91 Bible Verses About Communication

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Communication
  1. 29 Dapat walang lalabas na masamang salita sa inyong bibig. Sa halip, dapat mga salitang may pakinabang ang lalabas sa inyong bibig, upang magbigay ng pakinabang sa mga nakikinig.

    30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Dahil sa kaniya kayo ay tinatakan para sa araw ng katubusan.

    31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

  2. 19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.

  3. 18 Ang sinumang magtago ng pagkagalit ay may mga sinungaling na labi, at sinumang magkalat ng paninirang puri ay isang hangal. 19 Kung maraming salita, pagkakasala ay hindi nagkukulang, ngunit ang siyang nag-iingat sa kaniyang sasabihin ay isang matalino 20 Ang dila na siyang gumagawa nang matuwid ay purong pilak; ito ay may maliit na halaga sa puso ng masama. 21 Ang mga labi ng isa na gumagawa ng tama ay nagpapalusog ng marami, ngunit ang mga mangmang ay mamamatay dahil sa kakulangan ng kanilang pang-unawa.

  4. 1 Ang malumanay na sagot ay nag-aalis ng poot, pero ang malupit na salita ay nagsasanhi ng galit. 2 Ang dila ng mga matatalinong tao ay sinasang-ayunan ng kaalaman, pero ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso nang kamangmangan.

  5. 11 Ang pagsasabi ng salitang napili ng mabuti, ay katulad ng mga disenyo ng ginto na nakalagay sa pilak. 12 Katulad ng gintong singsing o alahas na gawa sa pinong ginto ay ang matalinong pagsaway sa nakikinig na tainga. 13 Tulad ng lamig ng niyebe sa oras ng pag-aani ay ang tapat na mensahero para sa mga nagpadala sa kaniya; ipinanunumbalik niya ang buhay ng kaniyang mga amo. 14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan ay ang taong nagmamalaki sa regalo na hindi niya binibigay.

  6. 34 Kayong mga anak ng mga ulupong, dahil kayo ay masama, paano kayo magsasabi ng mga mabubuting bagay? Sapagkat kung ano ang nilalaman ng puso ay siyang binibigkas ng bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso ay naglalabas ng mabuti at ang masamang tao na may masamang kayamanan sa kaniyang puso ay naglalabas ng masama. 36 At sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, ang mga tao ay mananagot sa bawat salita na kanilang binitawan na walang kabuluhan. 37 Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay parurusahan.”

  7. 23 Ang puso ng isang marunong na tao ay nagbibigay ng mahusay na panananaw sa kaniyang bibig at nagdadagdag ng panghihikayat sa kaniyang mga labi. 24 Ang kaaya-ayang mga salita ay isang pulot-pukyutan - matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.

  8. 20 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, ang kaniyang tiyan ay napupuno; sa ani ng kaniyang mga labi, siya ay nasisiyahan. 21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila, at ang mga nagmamahal dito ay kakain ng bunga nito.

  9. 25 Kaya nga alisin ninyo ang kasinungalingan. “Magsalita ng katotohanan, ang bawat isa sa kaniyang kapwa,” sapagkat kabahagi tayo ng bawat isa. 26 “Magalit kayo, ngunit huwag kayong magkasala.” Huwag ninyong hayaan na lumubog ang araw sa inyong galit. 27 Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang diyablo.

  10. 13 Sinumang sumasagot bago pa man makinig ay mangmang at kahiya-hiya.

  11. 28 Ang pusong gumagawa ng tama ay nag-iisip bago sumagot, ngunit ang bibig ng masasama ay ibinubuhos ang lahat ng kasamaan nito.

  12. 6 Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang malaman ninyo kung paano dapat sumagot sa bawat tao.

  13. 18 Ang mga salitang padalos-dalos ay tulad ng saksak ng isang espada, pero ang dila ng matalino, kagalingan ang dinadala.

  14. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  15. 2 Hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa pag-unawa ang isang hangal maliban sa paghahayag ng laman ng kaniyang puso.

  16. 8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala. 10 “Ang may gustong magmahal sa buhay at makakakita ng mabubuting araw ay kailangang pigilin ang kaniyang dila sa masama at ang kaniyang bibig sa pagsasabi ng kasinungalingan. 11 Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ito'y sundan. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nakikita ang matuwid at naririnig ng kaniyang tainga ang kanilang mga kahilingan. Pero ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”

  17. 27 Ang isang may kaalaman ay gumagamit ng kaunting mga salita at ang mahinahon ay may pang-unawa. 28 Kahit ang isang mangmang ay iisiping marunong kapag siya ay nananahimik; kung pinapanatili niyang tikom ang kaniyang bibig, siya ay itinuturing na matalino.

  18. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  19. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  20. 3 Yahweh, maglagay ka ng isang bantay sa aking bibig; bantayan mo ang pintuan ng aking mga labi.

  21. 4 Ang dilang nagpapagaling ay puno ng buhay, pero ang mapanlinlang na dila ay sumisira ng kalooban.

  22. 20 Tingnan ang isang tao na padalus-dalos sa kaniyang mga salita? Mayroong higit pang pag-asa para sa isang taong mangmang kaysa sa kaniya.

  23. 9 Ang sabi ni Jesus sa kaniya, “Felipe, hindi ba matagal na akong kasama ninyo, at hindi mo pa rin ako nakikilala? Kung sinuman ang nakakita sa akin, nakakita sa Ama; paano mo nasasabi, 'Ipakita sa amin ang Ama'? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko hindi sa aking sariling kapasyahan; sa halip, ito ay ang Ama na nananahan sa akin na siyang gumagawa ng kaniyang gawain.

  24. 1 Hindi dapat maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, alam nating matatanggap natin ang mas higit na paghahatol. 2 Sapagkat natitisod tayong lahat sa maraming paraan. Kung sinuman ang hindi natitisod sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap, na may kakayahang pigilan din ang kaniyang buong katawan.

    3 Ngayon kung lalagyan natin ng busal ang bibig ng kabayo susundin nila tayo, at mapapabaling natin ang kanilang buong katawan. 4 Pansinin din ang mga barko, kahit na napakalaki nila at tinutulak ng malalakas na hangin, ay nababaling kahit saan nais ibaling ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon.

    5 Ganoon din ang dila na isang maliit na bahagi ng katawan, ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Pansinin kung paano ang isang malawak na kagubatan ay nasusunog ng isang maliit na apoy! 6 Ang dila ay isa ring apoy, isang mundo ng makasalanan na inilagay sa bahagi ng ating mga katawan, nagpaparumi sa buong katawan at pinagniningas ang daan ng buhay, at ito ay nakatakdang apoy mula sa impiyerno.

    7 Bawat uri ng mga mababangis na hayop, mga ibon, mga gumagapang at mga nilalang sa dagat ay kayang paamuin at napaamo ng mga tao, 8 ngunit walang kahit na sinuman ang makapagpapaamo ng dila: walang tigil na kasamaan, puno ng nakamamatay na lason.

  25. 26 Kung sinuman ang nag-iisip sa kaniyang sarili na siya ay relihiyoso, ngunit hindi mapigilan ang kaniyang dila, niloloko niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan.

  26. 1 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ipinapaalam ng himpapawid ang ginawa ng kaniyang kamay! 2 Bawat araw ang pananalita ay bumubuhos; bawat gabi nagpapahayag ito ng kaalaman. 3 Walang pananalita o salaysay; ni hindi naririnig ang kanilang tinig. 4 Gayumpaman ang kanilang mga salita ay umaabot sa buong mundo; at ang kanilang pananalita ay hanggang sa dulo ng mundo. Nagtayo siya ng tolda para sa araw sa kalagitnaan nila. 5 Ang araw ay parang lalaking ikakasal na lumalabas sa kaniyang silid at parang isang lalaking malakas na nagagalak kapag siya ay tumatakbo sa kaniyang karera.

  27. 14 Nawa ang mga salita ng aking bibig at mga saloobin ng aking puso ay maging katanggap-tanggap sa iyong paningin, Yahweh, aking bato at aking manunubos.

  28. 23 Ang tao ay nakakahanap ng kaligayahan kapag siya ay nagbibigay ng matalinong sagot; Napakabuti ng napapanahong salita!

  29. 3 Isang karangalan para sa sinuman ang umiwas sa hindi pagkakasundo, ngunit ang bawat hangal ay sumasali sa isang pagtatalo. 4 Ang taong tamad ay hindi nag-aararo sa taglagas; siya ay naghahanap ng isang bunga sa panahon ng tag-ani ngunit hindi magkakaroon nang anuman.

  30. 37 Ngunit hayaan mo ang iyong salita ay maging, 'Oo, kung oo' o 'Hindi, kung hindi.' Anuman ang lalabis pa sa mga ito ay galing sa kaniya na masama.

  31. 19 Kung gayon, ipagpatuloy natin ang mga bagay ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay ng bawat isa.

  32. 1 Noon unang panahon, nakipag-usap ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta ng maraming beses at sa iba't-ibang paraan. 2 Ngunit sa mga araw na ito, nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Anak na siyang hinirang na tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ginawa ang mundo.

    3 Ang kaniyang Anak ang ningning ng kaniyang kaluwalhatian, ang totoong katangian ng kaniyang diwa, at pinapanatili niya ang lahat sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang nakamit ang paglilinis ng mga kasalanan, umupo siya sa kanang kamay ng kataas-taasang kamahalan.

  33. 22 Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos.

  34. 2 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, sa mga mabubuting bagay ang isang tao ay nasisiyahan, pero ang gana ng taksil ay para sa karahasan. 3 Ang binabantayan ang kaniyang bibig ay pinapangalagaan ang kaniyang buhay, pero sisirain ang sarili nang nagbubukas ng labi ng maluwang.

  35. 10 Dumating ang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Bakit mo kinakausap ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga?”

    11 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nabigyan kayo ng pribilehiyo ng pagkaunawa sa mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit sa kanila ay hindi naibigay. 12 Dahil kung sinuman ang mayroon na ay higit pang mabibigyan at siya ay magkakaroon ng sagana. Ngunit ang sinuman na wala, kukunin sa kaniya maging ang tanging mayroon siya. 13 Kaya kinakausap ko sila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat kahit na sila ay nakakakita, hindi sila tunay na nakakakita. At bagaman nakaririnig sila ay hindi naman sila tunay na nakaririnig, ni hindi sila makaunawa.

    14 Sa kanila natupad ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi, 'Habang pinakikinggan ay inyong maririnig, ngunit hindi ninyo talaga maintindihan; habang tinitingnan ay inyong nakikita, ngunit hindi ninyo talaga maunawaan. 15 Sapagkat ang puso ng mga taong ito ay naging mapurol, at hirap sila sa pakikinig, at ipinikit nila ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita sa kanilang mga mata, o makarinig sa kanilang mga tainga, o makaintindi sa kanilang mga puso, upang sila ay babalik muli at sila ay aking pagagalingin.'

  36. 26 Subalit, ang Manga-aliw na ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama sa aking pangalan ay magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay at magpapaalala ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

  37. 1 Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso.

  38. 11 Kaya nga aliwin ninyo ang isa't isa at magpalakasan kayo, gaya ng inyong ginagawa.

  39. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.

  40. 9 Nagpunta siya sa kuweba doon at nanatili roon. Pagkatapos dumating ang salita ni Yahweh sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Ano ang ginagawa mo dito Elias?”

    10 Sumagot si Elias, “Naging napakamasigasig ako para sa iyo Yahweh, Diyos ng mga hukbo, para sa bayan ng Israel na tinalikuran ang iyong tipan, sinira ang iyong mga altar, at pinatay ang iyong mga propeta sa pamamagitan ng espada. Ngayon ako, ako nalang, ang natira at gusto nila akong patayin.”

    11 Sumagot si Yahweh, “Lumabas ka at tumayo sa bundok sa aking harapan.” Pagkatapos dumaan si Yahweh, at isang napakalakas na hangin ang humampas sa mga bundok at pinagpira-piraso ang mga bato sa harapan ni Yahweh, pero si Yahweh ay wala sa hangin. Pagkatapos ng malakas na hangin, isang lindol ang dumating, pero wala si Yahweh sa lindol.

    12 Pagkatapos ng lindol isang apoy ang dumating, pero si Yahweh ay wala sa apoy. Pagkatapos ng apoy, isang maliit na boses ang dumating. 13 Nang marinig ni Elias ang boses, binalot niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, lumabas, at tumayo sa pasukan ng kuweba. Pagkatapos isang boses ang dumating sa kaniya na nagsabing, “Ano ang ginagawa mo dito Elias?”

  41. 13 Kung ganoon, lumayo kayo sa pagsasabi ng masama, at ilayo ang inyong mga labi sa pagsasabi ng mga kasinungalingan.

  42. 12 Magiliw ang mga salita ng bibig ng matalinong tao, ngunit nilululon ang mangmang ng kaniyang sariling mga labi. 13 Sa pag-agos ng mga salita mula sa bibig ng mangmang, ang kamangmangan ay lumalabas, at sa huli umaagos sa bibig niya ang masamang kahibangan. 14 Pinaparami ng mangmang ang mga salita, ngunit walang nakakaalam kung ano ang paparating. Sino ang nakaaalam kung ano ang parating pagkatapos niya?

  43. 14 Ngayon nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay. Mayroon lamang silang natitirang isang tinapay sa bangka. 15 Binalaan niya sila at sinabi, “Magmasid kayo at magbantay laban sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”

    16 Nangatwiran ang mga alagad sa isa't isa, “Ito ay dahil wala tayong tinapay.”

    17 Batid ito ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ipinangangatwirang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nababatid? Hindi ba ninyo nauunawaan? Naging tigang na ba ang inyong mga puso? 18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi pa rin ba ninyo naaalala? 19 Nang hinati ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket ang inyong napuno ng mga hinati-hating tinapay?” Sinabi nila sa kaniya, “Labindalawa.”

    20 “At nang hinati-hati ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang basket ang inyong napuno?” Sinabi nila sa kaniya, “Pito.”

    21 Sinabi niya, “Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan?”

  44. 46 Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47 At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Kayo ay mga saksi ng lahat ng ito.

    49 Tingnan ninyo, ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Ngunit mag-hintay kayo sa lungsod, hanggang kayo ay mapagkalooban ng kapangyarihang mula sa taas.”

  45. 26 Kapag darating na ang Manga-aliw na siyang aking isusugo sa inyo mula sa Ama, na ang Espiritu ng katotohanan, na nanggaling mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin.

  46. 1 Kaya sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari kang magsalita para sa iyong sarili.” Pagkatapos iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at nagsalita. 2 “Masaya ako, Haring Agripa, na gagawin ko ang pagtatanggol ng aking kaso sa harapan mo sa araw na ito laban sa lahat ng paratang ng mga Judio; 3 lalo na, sapagkat dalubhasa ka sa lahat ng mga nakaugalian at mga katanungan ng mga Judio. Kaya't hinihingi ko ang katiyagaan mong makinig sa akin.

    4 nga, nalalaman nang lahat ng mga Judio kung papaano ako namuhay sa aking kabataaan sa aking sariling bansa at sa Jerusalem. 5 Kilala nila ako mula sa simula at kinakailangan nilang tanggapin na namuhay ako bilang isang Pariseo, isang napakahigpit na sekta ng aming relihiyon.

    6 Ngayon nakatayo ako rito upang hatulan dahil umaasa ako sa pangako na ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno. 7 Sapagkat ito ang pangako na inaasahang ng aming labing dalawang tribo na tanggapin habang matiyaga silang sumasamba sa Diyos gabi at araw. Dahil sa pag-asang ito, Haring Agripa, kaya pinaratangan ako ng mga Judio. 8 Bakit iniisip ng iba sa inyo na hindi kapani-paniwala na buhayin ng Diyos ang mga patay?

    9 Sa isang pagkakataon naisip ko sa aking sarili na kinakailangan kong gumawa ng maraming bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret. 10 Ginawa ko ang mga ito sa Jerusalem; Ikinulong ko ang maraming mga mananampalataya sa bilangguan, at may kapangyarihan ako mula sa mga punong pari na gawin ito; at nang ipapatay sila, ibinigay ko rin ang aking boto laban sa kanila. 11 Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at sinubukan ko silang magsalita ng masama laban sa Diyos. Galit na galit ako sa kanila at hinabol ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.

    12 Habang ginagawa ko ito, pumunta ako sa Damasco na may kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari; 13 at sa daan patungo roon, sa katanghalian tapat, Hari, Nakakita ako ng liwanag mula sa langit na higit na mas maliwanag kaysa sa araw at nagliwanag palibot sa akin at sa mga kalalakihan na naglalakbay na kasama ko. 14 Nang bumagsak kaming lahat sa lupa, nakarinig ako ng tinig na nagsasalita sa akin na nag sabi sa wikang Hebreo, 'Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Mahirap para sayo na sumipa sa matulis na tungkod.'

    15 Pagkatapos sinabi ko, 'Sino ka, Panginoon?' Sumagot ang Panginoon, 'Ako si Jesus na iyong inuusig. 16 Ngayon bumangon ka at tumayo sa iyong mga paa; dahil sa layuning ito'y nagpakita ako saiyo, upang italaga ka bilang lingkod at saksi tungkol sa mga bagay na alam mo tungkol sa akin ngayon at sa mga bagay na ipapakita ko pagkatapos nito; 17 at ililigtas kita mula sa mga tao at mula sa mga Gentil kung saan kita isusugo, 18 upang buksan ang kanilang mga mata at upang ibalik sila mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan at mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa Diyos, upang tanggapin nila mula sa Diyos ang pagpapatawad ng mga kasalanan at ang pamana na ibibigay ko sa kanila na aking itinalaga para sa aking sarili sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin.'

    19 Samakatuwid, Haring Agripa, hindi ko sinuway ang pangitain mula sa langit; 20 ngunit, una sa mga nasa Damasco at pagkatapos ay sa Jerusalem at sa lahat ng dako ng bansa ng Judea, at pati na rin sa mga Gentil, nangaral ako upang sila ay magsisi at bumalik sa Diyos, gumagawa ng mga bagay na karapatdapat sa pagsisisi. 21 Sa kadahilanang ito hinuli ako ng mga Judio sa loob ng templo at sinubukan akong patayin.

    22 Tinulungan ako ng Diyos hanggang ngayon, kaya't tumayo ako at nagpatotoo sa mga pangkaraniwang tao at sa mga dakila na hindi hihigit sa kung ano ang sinabi ng mga propeta at ni Moises kung ano ang mangyayari; 23 na ang Cristo ay dapat magdusa, at siya ang unang ibabangon mula sa mga patay at magpapahayag ng kaliwanagan sa mga Judio at mga Gentil.”

    24 Nang matapos ni Pablo ang kaniyang pagtatanggol, sinabi ni Festo sa malakas na tinig, “Pablo, nababaliw ka; ang napakaraming natutunan mo ang nagpapabaliw sayo.”

    25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako nababaliw, kagalanggalang na Festo; ngunit nilakasan ko ang aking loob na magpahayag ng mga salita ng katotohanan at kahinahunan. 26 Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito; at kaya't, malaya akong nakapagsasalita sa kaniya, sapagkat ako'y nahikayat na wala sa mga bagay na ito ang maitatago sa kaniya; sapakat hindi ito ginawa sa isang sulok. 27 Naniniwala kaba sa mga propeta, Haring Agripa? Alam ko na naniniwala ka.”

    28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo ako na maging Kristiyano?”

    29 Sinabi ni Pablo, Ipinanalangin ko sa Diyos na kahit sa maikli o mahabang panahon, hindi lang ikaw, kundi sa lahat ng nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko, ngunit maliban sa mga kadenang ito.”

  47. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

    24 Kaya ibinigay sila ng Diyos sa pagnanasa ng kanilang puso sa karumihan, upang malapastangan ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili. 25 Sila iyong mga ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan, at mga sumamba at naglingkod sa nilikha sa halip na ang Lumikha, na pinupuri magpakailanman. Amen.

    26 Dahil dito, ibinigay sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa, sapagkat ipinagpalit ng kanilang mga kababaihan ang kanilang likas na kaugnayan sa kung ano ang laban sa likas, 27 Gayon din, iniwan ng mga kalalakihan ang kanilang likas na kaugnayan sa mga babae at nag-aalab sila sa kanilang pagnanasa sa kapwa lalaki. Sila ang mga lalaking gumawa ng kahalayan sa mga kapwa lalaki, at tumanggap sa kanilang sarili ng parusa na nararapat sa kanilang kabuktutan.

    28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.

    32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.

  48. 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali.”

  49. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

  50. 14 Palagi mo silang paalalahanan ng mga bagay na ito. Pagsabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag makipag-away tungkol sa mga salita. Dahil, walang mapapakinabangan dito. Dahil dito may pagkawasak para sa mga nakikinig.

    15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

    16 Iwasan ang usapang malaswa, na siyang nagiging daan sa higit pang kawalan ng pagkilala sa Diyos. 17 Ang kanilang salita ay kakalat tulad ng ganggrena. Kabilang dito sina Himeneo at Fileto. 18 Sila ang mga lalaking nalihis sa katotohanan. Sinasabi nila na ang muling pagkabuhay ay nangyari na. Ginugulo nila ang pananampalataya ng ilan.

    19 Gayunman, nakatayo ang matibay na pundasyong itinatag ng Diyos. Mayroon itong tatak na ganito: “Nakikilala ng Panginoon kung sino ang mga kaniya” at “Bawat isang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan”

  51. 16 Sapagkat hindi namin sinundan ang mga katalinuhang lumikha ng mga kathang-isip noong sinabi namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ngunit kami ang mga naging saksi sa kaniyang kadakilaan. 17 Natanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian noong may isang tinig ang dumating sa kaniya mula sa Dakilang Kaluwalhatian na nagsasabing, “Ito ang aking Anak, ang Kaisa-isa kong minamahal, sa kaniya ay lubos akong nalulugod.” 18 Narinig namin itong tinig na nagmula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok.

    19 Nasa amin ang mga salitang ipinahayag ng mga propeta at ito ay lalong tiyak, ito ay mabuting pag-ukulan ninyo ng pansin. Ito ay tulad ng isang lampara na nagliliwanag sa madilim na lugar hanggang dumating ang umaga at ang mga bituin sa umaga ay sisikat sa inyong mga puso. 20 Una ninyong alamin ito, na ang nasusulat na propesiya ay hindi nagmula sa mismong pangangatwiran ng propeta. 21 Sapagkat walang anumang propesiya ang nagmula sa kalooban ng tao, kundi sa pamamagitan ng tao, sa ilalim ng Banal na Espiritu na siyang nagsalita mula sa Diyos.

  52. 9 Sinisira ng bibig ng mga walang Diyos ang kaniyang kapwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ang mga gumagawa ng tama ay pinanatiling ligtas.

  53. 25 Ang pangamba sa puso ng tao ay nagpapabigat sa kaniya, ngunit nagpapagalak ang mabuting salita.

  54. 14 Ang simula ng hindi pagkakasundo ay gaya ng isang taong nagpapakawala ng tubig sa lahat ng dako, kaya lumayo ka sa mga pagtatalo bago ito magsimula.

  55. 20 Dinggin mo at sundin ang aking katuruan, at ikaw ay magiging marunong hanggang sa katapusan ng iyong buhay.

  56. 19 Mas mabuti pang mamuhay sa disyerto kaysa makasama ang babaeng nagdudulot nang alitan at sobrang makapagreklamo.

  57. 23 Sinumang nagbabantay sa kaniyang bibig at dila ay nag-iingat na hindi makasali sa gulo.

  58. 7 Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyo na ako ay lumisan; dahil kung hindi ako lilisan; hindi darating sa inyo ang Manga-aliw, subalit kung ako ay lilisan, susuguin ko siya sa inyo.

    8 Sa kaniyang pagdating, ipahahayag ng Mangaaliw sa mundo tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghuhukom— 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila naniniwala sa akin, 10 tungkol sa katuwiran, dahil ako ay pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita, 11 at tungkol sa paghuhukom, dahil ang prinsipe ng mundong ito ay nahatulan na.

  59. 8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito.

  60. 1 Ito ang kapahayagan ni Jesu-Cristo na ibinigay sa kaniya ng Diyos para ipakita sa kaniyang mga lingkod ang mga bagay na malapit nang maganap. Ipinaalam niya ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng kaniyang anghel sa kaniyang lingkod na si Juan. 2 Pinatotohanan ni Juan ang lahat ng kaniyang nakita tungkol sa salita ng Diyos at sa patotoong ibinigay tungkol kay Jesu-Cristo.

    3 Pinagpala ang bumabasa ng malakas— at ang lahat ng nakikinig —sa mga salita ng propesiyang ito at sumunod sa nakasulat dito, dahil ang panahon ay malapit na.

  61. 2 Doon ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kaniya sa isang nagliliyab na apoy sa mababang puno. Tumingin si Moises at nakita na nagliliyab ang puno pero ito ay hindi nasusunog. 3 Sinabi ni Moises, “Lilingon ako at titingnan ang kahanga-hangang bagay na ito, bakit ang puno ay hindi nasusunog.”

    4 Nang makita ni Yahweh na lumingon si Moises para tingnan, tumawag ang Diyos sa kaniya mula sa mababang puno at sinabi, “Moises, Moises.” Sinabi ni Moises, “Narito po ako.”

    5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit! Hubarin mo ang sapatos sa iyong mga paa, dahil ang lugar na kinatatayuan mo ay lupang inilaan sa akin.” 6 Dagdag pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Pagkatapos tinakpan ni Moises ang kaniyang mukha, dahil takot siyang tumingin sa Diyos.

  62. 16 Hindi kayo dapat magbigay ng maling patotoo laban sa iyong kapwa.

  63. 11 Ang bibig ng gumagawa ng tama ay isang bukal ng buhay, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan. 12 Ang galit ay nagpapasimula ng mga kaguluhan, subalit ang pag-ibig ay matatakpan ang lahat ng pagkakasala. 13 Ang karunungan ay matatagpuan sa labi ng isang taong marunong umunawa, ngunit ang isang pamalo ay para sa likod ng isang walang pang-unawa. 14 Ang mga taong marunong ay nag-iipon ng kaalaman, ngunit ang bibig ng isang hangal ay nagpapalapit ng kapahamakan.

  64. 13 Sinumang tao na patuloy na naninirang puri ay nagbubunyag ng mga lihim, ngunit ang isang taong tapat ay laging iniingatang pagtakpan ang isang bagay.

  65. 19 Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.

  66. 44 Kayo ay mula sa inyong ama na ang diablo, at hinahangad ninyong gawin ang mga kahalayan mula sa inyong ama. Siya ay isang mamamatay tao mula sa simula at hindi nananatili sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kaniya. Kapag nagsalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa sarili niyang kalikasan dahil siya ay sinungaling at ang ama ng kasinungalingan.

  67. 11 Huwag kayong magsalita laban sa isa't-isa, mga kapatid. Ang taong nagsasalita laban sa kaniyang kapatid o naghahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa batas ng Diyos. Kapag hinatulan ninyo ang kautusan, hindi ninyo sinusunod ang batas, ngunit isang tagahatol ng mga ito.

  68. 9 Kapag pumapasok si Moises sa tolda, ang haliging ulap ay bumababa at nananatili sa labas ng tolda, at nagsasalita si Yahweh kay Moises.

  69. 27 Nakita ng asno ang anghel ni Yahweh, at humiga siya sa ilalim ni Balaam. Sumiklab ang galit ni Balaam at kaniyang hinampas ng baston ang kaniyang asno.

    28 Pagkatapos, binuksan ni Yahweh ang bibig ng asno para magsalita siya. Sinabi niya kay Balaam, “Ano ang aking ginawa sa iyo na nag-udyok sa iyo na hampasin ako nitong makaikatlo beses?”

    29 Sumagot si Balaam, “Dahil ikaw ay kumilos nang may kahangalan sa akin. Sana ay mayroong isang espada sa aking kamay. Kung mayroon, sa ngayon pinatay na kita.”

    30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba ako ang iyong asno na sinasakyan mo sa buong buhay mo hanggang sa mga araw na ito? Ugali ko bang gawin ang mga ganitong bagay sa iyo dati?” Sinabi ni Balaam, “Hindi.”

    31 Pagkatapos, binuksan ni Yahweh ang mga mata ni Balaam, at nakita niya ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa daraanan na nakalabas ang kaniyang espadang nasa kaniyang kamay. Iniyuko ni Balaam ang kaniyang ulo at nagpatirapa.

  70. 2 Hayaan mong purihin ka ng isang tao at hindi ang sarili mong labi; isang hindi mo kilala at hindi sa sarili mong mga labi.

  71. 11 Ang isang mangmang ay ipinahahayag ang lahat ng kaniyang galit, pero ang isang taong matalino ay pinipigilan ito at kinakalma ang kaniyang sarili.

  72. 9 Sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga taong ito, makinig man kayo, hindi kayo makauunawa; tumingin man kayo, hindi kayo makakikita. 10 Patigasin mo ang puso ng mga taong ito, gawin mong bingi ang kanilang mga tainga, at bulagin mo ang kanilang mga mata para hindi sila makakita o hindi sila makarinig at hindi makaunawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila sa akin at sila ay gagaling.”

  73. 12 Ginawa nilang kasing tigas ng bato ang kanilang mga puso upang hindi nila marinig ang kautusan o ang mga salita ni Yahweh ng mga hukbo. Ipinadala niya ang mga mensaheng ito sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu noong unang panahon, sa pamamagitan ng bibig ng mga propeta. Ngunit tumangging makinig ang mga tao, kaya nagalit sa kanila si Yahweh ng mga hukbo.

  74. 5 Ipinadala ni Jesus ang labindalawang ito. Tinagubilinan niya ang mga ito at sinabi, “Huwag kayong pumunta sa alin mang lugar na tinitirhan ng mga Gentil, at huwag kayong papasok sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, pumunta kayo sa mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. 7 At sa pagpunta ninyo, ipangaral ninyo at sabihing, 'Ang kaharian ng langit ay nalalapit na.' 8 Pagalingin ninyo ang may sakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin, at palayasin ang mga demonyo. Tumanggap kayo nang walang bayad, ipamigay ninyo nang walang bayad.

    9 Huwag kayong magdala ng anumang ginto, pilak o tanso sa inyong mga pitaka. 10 Huwag kayong magdala ng panglakbay na lalagyan, o dagdag na tunika, ni sandalyas, o di kaya'y tungkod, sapagkat nararapat sa manggagawa ang kaniyang pagkain.

    11 Anumang lungsod o nayon ang inyong mapuntahan, hanapin ninyo ang karapat-dapat at manatili kayo doon hanggang sa kayo ay aalis. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang mga nandoon. 13 Kung ang bahay ay karapat-dapat, pumaroon ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, hayaan ninyong bumalik ang inyong kapayapaan sa inyo. 14 Sa mga hindi naman tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, kapag kayo ay umalis sa bahay o lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang mga alikabok mula sa inyong mga paa. 15 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mas mapagtitiisan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra sa araw ng paghuhukom kaysa sa lungsod na iyon.

  75. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at sinimulan silang isugo ng dalawahan at binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu, 8 at ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang tinapay, walang sisidlan at wala ring pera nailalagay sa kanilang sinturon, 9 kundi magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dalawang tunika.

    10 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa tuwing papasok kayo sa isang bahay, manatili kayo doon hanggang makaalis kayo sa lugar na iyon. 11 At kung mayroong bayan na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo sa lugar na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.

    12 Humayo sila at inihayag na dapat talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming demonyo at pinahiran nila ng langis ang mga taong may sakit at pinagaling sila.

  76. 9 Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11 Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon!

  77. 9 Pagkatapos, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang ito.

    10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang mga hiwaga sa kaharian ng Diyos, ngunit ang ibang mga tao ay tuturuan lamang sa mga talinghaga, kaya tumingin man sila ay hindi talaga sila makakakita, at makinig man sila ay hindi talaga sila makakaunawa.

    11 Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas.

    13 At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag.

    14 Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago.

    15 Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga.

  78. 18 Kailanman, walang tao ang nakakita sa Diyos. Ang isa at nag-iisang katauhan, na mismo ay Diyos, na siyang nasa dibdib ng Ama, nagawa niya siyang maipakilala.

  79. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita mula sa aking sarili. Sa halip ang Ama na siyang nagsugo sa akin, na siyang nagbigay sa akin ng utos tungkol sa kung ano ang aking dapat sabihin at dapat ipahayag.

  80. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama.

  81. 13 Subalit, kapag siya na Espiritu ng Katotohanan ay dumating, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan: dahil hindi siya magsasalita mula sa kaniyang sarili, ngunit anumang mga bagay ang naririnig niya, sasabihin niya ang mga ito, at ihahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating.

  82. 15 Ang lahat ng anumang bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga sinabi ko na kukunin ng Espritu ang mga bagay na akin at ihahayag ang mga ito sa inyo.

  83. 36 Kaya naman siguraduhing ipaalam sa lahat ng tahanan sa Israel na ginawa siya ng Diyos na parehong Panginoon at Cristo, ang Jesus na ito na ipinako ninyo sa krus.”

    37 Nang marinig nila ito, nadurog ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa iba pang mga apostol, “Mga kapatid, ano ba ang dapat naming gawin?”

    38 At sinabi ni Pedro sa kanila, “Magsisi at magpabautismo, ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at inyong tatanggapin ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat sa inyo ang pangako at sa inyong mga anak at sa lahat ng mga nasa malayo, at sa mga tao na tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

    40 Pinatotohanan at hinimok niya sila sa pamamagitan ng maraming mga salita; sinabi niya,” Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa mga masasamang salin-lahing ito. 41 Pagkatapos tinanggap nila ang kaniyang salita at nabautismuhan, at ng araw na iyon may mga naidagdag na aabot sa tatlong libong mga kaluluwa.

  84. 17 Ngunit upang hindi ito kumalat pa sa mga tao, bigyan natin sila ng babala na huwag magsasalita kaninuman sa pangalang ito.”

    18 Tinawag nila sina Pedro at Juan na pumasok at inutusan sila na huwag magsasalita o magtuturo kailan man sa pangalan ni Jesus. 19 Ngunit sumagot sina Pedro at Juan at sinabi sa kanila, “Kung tama sa paningin ng Diyos na sundin kayo sa halip na siya, kayo na ang humatol. 20 Dahil hindi namin kayang hindi magsalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.”

  85. 17 Mula Mileto, nagpadala siya ng mga kalalakihan sa Efeso at pinatawag niya mismo ang mga nakatatanda ng iglesia.

    18 Nang dumating sila sa kaniya, sinabi niya sa kanila, “Kayo mismo ang nakakaalam, na mula pa noong unang araw na tumungtong ako sa Asia, palagi akong naglalaan ng oras kasama kayo. 19 Patuloy akong naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip at may luha, at sa mga pagdurusang naranasan ko dahil sa mga masamang balak ng mga Judio. 20 Alam ninyo na hindi ko ipinagkait na ituro sa inyo ang mga bagay na nakatutulong, at kung paano ko kayo tinuruan sa publiko at pumunta din ako sa mga bahay-bahay. 21 Alam ninyo na lagi kong binabalaan ang mga Judio at mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananalig sa ating Panginoong Jesus.

    22 Ngayon, tingnan ninyo, pupunta ako na natatali sa Banal na Espiritu patungong Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon, 23 maliban sa pagpapatotoo sa akin ng Banal na Espiritu sa bawat lungsod at magsabing naghihintay sa akin ang mga kadena at pagdurusa. 24 Ngunit hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay para sa aking sarili, upang matapos ko ang aking pagtakbo at ang ministeryong tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

    25 Ngayon, tingnan ninyo, nalalaman ko na kayong lahat, na pinuntahan ko at ipinangaral ang patungkol sa kaharian, hindi na ninyo makikita pang muli ang aking mukha. 26 Kaya nga pinatotohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang sala sa dugo ng sinumang tao. 27 Dahil hindi ko ipinagkait sa inyo ang pagpapahayag ng lahat ng kalooban ng Diyos.

  86. 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ang ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Kung tayo ay mga anak, mga tagapagmana rin tayo, mga tagapagmana ng Diyos. At kasama tayo ni Cristo bilang mga tagapagmana, kung tunay nga tayong magdusa kasama niya upang sa gayon maluwalhati rin tayo kasama niya.

  87. 14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”

  88. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.

  89. 6 Dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, ang Espiritu na tumatawag ng, “Abba, Ama.”

  90. 23 Ngunit tanggihan ang mga walang kabuluhan at mangmang na mga katanungan. Alam mo na hahantong ang mga ito sa pagtatalo. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.

  91. 16 Kaya ihayag ninyo ang inyong mga kasalanan sa bawat isa at ipanalangin ang bawat isa upang kayo ay mapagaling. Ang panalangin ng matuwid ay magdudulot ng malaking bunga.