48 Bible Verses About False Prophets

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About False Prophets
  1. 15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga. 18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.

    21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

    24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.

    26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”

  2. 13 Sapagkat nakita ko ang mga kasalanan ng mga propeta sa Samaria. Nagpahayag sila sa pamamagitan ni Baal at iniligaw ang aking Israelita sa maling landas. 14 At maging sa mga propeta sa Jerusalem ay nakita ko ang mga kakila-kilabot na mga bagay: Nangalunya at lumalakad sila sa kasinungalingan. Pinapalakas nila ang mga kamay ng mga gumagawa ng masama: walang isa man ang tumalikod mula sa kaniyang ginagawang kasamaan. Lahat sila ay naging tulad ng Sodoma sa akin at ang mga naninirahan dito ay tulad ng Gomorra!”

    15 Samakatwid ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, “Tingnan ninyo, pakakainin ko sila ng halamang mapait at paiinumin ng tubig na nakakalason, sapagkat lumabas ang karumihan mula sa mga propeta ng Jerusalem sa buong lupain.”

    16 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo. Dinaya nila kayo! Naghahayag sila ng mga pangitain mula sa kanilang sariling mga kaisipan, hindi nagmula sa bibig ni Yahweh. 17 Patuloy nilang sinasabi sa mga taong hindi nagpaparangal sa akin, 'Ipinapahayag ni Yahweh na magkakaroon ng kapayapaan para sa inyo.' At ang bawat isa na lumalakad sa katigasan ng kanilang puso ay sinasabing, 'Ang sakuna ay hindi darating sa inyo.' 18 Ngayon, sino ang tatayo sa konseho ng pagtitipon ni Yahweh? Sino ang makakakita at makakarinig sa kaniyang salita? Sino ang magbibigay pansin sa kaniyang salita at makikinig?

  3. 1 May mga bulaang propeta na nagpunta sa mga Israelita at may mga bulaang guro ang pupunta sa inyo. Palihim silang magdadala ng mga mapanirang maling pananampalataya at itatatwa nila ang Panginoon na bumili sa kanila. Sila ay nagdadala ng kanilang agarang pagkawasak. 2 Marami ang susunod sa kanilang kahalayan at sa pamamagitan nila malalapastanganan ang daan ng katotohanan. 3 Sa kanilang pagkagahaman ay sasamantalahin nila kayo sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na mga salita. Naghihintay ang kahatulan laban sa kanila; ang kanilang pagkawasak ay darating.

    4 Sapagkat hindi kinaawaan ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sa halip ay ipinasakamay niya ang mga ito sa Tartarus upang igapos sa mga tanikala hanggang sa paghuhukom. 5 At hindi rin niya kinaawaan ang sinaunang mundo. Sa halip, itinira niya si Noe, ang mensahero ng katuwiran, kasama ang pitong iba pa, nang nagdala ng baha ang Diyos sa mundo ng mga hindi maka-diyos. 6 At pinulbos ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora at hinatulan sila ng pagkawasak, bilang halimbawa kung ano ang darating sa mga hindi maka-diyos. 7 Ngunit nang kaniyang ginawa iyan ay, iniligtas niya si Lot na matuwid, na lubos na nagdalamhati dahil sa mga maruming gawain ng mga taong lumalabag sa batas. 8 Dahil ang taong matuwid na iyon na araw-araw na naninirahan kasama nila ay pinahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahil sa nakita niya at narinig. 9 Kung gayon, alam ng Panginoon kung paano iligtas ang mga taong maka-diyos mula sa mga pagsubok at kung paano parusahan ang mga taong hindi maka-diyos sa araw ng paghuhukom.

    10 Ito ay totoo lalo na sa mga nagpapatuloy sa masasamang nasa ng laman at humahamak sa batas. Sila ay mapangahas at sumusunod sa sariling kalooban. Hindi sila natatakot na lapastanganin ang mga maluluwalhati. 11 Ang mga anghel ay may taglay na higit na lakas at kakayahan kaysa sa mga tao, ngunit hindi sila nagdala ng mapang-alipustang paghuhukom laban sa kanila sa Panginoon.

    12 Ngunit ang mga walang isip na mga hayop na ito ay likas na ginawa para hulihin at wasakin. Hindi nila alam kung ano ang kanilang inaalipusta. Sila ay mawawasak. 13 Sila ay masasaktan sa gantimpala ng kanilang mga maling gawain. Namumuhay sila sa kasiyahan sa araw. Sila ay mga dumi at bahid. Nagsasaya sila sa kanilang mga mapanlinlang na kasiyahan habang sila ay nakikipagdiwang sa inyo. 14 May mga mata sila na puno ng mga mapangalunyang babae; hindi sila kailanman nakuntento sa pagkakasala. Inuudyukan nila ang mga mahihinang kaluluwa sa pagkakamali at ang kanilang puso ay sinanay sa pag-iimbot, mga batang isinumpa.

    15 Kanilang iniwan ang tamang daan. Naligaw sila at sinunod ang daan ni Balaam na anak ni Beor na nagnais na tumanggap ng kabayaran sa kawalang-katuwiran. 16 Ngunit siya ay sinaway dahil sa kaniyang paglabag. Isang asno ang nagsalita sa tinig ng tao ang siyang tumapos sa kahibangan ng propeta.

    17 Ang mga taong ito ay katulad ng mga bukal na walang tubig. Katulad sila ng mga ulap na tinatangay ng bagyo. May makapal na kadiliman ang sa kanila ay naghihintay. 18 Nagsasalita sila ng mga bagay na pawang walang kabuluhan at kayabangan lamang. Inuudyukan nila ang mga tao sa pamamagitan ng pita ng laman. Inuudyukan nila ang mga taong sumusubok na tumakas mula sa maling pamumuhay. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa kanila ngunit sila ma'y alipin ng kasamaan. Sapagkat ang isang tao ay alipin ng kahit anong dumadaig sa kaniya.

    20 Sino mang makatakas sa karumihan ng mundo sa pamamagitan ng kaalaman ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo at bumalik muli sa ganoong karumihan, sila ay naging mas malala pa kaysa noong una. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran kaysa malaman ito at pagkatapos ay tumalikod sa banal na kautusang ibinigay sa kanila. 22 Ang kawikaang ito ay totoo para sa kanila: “Ang aso ay bumabalik sa sariling suka nito. Ang bagong paligong baboy ay bumabalik sa putik.”

  4. 18 Magtatatag ako ng isang propeta para sa kanila mula sa kanilang mga kapatid, na katulad mo. Ilalagay ko ang aking mga salita sa kaniyang bibig, at sasabihin niya sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa kanila. 19 Mangyayari ito kung mayroong hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi niya sa aking pangalan, hihingin ko ito sa kaniya. 20 Pero ang propetang magsasalita nang may kayabangan sa aking pangalan, isang salita na hindi ko iniutos sa kaniya na sabihin, o magsalita sa pangalan ng ibang mga diyus-diyosan, ang propetang iyan ay dapat na mamatay.'

    21 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Paano natin makikilala ang isang mensahe na hindi sinabi ni Yahweh?'— 22 kapag magsasalita ang isang propeta sa pangalan ni Yahweh, kung ang bagay na iyon ay hindi maganap ni mangyari, kung gayon iyon ay isang bagay na hindi sinabi ni Yahweh; sinasabi ito ng propeta ng may kayabangan, at hindi kayo dapat matakot sa kaniya.

  5. 1 Minamahal, huwag maniwala sa bawat espiritu, pero suriin ang mga espiritu upang makita kung sila ay sa Diyos, dahil maraming mga bulaang propeta ang nagsilabasan sa mundo. 2 Sa paraang ito malalaman mo ang Espiritu ng Diyos — ang bawat espiritu na kinikilala si Jesu-Cristo na nagkatawang tao ay sa Diyos, 3 at bawat espiritu na hindi kinikilala si Jesus ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng antikristo, na inyong narinig na darating, at ngayon ay nasa mundo na.

    4 Kayo ay sa Diyos, minamahal kong mga anak, at napagtagumpayan sila dahil ang siyang sumasainyo ay mas dakila kaysa siyang nasa mundo. 5 Sila ay makamundo, kaya't ang sinasabi nila ay para sa mundo, at ang mundo ay nakikinig sa kanila. 6 Tayo ay sa Diyos. Siyang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Siyang hindi nasa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa pamamagitan nito nalalaman natin ang espiritu ng katotohan at ang espiritu ng kamalian.

  6. 13 At sinabi ko, “O, Panginoong Yahweh! Tingnan mo! Sinasabi ng mga propeta sa mga tao, 'Hindi kayo makakakita ng espada, walang taggutom para sa inyo, sapagkat bibigyan ko kayo ng tunay na katiwasayan sa lugar na ito.”'

    14 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Panlilinlang sa aking pangalan ang pahayag ng mga propeta. Hindi ko sila isinugo, ni binigyan ng anumang utos o kinausap sila. Ngunit ang mapanlinlang nilang mga pangitain, ang walang kabuluhan at ang mga mapanlinlang na hula ay nagmumula sa kanilang mga sariling puso, ito ang mga ipinahahayag nila sa inyo.”

    15 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, “Tungkol sa mga propeta na nagpapahayag sa aking pangalan ngunit hindi ko ipinadala at ang mga nagsasabing walang espada at taggutom sa lupaing ito. Mamamatay ang mga propetang ito sa pamamagitan ng espada at taggutom. 16 At ang mga tao na kanilang pinagpahayagan ay maitatapon sa labas ng mga lansangan ng Jerusalem dahil sa taggutom at espada, sapagkat walang sinuman ang maglilibing sa kanila. Sa kanila, sa kanilang mga asawang babae o sa kanilang mga anak. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang mga kasamaan.

  7. 1 Kung may lilitaw sa inyo na isang propeta o isang nagbibigay kahulugan sa mga panaginip, at kung siya ay magbibigay sa inyo ng isang palatandaan o isang himala, 2 at kung darating ang tanda o ang himala, kung saan siya ay nagsalita sa inyo at sinabing, 'Sumunod tayo sa ibang mga diyus-diyosan, na hindi ninyo kilala, at sambahin natin sila,' 3 huwag makinig sa mga salita ng propetang iyon, o ng mga nagbibigay kahulugan sa mga panaginip; dahil sinusubukan kayo ni Yahweh na inyong Diyos para malaman kung mahal ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at buong kaluluwa. 4 Maglalakad kayo kasunod ni Yahweh na inyong Diyos, parangalan siya, susundin ang kaniyang mga kautusan, at sumunod sa kaniyang boses, at sambahin ninyo siya at kumapit sa kaniya.

    5 Ilalagay sa kamatayan ang propeta o nagbibigay kahulugan sa mga panaginip na iyon, dahil nagsasalita siya ng paghihimagsik laban kay Yahweh na inyong Diyos, ang siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, at ang siyang tumubos sa inyo palabas sa bahay ng pagkaalipin. Gusto kayong ilayo ng propetang iyon sa daan kung saan kayo inutusang lumakad ni Yahweh na inyong Diyos. Kaya alisin ninyo ang kasamaan mula sa inyo.

  8. 3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sarilinang lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, kung kailan mangyari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan sa inyong pagparito at ang katapusan ng mundo?”

    4 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi, “Mag-ingat kayo na walang makahikayat sa inyo na mailigaw kayo. 5 Sapagkat marami ang paririto sa aking pangalan. Sasabihin nila, 'Ako ang Cristo,' at marami ang maililigaw. 6 Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Tingnan ninyo na hindi kayo mababalisa, sapagkat kailangang mangyari ang mga ito; ngunit hindi pa ito ang katapusan. 7 Sapagkat lalabanan ng isang bansa ang kapwa bansa, at kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom at mga lindol sa iba't ibang mga lugar. 8 Ngunit lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng sakit ng paghilab ng babaeng manganganak.

    9 Pagkatapos nito, dadalhin nila kayo sa kapighatian at papatayin kayo. Kasusuklaman kayo ng lahat ng mga bansa ng dahil sa pangalan ko. 10 At marami ang matitisod at ipagkanulo nila ang isa't isa, at kasusuklaman nila ang isa't isa. 11 Marami ang lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw nila ang marami.

    12 Dahil lalaganap ang katampalasanan, ang pag-ibig ng karamihan ay lalamig. 13 Ngunit kung sino ang makapagtitiis hanggang sa katapusan, siya ang maliligtas.

  9. 28 Kaya mag-ingat kayo sa inyong mga sarili, at tungkol sa mga kawan na pinamahala ng Banal na Espiritu sa inyo. Pag-ingatan ninyo ang kawan sa kapulungan ng Panginoon, na tinubos ng kaniyang sariling dugo. 29 Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis, papasukin kayo ng mabagsik na mga lobo, at walang ititira sa kawan. 30 Alam ko na kahit sa inyong mga sarili, may ilang mga tao na lilitaw at magsasabi ng masasamang mga bagay, upang ilayo ang mga alagad sa kanila. 31 Kaya maging mapagbantay. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, hindi ako tumigil sa pagtuturo sa inyo na may kasamang luha sa araw at gabi.

    32 At ngayon ipinagkatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kaniyang biyaya, na makapagpapatibay at magbigay sa inyo ng mana kasama sa lahat ng mga taong nakalaan sa Diyos.

  10. 13 Sapagkat ang mga ganoong tao ay hindi totoong apostol at mapanlinlang na mga manggagawa. Sila ay nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At ito ay hindi na nakakagulat sapagkat kahit si Satanas ay nagpanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Ito ay hindi labis na nakagugulat kung ang kaniyang mga alagad ay nagbabalat kayo rin na mga alagad ng katuwiran. Ang kanilang kapalaran ay kung ano ang nararapat sa kanilang mga gawa.

  11. 25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta, doon sa mga nagpapahayag ng may panlilinlang sa aking pangalan. Sinabi nila, 'Mayroon akong isang panaginip! Mayroon akong isang panaginip!' 26 Gaano katagal ito magpapatuloy, ang mga propetang nagpapahayag ng kasinungalingan mula sa kanilang mga kaisipan, at sa mga nagpapahayag ng panlilinlang sa kanilang mga puso? 27 Binabalak nilang gawin na kalimutan ng aking mga tao ang aking pangalan ayon sa mga panaginip na kanilang ibinalita, bawat isa sa kaniyang kapwa, gaya lamang ng kanilang mga ninuno na kinalimutan ang aking pangalan alang-alang sa pangalan ni Baal.

    28 Ang propetang may panaginip, hayaang ibalita ang kaniyang panaginip. Ngunit sa isa na pinahayagan ko ng ilang bagay, ipahayag niya ng makatotohanan ang aking salita. Ano ang gagawin ng dayami sa kaniyang butil? —Ito ang pahayag ni Yahweh— 29 at ang aking salita ay hindi ba tulad ng apoy? —ito ang pahayag ni Yahweh—at tulad ng maso na dinudurog ang bato?

    30 Kaya tingnan ninyo, hindi ako sang-ayon sa mga propeta—ito ang pahayag ni Yahweh—sinumang magnanakaw ng salita mula sa ibang tao at sinasabi nilang sila ay galing sa akin.

    31 Tingnan, hindi ako sang-ayon sa mga propeta—ito ang pahayag ni Yahweh—na gumagamit ng kanilang mga dila upang magpahayag ng mga babala.

    32 Tingnan ninyo, hindi ako sang-ayon sa mga propeta na nananaginip ng mapanlinlang—Ito ang pahayag ni Yahweh—at pagkatapos ay ipapahayag ang mga ito at sa paraang ito naliligaw ang aking mga tao sa kanilang panlilinlang at pagmamataas. Hindi ako sang-ayon sa kanila, sapagkat hindi ko sila isinugo ni binigyan ng mga utos. Kaya tiyak na hindi nila tutulungan ang mga taong ito—ito ang pahayag ni Yahweh.

  12. 23 Kaya kung mayroong magsasabi sa inyo na, ''Tingnan ninyo, narito ang Cristo!' o 'Nariyan ang Cristo!' huwag ninyong paniwalaan. 24 Sapagkat darating ang mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta at magpapakita ng kahanga-hangang palatandaan at kababalaghan, upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang. 25 Tingnan ninyo, ipinagpauna ko ng sabihin ito sa inyo.

    26 Kaya kapag pagsinasabi nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, ang Cristo ay nasa sa ilang', huwag kayong pumunta sa ilang. O, 'Tingnan ninyo, siya ay nasa loobang silid, huwag ninyong paniwalaan ito. 27 Sapagkat katulad ng pagliwanag ng kidlat galing sa silangan at pagkislap nito sa kanluran, ganoon din ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung saan man naroroon ang patay na hayop, doon din magtitipon ang mga buwitre.

  13. 3 Sapagkat darating ang panahon kung saan hindi na matitiis ng mga tao ang mga totoong aral. Sa halip, tatambakan nila ang kanilang mga sarili ng mga guro na naayon sa kanilang mga nais. Makikiliti sila sa kanilang pakikinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan, at makikinig sila sa mga alamat.

  14. 11 Pagkatapos nakakita ako ng isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Mayroon siyang dalawang sungay tulad ng tupa at nagsalita siya tulad ng isang dragon. 12 Ginamit niya ang lahat ng kaniyang kapangyarihan tulad ng naunang halimaw na nasa kaniyang presensya, at ginawa ang mundo at sa mga naninirahan dito ay sumasamba sa unang halimaw — siya na may nakamamatay na sugat na gumaling.

    13 Gumawa siya ng mga makapangyarihang himala, kahit pabagsakin ang apoy sa lupa mula sa langit sa harap ng mga tao, 14 at sa pamamagitan ng mga tandang pinahintulutan siyang gawin, kaniyang nilinlang ang mga naninirahan sa lupa, sinasabihan niya sila na gumawa ng larawan sa karalangan ng halimaw na nasugatan sa pamamagitan ng espada, pero buhay pa rin siya. 15 Pinahintulutan siya na bigyan ng hininga ang imahe ng halimaw kaya ang imahe ay nakapagsalita at papatayin ang dumudulot sa lahat na tumanggi para sambahin ang halimaw para patayin.

  15. 6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.

    8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”

  16. 3 Kung mayroong magtuturo ng kakaiba at hindi tinanggap ang ating tapat na tagubilin, na ang mga Salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung hindi nila tanggapin ang katuruan na nagdadala sa pagiging maka-diyos. 4 Ang taong ito ay mapagmataas at walang nalalaman. Sa halip, sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita. Ang mga salitang ito ay humahantong sa pagkainggit, pagtatalo, mga insulto, mga masamang akala, at 5 patuloy na pag-aawayan sa pagitan ng mga taong baluktot ang mga pag-iisip. Tumalikod sila sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-diyos ay isang paraan upang yumaman.”

    6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang.

  17. 19 Sasabihan ka nila, “Kumunsulta ka sa mga manghuhula at mga salamangkero,” silang mga nagsasambit at bumubulong ng mga dasal. Pero hindi ba dapat sa Diyos kumukunsulta ang mga tao? Mas nararapat bang konsultahin nila ang patay para sa mga nabubuhay? 20 Kaya inyong ituon ang inyong atensyon sa batas at patotoo! Kapag hindi nila sinabi ang bagay na ito, ito ay dahil wala silang liwanag ng umaga.

  18. 17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga taong tulad nito ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Cristo, kundi ang sarili nilang hangarin. Sa pamamagitan ng kanilang kaaya-aya at mga kalugod-lugod na pananalita nililinlang nila ang mga puso ng mga walang malay.

  19. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  20. 1 Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo 2 sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan.

    3 Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.

  21. 30 Naganap ang mga kasamaan at katakot-takot ang nangyari sa lupain. 31 Nagpahayag ang mga propeta nang may panlilinlang at namuno ang mga pari gamit ang kanilang sariling kapangyarihan. Inibig ng aking mga tao ang mga pamamaraang ito, ngunit ano ang mangyayari sa huli?

  22. 3 Katulad ng pinakiusap ko saiyo na gawin mo nang ako ay papuntang Macedonia, manatili ka sa Efeso upang mautusan mo ang ilang mga tao na huwag magturo ng ibang doktrina. 4 Ni pansinin ang mga kwento at mga kasaysayan ng lahi. Nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa halip na makatulong sa plano ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya.

    5 Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya. 6 May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit.

  23. 16 Iwasan ang usapang malaswa, na siyang nagiging daan sa higit pang kawalan ng pagkilala sa Diyos. 17 Ang kanilang salita ay kakalat tulad ng ganggrena. Kabilang dito sina Himeneo at Fileto. 18 Sila ang mga lalaking nalihis sa katotohanan. Sinasabi nila na ang muling pagkabuhay ay nangyari na. Ginugulo nila ang pananampalataya ng ilan.

    19 Gayunman, nakatayo ang matibay na pundasyong itinatag ng Diyos. Mayroon itong tatak na ganito: “Nakikilala ng Panginoon kung sino ang mga kaniya” at “Bawat isang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan”

  24. 20 Pero mayroon akong laban sa inyo: pinahihintulutan ninyo ang babaeng si Jezebel, na tinatawag ang sarili niyang isang propeta. Sa pamamagitan ng kaniyang katuruan ay nililinlang niya ang aking mga lingkod na gumawa ng mga sekswal na imoralidad at kumain ng mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan.

  25. 1 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propetang nagpapahayag sa Israel at sabihin mo sa mga nagpapahayag mula sa kanilang mga sariling isipan, 'Makinig kayo sa salita ni Yahweh! 3 Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, 'Kaawa-awa ang mga hangal na propeta na sinusunod ang kanilang sariling diwa, ngunit wala namang nakita! 4 Israel, parang naging mga asong gubat sa mga kaparangan ang inyong mga propeta. 5 Hindi ninyo pinuntahan ang mga bitak sa pader sa palibot ng sambahayan ng Israel para ayusin ito upang makalaban sa digmaan sa araw ni Yahweh.

    6 May mga pangitaing hindi totoo ang mga tao at gumagawa ng mga panghuhulang hindi totoo, ang mga nagsasabi, “Ito ang mga pahayag ni Yahweh.” Hindi sila isinugo ni Yahweh, ngunit gayon pa man, pinapaasa nila ang mga tao na magkakatotoo ang kanilang mga mensahe.

    7 Hindi ba may mga pangitain kayo na hindi totoo at gumagawa kayo ng mga panghuhulang hindi totoo, kayo na mga nagsasabi, “Ito ang mga pahayag ni Yahweh” kahit hindi ko naman ito sinabi?'

    8 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Dahil nagkaroon kayo ng mga pangitaing hindi totoo at nagsabi ng mga kasinungalingan—kaya ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo: 9 Magiging kalaban ng aking kamay ang mga propetang may mga pangitaing kasinungalingan at gumagawa ng mga panghuhulang hindi totoo. Hindi sila mapapabilang sa pagtitipon ng aking mga tao o maitatala sa talaan ng sambahayan ng Israel, hindi sila dapat makapunta sa lupain ng Israel. Sapagkat malalaman ninyo na Ako ang Panginoong Yahweh!

    10 Dahil dito at dahil pinangunahan nila ang aking mga tao upang mailigaw at sinabi, “Kapayapaan! kahit walan namang kapayapaan, nagpapatayo sila ng mga pader na kanilang pipintahan ng kalburong pampinta.' 11 Sabihin mo sa mga nagpipinta ng kalburong pampinta sa pader, “Guguho ito, magkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan at magpapadala ako ng mga ulan na may kasamang yelo upang pabagsakin ito at isang napakalakas na hangin upang masira ito. 12 Tingnan ninyo, babagsak ang pader. Hindi ba sinabi ng iba sa inyo, “Nasaan na ang kalburong pampinta na inyong itinapal dito?”'

  26. 6 Nang makaalis sila sa buong isla hanggang Pafos, natagpuan nila ang isang salamangkero, isang bulaang propeta na Judio na nagngangalang Bar-Jesus. 7 May kaugnayan ang salamangkerong ito sa gobernador na si Sergio Paulo, na isang taong matalino. Pinatawag ng taong ito sina Bernabe at Saul, dahil ibig niyang marinig ang salita ng Diyos. 8 Ngunit kinalaban sila ni Elimas “ang salamangkero” (ganito isinalin ang kaniyang pangalan); tinangka niyang paikutin ang gobernador na mapalayo mula sa pananampalataya.

    9 Ngunit si Saulo, na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu. Tinitigan siya nito 10 at sinabi, “Ikaw na anak ng diyablo, punong-puno ka ng lahat ng uri ng pandaraya at kasamaan. Ikaw ay kaaway ng bawat katuwiran. Hindi ka ba talaga titigil sa pagbabaluktot sa mga tuwid na daan ng Diyos? 11 Ngayon tingnan mo, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo at ikaw ay mabubulag. Pansamantala mo munang hindi makikita ang araw.” At biglang nagdilim ang paningin ni Elimas, nagsimula siyang lumibot na humihiling sa mga tao na siya ay akayin sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.

    12 Pagkatapos na makita ng gobernador kung ano ang nangyari, siya ay naniwala, dahil namangha siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.

  27. 10 Ang demonyo, na siyang nanlinlang sa kanila, ay itinapon sa lawa ng nasusunog na asupre, kung saan ang halimaw at ang mga bulaang propeta ay itinapon. Sila ay pahihirapan umaga at gabi magpakailan pa man.

  28. 11 Paanong hindi ninyo naintindihan na hindi ako nagsasalita sa inyo tungkol sa tinapay? “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at Saduseo.”

    12 Pagkatapos naintindihan nila na sila ay hindi pinag-iingat sa lebadura sa tinapay, kundi upang mag-ingat sa itinuturo ng mga Pariseo at mga Saduseo.

  29. 8 Tiyakin ninyong walang huhuli sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at ang walang kabuluhang pagmamayabang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga elemento ng mundo, at hindi naaayon kay Cristo.

  30. 8 Pagkatapos ang taong suwail ay maihahayag, na siyang papatayin ng ating Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Dadalhin siya sa kawalan ng ating Panginoon sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagdating.

    9 Ang pagdating ng isang Suwail ay dahil sa gawain ni Satanas ng may buong kapangyarihan, tanda, at mga maling himala, 10 at panloloko ng kasamaan. Ang mga bagay na ito ay para sa mga napapahamak, dahil hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan para sila ay maligtas. 11 dito, ipinapadala ng Diyos sa kanila ang gawa ng kamalian upang sila ay maniwala sa kasinungalingan. 12 Ang resulta nito ay mahahatulan silang lahat, ang mga hindi naniwala sa katotohanan sa halip ay nahumaling sa kasamaan.

  31. 16 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: Tingnan mo palalayasin na kita sa mundong ito. Mamamatay ka sa taon na ito, yamang ipinahayag mo ang paghihimagsik laban kay Yahweh.”

    17 At namatay si Ananias na propeta sa ika-pitong buwan sa taong iyon.

  32. 8 Sapagkat si Yahweh ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito, 'Huwag ninyong hayaan na linlangin kayo ng inyong mga propeta at inyong mga manghuhula na nasa inyong kalagitnaan at huwag kayong makining sa mga panaginip na mayroon kayo. 9 Sapagkat nagpapahayag sila ng panlilinlang sa inyo sa aking pangalan. Hindi ko sila ipinadala, ito ang pahayag ni Yahweh.'

  33. 28 At pinintahan pa siya ng kaniyang mga propeta gamit ang apog na pampinta; mga huwad ang kanilang mga pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga ipinapahayag sa kanila, ang sinasabi nila “ Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh” kahit hindi naman nagsalita si Yahwehi!

  34. 5 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking mga tao: “Sapagkat sinasabi nila sa mga nagpapakain sa kanila, 'Magkakaroon ng kasaganaan.' Ngunit para sa mga walang maisubo sa kanilang mga bibig, nagsisimula sila ng isang digmaan laban sa kaniya. 6 Kaya, ito ay magiging gabi sa inyo na hindi na kayo magkakaroon ng pangitain; ito ay magiging madilim upang hindi kayo makapanghuhula. Lulubog ang araw sa mga propeta at magdidilim ang umaga sa kanila. 7 Mapapahiya ang mga propeta at malilito ang mga manghuhula. Tatakpan nilang lahat ang kanilang mga labi, sapagkat walang sagot na magmumula sa akin.”

  35. 2 At mangyayari ito sa araw na iyon, “—ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo—”na tatanggalin ko ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan mula sa lupain upang hindi na sila maalala kailanman. Palalabasin ko rin sa lupain ang mga bulaang propeta at ang kanilang maruming espiritu.

    3 Kung magpapatuloy sa pagpapahayag ang sinuman, sasabihin sa kaniya ng kaniyang ama at ina na siyang nagsilang sa kaniya, 'Hindi ka mabubuhay, sapagkat nagsalita ka ng kasinungalingan sa pangalan ni Yahweh!' At ang ama at ina na siyang nagsilang sa kaniya ang sasaksak sa kaniya kapag magpapahayag siya.

    4 At mangyayari ito sa araw na iyon na ang bawat propeta ay ikakahiya ang kaniyang pangitain kapag siya ay magpapahayag na. Ang mga propetang ito ay hindi na magsusuot kailanman ng mabalahibong balabal, upang linlangin ang mga tao. 5 Sapagkat sasabihin ng bawat isa, 'Hindi ako isang propeta! Isa akong lalaking nagtatrabaho sa lupa, sapagkat ang lupa ay naging trabaho ko na nang ako ay binata pa lamang!' 6 Ngunit may isang magsasabi sa kaniya, 'Ano ang mga sugat na ito sa pagitan ng iyong mga braso?' at sasagot siya, 'Ako ay nasugatan nang nasa bahay ako ng aking mga kaibigan.”'

  36. 22 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at bulaang mga propeta at magbibigay ng mga himala at kababalaghan upang linlangin, kung maaari, maging ang mga hinirang. 23 Maging mapagbantay kayo! Ngayon pa lang ay sinabi ko na ang mga bagay na ito sa inyo.

  37. 2 Sapagkat ako ay naninibugho sa inyo. Ako ay may maka-diyos na panibugho sa inyo sapagkat ipinangako ko kayo na mapangasawa ng isang lalaki. Ako ay nangako na ihaharap kayong dalisay na birhen kay Cristo.

    3 Ngunit ako ay natatakot na baka katulad ni Eba, kayo ay malinlang ng ahas sa kaniyang pagiging tuso, at ang inyong kaisipan ay maaring mailayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo. 4 Sapagkat ipagpalagay na may dumating at ipahayag ang ibang Jesus liban sa aming ipinangaral. O ipagpalagay na kayo ay tumanggap ng ibang espiritu liban sa inyong tinanggap. O ipagpalagay na kayo ay tumanggap ng ibang ebanghelyo liban sa inyong tinanggap. Labis na ninyong pinapayagan ang mga ganitong bagay!

  38. 20 Una ninyong alamin ito, na ang nasusulat na propesiya ay hindi nagmula sa mismong pangangatwiran ng propeta. 21 Sapagkat walang anumang propesiya ang nagmula sa kalooban ng tao, kundi sa pamamagitan ng tao, sa ilalim ng Banal na Espiritu na siyang nagsalita mula sa Diyos.

  39. 9 Kung sinuman ang nauuna at hindi nananatili sa katuruan ni Cristo ay walang Diyos. Siya na nananatili sa katuruan ay nasa kanya pareho ang Ama at ang Anak.

    10 Kung sinuman ang lumapit sa inyo at hindi dala ang katuruang ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong bahay at huwag ninyo siyang batiin.

  40. 3 Minamahal, habang sinisikap kong sumulat sa inyo tungkol sa ating pangkalahatang kaligtasan, kailangang sulatan ko kayo upang hikayatin kayo na magsumikap para sa pananampalataya na minsan nang ibinigay sa lahat ng mga naniniwala. 4 Dahil may ibang mga tao na palihim na nakisama sa kalagitnaan ninyo—mga taong tinatakan ng paghahatol - mga taong walang Diyos na inililihis ang biyaya ng Panginoon patungo sa kahalayan at itinatanggi ang ating nag-iisang Panginoon at Diyos na si Jesu- Cristo.

  41. 13 Nakita ko ang tatlong maruruming mga espiritu na tulad ng mga palaka na lumalabas mula sa bibig ng dragon, ng halimaw, at ng bulaang propeta. 14 Dahil sila ay mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga kamangha-manghang tanda. Pupunta sila para tipunin ang mga hari ng buong mundo para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos, siya na namumuno sa lahat.

  42. 10 Pumunta ako sa bahay ni Semaya anak ni Delaias anak ni Mehetabel, na nananatili sa kanyang tahanan. Sinabi niya, “Sama-sama tayong magpulong sa tahanan ng Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo, dahil darating sila para patayin ka. Sa gabi, darating sila para patayin ka.”

    11 Sumagot ako, “Tatakas ba ang isang lalaking katulad ko? At ang isa bang lalaking tulad ko ay papasok sa templo para lang manatiling buhay? Hindi ako papasok.”

    12 Napag-isip-isip ko na hindi ang Diyos ang nagpadala sa kanya, kundi nagpropesiya siya laban sa akin. Binayaran siya nina Tobias at Sanbalat. 13 Binayaran nila siya para takutin ako, para gawin ko kung ano ang sinabi niya at magkasala, para mabigyan nila ako ng masamang pangalan para hiyain ako.

    14 Alalahanin mo sina Tobias at Sanbalat, aking Diyos, at lahat ng ginawa nila. Alalahanin mo rin ang babaeng propetang si Noadias at ang iba pang mga propeta na sinubukan akong takutin.

  43. 15 Ang mga pinuno at ang mga mayayaman ay ang ulo; at ang propetang nagtuturo ng kasinungalingan ay ang buntot. 16 Inililigaw sila ng mga taong nangunguna sa kanila, at ang mga sumunod ay nilamon.

  44. 11 Humahatol ang inyong mga pinuno para sa isang suhol, nagtuturo ang inyong mga pari para sa isang gantimpala at nanghuhula ang inyong mga propeta para sa pera. Gayunman, umaasa kayo kay Yahweh at sinasabi, “Hindi ba't kasama natin si Yahweh? Walang darating sa atin na kapahamakan.”

  45. 2 Sapagkat nagsasabi ng kasinungalingan ang mga diyus-diyosang nasa sambahayan; nagsasabi ang mga manghuhula ng pangitaing kasinungalingan; nagsabi sila ng mga mapanlinlang na mga panaginip at nagbibigay ng aliw na walang kabuluhan. Kaya naliligaw sila na kagaya ng tupa at nagdurusa dahil walang pastol.

  46. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduseo.”

  47. 20 Nabihag ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa kaniyang presensya. Gamit ang mga tandang ito nilinlang niya ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at silang sumamba sa kaniyang imahe. Ang dalawa sa kanila ay inihagis nang buhay sa dagat-dagatang apoy ng nasusunog na asupre.

  48. 13 Sapagkat mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, ang bawat isa sa kanila ay makasarili para sa hindi tapat na kapakinabangan. Mula sa propeta hanggang sa pari, ang bawat isa sa kanila ay nandaraya.