67 Bible Verses About Forgiveness of Sins

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Forgiveness of Sins
  1. 9 Kaya manalangin kayo ng katulad nito: 'Ama naming nasa langit, gawing banal ang iyong pangalan. 10 Pumarito ang inyong kaharian, mangyari ang iyong kalooban, dito sa lupa katulad ng sa langit. 11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pang araw-araw na pagkain. 12 Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang katulad din ng pagpapatawad namin sa mga nagkautang sa amin. 13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, ngunit iligtas mo mula sa masama.

    14 Sapagkat kung patatawarin ninyo ang pagkakasala ng mga tao, patatawarin din kayo ng Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo patatawarin ang kanilang pagkakasala, maging ang inyong Ama ay hindi rin patatawarin ang inyong pagkakasala.

  2. 5 Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6 Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.

    8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

  3. 37 Nang marinig nila ito, nadurog ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa iba pang mga apostol, “Mga kapatid, ano ba ang dapat naming gawin?”

    38 At sinabi ni Pedro sa kanila, “Magsisi at magpabautismo, ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at inyong tatanggapin ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat sa inyo ang pangako at sa inyong mga anak at sa lahat ng mga nasa malayo, at sa mga tao na tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

  4. 25 Kapag tumayo ka at mananalangin, kailangan mong patawarin ang kahit na anong mayroon ka laban sa kahit na sino, nang sa gayon ay mapatawad din ng inyong Amang nasa langit ang iyong mga pagsuway.” 26 (Ngunit kung hindi ka magpapatawad, hindi rin patatawarin ng Amang nasa langit ang inyong mga kasalanan.)

  5. 7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo.

  6. 12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.

  7. 1 Mapalad ang tao na pinatawad ang kaniyang pagsuway, na tinakpan ang kaniyang kasalanan. 2 Mapalad ang tao na siyang pinapalagay ni Yahweh na walang pagkakasala at ang espiritu na walang panlilinlang. 3 Kapag nanatili akong tahimik, ang aking mga buto ay unti-unting nadudurog habang ako ay dumadaing buong araw. 4 Dahil araw at gabi ang iyong kamay ay mabigat sa akin. Nalanta ang aking kalakasan tulad ng tagtuyot sa tag-araw. Selah 5 Pagkatapos inamin ko ang aking kasalanan sa iyo, at hindi ko na ikinubli ang aking kasamaan. Sinabi ko, “aaminin ko ang pagsuway ko sa iyo Yahweh,” at pinatawad mo ang kabigatan ng aking kasalanan. Selah

  8. 3 Mag-ingat kayo. Kung nagkasala ang iyong kapatid na lalaki, sawayin mo siya, at kung siya ay nagsisi, patawarin mo siya. 4 Kapag nagkasala siya laban sa iyo ng pitong beses sa isang araw, at pitong beses na bumalik sa iyo, sinasabi, 'Nagsisisi ako,' dapat mo siyang patawarin!”

    5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

  9. 33 Nang makarating sila sa lugar na kung tawagin ay Bungo, doon ay kanilang ipinako siya sa krus kasama ang mga kriminal, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa.

    34 Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” At sila ay nagsapalaran, hinati-hati ang kaniyang kasuotan.

  10. 37 Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag magparusa at hindi kayo parurusahan. Patawarin ninyo ang iba at kayo ay patatawarin.

  11. 8 Si Yahweh ay maawain at mapagbigay-loob; siya ay mapagpaumanhin; mayroon siyang labis na katapatan sa tipan. 9 Hindi siya laging magdidisiplina; hindi siya laging nagagalit. 10 Hindi niya tayo tinatrato ayon sa nararapat sa ating mga kasalanan o ginagantihan ayon sa kung ano ang hinihingi ng ating mga kasalanan. 11 Dahil kung gaano kataas ang kalangitan sa ibabaw ng daigdig, ganoon kadakila ang kanyang katapatan sa tipan sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya. 12 Kung gaano kalayo ang silangan mula sa kanluran, ganoon kalayo niya inalis mula sa atin ang ating mga kasalanan. 13 Kung paanong may pagkahabag ang isang ama sa kanyang mga anak, gayundin pagkahabag ni Yahweh sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya. 14 Dahil alam niya kung paano tayo binuo; alam niya na tayo ay alabok.

  12. 21 Ngunit ngayon, naipaalam na ang katuwiran ng Diyos ay hindi sa pamamagitan ng kautusan. Ito ay nasaksihan ng kautusan at ng mga propeta, 22 ito ay, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat ng mga naniniwala. Sapagkat walang pagtatangi. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Sila ay napawalang-sala nang walang bayad ng dahil sa kaniyang biyaya sa pamamagitan ng katubusan na nakay Cristo Jesus.

    25 Sapagkat ipinagkaloob ng Diyos si Cristo bilang pampasuyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Inialay niya si Cristo, bilang patotoo sa kaniyang katarungan, dahil sa kaniyang hindi pagpansin sa mga nakaraang kasalanan 26 sa kaniyang pagtityatiyaga. Nangyari ang lahat ng ito para sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa panahong ito. Ito ay upang kaniyang mapatunayan na siya ay makatarungan at upang ipakitang pinapawalang-sala niya ang sinuman dahil sa pananampalataya kay Jesus.

  13. 16 Maghugas kayo, linisin ninyo ang mga sarili niyo; alisin ninyo ang kasamaan sa mga gawain ninyo sa paningin ko; tigilan ninyo na ang pagiging masama; 17 alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.” 18 “Halika at pag-usapan natin ito,” sabi ni Yahweh; “bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana. 19 Kung handa kayo at susunod, kakainin ninyo ang maiinam na bunga ng lupain. 20 Pero kung magmamatigas kayo at magrerebelde, lalamunin kayo ng espada dahil ang bibig ni Yahweh ay nagsalita.”

  14. 18 Sino ang Diyos na gaya mo, ikaw na nag-aalis ng kasalanan, ikaw na pinapalagpas ang mga pagkakasala ng mga natira ng iyong mana? Hindi mo pinapanatili ang iyong galit magpakailanman, dahil gustong-gusto mong ipakita sa amin ang iyong kasunduan ng katapatan. 19 Magkakaroon ka muli ng kahabagan sa amin. Tatapakan mo ang aming kasalanan at itatapon mo ang lahat ng aming kasalanan sa kailaliman ng dagat. 20 Ibibigay mo ang katotohanan kay Jacob at ang kasunduan ng katapatan kay Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno noong unang mga araw.

  15. 21 Pagkatapos, lumapit si Pedro at sinabi kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ba na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at akin siyang patatawarin? Hanggang pitong beses?”

    22 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Hindi ko sasabihin sa inyo na pitong beses, kundi hanggang pitumpung ulit at pito.

    23 Samakatuwid, ang kaharian ng langit ay maihahalintulad sa isang hari na nais makipagsulit sa kaniyang mga utusan. 24 Habang inuumpisahan ang pagsusulit, isang utusan ang dinala sa kaniya na nagkautang ng sampung libong mga talento. 25 Ngunit dahil sa wala siyang kakayanan na magbayad, inutusan siya ng kaniyang amo na ipagbili, kasama ng kaniyang asawa at mga anak at lahat na mayroon siya, at nang makabayad.

    26 Kaya lumuhod ang utusan, yumuko sa kaniyang harapan, at sinabi, 'Amo, pagtiisan mo ako, at babayaran ko ang lahat.'

    27 Kaya nahabag ang amo sa kaniyang utusan, pinakawalan siya at pinatawad ang kaniyang utang.

    28 Ngunit lumabas ang utusan at nakita ang isa sa kaniyang kapwa utusan na nagkautang sa kaniya ng isang daang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal at sinabi, 'Bayaran mo ako sa iyong inutang.'

    29 Ngunit lumuhod ang kaniyang kapwa utusan at nakiusap sa kaniya na nagsasabi, “Pagtiisan mo ako, at babayaran rin kita.'

    30 Ngunit tumanggi ang naunang utusan. Sa halip, pumunta siya at itinapon siya sa kulungan, hanggang sa mabayaran niya ang kaniyang inutang.

    31 Nang makita ng kapwa mga utusan kung ano ang nangyari, labis silang nagdamdam. Pumunta sila sa kanilang amo at sinabi ang lahat ng nangyari.

    32 Pagkatapos nito, ipinatawag ng amo ang kaniyang utusan, at sinabi sa kaniya, 'Napakasama mong utusan, pinatawad kita sa lahat ng iyong inutang dahil ikaw ay nakiusap sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka din sa iyong kapwa utusan, gaya ng pagkahabag ko sa iyo? 34 Nagalit ang kaniyang amo at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang mga inutang.

    35 Kaya ganoon din ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung ang bawat isa sa inyo ay hindi magpapatawad sa kaniyang kapatid na mula sa kaniyang puso.”

  16. 25 Ako, oo, ako, ang siyang nag-aalis ng iyong mga kasalanan para sa aking kapakanan; at hindi ko na tatandaan pa ang iyong mga kasalanan kahit kailan. 26 Ipaalaala mo sa akin kung ano ang nangyari. Magkasama tayong pagusapan ito; Ihain mo ang iyong hangarin, para mapatunayang ikaw ay walang kasalanan.

  17. 6 Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.

  18. 13 Ang isa na nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi yayaman, ngunit ang nagpapahayag at nagpapabaya sa kanila ay pakikitaan ng habag.

  19. 13 Mayroon bang nagdurusa sa inyo? Dapat siyang manalangin. 14 Mayroon bang masaya sa inyo? Hayaan siyang umawit ng papuri. Mayroon bang may sakit sa inyo? Hayaan siyang tawagin ang mga nakatatanda ng iglesya at hayaan siyang ipanalangin ng mga nakatatanda, at pahiran siya ng langis sa pangalan ng Panginoon, 15 at ang panalangin ng may pananampalataya ang magpapagaling sa taong may sakit, at ang Panginoon ang magtataas sa kaniya. Kung nakagawa siya ng kasalanan, patatawarin siya ng Diyos.

    16 Kaya ihayag ninyo ang inyong mga kasalanan sa bawat isa at ipanalangin ang bawat isa upang kayo ay mapagaling. Ang panalangin ng matuwid ay magdudulot ng malaking bunga. 17 Si Elias ay tao din na may pakiramdaman kagaya natin. Siya ay taimtim na nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa ng tatlong taon at anim na buwan.

  20. 19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik loob, upang mapawi ang inyong mga kasalanan, nang sa gayon mayroong dumating na panahon ng pagpapanibagong-lakas sa presensya ng Panginoon; 20 at kaniyang isusugo si Jesus, ang hinirang na Cristo para sa inyo.

  21. 38 Kaya dapat ninyo itong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ng taong ito ay naipahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya ang bawat isang mananampalataya ay pinawalang-sala mula sa lahat ng bagay na hindi kayang maipawalang-sala sa inyo sa kautusan ni Moises.

  22. 10 'Sapagkat ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,' sabi ng Panginoon. 'Ilalagay ko sa kanilang mga isipan ang aking mga tipan, at isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga puso. Ako ang magiging Diyos nila, at sila ay aking magiging mga tao. 11 Hindi nila tuturuan ang bawat isa na kaniyang kapwa at ang bawat isa na kaniyang kapatid, na sabihing, “Kilalanin ninyo ang Diyos,” sapagkat ako ay makikilala ng lahat mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila. 12 Sapagkat magpapakita ako ng habag sa kanilang mga gawaing hindi matuwid at hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.'”

  23. 3 Yahweh, kung tatandaan mo ang mga kasamaan, Panginoon, sino ang makatatagal? 4 Pero mayroong kapatawaran sa iyo, para ikaw ay sambahin.

  24. 9 Ang sinumang nagpapaumanhin sa paglabag ay naghahanap ng pagmamahal, pero ang sinumang umuulit sa isang bagay ay nagpapalayo sa mga malalapit na kaibigan.

  25. 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mananalangin, sabihin ninyo, 'Ama, sambahin ang iyong pangalan. Ang kaharian mo ay dumating. 3 Bigyan mo kami ng aming tinapay sa araw-araw. 4 Patawarin mo kami sa aming mga kasalan gaya ng pagpapatawad namin sa may pagkakautang sa amin. Huwag mo kaming itungo sa tukso.'”

  26. 1 Mga minamahal kong anak, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Pero kung sino man ang magkasala, mayroon tayong tagapagtanggol sa Ama, Si Jesu-Cristo ang nag-iisang makatuwiran. 2 Siya ang taga-pamayapa para sa ating mga kasalanan, at hindi lang para sa atin, kundi para din sa buong mundo.

  27. 27 Kumuha siya ng kopa at nagpasalamat, at ibinigay ito sa kanila at sinabi, “Inumin ninyo ito, kayong lahat. 28 Sapagkat ito ay ang aking dugo ng kasunduan na ibinuhos para sa marami para sa ikapapatawad ng mga kasalanan.

  28. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  29. 30 Kaya nga, pinalampas ng Diyos ang panahon na hindi siya kinilala, ngunit ngayon inuutusan niya ang lahat ng mga tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Ito ay dahil itinakda na niya ang araw kung kailan niya hahatulan ang mundo sa katuwiran sa pamamagitan ng taong kaniyang pinili. Pinatunayan ito ng Diyos sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya sa mga patay.”

  30. 16 '' 'Ito ang tipan na aking gagawin sa kanila pagkatapos ng mga araw na iyon,' ang sabi ng Panginoon, 'Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”'

    17 Pagkatapos sinabi niya, “Hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan at paglabag sa kautusan.”

    18 Ngayon kung saan may kapatawaran na para sa mga ito, wala ng pag-aalay pa para sa kasalanan.

  31. 14 Sa panahong iyon kung ang aking mga tao na tinawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpapakumbaba, mananalangin, hahanapin ako, at tatalikod sa kanilang masasamang gawain, makikikiibig ako mula sa langit, patatawarin ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.

  32. 9 Sa aming Panginoong Diyos ang pinanggagalingan nang habag at kapatawaran, sapagkat naghimagsik kami laban sa kaniya.

  33. 43 Ito ay para sa kaniya kaya nagpapatotoo ang mgapropeta, upang ang lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay makatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”

  34. 17 Ngayon, nagmamakaawa ako sa iyo, gamitin mo ang iyong dakilang kapangyarihan. Sapagkat sinabi mo, 18 banayad si Yahweh kung magalit at sagana sa tipan ng katapatan. Pinapatawad niya ang kasamaan at pagsuway. Hindi siya magpapawalang sala kapag dadalhin niya ang parusa ng kasalanan ng mga ninuno sa kanilang mga kaapu-apuhan, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.'

    19 Patawad, nakikiusap ako sa iyo, itong kasalanan ng mga tao dahil sa kadakilaan ng iyong tipan ng katapatan, tulad ng palagi mong pagpapatawad sa mga taong ito mula sa panahong nasa Ehipto sila hanggang ngayon.”

    20 Sinabi ni Yahweh, “Pinatawad ko na sila ayon sa iyong kahilingan, 21 ngunit totoo, habang nabubuhay ako at habang napupuno ang buong mundo ng aking kaluwalhatian, 22 lahat ng mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at sa mga palatandaan ng aking kapangyarihang ginawa ko sa Ehipto at sa ilang—tinutukso pa rin nila ako ng sampung beses at hindi nakinig sa aking tinig. 23 Kaya sinabi kong tiyak na hindi nila makikita ang lupaing aking ipinangako sa kanilang mga ninuno. Wala ni isa sa kanilang namuhi sa akin ang makakakita nito,

  35. 5 Bumaba si Yahweh sa ulap at tumayo doon kasama si Moises, at binigkas niya ang pangalang “Yahweh.” 6 Dumaan si Yahweh sa kaniya at inihayag, “Yahweh, Yahweh, ang Diyos ay maawain at mapagbigay-loob, hindi madaling magalit, at nag-uumapaw sa katapatan ng tipan at mapagkakatiwalaan, 7 pinananatili ang katapatan ng tipan para sa libu-libong mga salinlahi, nagpapatawad sa mga kasamaan, mga pagsuway at mga pagkakasala. Pero gagawin niyang walang kasalanan ang nagkasala. Magdadala siya ng parusa sa kasalanan ng ama sa kanilang mga anak at anak ng kanilang mga anak, hanggang sa pangatlo at pang-apat na salinlahi.”

    8 Iniyuko agad ni Moses ang kaniyang ulo sa lupa at sumamba. 9 “Pagkatapos sinabi niya, “Kung ako ngayon ay nakatagpo ng pabor sa inyong paningin, Panginoon ko, pakiusap sumama kayo sa amin, dahil ang mga taong ito ay matigas ang ulo. Ipagpaumanhin ang aming kalapastanganan at ang aming kasalanan, at dalhin mo kami bilang iyong pamana.

  36. 5 Ikaw, Panginoon, ay mabuti, at handang magpatawad, at nagpapakita ka ng malaking awa sa lahat ng tumatawag sa iyo.

  37. 4 Dumating si Juan na nagbabautismo sa ilang at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi alang-alang sa kapatawaran ng mga kasalanan. 5 Ang buong bansa ng Judea at lahat ng taga-Jerusalem ay pumunta sa kaniya. Sila ay binautismuhan niya sa Ilog ng Jordan, na nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.

  38. 59 Habang binabato nila si Esteban, patuloy siyang tumatawag sa Panginoon at sinasabing, ''Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.'' 60 Lumuhod siya at tumawag ng may malakas na boses, ''Panginoon, huwag mong ipataw ang kasalanang ito laban sa kanila.” Nang matapos niyang sabihin ito, siya ay nakatulog.

  39. 20 Pagkakita niya sa kanilang pananampalataya, sinabi ni Jesus, “Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”

    21 Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ay nagsimulang magtanong tungkol dito, na sinasabi, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos?” Sino ang nagpapatawad ng kasalanan, hindi ba't ang Diyos lamang?”

  40. 11 Sa kaniya, tinuli rin kayo sa pamamagitan ng pagtutuli na hindi ginagawa ng mga tao, ang pagtatanggal sa katawan ng laman, ngunit sa pagtutuli ni Cristo. 12 Inilibing kayong kasama niya sa bautismo. At sa kaniya ay ibinangon kayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na siyang nagbangon sa kaniya mula sa mga namatay.

    13 noong kayo ay patay sa inyong mga pagkakasala at sa hindi pagkakatuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya at pinatawad tayong lahat sa ating mga paglabag. 14 Binura niya ang nakasulat na tala ng mga pagkaka-utang at ang mga tuntunin na laban sa atin. Tinanggal niya ang lahat ng mga ito at ipinako ito sa krus. 15 Tinanggal niya ang mga kapangyarihan at mga kapamahalaan. Lantaran niya silang ibinunyag at dinala sila sa matagumpay na pagdiriwang sa pamamagitan ng kaniyang krus.

  41. 10 Kaya ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ninyo ito: Ang aming pagsuway at ang aming mga kasalanan ay nasa amin, at nabubulok kami dahil dito! Paano kami mabubuhay?'

    11 Sabihin mo sa kanila, 'Buhay ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—. Hindi ko ikinagagalak ang kamatayan ng masama, sapagkat kung pagsisisihan ng masama ang kaniyang pamamaraan, kung gayon mabubuhay siya! Magsisi kayo! Magsisi kayo mula sa mga masasama ninyong pamamaraan! Sapagkat bakit ninyo kailangang mamatay, sambahayan ng Israel?'

    12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong mga tao, 'Ang pagkamatuwid ng isang matuwid na tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya kung magkakasala siya! At ang kasamaan ng masamang tao ay hindi magdudulot sa kaniya ng kamatayan kung pagsisisihan niya ang kaniyang kasalanan. Sapagkat ang taong matuwid ay hindi mabubuhay dahil sa kaniyang pagkamatuwid kung siya ay magkakasala.

    13 Kung sasabihin ko sa matuwid na “Tiyak na mabubuhay siya!” at kung magtitiwala siya sa sarili niyang pagkamatuwid at pagkatapos makagawa siya ng hindi makatarungan, hindi ko na iisipin pa ang anumang kaniyang pagkamatuwid, mamamatay siya sa kasamaan na kaniyang nagawa.

    14 At kung sasabihin ko sa masama, “siguradong mamamatay ka!” ngunit kung pagsisisihan niya ang kaniyang mga kasalanan at gagawin kung ano ang makatarungan at tama— 15 kung isasauli niya ang garantiya ng sangla na sapilitang hiningi niya, o kung isasauli niya kung ano ang kaniyang ninakaw, at lalakad sa mga alituntunin ng batas na nagbibigay buhay at hindi na kailanman gagawa ng anumang kasalanan, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay. 16 Wala na sa kaniyang mga nagawang kasalanan ang aking iisipin para sa kaniya. Kumilos siya ng makatarungan at makatuwiran, kaya siguradong mabubuhay siya!

  42. 17 Ngunit nang nakapag-isip-isip ang nakababatang anak, sinabi niya, 'Napakaraming mga upahang utusan ng aking ama ang may higit pa sa sapat na pagkain, at ako ay nandito, namamatay sa gutom! 18 Aalis ako rito at pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kaniya, “Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo; gawin mo akong isa sa iyong mga upahang utusan.'”

    20 Kaya umalis ang nakababatang anak at pumunta sa kaniyang ama. Habang siya ay malayo pa, nakita siya ng kaniyang ama, at siya ay nahabag, at tumakbo, at niyakap at hinagkan siya.

    21 Sinabi ng anak sa kaniya, “Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi ako karapat-dapat na tawaging anak mo.”

    22 Sinabi ng ama sa kaniyang mga utusan, 'Kunin ninyo kaagad ang pinakamagandang balabal, at isuot sa kaniya, at lagyan ng sing-sing ang kaniyang kamay, at sandalyas ang kaniyang mga paa. 23 Pagkatapos, dalhin ninyo dito ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay magsikain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak ko ay namatay, at ngayon siya ay nabuhay. Siya ay nawala, at ngayon siya ay natagpuan.' At sila ay nagsimulang magdiwang.

  43. 46 Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47 At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Kayo ay mga saksi ng lahat ng ito.

    49 Tingnan ninyo, ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Ngunit mag-hintay kayo sa lungsod, hanggang kayo ay mapagkalooban ng kapangyarihang mula sa taas.”

  44. 15 Pagkatapos sinabi ko, 'Sino ka, Panginoon?' Sumagot ang Panginoon, 'Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayon bumangon ka at tumayo sa iyong mga paa; dahil sa layuning ito'y nagpakita ako saiyo, upang italaga ka bilang lingkod at saksi tungkol sa mga bagay na alam mo tungkol sa akin ngayon at sa mga bagay na ipapakita ko pagkatapos nito; 17 at ililigtas kita mula sa mga tao at mula sa mga Gentil kung saan kita isusugo, 18 upang buksan ang kanilang mga mata at upang ibalik sila mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan at mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa Diyos, upang tanggapin nila mula sa Diyos ang pagpapatawad ng mga kasalanan at ang pamana na ibibigay ko sa kanila na aking itinalaga para sa aking sarili sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin.'

  45. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  46. 22 At ayon sa kautusan, halos lahat ay nilinis ng dugo. Walang kapatawaran kung walang pagbubuhos ng dugo.

  47. 1 Kaawaan mo ako, Diyos, dahil sa iyong katapatan sa tipan; alang-alang sa iyong mga maawaing gawa, burahin mo ang aking mga kasalanan. 2 Mula sa aking mabigat na pagkakasala ako ay hugasan mo nang lubusan at linisin ako mula sa aking kasalanan. 3 Dahil alam ko ang aking mga paglabag, at laging naaalala ang aking kasalanan. 4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala at sa iyong paningin ginawa kung ano ang napakasama; matuwid ka kapag nagsasalita; tama ka kapag humahatol. 5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan.

  48. 1 Sa taon ng kamatayan ni Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang trono; siya ay mataas at nakaangat; at ang laylayan ng kaniyang kasuotan ay bumalot sa templo. 2 Nasa taas niya ang mga serapin, bawat isa ay mayroong anim na pakpak, dalawa ang nakatakip sa kaniyang mukha, at dalawa ang nakatakip sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad. 3 Bawat isa ay nagsasabi sa isa't isa, “Banal, banal, banal si Yahweh na pinuno ng mga hukbo! Puno ng kaniyang kaluwalhatian ang buong mundo.”

    4 Nayanig ang mga pinto at mga pundasyon sa mga tinig ng mga nananawagan, at napuno ng usok ang bahay.

    5 Pagkatapos sinabi ko, “Kaawa-awa ako! Mapapahamak ako dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at namumuhay kasama ng mga taong marurumi ang mga labi, dahil nakita ng aking mga mata ang Hari, si Yahweh, si Yahweh na pinuno ng mga hukbo!”

    6 Pagkatapos, isang serapin ang lumipad papalapit sa akin; mayroon siyang hawak na nagbabagang uling na kinuha niya gamit ang panipit mula sa altar. 7 Idinampi niya ito sa aking bibig at sinabi, “Masdan mo, naidampi na ito sa iyong labi; ang iyong kasalanan ay nilinis at tinubos na.

  49. 7 Pinagpala ang mga mahabagin sapagkat sila ay kahahabagan.

  50. 21 Inyong narinig na sinabi sa kanila noong mga unang panahon, 'Huwag kang pumatay,' at 'Sinumang papatay ay manganganib sa paghuhukom.' 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinumang magalit sa kaniyang kapatid ay manganganib sa paghuhukom. At kung sinuman ang magsabi sa kaniyang kapatid na, 'Wala kang kuwentang tao!' ay manganganib sa konseho. At sinumang magsabi ng, 'Hangal ka!' ay manganganib sa apoy ng impiyerno.

    23 Kaya kung ikaw ay naghahandog ng iyong kaloob sa altar at maalala mo doon ang iyong kapatid na may anumang bagay laban sa iyo, 24 iwan mo doon ang iyong kaloob sa harap ng altar at humayo ka. Makipag-ayos ka muna sa iyong kapatid, pagkatapos ay pumunta ka at ihandog mo ang iyong kaloob.

  51. 2 Masdan ito, dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralisado na nakaratay sa isang higaan. Nang nakita niya ang kanilang pananampalataya, sinabi ni Jesus sa paralisado, “Anak, magalak ka. Ang iyong mga kasalanan ay napatawad na.”

    3 Masdan ito, may ilan sa mga eskriba ang nagsabi sa kanilang mga sarili, “Ang taong ito ay lumalapastangan sa Diyos,” 4 Batid ni Jesus ang mga nasa isip nila at sinabi, “Bakit kayo nag-iisip ng masama sa inyong mga puso? 5 Sapagkat alin ba ang mas madaling sabihin, 'Napatawad na ang iyong mga kasalanan' o ang sabihin, 'Tumayo ka at lumakad'? 6 Ngunit para malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan dito sa lupa,...” sinabi niya sa paralisado, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.”

  52. 12 Ano sa palagay ninyo? Kung may isang taong mayroong isandaang tupa, at ang isa ay naligaw, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa burol at maghahanap sa isang naliligaw? 13 At kung matagpuan niya ito, totoo itong sinasabi ko sa inyo, ikagagalak niya ito higit sa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Sa gayon ding paraan, hindi ito ang kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa mga maliliit na batang ito ay mapahamak.

    15 Kung ang iyong kapatid ay nagkasala laban sa iyo, pumuntahan mo, ipakita mo ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makikinig siya sa iyo, mapapanumbalik mo ang iyong kapatid. 16 Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, isama mo sa iyo ang isa o dalawa pang mga kapatid, upang sa pamamamagitan ng bibig ng dalawa o tatlong mga saksi ang bawat salita ay maaaring mapatunayan. 17 At kung tumanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa iglesiya. Kung siya ay tumanggi na makinig sa iglesiya, ituring ninyo siyang gaya ng isang Gentil at maniningil ng buwis.

    18 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang igapos ninyo sa lupa ay igagapos din sa langit. At anumang mga bagay ang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan din sa langit.

  53. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo na siya na may maraming kasalanan at pinatawad nang lubos, ay nagmahal din nang lubos. Ngunit siya na pinatawad lamang nang kaunti, ay nagmamahal lamang nang kaunti.”

    48 At sinabi niya sa babae, “Napatawad na ang iyong mga kasalanan.”

  54. 29 Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, “Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo!

  55. 1 Kung gayon, wala ng paghatol sa mga taong na kay Cristo Jesus. 2 Sapagkat pinalaya ako ng tuntunin ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan. 3 Sapagkat kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ito sa pamamagitan ng laman ay ginawa ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling Anak na kawangis ng makasalanang laman para maging isang handog sa kasalanan, at hinatulan niya ang kasalanan sa laman. 4 Ginawa niya ito upang sa gayon ang mga hinihingi ng kautusan ay matupad sa atin, tayong mga hindi lumalakad ayon sa laman, ngunit ayon sa Espiritu.

  56. 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.

  57. 9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

  58. 16 At bakit ka naghihintay ngayon? Tumayo ka, at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan na tumatawag sa kaniyang pangalan.'

  59. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba.

  60. 12 Sumusulat ako sa inyo, mga minamahal kong anak, dahil ang inyong mga kasalanan ay napatawad dahil sa kanyang pangalan.

  61. 13 Pagkatapos sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako laban kay Yahweh.” Sumagot si Natan kay David, “Pinatawad na rin ni Yahweh ang iyong kasalanan. Hindi ka papatayin.

  62. 12 Pumunta ka at ihayag ang mga salitang ito sa hilaga. Sabihin mo, 'Magbalik ka taksil na Israel. Ito ang pahayag ni Yahweh. Sapagkat tapat ako, hindi ako mananatiling galit magpakailanman. Ito ang pahayag ni Yahweh

  63. 21 At muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo. Kung paano ako isinugo ng Ama, gayun din ko kayo sinusugo.” 22 Nang sinabi ito ni Jesus, hiningahan niya sila, at sinabi sa kanila, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung kanino mang kasalanan ang inyong patatawarin, ang mga ito ay pinatatawad para sa kanila; kung kanino mang mga kasalanan ang inyong pinanatili, ang mga ito ay mananatili.”

  64. 18 Gayon din, marami sa mga mananampalataya ang dumating na nagsabi at umamin ng kanilang mga kasamaang ginawa.

  65. 6 Ang parusang ito ng nakararami sa taong iyon ay sapat na. 7 Kaya ngayon, sa halip na parusahan, dapat ninyo siyang patawarin at bigyan ng kaaliwan. Gawin ninyo ito upang hindi siya manghina dahil sa labis na kalungkutan. 8 Kaya hinihikayat ko kayo na pagtibayin ninyo ang pag-ibig ninyo para sa kaniya sa harapan ng marami.

    9 Ito ang dahilan kaya ako sumulat, upang masubok ko at malaman kung masunurin kayo sa lahat ng bagay. 10 Kung pinatawad ninyo ang sino man, patatawarin ko rin ang taong iyon. Ano man ang aking pinatawad—kung pinatawad ko ang anumang bagay— pinatawad ko ito para sa inyong kapakanan sa harap ni Cristo. Ito ay upang hindi tayo malinlang ni Satanas. 11 Dahil hindi tayo mga mangmang sa kaniyang mga balak.

  66. 10 Sapagkat ang kalungkutan mula sa Diyos ay nagdudulot ng pagsisisi na kumukumpleto sa kaligtasan ng walang panghihinayang. Gayon man, ang kalungkutan sa mundo ay nagdadala ng kamatayan.

  67. 29 Dapat walang lalabas na masamang salita sa inyong bibig. Sa halip, dapat mga salitang may pakinabang ang lalabas sa inyong bibig, upang magbigay ng pakinabang sa mga nakikinig.

    30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Dahil sa kaniya kayo ay tinatakan para sa araw ng katubusan.

    31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.