44 Bible Verses About Circumcision

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Circumcision
  1. 5 Ang pangalan mo ay magiging Abraham, at hindi na Abram—dahil itinalaga kita na maging ama ng napakamaraming bansa.

    6 Pamumungahin kita nang lubos, at magmumula sa iyo ang maraming bansa, at ang mga magiging hari ay magmumula rin sayo.

    7 Magtatatag ako ng tipan sa pagitan natin at sa iyong mga magiging kaapu-apuhan, hanggang sa kanilang buong salinlahi, para sa isang walang hanggang tipan, na ako ang magiging Diyos mo at ng mga susunod mong mga kaapu-apuhan.

    8 Ibibigay ko sayo at sa mga susunod mong kaapu-apuhan, ang lupain kung saan ka naninirahan, lahat ng lupain sa Canaan, para sa walang hanggang pag-aari at ako ang magiging Diyos nila.”

    9 Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Abraham, “Para sayo, dapat mong ingatan ang aking tipan, ikaw at ang susunod mong kaapu-apuhan hanggang sa kanilang buong salinlahi. 10 Ito ang aking tipan sa pagitan ko at sa pagitan mo at sa susunod mong mga kaapu-apuhan na dapat mong ingatan: Lahat ng lalaki sa inyo ay dapat matuli. 11 Dapat kayong matuli sa laman ng iyong balat, at ito ang magiging palatandaan ng tipan sa pagitan ko at pagitan mo.

    12 Bawat lalaki sa inyo ay dapat na matuli pagsapit ng ikawalong araw na gulang, maging sa mga susunod ninyong salinlahi. Kasama rito ang mga ipinanganak sa iyong sambahayan, pati na ang nabili ng salapi mula sa mga dayuhan na hindi kasama sa iyong mga kaapu-apuhan. 13 Siya na ipinanganak sa iyong sambahayan, at nabili ng iyong salapi ay dapat matuli. Sa gayon ang aking tipan ay mapapasaiyong laman para sa walang hanggang tipan.

    14 Sinuman sa mga hindi tuli ang hindi tinuli sa laman ng kaniyang balat ay ihihiwalay mula sa kanyang sambayahan. Sinira niya ang aking tipan.

    15 Sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol naman kay Sarai na iyong asawa, hindi na Sarai ang itatawag mo sa kanya. Sa halip, Sarah ang kanyang magiging pangalan. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak na lalaki sa pamamagitan niya. Pagpapalain ko siya, at siya ang magiging ina ng mga bansa. Ang mga hari ng mga tao ay magmumula sa kanya.”

  2. 25 Sapagkat tunay na pinakikinabangan mo ang pagtutuli kung sinusunod mo ang kautusan, ngunit kung ikaw ay tagalabag ng kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli. 26 Kung sinusunod ng taong hindi tuli ang mga hinihingi ng kautusan, hindi ba maituturing na pagtutuli ang kaniyang hindi pagtutuli? 27 At hindi ka ba hahatulan ng taong likas na hindi tuli kung tutuparin niya ang kautusan? Sapagkat nasa iyo ang mga kasulatang nasusulat at ang pagtutuli subalit tagalabag kayo ng kautusan!

    28 Sapagkat hindi siya isang Judio, siya na sa panlabas lamang; hindi rin sa pagtutuli na panlabas lamang sa laman. 29 Ngunit siya ay Judio, siya na isang Judio sa panloob, at ang pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi sa titik. Ang kapurihan ng ganoong tao ay nagmumula hindi sa mga tao kundi sa Diyos.

  3. 8 Tiyakin ninyong walang huhuli sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at ang walang kabuluhang pagmamayabang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga elemento ng mundo, at hindi naaayon kay Cristo. 9 Sapagkat sa kaniyang katawan nabubuhay ang lahat ng kaganapan ng Diyos. 10 At napuno kayo sa kaniya. Siya ang ulo ng bawat kapangyarihan at kapamahalaan.

    11 Sa kaniya, tinuli rin kayo sa pamamagitan ng pagtutuli na hindi ginagawa ng mga tao, ang pagtatanggal sa katawan ng laman, ngunit sa pagtutuli ni Cristo. 12 Inilibing kayong kasama niya sa bautismo. At sa kaniya ay ibinangon kayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na siyang nagbangon sa kaniya mula sa mga namatay.

    13 noong kayo ay patay sa inyong mga pagkakasala at sa hindi pagkakatuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya at pinatawad tayong lahat sa ating mga paglabag. 14 Binura niya ang nakasulat na tala ng mga pagkaka-utang at ang mga tuntunin na laban sa atin. Tinanggal niya ang lahat ng mga ito at ipinako ito sa krus.

  4. 9 Kung gayon, ang pagpapalang ito ba ay inihayag sa mga taong tuli lamang, o pati na rin sa mga hindi tuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay naibilang kay Abraham na katuwiran.” 10 Kaya nga, paano ito naibilang? Nang si Abraham ba ay tinuli na o hindi pa? Hindi sa pagtutuli, kundi sa hindi pagtutuli.

    11 Tinanggap ni Abraham ang tanda ng pagtutuli. Ito ay tatak ng pagkamatuwid ng pananampalataya na mayroon na siya nang siya hindi pa natutuli. Ang bunga ng tandang ito ay siya ang naging ama ng lahat ng nananampalataya, kahit na hindi sila ay nasa hindi pagtutuli. Ito ay nangangahulugan na ang katuwiran ay maibibilang sa kanila. 12 Ito ay nangangahulugan ding si Abraham ay naging ama ng pagtutuli, hindi lamang sa mga tuli, kundi pati na rin sa mga sumusunod sa mga yapak ng ating amang si Abraham. At ito ang pananampalataya na mayroon siya noong hindi pa siya natutuli.

    13 Sapagkat ang pangako na naibigay kay Abraham at pati na rin sa kaniyang mga kaapu-apuhan ay hindi sa pamamagitan ng kautusan, ang pangakong ito na sila ang magiging mga tagapagmana ng mundo. Sa halip ay sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya.

  5. 1 Para sa kalayaan kaya pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag kayong magpabitag muli sa ilalim ng kapangyarihan ng pagkabihag.

    2 Makinig kayo, ako si Pablo, ay nagsasabi sa inyo na kung kayo ay magiging tuli, walang kayong mapapakinabangan na anuman kay Cristo. 3 Muli, pinatotohanan ko sa bawat tao na tuli, na mapipilitan kayong sundin ang buong kautusan. 4 Nahiwalay kayo kay Cristo, kayong lahat na “pinawalang sala” sa pamamagitan ng kautusan. Lamayo kayo mula sa biyaya.

    5 Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya, naghihintay tayo sa pag-asang tayo ay magiging matuwid. 6 Hindi mahalaga kay Cristo ang pagtutuli. Ang pananampalataya lamang na gumagawa sa pamamagitan pag-ibig ang may halaga.

    7 Maganda ang pagtakbo ninyo noon. Sino ang pumipigil sa inyo sa pagtupad sa katotohanan? 8 Ang paghikayat na gawin iyan ay hindi galing sa kaniya na tumawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura ay nakakaapekto sa buong minasang harina. 10 May pananalig ako sa inyo sa Panginoon na hindi kayo mag-iisip ng kung ano pa man. Siya na nagdudulot ng kalituhan sa inyo ay magdadala ng kaniyang sariling hatol, sinuman siya.

    11 Mga kapatid, kung ipinahahayag ko parin ang pagtutuli, bakit inuusig parin ako? Kung ganoon nawasak na ang katitisuran ng krus. 12 Nais ko sana na ang mga nangligaw sa inyo ay kapunin nila ang mga sarili nila.

  6. 12 Silang naghahangad na makapagbigay kaluguran sa laman ang pumipilit sa inyo na magpatuli. Ginagawa lang nila ito upang hindi sila usigin tungkol sa krus ni Cristo. 13 Sapagkat maging ang mga tuli ay hindi sinusunod ang kautusan. Sa halip, nais nila kayong matuli upang maipagmalaki nila ang patungkol sa inyong laman.

    14 Hindi sana mangyari na ako ay magmalaki maliban lang sa krus ng ating Panginoong Jesu- Cristo. Sa pamamagitan niya ang sanlibutan ay napako sa krus sa akin at ako ay sa sanlibutan. 15 Sapagkat hindi mahalaga ang pagtutuli o hindi pagtutuli. Sa halip, ang bagong nilalang ang mahalaga.

    16 Sa lahat ng mga nabubuhay sa ganitong patakaran, sumakanila nawa ang biyaya at awa, at ganun din sa Israel ng Diyos.

  7. 1 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Para sa akin, hindi kaabalahan ang isulat muli ang parehong mga bagay na ito sa inyo. Pananatilihin kayong ligtas ng mga bagay na ito.

    2 Mag-ingat kayo sa mga asal aso. Mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng masama. Mag-ingat kayo sa mga paninira. 3 Sapagkat tayo ang pagtutuli. Tayo na sumasamba sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Tayo na ipinagmamalaki si Cristo Jesus at walang anumang pagtitiwala sa laman. 4 Gayunpaman, ako sa aking sarili ay maaaring magkaroon ng pagtitiwala sa laman. Kung iniisip ninuman na siya ay may pagtitiwala sa laman, maaari akong magkaroon ng higit pa. 5 Tinuli ako noong ika-walong araw. Ipinanganak ako sa lahi ng Israel, sa lipi ni Benjamin. Ipinanganak akong isang Hebreo ng mga Hebreo. Bilang paggalang sa kautusan, ipinanganak akong isang Pariseo. 6 Masigasig kong inusig ang iglesiya. Bilang paggalang sa katuwiran ng batas, wala akong sala.

    7 Ngunit anumang mga bagay na nagbigay karangalan sa akin, itinuring kong gaya ng mga basura dahil kay Cristo.

  8. 12 Ngayon, Israel, ano ang kailangan ni Yahweh na inyong Diyos, maliban sa matakot kay Yahweh na inyong Diyos, para lumakad sa lahat ng kaniyang kaparaanan, para ibigin siya, at para sambahin si Yahweh na inyong Diyos ng buong puso at buong kaluluwa, 13 para sundin ang mga utos ni Yahweh, at ang kaniyang mga batas, na inuutos ko sa inyo ngayon para sa inyong kabutihan?

    14 Tingnan ninyo, pag-aari ni Yahweh na inyong Diyos ang langit ng kalangitan, ang sanlibutan, kasama ang lahat na nasa kanila. 15 Si Yahweh lamang ang nasiyahan sa inyong mga ama para ibigin sila, at pinili niya kayo, na kanilang mga kaapu-apuhan, na kasunod nila, kaysas sa sa ibang mga tao, gaya ng ginagawa niya ngayon.

    16 Kaya nga tuliin ang masamang balat ng inyong puso at huwag maging suwail. 17 Dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, ang tanging makapangyarihan at ang tanging kinatatakutan, na siyang walang itinatanging sinuman at hindi tumatanggap ng mga suhol.

  9. 1 Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakarating sa inyo, ang mga pagpapala at ang mga sumpa na itinalaga ko sa harapan ninyo, at kapag isinaisip ninyo ito kasama ang lahat ng ibang mga bansa kung saan si Yahweh ang inyong Diyos ay dinala kayo, 2 at kapag bumalik kayo kay Yahweh na inyong Diyos at sumunod sa kaniyang boses, susundin ang lahat ng mga sinasabi ko sa inyo sa araw na ito— kayo at inyong mga anak— ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa, 3 kung gayon babaligtarin ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong pagkakabihag at magkakaroon ng habag sa inyo, babalik siya at titipunin kayo mula sa lahat ng mga tao kung saan si Yahweh ang inyong Diyos ay ikinalat kayo. 4 Kung mayroon sa mga lahi ninyo ang ipinatapon sa pinaka-malalayong mga lugar mula sa ilalim ng kalangitan, mula kung saan si Yahweh na inyong Diyos ay titipunin kayo, at magmula doon dadalhin niya kayo.

    5 Si Yahweh na inyong Diyos ay dadalhin kayo sa lupain na pagmamay-ari ng inyong mga ninuno, at magiging sa inyo ulit ito; Gagawan ka niya ng kabutihan at pararamihin kayo higit pa sa ginawa niya sa inyong mga ninuno. 6 Tutuliin ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong puso at ang puso ng inyong mga kaapu-apuhan para mamahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa, para kayo ay mabuhay.

    7 Ilalagay ni Yahweh na inyong Diyos itong mga sumpa sa inyong mga kaaway at sa mga galit, at sa sinumang nagpapahirap sa inyo. 8 Babalik kayo at susunod sa boses ni Yahweh, at gagawin ninyo ang lahat ng kaniyang mga utos na inuutos ko sa inyo sa araw na ito.

  10. 17 Hayaan na lamang na ang bawat isa ay mamuhay sa buhay na itinalaga ng Panginoon sa kanila, gaya ng pagkatawag ng Diyos sa bawat isa. Ito ang aking panuntunan sa lahat ng iglesia. 18 Mayroon bang natuli ng siya ay tawagin upang sumampalataya? hindi niya dapat alisin ang mga tanda ng kaniyang pagkakatuli. Mayroon bang hindi natuli ng siya ay tawagin sa pananampalataya? Hindi siya dapat magpatuli. 19 Sapagkat hindi ang tuli o ang hindi tuli ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

    20 Dapat manatili ang bawat isa sa pagkakatawag kung ano siya noon ng tawagin siya ng Diyos upang sumampalataya.

  11. 25 Tingnan ninyo, darating ang mga araw na parurusahan ko ang lahat ng tuli lamang sa kanilang mga katawan. Ito ang pahayag ni Yahweh. 26 Parurusahan ko ang Egipto, Juda, Edom, mga tao sa Ammon, Moab at lahat ng tao na nagpaputol ng kanilang mga buhok sa ulo, na naninirahan sa disyerto. Sapagkat hindi tuli ang lahat ng bansang ito at matigas ang puso ng lahat ng nasa sambahayan ng Israel.”

  12. 2 “Kausapin ang mga tao ng Israel, sabihin, 'kung nabuntis ang isang babae at nanganak ng isang batang lalaki, sa gayon siya ay magiging marumi sa loob ng pitong araw, halos katulad ng siya'y marumi noong mga araw ng kaniyang buwanang pagdurugo. 3 Sa ikawalong araw dapat tuliin ang laman na natatakpan ng balat ng isang sanggol na lalaki.

  13. 21 Noong ikawalong araw at siyang panahon para tuliin ang sanggol, pinangalanan nila siyang Jesus, ang pangalan na ibinigay ng anghel bago pa siya ipinagbuntis.

    22 Nang lumipas ang nakatakdang bilang ng mga araw ng kanilang seremonya ng paglilinis, alinsunod sa kautusan ni Moises, dinala siya ni Jose at Maria sa templo sa Jerusalem para iharap siya sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat anak na lalaki na nagbubukas sa sinapupunan ay tatawaging nakatalaga sa Panginoon.” 24 Sila rin ay dumating upang mag-alay ng handog na alinsunod sa sinabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang kalapati o dalawang inakay na batu-bato.”

  14. 1 May ilang mga lalaki na bumaba galing sa Judea at nagturo sa mga kapatid na nagsasabi “Maliban na kayo ay magpatuli mula sa kaugalian ni Moises, kayo ay hindi maliligtas.” 2 Nang nakipagharap at nakipagtalo sa kanila sina Pablo at Bernabe, nagpasiya ang mga kapatid na sina Pablo, Bernabe, at ang ilan sa kanila ay kailangang pumunta sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga nakatatanda patungkol sa mga pinagtatalunan nila.

    3 Kaya sila, na pinadala ng iglesiya ay dumaan ng Fenicia at Samaria at ipinahayag ang pagbabalik-loob ng mga Gentil. Nagdulot sila ng lubos na kagalakan sa lahat ng kapatid. 4 Nang dumating sila sa Jerusalem, sinalubong sila ng iglesia, ng mga apostol at ng nakatatanda, at ipinahayag ang lahat ng mabuting ginawa ng Diyos sa kanila.

    5 Ngunit ilan sa mga kalalakihan na nanampalataya, na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo ay tumayo at nagsabi, “Kinakailangan na sila ay matuli at utusan sila na sundin ang kautusan ni Moises.” 6 Kaya nagtipon ang mga apostol at nakatatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.

    7 Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at sinabi sa kanila “Mga kapatid, alam ninyo na hindi pa nagtatagal ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig kailangang marinig ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo, at manampalataya. 8 Ang Diyos na nakakaalam ng puso ay nagpatotoo sa kanila, ibinibigay sa kanila ang Banal na Espiritu, katulad ng ginawa niya sa atin; 9 at wala siyang tinangi sa atin at sa kanila, ginawa niyang malinis ang kanilang mga puso sa pamamamagitan ng pananampalataya.

    10 Ngayon bakit ninyo sinusubukan ang Diyos, na dapat kayong maglagay ng pamatok sa leeg ng mga alagad na kahit ang ating mga ama o maging tayo man ay hindi kayang makadala? 11 Ngunit naniniwala tayo na tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, katulad nila.”

    12 Nanatiling tahimik ang mga tao habang nakikinig kay Bernabe at Pablo na ibinabalita ang mga tanda at himala na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nilang tumigil sa pagsasalita, sumagot si Santiago, na sinasabi “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Sinabi ni Simon kung paano unang tinulungan ng may mapagmahal ng Diyos ang mga Gentil upang kumuha mula sa kanila ng mga tao para sa kaniyang pangalan.” 15 Sumasang-ayon dito ang mga salita ng mga propeta, katulad ng nasusulat, 16 'Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako ay babalik, at itatayo ko muli ang tolda ni David na bumagsak; aayusin ko at itatayong muli ang mga guho nito, 17 upang ang mga natitirang mga kalalakihan ay hanapin ang Panginoon, kasama ang lahat na mga Gentil na tinawag sa aking pangalan.' 18 Ito ang sinasabi ng Panginoon, na siyang gumawa ng mga bagay na batid sa nagdaang kapanahunan.

    19 Kaya, ang opinyon ko ay dapat huwag nating gambalain ang mga Gentil na nagbalik sa Diyos; 20 sa halip, sulatan natin sila na dapat silang lumayo sa karumihan ng mga diyus-diyosan, mula sa sekswal na imoralidad, at mula sa mga binigti at sa dugo. 21 Mula sa mga nagdaang salinhali may mga tao na nagpapahayag at nagbabasa ng katuruan ni Moises sa sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga”.

  15. 24 Ngayon habang nasa daan, nang huminto sila para sa gabi, si Yahweh ay nakipagkita kay Moises at sinubukang patayin siya. 25 Pagkatapos kumuha si Zepora ng batong matulis at pinutol niya ang unahang balat ng kaniyang anak na lalaki, at inilapat ito sa paa ni Moises. Pagkatapos sinabi niya, “Sigurado ako na ikaw ang lalaking ikakasal sa akin sa pamamagitan ng dugo.”

    26 Kaya hinayaan siya ni Yahweh na mag-isa. Sinabi niya, “Ikaw ang lalaking ikakasal sa dugo” dahil sa pagtutuli.

  16. 1 Ito ang pahayag ni Yahweh. “Kung babalik ka Israel, dapat lamang na sa akin ka bumalik. Kung inalis mo ang mga kasuklam-suklam na bagay sa aking harapan at hindi na lilihis muli sa akin 2 at kung ipapangako mo, 'Namumuhay si Yahweh sa katotohanan, katarungan at katuwiran,' hihilingin ng mga bansa ang aking pagpapala at pupurihin nila ako.

    3 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh sa bawat tao sa Juda at Jerusalem, 'Bungkalin ninyo ang sarili ninyong lupain at huwag kayong maghasik sa mga matitinik. 4 Maging tuli kay Yahweh at alisin ninyo ang kasamaang bumabalot sa inyong puso, mga kalalakihan ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem, kung hindi, lalabas ang aking galit gaya ng apoy at sunog na walang sinumang makapapatay nito. Mangyayari ito dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.

  17. 11 Kaya tandaan ninyo na minsan kayo ay naging mga Gentil sa laman. Tinawag kayong “di tuli” sa tinatawag na pagtutuli sa laman na ginawa sa pamamagitan ng kamay ng mga tao. 12 Sapagkat hiwalay kayo kay Cristo sa panahong iyon. Kayo ay mga dayuhan sa mga taga-Israel. Hindi kayo kilala sa tipan ng pangako. Wala kayong katiyakan tungkol sa hinaharap. Wala kayong Diyos sa mundo. 13 Ngunit ngayon kay Cristo Jesus, kayong minsan na napalayo mula sa Diyos ay nailapit sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

    14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan. Ginawa niyang isa ang dalawa. Sa pamamagitan ng kaniyang laman sinira niya ang pader ng pagkakabaha-bahagi na humati sa atin, ang poot. 15 Binuwag niya ang mga batas ng kautusan at mga alituntunin upang maaari siyang makalikha sa kaniyang sarili ng isang bagong tao. Gumawa siya ng kapayapaan. 16 Ginawa niya ito upang ipagkasundo ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus. Sa krus inilagay niya sa kamatayan ang poot.

    17 Dumating si Jesus at nagpahayag ng kapayapaan sa inyo na mga nasa malayo at kapayapaan sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan ni Jesus mayroon tayo parehong daan sa iisang Espiritu patungo sa Ama.

    19 Kaya ngayon kayong mga Gentil hindi na kayo mga dayuhan at hindi kilala. Sa halip kayo ay mga kapwa mamamayan kasama ng mga pinili para sa Diyos at mga kasapi ng sambahayan ng Diyos. 20 Itinayo kayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta. Si Cristo Jesus ang batong panulukan. 21 Sa kaniya nagkakaugnay-ugnay ang buong gusali at lumalago bilang isang templo sa Panginoon. 22 Dahil sa kaniya kaya kayo din ay magkakasamang itinayo bilang isang tahanan para sa Diyos sa Espiritu.

  18. 1 At pagkatapos ng labing-apat na taon muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama si Bernabe. Isinama ko din si Tito. 2 Pumunta ako dahil ipinakita sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta. Inilahad ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinapahayag sa mga Gentil. (Ngunit nakipag-usap ako nang sarilinan sa mga waring mga mahahalagang mga pinuno). Ginawa ko ito upang tiyakin na hindi ako tumatakbo, o tumakbo, ng walang kabuluhan. 3 Ngunit kahit si Tito, na kasama ko, na isang Griego, ay hindi napilit na patuli.

    4 Ang mga bagay na ito ay lumitaw dahil sa nagpapanggap na mga kapatid na patagong dumating upang manmanan ang kalayaang mayroon tayo kay Cristo Jesus. Nais nilang maging alipin tayo sa kautusan. 5 Hindi kami nagpasakop sa kanila ng kahit isang oras, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatiling walang pababago para sa inyo.

  19. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.

  20. 10 Kanino ako magsasabi at magbibigay ng babala upang makinig sila? Tingnan ninyo! May takip ang kanilang mga tainga. Hindi nila kayang bigyan ng pansin! Tingnan ninyo! Dumating sa kanila ang salita ni Yahweh upang itama sila ngunit hindi nila ito nais.” 11 Ngunit napuno ako ng matinding poot ni Yahweh. Napagod ako sa pagpipigil nito. Sinabi niya sa akin, “Ibuhos mo ito sa mga bata sa mga lansangan at sa mga pangkat ng mga binata. Sapagkat kukunin ang bawat lalaki kasama ang kaniyang asawa at ang bawat matanda na nabibigatan ng mga taon.

  21. 14 Nang malapit na matapos ang kapistahan, umakyat si Jesus sa templo at nagsimulang magturo. 15 Namanghang ang mga Judio at sinasabi, “Paano nagkaroon ng maraming karunungan ang taong ito? Hindi naman siya nakapag-aral.”

    16 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, “Ang aking katuruan ay hindi akin, ngunit sa kaniya na nagsugo sa akin. 17 Kung sinuman ang nagnanais gawin ang kaniyang kalooban, malalaman niya ang tungkol sa katuruang ito, kung ito ay nangagaling sa Diyos o nanggaling sa sarili ko. 18 Sinuman ang magsalita mula sa kaniyang sarili ay naghahangad ng sariling kalulwalhatian, ngunit sinuman ang naghahangad ng kalulwalhatian sa kaniya na nagsugo sa kaniya, ang taong iyon ay totoo at walang kasamaan sa kaniya. 19 Hindi ba binigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Gayunman wala sa inyo ang gumagawa ng batas. Bakit gusto ninyo akong patayin?”

    20 Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang isang demonyo. Sino ang may gustong pumatay sa iyo?

    21 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Gumawa ako ng isang bagay, at namangha kayo dahil dito. 22 Binigyan kayo ni Moises ng pagtutuli (hindi sa iyon ay nagmula kay Moises, ngunit nagmula sa mga ninuno), at sa Araw ng Pamamahinga tinutuli ninyo ang isang lalaki. 23 Kung ang isang lalaki ay tumanggap ng pagtutuli sa Araw ng Pamamahinga upang ang batas ni Moises ay hindi malabag, bakit kayo nagagalit sa akin dahil ginawa kong ganap na magaling ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag humatol ayon sa anyo, ngunit humatol ng may katuwiran.

  22. 57 Ngayon ay dumating ang panahon ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Narinig ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na ang Panginoon ay nagpakita ng dakilang habag para sa kaniya, at sila ay nagalak kasama niya.

    59 Ngayon ay nangyari sa ikawalong araw na tuliin nila ang sanggol. Tatawagin sana nila siyang “Zacarias” mula sa pangalan ng kaniyang ama, 60 ngunit sumagot ang kaniyang ina at sinabi, “Hindi; siya ay tatawaging Juan.”

    61 Sinabi nila sa kaniya, “Wala pa ni isa sa iyong angkan ang tinawag sa ganyang pangalan.” 62 Sumenyas sila sa kaniyang ama kung ano ang gusto niyang ipangalan sa kaniya.

    63 Humingi ang kaniyang ama ng isang sulatan at nagsulat siya, “Ang kaniyang pangalan ay Juan.” Silang lahat ay namangha dito. 64 Agad nabuksan ang kaniyang bibig at napalaya ang kaniyang dila. Nagsalita at nagpuri sa Diyos.

    65 Natakot ang lahat ng nakatira malapit sa kanila. Lahat ng mga bagay na ito ay kumalat sa lahat ng bahagi ng maburol na lupain ng Judea. 66 At ito ay itinago ng lahat ng nakarinig sa kanilang mga puso, na nagsasabi, “Ano kaya ang magiging kapalaran ng batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay nasa kaniya.

  23. 1 Nakarating din si Pablo sa Derbe at Listra, at masdan ito, naroon ang isang alagad na nagngangalang Timoteo, anak ng isang babaeng Judio na mananampalataya; ang kaniyang ama ay isang Griego. 2 Maganda ang sinasabi tungkol sa kaniya ng mga kapatiran na taga Listra at Iconio. 3 Gusto ni Pablo na makasama siya sa paglalakbay; kaya siya ay isinama niya at tinuli dahil sa mga Judio na nasa lugar na iyon, sapagkat alam nilang lahat na ang kaniyang ama ay isang Griego.

    4 Nang sila ay patungo na sa mga lungsod, inihatid nila sa mga Iglesia ang mga tagubilin upang kanilang sundin, mga tagubilin na isinulat ng mga apostol at ng mga nakatatanda sa Jerusalem. 5 Kaya napalakas sa pananampalataya ang mga iglesia at dumami ang kanilang bilang araw-araw.

  24. 10 Dahil marami ang taong naghihimagsik, lalo na sa yaong mga tuli. Walang silbi ang kanilang mga salita. Nililinlang nila at pinamumunuan ang mga tao sa maling dako. 11 Kinakailangan pigilan ang kanilang mga labi. Sila ay nagtuturo ng hindi dapat ituro para sa kahiya-hiyang kapakinabangan at winawasak ang mga pamilya. 12 Isa sa kanila, isang matalinong tao mula sa kanila, ang nagsabi “Ang mga Creto ay walang tigil sa pagsisinungaling, masama at mapanganib na mga hayop, tamad ang mga sikmura.”

    13 Ang pahayag na ito ay totoo, kaya mahigpit mo silang iwasto sa gayon sila ay maaaring maayos sa pananampalataya. 14 Huwag paglaanan ng pansin ang mga kathang isip ng Judio o sa mga kautusan ng mga taong tumalikod sa katotohan.

  25. 44 Habang sinasabi pa lamang ni Pedro ang mga bagay na ito, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa lahat ng mga nakikinig sa kaniyang mensahe. 45 Ang mga taong napabilang sa mga mananampalatayang tuli—lahat ng mga sumama kay Pedro— ay namangha, dahil ang kaloob ng Banal na Espiritu ay naibuhos din sa mga Gentil. 46 Dahil narinig nila ang mga Gentil na nagsasalita ng iba't-ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Pagkatapos sinabi ni Pedro, 47 “Mayroon bang hahadlang sa mga taong ito upang hindi mabautismuhan sa tubig, ang mga taong ito na nakatanggap ng Banal na Espiritu na katulad natin?” 48 At sila ay inutusan niya na magpabautismo sa ngalan ni Jesu-Cristo. At hiniling nila na manatili siya sa kanila ng ilang araw.

  26. 23 Pagkatapos, kinuha ni Abraham ang kanyang anak na si Ismael at lahat ng ipinanganak sa kanyang sambahayan, at lahat ng mga nabili niya sa kanyang salapi, bawat lalaki na kabilang sa mga tauhan ng sambahayan ni Abraham, at tinuli sa laman ng kanilang balat sa parehong araw, gaya ng sinabi ng Diyos sa kanya.

    24 Natuli si Abraham sa laman ng kanyang balat nang siya ay siyamnapu't-siyam na taong gulang. 25 At natuli si Ismael sa laman ng kanyang balat nang siya ay labing tatlong taong gulang. 26 Sa magkaparehong araw, parehong natuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak. 27 Lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan ay natuli rin kasama niya, pati na ang mga ipinanganak sa sambahayan, at ang mga nabili ng salapi mula sa dayuhan.

  27. 1 Ngayon narinig ng mga alagad at mga kapatiran na nasa Judea na ang mga Gentil ay tumanggap din ng salita ng Diyos. 2 Nang makarating si Pedro sa Jerusalem, pinuna ng mga taong nabibilang sa mga tinuling pangkat; 3 sinabi nila, “Nakihalubilo ka sa mga hindi tuling lalaki at kumain kasama nila!”

    4 Ngunit nagsimulang ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang bagay na iyon ng detalyado; sinabi niya, 5 Nananalangin ako sa lungsod ng Joppa, nang ako'y makakita ng isang pangitain ng isang sisidlang bumababa, katulad ng malaking kumot na ipinababa sa pamamagitan ng apat na sulok nito. Ito ay bumaba sa akin. 6 Minasdan ko ito at inisip ko ang tungkol dito. Nakita ko ang mga may apat na paang mga hayop sa lupa, mga mababangis na hayop, mga hayop na gumagapang, at mga ibon sa himpapawid. 7 Pagkatapos narinig ko ang tinig na nagsabi sa akin, “Bumangon ka, Pedro; kumatay at kumain.”

    8 Sinabi ko, “Hindi maaari, Panginoon: sapagka't kailanman walang hindi banal o hindi malinis na pumasok sa aking bibig.”

    9 Ngunit ang tinig ay sumagot muli mula sa langit, “Ang ipinahayag ng Diyos na malinis, huwag mong ituring na hindi malinis.”

    10 Nangyari ito ng tatlong beses, at pagkatapos noon ang lahat ay naibalik muli sa langit.

    11 At narito, agad na may tatlong lalaki na nakatayo sa harap ng bahay kung saan kami naroon; sila ay ipinadala sa akin mula Cesarea. 12 Iniutos ng Espiritu sa akin na sumama sa kanila, at dapat hindi ako tatangi sa kanila. Itong anim na mga kapatid ay sumama sa akin, at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13 Sinabi niya sa amin kung paano niya nakita ang anghel na nakatayo sa kaniyang bahay at nagsasabing, “Magpadala ka ng mga lalaki sa Joppa at sunduin si Simon na ang isa pang pangalan ay Pedro. 14 Siya ay magsasalita sa iyo ng isang mensahe na sa pamamagitan nito maliligtas ka— ikaw at lahat ng iyong sambahayan.”

    15 Nang magsimula akong magsalita sa kanila, dumating ang Banal na Espiritu sa kanila, gayang nangyari sa atin noong una. 16 Naalala ko ang mga salita ng Panginoon, kung paano niya sinabing, “Tunay nga na nagbautismo si Juan ng tubig, ngunit kayo ay babautismuhan sa Banal na Espiritu.” 17 At kung ibinigay ng Diyos sa kanila ang parehong kaloob na gaya ng ibinigay niya sa atin nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako upang salungatin ang Diyos?”

    18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, wala silang naisagot sa kaniya, ngunit nagpuri sila sa Diyos at sinabing, “ Kung ganoon ibinigay din ng Diyos sa mga Gentil ang pagsisisi sa buhay.”

  28. 3 Pinangalanan ni Abraham bilang Isaac ang kanyang anak na lalaki, siya na isinilang sa kaniya, na isinilang ni Sara para sa kanya. 4 Tinuli ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac nang ito ay walong araw na gulang, ayon sa iniutos ng Diyos sa kanya.

  29. 40 Ngunit kung aamin sila sa kanilang mga kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ama, at sa kanilang kataksilan na pagiging hindi tapat sa akin at sa kanilang paglalakad laban sa akin— 41 na nagdulot sa akin upang talikuran sila at ibigay sila sa lupain ng kanilang mga kaaway—kung magpapakumbaba ang kanilang hindi pa tuli na mga puso, at kung tatanggapin nila ang kaparusahan ng kanilang mga kasalanan, 42 ay isasaisip ko ang aking kasunduan kay Jacob, aking kasunduan kay Isaac, at ang aking kasunduan kay Abraham; gayun din, na isasaisip ko ang lupain.

  30. 1 Pagkarinig ng lahat ng hari ng mga Amoreo sa kanlurang dako ng Jordan, at lahat ng hari ng mga Cananaeo, na nasa baybayin ng Malaking Dagat, na pinatuyo ni Yahweh ang tubig sa Jordan hanggang nakatawid ang bayan ng Israel, natunaw ang kanilang mga puso, at walang anumang espiritu sa kanila dahil sa mga Israelita.

    2 Sa panahong iyon sinabi ni Yahweh kay Josue, “Gumawa ka ng mga kutsilyo mula sa matigas na bato at tuliin minsan pa ang lahat ng lalaki ng Israel.” 3 Pagkatapos gumawa mismo si Josue ng mga kutsilyo mula sa matigas na bato at tinuli ang lahat ng lalaki ng Israel sa Gibeat Haaralot.

    4 At ito ang dahilan na tinuli sila ni Josue: lahat ng lalaking lumabas sa Ehipto, kasama ang lahat ng kalalakihang mandirigma, ay namatay sa ilang habang daan, pagkatapos nilang lumabas sa Ehipto. 5 Kahit tinuli na ang lahat ng lalaking lumabas sa Ehipto, gayon man, walang batang lalaking ipinanganak sa ilang habang daang palabas ng Ehipto ay tinuli.

    6 Naglakbay ang bayan ng Israel sa loob ng apatnapung taon sa ilang hanggang ang lahat ng tao, iyon ay, lahat ng kalalakihang mandirigma na nakalabas sa Ehipto ay namatay, dahil hindi nila sinunod ang tinig ni Yahweh. Ipinangako ni Yahweh sa kanila na hindi niya sila hahayaang makita ang lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa amin, isang lupaing umaapaw ang gatas at pulot. 7 Ang kanilang mga anak na inalagaan ni Yahweh kapalit nila na silang tinuli ni Josue, dahil hindi pa sila tinuli sa daan.

    8 Nang tinuli silang lahat, nanatili sila sa kampo kung saan sila naroroon hanggang gumaling sila.

  31. 8 At ibinigay niya kay Abraham ang tipan ng pagtututli. Kaya si Abraham ang naging ama ni Isaac at tinuli siya sa ikawalong araw; Si isaac ang naging ama ni Jacob, at si Jacob ang naging ama ng labindalawang patriyarka.

  32. 12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Kung ang mga Israelita ay hindi nakinig sa akin, bakit makikinig si Paraon sa akin, gayong hindi ako magaling sa pagsasalita?”

  33. 4 Pagkatapos, dinala niya ako sa daanang nasa hilagang tarangkahan na nakaharap sa tahanan. Kaya tumingin ako at pinagmasdan, napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan at nagpatirapa ako! 5 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Anak ng tao, ihanda mo ang iyong puso, tumingin ka at makinig sa lahat ng mga ipipapahayag ko sa iyo, sa lahat ng mga batas sa tahanan ni Yahweh at sa lahat ng mga panuntunan nito. Isipin mo ang tungkol sa mga pasukan at mga labasan ng tahanan.

    6 At sabihin mo sa mga suwail na sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Itigil na ninyo ang inyong mga kasuklam-suklam na gawain, sambahayang Israel— 7 na dinala ninyo ang mga dayuhang hindi tuli ang mga puso at hindi tuli sa laman upang pumunta sa aking santuwaryo at lapastanganin ito— ang aking tahanan! — Habang dinadala ninyo sa akin ang aking tinapay, taba at dugo— sinusuway ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain. 8 Hindi ninyo ginampanang mabuti ang inyong mga tungkulin sa akin. Sa halip, ibinigay ninyo sa iba ang tungkuling pangalagaan ang aking banal na lugar.

    9 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Walang maaaring pumasok sa aking santuwaryo sa sinuman sa mga dayuhang iyon na nasa kalagitnaan ng mga tao ng Israel na mga hindi tuli sa puso at laman.

  34. 27 Kung gayon, nasaan ang pagmamalaki? Ito ay inihiwalay na! Sa anong batayan? Sa mga gawa? Hindi, kundi batay sa pananampalataya. 28 Kaya masasabi natin na ang isang tao ay napawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya na wala ang mga gawa ng kautusan.

    29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba't siya rin ay Diyos ng mga Gentil? Oo, pati ng mga Gentil. 30 Kung magkagayon nga, na ang Diyos ay iisa, ipawawalang-sala niya ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.

    31 Pinapawalang-bisa ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari! Sa halip, pinapagtibay pa nga natin ang kautusan.

  35. 3 Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina at ama, “Wala na bang ibang mga babae na kabilang sa iyong mga kamag-anak, o kabilang sa ating mga tao? Kukuha ka ba ng isang asawa mula sa mga filisteo na hindi tuli?” Sinabi ni Samson sa kaniyang ama, “Kunin mo siya para sa akin, habang tinitignan ko siya, napapasaya niya ako.”

  36. 51 Kayong mga tao, na mapagmatigas at hindi tuli sa puso at mga tainga, lagi ninyong nilalabanan ang banal na Espiritu; ginawa ninyo ang kagaya ng ginawa ng inyong mga ninuno. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga naunang propeta na nagpahayag sa pagdating ng Matuwid; at kayo rin ngayon ang mga nagkanulo at mga pumatay sa kaniya, 53 kayong mga tao na tumanggap ng kautusan na itinatag ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito iningatan.”

  37. 11 Ngayon noong dumating si Cepas sa Antioquia, tinutulan ko siya ng harapan dahil mali siya. 12 Bago pa dumating ang mga taong galing kay Santiago, nakikisalo si Cefas sa mga Gentil. Ngunit nang dumating ang mga taong ito, huminto siya at lumayo mula sa mga Gentil. Natakot siya sa mga taong ito na nag-uutos ng pagtutuli. 13 Ganoon din, ang ilang mga Judio ay nakisama sa pagkukunwaring ito ni Cefas. Ang kinahinatnan, kahit si Bernabe din ay nadala sa kanilang pagkukunwari.

    14 Ngunit noong nakita ko na hindi na sila sumusunod sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw ay Judio ngunit namumuhay sa paraan ng mga Gentil sa halip na sa paraan ng Judio, paano mo mapipilit ang mga Gentil na mamuhay tulad ng mga Judio?”

    15 Kami na ipinanganak na Judio at hindi “makasalanang mga Gentil” , 16 alam namin na walang sinuman ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sa halip, pinawalang-sala sila sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo Jesus. Tayo ay nanampalataya kay Cristo Jesus upang maaari tayong mapawalang-sala sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sapagkat sa pammamagitan ng paggawa ng kautusan, walang laman ang mapapawalang-sala.

    17 Ngunit kung hangarin natin na ipawalang-sala tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, makikita din natin ang ating mga sarili na makasalanan, naging alipin ba si Cristo ng kasalanan? Huwag nawa itong mangyari! 18 Sapagkat kung itatayo ko muli ang aking pagtitiwala sa pagsunod ng kautusan, ang pagtitiwala na aking sinira, ipinapakita ko ang aking sarili na sumusuway sa kautusan.

    19 Sa pamamagitan ng kautusan, namatay ako sa kautusan, upang maaari akong mabuhay para sa Diyos. 20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko ipinagwawalang-halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pagkamakatuwiran ay umiiral sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.

  38. 43 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ito ang mga alituntunin para sa Paskua: walang dayuhan ang maaaring makibahagi sa pagkain na ito. 44 Kahit na, ang bawat alipin ng mga Israelita, na binili ng pera, ay maaaring makakain nito matapos ninyo silang tuliin. 45 Hindi makakain ang mga dayuhan at upahang lingkod ng alinmang pagkain.

    46 Dapat kainin ang pagkain sa isang bahay. Huwag kayong magdadala ng anumang karne sa labas ng inyong bahay, at hindi ninyo dapat baliin ang kahit anumang buto nito.

    47 Dapat obsebahan ng lahat ng mga komunidad ng Israel ang pagdiriwang. 48 Kapag maninirahan ang isang dayuhan sa inyo at gustong obserbahan ang Paskua para kay Yahweh, lahat ng kaniyang lalaking kamag-anak ay dapat tuliin. Pagkatapos siya ay maaaring dumating at sundin ito. Siya ay magiging katulad ng mga taong ipinanganak sa lupain. Ganun pa man, walang sinumang taong hindi tuli ang makakakain ng anumang pagkain. 49 Parehong batas ang siyang gagamitin sa kapwa katutubo o dayuhan na naninirahan kasama ninyong lahat.”

    50 Kaya sinunod ng lahat ng mga Israelita nang lubusan ang iniutos ni Yahweh kina Moises at Aaron. 51 Dumating ang araw na iyon na dinala ni Yahweh ang Israel palabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng kanilang mga armadong grupo.

  39. 1 Ngayon si Dina, na babaeng anak ni Lea kay Jacob ay lumabas para makilala ang mga dalaga ng lupain. 2 Nakita siya ni Sechem, na anak ni Hamor na Hevita ang prinsipe ng lupain at hinila siya, nilapastangan at hinalay. 3 Naakit siya kay Dina, na anak ni Jacob. Minahal niya ang dalaga at magiliw na kinausap siya. 4 Kinausap ni Sechem ang kanyang amang si Hamor, sinabing, “Kunin mo ang dalagang ito para sa akin upang maging asawa ko.”

    5 Ngayon narinig ni Jacob na dinungisan niya si Dina na kanyang anak. Nasa bukid ang kanyang mga anak na lalaki kasama ng kanyang mga alagang hayop, kaya nanahimik si Jacob hanggang sa dumating sila. 6 Pumunta kay Jacob si Hamor na ama ni Sechem. 7 Dumating ang mga anak na lalaki ni Jacob na galing sa bukid nang marinig nila ang nangyari. Nasaktan ang mga lalaki. Labis silang nagalit dahil pinahiya nila ang Israel sa pagpupumilit sa kanyang sarili sa anak na babae ni Jacob, dahil ang bagay na iyon ay hindi dapat ginawa.

    8 Nakipag-usap si Hamor sa kanila at sinabing, “Iniibig ng aking anak na si Sechem ang iyong anak na babae. Pakiusap ibigay mo siya sa kanya bilang asawa. 9 Makipag-asawa kayo sa amin, ibigay mo ang mga anak mong babae sa amin, at kunin ninyo ang mga anak naming babae para sa inyong sarili. 10 Maninirahan kayo sa amin, at magiging bukas ang lupain para sa inyo para manirahan at makipagkalakalan, at makakuha ng ari-arian.”

    11 Sinabi ni Sechem sa kanyang ama at sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Hayaan ninyong makasumpong ako ng pabor mula sa inyong mga mata, at anuman ang sabihin ninyo sa akin ay ibibigay ko. 12 Hingiin ninyo sa akin gaano man kalaki ang dote at ragalong naisin ninyo, at ibibigay ko ang anumang sabihin ninyo sa akin, ngunit ibigay ninyo ang dalaga bilang asawa.”

    13 Sumagot ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Sechem at kay Hamor na kanyang ama na may panlilinlang, sapagkat dinungisan ni Sechem si Dina na kanilang kapatid. 14 Sinabi nila sa kanila, “Hindi namin magagawa ang bagay na ito, ang pagbibigay ng aming kapatid na babae sa sinumang hindi tuli; sapagkat iyan ay magiging kahihiyan sa amin. 15 Sa kondisyong ito lamang kami makikipagkasundo sa inyo: kung magpapatuli kayo kagaya namin, kung ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin. 16 Sa gayon ibibigay namin ang aming mga anak na babae sa inyo, at kukunin namin ang inyong mga anak na babae para sa aming sarili, at makipamuhay kami sa inyo at tayo ay magiging isang bayan. 17 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa amin at magpatuli, sa gayon kukunin namin ang aming kapatid at aalis kami.”

    18 Kinalugdan ni Hamor at ng kanyang anak na si Sechem ang kanilang mga sinabi. 19 Hindi na nag-atubili ang binatang gawin kung ano ang sinabi nila, dahil siya ay nalugod sa anak na babae ni Jacob, at dahil siya ang pinakamarangal na tao sa buong sambahayan ng kanyang ama.

    20 Pumunta si Hamor at Sechem sa kanyang anak sa tarangkahan ng kanilang siyudad at nakipag-usap sa mga kalalakihan ng kanilang siyudad na sinasabing, 21 “Ang mga taong ito ay namumuhay ng payapa kasama natin, kaya hayaan natin silang mamuhay sa lupain at mangalakal dito, dahil tunay na ang lupain ay malawak na sapat para sa kanila. Kunin natin ang mga anak nilang babae bilang mga asawa, at ibigay natin sa kanila ang ating mga anak na babae. 22 Sa ganitong kondisyon lamang papayag ang mga kalalakihan na manirahan kasama natin at tayo'y maging isang bayan: kung tutuliin ang bawat lalaki sa atin, tulad ng sila ay tuli. 23 Hindi ba maaaring ang kanilang mga alagang hayop at ang kanilang ari-arian—lahat ng kanilang mga hayop ay magiging atin? Kaya makipagkasundo tayo sa kanila, at maninirahan sila kasama natin.”

    24 Lahat ng mga lalaki ng lungsod ay nakinig kay Hamor at Sechem, na kanyang anak. Nagpatuli ang bawat lalaki.

    25 Sa ikatlong araw, nang matindi ang sakit ng sugat nila, ang dalawa sa mga anak na lalaki ni Jacob, sina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang espada at pumunta sa lungsod na walang bantay, at pinatay ang lahat ng mga kalalakihan. 26 Pinatay nila si Hamor at Sechem na kanyang anak, sa pamamagitan ng talim ng espada. Kinuha nila si Dina mula sa bahay ni Sechem at umalis.

    27 Ang ibang anak na lalaki ni Jacob ay pumunta sa mga patay na katawan at ninakawan nila ang siyudad, dahil nilapastangan ng mga tao ang kanilang kapatid na babae. 28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan, mga pangkat ng hayop, mga asno at lahat ng bagay na nasa siyudad at nakapalibot na mga bukid kasama 29 ang lahat ng kanilang kayamanan. Hinuli nila ang lahat ng kanilang mga anak at mga asawa. Kinuha nila maging ang lahat ng bagay na nasa mga bahay.

  40. 30 Pero sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi ako magaling sa pagsasalita, kaya bakit makikinig si Paraon sa akin?”

  41. 1 Gumising ka, gumising ka, Sion; isuot mo ang iyong kalakasan, Isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, Jerusalem, banal na lungsod; dahil hindi na muling makakapasok sa iyo ang mga hindi tuli o ang mga marurumi.

  42. 31 Tingnan mo, paparating na ang mga araw. Ito ang pahayag ni Yahweh. Kapag magtatatag ako ng isang bagong kasunduan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 32 Hindi na ito kagaya ng kasunduan na itinatag ko sa kanilang mga ama sa mga panahong kinuha ko sila sa kanilang mga kamay upang ilabas mula sa lupain ng Egipto. Iyon ang mga araw na nilabag nila ang aking kasunduan, bagaman, ako ay isang asawang lalaki para sa kanila. Ito ang pahayag ni Yahweh. 33 Ngunit ito ang kasunduan na aking itatatag sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na ito. Ito ang pahayag ni Yahweh. Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban at isusulat ito sa kanilang puso, sapagkat ako ang kanilang magiging Diyos at sila ay magiging aking mga tao. 34 At hindi na tuturuan ng bawat tao ang kaniyang kapwa o tuturuan ng isang tao ang kaniyang kapatid at sabihin, “Kilalanin si Yahweh!' Sapagkat lahat sila mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila ay makikilala ako. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan at hindi na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.”

  43. 18 Alin sa mga punongkahoy sa Eden ang papantay sa iyong kaluwalhatian at kadakilaan? Sapagkat dadalhin ka pababa kasama ng mga punongkahoy ng Eden sa mga pinakamababang bahagi ng mundo kasama ng mga taong hindi tuli; mamumuhay ka kasama ng mga taong pinatay sa pamamagitan ng espada! Ito ay si Faraon at ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”'

  44. 17 Nang dumating kami sa Jerusalem, tinanggap kami ng mga kapatid nang may kagalakan. 18 Kinabukasan sumama sa amin si Pablo papunta kay Santiago at naroon ang lahat ng mga nakatatanda. 19 Nang batiin niya sila, isa-isang ibinalita ni Pablo ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo.

    20 Nang marinig nila ito, nagpuri sila sa Diyos at sinabi nila sa kaniya, “Nakita mo, kapatid, kung ilang libo ang nanampalataya sa mga Judio. Nagsisikap silang lahat na sundin ang kautusan. 21 nakapagbalita sa kanila ng tungkol sa iyo, na iyong itinuturo sa lahat ng mga Judio na naninirahan kasama ng mga Gentil upang iwanan si Moises, at sinasabi mo sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak at huwag sumunod sa sinaunang kaugalian. 22 Ano ang ating dapat gawin? Tiyak na maririnig nila na ikaw ay dumating.

    23 Kaya gawin mo kung ano ang aming sasabihin saiyo ngayon: may apat kaming kalalakihan na gumawa ng panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at linisin mo ang iyong sarili kasama nila, at bayaran ang mga gastusin nila, upang ahitin nila ang kanilang mga ulo. Upang malaman ng bawat isa na ang mga bagay na sinabi nila tungkol sa iyo ay mali. Malalaman nila na sumusunod ka rin sa kautusan.

    25 Ngunit tungol sa mga Gentil na nanampalataya, sumulat kami at nagbigay ng tagubilin na ingatan nila ang kanilang mga sarili mula sa mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at sa dugo, at mula sa mga nagbigti at mula sa kahalayan.”

    26 Pagkatapos isinama ni Pablo ang mga kalalakihan, at kinabukasan, nang makapaglinis na siyang kasama nila, tumungo sila sa templo, inihayag niya ang takdang panahon ng paglilinis, hanggang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.