93 Bible Verses About Arguing

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Arguing
  1. 15 Kung ang iyong kapatid ay nagkasala laban sa iyo, pumuntahan mo, ipakita mo ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makikinig siya sa iyo, mapapanumbalik mo ang iyong kapatid. 16 Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, isama mo sa iyo ang isa o dalawa pang mga kapatid, upang sa pamamamagitan ng bibig ng dalawa o tatlong mga saksi ang bawat salita ay maaaring mapatunayan. 17 At kung tumanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa iglesiya. Kung siya ay tumanggi na makinig sa iglesiya, ituring ninyo siyang gaya ng isang Gentil at maniningil ng buwis.

    18 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang igapos ninyo sa lupa ay igagapos din sa langit. At anumang mga bagay ang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan din sa langit.

    19 Dagdag pa nito, sinasabi ko sa inyo, na kung ang dalawa sa inyo ay sumang-ayon sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling, mangyayari ito sa kanila sa pamamagitan ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ang nagkatipon dahil sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.”

  2. 25 Kaya nga alisin ninyo ang kasinungalingan. “Magsalita ng katotohanan, ang bawat isa sa kaniyang kapwa,” sapagkat kabahagi tayo ng bawat isa. 26 “Magalit kayo, ngunit huwag kayong magkasala.” Huwag ninyong hayaan na lumubog ang araw sa inyong galit. 27 Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang diyablo.

    28 Sino man ang nagnanakaw ay hindi na dapat magnakaw. Sa halip, kailangan niyang magpagal. Kailangan niyang magtrabaho gamit ang kaniyang mga kamay, upang makatulong sa tao na nangangailangan.

    29 Dapat walang lalabas na masamang salita sa inyong bibig. Sa halip, dapat mga salitang may pakinabang ang lalabas sa inyong bibig, upang magbigay ng pakinabang sa mga nakikinig.

    30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Dahil sa kaniya kayo ay tinatakan para sa araw ng katubusan.

    31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

  3. 17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.

    19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”

    20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”

    21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.

  4. 1 Saan nanggaling ang pag-aaway at alitan sa inyo? Hindi ba nagmula ito sa inyong mga masamang hangarin na lumalaban sa inyong mga miyembro? 2 Hinahangad ninyo kung anong wala kayo. Pumatay kayo at hinabol ninyo kung anong hindi mapapasainyo. Nakipag-away kayo at nakipagtalo, subalit hindi ninyo nakuha dahil hindi kayo humingi sa Diyos. 3 Humingi kayo at hindi ninyo natanggap dahil humihingi kayo ng mga masasamang bagay, upang gamitin ninyo sa inyong mga masasamang hangarin.

    4 Kayong mga mangangalunya! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away laban sa Diyos? Kaya, sinuman ang magpasiyang maging kaibigan ng mundo ay ginawa niya mismo ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos. 5 O inisip ninyo ba na ang kasulatan ay walang kahulugan noong sinabi nito na ang Espiritu na ipinagkaloob niya sa atin ay labis na naninibugho para sa atin? 6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng mas higit na biyaya, kaya't sinasabi ng kasulatan na “Ang Diyos ay sumasalungat sa mapagmataas, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mapagpakumbaba.”

    7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip. 9 Magdalamhati kayo, humagulgol kayo, at umiyak! Ibaling ang inyong kasiyahan sa kapighatian at ang inyong kagalakan sa kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at kayo ay kaniyang itataas.

  5. 21 Inyong narinig na sinabi sa kanila noong mga unang panahon, 'Huwag kang pumatay,' at 'Sinumang papatay ay manganganib sa paghuhukom.' 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinumang magalit sa kaniyang kapatid ay manganganib sa paghuhukom. At kung sinuman ang magsabi sa kaniyang kapatid na, 'Wala kang kuwentang tao!' ay manganganib sa konseho. At sinumang magsabi ng, 'Hangal ka!' ay manganganib sa apoy ng impiyerno.

    23 Kaya kung ikaw ay naghahandog ng iyong kaloob sa altar at maalala mo doon ang iyong kapatid na may anumang bagay laban sa iyo, 24 iwan mo doon ang iyong kaloob sa harap ng altar at humayo ka. Makipag-ayos ka muna sa iyong kapatid, pagkatapos ay pumunta ka at ihandog mo ang iyong kaloob.

    25 Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo habang siya ay kasama mo pa sa daan patungo sa hukuman, o ipapasakamay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom at ipapasakamay ka ng hukom sa pinuno at ikaw ay ipapatapon sa bilangguan. 26 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, hindi ka kailanman makalalabas doon hanggang mapagbayaran mo ang kahuli-hulihang salapi na iyong inutang.

  6. 22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.

    23 Ngunit tanggihan ang mga walang kabuluhan at mangmang na mga katanungan. Alam mo na hahantong ang mga ito sa pagtatalo. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.

  7. 1 Kung mayroong alitan ang isa sa inyo sa iba, maglalakas-loob ba siya na pupunta sa korteng pambayan sa harapan ng hindi mananampalatayang hukom, sa halip na sa harapan ng mga mananampalataya? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga mananampalataya ang hahatol sa mundo? At kung hahatulan ninyo ang mundo, wala ba kayong kakayahan na ayusin ang mga hindi mahahalagang bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na hatulan natin ang mga bagay ng buhay na ito?

    4 Kung gayun nga na kailangan ninyong gumawa ng mga hatol ukol sa pang-araw araw na buhay, bakit ninyo idinudulog ang mga ganitong kaso sa harapan ng mga walang katayuan sa iglesiya? 5 Sinasabi ko ito upang kayo ay hiyain. Wala bang kahit isa sa inyo ang may sapat na karunungan upang ayusin ang mga alitan sa pagitan ng mga kapatid? 6 Ngunit ang nagyayari ay, ang isang mananampalataya ay pumupunta sa korte laban sa isa pang mananampalataya, at ang kasong iyon ay nakalagay sa harapan ng isang hukom na hindi mananampalataya!

    7 Ang katunayan na may mga anumang alitan sa pagitan ng mga Kristiyano ay pagkatalo na para sa inyo. Bakit hindi nalang pagdusahan ang mali? Bakit hindi nalang hayaan na kayo ay dayain? 8 Ngunit ginawan ninyo ng mali at dinaya ang iba, at sila ay inyong mga sariling kapatid!

  8. 19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa.

  9. 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagrereklamo at pagtatalo. 15 Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay maging walang kapintasan at tapat na mga anak ng Diyos na walang dungis. Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay magningning tulad ng mga liwanag sa mundo, sa gitna ng baluktot at bulok na salinlahi. 16 Ipahayag ninyo ang salita ng buhay nang sa gayon ay may dahilan ako upang magluwalhati sa araw ni Cristo. Doon ko malalaman na hindi ako tumatakbo ng walang kabuluhan o gumagawa ng walang kabuluhan.

    17 Ngunit kahit na ibinuhos ako bilang isang alay sa paghahandog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, nagagalak ako, at nagagalak ako kasama ninyong lahat. 18 Sa ganitong paraan nagagalak din kayo, at nagagalak kasama ko.

  10. 14 Sikapin ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at gayundin ang kabanalan na kung wala ito walang makakakita sa Panginoon. 15 Maging maingat upang walang sinuman ang hindi maisama mula sa biyaya ng Diyos, at walang ugat ng kapaitan ang tumubo upang maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan at mahawa ang marami. 16 Maging maingat na walang maki-apid sa inyo, o hindi maka-diyos na tao kagaya ni Esau na ipinagpalit sa isang pagkain ang karapatan bilang panganay.

  11. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

  12. 7 Bawat uri ng mga mababangis na hayop, mga ibon, mga gumagapang at mga nilalang sa dagat ay kayang paamuin at napaamo ng mga tao, 8 ngunit walang kahit na sinuman ang makapagpapaamo ng dila: walang tigil na kasamaan, puno ng nakamamatay na lason.

    9 Sa pamamagitan ng dila pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito nagsusumpa tayo ng tao, na nilikhang kalarawan ng Diyos. 10 Galing sa iisang bibig ang pagsasalita ng pagpapala at pagsusumpa. Aking mga kapatid, hindi dapat mangyari ang mga bagay na ito. 11 Lumalabas ba sa bukal ang parehong sariwa at mapait na tubig? 12 Aking mga kapatid, maaari bang ang isang puno ng igos ay mamunga ng mga olibo? o ang isang puno ng ubas mamunga ng igos? Hindi rin lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat 13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Hayaan ang taong iyan na ipakita ang kaniyang magandang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa sa kapakumbabaan na nagmumula sa karunungan. 14 Ngunit kung mayroon kayong mapait na paninibugho at makasariling hangarin sa inyong puso, huwag kayong magmayabang at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungang nagmumula sa itaas, sa halip ay makamundo, hindi espiritwal, mula sa diyablo. 16 Sapagkat kung saan may paninibugho at makasariling hangaring umiiral, may pagkalito at masasamang pag-uugali.

    17 Ngunit ang karunungang mula sa itaas unang-una ay dalisay, at maibigin sa kapayapaan, mahinahon, may nag-aalab na puso, puno ng awa at mabuting bunga, walang inaayunang ibang tao, at tapat. 18 At ang bunga ng katuwiran ay naitanim sa kapayapaan alang-alang sa mga gumagawa ng kapayapaan.

  13. 14 Palagi mo silang paalalahanan ng mga bagay na ito. Pagsabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag makipag-away tungkol sa mga salita. Dahil, walang mapapakinabangan dito. Dahil dito may pagkawasak para sa mga nakikinig.

    15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

    16 Iwasan ang usapang malaswa, na siyang nagiging daan sa higit pang kawalan ng pagkilala sa Diyos. 17 Ang kanilang salita ay kakalat tulad ng ganggrena. Kabilang dito sina Himeneo at Fileto. 18 Sila ang mga lalaking nalihis sa katotohanan. Sinasabi nila na ang muling pagkabuhay ay nangyari na. Ginugulo nila ang pananampalataya ng ilan.

    19 Gayunman, nakatayo ang matibay na pundasyong itinatag ng Diyos. Mayroon itong tatak na ganito: “Nakikilala ng Panginoon kung sino ang mga kaniya” at “Bawat isang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan”

  14. 1 Ang malumanay na sagot ay nag-aalis ng poot, pero ang malupit na salita ay nagsasanhi ng galit.

  15. 2 Nagsusumamo ako kay Euodia, at kay Sintique na magkaroon ng parehong pag-iisip sa Panginoon. 3 Katunayan, hinihiling ko rin sa iyo, tunay kong kamanggagawa, tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat sila ang kasama kong nagsikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo kasama si Clemente at iba pang mga kapwa ko manggagawa, kung saan ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.

    4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon.

    6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

  16. 9 Pinagpala ang mga mapagpayapa, sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.

  17. 4 Ang pag-ibig ay mapagpasensya at magandang loob. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit o nagyayabang. Hindi mapagmataas, 5 o hindi marahas. Hindi makasarili, hindi madaling magalit, ni nagkikimkim ng bilang na mga kamalian. 6 Hindi nagsasaya sa kalikuan. Sa halip, nagsasaya sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay kinakaya ang lahat ng mga bagay, pinaniniwalaan ang lahat, at nagtitiwala sa lahat ng mga bagay, at tinitiis ang lahat ng mga bagay.

  18. 12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.

  19. 12 Ang mangungutya ay galit sa pagtatama; hindi siya magiging marunong. 13 Ang pusong nagagalak ay ginagawang maaya ang mukha, pero ang matinding lungkot ay sumisira ng diwa. 14 Ang puso ng umuunawa ay humahanap ng kaalaman, pero ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kahangalan. 15 Lahat ng araw ng mga taong inaapi ay napakahirap, pero ang nagagalak na puso ay may piging na walang katapusan. 16 Mas mabuti ang kaunti na may takot kay Yahweh kaysa sa labis na kayamanan na may kaguluhan. 17 Mas mabuti ang pagkain na may mga gulay na may mayroong pag-ibig kaysa sa isang pinatabang guya na hinain na may galit. 18 Ang galit na tao ay pumupukaw ng mga pagtatalo, pero ang taong matagal magalit ay pinapayapa ang isang alitan. 19 Ang daanan ng taong tamad ay tulad ng isang lugar na may bakod na tinik, pero ang daanan ng matuwid ay gawa sa daanang tuloy-tuloy.

  20. 19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

    22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

  21. 1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.

  22. 3 Kung mayroong magtuturo ng kakaiba at hindi tinanggap ang ating tapat na tagubilin, na ang mga Salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung hindi nila tanggapin ang katuruan na nagdadala sa pagiging maka-diyos. 4 Ang taong ito ay mapagmataas at walang nalalaman. Sa halip, sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita. Ang mga salitang ito ay humahantong sa pagkainggit, pagtatalo, mga insulto, mga masamang akala, at 5 patuloy na pag-aawayan sa pagitan ng mga taong baluktot ang mga pag-iisip. Tumalikod sila sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-diyos ay isang paraan upang yumaman.”

  23. 19 Nang naghukay ang mga lingkod ni Isaac sa lambak, nakita nila doon ang isang balong dumadaloy ang tubig. 20 Ang mga pastol na lalaki ng Gerar ay nakipag-away sa mga pastol na lalaki ni Isaac, at sinabi “Ang tubig na ito ay sa amin.” Kaya tinawag ni Isaac ang balon na iyon na “Esek,” dahil nakipag-away sila sa kanya.

    21 Pagkatapos naghukay sila ng isa pang balon, at nag-away rin sila nito, kaya binigyan niya ito ng pangalang “Sitnah.”

    22 Umalis siya doon at naghukay muli ng isa pang balon, subalit hindi na nila pinag-awayan ang isang iyon. Kaya tinawag niya itong Rehobot, at sinabi niya, “Ngayon ay gumawa si Yahweh ng kaluwagan sa amin, at tayo ay sasagana sa lupa.”

  24. 10 Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkakasundo kayong lahat, at walang pagkakahati-hati sa inyo. Pinapakiusap ko sa inyo na kayo ay magkaisa sa kaisipan at maging sa layunin. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na may namumuong mga alitan sa inyo. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” o “Kay Cefas ako,” o “Kay Cristo ako.”

    13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsasabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan. 16 (Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan.

  25. 3 Isang karangalan para sa sinuman ang umiwas sa hindi pagkakasundo, ngunit ang bawat hangal ay sumasali sa isang pagtatalo.

  26. 9 Ngunit iwasan ang kawalang katuturan na pagtatalo at mga pagkakasunod-sunod ng lahi at pagkakagalit-galit at hindi pagkakasundo tungkol sa mga batas. Ang mga bagay na iyon ay walang halaga at hindi kapakipakinabang.

    10 Itanggi ang sinumang nagdudulot ng pagkahati-hati sa inyo, pagkatapos ng isa o dalawang babala, 11 at ipaalam na ang taong ito ay tumalikod sa tamang daan at nagkakasala at sinumpa ang kanyang sarili.

  27. 33 At dumating sila sa Capernaum. At nang siya ay nasa loob ng bahay, tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” 34 Ngunit sila ay tahimik. Sapagkat habang sila ay nasa daan nakikipagtalo sila sa isa't isa kung sino ang pinakadakila sa kanila.

    35 Umupo siya at tinawag ang Labindalawa nang magkakasama, at sinabi niya sa kanila, “Kung sino man ang nais mauna, dapat siyang maging huli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.”

  28. 10 Ang pagmamataas ay nagbubunga lamang ng pag-aaway-away, pero mayroong karunungan para sa mga nakikinig ng mabuting payo.

  29. 9 Ang sinumang nagpapaumanhin sa paglabag ay naghahanap ng pagmamahal, pero ang sinumang umuulit sa isang bagay ay nagpapalayo sa mga malalapit na kaibigan. 10 Ang pagsaway ay taimtim na tumutungo sa isang tao na may pang-unawa kaysa sa isang daang dagok sa isang hangal. 11 Ang masamang tao ay naghahanap lamang ng himagsikan, kaya ang isang malupit na mensahero ay ipapadala laban sa kaniya. 12 Mabuti pa na makasalubong ang isang inahing oso na ninakawan ng anak kaysa makatagpo ng isang mangmang sa kanyang kahangalan. 13 Kung ang isang tao ay nagbabalik ng masama para sa mabuti, hindi kailanman iiwan ng kasamaan ang kaniyang tahanan. 14 Ang simula ng hindi pagkakasundo ay gaya ng isang taong nagpapakawala ng tubig sa lahat ng dako, kaya lumayo ka sa mga pagtatalo bago ito magsimula.

  30. 1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang tama. 2 “Igalang mo ang inyong ama at ina” (na siyang unang kautusan na may pangako), 3 “upang maaari itong maging mabuti sa inyo at maaaring mabuhay kayo ng mahaba dito sa mundo.”

    4 At kayo mga ama, huwag ninyong sulsulan ang inyong mga anak sa galit. Sa halip, palakihin sila na may disiplina at katuruan ng Panginoon.

    5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya.

    9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi.

  31. 5 Ngayon si Lot, na kasama ni Abram sa paglalakbay, ay mayroon ding mga kawan, mga alagang hayop at mga tolda. 6 Dahil ang kanilang mga ari-arian ay napakarami, hindi na kayang tugunan ng lupain ang kanilang pangangailangan na manirahang magkasama, kaya hindi na sila maaaring magsama. 7 At isa pa, mayroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga pastol ng mga hayop ni Abram at ng mga pastol ng mga hayop ni Lot. Naninirahan ang mga Cananeo at Perezeo sa lupain nang panahong iyon.

    8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag nating hayaan na magkaroon ng alitan sa pagitan nating dalawa at sa pagitan ng iyong mga pastol at ng aking mga pastol; kung tutuusin, tayo ay magkapamilya. 9 Hindi ba nasa harap mo ang buong lupain? Humayo ka at ihiwalay mo ang iyong sarili sa akin. Kung pupunta ka sa kaliwa, pupunta naman ako sa kanan. O kung pupunta ka sa kanan, pupunta naman ako sa kaliwa.

  32. 9 Mas mabuti pang mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa bahay na kahati ang palaaway na asawang babae.

  33. 1 Tanggapin ang sinumang mahina ang pananampalataya, nang hindi hinahatulan ang mga pagtatalo. 2 Sa isang dako, ang isang tao ay may paniniwalang maari niyang kainin ang kahit na ano, ngunit sa kabilang dako, ang ibang mahina ay kumakain lamang ng mga gulay. 3 Huwag sanang hamakin ng taong kumakain ng kahit na ano ang taong hindi kinakain ang lahat. At ang siyang hindi kinakain ang lahat ay huwag husgahan ang taong kumakain ng lahat. Dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka, ikaw na humuhusga sa isang lingkod na pagmamay-ari ng iba? Sa harapan ng kaniyang amo siya tatayo o matutumba. Ngunit siya ay patatayuin, dahil nagagawa ng Panginoon na siya ay patayuin.

    5 Sa isang dako, pinahahalagahan ng isang tao ang isang araw ng higit kaysa sa iba. Sa kabilang dako, pinahahalagahan naman ng iba ang bawat araw ng pantay-pantay. Ang bawat tao ay magpasya sa kaniyang sariling isipan.

  34. 19 Kung gayon, ipagpatuloy natin ang mga bagay ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay ng bawat isa.

  35. 1 Hinihikayat ko ang mga nakatatanda sa inyo, ako, na isang kapwa nakatatanda at isang saksi sa pagdurusa ni Cristo, at kabahagi ng kaluwalhatian na maihahayag. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan. 4 Sa kapahayagan ng Punong Pastol, kayo ay makatatanggap ng maluwalhating korona na hindi kumukupas.

    5 Gayon din, kayong mga nakababatang kalalakihan, magpasakop kayo sa mga nakatatandang kalalakihan. Kayong lahat, damitan ninyo ang inyong sarili ng kababaang-loob at maglingkod kayo sa isa't isa sapagkat pinipigilan ng Diyos ang mga mapagmataas, pero binibigyan niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba.

    6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo.

    8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

  36. 19 Ang kapatid na nasaktan ang damdamin ay mas mahirap na amuin kaysa isang matatag na lungsod, at ang pakikipagtalo ay tulad ng mga harang ng isang kastilyo.

  37. 20 Dahil sa kakulangan ng gatong, namamatay ang apoy, at kung saan walang tsismoso, tumitigil ang pag-aaway. 21 Tulad ng isang uling na nagbabaga at panggatong ay sa apoy, ganoon din ang isang palaaway na tao na nagpapasiklab ng alitan.

  38. 3 Sapagkat nananatili kayong makalaman. Dahil kung may paninibugho at pagtatalo na umiiral pa sa inyo, hindi ba namumuhay pa kayo sa laman at hindi ba kayo lumalakad sa pamantayan ng tao? 4 Sapagkat kapag may isang nagsabi, “Ako ay sumusunod kay Pablo,” at sinasabi naman ng isa, “Ako ay sumusunod kay Apolos,” hindi ba namumuhay pa kayo bilang isang tao?

  39. 8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala.

  40. 2 Hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa pag-unawa ang isang hangal maliban sa paghahayag ng laman ng kaniyang puso.

  41. 11 Ang pag-iingat ay nagdudulot sa isang tao na hindi agad magalit at ang kaniyang dangal ay ang hindi pagpansin sa kasalanan.

  42. 1 Ipaalala sa kanila na magpasakop sa mga namumuno at may kapangyarihan, upang sundin sila, para maging handa sa lahat ng mabuting gawa. 2 Paalalahanan sila wag manglait nang sinuman, iwasan ang pagtalo-talo, hayaan ang ibang mga tao sa kanilang pamamaraan, at magpakita ng kababaan ng loob sa lahat ng tao.

    3 Minsan tayo ay naging pabaya at suwail. Dati tayo ay naligaw at inalipin sa iba't ibang mga pagkahumaling at kasiyahan. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Tayo ay kasuklam-suklam at kinamuhian ang isa't-isa.

    4 Ngunit kapag ang kabutihan at pagmamahal ng ating Diyos na tagapagligtas ay nalantad sa sangkatauhan, 5 eto ay hindi sa pamamagitan na ating makatuwirang mga nagawa, kundi dahil sa kanyang habag kaya tayo ay naligtas. Niligtas nya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas ng bagong kapanganakan at pagpapabago sa pamamagitan ng Banal na Espirito. 6 Masaganang binuhos ng Panginoon sa atin ang Banal na Espirito sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu Cristo. 7 Ginawa Nya ito, upang, ang mga pinawalang sala sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maaring maging kabahagi sa kasiguraduhan ng buhay na walang hanggan.

  43. 12 Ang galit ay nagpapasimula ng mga kaguluhan, subalit ang pag-ibig ay matatakpan ang lahat ng pagkakasala.

  44. 15 Ang isang nakikipag-away na asawang babae ay tulad ng pumapatak lagi sa araw na maulan; 16 ang pagpipigil sa kaniya ay tulad ng pagpipigil sa hangin, o sinusubukang huluhin ang langis sa iyong kanang kamay.

  45. 22 Ang isang taong galit ay pumupukaw ng away at ang isang pinuno ng pagkapoot ay gumagawa ng maraming kasalanan.

  46. 20 Sapagkat ako ay nangangamba na baka hindi ko makita sa inyo ang aking inaasahan. Ako ay nangangamba na baka hindi niyo makita sa akin ang inyong inaasahan. Ako ay nangangamba na baka mayroong pagtatalo, pagkainggit, pagsilakbo ng galit, makasariling hangarin, usap-usapan, pagmamataas at kaguluhan.

  47. 28 Ang isang napakasamang tao ay pumupukaw ng pagtatalo at ang isang tsismoso ay naghihiwalay ng malalapit na magkaibigan.

  48. 19 Ang sinuman na nagmamahal sa mga hidwaan ay nagmamahal sa kasalanan; Ang taong gumagawa ng mataas na pintuan ay sanhi para ang buto ay mapilayan.

  49. 46 Pagkatapos, isang pagtatalo ang nagsimula sa kanila tungkol sa kung sino ang magiging lubos na dakila. 47 Ngunit nang malaman ni Jesus ang kanilang mga pangangatwiran sa kanilang mga puso, kumuha siya ng isang bata at nilapit sa kaniyang tabi, 48 at sinabi sa kanila, “Kung sinuman ang tumanggap sa isang maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, siya rin ay tumatanggap sa akin, at kung sinuman ang tumatanggap sa akin, siya rin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin. Dahil kung sinuman ang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang dakila.”

  50. 3 Mag-ingat kayo. Kung nagkasala ang iyong kapatid na lalaki, sawayin mo siya, at kung siya ay nagsisi, patawarin mo siya. 4 Kapag nagkasala siya laban sa iyo ng pitong beses sa isang araw, at pitong beses na bumalik sa iyo, sinasabi, 'Nagsisisi ako,' dapat mo siyang patawarin!”

  51. 1 May ilang mga lalaki na bumaba galing sa Judea at nagturo sa mga kapatid na nagsasabi “Maliban na kayo ay magpatuli mula sa kaugalian ni Moises, kayo ay hindi maliligtas.” 2 Nang nakipagharap at nakipagtalo sa kanila sina Pablo at Bernabe, nagpasiya ang mga kapatid na sina Pablo, Bernabe, at ang ilan sa kanila ay kailangang pumunta sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga nakatatanda patungkol sa mga pinagtatalunan nila.

  52. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

  53. 19 Nagmamahal tayo dahil minahal muna tayo ng Diyos.

    20 Kung sinuman ang nagsasabi, “Mahal ko ang Diyos” pero kinapopootan ang kanyang kapatid siya ay isang sinungaling. Pagkat ang sinuman na hindi umiibig sa kanyang kapatid, na kanyang nakikita, ay hindi umiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. 21 At ito ang kautusan na mayroon tayo mula sa kanya: Kung sinuman ang nagmamahal sa Diyos ay dapat ding mahalin ang kanyang kapatid.

  54. 16 Huwag maglibot sa pagkalat ng maling tsismis sa inyong mga bayan, nguni't protektahan ang buhay ng inyong kapwa. Ako si Yahweh.

    17 Huwag kamuhian ang inyong kapatid sa inyong puso. Dapat ninyong pagsabihan nang tapat ang inyong kapwa upang hindi kayo magkasala dahil sa kanya. 18 Huwag maghiganti o magtanim ng sama ng loob laban sa sinuman sa inyong kapwa, nguni't sa halip mahalin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili. Ako si Yahweh.

  55. 7 Kapag ang pamamaraan ng isang tao ay kalugod-lugod kay Yahweh, ginagawa niya kahit na ang mga kaaway nito ay makipagbati sa kaniya.

  56. 13 Kasiraan sa kaniyang ama ang isang mangmang na anak at ang mapang-away na asawang babae ay tulo ng tubig na walang tigil.

  57. 17 Tulad ng isang humahawak ng mga tainga ng isang aso ay isang taong dumadaan na nagagalit sa alitan na hindi kanya.

  58. 3 Bakit tayo nag-ayuno; sinabi nila, “pero hindi ninyo nakikita ito? Bakit tayo nagpakumbaba, pero hindi ninyo napapansin?” Pagmasdan ninyo, sa araw ng inyong pag-aayuno ang sarili ninyong kasiyahan ang inyong hinahanap at pinapahirapan ang lahat ng inyong mga manggagawa. 4 Pagmasdan ninyo, kayo ay nag-aayuno para makipag-away at makipag-laban, at para sumuntok sa pamamagitan ng inyong kamaong makasalanan; hindi kayo nag-aayuno ngayon para marinig ang inyong tinig sa kaitaasan.

  59. 3 Bagaman kami ay namumuhay sa laman, hindi kami nakikipaglaban ayon sa laman. 4 Dahil ang aming sandata sa aming pakikipaglaban ay hindi makalaman. Sa halip, mayroon silang dakilang kapangyarihan para wasakin ang mga kuta. Dinadala nila sa wala ang mga maling pangangatuwiran. 5 Winawasak din namin ang bawat pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos. Binibihag namin ang lahat ng kaisipan para sa pagsunod kay Cristo. 6 At naghahanda kami upang parusahan ang bawat gawain ng pagsuway, hanggang sa ang inyong pagsunod ay maging ganap.

    7 Tingnan ninyo kung ano ang maliwanag na nasa inyong harapan. Kung sino man ang naniwala na siya ay kay Cristo, sana ay paalalahanan niya ang kaniyang sarili na kung siya ay kay Cristo, ganoon din kami.

  60. 1 Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

  61. 1 Ang pahayag na ito ay mapagkakatiwalaan: Kung sinuman ang nagnanais na maging tagapangasiwa, nagnanais siya ng mabuting gawa. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo. 3 Dapat hindi sugapa sa alak, hindi marahas, kundi marahan, payapa. Hindi maibigin sa pera.

    4 Kailangang maayos niyang pinamamahalaan ang kaniyang sambahayan, at kailangang sinusunod siya ng kaniyang mga anak nang may buong paggalang. 5 Sapagkat kung ang lalaki ay hindi alam kung paano niya pamahalaan ang kaniyang sariling sambahayan, paano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6 Dapat hindi siya baguhang mananampalataya, upang hindi siya maging mapagmataas at mahulog sa paghahatol kagaya ng diyablo. 7 Kailangang mabuti rin ang kaniyang reputasyon sa mga nasa labas, upang hindi siya mahulog sa kahihiyan at sa bitag ng diyablo.

  62. 4 Huwag sagutin ang isang hangal at sumali sa kanyang kahangalan, o magiging tulad ka niya. 5 Sumagot sa isang hangal at sumali sa kaniyang kahangalan upang hindi siya maging marunong sa kaniyang sariling paningin.

  63. 25 Ang taong sakim ay lumilikha nang away, ngunit ang isa na nagtitiwala kay Yahweh ay magtatagumpay.

  64. 33 Katulad ng hinalong gatas na nakakagawa ng mantikilya, at katulad ng ilong ng sinuman na magdurugo kapag piningot, kaya ang gawain na ginawa sa galit ay lumilikha nang kaguluhan.

  65. 11 Dahil dito, nalalaman niyo ang oras, na ito na ang oras upang kayo ay magising mula sa inyong pagkakatulog. Sapagkat ngayon, ang ating kaligtasan ay mas malapit na kaysa noong una tayong nanampalataya. 12 Palipas na ang gabi at malapit ng mag-umaga. Kaya iisantabi natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isuot ang baluti ng liwanag. 13 Lumakad tayo nang nararapat, gaya ng sa liwanag, hindi sa magulong pagdiriwang o sa paglalasing. At huwag tayong mamuhay sa kahalayan o sa pagnanasang walang pagpipigil, at hindi sa alitan o pagkainggit. 14 Ngunit paghariin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo at huwag pagbigyan ang kagustuhan ng laman, para sa mga pagnanasa nito.

  66. 5 Ngayon, nawa ang Diyos ng pagtitiis at ng lakas ng loob ay pagkalooban kayo ng iisang pag-iisip ayon kay Cristo Jesus. 6 Nawa ay gawin niya ito upang kayo na may iisang pag-iisip ay magpuri ng may iisang bibig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

  67. 3 Katulad ng pinakiusap ko saiyo na gawin mo nang ako ay papuntang Macedonia, manatili ka sa Efeso upang mautusan mo ang ilang mga tao na huwag magturo ng ibang doktrina. 4 Ni pansinin ang mga kwento at mga kasaysayan ng lahi. Nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa halip na makatulong sa plano ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya.

    5 Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya. 6 May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit.

  68. 1 Naglakbay ang buong komunidad ng mga Israelita mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga tagubilin ni Yahweh. Nagkampo sila sa Rephidim, pero walang tubig na maiinom para sa mga tao. 2 Kaya sinisi ng mga tao si Moises dahil sa kanilang kalagayan at sinabing, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” Sinabi ni Moises, “Bakit kayo makikipagtalo sa akin?” Bakit sinusubok ninyo si Yahweh?”

    3 Labis na nauuhaw ang mga tao, at nagreklamo laban kay Moises. Sinabi nila, “Bakit dinala mo kami palabas sa Ehipto? Para patayin kami at ang aming mga anak pati mga baka sa pagkauhaw?”

    4 Kaya dumaing si Moises kay Yahweh, “Ano ba ang dapat kong gawin sa mga taong ito? Halos handa na silang batuhin ako.”

    5 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Mauna ka sa mga tao at magdala ka ng ilan sa mga nakatatanda ng Israel. Dalhin mo ang tungkod na inihampas mo sa ilog at umalis ka. 6 Tatayo ako sa harapan mo doon sa ibabaw ng bato sa Horeb, at papaluin mo ang bato. Lalabas ang tubig mula dito para inumin ng mga tao. Pagkatapos ginawa ito ni Moises sa paningin ng mga nakatatanda ng Israel. 7 Tinawag niya ang lugar na iyon na Massah at Meribah dahil sa pagrereklamo ng mga Israelita at dahil sinubukan nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagsabing, “Kasama ba natin si Yahweh o hindi?”

  69. 18 Kung mag-aaway ang mga lalaki at may isang taong manakit ng iba tao na gamit ang bato o ang kaniyang kamao, at ang taong iyon ay hindi namatay, pero nanatiling nakahiga; 19 pagkatapos kung ito'y gumaling na at maaring makalakad gamit ang kaniyang tungkod, ang taong nanakit sa kaniya ay dapat magbayad sa nasayang nitong panahon; dapat din itong magbayad para sa kaniyang ganap na gagaling. Pero ang taong iyon ay mapapawalang-sala.

  70. 30 Huwag makipagtalo sa isang tao ng walang dahilan, kapag wala siyang ginawa para saktan ka.

  71. 12 Ang isang walang kwentang tao— isang masamang tao— namumuhay sa kabaluktutan ng kaniyang salita, 13 pagkindat ng kaniyang mga mata, gumagawa ng hudyat gamit ang kaniyang mga paa, at pagturo ng kaniyang mga daliri. 14 Siya ay may balak na masama na may daya sa kaniyang puso; palagi siyang nag-uudyok ng pag-aalitan.

  72. 19 Mas mabuti pang mamuhay sa disyerto kaysa makasama ang babaeng nagdudulot nang alitan at sobrang makapagreklamo.

  73. 10 Itaboy ang mangungutya at aalis ang alitan; ang mga hindi pagkakaunawaan at mga panlalait ay matitigil.

  74. 36 Lumipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin ngayon at dalawin ang ating mga kapatid sa bawat lungsod na kung saan ipinahayag natin ang salita ng Panginoon, at kumustahin ang kanilang kalagayan. 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit naisip ni Pablo na hindi mabuting isama si Marcos na nag-iwan sa kanila sa lugar ng Pamfilia at hindi na sumama sa kanilang gawain.

    39 At sila ay nagkaroon ng matinding di pagkakaunawaan, kaya sila naghiwalay, isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Sayprus. 40 Pinili naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis pagkatapos siyang ipagkatiwala ng mga kapatiran sa biyaya ng Panginoon.

  75. 5 Ang mga namumuhay ayon sa laman ay binibigyang-pansin ang mga bagay na para sa laman, ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay binibigyang pansin ang mga bagay na para sa Espiritu. 6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ito ay dahil sumasalungat sa Diyos ang kaisipan ng laman, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging sakop.

  76. 11 Sa wakas, mga kapatid, kayo ay magalak! Gumawa para sa panunumbalik, maging masigla, magkaisa kayo, mamuhay ng may kapayapaan. At ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay mapapasainyo.

  77. 18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo nang may buong paggalang, hindi lang sa mabuti at mahinahon na mga amo, pero pati narin sa mga masama. 19 Sapagkat kapuri-puri ang sinumang magtitiis ng pasakit habang nahihirapan sa kawalan ng katarungan nang dahil sa kaniyang konsiyensya sa Diyos. 20 Sapagkat gaano kataas na parangal ang nakalaan sa paggawa ng kasamaan at magtiis habang pinarurusahan? Pero kung gumawa kayo ng mabuti at nagtiis kayo habang pinarurusahan, ito ay kapuri-puri sa Diyos.

    21 Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22 Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23 Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.

    25 Kayong lahat ay naglalakbay palayo tulad ng mga nawawalang tupa, ngunit ngayon, bumalik kayo sa pastol at tagapagbantay ng inyong mga kaluluwa.

  78. 12 Pero paano ko dadalhing mag-isa ang inyong mga pasanin, inyong mga kabigatan at ang inyong mga pagtatalo? 13 Kumuha ng mga lalaking matalino, mapag-unawang mga lalaki at mga lalaking may magandang kalooban mula sa bawat lipi at gagawin ko silang mga pangulo ninyo.'

  79. 15 Hindi dapat mangibabaw laban sa isang tao ang isang tanging saksi para sa anumang kasalan, sa anumang bagay siya nagkasala; sa bibig ng dalawang saksi, o sa bibig ng tatlong saksi, dapat mapatunayan ang anumang bagay.

  80. 16 Mayroong anim na bagay na kinamumuhian ni Yahweh, pito na kasuklam-suklam sa kaniya: 17 Ang mga mata ng isang mapagmataas na tao, ang isang dila na nagsisinungaling, ang mga kamay na nagpapadanak ng dugo ng mga inosenteng tao, 18 isang puso na lumikha ng mga masasamang balakid, mga paa na mabilis tumakbo para gumawa ng masama, 19 isang saksi na nagsasabi ng mga kasinungalingan, at ang isa na siyang naghahasik ng alitan sa kaniyang mga kapatid.

  81. 18 Ang mga salitang padalos-dalos ay tulad ng saksak ng isang espada, pero ang dila ng matalino, kagalingan ang dinadala.

  82. 28 Ang pusong gumagawa ng tama ay nag-iisip bago sumagot, ngunit ang bibig ng masasama ay ibinubuhos ang lahat ng kasamaan nito.

  83. 11 Ang isang mangmang ay ipinahahayag ang lahat ng kaniyang galit, pero ang isang taong matalino ay pinipigilan ito at kinakalma ang kaniyang sarili.

  84. 5 Mapagpanggap ka! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at pagkatapos ay malinaw kang makakakita upang alisin ang piraso ng dayami na nasa mata ng iyong kapatid.

  85. 34 Huwag ninyong isipin na pumarito ako sa lupa upang magbigay ng kapayapaan. Hindi ako dumating upang magbigay ng kapayapaan, kundi isang espada. 35 Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.

    37 Ang nagmamahal sa kaniyang ama at ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagmamahal sa kaniyang anak na lalaki at babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.

  86. 24 Kung nahahati ang isang kaharian laban sa kaniyang sarili, ang kahariang ito ay hindi maaaring manatili. 25 Kung ang isang tahanan ay nahahati laban sa kaniyang sarili, ang tahanang ito ay hindi maaaring manatili.

  87. 17 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip at sinabi sa kanila, “Bawat kaharian na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay napababayaan at ang bahay na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay bumabagsak.

  88. 19 Kaya, ang opinyon ko ay dapat huwag nating gambalain ang mga Gentil na nagbalik sa Diyos; 20 sa halip, sulatan natin sila na dapat silang lumayo sa karumihan ng mga diyus-diyosan, mula sa sekswal na imoralidad, at mula sa mga binigti at sa dugo.

  89. 8 Pumunta si Pablo sa sinagoga at matapang na nagsalita sa loob ng tatlong buwan. Pinangungunahan niya ang mga pagpapaliwanag at panghihikayat sa mga tao tungkol sa mga bagay patungkol sa Kaharian ng Diyos. 9 Ngunit nang ang ilan sa mga Judio ay nagmamatigas at hindi sumusunod, nagsimula silang magsalita ng masama sa daan ni Cristo sa harap ng maraming tao. Kaya iniwan sila ni Pablo at pinangunahan niya ang mga mananampalataya palayo sa kanila. Nagsimula siyang magsalita araw-araw sa loob ng bulwagan ng Tiranus.

  90. 28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.

    32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.

  91. 17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila.

  92. 16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos.

  93. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan.