28 Bible Verses About Dreams

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Dreams
  1. 11 Sila ay pumunta sa bahay at kanilang nakita ang bata kasama ng kaniyang inang si Maria. Yumukod sila at sumamba sa kaniya. Binuksan nila ang kanilang mga kayamanan at inihandog nila ang kanilang mga kaloob na ginto, kamanyang, at mira.

    12 Binalaan sila ng Diyos sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya umiba sila ng daan pauwi sa kanilang bayan.

    13 Pagkatapos nilang umalis, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Jose sa panaginip at sinabi, “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas kayo patungong Egipto. Manatili kayo doon hanggang sa sasabihin ko, sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin siya”.

    14 Sa gabing iyon, bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at umalis patungong Egipto.

  2. 1 Kung may lilitaw sa inyo na isang propeta o isang nagbibigay kahulugan sa mga panaginip, at kung siya ay magbibigay sa inyo ng isang palatandaan o isang himala, 2 at kung darating ang tanda o ang himala, kung saan siya ay nagsalita sa inyo at sinabing, 'Sumunod tayo sa ibang mga diyus-diyosan, na hindi ninyo kilala, at sambahin natin sila,' 3 huwag makinig sa mga salita ng propetang iyon, o ng mga nagbibigay kahulugan sa mga panaginip; dahil sinusubukan kayo ni Yahweh na inyong Diyos para malaman kung mahal ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at buong kaluluwa. 4 Maglalakad kayo kasunod ni Yahweh na inyong Diyos, parangalan siya, susundin ang kaniyang mga kautusan, at sumunod sa kaniyang boses, at sambahin ninyo siya at kumapit sa kaniya.

    5 Ilalagay sa kamatayan ang propeta o nagbibigay kahulugan sa mga panaginip na iyon, dahil nagsasalita siya ng paghihimagsik laban kay Yahweh na inyong Diyos, ang siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, at ang siyang tumubos sa inyo palabas sa bahay ng pagkaalipin. Gusto kayong ilayo ng propetang iyon sa daan kung saan kayo inutusang lumakad ni Yahweh na inyong Diyos. Kaya alisin ninyo ang kasamaan mula sa inyo.

  3. 1 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip. Naguluhan ang kaniyang isip, at hindi siya makatulog. 2 At ipinatawag ng hari ang mga salamangkero at ang mga nagsasabing nakakausap ang patay. Ipinatawag din niya ang mga mangkukulam at matatalinong kalalakihan. Nais niya na sabihin nila sa kaniya ang tungkol sa kaniyang mga panaginip. Kaya dumating sila at tumayo sa harapan ng hari. 3 Sinabi ng hari sa kanila, “Nagkaroon ako ng isang panaginip, at nababahala ang aking isipan na malaman ang kahulugan ng panaginip.”

    4 Pagkatapos, nagsalita ang matatalinong kalalakihan sa wikang Aramaico, “Hari, mabuhay ka magpakailanman! Sabihin mo ang panaginip sa amin, ang inyong mga lingkod at ihahayag namin ang kahulugan.”

  4. 3 Pero kinagabihan, pumunta ang Diyos kay Abimelech sa kanyang panaginip at sinabi sa kanya, “Masdan mo, ikaw ay mamamatay dahil sa babae na kinuha mo dahil siya ay asawa ng lalaki.”

    4 Ngayon, hindi nilapitan ni Abimelech si Sarah at sinabi niya, “Panginoon, papatayin mo rin ba ang matuwid na bansa? 5 Hindi ba sinabi niya mismo sa akin, 'Kapatid ko siya?'Kahit si Sarah, sinabi niya rin mismo sa akin na, 'Kapatid ko siya.' Nagawa ko ito sa katapatan ng aking puso at kamusmusan ng aking mga kamay.”

    6 Pagkatapos, sinabi ng Diyos sa kanya sa panaginip, “Oo, alam ko na sa katapatan ng iyong puso na nagawa mo ito at hindi ko hinayaang magkasala ka sa akin. Kaya hindi ko hinayaang mahawakan mo siya. 7 Kaya ibalik mo ang asawa ng lalaki, dahil siya ay isang propeta. Ipananalangin ka niya at mabubuhay ka. Pero kung hindi mo siya ibabalik, alam mo na ikaw at ang lahat ng nasa iyo ay tiyak na mamamatay.”

  5. 12 Nanatili sa tabi ng lambak ang mga Midianita, ang mga Amalekita at lahat ng tao ng silangan, singkapal ng ulap ng mga balang. Higit pa sa kayang bilangin ang kanilang mga kamelyo; higit na marami ang bilang nila kaysa sa mga butil ng buhangin sa baybayin. 13 Nang dumating si Gideon doon, isang lalaki ang nagsasabi ng isang panaginip sa kaniyang kasama. Sinabi ng lalaki, “Tingnan mo! mayroon akong isang panaginip at nakita ko ang isang bilog na piraso ng tinapay na sebada ang gumugulong papunta sa kampo ng Midianita. Dumating ito sa tolda at tumama nang napalakas, bumagsak at natiwarik ito, kaya lumagapak ito.”

    14 Sinabi ng ibang lalaki, “Walang iba ito kundi ang espada ni Gideon (anak na lalaki ni Joas), ang Israelita. Binigyan siya ng Diyos ng tagumpay laban sa Midian at sa lahat ng kanilang mga hukbo.”

    15 Nang marinig ni Gideon ang muling pagsasalaysay ng panaginip at ang kahulugan nito, nagpatirapa siya sa pagsamba. Bumalik siya sa kampo ng Israel at sinabi, “Bumangon kayo! Binigyan kayo ni Yahweh ng tagumpay laban sa mga hukbo ng Midian.”

  6. 19 Nang si Herodes ay namatay, masdan ito, nagpakita sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa Egipto at sinabi, 20 “Bumangon ka at kunin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat ang mga naghahangad sa buhay ng bata ay patay na.”

    21 Bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at tumungo sila sa lupain ng Israel. 22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao na ang naghahari sa Judea kapalit ng kaniyang ama na si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Pagkatapos siyang balaan ng Diyos sa panaginip, umalis siya patungo sa rehiyon ng Galilea

  7. 1 Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan naroon ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan.

    2 Ito ang mga pangyayari tungkol kay Jacob. Nang labimpitong taong gulang pa lang si Jose, nagbabantay siya ng kawan kasama ang kanyang mga kapatid. Kasama niya ang mga anak na lalaki ni Bilhah at mga anak na lalaki ni Zilpah, mga asawa nang kanyang ama. Nagdala si Jose ng hindi kanais-nais na balita tungkol sa kanila sa kanilang ama.

    3 Minahal ni Israel si Jose nang mas higit sa lahat ng kanyang anak na lalaki dahil siya ang anak niya sa katandaan. Ginawan siya nang isang magandang damit. 4 Nakita ng kanyang mga kapatid ang pagmamahal ng kanilang ama na mas higit kaysa sa lahat niyang kapatid na lalaki. Siya ay kinamuhian nila at hindi nakikipag-usap nang maayos.

    5 Nanaginip si Jose ng isang panaginip, at sinabi niya sa kanyang mga kapatid ang tungkol dito. Lalo pa nila siyang kinamuhia. 6 Sinabi niya sa kanila, “Pakiusap makinig kayo sa panaginip na aking napanaginipan. 7 Masdan ninyo, itinatali natin ang mga bigkis ng mga butil sa bukid at masdan ninyo, tumayo ang aking bigkis at tumuwid, at masdan ninyo, pumalibot ang inyong mga bigkis at yumuko sa aking bigkis.

    8 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Magiging hari ka ba talaga namin? Mamumuno ka sa amin? “Lalo siyang kinamuhian dahil sa kanyang mga panaginip at sa kanyang mga salita.

    9 Nanaginip siya ulit ng panaginip at sinabi niya ito sa kanyang mga kapatid. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, nanaginip ako ng ibang panaginip: Ang araw at ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko pababa sa akin.”

    10 Sinabi niya ito sa kanyang ama pati sa kanyang mga kapatid, at pinagsabihan siya ng kanyang ama. Sinabi niya sa kanya, “Ano itong panaginip na napaginipan mo? Talaga bang lalapit ang iyong ina, ako at ang mga kapatid mo para yumuko sa iyo sa lupa?” 11 Nainggit sa kanya ang kanyang mga kapatid, pero ang kanyang ama ay itinago ang bagay sa kanyang isip.

  8. 6 Sinabi ni Yahweh, “Ngayon makinig kayo sa aking mga salita. Kapag kasama ninyo ang aking propeta, inihahayag ko ang aking sarili sa kaniya sa mga pangitain at nagsasalita ako sa kaniya sa mga panaginip.

  9. 19 Si Jose na asawa niya ay isang matuwid na tao, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria sa mga tao. Kaya palihim niyang tinapos ang kasunduan niyang magpakasal sa kaniya.

    20 Habang iniisip ni Jose ang mga bagay na ito, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang kaniyang pinagbubuntis ay sa Banal na Espiritu. 21 Isisilang niya ang isang anak na lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao mula sa mga kasalanan nila.”

    22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang mga sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23 “Masdan ito, magdadalang tao ang isang birhen at magsisilang ng isang lalaki at tatawagin nilang Emmanuel”— na nangangahulugang, “kasama natin ang Diyos.”

    24 Nagising si Jose mula sa kaniyang pagkakatulog at ginawa niya ang iniutos ng anghel ng Panginoon sa kaniya at kinuha niya si Maria bilang asawa niya.

  10. 12 Siya ay nanaginip at nakakita ng hagdanang itinayo sa mundo. Ang tuktok nito ay umaabot sa langit at ang mga anghel ng Diyos ay akyat-panaog doon. 13 Masdan, si Yahweh ay nakatayo sa ibabaw niyon at nagsabi, “Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang hinihigaan mo, ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan. 14 Ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging tulad ng alikabok sa mundo, at ikaw ay kakalat sa kanluran, sa silangan, sa hilaga, at sa timog. Sa iyo at iyong mga kaapu-apuhan, ang lahat ng mga pamilya sa mundo ay pagpapalain. 15 Masdan mo, kasama mo ako, iingatan kita saan ka man magpunta. Dadalhin kitang muli sa lupaing ito; dahil hindi kita iiwan. Tutuparin ko ang lahat ng naipangako ko sa iyo.”

    16 Si Jacob ay nagising mula sa kanyang pagtulog at sinabi nya, “Tunay nga na si Yahweh ay nasa lugar na ito, at hindi ko iyon alam.” 17 Natakot siya at nagsabi, “Nakakikilabot naman ang lugar na ito! Ito ay walang iba kundi ang tahanan ng Diyos. Ito ang tarangkahan ng langit.”

  11. 14 Minsan nang nagsalita ang Diyos - oo, dalawang beses, bagama't hindi ito napapansin ng tao. 15 Sa panaginip, sa pangitain sa gabi, kapag mahimbing na natulog ang mga tao ay dumating, sa pagkakatulog sa higaan - 16 pagkatapos binubuksan ng Diyos ang mga tainga ng tao, at tatakutin sila ng mga banta, 17 para hilahin sila mula sa kaniyang makasalanang mga layunin, at ilayo ang kayabangan sa kaniya. 18 Nilalayo ng Diyos ang buhay ng tao mula sa hukay, ang buhay niya mula sa pagtawid sa kamatayan.

  12. 26 Sinabi ng hari kay Daniel (na tinatawag na Beltesazar), “May kakayahan ka bang sabihin sa akin ang panaginip na nakita ko at ang kahulugan nito?”

    27 Sumagot si Daniel sa hari at sinabi, “Ang hiwagang pangagailangan ng hari ay hindi maihahayag sa pamamagitan ng mga may karunungan, ni sa pamamagitan ng mga nagsasabi na nakikipag-usap sa patay, ni sa mga salamangkero, at hindi sa mga manghuhula. 28 Gayon pa man, mayroong isang Diyos na naninirahan sa langit, na naghahayag ng mga lihim, at ipinaalam niya sa iyo, Haring Nebucadnezar kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw. Ang iyong panaginip at mga pangitain ng iyong isip habang nakahiga ka sa iyong higaan ay ang mga ito:

  13. 28 At mangyayari pagkatapos, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman, at maghahayag ng propesiya ang inyong mga anak na lalaki at babae. Mananaginip ng mga panaginip ang inyong mga matatandang lalaki, makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki. 29 Gayon din sa mga utusan at babaeng utusan, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa mga araw na iyon. 30 Magpapakita ako ng mga kamangha-mangha sa kalangitan at sa lupa ng dugo, apoy at mga haligi ng usok. 31 Magiging kadiliman ang araw at dugo ang buwan, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Yahweh.

  14. 8 Sinabi nila sa kanya, “Pareho kaming nanaginip ng isang panaginip at wala ni isa ang makapagpaliwanag nito.” Sinabi ni Jose sa kanila, “Hindi ba ang mga pagpapaliwanag ay nabibilang sa Diyos? Pakiusap, sabihin niyo sa akin.”

  15. 24 Ngayon nagpakita ang Diyos kay Laban na Aramean sa isang panaginip sa gabi at sinabi sa kanya, “Mag-ingat kang magsalita kay Jacob, kahit masama man o mabuti.”

  16. 25 Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta, doon sa mga nagpapahayag ng may panlilinlang sa aking pangalan. Sinabi nila, 'Mayroon akong isang panaginip! Mayroon akong isang panaginip!' 26 Gaano katagal ito magpapatuloy, ang mga propetang nagpapahayag ng kasinungalingan mula sa kanilang mga kaisipan, at sa mga nagpapahayag ng panlilinlang sa kanilang mga puso? 27 Binabalak nilang gawin na kalimutan ng aking mga tao ang aking pangalan ayon sa mga panaginip na kanilang ibinalita, bawat isa sa kaniyang kapwa, gaya lamang ng kanilang mga ninuno na kinalimutan ang aking pangalan alang-alang sa pangalan ni Baal.

    28 Ang propetang may panaginip, hayaang ibalita ang kaniyang panaginip. Ngunit sa isa na pinahayagan ko ng ilang bagay, ipahayag niya ng makatotohanan ang aking salita. Ano ang gagawin ng dayami sa kaniyang butil? —Ito ang pahayag ni Yahweh—

  17. 19 Nang gabing iyon, naihayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain. At pinuri ni Daniel ang Diyos ng kalangitan 20 at sinabi, “Purihin ang pangalan ng Diyos ng walang hanggan at magpakailanman; sapagkat ang karunungan at kapangyarihan ay sa kaniya. 21 Binabago niya ang mga panahon at mga kapanahunan; tinatanggal niya ang mga hari at inilalagay ang mga hari sa kanilang mga trono. Nagbibigay siya ng karunungan sa matalino at kaalaman sa mga mayroong pag-unawa. 22 Inihahayag niya ang malalim at nakatagong mga bagay dahil alam niya ang mga nasa kadiliman at ang liwanag ay nananahan sa kaniya. 23 Diyos ng aking mga ninuno, pinasasalamatan at pinupuri ko kayo para sa karunungan at kapangyarihan na ibinigay ninyo sa akin. Ngayon, ipinaalam mo sa akin kung ano ang aming ipinapanalangin sa iyo; ipinaalam mo sa amin ang bagay na nagpapaalala sa hari.”

  18. 10 Minsan sa panahon ng pagpaparami, nakita ko sa isang panaginip ang mga lalaking kambing na nakikipagtalik sa kawan. Ang mga lalaking kambing ay mga guhitan, batik-batik at may butlig. 11 Sinabi sa akin ng anghel ng Diyos sa panaginip, “Jacob.' Sumagot ako, 'Narito ako.'

    12 Sabi niya, 'Imulat mo ang iyong mga mata at tingnan mo ang lahat ng mga lalaking kambing na nagpaparami sa kawan. Sila ay mga guhitan, may batik-batik at may batik, sapagkat nakita ko ang lahat ng bagay na ginagawa ni Laban sa iyo. 13 Ako ang Diyos ng Bethel, kung saan mo binuhusan ng langis ang isang haligi, kung saan ka gumawa ng isang panata sa akin. Ngayon, tumindig ka at lisanin ang lupaing ito at bumalik sa lupain ng iyong kapanganakan.”'

  19. 5 saglit lang ang katagumpayan ng masama, at ang kagalakan ng taong hindi naniniwala diyos ay hindi nagtatagal? 6 Bagaman umabot sa kalangitan ang tangkad niya, at umabot ang ulo niya sa kaulapan, 7 pero maglalaho ang taong iyon katulad ng kaniyang dumi; sasabihin ng mga nakakita sa kaniya, 'Nasaan siya?' 8 Lilipad siya palayo tulad ng panaginip at hindi na masusumpungan; itataboy siya palayo katulad ng pangitain sa gabi.

  20. 5 Nagpakita si Yahweh sa Gibeon kay Solomon sa isang panaginip isang gabi; sinabi niya, “Humiling ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?”

  21. 9 Isang pangitain ang nakita ni Pablo ng gabing iyon: may isang lalaki na Macedonia ang nakatayo doon na tumatawag sa kaniya at nagsasabing, “Tumungo kayo dito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Nang makita ni Pablo ang pangitain, nagmamadali kaming pumunta sa Macedonia, pinatutunayan na tinawag kami ng Diyos upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

  22. 17 Para sa apat na binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at maliwanag na pagkaunawa sa lahat ng panitikan at karunungan at nauunawaan ni Daniel ang lahat ng uri ng mga pangitain at mga panaginip.

  23. 16 Nang makita ng punong panadero na ang paliwanag ay kaaya-aya, sinabi niya kay Jose, “Nagkaroon din ako ng panaginip at narito, tatlong mga sisidlan ng tinapay ang nasa aking ulo. 17 Ang nasa taas na sisidlan ay lahat ng mga uri ng mga pagkain na naluto para kay Paraon, ngunit kinain ito ng mga ibon palabas ng sisidlan na nasa aking ulo.”

    18 Sumagot si Jose at sinabi, “Ito ang paliwanag. Ang tatlong mga basket ay tatlong mga araw. 19 Sa loob ng tatlong mga araw ay itataas ni Paraon ang iyong ulo at bibitayin ka sa puno. Kakainin ng mga ibon ang iyong laman.”

  24. 25 Sinabi ni Jose kay Paraon, “Ang mga panaginip ni Paraon ay magkatulad. Kung ano ang gagawin ng Diyos, ipinahayag na niya kay Paraon. 26 Ang pitong mga mabubuting baka ay pitong taon at ang pitong mga mabubuting uhay ay pitong taon. Ang mga panaginip ay magkatulad. 27 At ang pitong payat at hindi kanais-nais na mga baka na umahon kasunod nila ay pitong taon, at saka ang pitong payat na uhay na nilanta ng silangang hangin ay magiging pitong taon ng taggutom.

    28 Iyon ang bagay na sinabi ko kay Paraon. Kung ano ang gagawin ng Diyos ipinakita na niya kay Paraon. 29 Tingnan mo, pitong taon ng dakilang kasaganahan ang darating sa buong lupain ng Ehipto. 30 Pitong taon ng taggutom ay darating pagkatapos nila at lahat ng kasaganahan ay makakalimutan sa lupain ng Ehipto at ang taggutom ay wawasak sa lupain. 31 Ang kasaganahan ay hindi na maaalala sa lupain dahil sa taggutom na susunod, dahil ito ay magiging napakalala.

  25. 9 Sinabi ng punong tagahawak ng saro kay Jose ang kanyang panaginip. Sinabi niya sa kanya, “Sa aking panaginip, narito, isang puno ng ubas ay nasa harapan ko. 10 Sa puno ng ubas ay may tatlong mga sanga. Habang ito ay sumisibol, ang mga bulaklak nito ay lumabas at ang mga buwig ng ubas ay nahinog. 11 Nasa kamay ko ang saro ni Paraon. Kinuha ko ang mga ubas at piniga ko ito sa saro ni Paraon, at nilagay ko ang saro sa kamay ni Paraon.”

    12 Sinabi ni Jose sa kanya, “Ito ang paliwanag nito. Ang tatlong mga sanga ay tatlong mga araw. 13 Sa loob ng tatlong mga araw, itataas ni Paraon ang iyong ulo at ibabalik ka niya sa iyong katungkulan. Ilalagay mo ang saro ni Paraon sa kanyang kamay, katulad noong ikaw pa ang kanyang tagahawak ng saro.

  26. 8 Kinaumagahan ay nabagabag ang kaniyang espiritu. Pinapunta niya at pinatawag ang lahat ng mga salamangkero at mga pantas ng Ehipto. Sinabi sa kanila ni Paraon ng kaniyang mga panaginip, pero walang ni isa ang makapagpaliwanag ng mga iyon kay Paraon.

    9 Pagkatapos sinabi ng punong tagahawak ng saro kay Paraon, “Ngayon naiisip ko ang aking mga pagkukulang. 10 Nagalit si Paraon sa kaniyang mga lingkod, at inilagay ako sa pangangalaga sa bahay ng kapitan ng mga bantay, ang punong panadero at ako. 11 Nanaginip kami ng isang panaginip sa parehong gabi, siya at ako. Nanaginip kami bawat tao ayon sa paliwanag ng kaniyang panaginip. 12 Doon kasama namin ang isang binatang Hebreo, na isang lingkod ng kapitan ng mga bantay. Sinabi namin sa kaniya at pinaliwanag niya sa amin ang aming mga panaginip. Ipinaliwanag niya sa bawat isa sa amin na ayon sa aming panaginip.

  27. 15 Sinabi ni Paraon kay Jose, “Mayroon akong panaginip pero walang tagapagpaliwanag nito. Pero narinig ko ang tungkol sa iyo, na kapag makarinig ka ng panaginip ay maipapaliwanag mo ito. ”

    16 Sinagot ni Jose si Paraon, sinabing, “Hindi ito nasa akin. Ang Diyos ang sasagot kay Paraon na may kagandahang loob.”

  28. 10 Ngayon may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias; at ang Panginoon ay nangusap sa kaniya sa pamaamgitan ng isang pangitain, “Ananias” At sinabi niya, “Tingnan mo, narito ako, Panginoon.”

    11 Sinabi ng Panginoon sa kaniya,”Tumayo ka, at pumunta ka sa kalye na kung tawagin ay Matuwid, at tanungin mo sa tahanan ni Judas ang lalaking galing sa Tarsus na ang pangalan ay Saulo; sapagkat siya ay nananalangin; 12 at nakita niya sa pangitain ang lalaking nagngangalang Ananias na dumarating at nagpapatong ng kamay nito sa kaniya, upang siya ay makakita.”