65 Bible Verses About Adultery
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
27 Narinig ninyo na sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang tumingin sa isang babae upang siya ay pagnasaan ay nangalunya sa babaing iyon sa kaniyang puso. 29 At kung ang iyong kanang mata ang nagiging sanhi ng iyong pagkatisod, dukutin mo ito at itapon sa malayo sapagkat mas mabuti para sa iyo na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang buo mong katawan sa impiyerno. 30 At kung ang iyong kanang kamay ang sanhi ng iyong pagkadapa, putulin mo ito at itapon sa malayo. Sapagkat mas mabuti na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ay mapunta sa impiyerno.
31 At sinabi din, 'Kung sinuman ang magpalayas sa kaniyang asawang babae, dapat niya itong bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae maliban lamang kung sa sekswal na imoralidad ang dahilan nito ay nagiging sanhi ng pangangalunya ng kaniyang asawa. At kung sinumang magpakasal sa kaniya pagkatapos siyang hiwalayan ay nangangalunya rin.
-
14 Hindi kayo dapat mangalunya. 15 Hindi kayo dapat magnakaw mula kaninuman. 16 Hindi kayo dapat magbigay ng maling patotoo laban sa iyong kapwa. 17 Hindi ninyo dapat kainggitan ang bahay ng iyong kapwa; hindi ninyo dapat kainggitan ang asawa ng iyong kapwa, ang kaniyang lingkod na lalaki, ang kaniyang lingkod na babae, ang kaniyang baka, kaniyang asno o anumang bagay na pag-aari ng kapwa mo.”
18 Nakita ng mga tao ang pagkulog at ang pagkidlat at narinig ang tunog ng trumpeta at nakitang umuusok ang bundok. Nang makita ito ng mga tao, nanginig sila at tumayo sa malayo. 19 Sinabi nila kay Moises, “Makipag-usap ka sa amin at kami'y makikinig; pero huwag mong payagan makipag- usap sa amin ang Diyos, o lahat kami ay mamamatay.”
-
23 Sapagkat ang mga utos ay isang ilawan, at ang katuruan ay isang liwanag; ang mga pagsaway ng disiplina ay ang mga daan ng buhay. 24 Iingatan ka nito mula sa imoral na babae, mula sa mapang-akit na mga salita ng nangangalunyang babae. 25 Huwag kang magnasa sa iyong puso sa kaniyang kagandahan, at huwag mo siyang hayaang mabihag ka ng kaniyang mga pilik mata. 26 Ang pagtulog na kasama ang isang bayarang babae ay maaaring kabayaran ng halaga ng tinapay, pero ang babaeng asawa ng iba ay maaaring kabayaran ng buhay mo mismo. 27 Kaya ba ng isang lalaki na magbitbit ng apoy sa kaniyang dibdib na hindi nasusunog ang kaniyang mga damit? 28 Kaya ba ng isang lalake na lumakad sa ibabaw ng maiinit na mga uling na hindi napapaso ang kaniyang mga paa? 29 Gayon din sa lalakeng nakikiapid sa asawang babae ng kaniyang kapwa; ang siyang natutulog kasama niya ay hindi maparusahan. 30 Hindi hinahamak ng mga tao na ang isang magnanakaw kung siya ay nagnanakaw upang mabusog sa panahong gutom siya. 31 Gayon pa man kapag siya ay nahuli, siya ay magbabayad ng pitong beses kung ano ang kaniyang ninakaw; kailangan niya isuko ang lahat ng mahahalagang bagay sa kaniyang tahanan. 32 Ang isa na nagkasala ng pangangalunya ay walang kaisipan; ang siyang gumagawa nito ay sinisira ang kaniyang sarili. 33 Sugat at kahihiyan ay nararapat sa kaniya, at ang kaniyang kasiraang puri ay hindi maaalis. 34 Dahil ang pagseselos ay ginagawang galit na galit ang isang lalaki; kapag siya ay gumanti hindi siya magpapakita ng awa. 35 wala siyang tatanggaping kabayaran, at hindi siya mabibili, kahit maghandog ka ng maraming regalo sa kaniya.
-
9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
-
4 Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa at panatilihing dalisay ang pagtatalik ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakiki-apid at ang mga nangangalunya.
-
6 Kaya sinabi sa akin ni Yahweh sa mga araw ni Josias na hari, 'Nakikita mo ba kung gaano kataksil ang Israel sa akin? Nagtutungo siya sa bawat mataas na bundok at sa ilalim ng bawat mayabong na punong kahoy at doon, siya ay kumikilos gaya ng babaing bayaran. 7 Sinabi ko, 'Pagkatapos niyang gawin ang lahat ng mga bagay na ito, babalik siya sa akin,' ngunit hindi siya bumalik. At nakita ng taksil niyang kapatid na Juda ang kaniyang ginawa.
8 Kaya nakita ko na sa lahat ng mga dahilang ito, nangalunya siya. Israel na tuluyang tumalikod! Pinalayas ko siya at binigyan ng mga atas ng pakikipaghiwalay. Ngunit hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda, lumabas at kumilos din siya gaya ng babaing bayaran! 9 Walang halaga sa kaniya na dinungisan niya ang lupain, kaya gumawa sila ng mga diyus-diyosan mula sa bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, hindi bumalik sa akin nang buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi isang kasinungalingan! Ito ang pahayag ni Yahweh.”
-
3 Sapagkat ang labi ng isang nangangalunyang babae ay dinadaluyan ng pulot, at ang kaniyang bibig ay mas madulas kaysa sa langis, 4 pero sa huli siya ay katulad ng halamang mapait, humihiwa tulad ng isang matalim na espada. 5 Ang kaniyang mga paa ay humahakbang papunta sa kamatayan; at tumutungo papunta sa sheol. 6 Hindi niya binibigyang pansin ang landas ng buhay. Ang kaniyang mga yapak ay gumagala; hindi niya alam kung saan siya patungo. 7 At ngayon, aking mga anak, makinig sa akin; huwag tumalikod mula sa pakikinig sa mga salita ng aking bibig. 8 Lumayo kayo sa kaniyang landas, at huwag kayong lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay. 9 Sa ganoong paraan hindi ninyo ipamimigay ang inyong karangalan sa iba o ang mga taon ng inyong buhay sa isang malupit na tao; 10 ang mga taong hindi kilala ay hindi magdiriwang sa inyong kayamanan; ang inyong pinaghirapan ay hindi mapupunta sa bahay ng mga taong hindi kilala. 11 Sa katapusan ng inyong buhay kayo ay dadaing kapag ang inyong laman at inyong katawan ay nabulok. 12 Sasabihin ninyo, “Kinapopootan ko ang disiplina at hinamak ng aking puso ang pagtatama! 13 Hindi ako sumunod sa aking mga guro o nakinig sa aking mga tagapagturo. 14 Malapit na akong ganap na masira sa gitna ng kapulungan, sa pagtitipon ng mga tao.” 15 Uminom ng tubig mula sa inyong sariling sisidlan, at uminom ng bukal na tubig mula sa inyong sariling balon. 16 Dapat bang ang inyong mga bukal ay umapaw sa lahat ng dako, at ang inyong mga batis ng tubig ay umagos sa mga liwasang-bayan? 17 Hayaan na ang mga ito ay sa inyo lamang, at hindi para sa mga hindi kilalang taong kasama ninyo. 18 Nawa'y ang inyong bukal ay pagpalain, at nawa'y kayo ay magalak sa asawa sa inyong kabataan. 19 Sapagkat siya ay isang mapagmahal at kaaya-aya tulad ng usang babae. Hayaan ninyo ang kaniyang dibdib ay punuin kayo ng galak sa lahat ng panahon; laging maging bihag ng kaniyang pag-ibig. 20 Sapagkat bakit ikaw, aking anak, ay dapat na mabihag ng isang babaeng nangangalunya; bakit mo kailangang yakapin ang dibdib ng isang hindi kilalang babae? 21 Nakikita ni Yahweh ang lahat ng ginagawa ng isang tao at pinanonood ang lahat ng landas na kaniyang tinatahak. 22 Ang isang masamang tao ay mabibitag ng kaniyang sariling mga kasalanan; ang mga lubid ng kaniyang kasalanan ay pipigilan siya ng mahigpit. 23 Siya ay mamamatay dahil kulang siya ng disiplina; siya ay inililigaw ng kaniyang labis na kamangmangan.
-
10 Ang taong gumagawa ng pangangalunya sa asawa ng ibang lalaki, iyon ay, sinumang gumagawa ng pangangalunya sa asawa ng kanyang kapitbahay—ang nakikiapid na lalaki at ang nakikiapid na babae ay tiyak na kapwa papatayin.
11 Ang lalaking sumisiping sa asawa ng kanyang ama para makipagtalik sa kanya ay nagdulot ng kahihiyan sa kanyang sariling ama. Kapwa ang anak na lalaki at ang asawa ng kanyang ama ay tiyak na papatayin. Sila ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.
12 Kung sipingan ng isang lalaki ang kanyang manugang na babae, tiyak na kapwa silang dapat patayin. Nakagawa sila ng kabuktutan. Sila ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.
-
8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong mga asawa, subalit mula sa simula hindi gayon. 9 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang makikipaghiwalay sa kaniyang asawa, maliban sa sekwal na imoralidad, at mag-aasawa ng iba, ay nangangalunya. At ang lalaki na magpapakasal sa hiniwalayan na babae ay nakagawa ng pangangalunya.”
-
20 Pero mayroon akong laban sa inyo: pinahihintulutan ninyo ang babaeng si Jezebel, na tinatawag ang sarili niyang isang propeta. Sa pamamagitan ng kaniyang katuruan ay nililinlang niya ang aking mga lingkod na gumawa ng mga sekswal na imoralidad at kumain ng mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng oras para magsisi pero hindi maluwag sa kaniyang kalooban na magsisi sa kaniyang imoralidad.
22 Bantayan ninyo! Ihahagis ko siya sa isang banig ng karamdaman, at ang mga gumawa ng pangangalunya kasama niya sa matinding pagdurusa, malibang sila ay magsisi sa anumang ginawa niya. 23 Hahampasin ko ang kaniyang mga anak hanggang mamatay, at ang lahat ng mga iglesia ay malalaman na ako ang siyang sumisiyasat sa mga kaisipan at mga nasain. Ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong ginawa.
24 Pero sa iba sa inyo sa Tiatira, sa lahat ng hindi pinanghahawakan ang katuruang ito, at hindi alam ang tinatawag ng iba na malalalim na mga bagay ni Satanas — sinasabi ko sa inyo, “hindi ko inilagay sa inyo ang anumang ibang pasanin.' 25 Sa anumang kalagayan, dapat kayong humawak nang mahigpit hanggang ako ay dumating.
-
10 Makakakain sila ngunit hindi sapat; magbebenta sila ng aliw ngunit hindi sila darami, sapagkat lumayo sila sa akin, na si Yahweh at iniwan ako. 11 Ang mahalay na gawain, ang alak at bagong alak ang nag-alis sa kanilang pang-unawa. 12 Sumasangguni ang aking mga tao sa kanilang mga diyus-diyosan na kahoy, ang kanilang mga tungkod ang nagbibigay sa kanila ng mga hula. Sapagkat ang espiritu ng kahalayan ang nagligaw sa kanila at iniwan nila ako, na kanilang Diyos. 13 Nag-aalay sila sa mga tuktok ng mga bundok at nagsusunog ng insenso sa mga burol, sa ilalim ng mga ensina, mga alamo at mga roble, sapagkat mabuti ang lilim ng mga iyon. Kaya naman nakagawa ng sekswal na imoralidad ang inyong mga anak na babae at nangangalunya ang inyong mga manugang na babae. 14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae nang pinili nilang gumawa ng sekswal na imoralidad ni ang inyong mga manugang na babae nang nangalunya sila. Sapagkat ibinigay din ng mga kalalakihan ang kanilang mga sarili sa mga babaing nagbebenta ng aliw, at nag-alay sila ng mga handog upang makagawa sila ng mga imoral na mga gawain kasama ang mga babaing nagbebenta ng aliw. Kaya ang mga taong ito na hindi nakakaunawa ay malilipol.
-
11 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng ibang babae ay nangangalunya laban sa kaniya. 12 At kung makikipaghiwalay ang babae sa kaniyang asawa at mag-asawa ng ibang lalaki, siya ay nangangalunya.”
-
3 Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagdala ng isang babaeng nahuli sa kasalukuyan ng pangangalunya. Nilagay nila siya sa gitna. 4 At sinabi nila kay Jesus, “Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa kasalukuyang ng pangangalunya. 5 Ngayon sa batas inuutos ni Moises na batuhin ang ganitong uri ng mga tao; ano ang iyong masasabi tungkol sa kaniya?”
6 Sinabi nila ito upang bitagin siya upang mayroon silang maiparatang sa kaniya, ngunit yumuko si Jesus at sumulat sa lupa gamit ang kaniyang daliri.
7 Nang patuloy sila sa pagtatanong sa kaniya, siya ay tumayo at sinabi sa kanila, “Ang walang kasalanan sa inyo, siya ang unang magtapon ng bato sa kaniya.” 8 Muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa gamit ang kaniyang daliri.
9 Nang narinig nila ito, isa isa silang umalis, simula sa pinakamatanda. Sa bandang huli naiwan si Jesus mag-isa, kasama ang babae na nasa kanilang kalagitnaan. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kaniya, “Babae, nasaan ang iyong mga taga-usig? Wala bang humatol sa iyo?”
11 Sabi niya “Wala ni sinuman, Panginoon.” Sabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka sa iyong pupuntahan; mula ngayon huwag ka nang magkakasala pa.”]
-
6 Ngayon ang mga bagay na ito ay mga halimbawa para sa atin, upang tayo ay hindi manabik sa mga masasamang bagay na gaya ng kanilang ginawa. 7 Huwag kayong maging mapagsamba sa mga diyus-diyosan, na tulad ng ilan sa kanila. Ito ay gaya ng nasusulat, “Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw ng may sekswal na pagnanasa.” 8 Huwag tayong gumawa ng sekswal na imoralidad, na gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila. Dalawampu't tatlong libo ang namatay sa isang araw dahil dito. 9 Ni susubukin natin si Cristo, gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila at pinatay sila sa pamamagitan ng mga ahas. 10 Gayon din huwag kayong magreklamo na katulad ng ginawa ng karamihan sa kanila, at pinatay sa pamamagitan ng isang anghel nang kamatayan.
11 Ngayon nangyari ang mga ito sa kanila upang maging halimbawa para sa atin. Ito ay mga alituntunin na naisulat-para sa atin sa mga huling panahon. 12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.
14 Samakatuwid, aking mga minamahal, lumayo kayo sa pagsamba ng diyus-diyosan.
-
14 Binuhay ng Diyos ang Panginoon at siya din ang bubuhay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Maaari ko bang kunin ang mga bahagi ni Cristo at isama sa mga nagbebenta ng aliw? Hindi ito maaari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang sinumang nakipag-isa sa mga nagbebenta ng aliw ay magiging isang laman kasama siya? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang sinumang nakipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kaniya sa espiritu.
18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! “Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan,” ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
-
22 Kung ang isang lalaki ay nakitang sumiping sa isang babae na kasal na sa ibang lalaki, kung gayon silang dalawa ay dapat mamatay, ang lalaking sumiping sa babae, at ang babae mismo; dapat alisin ninyo ang kasamaan mula sa inyo.
23 Kung may isang dalagang isang birhen, may kasunduang ipakakasal sa isang lalaki, at may ibang lalaking nakakita sa kaniya sa lungsod at sumiping sa kaniya, 24 dalhin silang dalawa sa tarangkahan ng lungsod, at sila ay babatuhin hanggang mamatay. Dapat ninyong batuhin ang babae, dahil hindi siya sumigaw, kahit siya ay nasa lungsod. Dapat ninyong batuhin ang lalaki, dahil nilapastangan niya ang asawa ng kaniyang kapwa; at aalisin ninyo ang kasamaan na mula sa inyo.
25 Pero kung makita ng lalaki sa bukid ang babae na may kasunduan ikakasal, at sinunggaban niya ito at sinipingan, kung gayon tanging ang lalaking sumiping sa kaniya ang dapat mamatay.
-
1 Ngayon tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: May mga panahon na nakakabuti sa isang lalaki na huwag sumiping sa babae. 2 Ngunit dahil sa mga tukso ng mga mahalay na gawain, bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sariling asawang babae at ang bawat babae ay dapat magkaroon din ng sariling asawang lalaki.
3 Dapat ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang pang mag-asawang karapatan at ganoon din ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.
5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi.
-
4 Kayong mga mangangalunya! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away laban sa Diyos? Kaya, sinuman ang magpasiyang maging kaibigan ng mundo ay ginawa niya mismo ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos. 5 O inisip ninyo ba na ang kasulatan ay walang kahulugan noong sinabi nito na ang Espiritu na ipinagkaloob niya sa atin ay labis na naninibugho para sa atin? 6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng mas higit na biyaya, kaya't sinasabi ng kasulatan na “Ang Diyos ay sumasalungat sa mapagmataas, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mapagpakumbaba.”
7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo.
-
9 Kung naakit ang aking puso sa ibang babae, kung ako ay naghintay sa pinto ng aking kapwa para sa kaniyang asawang babae, 10 kung gayon hayaang gumiling ng butil ang aking asawa para sa ibang lalaki, at hayaang sumiping ang ibang mga lalaki sa kaniya. 11 Dahil iyon ay magiging kakila-kilabot na krimen; tunay nga, iyon ay magiging isang krimen na parurusahan ng mga hukom. 12 Dahil iyon ay isang apoy na sumusunog sa lahat ng bagay para sa sheol at susunugin niyon ang lahat ng aking mga ani.
-
9 Kaya bakit mo inalipusta ang mga utos ni Yahweh, para gumawa ng masama sa kaniyang paningin? Pinatay mo si Urias ang Heteo sa pamamagitan ng espada at kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong sariling asawa. Pinatay mo siya sa pamamagitan ng espada ng hukbo ng Ammon. 10 Kaya ngayon hindi aalis ang espada sa iyong bahay, dahil inalipusta mo ako at kinuha ang asawa ni Urias ang Heteo bilang iyong asawa.'
11 Sinabi ni Yahweh, 'Tingnan, ibabangon ko ang kapahamakan laban sa iyo mula sa iyong sariling bahay. Sa harapan ng iyong mga mata, kukunin ko ang iyong mga asawa at ibibigay sila sa iyong kapwa at sisipingan niya ang iyong mga asawa sa maliwanag na araw. 12 Dahil palihim mong ginawa ang iyong kasalanan, pero gagawin ko ang bagay na ito sa harapan ng buong Israel, sa tanghaling-tapat.”'
13 Pagkatapos sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako laban kay Yahweh.” Sumagot si Natan kay David, “Pinatawad na rin ni Yahweh ang iyong kasalanan. Hindi ka papatayin. 14 Gayunman, dahil sa gawaing ito inalipusta mo si Yahweh, tiyak na mamamatay ang batang isisilang sa iyo.”
-
17 Hindi ba ninyo nakikita na kung anumang pumapasok sa inyong bibig ay dadaan sa tiyan at pagkatapos pinapalabas sa palikuran? 18 Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay galing sa puso. Ang mga bagay na ito ang nakapagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang mga masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, bulaang saksi at mga paghamak. 20 Ito ang mga bagay na nakapagpaparumi sa tao. Ngunit ang kumain na hindi naghugas ng mga kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”
-
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Hosea, na anak na lalaki ni Beeri sa panahon nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias na mga hari ng Juda, at sa panahon ni Jeroboam, na anak na lalaki ni Jehoas na hari ng Israel.
2 Noong unang magsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya sa kaniya, “Humayo ka, mag-asawa ka ng babaing nagbebenta ng aliw. Magkakaroon siya ng mga anak na bunga ng kaniyang pagbebenta ng aliw. Sapagkat nagkakasala ang lupain ng matinding gawain ng pagbebenta ng aliw habang tinatalikuran ako.”
3 Kaya, humayo si Hosea at pinakasalan si Gomer na anak na babae ni Diblaim, at nagbuntis siya at nagsilang siya sa kaniya ng isang anak na lalaki.
-
18 Ang bawat taong hinihiwalayan ang kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya, at ang mag-asawa sa babaing hiwalay sa kaniyang asawa ay magkakasala ng pangangalunya.
-
2 Sapagkat itinatali ng kautusan ang asawang babae sa kaniyang asawa habang siya ay nabubuhay, ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, malaya na siya sa kautusan ng pag-aasawa. 3 Kung gayon, habang nabubuhay pa ang kaniyang asawang lalaki, kapag nakipamuhay siya sa ibang lalaki, tatawagin siyang mangangalunya. Ngunit kung namatay ang asawang lalaki, malaya na siya sa kautusan, kaya hindi na siya isang mangangalunya kung namumuhay siya kasama ang ibang lalaki.
-
19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
-
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos: ang inyong pagpapakabanal—umiwas kayo sa kahalayan, 4 na bawat isa sa inyo ay alam kung paano makitungo sa kaniyang asawa ng may kabanalan at karangalan. 5 Huwag kayong mag-asawa sa kahalayan ng laman (gaya ng mga Gentil na di nakakakilala sa Diyos). 6 Huwag hayaan ang sinuman na pagsamantalahan at dayain ang kaniyang kapatid sa bagay na ito. Sapagkat ang Panginoon ang gaganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya sa aming babala sa inyo at pinatotohanan. 7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan, kundi sa kabanalan.
-
18 Huwag kayong mangangalunya.
-
37 yamang nakagawa sila ng pangangalunya, at mula noong may dugo sa kanilang mga kamay! Nakagawa sila ng pangangalunya, kasama ng kanilang mga diyus-diyosan at kahit na ipinasa nila ang kanilang mga anak na lalaki kung saan nayamot sila sa akin sa pamamagitan ng apoy upang masunog!
-
18 Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya, sinasabi, “Mabuting guro, ano ang kailangan kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti, kundi ang Diyos lamang. 20 Alam mo ang mga kautusan—huwag kang mangalunya, huwag kang pumatay, huwag kang magnakaw, huwag kang magpatotoo ng kasinungalingan, igalang mo ang iyong ama at ina.”
-
7 Bakit ko patatawarin ang mga taong ito? Tinalikuran ako ng iyong mga anak at sumumpa sa mga hindi diyos. Binusog ko sila, ngunit nangalunya sila at ginugol ang mga panahon sa bahay aliwan. 8 Mga kabayo silang nag-iinit. Naglilibot sila sa kagustuhang makipagtalik. Bawat lalaki ay humahalinghing sa asawa ng kaniyang kapwa.
-
2 Isakdal mo ang iyong ina, isakdal mo, sapagkat hindi ko siya asawa, at hindi rin niya ako asawa. Hayaan mong alisin niya ang kaniyang pagbebenta ng aliw mula sa kaniyang harapan, at ang kaniyang mga gawaing pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso. 3 Kung hindi, huhubaran ko siya at ipapakita ang kaniyang kahubaran gaya sa araw ng kaniyang pagkasilang. Gagawin ko siyang tulad ng ilang, tulad ng isang tigang na lupa at papatayin ko siya sa uhaw. 4 Hindi ako mahahabag sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay mga anak sa pagbebenta ng aliw. 5 Sapagkat ang kanilang ina ay naging babaing nagbebenta ng aliw, at siya na nagbuntis sa kanila ay gumawa ng kahiya-hiya. Sinabi niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig, sapagkat ibinibigay nila sa akin ang aking tinapay at tubig, ang aking lana at lino, ang aking langis at inumin.” 6 Kaya gagawa ako ng bakod ng mga tinik upang harangan ang kaniyang daraanan. Gagawa ako ng pader laban sa kaniya upang hindi niya makita ang kaniyang daraanan. 7 Hahabulin niya ang kaniyang mga mangingibig, ngunit hindi niya sila maaabutan. Hahanapin niya sila, ngunit hindi niya sila matatagpuan. Pagkatapos, sasabihin niya, “Babalik ako sa aking unang asawa, sapagkat mas mabuti para sa akin noon kaysa ngayon.”
-
20 Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya. 21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan. 23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”
-
38 At sumagot ang ilang mga eskriba at Pariseo kay Jesus at sinabi, “Guro, nais naming makakita ng palatandaan mula sa iyo,” 39 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang masama at mapangalunyang salinlahi ang naghahanap ng palatandaan. Ngunit walang ibibigay na palatandaan sa kaniya maliban sa palatandaan ni Jonas na propeta.
-
18 At sinabi ng lalaki sa kaniya, “Alin sa mga kautusan? Sinabi ni Jesus, “Huwag kang pumatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magsinungaling sa iyong pagsaksi,
-
22 Sumunod siya sa kaniya na tulad ng isang bakang lalaki na papunta sa katayan, o tulad ng isang usa na nahuli sa isang patibong 23 hanggang ang isang palaso ay tumatagos sa kaniyang atay— o katulad ng ibong sumusugod sa isang patibong, hindi alam na ito ang magiging kabayaran ng kaniyang buhay. 24 At ngayon, ang aking mga anak na lalaki, makinig sa akin; bigyang pansin kung ano ang aking sinasabi. 25 Huwag ninyong hayaan ang inyong puso na lumihis sa kaniyang mga kaparaanan; huwag maligaw sa kaniyang mga landas. 26 Maraming biktima ang nadala niya pababa; hindi sila mabilang. 27 Ang kaniyang bahay ay daan patungo sa sheol; ito ay patungo pababa sa mga silid ng kamatayan.
-
13 Sapagkat nakita ko ang mga kasalanan ng mga propeta sa Samaria. Nagpahayag sila sa pamamagitan ni Baal at iniligaw ang aking Israelita sa maling landas. 14 At maging sa mga propeta sa Jerusalem ay nakita ko ang mga kakila-kilabot na mga bagay: Nangalunya at lumalakad sila sa kasinungalingan. Pinapalakas nila ang mga kamay ng mga gumagawa ng masama: walang isa man ang tumalikod mula sa kaniyang ginagawang kasamaan. Lahat sila ay naging tulad ng Sodoma sa akin at ang mga naninirahan dito ay tulad ng Gomorra!”
-
19 Alam mo ang mga kautusan: 'Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magpapatotoo ng kasinungalingan, huwag kang mandaraya, igalang mo ang iyong ama at ina'.”
-
10 Ngayon sa mga may asawa ibinibigay ko ang utos na ito—hindi ako, kundi ang Panginoon: “Ang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”. 11 Ngunit kung siya ay hihiwalay sa kaniyang asawa, dapat na manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa kaniya. At “ang lalaki ay hindi dapat hiwalayan ang kaniyang asawa.”
-
10 Kung sinuman ang sumusunod sa lahat ng kautusan, ngunit matisod sa isa sa mga ito, magkakasala siya sa pagsuway sa lahat ng kautusan! 11 Sapagkat ang Diyos na nagsasabi ng,”Huwag kang mangangalunya,” nagsabi ring, “Huwag papatay.” Kung hindi ka nangalunya, ngunit ikaw ay pumatay, sinuway mo ang kautusan ng Diyos.
-
13 Sila ay masasaktan sa gantimpala ng kanilang mga maling gawain. Namumuhay sila sa kasiyahan sa araw. Sila ay mga dumi at bahid. Nagsasaya sila sa kanilang mga mapanlinlang na kasiyahan habang sila ay nakikipagdiwang sa inyo. 14 May mga mata sila na puno ng mga mapangalunyang babae; hindi sila kailanman nakuntento sa pagkakasala. Inuudyukan nila ang mga mahihinang kaluluwa sa pagkakamali at ang kanilang puso ay sinanay sa pag-iimbot, mga batang isinumpa.
15 Kanilang iniwan ang tamang daan. Naligaw sila at sinunod ang daan ni Balaam na anak ni Beor na nagnais na tumanggap ng kabayaran sa kawalang-katuwiran.
-
20 Huwag kayong sumiping sa asawa ng inyong kapit-bahay at dungisan ang inyong sarili sa kanya sa ganitong paraan.
-
14 Ang bibig ng isang babaeng nangangalunya ay isang malalim na hukay; ang galit ni Yahweh ay sumiklab laban sa sinuman na mahulog dito.
-
22 At isang sumpa ang bibigkasin tungkol sa mga taong ito sa lahat ng mga bihag ng Juda sa Babilonia. Sasabihin sa sumpa: Gawin nawa kayo ni Yahweh na katulad ni Zedekias at Ahab na inihaw sa apoy ng hari ng Babilonia. 23 Mangyayari ito dahil sa mga kahiya-hiyang bagay na ginawa nila sa Israel nang mangalunya sila sa asawa ng kanilang kapwa at nagpahayag ng mga salitang kasinungalingan sa aking pangalan, bagay na hindi ko kailanman iniutos upang sabihin nila. Sapagkat ako ang siyang nakakaalam, ako ang saksi. Ito ang pahayag ni Yahweh.”
-
32 Ikaw babaeng nakikiapid, tinatanggap mo ang mga hindi mo kilalang tao sa halip na ang iyong asawa!
-
1 Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tao ng Israel. May hindi pagkakasunduan si Yahweh laban sa mga naninirahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan o katapatan sa kasunduan at walang kaalaman ng Diyos sa lupain. 2 May pagsusumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Nilabag ng mga tao ang lahat ng hangganan at sunod-sunod ang pagdanak ng dugo.
-
13 At ginawa rin ninyo ito. Tinakpan ninyo ng mga luha ang altar ni Yahweh, nang may pagtatangis at paghihinagpis, dahil hindi na siya sumasang-ayon na tingnan ang alay at hindi niya ito tinatanggap nang may kaluguran mula sa inyong kamay.
14 Ngunit sinasabi ninyo, “Bakit ayaw niya?” Sapagkat saksi si Yahweh sa pagitan mo at sa asawa ng inyong kabataan na pinagtaksilan mo, kahit na kasama mo siya at asawa mo sa pamamagitan ng kasunduan.
15 Hindi ba ginawa kayong iisa nang may bahagi ng kaniyang espiritu? At bakit niya kayo ginawang iisa? Dahil umaasa siyang magkakaroon ng maka-Diyos na lahi. Kaya ingatan ninyo ang inyong mga sariling kalooban at huwag hayaan ang sinuman na magtaksil sa asawa ninyo noong kabataan ninyo.
16 “Sapagkat kinamumuhian ko ang paghihiwalay,” sabi ni Yahweh na Diyos ng Israel, at siya na tinatakpan ang kaniyang damit nang karahasan” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. “Kaya ingatan ninyo ang inyong sariling kalooban at huwag mawalan ng tiwala.”
-
22 Sa pamamagitan ng tadyang na kinuha ni Yahweh na Diyos mula sa lalaki, ginawa niya ang babae at dinala siya sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki, “Sa oras na ito, ito ang buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman. Tatawagin siyang 'babae', dahil kinuha siya sa lalaki.”
24 Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, makikipag-isa siya sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman.
-
7 Dumating ang panahon na pinagnanasaan si Jose ng asawa ng kanyang amo. Sinabi niya, “Sumiping ka sa akin”.
8 Ngunit tinanggihan niya ito at sabay sabi sa asawa ng kanyang amo, “Tingnan mo, ang amo ko ay di-nagbigay pansin sa kung ano ang pinaggagawa ko dito sa bahay, at nilagay niya lahat ng kanyang pag-aari sa ilalim ng aking pangangalaga. 9 Walang mas nakakataas sa pamamahay na ito maliban sa akin. Wala siyang anumang pinagkait sa akin maliban sa iyo, dahil ikaw ang asawa niya. Paano ko kaya magagawa itong malaking kasamaan at magkakasala laban sa Diyos?”
10 Kinausap niya si Jose sa bawat araw, ngunit tumanggi pa rin siya na sipingan siya o para makasama siya. 11 Dumating ang isang araw na pumunta siya sa bahay para gawin ang kanyang gawain. Walang sinuman sa mga lalaki sa bahay ang naroon sa bahay. 12 Siya ay hinablot niya sa pamamagitan ng kanyang damit at sinabi, “Sipingan mo ako.” Naiwanan niya ang kanyang damit sa kanyang kamay, lumayo, at nagpunta sa labas.
-
1 Dumating ang panahon ng tagsibol, ng panahong iyon karaniwang pumupunta ang mga hari sa digmaan, ipinadala ni David si Joab at ang kaniyang mga lingkod, at ang buong hukbo ng Israel. Winasak nila ang hukbo ng Ammon at kinubkob ang Rabba. Pero si David ay nanatili sa Jerusalem.
2 Kaya isang gabi nang bumangon si David mula sa kaniyang higaan at naglakad-lakad sa bubong ng kaniyang palasyo. Mula roon nagkataong nakita niya ang isang babaeng naliligo, at sadyang napakagandang pagmasdan. 3 Kaya nagpatawag si David ng mga tao at tinanong kung sino ang nakakakilala sa babaeng iyon. May isang nagsabi, “Hindi ba ito si Batsheba, ang anak na babae ni Eliam, hindi ba asawa siya ni Urias na anak na Heteo?”
4 Nagpadala si David ng mga sugo at siya ay ipinakuha; nagtungo ang babae sa kaniya, at sinipingan siya ni David (kakatapos lamang niyang gawing dalisay ang kaniyang sarili mula sa pagreregla). Pagkatapos bumalik siya sa kaniyang bahay. 5 Nabuntis ang babae, at pinasabi niya kay David; sinabi niyang, “Buntis ako.”
-
15 Gayundin, inaabangan ng mata ng nakikiapid ang takipsilim, sinasabi niya, 'Walang mata ang makakakita sa akin'. Tinatago niya ang kaniyang mukha. 16 Sa kadiliman ay nagbubungkal sa loob ng bahay ang mga masasama; pero kinukulong nila ang kanilang sarili sa araw; wala silang pakialam sa liwanag. 17 Dahil ang umaga para sa kanilang lahat ay gaya ng makapal na kadiliman; maginhawa sila sa mga katakot-takot na mga bagay sa makapal na kadiliman.
18 Pero, mabilis silang lumilipas gaya ng bula sa ibabaw ng mga tubig; may sumpa ang bahagi ng kanilang lupa; walang nagtatrabaho sa kanilang ubasan.
-
1 Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. 2 Pinadala niya ako para ipahayag ang taon ng pabor ni Yahweh, ang araw ng paghihiganti ng aming Diyos, at para aliwin ang lahat ng nagluluksa— 3 para ilagay sa lugar ang mga tumatangis sa Sion—para bigyan sila ng isang turban sa halip na mga abo, langis ng kagalakan sa halip na pagtatangis, isang balabal ng papuri kapalit ng isang espiritu ng kalungkutan, para tawagin silang mga puno ng katuwiran, ang pagtatanim ni Yahweh, para siya ay maaaring luwalhatiin.
-
9 Nagnakaw ba kayo, pumatay at nangalunya? At nangako ba kayo nang may panlilinlang at nag-alay ng insenso kay Baal at sumunod sa iba pang mga diyos na hindi ninyo kilala? 10 Kung gayon, pumunta ba kayo at tumayo sa aking harapan sa tahanang ito kung saan inihayag ang aking pangalan at sinabi, “Naligtas kami,” kaya magagawa ninyo ang lahat ng mga kasuklam-suklam na bagay na ito?
-
27 Ang inyong pangangalunya at paghalinghing, ang inyong kahiya-hiyang kahalayan sa mga burol at sa mga parang! Ilalantad ko ang mga ito, ang mga nakasusuklam na mga bagay na ito! Kaawa-awa ka, Jerusalem! Hindi ka pa malinis. Gaano katagal ito magpapatuloy?”
-
3 Pumunta sa kaniya ang mga Pariseo upang subukin siya na nagsasabi, “Pinahihintulutan ba sa batas na hihiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa sa anumang kadahilanan?”
4 Si Jesus ay sumagot at nagsabi, “Hindi ba ninyo nabasa, na ang gumawa sa kanila sa simula pa lamang ay ginawa silang lalaki at babae? 5 At sinabi rin niyang, 'Sa ganitong dahilan iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makiisa sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging iisang laman?' 6 Kaya nga sila ay hindi na dalawa, kundi iisang laman. Samakatwid ang ano mang pinagsama ng Diyos ay walang sinumang makapaghihiwalay.”
-
15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa.
-
17 Hindi dapat magkaroon ng bayarang babae sa sinuman sa mga anak na babae ng Israel, ni hindi dapat magkaroon ng bayarang lalaki sa mga anak na lalaki ng Israel. 18 Hindi dapat kayo magdala ng mga kabayaran sa isang bayarang babae, o mga kabayaran sa isang bayarang lalaki, sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos sa anumang panata; dahil ang dalawang bagay na ito ay kasuklamsuklam kay Yahweh na inyong Diyos.
-
18 May tatlong bagay na labis na kamangha-mangha para sa akin, apat na hindi ko maintindihan: ang daan ng isang agila sa langit; 19 ang ginagawa ng isang ahas sa isang bato; ang ginagawa ng isang barko sa puso ng karagatan; at ang ginagawa ng isang lalaki kasama ang isang dalaga. 20 Ito ang ginagawa ng isang nangangalunyang babae— siya ay kumakain at kaniyang pinupunasan ang kaniyang bibig at sinasabi, “Wala akong ginawang mali.”
-
1 Kapag nais kong pagalingin ang Israel, mabubunyag ang kasalanan ng Efraim, ganun din ang masamang mga gawa ng Samaria, sapagkat gumagawa sila ng panlilinlang, pumasok ang isang magnanakaw at isang pangkat ng mandarambong ang lumusob sa lansangan. 2 Hindi napagtanto ng kanilang mga puso na naalala ko ang lahat ng kanilang masasamang gawa. Ngayon, napalibutan sila ng kanilang masasamang gawa, sila ay nasa aking harapan. 3 Pinasaya nila ang hari sa kanilang kasamaan at ang mga opisyal sa kanilang mga kasinungalingan. 4 Mangangalunya silang lahat, tulad ng pinapainit na isang pugon ng panadero, na humihinto sa paggalaw sa apoy mula sa pagmamasa hanggang sa pag-alsa nito.
-
5 “Pagkatapos lalapit ako sa inyo para sa paghahatol. Magiging isa akong mabilis na saksi laban sa mga manghuhula, sa mga mangangalunya, sa mga hindi totoong saksi, at laban sa mga nang-aapi sa mga inuupahang manggagawa sa kaniyang sahod, sila na nang-aapi sa mga balo at sa mga ulila, at naglalayo sa mga dayuhan sa kanilang mga karapatan, at laban sa mga taong hindi ako pinararangalan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.
-
22 Ikaw na nagsasabing huwag mangangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na namumuhi sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?
-
9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”
-
16 Sapagkat babae, paano mo nalalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O lalaki, paano mo nalalaman kung maliligtas mo ang iyong asawa?
-
17 Kaya, sinasabi ko ito, at pinapayuhan ko kayo sa Panginoon: huwag na kayong lumakad na katulad ng mga Gentil na lumalakad sa karumihan ng kanilang mga isipan. 18 Masama ang kanilang pag-iisip. Napalayo sila sa buhay na nasa Diyos dahil sa kamangmangan na nasa kanila dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso. 19 Hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan. Ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan sa malalaswang mga gawa, sa lahat ng uri ng kalabisan.
20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo.
-
15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
-
8 Pero para sa mga duwag, sa walang pananampalataya, sa mga kasuklam-suklam, sa mga mamamatay-tao, sa mga sekswal na imoralidad, sa mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kanilang lugar ay sa dagat-dagatang apoy ng nagniningas na asupre. Na siyang ikalawang kamatayan.
Shows Read in context, Share and Copy.