57 Bible Verses About Serving Others

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Serving Others
  1. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

  2. 20 At ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo ay pumunta kay Jesus kasama ang kaniyang mga anak. Yumukod siya sa kaniyang harapan at humiling ng isang bagay sa kaniya.

    21 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ano ang nais mong hilingin?” Sinabi niya sa kaniya, “Ipag-utos mo na ang aking dalawang anak ay makakaupo sa iyong kaharian, ang isa sa iyong dakong kanang kamay at ang isa naman ay sa iyong dakong kaliwang kamay,.”

    22 Subalit sinagot siya ni Jesus at nagsabi, “Hindi ninyo alam kung ano ang iyong hinihiling. Kaya ba ninyong inumin ang tasa na aking iinumin?” Sinabi nila sa kaniya, “Kaya namin.”

    23 Sinabi niya sa kanila, “Ang aking tasa ay tunay ninyong inumin. Subalit ang pag-upo sa aking dakong kanang kamay at sa aking dakong kaliwang kamay ay hindi sa aking pagpapasya, ngunit ito ay para sa kanila na pinaghandaan ng aking Ama.”

    24 At nang mapakinggan ito ng sampung mga alagad, labis silang hindi nasiyahan sa dalawang magkapatid. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi, “Alam ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay nanglulupig sa kanila, at ang mga mahahalagang mga tao sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan upang sundin sila. 26 Subalit hindi dapat mangyari ito sa inyo. Sa halip, ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 27 At ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 28 Katulad ng Anak ng Tao hindi siya naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pangtubos sa marami.

  3. 12 Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, “Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14 Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15 Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito.

  4. 7 Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba. 9 Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo.

    10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen

  5. 42 Tinawag sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang itinuturing na mga pinuno ng mga Gentil ang nangingibabaw sa kanila, at ang kanilang mga mahahalagang tao ang nagpapatupad ng kapangyarihan sa kanila. 43 Ngunit hindi sa paraang ito ang nararapat sa inyo. Sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay nararapat ninyong maging lingkod, 44 at sinumang nagnanais na manguna sa inyo ay nararapat na maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang paglingkuran, ngunit upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang katubusan ng lahat.”

  6. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

    9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kasuklaman kung ano ang masama; panghawakan kung ano ang mabuti. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.

    11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.

    12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.

    13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.

  7. 13 Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa. 14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung magkakagatan at magsasakmalan kayo, tingnan ninyo na hindi ninyo sinisira ang isa't isa.

  8. 24 At nagkaroon din ng pagtatalo sa kanila tungkol sa kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila. 25 Sinabi niya sa kanila, “Ang mga hari ng mga Gentil ay may kapangyarihang pamunuan sila, at ang mga may kapangyarihan sa kanila ay tinawag na mga pinunong kagalang-galang. 26 Ngunit sa inyo ay hindi dapat maging tulad nito. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata. At ang pinakamahalaga sa inyo ay maging katulad ng isang naglilingkod. 27 Sapagkat sino ang mas dakila, ang taong nakaupo sa may hapag o ang siyang naglilingkod? Hindi ba ang taong nakaupo sa may hapag? Bagaman kasama ninyo ako bilang isang naglilingkod.

  9. 8 Ngunit hindi kayo dapat tawagin na 'Rabi', sapagkat iisa lang ang guro ninyo, at lahat kayo ay magkakapatid. 9 At huwag ninyong tawagin na ama ang kahit sinuman sa lupa dahil iisa lang ang inyong Ama at siya ay nasa langit. 10 At hindi rin dapat kayong tawagin na 'guro' dahil iisa lang ang inyong guro, ang Cristo. 11 Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay siyang maging tagapaglingkod sa inyo. 12 Kung sinuman ang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa. At kung sinumang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay itataas.

  10. 5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya.

    9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi.

  11. 22 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo ayon sa laman sa lahat ng mga bagay, hindi lamang kapag may nakakakita upang magbigay lugod sa mga tao, ngunit nang may tapat na puso. Matakot kayo sa Panginoon.

    23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran. 25 Sapagkat sinumang gumawa ng hindi matuwid ay tatanggap ng kabayaran para sa hindi matuwid na kaniyang ginawa at wala ditong pinapanigan.

  12. 24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

  13. 34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

  14. 5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

    6 Sinabi ng Panginoon, “Kung may pananampalataya kayo na tulad ng isang butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa puno ng sicamorong ito, 'Mabunot ka, at matanim sa dagat,' at kayo ay susundin nito.

    7 Ngunit sino sa inyo, na may lingkod na nag-aararo o nag-aalaga ng tupa, ang magsasabi sa kaniya kapag nakabalik na siya mula sa bukid, 'Pumarito ka kaagad at umupo upang kumain'? 8 Hindi ba niya sasabihin sa kaniya, 'Maghanda ka ng kakainin ko, magbigkis ka at pagsilbihan mo ako hanggang sa matapos akong kumain at uminom. At pagkatapos, kumain ka at uminom'? 9 Hindi siya nagpapasalamat sa lingkod dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos, nagpapasalamat ba siya? 10 Ganoon din kayo, kapag nagawa ninyo ang lahat ng bagay na iniutos sa inyo, dapat ninyong sabihin, 'Hindi kami karapat-dapat na mga lingkod. Ginawa lang namin ang dapat naming gawin.”'

  15. 25 Ang nagmamahal sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, subali't ang namumuhi sa kaniyang buhay sa mundong ito ay mapapanatili ito para sa walang hanggang buhay. 26 Kung sinuman ang maglingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon, ang aking lingkod ay naroon din. Kung sinuman ang maglingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.

  16. 4 Pero tiyak na pinasan niya ang ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan; gayon man ay inakala natin na pinarusahan siya ng Diyos, pinalo siya ng Diyos, at pinahirapan. 5 Pero sinaksak siya dahil sa ating mga ginawang paghihimagsik; nadurog siya dahil sa ating mga kasalanan. Ang kaparusahan para sa ating kapayapaan ay nasa kanya, at pinagaling niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 6 Tayong lahat ay gaya ng mga tupang ligaw; ang bawat isa ay nagkanya-kanyang daan, at ipinataw sa kanya ni Yahweh ang kasamaan nating lahat. 7 Siya ay pinahirapan; gayun man nang nagpakumbaba siya, hindi niya ibinuka ang kanyang bibig, gaya ng isang kordero na dinadala sa katayan, at gaya ng tupa na bago ito gupitan ay tahimik, kaya hindi niya ibinuka ang kanyang bibig. 8 Sa pamamagitan ng pamimilit at paghuhusga siya ay hinatulan; sino mula sa henerasyon iyon ang nakaalala pa sa kanya? Pero siya ay nahiwalay mula sa lupain ng mga buhay; dahil sa mga kasalanan ng aking bayan ay ipinataw sa kanya ang parusa.

    9 Sinadya nilang gumawa ng libingan para sa kanya kasama ang mga pumapatay, kasama ang isang mayaman sa kanyang kamatayan, kahit na hindi siya nakagawa ng anumang karahasan, ni nagkaroon ng anumang pandaraya sa kanyang bibig. 10 Ito ay kalooban ni Yahweh para durugin siya at gawin siyang masama; at kung ginagawa niyang handog ang kanyang buhay para sa kasalanan, makikita niya ang kanyang mga anak, pahahabain niya ang kanyang mga araw, at ang kalooban ni Yahweh ay matutupad sa pamamagitan niya. 11 Pagkatapos niyang magdusa, makikita niya at masisiyahan sa pamamagitan ng kaalaman kung ano ang kanyang nagawa. Ang aking matuwid na lingkod ay ipawawalang-sala ang marami; dadalhin niya ang kanilang kasamaan. 12 Kaya ibibigay ko sa kanya ang kanyang kabahagi sa gitna ng maraming tao, at hahatiin niya ang mga nasamsam sa karamihan, dahil inilantad niya ang kanyang sarili sa kamatayan at ibinilang siyang kasama ng mga makasalanan. Dinala niya ang kasalanan ng marami at namagitan siya para sa mga makasalanan.

  17. 33 At dumating sila sa Capernaum. At nang siya ay nasa loob ng bahay, tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Ngunit sila ay tahimik. Sapagkat habang sila ay nasa daan nakikipagtalo sila sa isa't isa kung sino ang pinakadakila sa kanila.

    35 Umupo siya at tinawag ang Labindalawa nang magkakasama, at sinabi niya sa kanila, “Kung sino man ang nais mauna, dapat siyang maging huli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.”

  18. 3 Alam ni Jesus na ibinigay ng Ama sa kaniyang mga kamay ang lahat ng mga bagay at siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Tumayo siya nang hapunan at ibinaba ang kaniyang panglabas na kasuotan. At kumuha siya ng tuwalya at ibinigkis ito sa kaniyang sarili. 5 Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at upang punasan sila ng tuwalya na ibinigkis sa kaniyang sarili.

    6 Lumapit si Jesus kay Simon Pedro, at sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”

    7 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Sa ngayon ang ginagawa ko ay hindi mo pa maintindihan, ngunit sa darating na panahon ay maiintindihan mo rin ito” 8 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”

  19. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila.

    11 At labis naming ninanais na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng parehong kasipagan hanggang sa wakas na may buong katiyakan ng pagtitiwala. 12 Ayaw namin na maging mabigat ang inyong katawan, sa halip maging katulad kayo ng mga magmamana ng mga pangako dahil sa pananampalataya at pagtitiis.

  20. 12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.

    14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo.

  21. 42 Sinabi ng Panginoon, “Sino ngayon ang tapat at matalinong tagapamahala na itatakda ng kaniyang panginoon para sa ibang lingkod upang ibigay sa kanila ang kanilang bahagi ng pagkain sa tamang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na iyon, na masusumpungan ng kaniyang panginoon na gumagawa niyan sa kaniyang pagdating. 44 Totoong sinasabi ko sa inyo na siya ay gagawing tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian.

    45 Ngunit kung sinasabi ng lingkod na iyon sa kaniyang puso, “Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon,' at sinimulan niyang bugbugin ang mga lalaki at babaeng lingkod, at kakain at iinom, at malalasing, 46 ang panginoon ng lingkod na iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya ay pagpipira-pirasuhin at magtatalaga siya ng lugar para sa kaniya kasama ang mga hindi tapat.

    47 Ang lingkod na iyon, na alam ang kalooban ng kaniyang panginoon at hindi naging handa o ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, ay mabubugbog nang madami. 48 Ngunit ang hindi nakakaalam, at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa pagbugbog, ay mabubugbog nang kaunti. Ang lahat ng binigyan ng marami, marami din ang hihingiin sa kaniya, at ang pinagkatiwalaan ng marami, marami ang hihingiin nila sa kaniya.

  22. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

  23. 16 Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos.

  24. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  25. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

    35 Isuksok ninyo ang inyong mahabang damit sa inyong sinturon, at panatilihing nag-aapoy ang inyong mga ilawan, 36 at maging katulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang amo na bumalik mula sa kasalan, upang kung siya ay bumalik at kumatok, agad nilang bubuksan ang pinto para sa kaniya. 37 Pinagpala ang mga lingkod na iyon, na masusumpungan ng amo na nagbabantay sa kaniyang pagbabalik. Totoo, sinasabi ko sa inyo na isusuksok niya ang mahaba niyang damit sa kaniyang sinturon, pauupuin sila para sa pagkain, at lalapit at pagsisilbihan sila. 38 Kung ang amo ay dadating sa pangalawang pagbantay sa gabi o kahit sa pangatlong pagbantay at nakita silang handa, pinagpala ang mga lingkod na iyon.

    39 Dagdag pa nito alamin ninyo ito, na kung alam ng amo ang oras ng pagdating ng magnanakaw, hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang tahanan. 40 Maging handa din, dahil hindi niyo alam ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.”

  26. 9 Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, na pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kaniyang Anak, kung paano ko kayo laging binabanggit sa kaniya. 10 Palagi kong hinihiling sa aking mga panalangin na sa kahit anong kaparaanan, nawa sa huli ay magtagumpay ako na makarating sa inyo ayon sa kalooban ng Diyos. 11 Sapagkat nais ko kayong makita, nang mabigyan ko kayo ng ilang espirituwal na kaloob upang kayo ay mapalakas. 12 Iyon ay, nananabik akong tayo ay magpalakasan ng loob, sa pamamagitan ng pananampalataya ng bawat isa, ang sa inyo at sa akin.

    13 Ngayon hindi ko nais na hindi ninyo malaman, mga kapatid, na ilang ulit kong binalak na magpunta sa inyo, ngunit ako ay hinahadlangan hanggang ngayon. Ninais ko ito upang sa ganoon ay magkaroon ng ilang bunga sa inyo tulad din ng ibang mga Gentil. 14 May utang ako sa mga Griyego at sa mga dayuhan, sa mga marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya, para sa akin, handa akong ipahayag ang ebanghelyo sa inyong nasa Roma.

    16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego.

  27. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan.

  28. 35 Ang kagandahang-loob ng hari ay para sa maingat na lingkod, ngunit ang kaniyang galit ay para sa isang kumikilos nang kahiya-hiya.

  29. 20 Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo. 'Ang lingkod ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon'. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo; kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang sa inyo.

  30. 1 Ako si Pablo, na isang lingkod ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, at inilaan para sa ebanghelyo ng Diyos.

  31. 4 Ngayon ay may iba't ibang mga kaloob, ngunit iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang mga ministeryo ngunit parehong Panginoon. 6 At may iba't ibang uri ng mga gawain ngunit iisa ang Diyos na gumagawa upang mangyari ito sa bawat isa.

    7 Ngayon naibigay sa bawat isa ang panlabas na paghahayag ng Espiritu na kapaki-pakinabang sa lahat. 8 Sapagkat nabigyan ang iba ng Espiritu na makapagsalita ng karunungan, at sa iba ay makapagsalita ng may kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba naman ay binibigay niya ang pananampalataya sa pamamagitan ng iisang Espiritu at sa iba naman ay kaloob na magpagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Binibigay niya sa iba ang paggawa ng may kapangyarihan, at propesiya sa iba. Binibigay niya sa iba ang kakayahang masuri ang mga espiritu, sa iba ay iba't ibang uri ng mga wika at sa iba ay pagbibigay-kahulugan ng mga wika. 11 Ngunit iisang Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga ito, binibigay ang mga kaloob sa bawat isa, ayon sa pinili niya.

  32. 15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.

  33. 18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo nang may buong paggalang, hindi lang sa mabuti at mahinahon na mga amo, pero pati narin sa mga masama. 19 Sapagkat kapuri-puri ang sinumang magtitiis ng pasakit habang nahihirapan sa kawalan ng katarungan nang dahil sa kaniyang konsiyensya sa Diyos. 20 Sapagkat gaano kataas na parangal ang nakalaan sa paggawa ng kasamaan at magtiis habang pinarurusahan? Pero kung gumawa kayo ng mabuti at nagtiis kayo habang pinarurusahan, ito ay kapuri-puri sa Diyos.

    21 Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22 Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23 Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.

    25 Kayong lahat ay naglalakbay palayo tulad ng mga nawawalang tupa, ngunit ngayon, bumalik kayo sa pastol at tagapagbantay ng inyong mga kaluluwa.

  34. 15 Kung tila mali ito sa inyong mga paningin para sambahin ninyo si Yahweh, kayo na mismo ang pumili ngayong araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran, kung ang mga diyos na sinamba ng inyong mga ninuno sa ibayo ng Eufrates o ang mga diyos ng mga Amoreo, kung saang lupain kayo naninirahan. Pero para sa akin at sa aking sambahayan, sasambahin namin si Yahweh.”

  35. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  36. 1 Ganito dapat ang ipalagay ng tao sa amin, bilang mga lingkod ni Cristo at mga katiwala ng mga lihim na katotohanan ng Diyos. 2 Sa kaugnayan nito, kinakailangang mapagkakatiwalaan ang mga katiwala.

    3 Ngunit para sa akin, ito ay napakaliit lamang na bagay para mahatulan ninyo ako o nang anumang hukuman ng tao. Sapagkat hindi ko nga hinahatulan ang aking sarili. 4 Wala akong nalalaman na anumang sakdal laban sa akin ngunit hindi nangangahulugang ako ay walang sala. Ang Panginoon ang siyang hahatol sa akin.

    5 Kaya, huwag kayong humatol tungkol sa anumang bagay bago ang panahon, bago dumating ang Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga lihim na bagay ng kadiliman at ihahayag ang mga layunin ng puso. At makatatanggap ang bawat isa ng kaniyang papuri mula sa Diyos.

  37. 58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

  38. 5 Sapagkat hindi namin ipinapangaral ang aming mga sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami bilang inyong mga lingkod alang-alang kay Jesus.

  39. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

  40. 1 Hinihikayat ko ang mga nakatatanda sa inyo, ako, na isang kapwa nakatatanda at isang saksi sa pagdurusa ni Cristo, at kabahagi ng kaluwalhatian na maihahayag. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan.

  41. 14 Sapagkat ito ay katulad ng isang taong maglalakbay sa ibang bansa. Tinawag niya ang sarili niyang mga utusan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang kayamanan. 15 Ang isa sa kanila ay binigyan niya ng limang talento, ang isa naman ay binigyan niya ng dalawa at ang isa naman ay binigyan niya ng isang talento. Nakatanggap ang bawat isa ayon sa kaniya-kaniyang kakayahan, at ang taong iyon ay pumunta sa kaniyang paglalakbay.

    16 Agad-agad ang nakatanggap ng limang talento ay umalis at ipinuhunan niya ang mga ito at nagkaroon pa siya ng limang talento. 17 Ganoon din ang nakatanggap ng dalawang talento, nagkaroon din ng dalawa pa. 18 Ngunit ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay umalis, naghukay sa lupa at itinago ang pera ng kaniyang amo.

    19 Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20 Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.'

    21 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    22 Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.'

    23 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'

    24 Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25 Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.'

    26 Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27 Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera.

    28 Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29 Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30 Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.

  42. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  43. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa.

  44. 1 Ngayon sa mga araw na ito, nang ang bilang ng mga alagad ay dumarami, nagsimula ang reklamo mula sa mga Helenista laban sa mga Hebreo, sa dahilan na ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.

    2 Tinawag ng labing dalawang apostol ang marami sa kanilang mga alagad at sinabi, ''Hindi nararapat para sa amin na pabayaan ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. 3 Mga kapatid, nararapat na pumili kayo ng pitong mga lalaki na mula sa inyo, mga lalaking may mabubuting pagkatao, puspos ng Espiritu at karunungan, na maaari naming ilagay sa trabahong ito. 4 Ngunit kami ay palaging magpapatuloy sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.”

    5 Nalugod ang lahat ng maraming tao sa kanilang pananalita, kaya pinili nila si Esteban ang lalaking puno ng pananampalataya at ng banal na Espiritu, at si Felipe, si Procorus, si Nicanor, si Timon, si Parmenas, at Nicolas, ang nahikayat na magbago ng paniniwala mula sa Antioquia. 6 Dinala ng mga mananampalataya ang mga kalalakihang ito sa harap ng mga apostol, ang mga nanalangin at nagpatong ng kamay sa kanila.

  45. 9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.

  46. 21 Magpasakop kayo sa isa't isa tanda ng paggalang kay Cristo.

  47. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: para tulungan ang mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.

  48. 25 Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili.

  49. 24 Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, ni mas mataas ang lingkod sa kaniyang amo. 25 Sapat na ang alagad ay maging katulad ng kaniyang guro, at ang lingkod na katulad ng kaniyang amo. Kung tinawag nilang Beelzebub ang amo ng bahay, gaano pa kaya nila ipapahiya ang buo niyang sambahayan!

  50. 34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”

  51. 19 Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami.

  52. 24 Ngayon nagagalak ako sa aking mga paghihirap para sa inyo. At pinupunan ko sa aking laman anuman ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, na ang iglesiya. 25 Dahil sa iglesiyang ito kaya ako naging lingkod, ayon sa tungkulin mula sa Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo upang punuin ang salita ng Diyos.

  53. 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya? 15 Kung ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ang nangangailangan ng kasuotan at pagkain araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsasabi sa kanila, “Humayo kayong mapayapa, mangagpainit kayo at magpakabusog kayo,”' subalit hindi ninyo sila binigyan ng mga kinakailangan para sa katawan, anong kabutihan iyon? 17 Sa ganuon ding pamamaraan ang pananampalataya lang, kung hindi ito nagtataglay ng mga gawa, ay patay.

  54. 4 Maglalakad kayo kasunod ni Yahweh na inyong Diyos, parangalan siya, susundin ang kaniyang mga kautusan, at sumunod sa kaniyang boses, at sambahin ninyo siya at kumapit sa kaniya.

  55. 11 Dahil hindi kailanman mawawala ang mahihirap sa lupain; kaya sinasabi ko ito sa inyo, 'Dapat ninyong tiyaking bukas ang inyong kamay sa inyong kapatid, sa mga nangangailangan sa inyo, at sa mga mahihirap sa inyong lupain.'

  56. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.

  57. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatan na isama ang aming mga asawa na isang mananampalataya, gaya ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas? 6 O kami lamang ba ni Bernabe ang dapat magtrabaho?

    7 Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? O sino ang nag-aalaga ng kawan at hindi umiinom ng gatas mula sa mga ito?