80 Bible Verses About Teaching

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Teaching
  1. 18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  2. 1 Ngunit ikaw, sabihin ang tama kasama ng tapat na pagtuturo.

    2 Ang mga nakatatandang lalake ay dapat maging mahinahon, marangal, matino, nasa tamang pananampalataya, sa pag-ibig, at sa katiyagaan.

    3 Ang mga nakatatandang babae gayon din dapat laging ipakilalang sila rin ay kagalang-galang at hindi mga tsismosa. Sila ay hindi dapat inalipin ng sobrang alak. Sila ay dapat nagtuturo ng kung ano ang mabuti 4 upang masanay ang mga nakababatang babae sa matinong pagmamahal sa kanilang sariling mga asawa at mga anak. 5 Sila ang dapat magsanay sa kanila na maging matino, dalisay, mga mabuting tagapangalaga ng tahanan at masunurin sa kanilang sariling mga asawa. Dapat nilang gawin ang mga bagay na ito upang ang Salita ng Diyos ay hindi maalipusta.

    6 Sa parehong paraan, himukin ninyo ang mga nakababatang lalake upang maging matino.

    7 Sa lahat ng paraan, ihayag ang inyong sarili bilang isang huwaran ng mabubuting gawa; at kapag nagtuturo kayo, ipakita ang katapatan at karangalan. 8 Magpahayag ng isang mensahe na nakapagpapalakas at walang kapintasan, kaya yaong sinuman ang sumasalungat ay mapahiya, dahil wala siyang masamang masasabi tungkol sa atin.

  3. 14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  4. 4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.

    6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.

  5. 3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  6. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  7. 1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

    3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat.

    5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng bagay, pagtiisan mo ang paghihirap, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelista, tuparin mo ang iyong paglilingkod.

  8. 6 Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon.

  9. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.

  10. 4 Hindi natin ito itatago sa kanilang mga kaapu-apuhan. Sasabihin natin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa kapuri-puring mga bagay na ginawa ni Yahweh, ang kaniyang kalakasan, at ang mga kababalaghan na kaniyang ginawa. 5 Dahil tinatag niya ang mga utos sa tipan kay Jacob at nagtalaga ng batas sa Israel. Inutusan niya ang ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak. 6 Inutos niya ito para malaman ng darating na salinlahi ang kaniyang mga tuntunin, ang mga bata na hindi pa ipinapanganak ay dapat din nilang sabihin ito sa kanilang mga magiging anak. 7 Pagkatapos, ilalagak nila ang kanilang pag-asa sa Diyos at hindi kalilimutan ang mga ginawa niya pero susundin ang kaniyang mga kautusan. 8 Pagkatapos, hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno, na matigas ang ulo at rebeldeng salinlahi, salinlahi na hindi tama ang mga puso, at hindi mapagkakatiwalaan at hindi tapat sa Diyos.

  11. 3 Katulad ng pinakiusap ko saiyo na gawin mo nang ako ay papuntang Macedonia, manatili ka sa Efeso upang mautusan mo ang ilang mga tao na huwag magturo ng ibang doktrina. 4 Ni pansinin ang mga kwento at mga kasaysayan ng lahi. Nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa halip na makatulong sa plano ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya.

    5 Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya. 6 May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit.

    8 Ngunit alam natin na ang kautusan ay mabuti kung ginagamit ito ng ayon sa batas. 9 At nalalaman natin ito, na ang kautusan ay hindi ginawa para sa matuwid na tao, kundi sa walang kinikilalang batas at rebeldeng mga tao, para sa mga hindi makadiyos, at makasalanan, at sa mga taong walang Diyos at lapastangan. Ito ay ginawa para sa mga pumapatay ng kanilang ama at ina, para sa mga mamamatay tao, 10 para sa mga taong mahahalay, at sa mga nakikipagtalik sa parehong kasarian, at sa mga nangunguha ng mga tao para gawing mga alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga huwad na saksi, at para sa anumang salungat sa mabuting alituntunin. 11 Ang mga alituntuning ito ay ayon sa dakilang ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin.

  12. 16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos.

  13. 1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang tama. 2 “Igalang mo ang inyong ama at ina” (na siyang unang kautusan na may pangako), 3 “upang maaari itong maging mabuti sa inyo at maaaring mabuhay kayo ng mahaba dito sa mundo.”

    4 At kayo mga ama, huwag ninyong sulsulan ang inyong mga anak sa galit. Sa halip, palakihin sila na may disiplina at katuruan ng Panginoon.

  14. 18 Kaya nga ilagay ang mga salita kong ito sa inyong puso at kaluluwa; itali ang mga ito bilang isang tanda sa inyong kamay, at hayaan ang mga ito na maging gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 19 Ituturo ninyo ang mga ito sa inyong mga anak at pag-usapan ang tungkol sa mga ito kapag nakaupo kayo sa bahay ninyo, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag humihiga at bumabangon kayo. 20 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pinto ng inyong bahay at sa mga tarangkahan ng inyong lungsod, 21 para dumami ang inyong mga araw, at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama na ibibigay niya sa kanila, na maging tulad ang dami ng araw na gaya ng kalangitan ay mataas sa ibabaw ng mundo.

  15. 24 Ngayon nagagalak ako sa aking mga paghihirap para sa inyo. At pinupunan ko sa aking laman anuman ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, na ang iglesiya. 25 Dahil sa iglesiyang ito kaya ako naging lingkod, ayon sa tungkulin mula sa Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo upang punuin ang salita ng Diyos. 26 Ito ang lihim na katotohanan na itinago sa panahon at sa mga salinlahi. Ngunit nahayag ito ngayon sa mga naniniwala sa kaniya. 27 Ito ay para sa kanila na nais ng Diyos na makaalam kung ano ang mga kayamanan ng maluwalhating lihim na ito ng katotohanan sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na nasa inyo, ang pagtitiwala ng kaluwalhatian sa hinaharap.

    28 Siya ito na ating ipinapahayag. Pinagsasabihan natin ang bawat isa, at tinuturuan natin ang bawat isa ng may buong karunungan, upang maiharap natin ang bawat tao na ganap kay Cristo. 29 Dahil dito, ako ay gumagawa at nagpapakahirap ayon sa kaniyang kalakasan na kumikilos sa akin sa kapangyarihan.

  16. 6 Kung iyong ilalagay ang mga bagay na ito sa harapan ng mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Jesu-Cristo. Sapagkat ikaw ay pinalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at sa pamamagitan ng mabuting katuruan na iyong sinunod.

    7 Ngunit tanggihan mo ang mga maka-mundong kuwento na gustong-gusto ng mga matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-diyos. 8 Sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, ngunit ang pagiging maka-diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay. Ito ay may pinanghahawakang pangako ngayon at sa buhay na darating. 9 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at lubos na katanggap-tanggap.

    10 Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya. 11 Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito.

  17. 1 Hindi dapat maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, alam nating matatanggap natin ang mas higit na paghahatol. 2 Sapagkat natitisod tayong lahat sa maraming paraan. Kung sinuman ang hindi natitisod sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap, na may kakayahang pigilan din ang kaniyang buong katawan.

  18. 1 Hayaan ang lahat ng nasa ilalim ng pamatok ng pagiging mga alipin na kilalanin nila ang kanilang mga amo ng karapat-dapat sa buong paggalang. Dapat nilang gawin ito upang ang pangalan ng Diyos at ang katuruan ay hindi malapastangan.

    2 Ang mga alipin na may among mananampalataya ay huwag silang lapastanganin dahil sila ay magkapatid. Sa halip, sila ay dapat paglingkurang mabuti. Sapagkat ang mga amo na natutulungan nila sa kanilang gawain ay mga mananampalataya at minamahal. Ituro mo at ipahayag ang mga bagay na ito.

    3 Kung mayroong magtuturo ng kakaiba at hindi tinanggap ang ating tapat na tagubilin, na ang mga Salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung hindi nila tanggapin ang katuruan na nagdadala sa pagiging maka-diyos. 4 Ang taong ito ay mapagmataas at walang nalalaman. Sa halip, sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita. Ang mga salitang ito ay humahantong sa pagkainggit, pagtatalo, mga insulto, mga masamang akala, at 5 patuloy na pag-aawayan sa pagitan ng mga taong baluktot ang mga pag-iisip. Tumalikod sila sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-diyos ay isang paraan upang yumaman.”

  19. 19 Kung gayon, sinuman ang lalabag ng kahit isa sa kaliit-liitan sa mga kautusang ito at nagtuturo sa iba na gawin ang paglabag nito ay tatawaging pinakahamak sa kaharian ng langit. Ngunit ang sinumang tumupad sa mga ito at itinuturo sa iba na tupariin ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

  20. 28 At pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang maraming tao sa kaniyang pagtuturo, 29 sapagkat nagturo siya sa kanila tulad ng isang may kapangyarihan, at hindi kagaya ng kanilang mga eskriba.

  21. 35 Ngunit si Pablo at Bernabe ay nanatili sa Antioquia kasama ng mga iba pa, na kung saan sila ay nagturo at nagpahayag ng salita ng Panginoon.

  22. 15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

  23. 23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea, nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinangaral niya ang ebanghelyo ng kaharian, pinapagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao.

  24. 17 Ipagpalagay na tinatawag mong Judio ang iyong sarili, nananalig sa kautusan, nagagalak nang may pagmamalaki sa Diyos, 18 nalalaman ang kaniyang kalooban at sinusubok ang mga bagay na hindi sang-ayon dito sapagkat tinuruan ka ng kautusan. 19 At ipagpalagay na ikaw ay nakatitiyak na ikaw mismo ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw sa mga nasa kadiliman, 20 tagapagturo ng mga mangmang, guro ng mga sanggol, at sa kautusan ay mayroon kang anyo ng kaalaman at ng katotohanan. 21 Ikaw, kung gayon, na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba? 22 Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na namumuhi sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? 23 Ikaw na nagagalak na may pagmamataas sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng iyong paglabag sa kautusan? 24 Sapagkat “ang pangalan ng Diyos ay nilalapastangan sa mga Gentil dahil sa iyo,” tulad ng nasusulat.

  25. 28 At hinirang ng Diyos sa iglesya, una ay ang mga apostol, pangalawa ay mga propeta, pangatlo ay mga guro, ang mga gumagawa ng mga makapangyarihang gawa, mga kaloob ng pagpapagaling, mga nagbibigay ng tulong, mga gumagawa sa gawain ng pamamahala, at ang mga may iba't ibang uri ng wika. 29 Tayong lahat ba ay mga apostol? Tayong lahat ba ay mga propeta? Tayong lahat ba ay mga guro? Tayong lahat ba ay gumagawa ng mga makapangyarihang gawa?

  26. 22 Sino ang sinungaling kundi siyang ikinakaila na si Jesus ay ang Cristo? Ang taong ito ang antikristo, dahil sa kinakaila niya ang Ama at ang Anak. 23 Walang sinuman ang kumakaila sa Anak ay nasa kaniya ang Ama. Ang sinumang kumikilala sa Anak ay nasa kaniya rin ang Ama.

    24 At para sa inyo, hayaang ang mga narinig ninyo mula sa simula ay manatili sa inyo. Kung ano ang narinig ninyo mula sa simula ay nanatili sa inyo, kayo rin ay mananatili sa Anak at sa Ama. 25 At ito ang pangakong ibinigay niya sa atin: buhay na walang hanggan.

    26 Isinulat ko sa inyo ang mga ito tungkol sa mga iyon na maaaring umakay sa inyo sa ligaw na landas. 27 At para sa inyo, ang basbas na natanggap ninyo mula sa kanya ay nanatili sa inyo, at hindi ninyo kailangan ang sinuman upang turuan kayo. Pero habang ang kanyang pagbabasbas ay nagtuturo sa inyo ng tungkol sa lahat ng bagay, at totoo at hindi isang kasinungalingan, at kahit na ito ay nagturo sa inyo, manatili kayo sa kanya.

  27. 11 Halikayo, mga bata, makinig kayo sa akin; ituturo ko sa inyo ang takot kay Yahweh. 12 Sinong naghahangad ng buhay at naghahangad ng mahabang panahon na mabuhay at magkaroon ng magandang buhay? 13 Kung ganoon, lumayo kayo sa pagsasabi ng masama, at ilayo ang inyong mga labi sa pagsasabi ng mga kasinungalingan. 14 Tumalikod kayo sa kasamaan at gumawa ng mabuti; hangarin ninyo ang kapayapaan at ito ay palaganapin.

  28. 40 Ang isang alagad ay hindi higit kaysa sa kaniyang guro, ngunit ang bawat isa na ganap na sinanay ay magiging kagaya ng kaniyang guro.

  29. 13 Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14 Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15 Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito.

  30. 8 Pumunta si Pablo sa sinagoga at matapang na nagsalita sa loob ng tatlong buwan. Pinangungunahan niya ang mga pagpapaliwanag at panghihikayat sa mga tao tungkol sa mga bagay patungkol sa Kaharian ng Diyos. 9 Ngunit nang ang ilan sa mga Judio ay nagmamatigas at hindi sumusunod, nagsimula silang magsalita ng masama sa daan ni Cristo sa harap ng maraming tao. Kaya iniwan sila ni Pablo at pinangunahan niya ang mga mananampalataya palayo sa kanila. Nagsimula siyang magsalita araw-araw sa loob ng bulwagan ng Tiranus. 10 Nagpatuloy ito ng dalawang taon, lahat ng mga taong nakatira sa Asia ay nakarinig ng Salita ng Panginoon, maging Judio o Griego.

  31. 6 Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro.

  32. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo. 3 Dapat hindi sugapa sa alak, hindi marahas, kundi marahan, payapa. Hindi maibigin sa pera.

    4 Kailangang maayos niyang pinamamahalaan ang kaniyang sambahayan, at kailangang sinusunod siya ng kaniyang mga anak nang may buong paggalang. 5 Sapagkat kung ang lalaki ay hindi alam kung paano niya pamahalaan ang kaniyang sariling sambahayan, paano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6 Dapat hindi siya baguhang mananampalataya, upang hindi siya maging mapagmataas at mahulog sa paghahatol kagaya ng diyablo. 7 Kailangang mabuti rin ang kaniyang reputasyon sa mga nasa labas, upang hindi siya mahulog sa kahihiyan at sa bitag ng diyablo.

  33. 13 Ingatan mo ang mga halimbawa ng mga tapat na mensaheng narinig mo sa akin, kasama ang pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus. 14 Ang mabuting bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, bantayan mo ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na namumuhay sa atin.

  34. 23 Ngunit tanggihan ang mga walang kabuluhan at mangmang na mga katanungan. Alam mo na hahantong ang mga ito sa pagtatalo. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.

  35. 11 Marami kaming masasabi tungkol kay Jesus, ngunit mahirap itong ipaliwanag sapagkat kayo ay mapurol sa pakikinig. 12 Kahit sa oras na ito ay marapat na sana kayong maging tagapagturo, ngunit kinakailangan pa rin na may magturo sa inyo ng mga pangunahing alituntunin ng mga salita ng Diyos. Nangangailangan kayo ng gatas, hindi nang matigas na pagkain.

    13 Sapagkat sinuman na gatas pa lamang ang iniinom ay walang karanasan sa mensahe ng katuwiran, sapagkat siya ay sanggol pa lang. 14 Sa ibang banda, ang matigas na pagkain ay para sa mga may ganap nang gulang, sila na dahil sa kanilang karanasang kumilala ng tama sa mali, ay sinanay upang maunawaan ang mabuti at masama.

  36. 41 Pagkatapos tinanggap nila ang kaniyang salita at nabautismuhan, at ng araw na iyon may mga naidagdag na aabot sa tatlong libong mga kaluluwa.

    42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin. 43 Dumating ang takot sa bawat kaluluwa, at maraming mga kamangha- manghang bagay at mga tanda ang nagawa ng mga apostol.

    44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

    46 Nagpatuloy sila sa bawat araw na may iisang layunin sa templo, at nagpira-piraso sila ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at namamahagi ng pagkain na may kagalakan at kapakumbabaan ng puso. 47 Nagpupuri sila sa Diyos at kinalugdan sila ng lahat ng mga tao. Dinagdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.

  37. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus.

  38. 11 Dapat matuto ang babae ng may pananahimik at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang isang babae na magturo o pamahalaan ang isang lalaki ngunit mamuhay sa katahimikan. 13 Sapagkat unang nilikha si Adan bago si Eba. 14 At si Adan ay hindi nalinlang, ngunit lubos na nadaya ang babae sa pagsuway. 15 Gayunman, maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, sa pag-ibig at kabanalan na may mahinahon na kaisipan.

  39. 8 Pangangaralan kita at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Pangangaralan kita habang nagmamasid ako sa iyo.

  40. 1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo.

  41. 42 Pagkatapos noon araw-araw sa templo at sa bawat bahay, sila ay patuloy na nagtuturo at ipinapangaral si Jesus bilang Cristo.

  42. 7 Kinakailangan para sa tagapangasiwa, bilang tagapamahala ng sambahayan ng Diyos, ay walang kapintasan. Hindi dapat matabil at walang pagpipigil sa sarili. Hindi madaling magalit, hindi lulon sa alak, hindi isang palaaway, at hindi isang taong sakim. 8 Subalit dapat bukas ang kaniyang tahanan sa mga panauhin at isang kaibigan ng mabuti. Dapat siya ay matino, matuwid, makadiyos, at may pagpipigil sa sarili. 9 Dapat siya ay matibay na nananangan sa naiturong mapakakatiwalaang mensahe, upang yaon siya ay maaaring magpalakas sa mga iba pa sa pamamagitan ng mabuting katuruan, at maituwid yaong mga sumasalungat sa kanya.

  43. 20 Dapat mong ituro sa kanila ang kaniyang mga kautusan at mga batas. Dapat mong ipakita sa kanila ang daang nararapat lakaran at gawain ang nararapat.

  44. 8 Aking anak, pakinggan ang tagubilin ng iyong ama at huwag isang tabi ang mga utos ng iyong ina; 9 ito ay magiging kaaya-ayang korona sa iyong ulo at mga palawit sa iyong leeg.

  45. 35 Pumunta si Jesus sa lahat ng mga lungsod at mga nayon. Nagpatuloy siyang nagtuturo sa kanilang mga sinagoga, ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian, at pinapagaling niya ang lahat ng mga uri ng karamdaman at ang lahat ng uri ng sakit.

  46. 24 Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro, ni mas mataas ang lingkod sa kaniyang amo.

  47. 9 Sumagot si Nicodemo, sinasabi, “Paano mangyayari ang mga bagay na ito?”

    10 Sinagot siya ni Jesus, “Ikaw ba ay guro ng Israel, at hindi mo naiintindihan ang mga bagay na ito? 11 Tunay nga, sinasabi namin iyong alam namin, at pinatotohanan iyong nakita namin. Subalit kayong mga tao, hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo.

    12 Kung sinabi ko sa iyo ang tungkol sa mga bagay na makalupa at hindi ka naniwala, paano ka maniniwala kung sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na makalangit? 13 Walang sinumang umakyat sa langit maliban ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 Tulad ng pagtaas ni Moises ng ahas sa ilang, gayon din naman ang Anak ng Tao ay kailangang maitaas,

  48. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  49. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

  50. 1 Ngayon tayong mga malalakas ang nararapat na pumasan sa mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi natin dapat bigyang-lugod ang ating mga sarili. 2 Bigyang-lugod ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapwa dahil mabuti iyon, upang pagtibayin siya. 3 Sapagkat kahit si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili. Sa halip, gaya ng nasusulat, “Ang mga panlalait ng mga nanlait sa iyo ay sa akin bumabagsak”. 4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.

  51. 14 Ako man sa aking sarili ay naniniwala tungkol sa inyo, aking mga kapatid. Naniniwala din ako na kayo mismo ay puno ng kabutihan, puno ng lahat ng kaalaman. Naniniwala ako na kayo ay may kakayahan ding payuhan ang isa't isa.

  52. 20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko ipinagwawalang-halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pagkamakatuwiran ay umiiral sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.

  53. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.

  54. 1 Kaya una sa lahat, ipinakikiusap ko na ang mga kahilingan, mga panalangin, mga panalangin para sa iba at mga pasasalamat ay maipaabot para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at sa lahat ng mga nasa kapangyarihan, upang tayo ay makapamuhay ng mapayapa at tahimik na may buong kabanalan at karangalan.

  55. 11 Dahil dito, ako ay hinirang na tagapangaral, isang apostol, at tagapagturo.

  56. 2 At ang mga bagay na narinig mo sa akin kasama ng maraming saksi, ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat na tao na kaya ring magturo sa iba.

  57. 10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen

  58. 1 Kung may lilitaw sa inyo na isang propeta o isang nagbibigay kahulugan sa mga panaginip, at kung siya ay magbibigay sa inyo ng isang palatandaan o isang himala, 2 at kung darating ang tanda o ang himala, kung saan siya ay nagsalita sa inyo at sinabing, 'Sumunod tayo sa ibang mga diyus-diyosan, na hindi ninyo kilala, at sambahin natin sila,' 3 huwag makinig sa mga salita ng propetang iyon, o ng mga nagbibigay kahulugan sa mga panaginip; dahil sinusubukan kayo ni Yahweh na inyong Diyos para malaman kung mahal ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at buong kaluluwa.

  59. 1 Ang kawikaan ni Solomon na anak na lalaki ni David, ang hari ng Israel. 2 Ang mga kawikaan na ito ay para magturo ng karunungan at tagubilin, para magturo ng mga salita ng kaalaman, 3 upang kayo ay makatanggap nang pagtutuwid para mamuhay kayo sa paggawa ng kung ano ang tama, makatarungan at patas. 4 Ang mga kawikaan ay para din magbigay ng karunungan sa mga hindi pa naituro at para magbigay kaalaman at mabuting pagpapasya sa mga kabataan. 5 Hayaan ang mga matatalinong tao na makinig at dagdagan ang kanilang nalalaman, at hayaan ang mga nakakaintinding tao na makakuha ng patnubay, 6 para maunawaan ang mga kawikaan, mga kasabihan, at mga salita ng matatalinong tao at kanilang mga palaisipan.

  60. 1 Makinig, mga anak na lalaki, sa tagubilin ng ama, at bigyang pansin para malaman ninyo kung ano ang pang-unawa. 2 Ibinibigay ko sa inyo ang mga mabuting tagubilin; huwag ninyong pabayaan ang aking katuruan. 3 Nung ako ay anak na lalaki ng aking ama at tanging anak ng aking ina, 4 tinuruan niya ako at sinabi sa akin, “Panghawakan mong mabuti sa iyong puso ang aking mga salita; panatilihin ang aking mga utos at ipamuhay.

  61. 20 Aking anak na lalaki, sundin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong talikdan ang katuruan ng iyong ina. 21 Palagi mong igapos ang mga ito sa iyong puso; itali mo ang mga ito sa iyong leeg. 22 Kapag ikaw ay lumakad, papatnubayin ka ng mga ito; kapag ikaw ay natulog, pagmamasdan ka nila; at kapag ikaw ay nagising, tuturuan ka nila. 23 Sapagkat ang mga utos ay isang ilawan, at ang katuruan ay isang liwanag; ang mga pagsaway ng disiplina ay ang mga daan ng buhay.

  62. 11 Ang mga salita ng mga matatalinong tao ay parang mga panusok. Gaya ng mga pako na ibinaon nang malalim ang mga salita ng mga dalubhasa sa maraming mga kawikaan na itinuro ng isang pastol. 12 Aking anak, maging maingat ka sa mas higit na mga bagay: ang paggawa ng maraming libro, na walang katapusan. Ang matinding pag-aaral ay nagbibigay pagod sa katawan.

    13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan.

  63. 1 Ngayon mayroon isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo, kasapi ng Konseho ng Judio. 2 Pumunta ang taong ito kay Jesus nang bandang gabi, at sinabi niya “Rabi, alam namin ikaw ay isang guro galing sa Diyos dahil walang sinumang makagagawa ng mga tandang ito na ginawa mo maliban na nasa kaniya ang Diyos.”

    3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”

    4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, “Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?”

    5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.

  64. 25 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito, habang ako ay nabubuhay pa kasama ninyo. 26 Subalit, ang Manga-aliw na ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama sa aking pangalan ay magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay at magpapaalala ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

  65. 17 Ngunit salamat sa Diyos! Sapagkat kayo ay dating mga alipin ng kasalanan, ngunit sinunod ninyo mula sa puso ang uri ng katuruang ibinigay sa inyo.

  66. 16 Gayunpaman, anuman ang ating nakamit, lumakad tayo sa maayos na paraang naaayon dito.

    17 Tularan ninyo ako, mga kapatid. Tingnan ninyong mabuti ang mga lumalakad sa pamamagitan ng mga halimbawang mayroon kayo sa amin. 18 Marami ang lumalakad, sila ang mga madalas kong sinasabi sa inyo, at ngayon sinasabi ko sa inyo na may kasamang pagluha—marami ang lumalakad bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kanilang patutunguhan. Sapagkat ang diyos nila ay ang kanilang sikmura, at ang kanilang pagmamalaki ay nasa kanilang kahihiyan. Iniisip nila ang tungkol sa mga makamundong bagay.

    20 Ngunit ang ating pagkamamamayan ay sa langit, kung saan naghihintay rin tayo sa isang tagapagligtas na ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang ating mga katawang lupa upang maging mga katawang binuo gaya ng kaniyang maluwalhating katawan, binuo sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang kapangyarihan upang mapasailalim sa kaniya ang lahat ng bagay.

  67. 24 Dapat ninyong ipagdiwang ang pangyayaring ito. Ito ay mananatiling isang batas para sa inyo at sa inyong mga kaapu-apuhan. 25 Kung kayo ay papasok sa lupain na ibibigay ni Yahweh sa inyo, tulad ng ipinangako niyang gagawin, dapat ninyong sundin ang pagsambang gawain na ito.

    26 Kapag nagtanong ang inyong mga anak, 'Ano ang ibig sabihin ng kilos na pag-sambang ito?' 27 At dapat ninyong sabihin, 'Ito ay sakripisyo sa Paskua ni Yahweh, dahil nilagpasan lang ni Yahweh ang mga tahanan ng mga Israelita sa Ehipto nang sinalakay niya ang mga taga-Ehipto. Pinalaya niya ang aming sambahayan.”' Pagkatapos ang bayan ay yumuko at sumamba kay Yahweh.

  68. 2 Hayaan ang aking katuruan ay pumatak na parang ulan, hayaan ang aking talumpati ay dumalisay na parang hamog, gaya ng mahinang ulan sa malambot na damo, at gaya ng ulan sa mga halaman. 3 Dahil ipapayahag ko ang pangalan ni Yahweh, at ang tungkol ang kadakilaan sa ating Diyos.

  69. 4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga kaparaanan, Yahweh, ituro mo sa akin ang iyong mga landas. 5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, dahil ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; Ako ay umaasa sa iyo buong araw.

  70. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  71. 8 Ngunit hindi kayo dapat tawagin na 'Rabi', sapagkat iisa lang ang guro ninyo, at lahat kayo ay magkakapatid. 9 At huwag ninyong tawagin na ama ang kahit sinuman sa lupa dahil iisa lang ang inyong Ama at siya ay nasa langit. 10 At hindi rin dapat kayong tawagin na 'guro' dahil iisa lang ang inyong guro, ang Cristo.

  72. 31 Sinabi ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya, “Kapag kayo ay nanatili sa aking salita, kayo nga ay tunay kong mga alagad; 32 at malalaman ninyo ang katotohan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

  73. 1 Habang nakikipag-usap sina Pedro at Juan sa mga tao, lumapit sa kanila ang mga pari at ang kapitan ng templo at maging ang mga Saduseo. 2 Nabalisa sila ng labis dahil nagtuturo sa mga tao sina Pedro at Juan tungkol kay Jesus at ipinapahayag ang kaniyang muling pagkabuhay mula sa mga patay. 3 Sila ay dinakip nila at inilagay sa kulungan hanggang sa kinabukasan, sapagkat gabi na noon. 4 Ngunit marami sa mga tao na nakarinig sa mensahe ang nanampalataya; at ang bilang ng mga lalaking nanampalataya ay nasa limanglibo.

  74. 1 At ngayon sa kapulungan ng Antioquia, mayroong mga iilang propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon (na tinatawag na Niger), Lucio na taga-Cirene, Manaen (kinakapatid na lalaki ni Herodes na Tetrarka) at Saul.

  75. 30 Si Pablo ay nanirahan ng buong dalawang taon sa kaniyang inupahang bahay, at tinanggap niya ang lahat ng lumalapit sa kaniya. 31 Ipinangaral niya ang kahariaan ng Dios at itinuturo ang mga bagay patungkol sa Panginoong Jesu-Cristo ng may katapangan. Walang sinuman ang pumigil sa kaniya.

  76. 17 Ito ang dahilan kung bakit ko pinapunta sa inyo si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Siya ang magpapaalala sa inyo ng aking mga kaparaanan kay Cristo, gaya ng pagtuturo ko sa kanila sa lahat ng dako at sa bawat iglesya.

  77. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo. Hawakang mahigpit ang mga tradisyon na naituro sa inyo, kahit na sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat.

  78. 16 At hindi maikakaila na ang katotohanang inihayag ng pagkamaka-diyos ay dakila: “Nagpakita siya sa laman, pinatunayang matuwid ng Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinahayag sa mga bansa, pinaniwalaan sa mundo, at itinaas sa kaluwalhatian.”

  79. 15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang.

  80. 1 Hinihikayat ko ang mga nakatatanda sa inyo, ako, na isang kapwa nakatatanda at isang saksi sa pagdurusa ni Cristo, at kabahagi ng kaluwalhatian na maihahayag. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan. 4 Sa kapahayagan ng Punong Pastol, kayo ay makatatanggap ng maluwalhating korona na hindi kumukupas.

    5 Gayon din, kayong mga nakababatang kalalakihan, magpasakop kayo sa mga nakatatandang kalalakihan. Kayong lahat, damitan ninyo ang inyong sarili ng kababaang-loob at maglingkod kayo sa isa't isa sapagkat pinipigilan ng Diyos ang mga mapagmataas, pero binibigyan niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba.