77 Bible Verses About Hard Work

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Hard Work
  1. 22 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo ayon sa laman sa lahat ng mga bagay, hindi lamang kapag may nakakakita upang magbigay lugod sa mga tao, ngunit nang may tapat na puso. Matakot kayo sa Panginoon.

    23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran.

  2. 6 Tingnan mo ang langgam, ikaw na tamad na tao, pagmasdan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at maging matalino. 7 Wala siyang tagapag-utos, opisyal, o tagapamahala, 8 gayon pa man ay naghahanda siya ng pagkain sa tag-init, at habang sa pag-aani ay nagtatabi ito ng kung ano ang kakainin. 9 Gaano katagal ka matutulog, ikaw na tamad na tao? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkatulog? 10 “Isa pang kaunting pagtulog, isa pang kaunting pagkaidlip, isa pang kaunting pagtiklop ng mga kamay upang magpahinga”— 11 at ang iyong kahirapan ay darating sa iyo gayang isang magnanakaw at ang iyong pangangailangan gaya ng isang armadong sundalo.

  3. 6 Ngayon inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na lumayo kayo sa mga taong tamad sa pamumuhay at hindi ayon sa mga kaugalian na inyong tinanggap mula sa amin. 7 Sapagkat inyong nalalaman sa inyong mga sarili na nararapat ninyo kaming gayahin. Hindi kami namuhay na nakasama ninyo na katulad ng mga taong ito na walang disiplina. 8 At hindi kami kumakain ng pagkain ng iba nang hindi nagbayad para dito. Sa halip, gumagawa kami sa gabi at araw ng mabibigat na gawain at paghihirap, dahil ayaw namin na maging pabigat sa inyo. 9 Ginagawa namin ito hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan. Sa halip, ginagawa namin ito ng maayos upang maging halimbawa sa inyo, upang kami ay inyong tularan. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, “Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin.”

    11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain.

  4. 1 Kaya ikaw, anak ko, maging matatag ka sa biyayang nakay Cristo Jesus. 2 At ang mga bagay na narinig mo sa akin kasama ng maraming saksi, ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat na tao na kaya ring magturo sa iba.

    3 Samahan mo ako sa pagdurusa at paghihirap, tulad ng isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. 4 Walang sundalo ang naglilingkod habang nakatali sa mga bagay ng buhay na ito, upang sa ganoon kalugdan siya ng kaniyang mataas na opisyal. 5 Gayundin naman, kung sinuman ang makipagpaligsahan tulad ng isang manlalaro, hindi siya kokoronahan maliban kung siya ay makipagpaligsahan ayon sa mga alituntunin. 6 Kinakailangang ang isang masipag na magsasaka ay maunang tatanggap ng kaniyang bahagi sa ani. 7 Isipin mo ang tungkol sa aking sinasabi, sapagkat ang Panginoon ang magbibigay sa iyo ng pang-unawa sa lahat ng bagay.

    8 Alalahanin mo si Jesu-Cristo, mula sa binhi ni David, na binuhay mula sa mga patay. Ayon ito sa aking mensahe ng ebanghelyo, 9 kung saan ako ay nagdurusa na humantong sa pagkakadena sa akin na parang isang kriminal. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nakatanikala. 10 Kaya tinitiis ko ang lahat ng bagay para sa mga pinili, upang matamo din nila ang kaligtasan na nakay Cristo Jesus, na may kaluwalhatian na walang hanggan.

    11 Ang kasabihang ito ay mapagkakatiwalaan, “Kung namatay tayong kasama niya, mabubuhay din tayo kasama niya. 12 Kung magtitiis tayo, maghahari din tayong kasama niya. Kung ikakaila natin siya, ikakaila din niya tayo. 13 Kung hindi tayo tapat, nananatili siyang tapat, sapagkat hindi niya maaaring ipagkaila ang kaniyang sarili.”

  5. 23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan. 24 Ang korona ng mga taong marunong ay ang kanilang kayamanan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay nagdadala ng lalong maraming kahangalan.

  6. 9 Tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, hindi kailangan may sumulat pa sa inyo, sapagkat kayo sa inyong sarili ay naturuan na ng Diyos na umibig sa isat-isa. 10 Sa katunayan, ginagawa ninyo ito sa lahat ng mga kapatid na nasa Macedonia. Ngunit hinihikayat namin kayo, mga kapatid, na gawin ninyo ito ng higit pa. 11 Hinihikayat rin namin kayo na pagsumikapan ninyong mamuhay ng tahimik, gawin ninyo ang inyong sariling gawain, at magtrabaho kayo sa inyong sariling mga kamay, gaya ng inutos namin sa inyo. 12 Gawin ninyo ito upang makalakad kayo ng maayos na may paggalang sa mga taong nasa labas ng pananampalataya, at upang hindi na kayo mangailangan ng anuman.

  7. 4 Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana.

  8. 15 Kinuha ni Yahweh na Diyos ang lalaki at inilagay siya sa hardin ng Eden upang trabahuin at alagaan ito.

  9. 24 Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho.

  10. 4 Ang kamay na tamad ay nagdudulot sa isang tao para maging mahirap, ngunit ang kamay ng masipag na tao ay magtatamo ng kayamanan. 5 Ang marunong na anak ay magtitipon ng pananim sa tag-araw, ngunit kahihiyan sa kaniya para matulog habang anihan.

  11. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta.

  12. 11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip.

  13. 31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos.

  14. 4 Dapat suriin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa. At sa ganun mayroon na siyang maipagmayabang sa kaniyang sarili, na hindi kailangang ihambing pa ang kaniyang sarili sa iba. 5 Sapagkat bubuhatin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasanin. 6 Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro.

    7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.

    9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.

  15. 3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo.

  16. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  17. 58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

  18. 5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya.

    9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi.

  19. 12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.

    14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagrereklamo at pagtatalo. 15 Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay maging walang kapintasan at tapat na mga anak ng Diyos na walang dungis. Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay magningning tulad ng mga liwanag sa mundo, sa gitna ng baluktot at bulok na salinlahi. 16 Ipahayag ninyo ang salita ng buhay nang sa gayon ay may dahilan ako upang magluwalhati sa araw ni Cristo. Doon ko malalaman na hindi ako tumatakbo ng walang kabuluhan o gumagawa ng walang kabuluhan.

    17 Ngunit kahit na ibinuhos ako bilang isang alay sa paghahandog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, nagagalak ako, at nagagalak ako kasama ninyong lahat. 18 Sa ganitong paraan nagagalak din kayo, at nagagalak kasama ko.

  20. 30 Dumaan ako sa bukirin ng isang tamad na tao, lagpas sa ubasan ng taong walang isip. 31 Ang mga tinik ay tumubo sa lahat ng dako, ang lupa ay nababalot ng halamang matinik at ang batong pader nito ay sira. 32 Pagkatapos ay nakita ko at pinag-isipan ito; tumingin ako at nakatanggap ng katuruan. 33 Kaunting tulog, kaunting idlip, kaunting pagtitiklop ng mga kamay para magpahinga— 34 at ang kahirapan ay pupunta sa iyo tulad ng isang magnanakaw at ang iyong mga pangangailangan ay pupunta sa iyo tulad ng isang armadong sundalo.

  21. 11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.

    12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.

  22. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.

  23. 28 Sino man ang nagnanakaw ay hindi na dapat magnakaw. Sa halip, kailangan niyang magpagal. Kailangan niyang magtrabaho gamit ang kaniyang mga kamay, upang makatulong sa tao na nangangailangan.

  24. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

  25. 2 “Alam ko ang inyong ginawa at ang inyong mahirap na trabaho at ang inyong matiyagang pagtitiis, at hindi ninyo matiis ang mga kasaman at inyong sinubok ang mga umaangkin na sila ay mga apostol, pero hindi, at nakita ninyo na sila ay hindi totoo. 3 Alam ko na mayroon kayong matiyagang pagtitiis, at marami na kayong pinagdaanan dahil sa aking pangalan, at hindi kayo lumagong pagod.

  26. 9 Sinumang tamad sa gawain ay kapatid sa taong mapanira.

  27. 33 Hindi ko pinagnasahan ang pilak, ginto o damit ng ibang tao. 34 Alam ninyo na itong mga kamay na ito ang naglingkod para sa aking sariling pangangailangan at maging sa pangangalingan ng aking mga kasama. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

  28. 7 Sa lahat ng paraan, ihayag ang inyong sarili bilang isang huwaran ng mabubuting gawa; at kapag nagtuturo kayo, ipakita ang katapatan at karangalan. 8 Magpahayag ng isang mensahe na nakapagpapalakas at walang kapintasan, kaya yaong sinuman ang sumasalungat ay mapahiya, dahil wala siyang masamang masasabi tungkol sa atin.

  29. 3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.

  30. 12 Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13 Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay.

  31. 17 Sinabi niya kay Adan, “Dahil nakinig ka sa boses ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, kung alin ay iniutos ko sa iyo, nang sinabi kong, “Hindi kayo maaaring kumain mula rito,' sinumpa ang lupa dahil sa iyo; sa matinding pagpapagal kakain ka mula rito sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 18 Ito ay tutubuan ng mga tinik at mga damo para sa iyo, at kakainin mo ang mga pananim sa bukid. 19 Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik.”

  32. 16 Hayaan mong makita ng iyong mga lingkod ang iyong mga gawa, at hayaang makita ng aming mga anak ang iyong kaluwalhatian. 17 Nawa ang pabor ng Panginoon ay mapasaamin; pasaganahin ang gawa ng aming mga kamay; tunay nga, pasaganahin mo ang gawa ng aming mga kamay.

  33. 2 Kung ano ang ibinigay ng iyong mga kamay, ikaw ay masisiyahan; ikaw ay pagpapalain at mananagana.

  34. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan.

  35. 25 Ang pagnanais ng tamad ay pumapatay sa kaniyang sarili, dahil ang kaniyang mga kamay ay tumatanggi sa pagtatrabaho. 26 Buong araw siyang nagmimithi at nagmimithi nang labis, ngunit ang isang gumagawa ng tama ay nagbibigay at hindi nagpipigil.

  36. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan.

  37. 2 Sa ikapitong araw dumating ang Diyos sa pagtatapos ng gawain na kanyang ginawa, at siya ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat niyang gawain.

    3 Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawang banal ito, dahil doon siya nagpahinga mula sa lahat ng gawain na kanyang nagawa sa kanyang paglikha.

  38. 13 Huwag mahalin ang pagtulog o ikaw ay darating sa paghihirap; buksan mo ang iyong mga mata at ikaw ay magkakaroon ng maraming kakainin.

  39. 37 Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.”

  40. 8 Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, ihandog ninyo ito sa akin. 9 Dapat magtrabaho kayo at gawin ang lahat ng gawain sa loob ng anim na araw. 10 Pero ang ikapitong araw, ay isang Araw ng Pamamahinga para sa akin, si Yahweh ang inyong Diyos. Dito dapat walang gagawa ng anumang gawain, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki, ni ang iyong anak na babae, ni iyong lalaking lingkod, ni iyong babaeng lingkod, ni iyong baka, ni ang dayuhan na nasa loob ng iyong mga tarangkahan. 11 Dahil sa ikaanim na araw Ako, si Yahweh, ang lumikha ng langit, lupa at dagat at lahat ng bagay na nasa loob nito at nagpahinga sa ikapitong araw. Kaya nga Ako, si Yahweh, ay pinagpala ang Araw ng Pamamahinga at inihandog ito sa aking sarili.

  41. 1 Maliban na lang kung si Yahweh ang magtatayo ng bahay, walang saysay ang trabaho ng mga nagtayo nito. Maliban na lang na si Yahweh ang magbabantay ng lungsod, walang saysay ang pagbabantay ng mga tagapagbantay nito. 2 Walang saysay na ikaw ay gumising ng maaga at umuwi nang gabing-gabi, o kainin ang tinapay na pinaghirapan, dahil si Yahweh ang nagbibigay ng pinakaaasam na tulog.

  42. 1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  43. 6 Ngunit kung kami ay nagdurusa, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan. At kung kami ay naaaliw, ito ay parasa inyong kaaliwan. Ang inyong kaaliwan ay mabisa kung ibabahagi ninyo nang may tiyaga ang mga paghihirap na atin ding naranasan.

  44. 27 Mamuhay lamang kayo na karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Gawin ninyo ito upang kahit darating ako para makita kayo o kung wala ako, marinig ko sana ang tungkol sa kung paano kayo tumatayong matibay sa iisang espiritu. Ninanais kong marinig na kayo ay nasa iisang kaluluwa na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo.

  45. 9 Dahil sa pag-ibig na ito, mula sa araw na narinig namin ito, hindi kami tumigil na manalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at pang-unawang espirituwal. 10 Ipinapanalangin namin na lumakad kayo na karapat- dapat sa Panginoon sa mga kalugod-lugod na paraan. Ipinapanalangin namin na mamunga kayo sa bawat mabubuting gawa at ng lumago kayo sa inyong kaalaman sa Diyos. 11 Ipinapanalangin namin na mapalakas kayo sa bawat kakayahang naaayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian tungo sa lahat ng pagtitiyaga at pagtitiis. 12 Ipinapanalangin namin na kayo ay magpapasalamat ng may galak sa Ama, na siyang nagkaloob sa inyo na makibahagi sa mga kayamanan ng mga mananampalataya sa liwanag.

  46. 4 Kaya sa aming mga sarili ay pinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig sa inyo. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa mga pagdadalamhiti na inyong tiniis.

  47. 10 Ngunit para sa iyo, sinunod mo ang aking mga katuruan, pag-uugali, layunin, pananampalataya, mahabang pagtitiis, pag-ibig, pagtitiyaga, 11 pag-uusig, pagtitiis, at kung ano ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, at Listra. Tiniis ko ang mga pag-uusig. Sa lahat ng mga ito, ay sinagip ako ng Panginoon.

  48. 36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiyaga upang inyong matanggap ang ipinangako ng Diyos pagkatapos ninyong magawa ang kaniyang kalooban. 37 “Sapagkat sa kaunting panahon, ang siyang paparating ay tiyak na darating at hindi ito maaantala. 38 Mabubuhay ang matuwid kong lingkod sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung tatalikod siya, hindi ako masisiyahan sa kaniya.”

  49. 1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. 3 Kaya isinaalang-alang niya na tiisin ang mga masasakit na salita mula sa mga makasalan laban sa kaniya upang tayo ay hindi na mapapagod at manghihina.

  50. 15 Hinahagis ng katamaran ang isang tao sa mahimbing na tulog, pero magugutom ang isang tao na ayaw maghanapbuhay.

  51. 24 Walang mabuti sa isang tao maliban lamang sa kumain at uminom at masiyahan sa kung ano ang mabuti sa kaniyang ginagawa. Nakita ko na ang katotohanang ito ay nagmumula sa kamay ng Diyos.

  52. 18 Pagmasdan mo, ang nakita kong mabuti at karapat-dapat ay kumain at uminom at magsaya sa pakinabang mula sa lahat ng ating gawain, habang tayo ay gumagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng mga araw nitong buhay na ibinigay ng Diyos sa atin. Dahil ito ang bahagi ng tao.

    19 Ang sinumang pinagkalooban ng Diyos ng kayamanan, kasaganaan at ang kakayahang tanggapin ang kaniyang bahagi at magalak sa kaniyang gawain – ito ay isang kaloob mula sa Diyos. 20 Sapagkat hindi niya madalas inaalala ang mga araw ng kaniyang buhay, dahil ginagawa ng Diyos na siya ay maging abala sa mga bagay na nasisiyahan niyang gawin.

  53. 8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  54. 2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis.

  55. 12 Sundin ang Araw ng Pamamahinga para mapanatili itong banal, bilang utos ni Yahweh sa inyo. 13 Para sa anim na araw magtatrabaho kayo at gawin lahat ang inyong trabaho; 14 pero ang ikapitong araw ay ang Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh na inyong Diyos. Sa araw na ito hindi na kayo gagawa ng anumang trabaho, ikaw, ni inyong anak na lalaki, ni inyong anak na babae, ni inyong lalaking tagapaglingkod, ni inyong babaeng tagapaglingkod, ni inyong baka, ni inyong asno, ni alinman sa inyong kawan, ni sino mang dayuhan na nasa loob ng mga tarangkahan. Para ang iyong lalaking tagapaglingkod at babaeng tagapaglingkod ay maaaring makapagpahinga ganoon din kayo. 15 Isasaisip ninyo na kayo ay naging isang lingkod sa lupain ng Ehipto, at si Yahweh na inyong Diyos ang nagdala sa inyo palabas mula doon sa pamamagitan ng isang malakas na kamay at sa pamamagitan ng pagpapakita ng kapangyarihan. Kaya si Yahweh na inyong Diyos ang nagutos sa inyo na sundin ang Araw ng Pamamahinga.

  56. 14 Hindi dapat ninyo pahirapan ang isang inuupahang lingkod na mahirap at nangangailangan, maging siya ay kapwa mong mga Israelita, o mga dayuhan na nasa inyong lupain sa loob ng tarangkahan ng inyong lungsod; 15 Bawat araw dapat ninyo ibigay sa kaniya ang kaniyang sahod, dapat hindi lulubog ang araw na hindi siya mabayaran, dahil siya ay mahirap at umaasa dito. Gawin ito para hindi siya dumaing kay Yahweh laban sa inyo at hindi ito magiging kasalanan na iyong nagawa.

  57. 11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi.

  58. 13 Sinasabi ng tamad na tao, “Mayroong isang leon sa lansangan! Ako ay mapapatay sa mga hayag na lugar.”

  59. 38 isinugo ko kayo upang anihin iyong hindi kayo ang nagpagal. Iba ang nagpagal at kayo mismo ay napabilang sa kanilang pagpapagal.”

  60. 9 Sapagkat inyong naaalala, mga kapatid, ang aming trabaho at pagpapakahirap. Sa araw at gabi kami ay gumagawa upang hindi maging pabigat kaninuman sa inyo. Sa panahong iyon, ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.

  61. 15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

  62. 30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tingnan ninyo, tinawag ni Yahweh sa pangalan si Bezalel na anak ni Uri, anak na lalaki ni Hur, mula sa lipi ni Juda. 31 Pinuspos niya si Bezalel ng kaniyang Espiritu, para bigyan siya ng karunungan, pang-unawa at kaalaman sa lahat ng gawaing pansining, 32 para gumawa ng masining na disenyo na gawa sa ginto, pilak at tanso; 33 gayundin ang pagputol at paglagay ng mga bato at pag-ukit sa kahoy—sa paggawa ng lahat ng uri ng disenyo at gawaing pansining.

    34 Inilagay niya sa kaniyang puso para magturo, siya at si Oholiab na anak ni Ahisamac, mula sa lipi ni Dan. 35 Sila ay pinuspos niya ng kakayahan para gumawa ng lahat ng uri ng gawain, para maging taga-gawa ng sining, mga mag-uukit, tagaburda ng asul, lila at pinong lino, at bilang manghahabi. Sila ay manggagawa ng sining sa lahat ng uri ng gawain at sila ay masining na mga taga-disenyo.

  63. 23 Samantala, nagtatrabaho ang mga tao at gumagawa hanggang gabi.

  64. 26 Tulad ng suka sa ngipin at usok sa mata, ganoon din ang batugan na nagpadala sa kaniya.

  65. 27 Ang mga tamad ay hindi niluluto ang kanilang sariling huli, pero ang matiyaga ay magkakaroon pa ng yamang natatangi.

  66. 4 Ang taong tamad ay hindi nag-aararo sa taglagas; siya ay naghahanap ng isang bunga sa panahon ng tag-ani ngunit hindi magkakaroon nang anuman.

  67. 19 At sino ang nakakaalam kung siya ay magiging matalinong tao o isang mangmang? Gayunman siya ay magiging panginoon sa lahat ng bagay sa ilalim ng araw kung saan naitayo ang aking gawa at naitatag ang aking karunungan. Ito rin ay usok.

    20 Dahil doon nag-umpisang malungkot ang aking puso sa lahat ng paghihirap na aking ginawa sa ilalim ng araw. 21 Sapagkat maaaring may isang taong gumagawa nang may karunungan, may kaalaman, at kahusayan, ngunit iiwan niya ang lahat na mayroon siya sa isang taong walang nagawa sa anuman dito. Ito rin ay usok at isang malaking kapahamakan. 22 Para sa anong pakinabang ang makukuha ng tao na nagsisikap magtrabaho at sa kaniyang puso ay pinipilit tapusin ang kaniyang mga gawain sa ilalim ng araw? 23 Bawat araw, ang kaniyang trabaho ay masakit at mahirap, kaya sa gabi ang kaniyang kaluluwa ay hindi makahanap nang kapahingahan. Ito rin ay usok.

  68. 4 Pagkatapos aking nakita na ang bawat paggawa at bawat mahusay na paggawa ay kinaiingitan ng kanilang kapwa. Ito rin ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 5 Ang mangmang ay naghahalupkipkip ang kaniyang mga kamay at hindi gumagawa, kaya ang kaniyang pagkain ay kaniyang sariling laman. 6 Ngunit mas mabuti ang isang dakot na pakinabang sa matahimik na gawain kaysa dalawang dakot ng gawain na sinusubukang habulin ang hangin.

    7 Pagkatapos muli kong naisip ang tungkol sa marami pang walang kabuluhan, marami pang naglalahong usok sa ilalim ng araw.

  69. 62 Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Walang sinumang naglagay ng kaniyang mga kamay sa araro at tumitingin sa likuran, ang karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos.”

  70. 24 Ngayon nagagalak ako sa aking mga paghihirap para sa inyo. At pinupunan ko sa aking laman anuman ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, na ang iglesiya. 25 Dahil sa iglesiyang ito kaya ako naging lingkod, ayon sa tungkulin mula sa Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo upang punuin ang salita ng Diyos. 26 Ito ang lihim na katotohanan na itinago sa panahon at sa mga salinlahi. Ngunit nahayag ito ngayon sa mga naniniwala sa kaniya. 27 Ito ay para sa kanila na nais ng Diyos na makaalam kung ano ang mga kayamanan ng maluwalhating lihim na ito ng katotohanan sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na nasa inyo, ang pagtitiwala ng kaluwalhatian sa hinaharap.

    28 Siya ito na ating ipinapahayag. Pinagsasabihan natin ang bawat isa, at tinuturuan natin ang bawat isa ng may buong karunungan, upang maiharap natin ang bawat tao na ganap kay Cristo. 29 Dahil dito, ako ay gumagawa at nagpapakahirap ayon sa kaniyang kalakasan na kumikilos sa akin sa kapangyarihan.

  71. 6 Yamang tinanggap ninyo si Cristo ang Panginoon, lumakad kayong kasama niya. 7 Maging matatag kayong nakatanim sa kaniya, mabuo kayo sa kaniya. Magpakatibay kayo sa inyong pananampalataya tulad ng naituro sa inyo, at maging sagana kayo sa pagpapasalamat.

  72. 2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos para sa inyong lahat, habang binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin. 3 Inaalala namin ng walang tigil sa harapan ng Diyos at Ama ang inyong mga gawa ng pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig, at pagtitiyagang may pagtitiwala para sa hinaharap sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

  73. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.

  74. 7 Nakipaglaban ako ng mabuti sa paligsahan, natapos ko ang aking takbuhin, napanatili ko ang pananampalataya.

  75. 14 Ang ating mga tao dapat matutunan ang makisali sa paggawa ng mabuti na tumutugon sa mga agarang pangangailangan upang sila ay maging mabunga.

  76. 12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.

  77. 5 Sa kadahilanang ito, gawin ninyo ang inyong makakaya para dagdagan ang kabutihan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, at sa pamamagitan ng inyong kabutihan ay kaalaman. 6 Sa pamamagitan ng inyong kaalaman ay pagpipigil sa sarili, at sa pamamagitan ng inyong pagpipigil sa sarili ay pagtitiyaga, at sa pamamagitan ng inyong pagtitiyaga ay pagiging maka-diyos. 7 Sa pamamagitan ng inyong pagiging maka-diyos ay ang pagmamahal bilang magkakapatid, at sa pamamagitan ng inyong pagmamahal bilang magkakapatid ay ang pag-ibig. 8 Kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at lumalago sa inyo, kayo ay hindi magiging baog o hindi namumunga sa kaalaman ng ating Panginoon na si Jesu-Cristo.