75 Bible Verses About Vanity

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Vanity
  1. 1 Ito ang mga salita ng Mangangaral, ang anak ni David at hari sa Jerusalem. 2 Sabi ng Manganagaral. “Tulad ng isang singaw ng ambon, tulad ng isang simoy sa hangin, lahat ay maglalaho, mag-iiwan ng maraming katanungan. 3 Anong mapapala ng sangkatauhan mula sa lahat ng gawain na kanilang pinaghirapan sa ilalim ng araw? 4 Isang angkan ang lumilipas, at isa namang angkan ang dumarating, ngunit mananatili ang daigdig magpakailanman. 5 Sumisikat ang araw at lumulubog ito at nagmamadaling babalik sa lugar kung saan muli itong sisikat. 6 Umiihip ang hangin sa timog at magpapaikot-ikot hanggang sa hilaga, laging lilibot sa ganitong landas at magpapabalik-balik muli. 7 Umaagos patungo sa dagat ang lahat ng mga ilog, ngunit ang dagat ay di mapupuno. Kung saan patungo ang ilog, doon muli ito tutungo. 8 Ang lahat ay nakakapagod, at wala ni isa man makapagpapaliwanag nito. Ang mata ay walang kasiyahan sa nakikita nito, ni tainga man ay napupuno ng naririnig nito. 9 Anuman ang nangyari ay siya rin ang mangyayari, at anuman ang nagawa ay siyang magagawa. Walang bago sa ilalim ng araw. 10 Mayroon bang anumang bagay na maaaring masabi, 'Masdan mo, ito ay bago'? Anuman ang nangyayari ay nangyari na sa matagal na panahon, noong mga panahong nauna pa sa atin. 11 Tila wala ni isa man ang nakakaalala sa mga bagay na naganap sa sinaunang panahon. At ang mga bagay na nangyari sa nauna pang panahon at ang mangyayari sa hinaharap ay malamang na hindi rin maaalala.”

  2. 12 Ako ang Mangangaral, at ako ay naging hari ng buong Israel sa Jerusalem. 13 Inilaan ko ang aking pag-iisip sa pag-aaral at pagsisiyasat gamit ang karunungan sa lahat ng ginawa sa ilalim ng kalangitan. Ang pagsisiyasat na iyon ay isang mabigat na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao upang pagka-abalahan.

    14 Nakita ko ang lahat ng gawaing ginanap sa ilalim ng araw, at masdan, lahat ng mga ito ay magiging singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 15 Ang baluktot ay hindi na maitutuwid. Ang nawala ay hindi na mabibilang.

    16 Sinabi ko sa aking puso, “Masdan, ang nakamit kong karunungan ay higit kaysa mga nauna sa akin sa Jerusalem. Nakita ng aking isip ang malawak na karunungan at kaalaman.

    17 Kaya inilagay ko sa aking puso na matutunan ang karunungan at maging kabaliwan at kahangalan din. Naintindihan ko rin na ito ay isang pagtangkang habulin ang hangin. 18 Dahil sa kasaganaan ng karunungan ay maraming kabiguan, at siya na nagdaragdag nang kaalaman ay nagdaragdag nang kalungkutan.

  3. 1 Sinabi ko sa aking puso, “Pumarito ka ngayon, susubukin kita sa kasayahan. Kaya magsawa ka sa kalayawan.” Ngunit masdan, ito rin ay pansamantala lamang.

    2 Sabi ko tungkol sa halakhak, “ito ay kabaliwan,” at tungkol sa kasiyahan, “Anong silbi nito” 3 Sinaliksik ko sa aking puso kung paano ko mapagbibigyan ang aking mga pagnanasa sa pag-inom ng alak. Hinayaan kong gabayan ako ng karunungan kahit na pinanghahawakan ko pa rin ang kahangalan. Nais kong malaman kung ano ang makabubuti para sa tao na gawin sa ilalim ng kalangitan sa mga araw ng kanilang mga buhay.

    4 Nagawa ko ang mga dakilang bagay. Nagtayo ako ng mga bahay para sa aking sarili at nagtanim ng mga ubasan. 5 Nagtayo ako ng mga hardin at mga liwasan para sa aking sarili; sa loob ng mga ito ay nagtanim ako nang lahat ng uri ng bungang kahoy. 6 Lumikha ako ng mga lawa ng tubig upang diligan ang isang kagubatan kung saan naglalakihan ang mga puno.

    7 Bumili ako ng mga aliping lalaki at aliping babae; mayroon akong mga aliping isinilang sa aking palasyo. Mayroon din akong mga malalaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, higit na marami kaysa sa sinumang haring namuno sa Jerusalem bago ako. 8 Nakapag-ipon ako para sa aking sarili ng pilak at ginto, ang mga kayamanan ng mga hari at mga lalawigan. Mayroon akong mga lalaki at babaeng mang-aawit para sa aking sarili; sa pagmamagitan ng maraming asawa at mga iba pang babaeng kinakasama, ginawa ko ang mga bagay na maaaring magdulot nang kaligayahan sa sinumang lalaki sa ibabaw ng mundo.

    9 Kaya ako ay naging higit na dakila at mas mayaman kaysa sa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem, at ang aking karunungan ay nanatili sa akin. 10 Anuman ang hangarin ng aking mga mata, hindi ako nagpipigil sa kanila. Hindi ko pinipigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, dahil ang puso ko ay natuwa sa lahat ng pinaghihirapan ko, at ang kasiyahan ay ang aking gantimpala sa lahat ng aking gawain.

    11 Pagkatapos minasdan ko ang lahat ng mga gawain na tinapos gawin ng aking mga kamay, at sa pinagsikapang gawin, ngunit muli, ang lahat ng bagay ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. Wala itong pakinabang sa ilalim ng araw.

  4. 12 Pagkatapos bumaling ako para pagtuunan ang karunungan, gayundin ang kabaliwan at kahangalan. Para ano ang maaaring gawin ng susunod na hari, na hindi pa rin nagagawa? 13 Pagkatapos nagsimula kong maunawaan na ang karunungan ay mayroong kalamangan sa kamangmangan, gaya ng liwanag na mas mabuti kaysa kadiliman. 14 Ang matalinong tao ay ginagamit ang kaniyang mga mata sa kaniyang ulo para makita ang kaniyang patutunguhan, pero ang mangmang ay naglalakad sa kadiliman, kahit na alam kong iisang kapalaran ang nakalaan sa lahat. 15 Pagkatapos sinabi ko sa aking puso, “Kung ano ang mangyayari sa mangmang ay mangyayari rin sa akin. Kaya anong mayroong pagkakaiba kung ako ay napakatalino?” Napagpasyahan ko na sa aking puso, “Ito man ay parang singaw lamang.”

    16 Para sa matalinong tao, tulad ng mangmang, ay hindi na maaalala sa mahabang panahon. Sa mga darating na mga panahon ang lahat ay matagal na kalilimutan. Ang taong matatalino ay mamamatay katulad lang ng mangmang.

    17 Kaya kinamuhian ko ang buhay dahil lahat ng ginawa sa ilalaim ng araw ay masama para sa akin. Ito ay dahil ang lahat ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.

    18 Kinamuhian ko ang lahat ng aking natupad na aking pinaghirapan sa ilalim ng araw dahil kailangang iwanan ko sila sa taong susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung siya ay magiging matalinong tao o isang mangmang? Gayunman siya ay magiging panginoon sa lahat ng bagay sa ilalim ng araw kung saan naitayo ang aking gawa at naitatag ang aking karunungan. Ito rin ay usok.

    20 Dahil doon nag-umpisang malungkot ang aking puso sa lahat ng paghihirap na aking ginawa sa ilalim ng araw. 21 Sapagkat maaaring may isang taong gumagawa nang may karunungan, may kaalaman, at kahusayan, ngunit iiwan niya ang lahat na mayroon siya sa isang taong walang nagawa sa anuman dito. Ito rin ay usok at isang malaking kapahamakan. 22 Para sa anong pakinabang ang makukuha ng tao na nagsisikap magtrabaho at sa kaniyang puso ay pinipilit tapusin ang kaniyang mga gawain sa ilalim ng araw? 23 Bawat araw, ang kaniyang trabaho ay masakit at mahirap, kaya sa gabi ang kaniyang kaluluwa ay hindi makahanap nang kapahingahan. Ito rin ay usok.

    24 Walang mabuti sa isang tao maliban lamang sa kumain at uminom at masiyahan sa kung ano ang mabuti sa kaniyang ginagawa. Nakita ko na ang katotohanang ito ay nagmumula sa kamay ng Diyos. 25 Kaya sino ang makakakain o sino ang magkakamit ng kahit anong uri nang kasiyahan na hiwalay sa Diyos? 26 Kaya sa isang taong nagbibigay lugod sa kaniya, ibinibigay ng Diyos ang karunungan, kaalaman at kagalakan. Gayun man, sa makasalanan ibinibigay niya ang gawain ng pag-iipon at pagtatabi para maaari niyang ibigay ito sa isang taong nagbibigay kaluguran sa Diyos. Ito rin ay katumbas ng singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.

  5. 1 Minsan inisip ko ang tungkol sa lahat nang pag-uusig na ginagawa sa ilalim ng araw. Pagmasdan ang mga luha ng mga taong inusig. Wala silang taga-aliw. Ang kapangyarihan ay nasa kamay ng kanilang mang-uusig, ngunit walang taga-aliw ang mga taong inuusig. 2 Kaya binabati ko ang mga patay na tao, silang mga namatay na, hindi ang nabubuhay, sila na nanatiling buhay pa. 3 Subalit, mas mapalad kaysa sa kanilang dalawa ang isang hindi pa nabubuhay, ang isang hindi nakakita ng anumang masamang gawain na ginawa sa ilalim ng araw.

    4 Pagkatapos aking nakita na ang bawat paggawa at bawat mahusay na paggawa ay kinaiingitan ng kanilang kapwa. Ito rin ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 5 Ang mangmang ay naghahalupkipkip ang kaniyang mga kamay at hindi gumagawa, kaya ang kaniyang pagkain ay kaniyang sariling laman. 6 Ngunit mas mabuti ang isang dakot na pakinabang sa matahimik na gawain kaysa dalawang dakot ng gawain na sinusubukang habulin ang hangin.

    7 Pagkatapos muli kong naisip ang tungkol sa marami pang walang kabuluhan, marami pang naglalahong usok sa ilalim ng araw. 8 Mayroong isang uri ng tao na nag-iisa. Wala siyang kahit na sino, walang anak o kapatid. Walang katapusan ang lahat ng kaniyang gawain, at ang kaniyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa pagdami ng kayamanan. Nagtataka siya, “Para kanino ang aking pagbubungkal at inaalis sa sarili ko ang kasiyahan? Ito rin ay usok, isang masamang kalagayan.

  6. 7 Tunay nga na matamis ang liwanag, at kaaya-ayang makita ng mga mata ang araw. 8 Kung may taong mabubuhay ng maraming mga taon, hayaan mo siyang sumaya sa lahat ng iyon, ngunit hayaan mo siyang isipin ang paparating na mga araw ng kadiliman, dahil marami sila. Lahat ng darating ay naglalahong usok. 9 Magalak ka, batang lalaki, sa iyong kabataan, at hayaang magalak ang iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan. Ipagpatuloy ang mga mabubuting hangarin ng iyong puso at anumang nakikita ng iyong mga mata. Gayunpaman, isipin mo na hahatulan ka ng Diyos para sa lahat ng mga bagay na ito. 10 Palayasin mo ang galit mula sa iyong puso, at huwag mong pansinin ang anumang sakit ng iyong katawan, dahil ang kabataan at ang lakas nito ay usok.

  7. 4 Yahweh, ipaalam mo sa akin kung kailan ang katapusan ng aking buhay at ang kahabaan ng aking mga araw. Ipakita mo sa akin kung paano ako lilipas. 5 Tingnan mo, ginawa mo lamang kasing lapad ng aking kamay ang aking mga araw, at ang haba ng aking buhay ay balewala para sa iyo. Tunay na ang bawat tao ay parang isang hininga. Selah 6 Tunay nga na ang bawat tao ay lumalakad tulad ng isang anino. Tunay nga na ang lahat ng tao ay nagmamadali sa pag-iipon ng kayamanan kahit na hindi nila alam kung kanino mapupunta ito.

  8. 18 Sapagkat itinuturing ko na ang mga pagdurusa sa panahong ito ay hindi karapat-dapat na ihalintulad sa kaluwalhatian na maihahayag sa atin. 19 Sapagkat ang nananabik na pag-asa ng mga nilikha ay naghihintay para sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Sapagkat napasailalim sa pagkawalang-saysay ang mga nilikha, hindi sa sarili nitong kalooban, kundi sa kaniya na siyang nagpasailalim nito. Ito ay dahil sa tiyak na kasiguraduhan 21 na ang nilikha mismo ay maililigtas mula sa pagkaalipin hanggang sa pagkabulok at madadala ito sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

    22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon. 23 Hindi lamang iyan, ngunit maging tayo mismo, na nagtataglay ng mga unang bunga ng Espiritu—kahit tayo mismo ay dumadaing sa ating mga sarili, naghihintay para sa ating pagkakakupkop, ang pagkatubos ng ating katawan.

  9. 1 Alalahanin mo rin ang iyong Manlilikha sa araw ng iyong kabataan, bago dumating ang araw ng paghihirap, at bago dumating ang mga taon na sasabihin mong, “Hindi ako nasisiyahan sa kanila,” 2 bago dumilim ang liwanag ng araw at buwan at mga bituin, at bumalik ang mga maiitim na ulap pagkatapos ng ulan. 3 Iyon ang panahon na manginginig ang mga tagapagbantay ng palasyo, at yuyuko ang mga malalakas na tao, at ang mga babaeng nagdidikdik ay titigil dahil kaunti sila, at ang mga tumatanaw sa mga bintana ay hindi na makakakita nang malinaw. 4 Iyon ang panahon na isasara ang mga pinto sa lansangan, at titigil ang tunog ng pagdidikdik, kapag nasisindak ang mga lalaki sa tinig ng ibon, at kapag lumilipas na ang mga kanta ng mga babae. 5 Iyon ang panahon na matatakot ang mga lalaki sa mga matataas na lugar at sa mga kapahamakan sa lansangan, kapag sumagana ang puno ng pili, at kapag hinahatak ng mga tipaklong ang mga sarili nila, at kapag naglaho ang mga likas na pagnanasa. Pagkatapos, pupunta ang tao sa kaniyang walang hanggang tahanan at ang mga nagdadalamhati ay tutungo sa mga lansangan. 6 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha bago maputol ang pilak na tali, o madurog ang gintong mangkok, o mabasag sa batis ang lalagyan ng tubig, o masira ang gulong ng tubig sa balon, 7 bago bumalik ang alabok sa lupa kung saan ito nanggaling, at bumalik sa Diyos ang espiritu na siyang nagbigay nito. 8 “Usok,” ang sabi ng Mangangaral, “ang lahat ay naglalahong usok.”

    9 Ang Mangangaral ay matalino, at tinuruan niya ang mga tao nang kaalaman. Inaral, inisip at iniayos niya ang maraming kawikaan. 10 Hinangad ng Mangangaral na magsulat ng mga malinaw at tuwid na mga salita nang katotohanan.

    11 Ang mga salita ng mga matatalinong tao ay parang mga panusok. Gaya ng mga pako na ibinaon nang malalim ang mga salita ng mga dalubhasa sa maraming mga kawikaan na itinuro ng isang pastol. 12 Aking anak, maging maingat ka sa mas higit na mga bagay: ang paggawa ng maraming libro, na walang katapusan. Ang matinding pag-aaral ay nagbibigay pagod sa katawan.

    13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan. 14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.

  10. 1 Mayroon akong nakitang masama sa ilalim ng araw, at ito ay malubha para sa mga tao. 2 Maaaring magbigay ang Diyos ng kayamanan, kasaganaan at karangalan sa isang tao upang hindi siya magkulang sa mga hinahangad niya para sa kaniyang sarili, ngunit pagkatapos, hindi ibibigay ng Diyos ang kakayahan upang magsaya sa mga ito. Sa halip, iba pa ang makikinabang ng kaniyang mga kagamitan. Ito ay parang singaw, isang masamang kalungkutan.

    3 Kung ang isang lalaki ay maging ama ng isang daang anak at mabuhay ng maraming taon, sa gayon ang mga araw ng kaniyang mga taon ay marami, ngunit kung hindi nasiyahan ang kaniyang puso sa kabutihan at siya ay hindi inilibing nang may karangalan, kaya aking sasabihin na ang isang sanggol na patay ipinanganak ay mas mabuti pa kaysa sa kaniya. 4 Kahit pa ang isang sanggol ay isinilang nang walang kabuluhan at mamamatay sa kadiliman at ang kaniyang pangalan ay mananatiling lihim. 5 Kahit hindi na nakita ng batang ito ang araw o nalaman ang anumang bagay, ito ay may kapahingahan bagaman ang taong iyon ay wala. 6 Kahit mabubuhay ang isang tao ng dalawang libong taon ngunit hindi matutunang matuwa sa mabuting mga bagay, mapupunta siya sa parehong lugar kagaya ng iba pa. 7 Kahit na lahat ng gawain ng isang tao ay para punuin ang kaniyang bibig, gayon man ang kaniyang gana sa pagkain ay hindi mapupunan.

    8 Kaya, anong pakinabang mayroon ang matalinong tao na higit pa sa hangal? Anong pakinabang mayroon ang isang mahirap na tao kahit pa malaman niya kung paano kumilos sa harapan ng iba? 9 Mabuti pang masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa sa paghahangad ng isang lumalawak na pananabik sa pagkain, na para ring singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.

    10 Anumang bagay ang naririto ay nabigyan na ng kaniyang pangalan, at nalalaman na kung ano ang katulad ng sangkatauhan. Kaya walang saysay makipagtalo sa isang makapangyarihang hukom ng lahat. 11 Kapag mas maraming sinasabi, lalong walang kabuluhan, kaya ano nga ba pakinabang niyan sa isang tao? 12 Dahil sino ang nakakaalam ng mabuti sa buhay ng tao sa kaniyang walang kabuluhan at bilang na mga araw na kaniyang dadaanan tulad ng isang anino? Sino ang makapagsasabi sa isang tao kung ano ang sasapitin sa ilalim ng araw pagkatapos siyang mamatay?

  11. 10 Sinumang nagmamahal sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, at sinuman ang nagmamahal sa yaman ay maghahangad pa nang marami. Ito din ay parang singaw.

  12. 11 Kapag itinutuwid mo ang mga tao dahil sa kasalanan, dahan-dahan mong inuubos ang kanilang lakas tulad ng isang gamu-gamo; tunay na balewala ang lahat ng tao tulad ng singaw. Selah

  13. 30 Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan.

  14. 17 Kaya, sinasabi ko ito, at pinapayuhan ko kayo sa Panginoon: huwag na kayong lumakad na katulad ng mga Gentil na lumalakad sa karumihan ng kanilang mga isipan. 18 Masama ang kanilang pag-iisip. Napalayo sila sa buhay na nasa Diyos dahil sa kamangmangan na nasa kanila dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso.

  15. 3 Yahweh, ano ang tao na nakukuha niya ang iyong pansin o sa anak ng tao na iniisip mo ang tungkol sa kaniya? 4 Ang tao ay gaya ng isang hininga, ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang dumaraang anino.

  16. 15 Tinanggihan nila ang kaniyang kautusan at ang tipang ginawa sa pagitan niya at kanilang mga ninuno, at mga utos sa tipan na kaniyang binigay sa kanila. Sinunod nila ang mga walang kabuluhang kaugalian at maging sila mismo ay naging walang kabuluhan. Sinundan nila ang mga paganong bansang nakapaligid sa kanila, silang pinag-utos na Yahweh na huwag gagayahin.

  17. 37 Ibaling mo ang aking mga mata mula sa pagtingin sa mga bagay na walang halaga; pasiglahin mo ako sa mga kaparaanan mo.

  18. 11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi. 12 Kapag ang pag-asa ay ipinagpaliban, dinudurog nito ang puso, pero ang isang natupad na pananabik ay isang puno ng buhay.

  19. 5 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Ano ang pagkakamaling nakita sa akin ng inyong mga ama upang lumayo sila sa pagsunod sa akin? At sumunod sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan at sila mismo ay naging walang kabuluhan?

  20. 17 Ang mga taong ito ay katulad ng mga bukal na walang tubig. Katulad sila ng mga ulap na tinatangay ng bagyo. May makapal na kadiliman ang sa kanila ay naghihintay. 18 Nagsasalita sila ng mga bagay na pawang walang kabuluhan at kayabangan lamang. Inuudyukan nila ang mga tao sa pamamagitan ng pita ng laman. Inuudyukan nila ang mga taong sumusubok na tumakas mula sa maling pamumuhay. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa kanila ngunit sila ma'y alipin ng kasamaan. Sapagkat ang isang tao ay alipin ng kahit anong dumadaig sa kaniya.

    20 Sino mang makatakas sa karumihan ng mundo sa pamamagitan ng kaalaman ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo at bumalik muli sa ganoong karumihan, sila ay naging mas malala pa kaysa noong una. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran kaysa malaman ito at pagkatapos ay tumalikod sa banal na kautusang ibinigay sa kanila. 22 Ang kawikaang ito ay totoo para sa kanila: “Ang aso ay bumabalik sa sariling suka nito. Ang bagong paligong baboy ay bumabalik sa putik.”

  21. 2 Kayong mga tao, gaano ninyo katagal papalitan ang aking karangalan ng kahihiyan? Gaano ninyo katagal mamahalin ang mga walang halaga at maghahangad ng mga kasinungalingan? Selah

  22. 8 Unawain ninyo, kayong mangmang; kayong mga hangal, kailan kayo matututo? 9 Siya na lumikha ng tainga, hindi ba niya naririnig? Siyang naghulma ng mata, hindi ba siya nakakakita? 10 Siya na dumidisiplina ng mga bansa, hindi ba niya tinatama? Siya ang nagbigay ng kaalaman sa tao. 11 Alam ni Yahweh ang isipan ng mga tao, na sila ay masama.

  23. 8 Ilayo mo sa akin ang kayabangan at kasinungalingan. Bigyan mo ako ng hindi kahirapan ni kayamanan, bigyan mo lamang ako ng pagkain na aking kailangan.

  24. 19 Yahweh, ikaw ang aking matibay na tanggulan, aking kanlungan, aking ligtas na lugar sa panahon ng kabagabagan. Ang mga bansa ay pupunta sa iyo mula sa wakas ng lupa at magsasabi, “ Tunay na ang aming mga ninuno ay nagmana ng panlilinlang. Wala silang alam; walang pakinabang sa kanila.

  25. 16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay; Hindi ko hinahangad na patuloy akong mabuhay; hayaan mo akong mag-isa dahil walang silbi ang aking mga araw.

  26. 7 Ang kaniyang bibig ay puno ng pagsusumpa at mapanlinlang, mapaminsalang mga salita; ang kaniyang dila ay nakasasakit at nakasisira.

  27. 6 Kinamumuhian ko ang mga naglilingkod sa mga walang kwentang diyos-diyosan, pero nagtitiwala ako kay Yahweh.

  28. 16 Walang katapusan ang lahat ng taong nais sundin ang bagong hari, pero kalaunan marami sa kanila ay hindi na pupuri sa kaniya. Sigurado ang kalagayang ito ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.

  29. 9 Silang nagbibigay anyo sa diyus-diyosan ay walang halaga; at ang mga bagay na kanilang kinatutuwaan ay walang saysay; ang kanilang mga saksi ay hindi nakakikita o nakakaalam ng anumang bagay, at sila ay malalagay sa kahihiyan. 10 Sino ang huhulma ng isang diyos o maghuhugis ng diyus-diyosan na walang halaga? 11 Masdan mo, ang lahat ng kaniyang mga kasama ay ilalagay sa kahihiyan; ang mga mang-uukit ay tao lamang. Hayaan mo silang magsama-sama sa kanilang paninindigan; sila ay yuyukod at malalagay sa kahihiyan.

  30. 6 Kapag pumupunta ang kaaway ko para makita ako, nagsasabi siya ng mga bagay na walang kwenta; iniipon ng kaniyang puso ang aking sakuna para sa kaniyang sarili, kapag lumayo siya mula sa akin, ipinagsasabi niya sa iba ang tungkol dito.

  31. 9 Tunay na walang kabuluhan ang mga lalaking mahina ang katayuan, at kasinungalingan ang mga lalaking mataas ang katayuan; magaan silang tinimbang sa sukatan; pareho silang tinimbang, sila ay magaan kaysa sa wala.

  32. 33 Dahil dito, pinaikli ng Diyos ang kanilang mga araw; ang kanilang mga taon ay napuno ng takot.

  33. 6 Ang pagtamo ng kayamanan ng isang sinungaling na dila ay panandaliang singaw at isang patibong na nakamamatay.

  34. 13 Kapag kayo ay umiiyak, hayaan ninyong sagipin kayo ng mga inipon ninyong mga diyus-diyosan. Sa halip ay tatangayin silang lahat ng hangin palayo, ang isang hininga ang tatangay sa kanila palayo. Ngunit ang nagkukubli sa akin ay magmamana ng lupain at magmamay-ari ng aking banal na bundok.

  35. 6 May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit.

  36. 31 Huwag siyang hayaang magtiwala sa mga walang kabuluhang bagay, nililinlang niya ang kaniyang sarili; dahil ang walang pakinabang ang kaniyang magiging gantimpala.

  37. 1 Bakit naghihimagsik ang mga bansa, at ang mga tao ay nagsasabwatan nang walang kabuluhan?

  38. 7 Humayo ka, masaya mong kainin ang tinapay mo, at inumin ang alak mo nang may masayang puso, dahil pinapayagan ng Diyos ang pagdiriwang ng mga mabubuting gawa. 8 Lagi mong panatilihing puti ang iyong mga damit at ang iyong ulo ay pinahiran ng langis.

    9 Masaya kang mamuhay kasama ang iniibig mong asawa sa lahat ng araw ng buhay mo nang walang pakinabang, ang mga araw na ibinigay sa iyo ng Diyos sa ilalim ng araw sa mga araw nang walang pakinabang. Iyon ang gantimpala ng buhay mo para sa ginawa mo sa ilalim ng araw. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

  39. 29 Masdan na, lahat sila ay walang kabuluhan, at ang kanilang mga gawa ay walang kahulugan; ang kanilang mga diyus-diyusan ay hangin at walang alam.

  40. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

  41. 8 Sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, ngunit ang pagiging maka-diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay. Ito ay may pinanghahawakang pangako ngayon at sa buhay na darating.

  42. 2 Walang saysay na ikaw ay gumising ng maaga at umuwi nang gabing-gabi, o kainin ang tinapay na pinaghirapan, dahil si Yahweh ang nagbibigay ng pinakaaasam na tulog.

  43. 19 Ang isa na siyang nagtatrabaho sa kaniyang lupa ay magkakaroon ng maraming pagkain, pero ang sinumang sumusunod sa walang kabuluhang gawain ay magkakaroon ng maraming kahirapan.

  44. 13 Pag-isipan ang mga ginawa ng Diyos: Sino ang maaaring magtuwid ng anumang bagay na ginawa niyang baluktot? 14 Kapag mabuti ang mga panahon, masayang mamuhay sa kabutihang iyon, ngunit kapag masama ang mga panahon, pag-isipan ito: ipinahintulot ng Diyos na magkatabing mamalagi ang dalawang ito. Sa kadahilanang ito, walang isa man ang makakaalam ng anumang bagay na darating sa kaniya.

    15 Nakita ko ang maraming bagay sa aking walang kahulugang mga panahon. Mayroong mga matuwid na taong naglalaho sa kabila ng kanilang pagkamakatuwiran, at mayroong masasamang taong nabubuhay nang mahabang buhay kahit na sila ay masama.

  45. 10 Kaya nakita kong lantarang inilibing ang masama. Sila ay dinala mula sa lugar at inilibing saka pinuri ng mga tao sa lungsod kung saan nila ginagawa ang masasamang mga gawain. Ito rin ay walang pakinabang. 11 Kapag ang isang hatol sa isang masamang krimen ay hindi agad ipinatupad, hinihikayat nito ang puso ng taong gumawa ng masama.

    12 Kahit isang daang ulit gumagawa ng masama ang isang makasalanan at nabubuhay pa rin sa mahabang panahon, gayon man alam ko na magiging mabuti sa mga gumagalang sa Diyos, siyang pinararangalan ang kaniyang presensiya sa kanila. 13 Ngunit hindi magiging mabuti sa isang taong masama; ang kaniyang buhay ay hindi pahahabain. Ang kaniyang mga araw ay katulad ng isang naglalahong anino dahil hindi niya pinararangalan ang Diyos.

    14 May isa pang walang silbing usok - isang bagay pa na naganap sa ibabaw ng mundo. Ang mga bagay na nangyayari sa taong matuwid ay nangyayari din sa taong masama, at ang mga bagay na nangyayari sa taong masama ay nangyayari din sa taong matuwid. Sinasabi ko na ito rin ay walang silbing parang singaw.

    15 Kaya ipinayo ko ang kasayahan, dahil ang isang tao ay walang mas mabuting gawin sa ilalim ng araw maliban sa kumain at uminom at maging masaya. Itong kasiyahan ang makakasama niya sa kaniyang gawain sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kaniya sa ilalim ng araw.

    16 Nang ginamit ko ang aking puso upang malaman ang karunungan at maunawaan ang gawaing naganap sa ibabaw ng mundo, ang gawaing madalas nagaganap nang walang tulog para sa mga mata sa gabi o sa araw, 17 at namasdan ko lahat ng gawain ng Diyos at hindi maunawaan ng tao ang gawaing ginawa sa ilalim ng araw. Gaano man ang pagsisikap ng tao para hanapin ang mga kasagutan, hindi niya ito mahahanap. Kahit na sa paniwala ng isang matalino ay alam na niya ang lahat, sa totoo lang hindi niya alam.

  46. 13 Naghasik sila ng trigo ngunit umani ng tinik ng mga palumpong. Nagpakapagod sila sa pagtatrabaho ngunit walang napakinabangan. “Kaya, mahiya kayo sa inyong gawa dahil sa poot ni Yahweh.”

  47. 20 At gayun din, “Alam ng Panginoon na ang mga pangangatuwiran ng marunong ay walang saysay.”

  48. 3 At ipagpalagay na naibibigay ko ang lahat ng nasa akin upang maipakain sa mga mahihirap, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin. Ngunit kung wala akong pag-ibig, ako ay walang pakinabang.

  49. 20 Timoteo, pangalagaan mo kung ano ang mga naibigay sa iyo. Umiwas ka sa mga walang kabuluhang mga usapan at mga pagtutuligsa na sinasabing maling kaalaman. 21 May ibang mga tao na nagpapahayag ng mga bagay na ito kaya marami sa kanila ang nailihis sa pananampalataya. Sumasaiyo nawa ang biyaya.

  50. 14 Palagi mo silang paalalahanan ng mga bagay na ito. Pagsabihan mo sila sa harap ng Diyos na huwag makipag-away tungkol sa mga salita. Dahil, walang mapapakinabangan dito. Dahil dito may pagkawasak para sa mga nakikinig.

    15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

    16 Iwasan ang usapang malaswa, na siyang nagiging daan sa higit pang kawalan ng pagkilala sa Diyos. 17 Ang kanilang salita ay kakalat tulad ng ganggrena. Kabilang dito sina Himeneo at Fileto. 18 Sila ang mga lalaking nalihis sa katotohanan. Sinasabi nila na ang muling pagkabuhay ay nangyari na. Ginugulo nila ang pananampalataya ng ilan.

    19 Gayunman, nakatayo ang matibay na pundasyong itinatag ng Diyos. Mayroon itong tatak na ganito: “Nakikilala ng Panginoon kung sino ang mga kaniya” at “Bawat isang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan” 20 Sa mayamang tahanan, hindi lamang lalagyang yari sa ginto at pilak ang naroon. May mga lalagyan ding yari sa kahoy at putik. Ang ilan sa mga ito ay ginagamit sa marangal ngunit ang ilan ay sa hindi marangal. 21 Kung sinuman ang maglinis ng kaniyang sarili mula sa hindi marangal na pagkakagamit, siya ay isang marangal na lalagyan. Siya ay ibinukod, kagamit-gamit sa kaniyang Panginoon, at inihanda para sa bawat mabuting gawain.

    22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.

    23 Ngunit tanggihan ang mga walang kabuluhan at mangmang na mga katanungan. Alam mo na hahantong ang mga ito sa pagtatalo. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.

  51. 9 Ngunit iwasan ang kawalang katuturan na pagtatalo at mga pagkakasunod-sunod ng lahi at pagkakagalit-galit at hindi pagkakasundo tungkol sa mga batas. Ang mga bagay na iyon ay walang halaga at hindi kapakipakinabang.

    10 Itanggi ang sinumang nagdudulot ng pagkahati-hati sa inyo, pagkatapos ng isa o dalawang babala, 11 at ipaalam na ang taong ito ay tumalikod sa tamang daan at nagkakasala at sinumpa ang kanyang sarili.

  52. 13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”

    17 At kung tinatawag ninyong “Ama” ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18 Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto— mga bagay na naglalaho— na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19 Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20 Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo.

    21 Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos.

    22 Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25 pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo.

  53. 15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

  54. 11 Tulungan mo kami laban sa kaaway, dahil ang tulong ng tao ay walang silbi.

  55. 11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip.

  56. 16 At nakita ko sa ilalim ng araw na kasamaan ang nangyayari kung saan dapat naroon ang katarungan, at sa lugar nang katuwiran, kasamaan ay madalas matagpuan. 17 Sinabi ko sa aking puso, “Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama sa tamang panahon sa bawat bagay at sa bawat ginawa.

    18 Sinabi ko sa aking puso, “Sinusubok ng Diyos ang tao para ipakita sa kanila na sila ay tulad ng mga hayop. 19 Dahil parehong kapalaran ang nagaganap sa mga tao na nagaganap sa mga hayop. Katulad ng mga hayop, ang mga tao ay lahat namamatay. Lahat sila ay dapat ihinga ang parehong hangin, upang sa gayong paraan ang mga tao ay walang kalamangan sa mga hayop. Hindi ba ang lahat ng bagay ay isang mabilis na paghinga lamang. 20 Lahat ng bagay ay mapupunta sa iisang lugar. Lahat ng bagay ay nagmula sa alabok, at lahat ng bagay ay nagbabalik sa alabok.

    21 Sinong nakakaalam kung ang kaluluwa ng mga tao ay mapupunta paitaas at ang kaluluwa ng mga hayop ay mapupunta sa lupa? 22 Kaya muli kong naunawaan na walang mainam sa kahit na sinong tao kundi magalak sa kaniyang gawain, dahil ito ang kaniyang bahagi. Sino ang maaaring magpabalik sa kaniya upang maipakita kung ano ang magaganap pagkatapos niya?

  57. 6 Dahil tulad ng nasusunog na mga tinik sa ilalim ng isang palayok, gayon din ang halakhak ng mga mangmang. Ito man ay usok.

  58. 13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga; kasuklam-suklam sa akin ang insenso; ang mga pagtitipon niyo tuwing bagong buwan at araw ng pamamahinga —hindi ko na matiis ang lahat ng makasalanan niyong mga pagtitipon.

  59. 32 Tingnan ninyo, hindi ako sang-ayon sa mga propeta na nananaginip ng mapanlinlang—Ito ang pahayag ni Yahweh—at pagkatapos ay ipapahayag ang mga ito at sa paraang ito naliligaw ang aking mga tao sa kanilang panlilinlang at pagmamataas. Hindi ako sang-ayon sa kanila, sapagkat hindi ko sila isinugo ni binigyan ng mga utos. Kaya tiyak na hindi nila tutulungan ang mga taong ito—ito ang pahayag ni Yahweh.

  60. 13 “Ang mga salita ninyo ay naging lapastangan laban sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit sinasabi ninyo, “Ano ang sinabi namin laban sa iyo?'

    14 Sinabi ninyo, ''Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang napapala natin dito sa pag-ingat ng kaniyang mga tagubilin at lumakad tayo nang may pagdadalamhati sa harapan ni Yahweh ng mga hukbo? 15 At ngayon, tinatawag nating mapalad ang palalo na tao. Hindi lamang pinagpapala ang mga masasama ngunit sinusubukan nila ang Diyos at tumatakas.”

    16 At ang mga may takot kay Yahweh ay nagsabi sa isa't isa; nagbigay pansin si Yahweh at nakinig, at isang aklat ng alaala ang nasulat sa kaniyang harapan para sa mga may takot kay Yahweh at iginagalang ang kaniyang pangalan.

    17 “Sila ay magiging akin,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “ang tangi kong kayamanan, sa araw na aking gawin; ililigtas ko sila gaya ng pagligtas ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya. 18 At minsan pa, muli ninyong makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at masama, sa pagitan ng sumasamba sa Diyos at sa hindi sumasamba sa kaniya.

  61. 7 At kung mananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng paulit-ulit ng mga walang kabuluhang salita tulad ng ginagawa ng mga Gentil, sapagkat iniisip nila na mas maririnig sila dahil sa dami ng kanilang sinasabi.

  62. 23 Pagkatapos nilang mapalaya, pumunta sina Pedro at Juan sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at mga nakatatanda. 24 Nang marinig nila ito, sama-sama nilang nilakasan ang kanilang mga boses sa Diyos at sinabi, “Panginoon, ikaw na siyang may gawa ng langit at lupa, at ng dagat, at ng lahat ng naroon, 25 ikaw na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David na iyong lingkod, ay nagsabi, 'Bakit nagngangalit ang mga bansang Gentil at ang mga tao ay nag-iisip ng mga walang kabuluhang bagay? 26 Naghanda ang mga hari sa mundo, at sama-samang nagtipon ang mga tagapamuno laban sa Panginoon, at laban kay Cristo.

    27 Totoong kapwa sina Herod at Poncio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga Israelita ay nagtipon-tipon sa lungsod na ito laban sa inyong banal na lingkod na si Jesus, na inyong pinili. 28 Nagtipon-tipon sila upang isagawa ang lahat na napagpasyahan ng inyong kamay at ng inyong kagustuhan na mangyari noon pang una. 29 Ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga babala at ipagkaloob mo sa iyong mga lingkod na maipahayag ang iyong salita na may katapangan. 30 Sa gayon habang iniuunat mo ang iyong kamay para magpagaling, ang mga palatandaan at himala ay mangyayari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”

    31 Nang matapos silang manalangin, ang lugar kung saan sila nagtipon-tipon ay nayanig, at silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu, at ipinahayag nila ng may katapangan ang salita ng Diyos.

  63. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

  64. 9 Huwag kayong magpadala sa mga sari-sari at kakaibang mga katuruan, sapagkat mas mabuti na ang ating puso ay mahubog sa pamamagitan ng biyaya, hindi sa mga tuntunin ng mga pagkain na hindi naman nakakatulong upang sila ay mabuhay.

  65. 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya?

  66. 2 Ang mga yamang naipon sa pamamagitan ng kasamaan ay walang halaga, ngunit ang paggawa ng kung ano ang tama ay naglalayo sa kamatayan.

  67. 12 Ipapahayag ko ang inyong mga matuwid na gawain at sabihin ang lahat ng inyong mga nagawa, pero hindi nila kayo tutulungan.

  68. 8 Masdan ninyo! Nagtitiwala kayo sa mga mapanlinlang na salita na hindi nakakatulong sa inyo.

  69. 14 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, “Dahil ginawa mo ito, sumpain ka sa lahat ng mga hayop at sa lahat ng mababangis na hayop sa bukid. Gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng araw ng iyong buhay. 15 Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi. Dudurugin niya ang iyong ulo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”

    16 Sinabi niya sa babae, “Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya.”

    17 Sinabi niya kay Adan, “Dahil nakinig ka sa boses ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, kung alin ay iniutos ko sa iyo, nang sinabi kong, “Hindi kayo maaaring kumain mula rito,' sinumpa ang lupa dahil sa iyo; sa matinding pagpapagal kakain ka mula rito sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 18 Ito ay tutubuan ng mga tinik at mga damo para sa iyo, at kakainin mo ang mga pananim sa bukid. 19 Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik.”

  70. 47 Isipin mo kung gaano na lang kaikli ang oras ko, at ang kawalan ng pakinabang ng lahat ng mga anak ng tao na nilikha mo!

  71. 3 Sapagkat walang kabuluhan ang mga kaugalian ng mga tao. Sapagkat may pumuputol ng punong kahoy sa kagubatan. Ang mga kamay ng manlililok ang gumagawa nito sa pamamagitan ng palakol. 4 Pagkatapos, pinapalamutian nila ito ng pilak at ginto. Pinatitibay nila ito gamit ang martilyo at mga pako upang hindi ito bumagsak. 5 Tulad ng panakot ng ibon sa taniman ng pipino ang mga diyus-diyosang ito sapagkat hindi sila makapagsalita ng anuman. Kailangan silang buhatin, sapagkat hindi man lang sila makahakbang. Huwag ninyo silang katakutan, sapagkat hindi nila kayang gumawa ng masama ni makagagawa ng anumang mabuti.'”

  72. 15 na sinasabi, ''Mga tao, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? mga tao din kami na may damdamin tulad ninyo. Dinala namin sa inyo ang mabuting balita, upang tumalikod kayo sa mga bagay na walang halaga para sa Diyos na buhay, na gumawa sa kalangitan, lupa, at nang dagat at ang lahat ng mga naroon. 16 Sa mga nakalipas na panahon, pinahintulutan niya ang lahat ng bansa na lumakad sa sarili nilang kagustuhan.

  73. 10 Ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ako ay naging ako, at ang kaniyang biyaya sa akin ay hindi nawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako ay mas nagtrabaho ng higit sa kanila. Ngunit hindi ako iyon, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin.

  74. 17 Sapagkat kung sinuman ang kay Cristo, siya ay isang bagong nilalang. Ang luma ay lumipas na. Tingnan, sila ay naging bago na.

  75. 15 Sapagkat hindi mahalaga ang pagtutuli o hindi pagtutuli. Sa halip, ang bagong nilalang ang mahalaga.