51 Bible Verses About Overcoming Hard Times

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Overcoming Hard Times
  1. 4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon.

    6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

    8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.

  2. 6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo.

    8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

    10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo.

  3. 10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay. 11 Tingnan mo, sila ay mahihiya at manliliit, lahat nang nagagalit sa iyo; sila ay papanaw at maglalaho, silang kumakalaban sa iyo. 12 Hahanapin mo at hindi matatagpuan silang mga nakipaglaban sa iyo; silang nakipagdigma laban sa iyo ay papanaw, ganap nang mawawala. 13 Sapagkat ako, si Yahweh na iyong Diyos, ay hahawakan ang iyong kanang kamay, sasabihin sa iyo, 'Huwag kang matakot; tutulungan kita.'

  4. 6 Magpakatatag at magpakatapang, huwag matakot, at huwag matakot sa kanila; sapagkat si Yahweh na inyong Diyos, ang siyang sasama sa inyo; hindi niya kayo bibiguin ni pababayaan.”

    7 Tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kaniya sa harapan ng buong Israel, “Magpakatatag at magpakatapang, sapagkat sasamahan mo itong lahi papunta sa lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno para ibigay sa kanila; Ikaw ang magdudulot sa kanila para manahin ito. 8 Si Yahweh, ang siyang mangunguna sa inyong harapan; sasama siya sa inyo; hindi niya kayo bibiguin ni iiwan; huwag matakot, huwag mapanghinaan ng loob.”

  5. 28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.

  6. 6 Maging malakas at matapang. Idudulot mong manahin ng mga taong ito ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninunong ibibigay ko sa kanila.

    7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.

    9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”

  7. 2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan.

  8. 26 Subalit, ang Manga-aliw na ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama sa aking pangalan ay magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay at magpapaalala ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

    27 Kapayapaan ang iiwan ko sa inyo; ibinibigay ko ang aking kapayapaan sa inyo. Hindi ko ito ibinibigay katulad ng pagbibigay ng mundo. Huwag hayaang mabalisa ang inyong puso, at huwag ito hayaang matakot. 28 Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo, “Ako ay aalis, at babalik ako sa inyo'. Kung minahal ninyo ako, nagagalak na sana kayo dahil pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa sa akin. 29 Ngayon nasabi ko na sa inyo bago pa ito mangyayari upang kung mangyari man ito, kayo ay maaring maniwala.

    30 Hindi na ako masyadong magsasalita sa inyo, dahil darating na ang prinsipe ng mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 ngunit upang malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang inuutos ng Ama sa akin, katulad lamang ng pagbigay niya sa akin ng kautusan. Magsitindig na kayo, umalis na tayo sa lugar na ito.”

  9. 7 Pipigilan ko rin na magmayabang dahil sa hindi pangkaraniwang uri na mga pahayag na iyon. Kung kaya, upang ako ay hindi mapuno ng pagmamalaki, isang tinik sa laman ang ibinigay sa akin, isang mensahero mula kay Satanas upang ako ay guluhin at ng ako ay hindi labis na maging mapagmataas. 8 Tatlong beses akong nagmakaawa sa Panginoon tungkol dito, para tanggalin ito sa akin. 9 At sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ay nagiging ganap sa kahinaan.” Kung kaya mas mabuti pang ipagmayabang ko ang tungkol sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manahan sa akin. 10 Kung kaya ako ay nasisiyahan alang-alang kay Cristo, sa kahinaan man, sa panglalait man, sa kaguluhan man, sa pagmamalupit man, sa mga pangyayari man na nakapagbibigay ng kapighatian. Sa tuwing ako ay mahina, saka ako malakas.

  10. 1 Ang Diyos ang ating kublihan at kalakasan, ang handang tumulong kapag may kaguluhan. 2 Kaya nga, hindi kami matatakot, kahit na ang lupa ay mabago, kahit na ang mga kabundukan ay mayanig papunta sa puso ng karagatan, 3 kahit na ang mga tubig nito ay umugong at mangalit, at kahit ang mga kabundukan ay mayanig sa pagragasa ng tubig. Selah

  11. 33 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito upang magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Sa mundo, kayo ay mayroong mga kabalisahan, subalit lakasan ninyo ang inyong loob; napagtagumpayan ko na ang mundo.

  12. 11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  13. 3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.

  14. 3 Nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay mapapurihan. Siya ang Ama ng mga awa at ang Diyos ng lahat ng kaalliwan. 4 Ang Diyos ang nagbibigay ng kaginhawaan sa atin sa lahat ng ating mga pagdurusa, upang mabigyan natin ng kaaliwan ang lahat ng nagdurusa. Makakapagbigay tayo ng aliw sa iba kung paano tayo binigyang aliw ng Diyos. 5 Sapagkat kung paano nananagana ang paghihirap ni Cristo para sa atin, ganoon din nananagana ang kaaliwan na aming nararanasan mula kay Cristo.

  15. 11 Sapagkat ako mismo ang nakakaalam ng mga plano na mayroon ako para sa inyo, mga plano para sa kapayapaan at hindi para sa sakuna, upang bigyan kayo ng isang kinabukasan at pag-asa. Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 At tatawag kayo sa akin, pupunta kayo at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. 13 Sapagkat hahanapin ninyo ako at masusumpungan, sapagkat hahanapin ninyo ako nang buong puso.

  16. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang matinding pagdurusa ba, o pagdadalamhati, o pag-uusig, o pagkagutom, o kahubaran, o panganib, o espada? 36 Gaya ng nasusulat, “Para sa iyong kapakinabangan pinapatay kami buong araw. Itinuturing kaming tulad ng isang tupa na kakatayin.”

    37 Sa lahat ng bagay na ito, higit pa tayo sa mga manlulupig sa pamamagitan ng nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat naniniwala ako na kahit ang kamatayan, ni ang buhay, ni mga anghel, ni mga pamahalaan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, 39 ni ang kataasan, ni ang kailaliman, ni anumang bagay na nilikha, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  17. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas.

  18. 28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

  19. 1 Pero ngayon ito ang sinasabi ni Yahweh, ang siyang lumikha sa iyo, Jacob, at siyang humubog sa iyo, Israel: “huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. 2 Kapag ikaw ay dumaraan sa mga tubigan, ako ay kasama mo; at sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog, ni sa apoy ay hindi ka masasaktan. 3 Dahil ako si Yahweh ang iyong Diyos, ang Banal ng Israel, iyong Tagapagligtas. Ibinigay ko na pang tubos sa iyo ang Ehipto, Etiopia at ang Seba kapalit mo.

  20. 12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.

  21. 22 Sinagot sila ni Jesus, “Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na kung sinuman ang magsasabi sa bundok na ito na, ''Mapataas ka at ihagais mo ang iyong sarili sa dagat,' at kung hindi siya magdududa sa kaniyang puso ngunit naniniwala siyang mangyayari ang sinabi niya, iyon ang gagawin ng Diyos. 24 Kaya sinasabi ko ito sa inyo: Ang lahat ng inyong ipapanalangin at hinihiling, maniwala kayong natanggap na ninyo, at ito ay mapapasa-inyo.

  22. 3 Nanatili sa iyo ang kaisipan, pananatalihin mo siya sa ganap na kapayapaan, dahil nagtitiwala siya sa iyo. 4 Magtiwala kay Yahweh magpakailanman; dahil kay Yah, Yahweh, ay ang walang hanggang tanggulan.

  23. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.

  24. 17 Ang mga matutuwid ay umiiyak, at naririnig ito ni Yahweh at mula sa lahat ng kanilang mga kaguluhan, nililigtas sila. 18 Si Yahweh ay malapit sa mga wasak ang puso, at inililigtas niya ang mga nadurog ang espiritu. 19 Maraming mga problema ang mga matutuwid, pero sa lahat ng iyon si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay.

  25. 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ang ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Kung tayo ay mga anak, mga tagapagmana rin tayo, mga tagapagmana ng Diyos. At kasama tayo ni Cristo bilang mga tagapagmana, kung tunay nga tayong magdusa kasama niya upang sa gayon maluwalhati rin tayo kasama niya.

    18 Sapagkat itinuturing ko na ang mga pagdurusa sa panahong ito ay hindi karapat-dapat na ihalintulad sa kaluwalhatian na maihahayag sa atin.

  26. 4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.

  27. 5 At nakalimutan na ninyo ang ibinigay na lakas at pag-asa na itinuro sa inyo bilang mga anak:” Aking anak, huwag mong babaliwalain ang pagdidisiplina ng Panginoon, ni ilayo ang iyong puso kung ikaw ay kanyang tinutuwid” 6 Sapagkat ang Panginoon ay nagdidisiplina sa sinumang minamahal niya, at pinarurusahan niya ang bawat anak na kanyang tinatanggap.

  28. 1 Si Yahweh ang aking liwanag at aking kaligtasan; kanino ako matatakot? Si Yahweh ang kanlungan ng aking buhay; kanino ako mangangamba? 2 Nang lumapit sa akin ang mga gumagawa ng kasamaan para lamunin ang aking laman, ang aking mga kalaban at ang aking mga kaaway ay nadapa at nabuwal. 3 Kahit ang isang hukbo ay nagsasama-sama laban sa akin, ang aking puso ay hindi matatakot; kahit digmaan ay umusbong laban sa akin, kahit ganoon ay mananatili akong nagtitiwala.

  29. 15 Ang lahat ay para sa kapakanan ninyo nang sa gayon, habang lumalaganap ang habag sa maraming tao, ang pasasalamat ay lalong madaragdagan para sa kaluwalhatian ng Diyos.

    16 Kaya hindi kami nasiraan ng loob. Kahit na pinanghihinaan kami sa aming panlabas na katawan, patuloy na pinalalakas ang amig kalooban sa araw-araw. 17 Sapagkat, ang panandalian at bahagyang pagdadalamhati na ito ay naghanda sa amin para sa walang hanggang bigat ng kaluwalhatian na hindi masukat. 18 Sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita. Ang mga bagay na nakikita ay panandalian, ngunit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

  30. 6 Dahil dito, ang lahat ng makadiyos ay dapat manalangin sa iyo sa oras ng mabigat na paghihirap. Pagkatapos kapag ang daluyong ng tubig ay umapaw, hindi nila maabot ang mga tao. 7 Ikaw ang aking kublihan; babantayan mo ako sa kaguluhan. Papalibutan mo ako ng mga awit ng pagtatagumpay. Selah 8 Pangangaralan kita at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Pangangaralan kita habang nagmamasid ako sa iyo.

  31. 6 Labis na namighati si David, sapagkat nag-uusap ang mga tao tungkol sa pagbato sa kanya, dahil ang mga espiritu ng lahat ng tao ay nagdadalamhati, bawat tao para sa kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae; subalit pinalakas ni David ang kanyang sarili kay Yahweh, na kanyang Diyos.

  32. 9 Magiging matibay na tanggulan din si Yahweh para sa mga inaapi, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan. 10 Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.

  33. 1 Siya na nananahan sa kanlungan ng Kataas-taasan ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat. 2 Aking sasabihin kay Yahweh, “Siya ang aking kanlungan at aking tanggulan, aking Diyos, na aking pinagkakatiwalaan.” 3 Dahil sasagipin ka niya mula sa patibong ng mangangaso at mula sa nakamamatay na salot. 4 Tatakpan ka niya ng kaniyang mga pakpak, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay makakatagpo ka ng kanlungan. Ang kanyang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalasag at proteksyon.

  34. 21 Tinalian sila na suot pa ang kanilang mga balabal, mga tunika, mga turban at iba pang mga kasuotan at itinapon sila sa loob ng naglalagablab na pugon.

    22 Dahil mahigpit na sinunod ang utos ng hari at pinainit ang pugon, ang apoy ang pumatay sa mga kalalakihan na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Bumagsak ang tatlong kalalakihang ito sa naglalagablab na pugon nang nakagapos.

    24 At namangha ang haring si Nebucadnezar at agad na tumayo. Tinanong niya ng kaniyang mga tagapayo, Hindi ba't tatlong kalalakihan na nakagapos ang ating itinapon sa apoy?” Sumagot sila sa hari, “totoo mahal na hari.”

    25 Sumagot siya, “Ngunit apat na kalalakihan ang aking nakikita na hindi nakagapos at naglalakad sa gitna ng apoy at hindi sila nasaktan. Ang kinang ng ika-apat ay tulad ng anak ng mga diyos.”

    26 Pagkatapos, lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na pugon at tumatawag, “Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo! Halikayo rito” Pagkatapos, lumabas mula sa apoy sila Shadrac, Meshac at Abednego.

  35. 31 Ano ngayon ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang laban sa atin?

  36. 12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.

  37. 1 At ngayon, mga kapatid, manalangin kayo para sa amin, na ang salita ng Panginoon ay mapadali at maluwalhati, gaya ng ginagawa ninyo. 2 Ipanalangin ninyo na mailigtas kami mula sa mga makasalanan at masasamang tao, dahil hindi lahat ay may pananampalataya 3 Ngunit tapat ang Panginoon, na magpapatatag at magbabantay sa inyo mula sa masama. 4 Mayroon kaming tiwala sa Panginoon tungkol sa inyo, na pareho ninyong gagawin at ipagpapatuloy ang mga bagay na iniutos namin sa inyo. 5 Nawa ang Panginoon ang magpatnubay sa inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis ni Cristo.

  38. 12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso. 13 Walang bagay nanilikha ang makakatago sa paningin ng Diyos. Sa halip, lahat ng bagay ay lantad at hayag sa mga mata ng dapat nating panagutan.

    14 Yamang mayroon tayong dakilang pinakapunong pari na dumaan sa pamamagitan ng kalangitan, na si Jesus na Anak ng Diyos, dapat tayong kumapit na mahigpit sa ating mga paniniwala. 15 Sapagkat wala tayong pinaka-punong pari na hindi makakaramdam ng pagkahabag sa ating mga kahinaan, ngunit siya ay tinukso sa lahat ng paraan tulad natin, maliban lang na wala siyang kasalanan. 16 Kaya magsilapit tayo na may pananalig sa trono ng biyaya, ng sa gayon makatanggap tayo ng awa at makahanap ng biyaya na makakatulong sa oras ng pangangailangan.

  39. 1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. 3 Kaya isinaalang-alang niya na tiisin ang mga masasakit na salita mula sa mga makasalan laban sa kaniya upang tayo ay hindi na mapapagod at manghihina.

  40. 4 Tumayo ka, sapagkat ang bagay na ito ay para iyo upang gawin mo, at kasama mo kami. Magpakatatag ka at gawin ito.''

  41. 4 Kahit na lumakad ako sa gitna ng napakadilim na anino ng lambak, hindi ko katatakutan ang kapahamakan dahil ikaw ang kasama ko; ang iyong pamalo at iyong tungkod ang nagpapayapa sa akin.

  42. 4 Hinanap ko si Yahweh, at tumugon siya, at sa lahat ng mga takot ko tagumpay ang ibinigay niya. 5 Nagniningning ang mga tumitingin sa kaniya, at ang kanilang mga mukha ay hindi nahihiya. 6 Ang inapi ay umiyak, at narinig siya ni Yahweh at niligtas mula sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan. 7 Ang anghel ni Yahweh ay nagkakampo sa paligid ng may mga takot sa kaniya, at sila ay nililigtas niya. 8 Tikman at masdan na si Yahweh ay mabuti; mapalad ang taong kumukubli sa kaniya. 9 Katakutan ninyo si Yahweh, kayo na kaniyang banal na bayan; hindi nagkukulang ang mga may takot sa kaniya. 10 Ang batang leon minsan ay nagkukulang sa pagkain at nagugutom; pero ang mga humahanap kay Yahweh ay hindi magkukukulang ng anumang bagay na mabuti.

  43. 22 Ilagay mo ang iyong pasanin kay Yahweh, at ikaw ay kaniyang aalalayan; hindi niya papayagang sumuray- suray sa paglalakad ang taong matuwid.

  44. 13 Umawit kayo, mga kalangitan, at magpakasaya ka, kalupaan; umawit kayo, mga bundok! Dahil inaaliw ni Yahweh ang kaniyang bayan, at mahahabag sa mga nasasaktan.

  45. 7 Si Yahweh ay mabuti, isang tanggulan sa panahon ng kaguluhan at tapat siya sa mga naglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya.

  46. 11 Nang sumunod na gabi tumayo ang Panginoon sa kaniyang tabi at sinabi, “Huwag kang matakot, kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, kailangan mo ring maging saksi sa Roma.”

  47. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

  48. 8 Dahil ayaw namin na hindi ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa kaguluhang naranasan namin sa Asya. Kami ay labis na nabigatan nang higit sa aming makakaya, na halos hindi na kami umasang mabuhay pa. 9 Sa katunayan, hinatulan na kami ng kamatayan. Ngunit iyon ay upang hindi kami magtiwala sa aming mga sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.

    10 Siya ang nagligtas sa amin sa malagim na kamatayan, at ililigtas niya kaming muli. Inilagay na namin ang aming pagtitiwala sa kaniya na ililigtas niya kaming muli. 11 Gagawin niya ito habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin. At marami ang magpapasalamat para sa amin para sa pagpapala na ibinigay sa amin sa pamamagitan ng panalangin ng marami.

  49. 17 Ngunit nanatili ang Panginoon sa akin at ako ay pinalakas upang sa pamamagitan ko, ang pagpapahayag ay ganap na matupad at upang marinig ng lahat ng mga Gentil. Sinagip ako mula sa bibig ng leon.

  50. 23 Panghawakan ding mabuti ang paghahayag ng ating pananalig ng walang pag-aalinlangan, sapagkat ang Diyos na siyang nangako ay tapat.

  51. 4 Kayo ay sa Diyos, minamahal kong mga anak, at napagtagumpayan sila dahil ang siyang sumasainyo ay mas dakila kaysa siyang nasa mundo.