42 Bible Verses About Teens
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.
-
1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang tama. 2 “Igalang mo ang inyong ama at ina” (na siyang unang kautusan na may pangako), 3 “upang maaari itong maging mabuti sa inyo at maaaring mabuhay kayo ng mahaba dito sa mundo.”
4 At kayo mga ama, huwag ninyong sulsulan ang inyong mga anak sa galit. Sa halip, palakihin sila na may disiplina at katuruan ng Panginoon.
-
11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. 13 Sapagkat hahanapin ninyo ako at masusumpungan, sapagkat hahanapin ninyo ako nang buong puso.
-
1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.
-
4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon.
6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.
8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.
10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil sa wakas ay binago ninyo ang inyong pagpapahalaga para sa akin. Bagama't pinahalagahan ninyo ako noon ngunit wala kayong pagkakataon para tumulong. 11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.
-
9 Paano pananatilihing dalisay ng isang kabataan ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pagsunod sa iyong salita. 10 Busong puso kitang hahanapin; huwag mo akong hayaang malihis mula sa iyong mga kautusan. 11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso para hindi ako magkasala laban sa iyo.
-
12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.
-
4 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh na nagsasabi, 5 “Bago kita binuo sa sinapupunan, pinili na kita. Bago ka ipanganak, itinalaga na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.”
6 “O! Panginoong Yahweh!” Sinabi ko, “Hindi ako marunong magsalita sapagkat napakabata ko pa.”
7 Ngunit sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong sabihin na, 'Napakabata ko pa.' Dapat kang pumunta saanman kita ipadala at dapat mong sabihin ang anumang iuutos ko sa iyo! 8 Huwag kang matakot sa kanila sapagkat sasamahan kita upang iligtas ka. Ito ang pahayag ni Yawheh.”
9 Pagkatapos, iniabot ni Yahweh ang kaniyang kamay, hinipo niya ang aking bibig at sinabi, “Ngayon, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
-
7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.
9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”
-
29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa.
-
7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, kundi ng kapangyarihan, pag-ibig at disiplina.
-
9 Magalak ka, batang lalaki, sa iyong kabataan, at hayaang magalak ang iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan. Ipagpatuloy ang mga mabubuting hangarin ng iyong puso at anumang nakikita ng iyong mga mata. Gayunpaman, isipin mo na hahatulan ka ng Diyos para sa lahat ng mga bagay na ito. 10 Palayasin mo ang galit mula sa iyong puso, at huwag mong pansinin ang anumang sakit ng iyong katawan, dahil ang kabataan at ang lakas nito ay usok.
-
10 Pinagpala ang mga inuusig alang-alang sa katuwiran, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit.
11 Pinagpala kayo kung inaalipusta kayo at inuusig ng mga tao o pagsalitaan ng lahat ng uri ng mga masasamang bagay na pawang mga kasinungalingan ng dahil sa akin. 12 Magsaya kayo at labis na magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Sapagkat sa ganitong paraan inusig ng mga tao ang mga propetang nabuhay noon bago pa kayo.
13 Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano muling maibabalik ang alat nito? Wala na itong pakinabang pa kundi itapon at tapak-tapakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng mundo. Ang lungsod na nakatayo sa isang burol ay hindi maitatago. 15 Ni hindi nagsisindi ang mga tao ng lampara at ilagay sa loob ng basket, bagkus sa isang patungan ng ilawan, at magliliwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Hayaan ninyong magliwanag ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao sa paraang makikita nila ang inyong mga mabubuting gawa at papurihin ang inyong Amang nasa langit.
-
28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”
-
8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.
-
28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.
-
12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
-
9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.
11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan, 12 Lumaban ka ng mabuting pakikipaglaban sa pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan kung saan ka tinawag. Tungkol dito nagpatotoo ka sa harap ng maraming mga saksi kung ano ang mabuti.
13 Ibinibigay ko sa iyo ang utos na ito sa harap ng Diyos, na siyang dahilan nang lahat ng bagay para mabuhay, at sa harapan ni Cristo-Jesus, na siyang nagsabi ng katotohanan kay Poncio Pilato: 14 ingatan mong mabuti ang mga kautusan, ng walang kapintasan, hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu- Cristo. 15 Ipapahayag ng Diyos ang kaniyang pagpapakita sa tamang panahon—ang Diyos, ang Pinagpala, ang nag-iisang kapangyarihan, ang Hari na siyang naghahari, ang Panginoong namumuno. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa hindi malapitang liwanag. Walang sinumang tao na nakakita sa kaniya o kaya ay may kakayahang makita siya. Sa kaniya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.
-
105 Ang salita mo ay ilawan ng aking mga paa at liwanag para sa aking landas.
-
13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, “Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi tinukso ng diyablo, at ang Diyos mismo ay hindi tinutukso ang sino man. 14 Ang bawat tao ay natutukso ng kaniyang masamang mga pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan.
-
9 Ang nagsasabing siya ay nasa liwanag pero kinapopootan ang kanyang kapatid ay nasa kadiliman kahit ngayon. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag at walang pagkakataon na siya ay matitisod. 11 Pero ang siyang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman at lumalakad sa kadiliman; hindi niya alam kung saan siya papunta, dahil binulag ng kadiliman ang kanyang mga mata.
12 Sumusulat ako sa inyo, mga minamahal kong anak, dahil ang inyong mga kasalanan ay napatawad dahil sa kanyang pangalan.
13 Sumusulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya na mula pa sa simula. Sumusulat ako sa inyo mga kabataang lalaki, dahil napagtagumpayan ninyo ang kasamaan. Sumulat ako sa inyo, mga bata, dahil kilala ninyo ang Ama.
14 Sumulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya na mula pa sa simula. Sumulat ako sa inyo mga kabataang lalaki, dahil kayo ay malakas, at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at napagtagumpayan ninyo ang kasamaan.
15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
-
10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay.
-
31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.
-
10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.
-
29 Dapat walang lalabas na masamang salita sa inyong bibig. Sa halip, dapat mga salitang may pakinabang ang lalabas sa inyong bibig, upang magbigay ng pakinabang sa mga nakikinig.
-
6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo.
8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.
10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
-
8 Aking anak, pakinggan ang tagubilin ng iyong ama at huwag isang tabi ang mga utos ng iyong ina; 9 ito ay magiging kaaya-ayang korona sa iyong ulo at mga palawit sa iyong leeg.
-
1 Alalahanin mo rin ang iyong Manlilikha sa araw ng iyong kabataan, bago dumating ang araw ng paghihirap, at bago dumating ang mga taon na sasabihin mong, “Hindi ako nasisiyahan sa kanila,” 2 bago dumilim ang liwanag ng araw at buwan at mga bituin, at bumalik ang mga maiitim na ulap pagkatapos ng ulan. 3 Iyon ang panahon na manginginig ang mga tagapagbantay ng palasyo, at yuyuko ang mga malalakas na tao, at ang mga babaeng nagdidikdik ay titigil dahil kaunti sila, at ang mga tumatanaw sa mga bintana ay hindi na makakakita nang malinaw.
-
17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.
18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.
20 Kaya kami ay itinalaga bilang mga kinatawan ni Cristo, na para bang ang Diyos mismo ang nakikipag-usap sa inyo sa pamamagitan namin. Ipinakikiusap namin sa inyo, alang-alang kay Cristo: “Makipagkasundo kayo sa Diyos!” 21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.
-
11 Kaya manabik tayo na makapasok sa kapahingahan na iyon, upang walang sinuman ang mahulog sa uri ng pagsuway na kanilang ginawa.
12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso. 13 Walang bagay nanilikha ang makakatago sa paningin ng Diyos. Sa halip, lahat ng bagay ay lantad at hayag sa mga mata ng dapat nating panagutan.
-
4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.
6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.
-
13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari.
-
23 Panatilihing ligtas ang iyong puso at bantayan ito nang may buong sigasig, dahil mula dito dumadaloy ang mga bukal ng buhay. 24 Ilayo ang baluktot na pananalita mula sa iyo at ilayo ang maruruming salita mula sa iyo. 25 Hayaan mong tumingin nang tuwid ang iyong mga mata at ipirmi ng tuwid ang iyong pagtitig sa harap mo. 26 Gumawa ng isang patag na landas para sa iyong paa; sa gayon lahat ng iyong mga daraanan ay magiging ligtas. 27 Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa; ipihit ang iyong paa palayo mula sa kasamaan.
-
6 Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon.
-
1 Yamang napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan niya nagkaroon din tayo ng daan sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na kung saan tayo ay tumatayo. Nagagalak tayo sa pananalig na ibinibigay sa atin ng Diyos para sa hinaharap, ang pananalig na makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.
3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.
6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos.
-
16 Kaya hindi kami nasiraan ng loob. Kahit na pinanghihinaan kami sa aming panlabas na katawan, patuloy na pinalalakas ang amig kalooban sa araw-araw. 17 Sapagkat, ang panandalian at bahagyang pagdadalamhati na ito ay naghanda sa amin para sa walang hanggang bigat ng kaluwalhatian na hindi masukat. 18 Sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita. Ang mga bagay na nakikita ay panandalian, ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
-
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
-
7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.
-
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.
3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.
5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus.
-
22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.
23 Ngunit tanggihan ang mga walang kabuluhan at mangmang na mga katanungan. Alam mo na hahantong ang mga ito sa pagtatalo. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.
-
6 Ang dila ay isa ring apoy, isang mundo ng makasalanan na inilagay sa bahagi ng ating mga katawan, nagpaparumi sa buong katawan at pinagniningas ang daan ng buhay, at ito ay nakatakdang apoy mula sa impiyerno.
7 Bawat uri ng mga mababangis na hayop, mga ibon, mga gumagapang at mga nilalang sa dagat ay kayang paamuin at napaamo ng mga tao, 8 ngunit walang kahit na sinuman ang makapagpapaamo ng dila: walang tigil na kasamaan, puno ng nakamamatay na lason.
9 Sa pamamagitan ng dila pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito nagsusumpa tayo ng tao, na nilikhang kalarawan ng Diyos. 10 Galing sa iisang bibig ang pagsasalita ng pagpapala at pagsusumpa. Aking mga kapatid, hindi dapat mangyari ang mga bagay na ito.
Shows Read in context, Share and Copy.