78 Bible Verses About Deliverance

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Deliverance
  1. 17 Ang balumbon ni propeta Isaias ay iniabot sa kaniya, kaya binuksan niya ang balumbon at nakita ang bahagi kung saan nakasulat, 18 “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, dahil itinalaga niya ako upang ipangaral ang magandang balita sa mga mahihirap. Isinugo niya ako upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at manumbalik ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga inaapi, 19 ipahayag ang pinagpalang panahon ng Panginoon.”

  2. 1 Yamang napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan niya nagkaroon din tayo ng daan sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na kung saan tayo ay tumatayo. Nagagalak tayo sa pananalig na ibinibigay sa atin ng Diyos para sa hinaharap, ang pananalig na makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.

    3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.

    6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos. 7 Sapagkat mahirap para sa isang tao na mamatay para sa isang matuwid na tao. Iyan ay, marahil kung may isang maglalakas-loob na mamatay para sa mabuting tao. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin.

    9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay natanggap natin ang pagkakasundong ito.

  3. 14 Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15 Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.

    16 Sapagkat tunay nga na hindi ang mga anghel ang tinutulungan niya. Sa halip, tinutulungan niya ang mga kaapu-apuhan ni Abraham. 17 Kaya kinakailangan niyang maging katulad ng kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya ay maging maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay para sa Diyos, at upang maaari niyang makamit ang kapatawaran para sa kasalanan ng mga tao. 18 Dahil si Jesus mismo ay naghirap, noong siya ay tinukso, kaya niyang tulungan ang mga natukso.

  4. 1 Umawit si David kay Yahweh ng mga salita ng kantang ito sa araw na iniligtas siya ni Yahweh palabas sa kamay ng lahat ng kaniyang mga kaaway, at palabas sa kamay ni Saul. 2 Nanalangin siya, “Si Yahweh ay aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagliligtas sa akin. 3 Ang Diyos ang aking muog. Kumukuha ako ng kanlungan sa kaniya. Siya ang aking panangga, ang sungay ng aking kaligtasan, aking matibay na tanggulan, at aking kanlungan, ang siyang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.

  5. 14 Tulad ng pagtaas ni Moises ng ahas sa ilang, gayon din naman ang Anak ng Tao ay kailangang maitaas, 15 upang ang lahat ng mananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

    16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  6. 21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

    25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

  7. 21 Kaya, natuklasan ko na ang prinsipyo na nasa akin, na nais kong gawin ang mabuti, subalit ang kasamaang iyon ay naririto sa akin. 22 Sapagkat nagagalak ako sa kautusan ng Diyos sa aking kaibuturan. 23 Ngunit may nakikita akong ibang tuntunin sa mga bahagi ng aking katawan. Nilalabanan nito ang bagong tuntunin sa aking isipan. Binibihag ako nito sa pamamagitan ng tuntunin ng kasalanan na nasa mga bahagi ng aking katawan.

    24 Kaawa-awa akong tao! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? 25 Ngunit ang pasasalamat ay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan. Gayunman, sa laman naglilingkod ako sa tuntunin ng kasalanan.

  8. 13 Sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Manatili at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Yahweh na ibibigay sa inyo ngayon. Dahil hindi ninyo na makikita muli ang mga taga-Ehipto na nakikita ninyo ngayon. 14 Si Yahweh ay makikipaglaban para sa inyo, at kailangan lang ninyong manatili.

  9. 13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Sa lahat ng kalagayan kunin ang kalasag ng pananampalataya, kung saan tutupukin ang lahat ng naglalagablab na pana ng masama. 17 At kunin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng Espiritu, ang salita ng Diyos.

    18 Manalangin kayo sa lahat ng oras ng may panalangin at paghingi. Magbantay kayong lagi ng may buong pagtitiyaga at panalangin para sa lahat ng mga mananampalataya.

  10. 23 Samakatwid kinakailangan nga na ang mga bagay na kahalintulad nang nasa langit ay dapat na malinis nitong mga hayop na handog. Gayunman, dapat na linisin ng mas mabuting handog ang mga bagay na panlangit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar na gawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay. Sa halip, pumasok siya sa langit mismo, na ngayon ay nasa harapan ng Diyos para sa atin.

    25 Hindi siya nagpunta doon upang madalas na ihandog ang kaniyang sarili, katulad ng ginagawa ng pinakapunong pari, na pumapasok sa kabanal-banalang lugar taun-taon na may dalang dugo. 26 Kung iyan ay totoo, kakailanganin niyang maghirap ng maraming ulit mula pa ng likhain ang mundo. Ngunit ngayon minsan na lamang siyang naipahayag hanggang sa katapusan ng panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kaniyang sarili.

    27 Tulad ng bawat tao ay itinakda na mamatay minsan, at pagkatapos ay ang paghatol, 28 gayon din si Cristo, na minsang naihandog upang alisin ang mga kasalanan ng marami, darating siya sa pangalawang pagkakataon, hindi upang ihandog muli sa kasalanan, kundi para sa kaligtasan ng mga matiyagang naghihintay sa kaniya.

  11. 2 Si Yahweh ang aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagdadala sa akin sa kaligtasan; siya ang aking Diyos, ang aking bato; sa kaniya ako kumukubli. Siya ang aking kalasag, ang tambuli ng aking kaligtasan, at ang aking muog.

  12. 18 Sasagipin ako ng Panginoon sa bawat masasamang gawa at ililigtas ako para sa kaniyang kaharian sa langit. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

  13. 7 Ikaw ang aking kublihan; babantayan mo ako sa kaguluhan. Papalibutan mo ako ng mga awit ng pagtatagumpay. Selah

  14. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.

  15. 9 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Sa araw na ito, dumating ang kaligtasan sa bahay na ito, dahil anak din siya ni Abraham. 10 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang mga taong nawawala.”

  16. 12 Habang ginagawa ko ito, pumunta ako sa Damasco na may kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari; 13 at sa daan patungo roon, sa katanghalian tapat, Hari, Nakakita ako ng liwanag mula sa langit na higit na mas maliwanag kaysa sa araw at nagliwanag palibot sa akin at sa mga kalalakihan na naglalakbay na kasama ko. 14 Nang bumagsak kaming lahat sa lupa, nakarinig ako ng tinig na nagsasalita sa akin na nag sabi sa wikang Hebreo, 'Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Mahirap para sayo na sumipa sa matulis na tungkod.'

    15 Pagkatapos sinabi ko, 'Sino ka, Panginoon?' Sumagot ang Panginoon, 'Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayon bumangon ka at tumayo sa iyong mga paa; dahil sa layuning ito'y nagpakita ako saiyo, upang italaga ka bilang lingkod at saksi tungkol sa mga bagay na alam mo tungkol sa akin ngayon at sa mga bagay na ipapakita ko pagkatapos nito; 17 at ililigtas kita mula sa mga tao at mula sa mga Gentil kung saan kita isusugo, 18 upang buksan ang kanilang mga mata at upang ibalik sila mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan at mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa Diyos, upang tanggapin nila mula sa Diyos ang pagpapatawad ng mga kasalanan at ang pamana na ibibigay ko sa kanila na aking itinalaga para sa aking sarili sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin.'

  17. 16 Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos upang iligtas ang sinumang sumasampalataya, una ay sa Judio at gayon din sa Griyego.

  18. 7 Sinabi ni Yahweh, “Tunay na nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan na nasa Ehipto. Narinig ko ang kanilang pagsigaw dahil sa kanilang mahihigpit na tagapangasiwa, dahil alam ko ang tungkol sa kanilang pagdurusa. 8 Bumaba ako para palayain sila mula sa kapangyarihan ng mga taga-Ehipto at dalhin sila mula sa lupaing iyon patungo sa mabuti at malawak na lupain, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot; sa rehiyon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo.

    9 Ngayon ang mga pagsigaw ng bayan ng Israel ay nakarating sa akin. Bukod dito, nakita ko ang pagmamalupit na dulot ng mga taga-Ehipto. 10 Kaya ngayon, ipapadala kita kay Paraon para dalhin mo ang aking bayan, ang mga Israelita, palabas mula sa Ehipto.”

  19. 16 Si Yahweh ay nagtaas ng mga hukom, na nagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng mga nagnanakaw ng kanilang mga ari-arian.

  20. 1 Nanalangin si Ana at sinabing, “Nagsasaya ang aking puso kay Yahweh. Itinaas ni Yahweh ang aking tambuli. Nagmamayabang ang aking bibig sa aking mga kaaway, dahil nagagalak ako sa iyong pagliligtas.

  21. 21 Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.”

  22. 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”

    56 Ang kamandag ng kamatayan ay kasalanan at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!

  23. 8 Dahil ayaw namin na hindi ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa kaguluhang naranasan namin sa Asya. Kami ay labis na nabigatan nang higit sa aming makakaya, na halos hindi na kami umasang mabuhay pa. 9 Sa katunayan, hinatulan na kami ng kamatayan. Ngunit iyon ay upang hindi kami magtiwala sa aming mga sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.

    10 Siya ang nagligtas sa amin sa malagim na kamatayan, at ililigtas niya kaming muli. Inilagay na namin ang aming pagtitiwala sa kaniya na ililigtas niya kaming muli. 11 Gagawin niya ito habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin. At marami ang magpapasalamat para sa amin para sa pagpapala na ibinigay sa amin sa pamamagitan ng panalangin ng marami.

  24. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.

    18 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Nakipagkasundo siya sa atin dahil kay Cristo, at binigyan niya tayo ng ministeryo sa pagkakasundo. 19 Ang ibig sabihin, dahil kay Cristo, ipinagkakasundo ng Diyos ang mundo sa kaniya, at hindi binilang ang kanilang mga pagkakasala laban sa kanila. Ipinagkakatiwala niya sa atin ang mensahe ng pakikipagkasundo.

  25. 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4 na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman.

  26. 1 Para sa inyo, kayo ay mga patay sa inyong mga pagkakasala at mga kasalanan. 2 Sa ganito rin kayo minsang lumakad ayon sa panahon ng mundong ito. Lumalakad kayo ayon sa kapangyarihan ng namumuno sa hangin. Ito ang kaniyang espiritu na gumagawa sa mga anak ng pagsuway. 3 Tayong lahat ay minsan ding naging katulad ng mga hindi mananampalataya. Gumagawa tayo ayon sa mga masasamang nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang kagustuhan ng laman at ng isip. Likas tayong mga anak ng poot katulad ng iba.

    4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus.

    8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  27. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan.

  28. 8 Siya na gumagawa nang kasalanan ay sa diablo, sapagkat ang diablo ay nagkasala na mula pa sa simula. Sa dahilang ito, ang Anak ng Diyos ay nahayag, upang kanyang mawasak ang mga gawa ng diablo.

  29. 6 Kaya, sabihin sa mga Israelita, 'Ako si Yahweh. Dadalhin ko kayo palabas mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga taga-Ehipto, at palalayain ko kayo mula sa kanilang kapangyarihan. Kayo ay aking ililigtas sa pagpapakita ng aking kapangyarihan, at makapangyarihang mga gawa ng paghatol. 7 Dadalhin ko kayo sa aking sarili bilang aking bayan, at ako ay inyong magiging Diyos. Malalaman ninyo na ako si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagdala sa inyo palabas mula sa pagkaalipin sa ilalim ng mga taga-Ehipto.

  30. 15 Tumawag kayo sa akin sa araw ng kaguluhan; sasagipin ko kayo, at ako ay inyong luluwalhatiin.”

  31. 13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, ngunit iligtas mo mula sa masama.

  32. 14 Huwag ninyong hayaan na pagharian kayo ng kasalanan. Sapagkat wala na kayo sa ilalim ng kautusan ngunit sa ilalim ng biyaya.

    15 Kaya ano? Magkakasala ba tayo dahil wala tayo sa ilalim ng kautusan, ngunit sa ilalim ng biyaya? Huwag nawa itong mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na ang pinaghandugan ninyo ng inyong mga sarili bilang mga alipin ay siyang inyong pinaglilingkuran, ang siyang dapat ninyong sundin? Totoo ito, mga alipin man kayo sa kasalanan na patungo sa kamatayan, o mga alipin sa pagsunod na patungo sa katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan, at ginawa kayong mga alipin kayo ng katuwiran.

    19 Nagsasalita ako tulad ng isang tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat gaya ng paghahandog ninyo ng mga bahagi ng inyong katawan bilang mga alipin sa karumihan at kasamaan, ngayon, sa ganoon ding paraan, ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa katuwiran para sa ikababanal.

  33. 3 Minsan tayo ay naging pabaya at suwail. Dati tayo ay naligaw at inalipin sa iba't ibang mga pagkahumaling at kasiyahan. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Tayo ay kasuklam-suklam at kinamuhian ang isa't-isa.

    4 Ngunit kapag ang kabutihan at pagmamahal ng ating Diyos na tagapagligtas ay nalantad sa sangkatauhan, 5 eto ay hindi sa pamamagitan na ating makatuwirang mga nagawa, kundi dahil sa kanyang habag kaya tayo ay naligtas. Niligtas nya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas ng bagong kapanganakan at pagpapabago sa pamamagitan ng Banal na Espirito. 6 Masaganang binuhos ng Panginoon sa atin ang Banal na Espirito sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu Cristo. 7 Ginawa Nya ito, upang, ang mga pinawalang sala sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maaring maging kabahagi sa kasiguraduhan ng buhay na walang hanggan.

  34. 25 Samakatuwid, siya rin ay lubos na makapagliligtas sa kanila na lalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil siya ay laging nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.

  35. 5 At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo. 6 Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani. 7 Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan.

  36. 37 Sinabi ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso. Ililigtas niya ako mula sa kamay ng Filisteong ito.” Pagkatapos sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka, at sumaiyo nawa si Yahweh.”

  37. 46 Buhay si Yahweh; nawa ang aking bato ay purihin. Nawa ang Diyos ng aking kaligtasan ay maitaas. 47 Ito ang Diyos na naghihiganti para sa akin, ang nagdudulot sa mga bayan na sumailalim sa akin. 48 Napalaya ako mula sa aking mga kaaway! Totoo, itinaas mo ako nang higit sa mga tumuligsa sa akin. Iniligtas mo ako mula sa mga marahas na kalalakihan.

  38. 4 Hinanap ko si Yahweh, at tumugon siya, at sa lahat ng mga takot ko tagumpay ang ibinigay niya.

  39. 17 Ang mga matutuwid ay umiiyak, at naririnig ito ni Yahweh at mula sa lahat ng kanilang mga kaguluhan, nililigtas sila.

  40. 1 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at ng lahat ng mayroon ako, binibigyang papuri ko ang kanyang banal na pangalan. 2 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at naaalala ko ang lahat ng kanyang mga mabubuting gawa. 3 Pinapatawad niya lahat ng inyong mga kasalanan; pinapagaling niya lahat ng inyong mga sakit. 4 Tinutubos niya ang inyong buhay mula sa pagkawasak; kinokoronahan niya kayo ng kanyang katapatan sa tipan at mga gawain ng pagkahabag. 5 Binibigyang kasiyahan niya ang inyong buhay ng mabubuting bagay para mapanumbalik ang inyong kabataan tulad ng agila.

  41. 32 Mangyayari na ang lahat ng tatawag sa pangalan ni Yahweh ay maliligtas. Sapagkat may mga makatatakas sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, gaya ng sinabi ni Yahweh, at sa mga makaliligtas, ang mga tinawag ni Yahweh.

  42. 9 Ako ang tarangkahan. Kung sinumang pumapasok sa pamamagitan ko, siya ay maliligtas; siya ay papasok at lalabas at makakahanap ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito.

    11 Ako ang mabuting pastol. Inialay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa.

  43. 38 Kaya dapat ninyo itong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito ay naipahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya ang bawat isang mananampalataya ay pinawalang-sala mula sa lahat ng bagay na hindi kayang maipawalang-sala sa inyo sa kautusan ni Moises.

  44. 1 Kung gayon, wala ng paghatol sa mga taong na kay Cristo Jesus. 2 Sapagkat pinalaya ako ng tuntunin ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan. 3 Sapagkat kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ito sa pamamagitan ng laman ay ginawa ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling Anak na kawangis ng makasalanang laman para maging isang handog sa kasalanan, at hinatulan niya ang kasalanan sa laman. 4 Ginawa niya ito upang sa gayon ang mga hinihingi ng kautusan ay matupad sa atin, tayong mga hindi lumalakad ayon sa laman, ngunit ayon sa Espiritu.

  45. 13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang unang bunga ng kaligtasan sa pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan.

  46. 15 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at karapat-dapat na tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. Ako ang pinakamasama sa mga ito.

  47. 19 Aking mga kapatid, kung sinuman sa inyo ang naliligaw mula sa katotohanan ngunit mayroong umakay sa kaniya pabalik, 20 ipaalam sa kaniya na kung sinuman ang umakay sa makasalanan na makalabas sa kaniyang maling daan, maliligtas ang kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at matatabunan ang maraming kasalanan.

  48. 1 Pagkatapos inawit nina Moises at ng bayan ng Israel ang awiting ito para kay Yahweh. Inawit nila, “Umaawit ako kay Yahweh, dahil sa maluwalhating tagumpay; ang kabayo at ang tagasakay nito ay itinapon sa dagat. 2 Si Yahweh ang aking lakas at awitin, at siya ang aking naging kaligtasan. Ito ang aking Diyos, at siya ay aking pupurihin, Diyos ng aking ama, at siya ay aking dadakilain.

  49. 8 Ang kaligtasan ay nanggagaling kay Yahweh. Nawa makamit ang iyong mga pagpapala ng iyong bayan. Selah

  50. 36 Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan, ngunit ang sinumang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi mananatili ang poot ng Diyos sa kaniya.”

  51. 12 Walang kaligtasan sa sinumang tao: sapagkat wala ng iba pang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, kung saan tayo maliligtas.”

  52. 6 Nang araw bago siya ilabas ni Herodes, nang gabing iyon, natutulog si Pedro sa pagitan ng dalawang kawal, gapos ng dalawang mga tanikala at nagbabantay ang mga bantay sa harap ng pintuan ng bilangguan. 7 At biglang lumitaw ang isang anghel ng Diyos sa kaniyang tabi at isang ilaw ang lumiwanag sa bilangguan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at ginising at sinabi, “Bumangon kang madali.” Pagkatapos nahulog ang kaniyang mga kadena sa kaniyang mga kamay. 8 Sinabi sa kaniya ng anghel, “Magdamit ka at isuot ang iyong sandalyas.”Ginawa nga ito ni Pedro. Sinabi ng anghel sa kaniya, “Isuot mo ang iyong panlabas na kasuotan at sumunod ka sa akin.”

    9 Kaya sumunod nga si Pedro sa anghel at lumabas. Hindi niya alam na ang nangyari sa pamamagitan ng anghel ay totoo. Ang akala niya nakakakita siya ng isang pangitain. 10 Pagkatapos nilang makalampas sa una at sa pangalawang bantay, nakarating sila sa pintuang bakal na patungo sa lungsod, kusa itong bumukas para sa kanila. Lumabas sila at bumaba sa isang kalye, at kaagad siyang iniwan ng anghel.

    11 Nang matauhan si Pedro, sinabi niya, “Ngayon, aking napatunayan na ipinadala ng Diyos ang kaniyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes, at mula sa lahat ng inaasahan ng mga mamamayang Judio.”

  53. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  54. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

  55. 11 Pagkat ang biyaya ng Diyos ay nahayag sa lahat ng tao. 12 Ito ay nagsasanay sa atin na tumanggi sa walang kabanalan at makamundong pagkahumaling. Ito ang nagsanay sa ating mamuhay ng matino, makatarungan at sa makadiyos na paraan sa kapanahunan ngayon 13 habang tayo ay nag-aabang sa pagtanggap ng ating pinagpalang pag-asa, ang kahayagan ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay ni Jesus ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kawalan ng batas at gawing dalisay, para sa kanyang sarili, isang natatanging mga tao na sabik sa paggawa ng mabubuti.

  56. 8 Si Yahweh ang kalakasan ng kaniyang bayan, at kanlungang nagliligtas sa kaniyang hinirang. 9 Iligtas mo ang iyong bayan at pagpalain ang iyong pamana. kayo ay maging pastol nila at aalagaan sila magpakailanman.

  57. 19 Papunta sa dagat ang iyong landas at ang iyong daan ay patungo sa umaalong tubig, pero ang mga bakas ng iyong mga paa ay hindi nakita. 20 Inakay mo ang iyong bayan tulad ng isang kawan sa pamamagitan ng mga kamay ni Moises at Aaron.

  58. 17 Hangal sila sa kanilang suwail na mga pamamaraan at naghihirap dahil sa kanilang mga kasalanan. 18 Nawalan sila ng pagnanais na kumain ng kahit na anong pagkain at napalapit sila sa mga tarangkahan ng kamatayan. 19 Kaya sila ay tumawag kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila mula sa kagipitan. 20 Ipinadala niya ang kaniyang salita at pinagaling sila, at sinagip niya sila mula sa kanilang pagkawasak. 21 Papupurihan nang mga taong iyon si Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at dahil sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa para sa sangkatauhan! 22 Hayaan mo silang maghandog ng pasasalamat at magpahayag ng kaniyang mga ginawa sa pag-aawitan.

  59. 1 “Sa panahong iyon, tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nagbabantay sa iyong mga kababayan. Magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nararanasan kailanman magmula nang nagkaroon ng anumang bansa hanggang sa panahong iyon. Sa panahong iyon, maililigtas ang iyong mga kababayan, ang lahat ng pangalang matatagpuang nakasulat sa aklat.

  60. 23 Ngunit sa kanilang paglalayag, si Jesus ay nakatulog, at isang bagyo na may napakalakas na hangin ang dumating sa buong lawa, at ang kanilang bangka ay nagsimulang mapuno ng tubig, at sila ay nasa matinding panganib. 24 At lumapit ang mga alagad ni Jesus sa kaniya at siya ay ginising, nagsasabi, “Panginoon! Panginoon! Tayo ay nasa bingit ng kamatayan!” Siya ay gumising at sinaway ang hangin at ang nagngangalit na tubig at ang mga ito ay humupa, at nagkaroon ng kapanatagan. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Sa pagkatakot, sila ay lubos na namangha, at sinabi sa isa't isa. “Sino nga kaya ito, na kaniyang nauutusan kahit na ang mga hangin at tubig at ang mga ito ay sumusunod sa kaniya?”

  61. 24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.

    25 Tunay nga, sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon at narito na, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nakarinig ay mabubuhay.

  62. 16 Sapagkat ang kaloob ay hindi tulad ng kinahantungan ng nagkasala. Sa isang banda, dumating ang paghatol ng kaparusahan dahil sa pagkakasala ng isang tao. Ngunit sa kabilang banda, ang kaloob na nagbubunga ng pagpapawalang-sala ay dumating pagkatapos ng maraming pagkakasala. 17 Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagkakasala ng isa, ang kamatayan ay naghari sa pamamagitan ng isa, mas lalo nang maghahari ang mga tatanggap ng kasaganahan ng biyaya at ng kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng buhay ng isa na si Jesu-Cristo.

    18 Kung gayon, dahil sa pagkakasala ng isa, ang lahat ng tao ay dumating sa kaparusahan, gayon din sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran ay dumating ang pagpapawalang-sala ng buhay para sa lahat ng tao. 19 Dahil sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, ang lahat ay naging makasalanan, gayon din naman sa pamamagitan ng pagsunod ng isa, marami ang naging matuwid.

  63. 19 Sapagkat ang Diyos ay nalugod na ang kaniyang kaganapan ay nararapat na mamuhay sa kaniya, 20 at upang ipagkasundo sa kaniya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Anak. Gumawa ang Diyos ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang dugo sa krus. Ipinagkasundo ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili, maging ang mga bagay sa lupa o ang mga bagay sa kalangitan.

  64. 13 noong kayo ay patay sa inyong mga pagkakasala at sa hindi pagkakatuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya at pinatawad tayong lahat sa ating mga paglabag. 14 Binura niya ang nakasulat na tala ng mga pagkaka-utang at ang mga tuntunin na laban sa atin. Tinanggal niya ang lahat ng mga ito at ipinako ito sa krus. 15 Tinanggal niya ang mga kapangyarihan at mga kapamahalaan. Lantaran niya silang ibinunyag at dinala sila sa matagumpay na pagdiriwang sa pamamagitan ng kaniyang krus.

  65. 10 Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya.

  66. 18 Maghihintay ako sa iyong pagliligtas, Yahweh.

  67. 16 Bumaba siya mula sa itaas; hinawakan niya ako! Iniahon niya ako mula sa rumaragasang tubig. 17 Sinagip niya ako mula sa aking malakas na kalaban, mula sa mga namumuhi sa akin, dahil sila ay higit na malakas kaysa sa akin. 18 Sinugod nila ako sa araw ng aking pagdadalamhati pero si Yahweh ang aking tagapagtanggol! 19 Pinalaya niya ako tungo sa isang malawak na lugar; iniligtas niya ako dahil siya ay nalulugod sa akin.

  68. 1 Matiyaga akong naghintay kay Yahweh; pinakinggan niya ako at dininig ang aking pag-iyak. 2 Inahon niyo din ako mula sa kakilakilabot na hukay, mula sa putikan, at itinayo niya ang aking mga paa sa isang bato at itinatag ang aking paglalakbay. 3 Siya ang naglagay sa aking mga bibig ng bagong awit, papuri sa ating Diyos. Marami ang makakaalam nito at pararangalan siya at magtitiwala kay Yahweh.

  69. 1 Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. 2 Pinadala niya ako para ipahayag ang taon ng pabor ni Yahweh, ang araw ng paghihiganti ng aming Diyos, at para aliwin ang lahat ng nagluluksa—

  70. 18 Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos.

  71. 4 Ngunit nang dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5 Ginawa niya ito upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop bilang mga anak. 6 Dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, ang Espiritu na tumatawag ng, “Abba, Ama.” 7 Sa kadahilanang ito, hindi na kayo mga alipin kundi mga anak. Kung kayo ay mga anak, kaya kayo rin ay tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.

  72. 12 Nagpakita si Yahweh kay Solomon sa gabi at sinabi sa kaniya, “Narinig ko ang iyong panalangin, at pinili ko ang lugar na ito para sa aking sarili bilang isang bahay alayan. 13 Ipagpalagay na isinara ko ang kalangitan upang walang ulan, o kung utusan ko ang mga balang na lamunin ang lupain, o kung magpadala ako ng sakit sa aking mga tao. 14 Sa panahong iyon kung ang aking mga tao na tinawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpapakumbaba, mananalangin, hahanapin ako, at tatalikod sa kanilang masasamang gawain, makikikiibig ako mula sa langit, patatawarin ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.

  73. 17 Hindi ninyo kailangang makipaglaban sa labanan na ito. Manatili lamang kayo sa inyong kinatatayuan, manatiling nakatayo, at makikita ninyo ang pagliligtas ni Yahweh sa inyo, mga Juda at Jerusalem. Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob. Lumabas kayo laban sa kanila bukas, dahil kasama ninyo si Yahweh.”

  74. 12 Ang tungkulin na tuparin ang lahat ng panata ko sa iyo ay nasa akin, O Diyos; magbibigay ako ng mga handog ng pasasalamat sa iyo. 13 Dahil sinagip mo ang aking buhay mula sa kamatayan; pinigilan mo ang aking mga paa na mahulog, para ako ay makalakad sa harapan ng Diyos sa liwanag ng mga nabubuhay.

  75. 1 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, aking Diyos; itaas mo ako na malayo mula sa mga kumakalaban sa akin. 2 Panatilihin mo akong ligtas mula sa mga gumagawa ng malaking kasalanan, at iligtas mo ako mula sa mga taong uhaw sa dugo.

  76. 13 Pero para sa akin, sa iyo ang aking panalangin, Yahweh, sa panahon na tatanggap ka; sagutin mo ako sa pagiging mapagkakatiwalaan ng iyong kaligtasan. 14 Hilahin mo ako mula sa putikan, at huwag mo akong hayaang lumubog; hayaan mo akong malayo mula sa napopoot sa akin at sagipin mo mula sa malalim na katubigan. 15 Huwag mong hayaang tabunan ako ng baha, ni hayaang lamunin ako ng kalaliman. Huwag mong hayaang isara ng hukay ang bibig nito sa akin.

  77. 11 Ngunit naniniwala tayo na tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, katulad nila.”

  78. 12 Lumingon ako para makita kung kanino ang tinig na kumakausap sa akin, sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan. 13 Sa gitna ng mga ilawan ay mayroong isang katulad ng Anak ng Tao, suot ang isang mahabang balabal na abot pababa sa kaniyang mga paa, at isang gintong sinturon na nakapalibot sa kaniyang dibdib. 14 Ang kaniyang ulo at buhok ay kasing-puti ng lana, kasing-puti ng niyebe, at ang kaniyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy. 15 Ang kaniyang mga paa ay tulad ng pinakintab na tanso, tulad ng tanso na pinino sa isang pugon, at ang kaniyang tinig ay tulad ng tunog ng maraming umaagos na tubig. 16 Sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin at lumalabas mula sa kaniyang bibig ang isang matalas na magkabilang talim na espada. Ang kaniyang mukha ay nagniningning tulad ng matinding sikat ng araw.

    17 Nang makita ko siya, ako ay bumagsak sa kaniyang paanan tulad ng isang lalaking patay. Ipinatong niya ang kaniyang kamay sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot. Ako ang Una at ang Huli, 18 at ang isa na nabubuhay. Ako ay namatay, pero tingnan mo, ako ay buhay magpakailanman! At nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng hades.