57 Bible Verses About Satan

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Satan
  1. 3 At may isa pang tanda ang nakita sa langit. Tingnan mo! May isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at may pitong korona sa kaniyang mga ulo. 4 Tinaboy ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihulog pababa sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babae na malapit nang magsilang, kaya nang siya ay nagsilang, gusto niyang ay lamunin ang kaniyang anak.

    5 Nagsilang siya ng isang anak, isang batang lalaki, na siyang maghahari sa lahat ng mga bansa nang may tungkod na bakal. Inagaw ang kaniyang anak papunta sa Diyos at sa kaniyang trono, 6 at tumakas ang babae papunta sa ilang, kung saan inihanda ng Diyos ng lugar para sa kaniya, kaya maalagaan siya ng 1, 260 araw.

    7 Ngayon may labanan doon sa langit. Si Michael at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon; at lumaban pabalik ang dragon at ang kaniyang mga anghel. 8 Pero ang dragon ay hindi gaanong malakas para manalo. Kaya wala ng natitirang lugar sa langit para sa kaniya at sa kaniyang mga anghel. 9 Ang dakilang dragon — ang dating ahas na tinawag na demonyo o Satanas na nanlilinlang sa buong mundo— ay tinapon pababa sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay itinapon pababa kasama siya.

  2. 10 Sa wakas, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo. 12 Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo. Sa halip, ito ay laban sa pamahalaan at kapangyarihang espiritwal at mga tagapamahala ng kaharian ng masamang kadiliman, laban sa mga masasamang espiritu sa kalangitan.

    13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Sa lahat ng kalagayan kunin ang kalasag ng pananampalataya, kung saan tutupukin ang lahat ng naglalagablab na pana ng masama.

  3. 1 Pagkatapos nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, mayroong susi sa kailaliman ng hukay at mayroong malaking tanikala sa kaniyang kamay. 2 Sinukal niya ang dragon, ang dating ahas, na siyang demonyo, o Satanas, at ginapos siya nang isang libong taon. 3 Tinapon siya sa kailaliman ng hukay, ikinulong siya rito at sinelyuhan ang ibabaw nito. Para hindi na ito makapanglinlang kailanman ng mga bansa hanggang sa ang isang libong taon ang lumipas. Pagkatapos niyon, dapat siyang maging malaya ng maikling panahon.

    4 Pagkatapos nakita ko ang mga trono. Ang mga binigyan ng kapangyarihang humatol ang nakaupo sa mga ito. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo tungkol kay Cristo at sa salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o sa kaniyang imahe, at tumanggi silang tanggapin ang tatak sa kanilang mga noo at kamay. Nabuhay silang muli, at naghari kasama ni Cristo ng isang libong taon.

    5 Ang ibang mga namatay ay hindi na nabuhay muli hanggang sa matapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay. 6 Pinagpala at banal ang sinuman na makibahagi sa unang muling pagkabuhay! Ang pangalawang kamatayan ay walang kapangyarihan na tulad ng mga ito. Sila ay magiging mga pari ng Diyos at sila ay maghahari kasama niya sa loob ng isang libong taon.

    7 Kapag natapos na ang libong mga taon, palalayain si Satanas mula sa kaniyang bilangguan. 8 Siya ay lalabas para manlinlang ng mga bansa sa apat na sulok ng mundo — Gog at Magog — para tipunin sila para sa digmaan. Sila ay magiging kasing dami ng buhangin sa dagat.

    9 Umakyat sila pataas sa malawak na patag ng lupa at pinalibutan ang kampo ng mga mananampalataya, ang minamahal na lungsod. Pero bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang demonyo, na siyang nanlinlang sa kanila, ay itinapon sa lawa ng nasusunog na asupre, kung saan ang halimaw at ang mga bulaang propeta ay itinapon. Sila ay pahihirapan umaga at gabi magpakailan pa man.

  4. 8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

    10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo.

  5. 6 At dumating naman ang isang araw para humarap ang mga anak ng Diyos kay Yahweh, at si Satanas ay dumalo kasama nila.

    7 Ang tanong ni Yahweh kay Satanas, “Saan ka naman nanggaling?” Sumagot si Satanas kay Yahweh, “Galing ako sa isang paglalakad-lakad sa mundo, nagpabalik-balik ako rito.”

    8 Nagtanong muli si Yahweh, “Ano naman ang masasabi mo sa lingkod kong si Job? Dahil wala siyang katulad sa mundong ito, walang maipipintas at tapat na tao, may takot sa Diyos at tumatalikod sa lahat ng kasamaan.”

    9 Saka sumagot si Satanas kay Yahweh, “Basta na lang ba magkakaroon ng takot sa iyo si Job nang walang kadahilanan?” 10 Hindi ka ba gumawa ng bakod sa kaniyang paligid, sa paligid ng kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang mga pag-aari? Pinagpala mo ang kaniyang hanap-buhay at pinarami mo ang kaniyang kayamanan. 11 Pero iunat mo ang iyong kamay laban sa kaniyang mga pag-aari, at makikita mo na itatanggi ka niya sa iyong harapan.

    12 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Makinig ka, ang lahat ng kaniyang pag-aari ay hawakan mo, pero huwag mo siyang pagbubuhatan ng kamay.” Saka umalis si Satanas sa presensiya ni Yahweh.

  6. 7 Minamahal kong mga anak, huwag ninyong hayaan ang sinuman na akayin kayo sa ligaw na landas. Siya na gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya ni Cristo na matuwid. 8 Siya na gumagawa nang kasalanan ay sa diablo, sapagkat ang diablo ay nagkasala na mula pa sa simula. Sa dahilang ito, ang Anak ng Diyos ay nahayag, upang kanyang mawasak ang mga gawa ng diablo.

    9 Ang sinumang isinilang sa Diyos ay hindi nagkasala dahil ang binhi ng Diyos ay nananatili sa kanya. Hindi siya makapagpatuloy na magkasala dahil isinilang siya sa Diyos. 10 Dito ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diablo ay nahayag. Ang sinumang hindi gumagawa kung ano ang matuwid ay hindi sa Diyos, ni ang sinumang hindi nagmamahal ng kanyang kapatid.

    11 Sapagkat ito ang mensaheng narinig na ninyo mula pa sa simula, na dapat mahalin natin ang bawat isa, 12 hindi katulad ni Cain na siyang nasa kasamaan at pinatay ang kanyang kapatid. At bakit niya nagawang siya ay patayin? Dahil masama ang kanyang mga gawa, at ang kanyang kapatid ay matuwid.

  7. 42 Sabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin ninyo ako, sapagkat ako ay nagmula at nanggaling sa Diyos; sapagkat hindi ako naparito dahil sa aking sarili lamang, kundi isinugo niya ako.

    43 Bakit hindi ninyo naiintindihan ang aking mga salita? Ito ay dahil hindi ninyo kayang makinig sa aking mga salita. 44 Kayo ay mula sa inyong ama na ang diablo, at hinahangad ninyong gawin ang mga kahalayan mula sa inyong ama. Siya ay isang mamamatay tao mula sa simula at hindi nananatili sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kaniya. Kapag nagsalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa sarili niyang kalikasan dahil siya ay sinungaling at ang ama ng kasinungalingan. 45 Subalit, dahil nagsasalita ako ng katotohanan hindi kayo naniniwala.

    46 Sino sa inyo ang hahatol sa aking kasalanan? Kung nagsasalita ako ng katotohanan, bakit hindi ninyo ako pinapaniwalaan? 47 Ang sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos; hindi ninyo naririnig ang mga ito dahil hindi kayo sa Diyos.”

  8. 12 Paano ka nahulog mula sa kalangitan, ikaw na bituin sa araw, anak ng umaga! Paano ka naputol sa lupa, ikaw na sumakop sa mga bansa! 13 Sabi mo sa iyong puso, 'Aakyat ako sa langit, itataas ko ang aking trono sa taas ng mga bituin ng Diyos, at uupo ako sa bundok ng kapulungan, sa malayong bahagi ng hilaga. 14 Aakyat ako na mas mataas sa mga ulap; gagawin kong Kataas-taasang Diyos ang aking sarili.' 15 Pero ngayon nadala ka dito pababa sa Sheol, sa ilalim ng hukay.

  9. 1 Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, “Talaga bang sinabi ng Diyos, “Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?”

    2 Sinabi ng babae sa ahas, “Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin, 3 pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'”

    4 Sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”

  10. 7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip. 9 Magdalamhati kayo, humagulgol kayo, at umiyak! Ibaling ang inyong kasiyahan sa kapighatian at ang inyong kagalakan sa kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at kayo ay kaniyang itataas.

  11. 41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel,

  12. 24 Ngunit nang marinig ng mga Pariseo ang mga himalang ito, kanilang sinabi, “Ang taong ito ay hindi nakapagpapalayas ng mga demonyo maliban sa pamamagitan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. “

    25 Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kaniyang sarili ay magiging mapanglaw, at bawat lungsod o bahay na nahahati laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili. 26 Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kaniyang sarili. Paano mananatili ang kaniyang kaharian? 27 At kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa kanino pinalalayas ng inyong mga tagasunod ang mga demonyo? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom. 28 Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, samakatuwid, ang kaharian ng Diyos ay dumating na sa inyo.

    29 Paano malolooban ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao at nanakawin ang kaniyang mga pag-aari na hindi muna igagapos ang malakas na tao? Saka pa niya nanakawin ang kaniyang mga pag-aari sa kaniyang bahay.

  13. 12 Ngunit ang aking ginagawa, ay gagawin ko rin. Gagawin ko ito upang maputol ang pagkakataon ng mga nagnanais ng pagkakataon na maging katulad namin sa kanilang mga pinagmamayabang. 13 Sapagkat ang mga ganoong tao ay hindi totoong apostol at mapanlinlang na mga manggagawa. Sila ay nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At ito ay hindi na nakakagulat sapagkat kahit si Satanas ay nagpanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Ito ay hindi labis na nakagugulat kung ang kaniyang mga alagad ay nagbabalat kayo rin na mga alagad ng katuwiran. Ang kanilang kapalaran ay kung ano ang nararapat sa kanilang mga gawa.

  14. 17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan, nagsasabing, “Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpasakop sa amin sa iyong pangalan.”

    18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinanood ko si Satanas na nahulog mula sa langit gaya ng kidlat.

  15. 30 Sumagot si Jesus at nagsabi, “Ang tinig na ito ay hindi dumating alang-alang sa akin, kundi para sa inyong kapakanan. 31 Ngayon na ang paghuhukom nitong mundo. Ngayon itataboy ang prinsipe ng mundong ito.

  16. 1 Pagkatapos, ipinakita sa akin ni Yahweh si Josue na punong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh at nakatayo sa kaniyang kanang kamay si Satanas upang paratangan siya ng kasalanan.

    2 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Satanas, “Sawayin ka nawa ni Yahweh, Satanas: Sawayin ka nawa ni Yahweh, na siyang pumili sa Jerusalem! Hindi ba ito isang gatong na hinila mula sa apoy?

    3 Nakasuot si Josue ng maruming kasuotan habang nakatayo siya sa harapan ng anghel, 4 kaya nagsalita ang anghel at sinabi sa mga nakatayo sa harapan niya, “Alisin ang maruming kasuotan mula sa kaniya.” At sinabi niya kay Josue, “Tingnan mo! Pinalampas ko ang mabigat mong kasalanan at bibihisan kita ng magandang damit.”

    5 Sinabi niya, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante sa kaniyang ulo!” Kaya sinuotan nila si Josue ng isang malinis na turbante sa kaniyang ulo at binihisan siya ng malinis na kasuotan habang nakatayo sa tabi ang anghel ni Yahweh.

  17. 1 Lumitaw ang isang kaaway laban sa Israel at inudyukan si David na bilangin ang mga tao sa Israel. 2 Sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, “Pumunta kayo, bilangin ninyo ang mga tao ng Israel mula Beer-seba hanggang Dan at bumalik kayo at ibalita ninyo sa akin, upang malaman ko ang bilang nila.

  18. 31 Simon, Simon, mag-ingat kayo, sapagkat hinihingi kayo ni Satanas upang salain kayo tulad ng trigo. 32 Ngunit ipinanalangin kita, upang hindi humina ang iyong pananampalataya. At pagkatapos mong muling manumbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”

    33 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”

    34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, hindi titilaok ang tandang sa araw na ito, bago mo ikaila ng tatlong beses na kilala mo ako.”

  19. 6 At ang mga anghel na hindi nanatili sa kani-kanilang makapangyarihang tungkulin- ngunit iniwan ang kanilang nararapat na lugar- ginapos sila ng Diyos sa walang hanggang mga tanikala, sa lubos na kadiliman, para sa dakilang araw ng paghuhukom. 7 Katulad ito ng Sodom at Gomorra at ang mga lungsod sa paligid nila, na nagpasasa din sa sekswal na imoralidad at sila ay nagpatuloy sa hindi likas na pagnanasa. Sila ay ipinakita bilang mga halimbawa ng mga nagdurusa sa parusa ng walang hanggang apoy.

    8 Gayunman sa parehong paraan, ang mga nananaginip na ito ay dinudungisan din ang kanilang mga katawan, at tinatanggihan ang awtoridad, at sinisiraan nila ang dangal ng mga maluwalhating mga anghel. 9 Subalit maging si Miguel ang arkanghel, nang siya ay nakipagtalo sa diyablo at nakipaglaban sa kaniya tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas magbigay ng mapanirang paghatol laban sa kaniya, sa halip sinabi niya, “Sawayin ka nawa ng Diyos!”

  20. 13 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, “Ano ba itong ginawa mo?” Sinabi ng babae, “Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako.”

    14 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, “Dahil ginawa mo ito, sumpain ka sa lahat ng mga hayop at sa lahat ng mababangis na hayop sa bukid. Gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng araw ng iyong buhay. 15 Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi. Dudurugin niya ang iyong ulo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong.”

  21. 13 Sinagip niya tayo mula sa pamamahala ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. 14 Sa kaniyang Anak mayroong tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.

    15 Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, ang mga nasa langit at ang mga nasa lupa, ang mga nakikita at ang mga hindi nakikita. Maging mga trono o pamahalaan o pamunuan o kapangyarihan, ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.

    17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay.

  22. 14 Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15 Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.

  23. 8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita ang lahat ng mga kaharian ng mundo pat na ang kanilang karingalan. 9 Sinabi niya sa kaniya, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay yuyukod at sasambahin ako.”

    10 At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Umalis ka dito Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong paglingkuran.”

    11 At iniwan siya ng diyablo at masdan ito, dumating ang mga anghel at naglingkod sa kaniya.

  24. 21 Magmula sa oras na iyon sinimulang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem, magdurusa ng maraming bagay sa kamay ng mga nakatatanda at sa mga punong pari at sa mga eskriba, papatayin at mabubuhay muli sa ikatlong araw.

    22 Pagkatapos ay hinila siya ni Pedro sa tabi at pinagsabihan siya, na sinasabi, “Mailayo sana ito sa iyo, Panginoon, hindi sana ito mangyari sa iyo.”

    23 Ngunit bumaling si Jesus kay Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Hadlang ka sa akin, sapagkat wala kang pakialam sa mga bagay ng Diyos, kundi sa mga bagay ng mga tao.”

  25. 17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga taong tulad nito ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Cristo, kundi ang sarili nilang hangarin. Sa pamamagitan ng kanilang kaaya-aya at mga kalugod-lugod na pananalita nililinlang nila ang mga puso ng mga walang malay.

    19 Sapagkat ang inyong halimbawa ng pagsunod ay umabot na sa lahat. Kaya nagagalak ako sa inyo, ngunit gusto kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at walang kamalayan sa kasamaan.

    20 Hindi magtatagal, ang Diyos ng kapayapaan ay dudurugin si Satanas sa ilalim ng inyong mga paa. Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

  26. 3 Nagtanong muli si Yahweh kay Satanas, “Ano naman ang masasabi mo sa lingkod kong si Job? Sapagkat wala siyang katulad sa mundong ito, walang maipipintas at tapat na tao, may takot sa Diyos at tumatalikod sa lahat ng kasamaan. Nananatili pa rin siya sa kaniyang integridad kahit na pinilit mo akong gumawa ng laban sa kaniya, para sirain siya nang walang dahilan.”

    4 Sumagot si Satanas kay Yahweh at sinabing, “Balat sa balat naman; kayang ibigay ng tao ang lahat-lahat ng pag-aari niya para lamang siya mabuhay. 5 Pero subukan mong iunat ang iyong kamay at galawin ang kaniyang mga buto at katawan, tingnan mo kung hindi ka niya isumpa nang harapan.”

    6 Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Sige, siya ay nasa iyong mga kamay, pero huwag mo lang siyang babawian ng buhay.”

    7 Kaya umalis si Satanas sa presensiya ni Yahweh at nilagyan ng mga malubhang pigsa si Job mula sa kaniyang talampakan hanggang sa bumbunan.

  27. 1 Minamahal, huwag maniwala sa bawat espiritu, pero suriin ang mga espiritu upang makita kung sila ay sa Diyos, dahil maraming mga bulaang propeta ang nagsilabasan sa mundo. 2 Sa paraang ito malalaman mo ang Espiritu ng Diyos — ang bawat espiritu na kinikilala si Jesu-Cristo na nagkatawang tao ay sa Diyos, 3 at bawat espiritu na hindi kinikilala si Jesus ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng antikristo, na inyong narinig na darating, at ngayon ay nasa mundo na.

    4 Kayo ay sa Diyos, minamahal kong mga anak, at napagtagumpayan sila dahil ang siyang sumasainyo ay mas dakila kaysa siyang nasa mundo. 5 Sila ay makamundo, kaya't ang sinasabi nila ay para sa mundo, at ang mundo ay nakikinig sa kanila.

  28. 37 Sa lahat ng bagay na ito, higit pa tayo sa mga manlulupig sa pamamagitan ng nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat naniniwala ako na kahit ang kamatayan, ni ang buhay, ni mga anghel, ni mga pamahalaan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, 39 ni ang kataasan, ni ang kailaliman, ni anumang bagay na nilikha, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  29. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

  30. 1 Ang pahayag na ito ay mapagkakatiwalaan: Kung sinuman ang nagnanais na maging tagapangasiwa, nagnanais siya ng mabuting gawa. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo. 3 Dapat hindi sugapa sa alak, hindi marahas, kundi marahan, payapa. Hindi maibigin sa pera.

    4 Kailangang maayos niyang pinamamahalaan ang kaniyang sambahayan, at kailangang sinusunod siya ng kaniyang mga anak nang may buong paggalang. 5 Sapagkat kung ang lalaki ay hindi alam kung paano niya pamahalaan ang kaniyang sariling sambahayan, paano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6 Dapat hindi siya baguhang mananampalataya, upang hindi siya maging mapagmataas at mahulog sa paghahatol kagaya ng diyablo. 7 Kailangang mabuti rin ang kaniyang reputasyon sa mga nasa labas, upang hindi siya mahulog sa kahihiyan at sa bitag ng diyablo.

  31. 7 Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyo na ako ay lumisan; dahil kung hindi ako lilisan; hindi darating sa inyo ang Manga-aliw, subalit kung ako ay lilisan, susuguin ko siya sa inyo.

    8 Sa kaniyang pagdating, ipahahayag ng Mangaaliw sa mundo tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghuhukom— 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila naniniwala sa akin, 10 tungkol sa katuwiran, dahil ako ay pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita, 11 at tungkol sa paghuhukom, dahil ang prinsipe ng mundong ito ay nahatulan na.

  32. 20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo. 21 Iniisip kong narinig na ninyo ang patungkol sa kaniya. Iniisip kong naturuan na kayo patungkol sa kaniya, dahil na kay Jesus ang katotohanan. 22 Dapat ninyong hubarin ang naaayon sa dati ninyong gawain, ang dating pagkatao. Ito ay ang dating pagkatao na nabubulok dahil sa mapanlinlang na pagnanasa. 23 Hubarin ninyo ang dating pagkatao upang mabago ang espiritu ng inyong pag-iisip. 24 Gawin ninyo ito upang maisuot ninyo ang bagong pagkatao, na naaayon sa Diyos. Nilikha ito sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

    25 Kaya nga alisin ninyo ang kasinungalingan. “Magsalita ng katotohanan, ang bawat isa sa kaniyang kapwa,” sapagkat kabahagi tayo ng bawat isa. 26 “Magalit kayo, ngunit huwag kayong magkasala.” Huwag ninyong hayaan na lumubog ang araw sa inyong galit. 27 Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang diyablo.

  33. 7 Sapagkat ang hiwaga ng kawalan ng batas ay kumikilos na, may isa lamang na pumipigil sa kaniya ngayon hanggang sa siya ay maalis. 8 Pagkatapos ang taong suwail ay maihahayag, na siyang papatayin ng ating Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Dadalhin siya sa kawalan ng ating Panginoon sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagdating.

    9 Ang pagdating ng isang Suwail ay dahil sa gawain ni Satanas ng may buong kapangyarihan, tanda, at mga maling himala, 10 at panloloko ng kasamaan. Ang mga bagay na ito ay para sa mga napapahamak, dahil hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan para sila ay maligtas.

  34. 14 Kaya naman gusto ko ang mga mas batang babae na mag-asawa, manganak, upang mamahala sa tahanan, upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang kaaway na tayo ay paratangan sa paggawa ng masama. 15 Dahil may mga ilan na tuluyan nang tumalikod at napunta na kay Satanas.

  35. 1 Ngayon, papalapit na ang Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskwa. 2 Pinag-usapan ng mga punong pari at mga eskriba kung paano nila ipapapatay si Jesus, sapagkat natatakot sila sa mga tao.

    3 Pumasok si Satanas kay Judas Iscariote, isa sa Labindalawa. 4 Nagpunta si Judas at nakipag-usap sa mga punong pari at mga kapitan tungkol sa kung paano niya maidadala si Jesus sa kanila. 5 Nagalak sila, at nakipagkasundong bibigyan siya ng pera. 6 Sumang-ayon siya, at naghanap ng pagkakataon upang madala niya si Jesus sa kanila malayo sa maraming mga tao.

  36. 3 Ngunit sinabi ni Pedro, ''Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Banal na Espiritu upang itago ang bahagi ng napagbilhan ng iyong lupa? 4 Habang hindi pa ito nabebenta, hindi ba nanatili itong sa iyo? At matapos itong maipagbili, hindi ba't nasa iyo parin ang pamamahala? Paano mong naisip ang mga bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka sa tao nagsinungaling, kundi sa Diyos.”

  37. 17 Kami, mga kapatid, ay nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa presensya, hindi sa puso. Ginawa namin ang aming makakaya na may malaking pagnanais upang makita ang mukha ninyo. 18 Sapagkat ninais naming makapunta sa inyo, ako, si Pablo, na minsan at muli, ngunit hinadlangan kami ni Satanas.

  38. 9 “Alam ko ang inyong mga pagdurusa at inyong kahirapan (pero kayo ay mayaman), at ang paninirang-puri ng mga nagsasabing sila ay mga Judio (pero sila ay hindi—sila ay isang sinagoga ni Satanas).

    10 Huwag katakutan ang tungkol sa pagdurusahan ninyo. Tingnan mo! Ihahagis ng diyablo ang ilan sa inyo sa kulungan para kayo ay subukin, at magdurusa kayo ng sampung araw. Maging tapat kayo hanggang kamatayan, at ibibigay ko sa inyo ang korona ng buhay.

  39. 8 Ngunit kinalaban sila ni Elimas “ang salamangkero” (ganito isinalin ang kaniyang pangalan); tinangka niyang paikutin ang gobernador na mapalayo mula sa pananampalataya.

    9 Ngunit si Saulo, na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu. Tinitigan siya nito 10 at sinabi, “Ikaw na anak ng diyablo, punong-puno ka ng lahat ng uri ng pandaraya at kasamaan. Ikaw ay kaaway ng bawat katuwiran. Hindi ka ba talaga titigil sa pagbabaluktot sa mga tuwid na daan ng Diyos?

  40. 22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.

    23 Ngunit tanggihan ang mga walang kabuluhan at mangmang na mga katanungan. Alam mo na hahantong ang mga ito sa pagtatalo. 24 Hindi dapat nakikipag-away ang lingkod ng Panginoon. Sa halip dapat siyang maging marahan sa lahat, may kakayahang magturo, at matiyaga. 25 Dapat niyang turuan ang mga sumasalungat sa kaniya ng may kababaang-loob. Baka sakaling pagkalooban sila ng Diyos ng pagsisisi para sa pagkaalam sa katotohanan. 26 Maliliwanagan muli ang kanilang isip at makakawala sa bitag ng diyablo, pagkatapos na sila ay kaniyang bihagin para sa kaniyang kalooban.

  41. 4 Sapagkat hindi kinaawaan ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sa halip ay ipinasakamay niya ang mga ito sa Tartarus upang igapos sa mga tanikala hanggang sa paghuhukom. 5 At hindi rin niya kinaawaan ang sinaunang mundo. Sa halip, itinira niya si Noe, ang mensahero ng katuwiran, kasama ang pitong iba pa, nang nagdala ng baha ang Diyos sa mundo ng mga hindi maka-diyos. 6 At pinulbos ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora at hinatulan sila ng pagkawasak, bilang halimbawa kung ano ang darating sa mga hindi maka-diyos. 7 Ngunit nang kaniyang ginawa iyan ay, iniligtas niya si Lot na matuwid, na lubos na nagdalamhati dahil sa mga maruming gawain ng mga taong lumalabag sa batas. 8 Dahil ang taong matuwid na iyon na araw-araw na naninirahan kasama nila ay pinahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahil sa nakita niya at narinig. 9 Kung gayon, alam ng Panginoon kung paano iligtas ang mga taong maka-diyos mula sa mga pagsubok at kung paano parusahan ang mga taong hindi maka-diyos sa araw ng paghuhukom.

    10 Ito ay totoo lalo na sa mga nagpapatuloy sa masasamang nasa ng laman at humahamak sa batas. Sila ay mapangahas at sumusunod sa sariling kalooban. Hindi sila natatakot na lapastanganin ang mga maluluwalhati.

  42. 18 Alam natin na kung sinuman ang ipinanganak sa Diyos ay hindi nagkakasala. Pero siya na ipinanganak sa Diyos ay iniingatan niya, at hindi siya mapipinsala ng masama. 19 Alam natin na tayo ay sa Diyos, at alam natin na ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama. 20 Pero alam natin na ang Anak ng Diyos ay dumating at binigyan tayo ng kaunawaan, na kilala natin siya na totoo, at tayo ay nasa kanya na siyang totoo- kahit na sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang totoong Diyos at buhay na walang hanggan.

    21 Minamahal kong mga anak, lumayo kayo sa mga diyos-dyosan.

  43. 19 Kapag mapakinggan ng sinuman ang salita ng kaharian ngunit hindi ito nauunawaan, darating ang masama at nanakawin ang mga binhi na naihasik sa kaniyang puso. Ito ay ang binhi na naihasik sa tabi ng daan.

  44. 5 At dinala siya ng diyablo sa mataas na lugar, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng mundo nang ilang sandali. 6 Sinabi ng diyablo sa kaniya, “Bibigyan kita ng kapangyarihang mamuno sa lahat ng mga kahariang ito, pati na ang kanilang kadakilaan. Kaya kong gawin ito dahil ibinigay ang mga ito sa akin upang pamunuan, at maaari ko itong ibigay sa sinumang gustuhin ko. 7 Kaya kung ikaw ay yuyuko at sasamba sa akin, ang lahat ng ito ay mapapasaiyo.”

    8 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.”'

  45. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.

    5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi.

  46. 10 Kung pinatawad ninyo ang sino man, patatawarin ko rin ang taong iyon. Ano man ang aking pinatawad—kung pinatawad ko ang anumang bagay— pinatawad ko ito para sa inyong kapakanan sa harap ni Cristo. Ito ay upang hindi tayo malinlang ni Satanas. 11 Dahil hindi tayo mga mangmang sa kaniyang mga balak.

  47. 3 Ngunit ako ay natatakot na baka katulad ni Eba, kayo ay malinlang ng ahas sa kaniyang pagiging tuso, at ang inyong kaisipan ay maaring mailayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo.

  48. 22 Sinabi ng mga eskribang nanggaling sa Jerusalem, “Sinaniban siya ni Beelzebul,” at, “Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo, pinapaalis niya ang mga demonyo.”

    23 Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, “Paano maitataboy ni Satanas si Satanas?” 24 Kung nahahati ang isang kaharian laban sa kaniyang sarili, ang kahariang ito ay hindi maaaring manatili. 25 Kung ang isang tahanan ay nahahati laban sa kaniyang sarili, ang tahanang ito ay hindi maaaring manatili. 26 Kung naghimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili at magkabahabahagi, hindi siya maaaring manatili, subalit siya ay magwawakas.

  49. 27 At pagkatapos ng tinapay, pumasok si Satanas sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa kaniiya, “Kung ano ang iyong gagawin, gawin mo ito agad.”

  50. 15 Hindi ko ipinapanalangin na dapat mo silang kunin mula sa mundo ngunit sila ay dapat mong pangalagaan mula sa kaniya na masama.

  51. 7 Pipigilan ko rin na magmayabang dahil sa hindi pangkaraniwang uri na mga pahayag na iyon. Kung kaya, upang ako ay hindi mapuno ng pagmamalaki, isang tinik sa laman ang ibinigay sa akin, isang mensahero mula kay Satanas upang ako ay guluhin at ng ako ay hindi labis na maging mapagmataas. 8 Tatlong beses akong nagmakaawa sa Panginoon tungkol dito, para tanggalin ito sa akin. 9 At sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ay nagiging ganap sa kahinaan.” Kung kaya mas mabuti pang ipagmayabang ko ang tungkol sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manahan sa akin. 10 Kung kaya ako ay nasisiyahan alang-alang kay Cristo, sa kahinaan man, sa panglalait man, sa kaguluhan man, sa pagmamalupit man, sa mga pangyayari man na nakapagbibigay ng kapighatian. Sa tuwing ako ay mahina, saka ako malakas.

  52. 20 Nabihag ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa kaniyang presensya. Gamit ang mga tandang ito nilinlang niya ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at silang sumamba sa kaniyang imahe. Ang dalawa sa kanila ay inihagis nang buhay sa dagat-dagatang apoy ng nasusunog na asupre.

  53. 8 Isa pang anghel - ang pangalawang anghel - ay sumunod sa sinasabing “Bumagsak, bumagsak ang tanyag na Babylonia, na ginawa ang lahat ng bansa na uminom ng alak sa kaniyang sekswal na imoralidad, ang alak na nagdala ng labis na poot sa kaniya.”

    9 Isa pang anghel — ang pangatlong anghel — ay sumunod sa kanila, sinasabi ang malakas na tinig, “Kung sinuman ang sumasamba sa halimaw at sa kaniyang imahe, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, 10 siya rin ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, ang alak na inihanda at ibinuhos nang walang halo sa kopa ng kaniyang galit. Ang taong umiinom nito ay maghihirap sa apoy at asupre sa harap ng mga banal na anghel at sa harap ng Kordero. 11 Ang usok mula sa kanilang paghihirap ay aangat magpakailan pa man, at wala silang kapahingahan sa umaga o gabi — silang mga sumasamba sa halimaw at sa kaniyang imahe, at lahat ng tumatanggap ng tanda sa kaniyang pangalan.

    12 Ito ay isang panawagan para sa matiyagang pagtitis ng mga mananampalataya, silang mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos at nananampalataya kay Jesus.”

  54. 1 Pagkatapos, pinangunahan ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.

  55. 13 Tinanggihan ako ng prinsipe ng kaharian ng Persia, at ako ay nanatili roon kasama ang mga hari ng Persia ng dalawampu't-isang araw. Subalit si Miguel, isa sa mga pinakapunong prinsipe, pumunta at tinulungan ako.

  56. 15 Ang ilan sa mga ito ay ang nahulog sa tabi ng daan, kung saan ang salita ay naihasik. At nang marinig nila ito, agad na dumating si Satanas upang alisin ang salitang naitanim sa kanila.

  57. 13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, “Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi tinukso ng diyablo, at ang Diyos mismo ay hindi tinutukso ang sino man. 14 Ang bawat tao ay natutukso ng kaniyang masamang mga pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan.