59 Bible Verses About Truth

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Truth
  1. 1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta.”

    5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, papaano namin malalaman ang daan?

    6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko. 7 Kung nakilala mo na ako, dapat kilala mo na rin ang aking Ama; mula ngayon kilala mo na siya at nakita mo na siya.”

  2. 17 Italaga mo sila sa iyong sarili na nasa katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.

  3. 1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

    3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat.

  4. 20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo. 21 Iniisip kong narinig na ninyo ang patungkol sa kaniya. Iniisip kong naturuan na kayo patungkol sa kaniya, dahil na kay Jesus ang katotohanan. 22 Dapat ninyong hubarin ang naaayon sa dati ninyong gawain, ang dating pagkatao. Ito ay ang dating pagkatao na nabubulok dahil sa mapanlinlang na pagnanasa. 23 Hubarin ninyo ang dating pagkatao upang mabago ang espiritu ng inyong pag-iisip. 24 Gawin ninyo ito upang maisuot ninyo ang bagong pagkatao, na naaayon sa Diyos. Nilikha ito sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

    25 Kaya nga alisin ninyo ang kasinungalingan. “Magsalita ng katotohanan, ang bawat isa sa kaniyang kapwa,” sapagkat kabahagi tayo ng bawat isa.

  5. 31 Sinabi ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya, “Kapag kayo ay nanatili sa aking salita, kayo nga ay tunay kong mga alagad; 32 at malalaman ninyo ang katotohan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

  6. 36 Sumagot si Jesus, “Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito. Kung ang aking kaharian ay kabahagi ng mundong ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Sa katunayan, ang aking kaharian ay hindi nagmumula dito.”

    37 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ikaw nga ba ay isang hari?” Sumagot si Jesus, “Sinabi mo na ako ay hari. Ako ay ipinanganak para sa layuning ito, at para sa layuning ito ako naparito sa mundo upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Lahat ng kabilang sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.”

    38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, “Ano ang katotohanan?” Nang masabi niya ito, lumabas siya muli sa mga Judio at sinabi sa kanila, “Wala akong nakitang krimen sa taong ito.

  7. 42 Sabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin ninyo ako, sapagkat ako ay nagmula at nanggaling sa Diyos; sapagkat hindi ako naparito dahil sa aking sarili lamang, kundi isinugo niya ako.

    43 Bakit hindi ninyo naiintindihan ang aking mga salita? Ito ay dahil hindi ninyo kayang makinig sa aking mga salita. 44 Kayo ay mula sa inyong ama na ang diablo, at hinahangad ninyong gawin ang mga kahalayan mula sa inyong ama. Siya ay isang mamamatay tao mula sa simula at hindi nananatili sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kaniya. Kapag nagsalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa sarili niyang kalikasan dahil siya ay sinungaling at ang ama ng kasinungalingan. 45 Subalit, dahil nagsasalita ako ng katotohanan hindi kayo naniniwala.

    46 Sino sa inyo ang hahatol sa aking kasalanan? Kung nagsasalita ako ng katotohanan, bakit hindi ninyo ako pinapaniwalaan? 47 Ang sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos; hindi ninyo naririnig ang mga ito dahil hindi kayo sa Diyos.”

  8. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.

  9. 1 Mga minamahal kong anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapagtanggol sa Ama, Si Jesu-Cristo ang nag-iisang makatuwiran. 2 Siya ang taga-pamayapa para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.

    3 Sa pamamagitan nito alam nating kilala natin siya, kung iniingatan natin ang kanyang mga kautusan. 4 Siya na nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” pero hindi pinapanatili ang kanyang mga kautusan, ay isang sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. 5 Pero ang sinumang pinapanatili ang kaniyang salita, tunay na sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos ay naging lubos. Sa pamamagitan nito alam nating tayo ay nasa kaniya. 6 Siya na nagsasabing siya ay nananatili sa Diyos ay nararapat ding lumakad nang katulad ng paglakad ni Jesu-Cristo.

  10. 12 Ang lahat ng gustong mamuhay ng matuwid kay Cristo Jesus ay uusigin. 13 Ang masasamang tao at ang mga mapagpanggap ay mas lalong lalala. Ililigaw nila ang iba. Sila mismo ay maililigaw.

    14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  11. 23 Bilhin ang katotohanan, ngunit huwag itong ipagbili; bilhin ang karunungan, disiplina at pang-unawa.

  12. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso.

  13. 17 Sinumang nagsasabi ng totoo ay nagsasalita ng tama, pero ang bulaang saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan.

  14. 12 Dahil ang aming maraming paglabag sa iyong kautusan ay nasa harapan mo, at ang aming mga kasalanan ay magpapatotoo laban sa amin; dahil ang aming mga pagkakasala ay nasa amin, at nalalaman namin ang aming mga kasalanan. 13 Kami ay nagrebelde, itinatanggi si Yahweh at tumatalikod mula sa pagsunod sa aming Diyos. Kami ay nagsalita ng paniniil at sa paglihis, nag-isip ng reklamo mula sa puso at mga salita ng kasinungalingan. 14 Ang katarungan ay ipinagkait, at ang katuwiran ay nananatiling malayo; dahil ang katotohanan ay nakatitisod sa liwasang-bayan, at ang matuwid ay hindi makararating. 15 Ang mapagkakatiwalaan ay naglaho ng tuluyan, at siya na tumalikod mula sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kaniyang sarili. Nakita ito ni Yahweh at nagalit siya na wala ng katarungan.

  15. 5 Kinukutya ng bawat isa ang kaniyang kapwa at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nagtuturo ng mga mapanlinlang na bagay ang kanilang mga dila. Pagod na pagod sila sa paggawa ng malaking kasalanan. 6 Namuhay kayo sa gitna ng pandaraya. Sa kanilang panlilinlang, tinanggihan nila akong kilalanin. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

  16. 16 Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsabi ang bawat tao ng katotohanan sa kaniyang kapwa. Humatol nang may katotohanan, katarungan, at kapayapaan sa inyong mga tarangkahan.

  17. 16 At mananalangin ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Manga-aliw upang siya ay sumainyo magpakailanman, 17 na ang Espiritu ng katotohanan. Hindi siya maaaring tanggapin ng mundo dahil hindi siya nakikita nito o nakikilala man. Subalit, kayo, kilala ninyo siya, dahil nanatili siya sa inyo at sasainyo.

  18. 13 Subalit, kapag siya na Espiritu ng Katotohanan ay dumating, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan: dahil hindi siya magsasalita mula sa kaniyang sarili, ngunit anumang mga bagay ang naririnig niya, sasabihin niya ang mga ito, at ihahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating.

  19. 2 Sa halip, itinakwil pa namin ang mga kaparaanan na kahiya-hiya at nakatago. Hindi kami namumuhay sa pandaraya, at hindi namin ginagamit sa maling paraan ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan, iminumungkahi namin ang aming sarili para sa budhi ng lahat sa paningin ng Diyos.

  20. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  21. 1 Minamahal, huwag maniwala sa bawat espiritu, pero suriin ang mga espiritu upang makita kung sila ay sa Diyos, dahil maraming mga bulaang propeta ang nagsilabasan sa mundo. 2 Sa paraang ito malalaman mo ang Espiritu ng Diyos — ang bawat espiritu na kinikilala si Jesu-Cristo na nagkatawang tao ay sa Diyos, 3 at bawat espiritu na hindi kinikilala si Jesus ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng antikristo, na inyong narinig na darating, at ngayon ay nasa mundo na.

    4 Kayo ay sa Diyos, minamahal kong mga anak, at napagtagumpayan sila dahil ang siyang sumasainyo ay mas dakila kaysa siyang nasa mundo. 5 Sila ay makamundo, kaya't ang sinasabi nila ay para sa mundo, at ang mundo ay nakikinig sa kanila. 6 Tayo ay sa Diyos. Siyang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Siyang hindi nasa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa pamamagitan nito nalalaman natin ang espiritu ng katotohan at ang espiritu ng kamalian.

  22. 20 Pero alam natin na ang Anak ng Diyos ay dumating at binigyan tayo ng kaunawaan, na kilala natin siya na totoo, at tayo ay nasa kanya na siyang totoo- kahit na sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang totoong Diyos at buhay na walang hanggan.

  23. 22 Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos.

  24. 3 Yahweh, hindi ba't tumitingin ka sa katapatan? Hinampas mo ang mga tao ngunit hindi sila nakaramdam ng sakit. Ganap mo silang nilipol, ngunit tumanggi pa rin silang tanggapin ang iyong pagdidisiplina. Ginawa nilang mas matigas kaysa sa bato ang kanilang mga mukha sapagkat tumanggi silang magsisi.

  25. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Biyaya at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

  26. 21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag upang ang kaniyang mga gawa ay malinaw na makita at ang mga iyon ay naganap dahil sa pagsunod sa Diyos.”

  27. 24 Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga taong sasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”

  28. 18 Sinuman ang magsalita mula sa kaniyang sarili ay naghahangad ng sariling kalulwalhatian, ngunit sinuman ang naghahangad ng kalulwalhatian sa kaniya na nagsugo sa kaniya, ang taong iyon ay totoo at walang kasamaan sa kaniya.

  29. 13 Dahil kay Cristo kaya napakinggan din ninyo ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Dahil sa kaniya kayo rin ay nanampalataya at tinatakan sa pinangakong Banal na Espiritu. 14 Ang Espiritu ang katibayan ng ating pamana hanggang sa makamtan ang pangako. Para ito sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.

  30. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan.

  31. 8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

  32. 19 Hindi isang tao ang Diyos, na kailangan niyang magsinungaling, o isang tao, na kailangang magbago ang kaniyang isip. Nangako ba siya ng anumang bagay na hindi ito ginagawa? Nagsabi ba siyang gagawin niya ang isang bagay na hindi niya ito tinutupad?

  33. 4 Dahil ang salita ni Yahweh ay matuwid, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay patas.

  34. 6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan.

  35. 10 Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay dakila sa kalangitan at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay umaabot sa himpapawid.

  36. 160 Ang diwa ng iyong salita ay mapagkakatiwalaan; bawat isa sa mga utos mo ay mananatili magpakailanman. SHIN.

  37. 18 Si Yahweh ay malapit sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya, ang lahat ng tumatawag sa kaniya ng may pagtitiwala.

  38. 19 Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.

  39. 28 Sabihin mo sa kanila, 'Ito ay isang bansa na hindi nakikinig sa tinig ni Yahweh na kaniyang Diyos at hindi tumatanggap ng pagtutuwid. Nasira at naalis ang katotohanan mula sa kanilang mga bibig.

  40. 1 Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tao ng Israel. May hindi pagkakasunduan si Yahweh laban sa mga naninirahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan o katapatan sa kasunduan at walang kaalaman ng Diyos sa lupain.

  41. 26 Kapag darating na ang Manga-aliw na siyang aking isusugo sa inyo mula sa Ama, na ang Espiritu ng katotohanan, na nanggaling mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin.

  42. 7 Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyo na ako ay lumisan; dahil kung hindi ako lilisan; hindi darating sa inyo ang Manga-aliw, subalit kung ako ay lilisan, susuguin ko siya sa inyo.

  43. 8 Kaya atin nang ipagdiwang ang pista, hindi sa lumang lebadura, na siyang lebadura ng masamang pag-uugali at kasamaan. Kundi, ipagdiwang natin ang tinapay na walang lebadura ng katapatan at katotohanan.

  44. 4 Ang pag-ibig ay mapagpasensya at magandang loob. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit o nagyayabang. Hindi mapagmataas, 5 o hindi marahas. Hindi makasarili, hindi madaling magalit, ni nagkikimkim ng bilang na mga kamalian. 6 Hindi nagsasaya sa kalikuan. Sa halip, nagsasaya sa katotohanan.

  45. 16 Kaya noon, naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan sa inyo?

  46. 6 Huwag hayaang may tao na manlinlang sa inyo ng mga salitang walang laman. Dahil sa mga bagay na ito ang galit ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Kaya huwag kayong makibahagi sa kanila.

    8 Sapagkat noon kayo ay kadiliman, ngunit ngayon kayo ay kaliwanagan sa Panginoon. Kaya lumakad kayo bilang mga anak ng liwanag. 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay napapalooban ng lahat ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan. 10 Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.

  47. 8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito.

  48. 13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.

    15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.

    18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.

  49. 6 Kung walang pananampalataya hindi maaaring bigyan ng kaluguran ang Diyos, at ang sino man na lalapit sa Diyos ay kinakailangang manalig na siya ay umiiral at gagantimpalan niya ang sino man na humahanap sa kaniya.

    7 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Noe, ay binalaan ng Diyos ukol sa mga bagay na hindi pa nakita, nang may maka-diyos na paggalang ay gumawa ng isang daong upang mailigtas ang kaniyang pamilya. Sa paggawa nito, hinatulan niya ang mundo at naging tagapagmana ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya.

  50. 16 Sa pamamagitan nito alam natin ang pag-ibig, sapagkat inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Nararapat din nating ialay ang ating mga buhay para sa mga kapatid. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan. 19 Sa pamamagitan nito alam natin na tayo ay nasa katotohanan at tinitiyak natin ang ating mga puso sa kanyang harapan. 20 Sapagkat kapag sinusumpa tayo ng ating mga puso, mas dakila ang Diyos kaysa sa ating mga puso, at alam niya ang lahat ng mga bagay.

    21 Mga minamahal, kapag hindi tayo isinisumpa ng mga puso natin, may kapanatagan tayo sa Diyos. 22 At anuman ang hihilingin natin, matatanggap natin mula sa kanya, dahil pinanatili natin ang kanyang mga kautusan at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. 23 At ito ang kanyang kautusan - na tayo ay dapat maniwala sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo at mahalin ang bawat isa - gaya ng ibinigay niyang kautusan sa atin. 24 Siya na pinapanatili ang kautusan ng Diyos ay nananatili sa kanya, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. At sa pamamagitan nito alam natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.

  51. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises, ang lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Panginoong Diyos, siya na naghahari sa lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga gawa, Hari ng mga bansa.

  52. 7 Narinig kong sumagot ang altar, “Oo, Panginoong Diyos, siyang namumuno sa lahat, ang iyong mga hatol ay totoo at makatarungan.”

  53. 11 Turuan mo ako ng iyong mga pamamaraan, Yahweh. At ako ay lalakad sa iyong katotohanan. Pag-isahin mo ang aking puso sa pagsamba sa iyo.

  54. 33 Narinig ninyo rin na sinabi nang mga tao noong unang panahon, 'Huwag kang manunumpa ng kasinungalingan ngunit tuparin mo ang iyong mga sumpa sa Panginoon.' 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na lamang kayong manumpa, huwag sa langit dahil ito ang trono ng Diyos, 35 huwag sa lupa dahil ito ang tapakan ng kaniyang mga paa, huwag din sa Jerusalem dahil ito ang lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag ka ring manumpa sa pamamagitan ng iyong ulo sapagkat ni isa mang buhok ay hindi mo kayang gawing puti o itim. 37 Ngunit hayaan mo ang iyong salita ay maging, 'Oo, kung oo' o 'Hindi, kung hindi.' Anuman ang lalabis pa sa mga ito ay galing sa kaniya na masama.

  55. 3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”

  56. 24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili. 25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.

  57. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo. 12 Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo. Sa halip, ito ay laban sa pamahalaan at kapangyarihang espiritwal at mga tagapamahala ng kaharian ng masamang kadiliman, laban sa mga masasamang espiritu sa kalangitan.

    13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo.

  58. 1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.

  59. 1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.