking mga kautusan at isinasagawa ang mga ito; siya ang nagmamahal sa akin; at siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at mamahalin ko rin siya, at ipakikita ko sa kaniya ang aking sarili.”
22 Sinabi ni Judas (hindi si Iscariote) kay Jesus, “Panginoon, ano ang nangyayari na inyong ipakikita ang iyong sarili sa amin at hindi sa mundo?”
23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: “Kung sinuman ang magmamahal sa akin, isasagawa niya ang aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama, at kami ay paparoon sa kaniya at gagawa kami ng aming tirahan kasama niya. 24 Ang sinumang hindi nagmamahal sa akin ay hindi isinasagawa ang aking mga salita. Ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin, ngunit sa Ama na nagsugo sa akin.
-
26 Ngayon ang anghel ng Panginoon ay nangusap kay Felipe at sinabi, “Tumayo ka at pumunta sa bahaging timog sa daang pababa mula sa Jerusalem papuntang Gaza.”( Ang daang ito ay nasa disyerto). 27 Siya ay tumayo at umalis. May isang lalaking mula Ethiopia, isang eunoko na may dakilang kapangyarihan mula kay Candace, na reyna ng mga Etiope. Siya ang namamahala sa lahat ng kaniyang kayamanan. Siya ay pumunta sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay bumalik at nakaupo sa kaniyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni propeta Isaias.
29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Umakyat ka at sabayan mo ang karwahe.”
30 Kaya patakbong lumapit si Felipe, at narinig niyang binabasa ang aklat ni propeta Isaias, at sinabi, “Naiintindihan mo ba ang iyong binabasa?”
31 Sumagot ang taga-Ethiopia, “Paano ko maiintindihan, maliban kung may magtuturo sa akin?” Nakiusap siya kay Felipe na umakyat sa karwahe at umupo sa tabi niya.
32 Ito ang bahagi ng kasulatan na binabasa ng taga Ethopia, “Siya ay tulad ng tupa na dinala sa bahay katayan; at tulad ng isang kordero sa harap ng manggugupit na tahimik, hindi niya binubuksan ang kaniyang bibig: 33 Sa kaniyang kahihiyan kinuha sa kaniya ang katarungan: sino ang magpapahayag sa kaniyang salinlahi? sapagkat ang kaniyang buhay ay kinuha mula sa mundong ito.”
34 Kaya nagtanongang eunoko kay Felipe, at sinabi, “Nakikiusap ako sa iyo sino ang tinutukoy ng propeta? ang kaniyang sarili ba mismo o ibang tao?”
35 Nagsimulang magsalita si Felipe; Nagsimula siya sa kasulatan ni Isaias upang ipangaral si Jesus sa kaniya.
36 Habang nagpapatuloy sila sa daan, napunta sila sa ilang bahagi ng tubig; at sinabi ng eunoko, “Tingnan mo, may tubig dito, ano pa ang puwedeng makahadlang sa akin upang ma bautismuhan?” 37 Sinabi ni Felipe,” kung nananampalataya ka ng buong puso, ikaw ay mag pabautismo. Ang taga Ethopia ay sumagot,” Naniniwala ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.” 38 Kaya inutusan ng taga Ethopia na tumigil ang karwahe. Bumaba sila sa tubig, si Felipe at ang eunoko at binautismuhan siya ni Felipe.
39 Nang umahon sila sa tubig, kinuha ng Espiritu ng Panginoon si Felipe at hindi na siya nakita ng eunuko; at siya ay umalis ng may kagalakan. 40 Ngunit si Felipe ay lumitaw sa Azoto. Siya ay dumaan sa rehiyong iyon at ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng lungsod, hanggang sa makarating siya sa Ceasaria.
-
17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga taong tulad nito ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Cristo, kundi ang sarili nilang hangarin. Sa pamamagitan ng kanilang kaaya-aya at mga kalugod-lugod na pananalita nililinlang nila ang mga puso ng mga walang malay.
-
11 Ngayon nangyari ang mga ito sa kanila upang maging halimbawa para sa atin. Ito ay mga alituntunin na naisulat-para sa atin sa mga huling panahon. 12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak.
-
1 Noon unang panahon, nakipag-usap ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta ng maraming beses at sa iba't-ibang paraan. 2 Ngunit sa mga araw na ito, nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Anak na siyang hinirang na tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ginawa ang mundo.
-
11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen
-
1 Ang lahat ng tao ay nagtipon-tipon para sa isang layunin sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig. Sinabi nila kay Ezra, ang eskriba na dalhin ang Aklat na Batas ni Moises, na iniutos ni Yahweh sa Israel.
2 Sa unang araw ng ika-pitong buwan, si Ezra, ang pari ay dinala ang batas sa harap ng pagpupulong, sa kapwa mga lalaki at babae, at sa lahat ng nakakarinig at nakakaunawa. 3 Humarap siya sa liwasan sa harap ng Tarangkahan ng Tubig, at binasa niya ito mula umaga hanggang tanghali, sa harap ng mga lalaki at babae, at sinumang nakauunawa. At ang lahat ng tao ay nakinig nang masigasig sa Aklat ng Batas.
4 At si Ezra, ang eskriba ay tumayo sa isang mataas na entabladong kahoy na ginawa ng mga tao para sa layuning iyon. Ang mga nakatayo sa kaniyang tabi ay sina Matanias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias, at Maaseias, sa kaniyang kanan; at Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam ay nakatayo sa kaniyang kaliwa.
5 Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng lahat ng mga tao, dahil siya ay nakatayo nang mataas sa mga tao, at nang binuksan niya ito, ang lahat ng tao ay tumayo. 6 Si Ezra ay nagbigay ng pasasalamat kay Yahweh, ang dakilang Diyos, at lahat ng mga tao ay itinaas ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen!” Pagkatapos, iniyuko nila ang kanilang mga ulo at sumamba kay Yahweh na nakasayad ang kanilang mukha sa lupa.
7 Maging sila Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan, Pelaias at ang mga Levita ay tumulong sa mga tao na maintindihan ang batas, habang ang mga tao ay nanatili sa kanilang lugar. 8 At kanilang binasa ang aklat, ang batas ng Diyos, pinapaliwanag nang malinaw at binibigyan ng kahulugan para maintindihan nila ang binabasa.
-
82 Nananabik ang aking mga mata na makita ang iyong pinangako; kailan mo kaya ako aaliwin?
-
148 Mulat ang aking mga mata bago magpalit ng mga yugto ang gabi, para mapagnilayan ko ang mga salita mo.
-
36 “Guro, alin ba ang pinakadakilang utos sa kautusan?”
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.' 40 Dito sa dalawang mga kautusang ito nakasalalay ang buong kautusan at ang mga propeta.”
41 Ngayon habang ang mga Pariseo ay nagkakatipon pa rin, si Jesus ay nagtanong sa kanila ng katanungan. 42 Sinabi niya, “Ano ang iniisip ninyo tungkol kay Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kaniya, “Ang anak ni David.”
43 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Papaanong si David sa Espiritu ay tumawag sa kaniyang Panginoon, na nagsabi, 44 'Ang Panginoon ay nagsabi sa aking Panginoon, “Umupo ka sa dako ng aking kanang kamay, hanggang ang iyong mga kaaway ay maging tungtungan ng iyong mga paa.”'?”
45 Kung si David nga ay tinawag niya ang Cristo na 'Panginoon', paano siya naging anak ni David?”
46 Walang kahit isa na makasagot sa kaniya ng isang salita, at mula sa araw na iyon walang sinumang sumubok pang magtanong sa kaniya.
-
15 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilikha. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas at ang hindi naniniwala ay hahatulan.
-
22 Kaya't pagkatapos noon nang siya ay ibangon mula sa kamatayan, naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito, at sila ay nanalig sa kasulatan at sa pahayag na sinabi ni Jesus.
-
1 Ngayon nang dumaan sila sa mga bayan ng Amfipolis at Apolonia, sila ay dumating sa bayan ng Tesalonica, kung saan ay mayroong isang sinagoga ng mga Judio. 2 Tulad ng nakagawian ni Pablo, pumunta siya sa kanila, at sa tatlong araw ng sabbath ay nangatwiran sa kanila mula sa mga kasulatan. 3 Binubuksan niya ang mga kasulatan at nagpapaliwanag na kinakailangan ng Cristo na magdusa at muling mabuhay mula sa mga patay. Sinabi niya, “Itong si Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” 4 May ilang mga Judio ang nahikayat at sumama kina Pablo at Silas, pati na rin ang mga debotong Griego, mga kilalang kababaihan, at lubhang napakaraming tao.
-
11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo. Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.
14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.
-
26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita.
-
3 Sa pamamagitan nito alam nating kilala natin siya, kung iniingatan natin ang kanyang mga kautusan. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.
Shows Read in context, Share and Copy.