53 Bible Verses About Temptation

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Temptation
  1. 12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos.

    13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, “Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi tinukso ng diyablo, at ang Diyos mismo ay hindi tinutukso ang sino man. 14 Ang bawat tao ay natutukso ng kaniyang masamang mga pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan.

    16 Huwag kayong magpalinlang, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha.

  2. 1 Pagkatapos, pinangunahan ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Noong nag-ayuno siya sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom.

    3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.”

    4 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Nasusulat, 'Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”'

    5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at dinala siya sa pinakamataas na bahagi ng gusali ng templo 6 at sinabi sa kaniya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka sa baba, sapagkat nasusulat, 'Uutusan niya ang kaniyang mga anghel upang pangalagaan ka,' at 'Itataas ka nila sa kanilang mga kamay upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.”'

    7 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “At nasusulat din, 'Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.'”

    8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita ang lahat ng mga kaharian ng mundo pat na ang kanilang karingalan. 9 Sinabi niya sa kaniya, “Ang lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay yuyukod at sasambahin ako.”

    10 At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Umalis ka dito Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong paglingkuran.”

    11 At iniwan siya ng diyablo at masdan ito, dumating ang mga anghel at naglingkod sa kaniya.

  3. 12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

    14 Samakatuwid, aking mga minamahal, lumayo kayo sa pagsamba ng diyus-diyosan.

  4. 14 Yamang mayroon tayong dakilang pinakapunong pari na dumaan sa pamamagitan ng kalangitan, na si Jesus na Anak ng Diyos, dapat tayong kumapit na mahigpit sa ating mga paniniwala. 15 Sapagkat wala tayong pinaka-punong pari na hindi makakaramdam ng pagkahabag sa ating mga kahinaan, ngunit siya ay tinukso sa lahat ng paraan tulad natin, maliban lang na wala siyang kasalanan. 16 Kaya magsilapit tayo na may pananalig sa trono ng biyaya, ng sa gayon makatanggap tayo ng awa at makahanap ng biyaya na makakatulong sa oras ng pangangailangan.

  5. 2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan.

    5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito.

  6. 9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.

    11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan, 12 Lumaban ka ng mabuting pakikipaglaban sa pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan kung saan ka tinawag. Tungkol dito nagpatotoo ka sa harap ng maraming mga saksi kung ano ang mabuti.

  7. 13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, ngunit iligtas mo mula sa masama.

  8. 14 Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15 Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.

    16 Sapagkat tunay nga na hindi ang mga anghel ang tinutulungan niya. Sa halip, tinutulungan niya ang mga kaapu-apuhan ni Abraham. 17 Kaya kinakailangan niyang maging katulad ng kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya ay maging maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay para sa Diyos, at upang maaari niyang makamit ang kapatawaran para sa kasalanan ng mga tao. 18 Dahil si Jesus mismo ay naghirap, noong siya ay tinukso, kaya niyang tulungan ang mga natukso.

  9. 6 Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7 Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo.

  10. 10 Sa wakas, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo. 12 Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo. Sa halip, ito ay laban sa pamahalaan at kapangyarihang espiritwal at mga tagapamahala ng kaharian ng masamang kadiliman, laban sa mga masasamang espiritu sa kalangitan.

    13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Sa lahat ng kalagayan kunin ang kalasag ng pananampalataya, kung saan tutupukin ang lahat ng naglalagablab na pana ng masama. 17 At kunin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng Espiritu, ang salita ng Diyos.

  11. 8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa.

    10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

  12. 7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip. 9 Magdalamhati kayo, humagulgol kayo, at umiyak! Ibaling ang inyong kasiyahan sa kapighatian at ang inyong kagalakan sa kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at kayo ay kaniyang itataas.

  13. 1 Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, “Talaga bang sinabi ng Diyos, “Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?”

    2 Sinabi ng babae sa ahas, “Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin, 3 pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'”

    4 Sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”

    6 At nang nakita ng babae na ang puno ay mabuti para sa pagkain at kaaya-aya sa paningin, at ang puno ay kanais-nais para gawing matalino ang isang tao, kumuha siya ng bunga nito at kinain ito. At binigyan niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain niya ito.

    7 Parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila ay hubad. Pinagsama-sama nilang tinahi ang mga dahon ng igos at gumawa ng mga pantakip para sa kanilang mga sarili.

  14. 11 Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas.

    13 At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag.

    14 Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago.

    15 Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga.

  15. 6 Inilagay ni Potipar ang lahat ng nasa kanya sa ilalim ng pangangalaga ni Jose. Hindi na niya kailangan mag-isip tungkol sa anumang bagay maliban sa pagkain na kinakain niya. Ngayon si Jose ay matipuno at kaakit-akit. 7 Dumating ang panahon na pinagnanasaan si Jose ng asawa ng kanyang amo. Sinabi niya, “Sumiping ka sa akin”.

    8 Ngunit tinanggihan niya ito at sabay sabi sa asawa ng kanyang amo, “Tingnan mo, ang amo ko ay di-nagbigay pansin sa kung ano ang pinaggagawa ko dito sa bahay, at nilagay niya lahat ng kanyang pag-aari sa ilalim ng aking pangangalaga. 9 Walang mas nakakataas sa pamamahay na ito maliban sa akin. Wala siyang anumang pinagkait sa akin maliban sa iyo, dahil ikaw ang asawa niya. Paano ko kaya magagawa itong malaking kasamaan at magkakasala laban sa Diyos?”

    10 Kinausap niya si Jose sa bawat araw, ngunit tumanggi pa rin siya na sipingan siya o para makasama siya. 11 Dumating ang isang araw na pumunta siya sa bahay para gawin ang kanyang gawain. Walang sinuman sa mga lalaki sa bahay ang naroon sa bahay. 12 Siya ay hinablot niya sa pamamagitan ng kanyang damit at sinabi, “Sipingan mo ako.” Naiwanan niya ang kanyang damit sa kanyang kamay, lumayo, at nagpunta sa labas.

  16. 1 Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso.

  17. 22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.

  18. 11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso para hindi ako magkasala laban sa iyo. 12 Purihin ka, O Yahweh; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.

  19. 38 At sinabi niya sa kanila, “Ang kaluluwa ko ay lubha na namimighati, maging sa kamatayan. Manatili kayo dito at magbantay kasama ko.”

    39 Lumakad siya nga medyo malayo, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin. Sinabi nya, “Aking Ama, kung maaari, hayaan na ang tasang ito ay lalampas sa akin. Gayunman, hindi sa nais ko kundi ayon sa nais mo.”

    40 Lumapit siya sa mga alagad at sila'y kaniyang nadatnang natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Ano, hindi ba ninyo kayang magbantay kasama ko ng isang oras? 41 Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo matukso. Ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.”

    42 Umalis siya sa pangalawang pagkakataon at nanalangin, at nagsabi, “Aking Ama, kung hindi ito maaring lilipas maliban na inumin ko ito, ang kalooban mo ang magaganap.” 43 At siya'y nagbalik muli at nakita silang natutulog, sapagkat mabigat na ang kanilang mga mata.

    44 At muli niya silang iniwan at siya'y umalis. Nanalangin siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi ang ganoon ding mga salita. 45 Pagkatapos, lumapit si Jesus sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at namamahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Tumindig kayo, aalis na tayo. Tingnan ninyo, malapit na ang magkanulo sa akin.”

  20. 1 At nangyari nang si Jesus ay nananalangin sa isang lugar, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin na gaya ng tinuro ni Juan sa kaniyang mga alagad.”

    2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mananalangin, sabihin ninyo, 'Ama, sambahin ang iyong pangalan. Ang kaharian mo ay dumating. 3 Bigyan mo kami ng aming tinapay sa araw-araw. 4 Patawarin mo kami sa aming mga kasalan gaya ng pagpapatawad namin sa may pagkakautang sa amin. Huwag mo kaming itungo sa tukso.'”

  21. 15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

  22. 10 Yamang pinanatili ninyo ang aking utos na matiyagang pagtitiis. Iingatan ko rin kayo mula sa oras ng pagsubok na darating sa buong mundo, para subukin sila na siyang nakatira sa mundo.

  23. 7 Sa aba sa sanlibutan dahil sa panahon ng pagkatisod! Sapagkat kinakailangang dumating ang mga panahong iyon, ngunit sa aba sa taong sanhi ng pinanggalingan nito!

    8 Kung ang iyong kamay o mga paa ay nagiging sanhi ng inyong pagkatisod, putulin ninyo ito at itapon ninyo ito palayo sa inyo. Mas mabuti para sa inyo ang pumasok sa buhay na may kapansanan o lumpo, kaysa itapon sa walang hanggang apoy na may dalawang kamay o dalawang paa. 9 Kung ang inyong mga mata ay maging dahilan ng inyong pagkatisod, dukutin ninyo ito at itapon ninyo ito palayo sa inyo. Mas mabuti para sa inyo ang pumasok sa buhay na may isang mata, kaysa itapon sa walang hanggang apoy na may dalawang mata.

  24. 11 Sa ganoon ding paraan, kinakailangan din ninyong ituring ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan, ngunit buhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

    12 Samakatuwid huwag ninyong hayaan na pagharian ng kasalanan ang inyong mga namamatay na katawan upang inyong sundin ang mga pagnanasa nito. 13 Huwag ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan para sa kasamaan, ngunit ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos, na buhay mula sa patay. At ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng katuwiran para sa Diyos. 14 Huwag ninyong hayaan na pagharian kayo ng kasalanan. Sapagkat wala na kayo sa ilalim ng kautusan ngunit sa ilalim ng biyaya.

  25. 31 Simon, Simon, mag-ingat kayo, sapagkat hinihingi kayo ni Satanas upang salain kayo tulad ng trigo. 32 Ngunit ipinanalangin kita, upang hindi humina ang iyong pananampalataya. At pagkatapos mong muling manumbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”

  26. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.

    5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi.

  27. 2 Isasa-isip ninyo ang lahat ng mga kaparaanan ni Yahweh na inyong Diyos na nagdala sa inyo ng apatnapung taon sa ilang, para kayo ay ibaba niya, para subukin niya kayo para malaman kung ano ang nasa inyong puso, kung susundin ninyo ang kaniyang mga utos o hindi.

    3 Ibinaba niya kayo, at ginutom, at pinakain kayo ng manna, na hindi ninyo alam kung ano, ni ng inyong mga ninuno, ni ng inyong mga ama. Ginawa niya ang mga iyon para malaman ninyo na ang mga tao ay hindi lamang nabubuhay sa tinapay, kung hindi, ito ay sa pamamagitan ng bawat salita na nagmumula sa bibig ni Yahweh kaya nabubuhay ang mga tao.

  28. 10 Aking anak, kung sinusubukan kang udyukan ng mga makasalanan sa kanilang mga pagkakasala, tumangging sumunod sa kanila. 11 Kung kanilang sasabihin na, “Sumama ka sa amin, tayo ay mag-abang upang makagawa ng pagpatay, tayo ay magtago at sugurin ang mga walang malay na mga tao ng walang kadahilanan. 12 Lunukin natin sila ng buhay, katulad ng paglayo ng sheol sa mga malulusog at gawin silang katulad ng mga nahulog sa hukay. 13 Dapat nating hanapin ang lahat ng klaseng mga mahahalagang bagay; pupunuin natin ang ating tahanan ng mga bagay na ating ninakaw sa iba, 14 Makipagsapalaran ka sa amin, tayo ay magkakaroon ng iisang lalagyanan.” 15 Aking anak, huwag kang maglalakad sa daanang iyon kasama nila; huwag mong hayaang dumampi ang iyong paa kung saan sila naglalakad;

  29. 29 Ang isang taong marahas ay nagsisinungaling sa kaniyang kapwa at naghahatid sa kaniya pababa sa isang landas na hindi mabuti.

  30. 13 Lumakad tayo nang nararapat, gaya ng sa liwanag, hindi sa magulong pagdiriwang o sa paglalasing. At huwag tayong mamuhay sa kahalayan o sa pagnanasang walang pagpipigil, at hindi sa alitan o pagkainggit. 14 Ngunit paghariin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo at huwag pagbigyan ang kagustuhan ng laman, para sa mga pagnanasa nito.

  31. 16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin.

  32. 1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. 3 Kaya isinaalang-alang niya na tiisin ang mga masasakit na salita mula sa mga makasalan laban sa kaniya upang tayo ay hindi na mapapagod at manghihina.

    4 Hindi niyo pa tinanggihan o nilabanan ang kasalanan na humantong sa pagkaubos ng dugo.

  33. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.

    14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya, 15 At isaalang-alang ninyo ang katiyagahan ng ating Panginoon na maging kaligtasan, kagaya ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungan na ipinagkaloob sa kaniya. 16 Sinabi ni Pablo ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng kaniyang mga sulat, na kung saan maraming mga bagay ang mahihirap na maintindihan. Ang mga bagay na ito ay binaluktot ng mga taong hindi naturuan at walang katiyakan, habang sila ay gumagawa ng ibang mga kasulatan para sa sarili nilang kapahamakan.

    17 Kaya nga mga minamahal, yamang din lamang na alam na ninyo ang mga bagay na ito, bantayan ninyo ang inyong mga sarili, upang hindi kayo maililigaw sa panlilinlang ng mga taong walang batas na siyang magdudulot ng pagkawala ng inyong katapatan. 18 Ngunit, lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kaniya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman. Amen!

  34. 1 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito na sinubok ng Diyos si Abraham. Sinabi niya sa kanya, “Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito ako.”

  35. 15 Sapagkat hindi ko talaga maintindihan ang aking ginagawa. Sapagkat hindi ko ginagawa ang nais kong gawin, at ang ayaw kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 Ngunit kung ginagawa ko ang ang ayaw kong gawin, sumasang-ayon ako sa kautusan, na ang kautusan ay mabuti. 17 Ngunit ngayon hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananahan sa akin.

    18 Sapagkat alam ko na sa akin, sa aking laman, ay walang nananahang mabuti. Sapagkat ang kagustuhan para sa mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito magawa. 19 Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na ayaw ko, ang ginagawa ko. 20 Ngayon kung ginagawa ko ang ayaw kong gawin, kung gayon hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang namumuhay sa akin.

    21 Kaya, natuklasan ko na ang prinsipyo na nasa akin, na nais kong gawin ang mabuti, subalit ang kasamaang iyon ay naririto sa akin. 22 Sapagkat nagagalak ako sa kautusan ng Diyos sa aking kaibuturan. 23 Ngunit may nakikita akong ibang tuntunin sa mga bahagi ng aking katawan. Nilalabanan nito ang bagong tuntunin sa aking isipan. Binibihag ako nito sa pamamagitan ng tuntunin ng kasalanan na nasa mga bahagi ng aking katawan.

    24 Kaawa-awa akong tao! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? 25 Ngunit ang pasasalamat ay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan. Gayunman, sa laman naglilingkod ako sa tuntunin ng kasalanan.

  36. 14 Huwag sumunod sa landas ng masama at huwag sumama sa kaparaanan ng mga gumagawa ng masama. 15 Iwasan ito, ito ay huwag magpatuloy; tumalikod mula dito at tumungo sa ibang daan.

  37. 12 Mga minamahal, huwag ninyong isiping kataka-taka ang masidhing pagsubok na dumarating sa inyo, na parang hindi ito pangkaraniwan sa inyo. 13 Pero tulad ng pagdanas ninyo ng mga pagdurusa ni Cristo, magalak kayo, upang kayo ay magalak at matuwa sa pagpapahayag ng kaniyang kaluwalhatian.

    14 Kung kayo ay inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, kayo ay pinagpala, dahil ang Espiritu ng kaluwalhatian at Espiritu ng Diyos ay nasa inyo.

  38. 1 Aking anak na lalaki, sundin ang aking mga salita at ipunin ang aking mga utos sa iyong kalooban. 2 Sundin ang aking mga utos upang mabuhay at sundin ang aking tagubilin tulad ng mansanas sa iyong paningin. 3 Itali ang mga ito sa iyong mga daliri; isulat ang mga ito sa talaan ng iyong puso. 4 Sabihin sa karunungan, “Ikaw ang aking kapatid na babae,” at tawagin ang kaunawaan na inyong kamag-anak, 5 upang ikaw ay ilayo mula sa mapanuksong babae, mula sa babaeng mapangalunya kasama ng kaniyang mapang-akit na mga salita.

  39. 13 Samakatuwid, itigil na natin ang paghuhusga sa isa't isa, ngunit sa halip pagpasyahan ito, na walang sinuman ang maglalagay ng ikatitisod o patibong para sa kaniyang kapatid.

  40. 21 Magmula sa oras na iyon sinimulang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem, magdurusa ng maraming bagay sa kamay ng mga nakatatanda at sa mga punong pari at sa mga eskriba, papatayin at mabubuhay muli sa ikatlong araw.

    22 Pagkatapos ay hinila siya ni Pedro sa tabi at pinagsabihan siya, na sinasabi, “Mailayo sana ito sa iyo, Panginoon, hindi sana ito mangyari sa iyo.”

    23 Ngunit bumaling si Jesus kay Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Hadlang ka sa akin, sapagkat wala kang pakialam sa mga bagay ng Diyos, kundi sa mga bagay ng mga tao.”

  41. 1 Ninanais ko na pagtiyagaan ninyo ako sa ilan sa aking kamangmangan. Ngunit ako nga ay inyong pinagtitiyagaan! 2 Sapagkat ako ay naninibugho sa inyo. Ako ay may maka-diyos na panibugho sa inyo sapagkat ipinangako ko kayo na mapangasawa ng isang lalaki. Ako ay nangako na ihaharap kayong dalisay na birhen kay Cristo.

    3 Ngunit ako ay natatakot na baka katulad ni Eba, kayo ay malinlang ng ahas sa kaniyang pagiging tuso, at ang inyong kaisipan ay maaring mailayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo.

  42. 29 Si Jacob ay nagluto ng nilaga. Dumating si Esau mula sa gubat, at siya ay nanghihina sa gutom. 30 Sinabi ni Esau kay Jacob, “Pakainin mo ako niyang mapulang nilaga. Pakiusap, ako ay pagod!” Kaya iyon ang dahilan na ang kanyang pangalan ay tinawag na Edom.

    31 Sinabi ni Jacob, “Ipagbili mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.”

    32 Sabi ni Esau “Tingnan mo, ako ay halos mamamatay na. Ano ang kabutihan ng karapatan ng unang isinilang sa akin?”

    33 Sinabi ni Jacob, “Manumpa ka muna sa akin.” Kaya sumumpa si Esau at sa ganung paraan ipinagbili niya kay Jacob ang kanyang karapatan ng unang pagkasilang. 34 Binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang mga lentil. Siya ay kumain at uminom, pagkatapos ay tumayo at nagpatuloy sa kanyang lakad. Sa ganitong paraan kinamuhian ni Esau ang kanyang karapatan ng unang isinilang.

  43. 4 Dahil noong tumanda si Solomon, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang diyos; ang kaniyang puso ay hindi niya lubos na isinuko kay Yahweh na kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang amang si David.

  44. 25 Huwag kang magnasa sa iyong puso sa kaniyang kagandahan, at huwag mo siyang hayaang mabihag ka ng kaniyang mga pilik mata. 26 Ang pagtulog na kasama ang isang bayarang babae ay maaaring kabayaran ng halaga ng tinapay, pero ang babaeng asawa ng iba ay maaaring kabayaran ng buhay mo mismo. 27 Kaya ba ng isang lalaki na magbitbit ng apoy sa kaniyang dibdib na hindi nasusunog ang kaniyang mga damit? 28 Kaya ba ng isang lalake na lumakad sa ibabaw ng maiinit na mga uling na hindi napapaso ang kaniyang mga paa? 29 Gayon din sa lalakeng nakikiapid sa asawang babae ng kaniyang kapwa; ang siyang natutulog kasama niya ay hindi maparusahan.

  45. 1 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga bagay na magiging dahilan upang tayo ay magkasala, ngunit aba sa taong pagmumulan ng mga ito! 2 Mas mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato at ihagis siya sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakatisod ng maliliit na ito.

  46. 2 Ngunit dahil sa mga tukso ng mga mahalay na gawain, bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sariling asawang babae at ang bawat babae ay dapat magkaroon din ng sariling asawang lalaki.

  47. 8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito.

  48. 1 Dumating ang panahon ng tagsibol, ng panahong iyon karaniwang pumupunta ang mga hari sa digmaan, ipinadala ni David si Joab at ang kaniyang mga lingkod, at ang buong hukbo ng Israel. Winasak nila ang hukbo ng Ammon at kinubkob ang Rabba. Pero si David ay nanatili sa Jerusalem.

    2 Kaya isang gabi nang bumangon si David mula sa kaniyang higaan at naglakad-lakad sa bubong ng kaniyang palasyo. Mula roon nagkataong nakita niya ang isang babaeng naliligo, at sadyang napakagandang pagmasdan. 3 Kaya nagpatawag si David ng mga tao at tinanong kung sino ang nakakakilala sa babaeng iyon. May isang nagsabi, “Hindi ba ito si Batsheba, ang anak na babae ni Eliam, hindi ba asawa siya ni Urias na anak na Heteo?”

    4 Nagpadala si David ng mga sugo at siya ay ipinakuha; nagtungo ang babae sa kaniya, at sinipingan siya ni David (kakatapos lamang niyang gawing dalisay ang kaniyang sarili mula sa pagreregla). Pagkatapos bumalik siya sa kaniyang bahay. 5 Nabuntis ang babae, at pinasabi niya kay David; sinabi niyang, “Buntis ako.”

  49. 9 Saka sinabi sa kaniya ng kaniyang asawa, “Panghahawakan mo pa rin ba ang iyong integridad? Isumpa mo na ang Diyos at mamatay ka na.”

    10 Pero sinabi niya sa kaniyang asawa, “Kung makapagsalita ka parang wala kang isip, hindi mo ba naisip na hindi lang kabutihan ang maaari nating maranasan sa kamay ng Diyos at maaari rin tayong makaranas ng masama?” Sa lahat ng pangyayaring ito, hindi nagkasala si Job sa kaniyang mga labi.

  50. 10 Sapagkat ang karunungan ay darating sa iyong puso, at ang kaalaman ay magiging kalugod-lugod sa iyong kaluluwa. 11 Ang mabuting pagpapasya ang magmamasid sa iyo, at pang-unawa ang magbabantay sa iyo. 12 Sila ang sasagip sa iyo sa daan ng masama, mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay, 13 silang mga tumalikod sa mga tamang landas at lumakad sa mga pamamaraan nang kadiliman. 14 Sila ay nagagalak kapag gumagawa ng kasamaan at nagagalak sa katiwalian ng kasamaan. 15 Sila ay sumusunod sa mga maling landas, at gumagamit nang pandaraya para itago ang kanilang pinagdaanan.

  51. 26 Ang matuwid ay gabay sa kaniyang kaibigan, pero ang paraan ng masama ay nag-aakay sa kanila sa lihis na daan.

  52. 24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

  53. 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali.”