108 Bible Verses About Protection

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Protection
  1. 1 Siya na nananahan sa kanlungan ng Kataas-taasan ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat. 2 Aking sasabihin kay Yahweh, “Siya ang aking kanlungan at aking tanggulan, aking Diyos, na aking pinagkakatiwalaan.” 3 Dahil sasagipin ka niya mula sa patibong ng mangangaso at mula sa nakamamatay na salot. 4 Tatakpan ka niya ng kaniyang mga pakpak, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay makakatagpo ka ng kanlungan. Ang kanyang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalasag at proteksyon. 5 Hindi ka matatakot sa kilabot ng gabi, o sa palaso na lumilipad sa araw, 6 o ang salot na gumagala sa kadiliman, o ang sakit na nanggagaling sa katanghalian. 7 Libo ang maaaring mabuwal sa iyong tabi, at sampung libo sa iyong kanang kamay, pero hindi ito makakaabot sa iyo. 8 Mamamasdan mo lamang at makikita ang mga kaparusahan ng masasama. 9 Dahil si Yahweh ang aking kanlungan! Gawin mo ring kanlungan ang Kataas-taasan. 10 Walang kasamaang makakaabot sa iyo; walang paghihirap ang makakalapit sa iyong tahanan. 11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato.

  2. 1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan. 4 Kahit na lumakad ako sa gitna ng napakadilim na anino ng lambak, hindi ko katatakutan ang kapahamakan dahil ikaw ang kasama ko; ang iyong pamalo at iyong tungkod ang nagpapayapa sa akin.

  3. 1 Itataas ko ang aking mga mata sa mga bundok. Mula saan manggagaling ang aking saklolo? 2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Yahweh, na gumawa ng langit at lupa. 3 Hindi niya papayagang madulas ang paa mo; siya na nag-iingat sa iyo ay hindi iidlip. 4 Tingnan mo, ang tagapangalaga ng Israel ay hindi kailanman iidlip o matutulog. 5 Tagapangalaga ninyo si Yahweh; si Yahweh ay lilim sa inyong kanang kamay. 6 Hindi ka masasaktan ng araw sa umaga, ni ng buwan sa gabi. 7 Iingatan ka ni Yahweh sa lahat ng kapahamakan, at iingatan niya ang iyong buhay. 8 Iingatan ni Yahweh ang lahat ng iyong ginagawa ngayon at magpakailanman.

  4. 10 Sa wakas, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo. 12 Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo. Sa halip, ito ay laban sa pamahalaan at kapangyarihang espiritwal at mga tagapamahala ng kaharian ng masamang kadiliman, laban sa mga masasamang espiritu sa kalangitan.

    13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Sa lahat ng kalagayan kunin ang kalasag ng pananampalataya, kung saan tutupukin ang lahat ng naglalagablab na pana ng masama. 17 At kunin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng Espiritu, ang salita ng Diyos.

  5. 3 Ngunit tapat ang Panginoon, na magpapatatag at magbabantay sa inyo mula sa masama. 4 Mayroon kaming tiwala sa Panginoon tungkol sa inyo, na pareho ninyong gagawin at ipagpapatuloy ang mga bagay na iniutos namin sa inyo. 5 Nawa ang Panginoon ang magpatnubay sa inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis ni Cristo.

  6. 1 Ang Diyos ang ating kublihan at kalakasan, ang handang tumulong kapag may kaguluhan. 2 Kaya nga, hindi kami matatakot, kahit na ang lupa ay mabago, kahit na ang mga kabundukan ay mayanig papunta sa puso ng karagatan,

  7. 3 Pero ikaw, Yahweh, ay isang kalasag sa aking paligid, aking kaluwalhatian, at ang siyang nag-aangat ng aking ulo. 4 Tinataas ko ang aking tinig kay Yahweh, at sinasagot niya ako mula sa kaniyang banal na burol. Selah 5 Nahiga ako at natulog; nagising ako, dahil inalagaan ako ni Yahweh.

  8. 10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay. 11 Tingnan mo, sila ay mahihiya at manliliit, lahat nang nagagalit sa iyo; sila ay papanaw at maglalaho, silang kumakalaban sa iyo. 12 Hahanapin mo at hindi matatagpuan silang mga nakipaglaban sa iyo; silang nakipagdigma laban sa iyo ay papanaw, ganap nang mawawala.

  9. 11 Pero nawa ang lahat ng kumukubli sa iyo ay magalak; hayaan mo silang laging sumigaw sa galak dahil ipinagtatanggol mo sila; hayaan mo silang magalak sa iyo, sila na nagmamahal sa iyong pangalan.

  10. 7 Ikaw ang aking kublihan; babantayan mo ako sa kaguluhan. Papalibutan mo ako ng mga awit ng pagtatagumpay. Selah

  11. 10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tore; ang matuwid na tumatakbo patungo rito ay ligtas. 11 Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang tanggulang-lungsod, at sa kaniyang imahinasyon ito ay tulad ng isang mataas na pader. 12 Bago ang kaniyang pagbagsak, ang puso ng tao ay mapagmataas, pero ang kababaang-loob ay nauuna bago ang karangalan.

  12. 17 Walang sandata na ginawa laban sa inyo ang magtatagumpay; at isusumpa ninyo ang lahat nang nagpaparatang sa inyo. Ito ang pamana ng mga lingkod ni Yahweh, at kanilang pagbibigay-matuwid mula sa akin—ito ang pahayag ni Yahweh.

  13. 28 Ibinigay ko sa kanila ang buhay na walang hanggang; hindi sila malilipol, at walang sinumang makaaagaw sa kanila sa aking kamay. 29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin, ay dakila kaysa sa lahat, at walang sinuman na kayang umagaw sa kanila sa kamay ng Ama. 30 “Ako at ang Ama ay iisa.”

  14. 16 Sa una kong pagtatanggol ay walang nanatili sa akin. Sa halip, iniwan ako ng lahat. Hindi sana ito maibilang laban sa kanila. 17 Ngunit nanatili ang Panginoon sa akin at ako ay pinalakas upang sa pamamagitan ko, ang pagpapahayag ay ganap na matupad at upang marinig ng lahat ng mga Gentil. Sinagip ako mula sa bibig ng leon. 18 Sasagipin ako ng Panginoon sa bawat masasamang gawa at ililigtas ako para sa kaniyang kaharian sa langit. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

  15. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

  16. 6 Magpakatatag at magpakatapang, huwag matakot, at huwag matakot sa kanila; sapagkat si Yahweh na inyong Diyos, ang siyang sasama sa inyo; hindi niya kayo bibiguin ni pababayaan.”

  17. 7 Ang anghel ni Yahweh ay nagkakampo sa paligid ng may mga takot sa kaniya, at sila ay nililigtas niya. 8 Tikman at masdan na si Yahweh ay mabuti; mapalad ang taong kumukubli sa kaniya. 9 Katakutan ninyo si Yahweh, kayo na kaniyang banal na bayan; hindi nagkukulang ang mga may takot sa kaniya.

  18. 23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ay gawin kayong ganap na banal. Nawa ang buo ninyong espiritu, kaluluwa, at katawan ay mailaan na walang bahid sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at siya rin ang gagawa ng mga ito.

  19. 13 Sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Manatili at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Yahweh na ibibigay sa inyo ngayon. Dahil hindi ninyo na makikita muli ang mga taga-Ehipto na nakikita ninyo ngayon. 14 Si Yahweh ay makikipaglaban para sa inyo, at kailangan lang ninyong manatili.

  20. 1 Pero ngayon ito ang sinasabi ni Yahweh, ang siyang lumikha sa iyo, Jacob, at siyang humubog sa iyo, Israel: “huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. 2 Kapag ikaw ay dumaraan sa mga tubigan, ako ay kasama mo; at sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog, ni sa apoy ay hindi ka masasaktan. 3 Dahil ako si Yahweh ang iyong Diyos, ang Banal ng Israel, iyong Tagapagligtas. Ibinigay ko na pang tubos sa iyo ang Ehipto, Etiopia at ang Seba kapalit mo.

  21. 6 Si Yahweh ay kasama ko; hindi ako matatakot; anong magagawa ng tao sa akin? 7 Si Yahweh ay katulong ko sa aking panig: kaya nakikita ang tagumpay ko sa kanila na napopoot sa akin. 8 Mas mabuting kumanlong kay Yahweh kaysa magtiwala sa tao. 9 Mas mabuting magkubli kay Yahweh kaysa magtiwala sa mga tao.

  22. 7 Ipakita mo ang katapatan mo sa tipan sa kaaya-ayang paraan, ikaw na nagliligtas, sa pamamagitan ng iyong kanang kamay, ng mga kumukibli sa iyo mula sa kanilang mga kaaway. 8 Ingatan mo ako tulad ng sinta mong irog; itago mo ako sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak 9 mula sa presensiya ng masasama na nananakit sa akin, mga kaaway kong pumapaligid sa akin. 10 Wala silang awa kaninuman; ang mga bibig nila ay nagsasalita nang may kayabangan.

  23. 17 Ang mga matutuwid ay umiiyak, at naririnig ito ni Yahweh at mula sa lahat ng kanilang mga kaguluhan, nililigtas sila. 18 Si Yahweh ay malapit sa mga wasak ang puso, at inililigtas niya ang mga nadurog ang espiritu. 19 Maraming mga problema ang mga matutuwid, pero sa lahat ng iyon si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay. 20 Iniingatan niya ang lahat ng kaniyang mga buto; ni isa sa kanila ay walang masisira.

  24. 7 Kahit na lumakad ako sa kalagitnaan ng kapamahakan, pangangalagaan mo ang aking buhay; iuunat mo ang iyong kamay laban sa galit ng aking mga kaaway, at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.

  25. 3 Ang Diyos ang aking muog. Kumukuha ako ng kanlungan sa kaniya. Siya ang aking panangga, ang sungay ng aking kaligtasan, aking matibay na tanggulan, at aking kanlungan, ang siyang nagliligtas sa akin mula sa karahasan. 4 Tatawag ako kay Yahweh, na karapatdapat purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway.

  26. 1 Maging maawain ka sa akin, o Diyos, maging maawain ka, dahil kumukubli ako sa iyo hanggang matapos ang mga kaguluhan na ito. Nananatili ako sa ilalim ng iyong mga pakpak para sa pag-iingat hanggang matapos na ang pagwasak na ito.

  27. 114 Ikaw ang aking kublihan at kalasag; naghihintay ako para sa iyong salita.

  28. 1 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Para sa akin, hindi kaabalahan ang isulat muli ang parehong mga bagay na ito sa inyo. Pananatilihin kayong ligtas ng mga bagay na ito.

    2 Mag-ingat kayo sa mga asal aso. Mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng masama. Mag-ingat kayo sa mga paninira. 3 Sapagkat tayo ang pagtutuli. Tayo na sumasamba sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Tayo na ipinagmamalaki si Cristo Jesus at walang anumang pagtitiwala sa laman.

  29. 14 Dahil matapat siya sa akin, ililigtas ko siya. Poproktetahan ko siya dahil matapat siya sa akin. 15 Kapag tumatawag siya sa akin, ako ay tutugon sa kaniya. Makakasama niya ako sa kaguluhan; bibigyan ko siya ng katagumpayan at pararangalan siya. 16 Bibigyan ko siya ng kasiyahan sa mahabang buhay at ipapakita ko sa kaniya ang aking kaligtasan.

  30. 1 Mahal kita, O Yahweh, ang aking lakas. 2 Si Yahweh ang aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagdadala sa akin sa kaligtasan; siya ang aking Diyos, ang aking bato; sa kaniya ako kumukubli. Siya ang aking kalasag, ang tambuli ng aking kaligtasan, at ang aking muog.

  31. 16 Pero aawit ako tungkol sa iyong kalakasan; dahil ikaw ang naging matayog kong tore at isang kublihan sa araw ng aking kapighatian.

  32. 4 Hanggang sa katandaan ay Ako ay siya nga, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita, at tutulungan kita, akin kitang dadalhin sa kaligtasan.

  33. 31 Ano ngayon ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang laban sa atin? 32 Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling Anak ngunit ibinigay niya para sa ating lahat, paanong hindi niya rin ibibigay sa atin ng libre ang lahat ng bagay? 33 Sino ang magpaparatang laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang nagpapawalang-sala.

  34. 6 Dapat tayo ay masiyahan upang masabi natin ng may katapangan,” Ang Panginoon ang tutulong sa akin hindi ako matatakot Ano ang magagawa ng sinuman sa akin.

  35. 7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip.

  36. 1 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, aking Diyos; itaas mo ako na malayo mula sa mga kumakalaban sa akin.

  37. 7 Si Yahweh ay mabuti, isang tanggulan sa panahon ng kaguluhan at tapat siya sa mga naglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya.

  38. 15 Hindi ko ipinapanalangin na dapat mo silang kunin mula sa mundo ngunit sila ay dapat mong pangalagaan mula sa kaniya na masama.

  39. 1 Ingatan mo ako, O Diyos, dahil sa iyo ako kumukubli. 2 Sinasabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos; ang kabutihan ko ay walang saysay nang malayo sa iyo.

  40. 30 Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya. 31 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? Sino ang bato maliban sa ating Diyos? 32 Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas sa akin tulad ng isang sinturon, na nagdadala sa isang matuwid na tao sa kaniyang landas.

  41. 22 Ang mga kaluluwa ng kaniyang mga lingkod ay tinutubos ni Yahweh; walang mahahatulan sa mga kumukubli sa kaniya.

  42. 7 Pipigilan ko rin na magmayabang dahil sa hindi pangkaraniwang uri na mga pahayag na iyon. Kung kaya, upang ako ay hindi mapuno ng pagmamalaki, isang tinik sa laman ang ibinigay sa akin, isang mensahero mula kay Satanas upang ako ay guluhin at ng ako ay hindi labis na maging mapagmataas. 8 Tatlong beses akong nagmakaawa sa Panginoon tungkol dito, para tanggalin ito sa akin. 9 At sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ay nagiging ganap sa kahinaan.” Kung kaya mas mabuti pang ipagmayabang ko ang tungkol sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manahan sa akin. 10 Kung kaya ako ay nasisiyahan alang-alang kay Cristo, sa kahinaan man, sa panglalait man, sa kaguluhan man, sa pagmamalupit man, sa mga pangyayari man na nakapagbibigay ng kapighatian. Sa tuwing ako ay mahina, saka ako malakas.

  43. 5 Dapat ang paraan ng inyong pamumuhay ay maging malaya mula sa labis na pagmamahal sa pera. Masiyahan sa mga bagay na mayroon kayo, sapagkat sinabi mismo ng Diyos,” Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”

  44. 5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at dinala siya sa pinakamataas na bahagi ng gusali ng templo 6 at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka sa baba, sapagkat nasusulat, 'Uutusan niya ang kaniyang mga anghel upang pangalagaan ka,' at 'Itataas ka nila sa kanilang mga kamay upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.”'

    7 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “At nasusulat din, 'Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.'”

  45. 42 Nang tumingin sa palibot ang Palestina at nakita si David, kinamuhian niya siya, sapagka't isa lamang siyang bata, at malusog na may isang magandang anyo. 43 Pagkatapos sinabi ng Palestina kay David, “Isa ba akong aso, na pumarito kang may dalang tungkod?” At isinumpa ng Palestina si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos. 44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Lumapit ka sa akin, at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa kalangitan at sa mga mababanigs na hayop ng parang.”

    45 Sumagot si David sa Filisteo, “Pumarito ka sa akin na may isang espada, isang sibat, at isang mahabang sibat. Ngunit pumarito ako sa iyo sa pangalan ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel, na iyong kinamumuhian. 46 Ngayon, bibigyan ako ni Yahweh ng tagumpay laban sa iyo, at papatayin kita at aalisin ang iyong ulo mula sa iyong katawan. Ngayon ibibigay ko ang mga patay na katawan ng hukbong Filisteo sa mga ibon ng kalangitan at sa mababangis na mga hayop ng mundo, upang malaman ng lahat ng mundo na may Diyos ang Israel, 47 at upang malaman ng lahat ng nagtitipong ito na hindi nagbibigay ng tagumpay si Yahweh gamit ang espada o sibat. Sapagka't ang pakikipaglaban ay kay Yahweh, at ibibigay niya kayo sa aming mga kamay.”

    48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit kay David, sa gayon tumakbo ng mabilis si David patungo sa hukbo ng mga kaaway upang salubungin siya. 49 Isinuot ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot, kumuha ng isang bato mula rito, tinirador ito, at tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo. Bumaon ang bato sa noo ng Filisteo, at sumubsob ang kanyang mukha sa lupa.

  46. 9 Sapagkat nagmamasid si Yahweh sa lahat ng dako ng mundo upang ipakita niya ang kaniyang kapangyarihan sa ngalan ng mga buong pusong nagtitiwala sa kaniya. Ngunit ikaw ay naging hangal sa mga bagay na ito. Mula ngayon, makakaranas ka ng digmaan.”

  47. 5 “Dahil sa karahasan laban sa mahirap, dahil sa mga daing ng nangangailangan, ako ay babangon,” sinasabi ni Yahweh. “Magbibigay ako ng kaligtasan na kanilang hinahangad.”

  48. 35 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag. 36 Gumawa ka ng isang malawak na lugar para sa aking paanan sa ilalim kaya ang aking paanan ay hindi lumihis.

  49. 7 Dahil ikaw ang aking tulong, at magagalak ako sa anino ng iyong mga pakpak. 8 Kumakapit ako sa iyo; inaalalayan mo ako ng iyong kanang kamay. 9 Pero mapupunta sa kailaliman ng bahagi ng mundo sila na naghahanap para wasakin ang buhay ko.

  50. 4 Ilayo mo ako sa mga kamay ng masasama, Yahweh; pangalagaan mo ako sa mararahas na mga tao na nagpaplano na patumbahin ako.

  51. 3 Ihanda ninyo ang mga maliliit at mga malalaking kalasag, at sumugod sa labanan. 4 Isingkaw ninyo ang mga kabayong lalaki at sakyan ninyo ang mga ito, kayong mga mangangabayo. Humanay kayo, kasama ang inyong mga helmet na nasa inyong mga ulo. Hasain ninyo ang mga sibat at isuot ang inyong mga baluti.

  52. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin.

  53. 4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon.

    6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

  54. 4 Kayo ay sa Diyos, minamahal kong mga anak, at napagtagumpayan sila dahil ang siyang sumasainyo ay mas dakila kaysa siyang nasa mundo.

  55. 10 Yamang pinanatili ninyo ang aking utos na matiyagang pagtitiis. Iingatan ko rin kayo mula sa oras ng pagsubok na darating sa buong mundo, para subukin sila na siyang nakatira sa mundo.

  56. 1 Kapag martsa na kayo para makipagdigma laban sa inyong mga kaaway, at nakakita ng mga kabayo, mga karwaheng pandigma, at maraming bilang ng tao kaysa inyo, hindi dapat kayo matakot sa kanila; dahil si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo, na siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto. 2 Kapag kayo ay malapit na sa digmaan, dapat na lumapit ang pari at magsalita sa mga tao, 3 at sabihin sa kanila, 'Makinig kayo, Israel, malapit na kayo ngayon sa digmaan laban sa inyong mga kaaway; huwag kayong panghinaan ng loob; huwag kayong matakot, ni manginig, ni matakot sa kanila; 4 dahil si Yahweh na inyong Diyos ang siyang sasama sa ninyo para ipaglaban kayo laban sa inyong mga kaaway at para kayo ay iligtas.'

  57. 5 Walang sinumang makakatayo sa harap ninyo sa lahat ng araw ng inyong buhay. Sasamahan kita tulad ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita pababayaan o iiwan kita.

  58. 9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”

  59. 8 Inuuna ko si Yahweh sa lahat ng oras, kaya't hindi ako mayayanig mula sa kaniyang kanang kamay!

  60. 1 Mapalad siya na may malasakit para sa mga mahihina; sa araw ng kaguluhan, Si Yahweh ang magliligtas sa kaniya. 2 Pangangalagaan siya ni Yahweh at buhay niya ay pananatilihin, at sa lupa siya ay pagpapalain. Hindi siya ibibigay ni Yahweh sa kapangyarihan ng kaniyang mga kaaway.

  61. 1 O Diyos pakinggan mo ako; pansinin mo ang aking panalangin. 2 Tumatawag ako mula sa dulo ng daigdig kapag nagapi ang aking puso; dalhin mo ako sa bato na mataas kaysa sa akin. 3 Dahil naging kanlungan ka sa akin, isang matatag na muog mula sa kaaway. 4 Magpakailanman akong mananahan sa iyong tolda; magtatago ako sa ilalim ng iyong mga pakpak. Selah

  62. 2 Siya lamang ang aking muog at aking kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag.

  63. 25 Huwag matakot sa biglaang pagkakilabot o pagkawasak na idinulot ng mga masasama, kapag dumating ang mga ito, 26 dahil si Yahweh ay nasa iyong tabi at iingatan ang iyong paa na huwag mahuli sa bitag.

  64. 5 Pagsumikapan na magkaroon ng karunungan at kaunawaan; huwag kalilimutan at huwag tatanggihan ang mga salita sa aking bibig; 6 huwag iiwanan ang karunungan at ikaw ay kaniyang babantayan; mahalin mo ito at pananatilihin kang ligtas. 7 Ang karunungan ay ang pinakamahalagang bagay, kaya pagsumikapan ang karunungan at gamitin lahat ng mayroon ka para ikaw ay maaaring makakuha nang pang-unawa. 8 Pahalagahan ang karunungan at ikaw ay kaniyang itataas; pararangalan ka kapag niyakap mo ito. 9 Ito ay maglalagay ng isang korona ng karangalan sa iyong ulo; bibigyan ka nito ng isang magandang korona.”

  65. 23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay; ang gumagawa nito ay masisiyahan at ligtas sa kapahamakan.

  66. 5 Bawat salita ng Diyos ay nasubok, siya ay isang panangga sa mga nagkukubli sa kaniya.

  67. 17 alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo.”

  68. 17 Nasa iyong kalagitnaan si Yahweh na iyong Diyos, isang makapangyarihang magliligtas sa iyo. Magdiriwang siya sa iyo nang may kagalakan at mananahimik siya dahil sa kaniyang pag-ibig sa iyo. Masisiyahan siya sa iyo at sisigaw nang may kagalakan.

  69. 19 Tingnan, binigyan ko kayo ng kapangyarihan na tapakan ang mga ahas, at ang mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang makapananakit sa inyo sa anumang paraan.

  70. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  71. 24 Ngayon sa kanya na may kakayanang ilayo kayo sa pagkakatisod, at dahilan upang tayo ay makatayo sa harapan ng kanyang maluwalhating presensya, walang dungis at may labis na kagalakan, 25 sa tanging Diyos ating tagapagligtas sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ating Panginoon, ang kaluwalhatian, kadakilaan, kataas-taasan, kapangyarihan-bago sa lahat ng panahon, at ngayon, at magpakailanman. Amen.

  72. 1 Maliban na lang kung si Yahweh ang magtatayo ng bahay, walang saysay ang trabaho ng mga nagtayo nito. Maliban na lang na si Yahweh ang magbabantay ng lungsod, walang saysay ang pagbabantay ng mga tagapagbantay nito.

  73. 15 Masdan mo, kasama mo ako, iingatan kita saan ka man magpunta. Dadalhin kitang muli sa lupaing ito; dahil hindi kita iiwan. Tutuparin ko ang lahat ng naipangako ko sa iyo.”

  74. 37 Pagkatapos sasabihin niya, “Nasaan ang kanilang mga diyos, ang bato na siyang kanilang kanlungan? — 38 Ang mga diyos na kumain ng mga taba ng kanilang mga sakripisyo at uminom ng alak na kanilang mga handog na inumin? Hayaan silang bumangon at tulungan kayo; hayaan sila ang mag-ingat ninyo. 39 Tingnan ninyo ngayon ako, kahit ako, ang Diyos, at walang nang diyos maliban sa akin; ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; ako'y sumusugat, at ako'y nagpapagaling, at walang ni isa na makakapagligtas sa inyo mula sa aking lakas.

  75. 38 Dinamitan ni Saul si David ng kanyang baluti. Inilagay niya ang isang turbanteng tanso sa kanyang ulo, at dinamitan niya siya ng isang baluti sa katawan.

  76. 1 Nawa ay tulungan ka ni Yahweh sa araw ng kaguluhan; nawa ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang mangalaga sa iyo

  77. 15 Ang mga mata ni Yahweh ay nasa mga matutuwid, at sa kanilang mga iyak nakatuon ang kaniyang pandinig.

  78. 3 Kapag ako ay natatakot, magtitiwala ako sa iyo. 4 Sa Diyos, na ang salita ay aking pinupuri - sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako matatakot; ano ang magagawa sa akin ng mga pawang tao lamang?

  79. 1 Silang mga nagtitiwala kay Yahweh ay tulad ng bundok ng Sion, hindi matitinag, at mananatili magpakailanman. 2 Gaya ng mga bundok na nakapalibot sa Jerusalem, gayundin nakapalibot si Yahweh sa kaniyang bayan ngayon at magpakailanman.

  80. 19 Tinutupad niya ang nais na mga nagpaparangal sa kaniya; dinidinig niya ang kanilang iyak at inililigtas sila.

  81. 33 Pero ang sinumang makikinig sa akin ay mamumuhay nang ligtas at magtatamo ng walang pagkatakot sa mga sakuna.”

  82. 21 Walang karamdaman ang dumarating sa mga matuwid, pero ang masasama ay puno ng paghihirap.

  83. 26 Kapag ang isang tao ay takot kay Yahweh, siya rin ay may higit na tiwala sa kaniya; ang mga bagay na ito ay magiging katulad ng isang matatag na lugar na proteksyon para sa mga anak ng taong ito.

  84. 12 Ang isang maingat na tao ay nakikita ang gulo at itinatago ang kaniyang sarili, pero ang taong walang karanasan ay sumusulong at nagdurusa dahil dito.

  85. 1 Sa araw na iyon ang awit na ito ay aawitin sa lupain ng Juda: Mayroon tayong malakas na lungsod; ginawa ng Diyos ang kaligtasan nitong mga pader at mga kuta. 2 Buksan ang mga tarangkahan, para ang matuwid na bansa na nananatiling tapat na nananampalataya ay maaring makapasok. 3 Nanatili sa iyo ang kaisipan, pananatalihin mo siya sa ganap na kapayapaan, dahil nagtitiwala siya sa iyo. 4 Magtiwala kay Yahweh magpakailanman; dahil kay Yah, Yahweh, ay ang walang hanggang tanggulan. 5 Dahil ibabagsak niya ang mga namumuhay ng mapagmataas; ang matibay na lungsod ay ibaba niya, kaniyang ibababa sa lupa; ipapantay niya ito sa alikabok. 6 Tatapakan ito sa pamamagitan ng mga paa ng mahirap at ang pagtutungtungan ng nangangailangan.

  86. 16 Ngunit kayo ay ibibigay din ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan, at papatayin nila ang iba sa inyo. 17 Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Ngunit hindi mawawala kahit isang buhok sa inyong ulo. 19 Sa inyong pagtitiis ay makakamtan ninyo ang inyong mga kaluluwa.

  87. 33 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito upang magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Sa mundo, kayo ay mayroong mga kabalisahan, subalit lakasan ninyo ang inyong loob; napagtagumpayan ko na ang mundo.

  88. 11 Ako ay hindi na sa mundo, ngunit ang mga taong ito ay nasa mundo, at ako ay pupunta na sa iyo. Banal na Ama, panatilihin sila sa iyong pangalan na ibinigay mo sa akin upang sila ay maging isa, katulad natin na iisa. 12 Habang ako ay kasama nila, pinanatili ko sila sa iyong pangalan na ibinigay mo sa akin; binantayan ko sila, at wala ni isa sa kanila ang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang ang kasulatan ay matupad.

  89. 19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”

  90. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  91. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.

  92. 19 Alam natin na tayo ay sa Diyos, at alam natin na ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.

  93. 32 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? At sino ang isang bato maliban sa ating Diyos?

  94. 1 Yahweh aking Diyos, sa iyo ako kumukubli! Iligtas mo ako mula sa lahat ng humahabol sa akin, at iyong sagipin.

  95. 9 Nawa dumating na sa katapusan ang mga gawain ng mga masasamang tao, pero patatagin mo ang mga taong matuwid, makatuwirang Diyos, ikaw na sumisiyasat ng mga puso at mga isipan.

  96. 9 Magiging matibay na tanggulan din si Yahweh para sa mga inaapi, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan. 10 Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo.

  97. 1 Si Yahweh ang aking liwanag at aking kaligtasan; kanino ako matatakot? Si Yahweh ang kanlungan ng aking buhay; kanino ako mangangamba?

  98. 19 Napakadakila ng iyong kabutihang hinanda mo para sa mga sumasamba sa iyo, na tinupad mo para sa mga nagkukubli sa iyo sa harap ng buong sangkatauhan!

  99. 11 Huwag mong ipagkait ang iyong mga maawing pagkilos sa akin, Yahweh; hayaan mong ang katapatan mo sa tipan at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay lagi pag-ingatan ako. 12 Nakapalibot sa akin ang hindi mabilang na kaguluhan; naipit ako ng aking kasamaan kaya wala na akong makitang anumang bagay; marami pa sila kaysa sa mga buhok sa aking ulo, at binigo ako ng aking puso. 13 Malugod ka, Yahweh, na ako ay iyong sagipin; magmadali kang tulungan ako, Yahweh.

  100. 7 Sa Diyos ang aking kaligtasan at kaluwalhatian; nasa Diyos ang saligan ng aking kalakasan at kanlungan. 8 Magtiwala kayo sa kaniya sa lahat ng oras, kayong mga tao; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kaniyang harapan; kanlungan natin ang Diyos. Selah

  101. 12 Dahil tinutulungan niya ang mga nangangailangan na tumatawag at mahihirap na walang ibang katulong. 13 May awa siya sa mga mahihirap at nangangailangan, at nililigtas niya ang buhay ng mga nangangailangan. 14 Tinutubos niya ang mga buhay nila mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang mga dugo ay mahalaga sa kaniyang paningin.

  102. 10 Kayong mga nagmamahal kay Yahweh, kamuhian ninyo ang masama! Ipinagtatanggol niya ang buhay ng kanyang mga banal at inililigtas niya sila sa kamay ng mga masasama.

  103. 1 “Kung wala si Yahweh sa ating panig,” hayaang sabihin ng Israel ngayon, 2 “kung hindi si Yahweh ang nasa ating panig nang lumusob ang mga tao laban sa atin, 3 tiyak lalamunin nila tayo ng buhay nang sumiklab ang kanilang matinding galit laban sa atin. 4 Tatangayin tayo ng tubig; lalamunin tayo ng malakas na agos ng tubig. 5 Pagkatapos lulunurin tayo ng rumaragasang tubig.”

  104. 7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan 8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya.

  105. 5 Ngayon, ipaaalam ko sa inyo kung ano ang gagawin ko sa aking ubasan; puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito; gagawin ko itong isang pastulan; wawasakin ko ang pader nito, at tatapak-tapakan ito. 6 Pababayaan ko itong nakatiwangwang, at hindi ito mapuputol ni mabubungkal. Pero tutubuan ito ng madawag at matinik na halaman, uutusan ko rin ang mga ulap na hindi magpaulan dito. 7 Dahil ang ubasan ni Yahweh ng mga hukbo ay ang tahanan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ang kaniyang kinasisiyang pananim; naghintay siya ng katarungan, pero sa halip, nagkaroon ng patayan; naghintay siya para sa katuwiran, sa halip, umiiyak na humihingi ng tulong.

  106. 1 “Sa panahong iyon, tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nagbabantay sa iyong mga kababayan. Magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nararanasan kailanman magmula nang nagkaroon ng anumang bansa hanggang sa panahong iyon. Sa panahong iyon, maililigtas ang iyong mga kababayan, ang lahat ng pangalang matatagpuang nakasulat sa aklat.

  107. 13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, ngunit iligtas mo mula sa masama.

  108. 28 Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan ngunit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na kayang makapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impyerno.

    29 Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama. 30 At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat. 31 Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.