43 Bible Verses About Doubt
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan.
5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8 ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at pabagu-bago sa lahat ng kaniyang ginagawa.
-
19 Kinagabihan ng araw na iyon na unang araw ng linggo, at habang nakasara ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20 Nang sinabi niya ito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. At nang makita ng mga alagad ang Panginoon, nagalak sila.
21 At muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo. Kung paano ako isinugo ng Ama, gayun din ko kayo sinusugo.” 22 Nang sinabi ito ni Jesus, hiningahan niya sila, at sinabi sa kanila, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung kanino mang kasalanan ang inyong patatawarin, ang mga ito ay pinatatawad para sa kanila; kung kanino mang mga kasalanan ang inyong pinanatili, ang mga ito ay mananatili.”
24 Si Tomas, na isa sa Labindalawa, na tinatawag na Didimo, ay hindi nila kasama nang si Jesus ay dumating. Paglaon ay sinabi ng iba pang mga alagad sa kaniya, 25 “Nakita namin ang Panginoon.” Sinabi niya sa kanila, “Maliban na makita ko ang mga bakas ng mga pako sa kaniyang mga kamay, at mailagay ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako maniniwala.”
26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ang mga alagad at si Tomas ay kasama nila. Dumating si Jesus habang ang mga pinto ay nakasara, tumayo sa gitna nila at sinabi, “Nawa ang kapayapaan ay sumainyo.”
27 At sinabi niya kay Tomas, “Iabot mo dito ang iyong daliri at tingnan ang aking mga kamay; iabot mo rito ang iyong mga kamay at ilagay sa aking tagiliran; huwag maging walang pananampalataya ngunit maniwala ka.”
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya, “Aking Panginoon at aking Diyos.”
29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Dahil nakita mo ako, ikaw ay naniwala”. Pinagpala silang mga hindi nakakita ngunit naniwala.”
-
20 Nang dumaan sila kinaumagahan, nakita nilang nalanta na ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ito ni Pedro at sinabi, “Rabi, tignan mo! Nalanta ang puno ng igos na sinumpa mo.”
22 Sinagot sila ni Jesus, “Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na kung sinuman ang magsasabi sa bundok na ito na, ''Mapataas ka at ihagais mo ang iyong sarili sa dagat,' at kung hindi siya magdududa sa kaniyang puso ngunit naniniwala siyang mangyayari ang sinabi niya, iyon ang gagawin ng Diyos. 24 Kaya sinasabi ko ito sa inyo: Ang lahat ng inyong ipapanalangin at hinihiling, maniwala kayong natanggap na ninyo, at ito ay mapapasa-inyo.
25 Kapag tumayo ka at mananalangin, kailangan mong patawarin ang kahit na anong mayroon ka laban sa kahit na sino, nang sa gayon ay mapatawad din ng inyong Amang nasa langit ang iyong mga pagsuway.”
-
17 At iniwan sila ni Jesus at nagtungo sa lungsod ng Betania at natulog doon.
18 Kinaumagahan nang pabalik na si Jesus sa lungsod, nagutom siya. 19 Nakakita siya ng puno ng igos sa tabi ng daan. Pinuntahan niya ito, subalit wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. At sinabihan niya ito, “Hindi ka na magbubunga mula ngayon at magpakailan man.” Kaagad-agad ang puno ng igos ay natuyo.
20 At nang makita ito ng kaniyang mga alagad, namangha sila at sinabi, “Paanong ang puno ng igos ay kaagad-agad na natuyo?”
21 Sumagot at sinabi ni Jesus sa kanila, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-alinlangan, hindi lang ninyo magagawa kung ano ang nangyari sa puno ng igos, maaari ninyo ring sabihin sa burol na ito, 'Maiangat ka at maihagis sa dagat,' at ito ay magaganap. 22 Lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin na may paniniwala, matatanggap ninyo.”
-
28 Sumagot si Pedro sa kaniya at sinabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo akong pumunta sa iyo sa tubig.”
29 Sinabi ni Jesus, “Halika.” Kaya bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang napansin ni Pedro ang hangin, siya ay natakot. Habang siya ay nagsimulang lumubog, sumigaw siya at sinabi, “Panginoon, iligtas mo ako!”
31 Kaagad iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at inabot si Pedro at sinabi sa kaniya, “Ikaw na may maliit na pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
32 At nang sumakay si Jesus at Pedro sa bangka, huminto ang hangin sa pag-ihip. 33 At ang mga alagad sa bangka ay sumamba kay Jesus at sinabi, “Tunay ngang ikaw ang Anak ng Diyos.”
-
5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan.
-
23 Ang nagdududa ay hinahatulan kung siya ay kakain, dahil hindi ito mula sa pananampalataya. At ang anumang hindi mula sa pananampalataya ay kasalanan.
-
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “'Kung may magagawa'? Ang lahat ay magagawa sa mga naniniwala.”
24 Agad na sumigaw ang ama ng bata at nagsabi, “Naniniwala ako! Tulungan mo ang aking kawalan ng paniniwala!”
-
16 Ngunit ang labing-isa na mga alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na kung saan itinuro ni Jesus sa kanila. 17 Nang siya ay nakita nila, sinamba nila siya, ngunit ang iba ay nag-alinlangan.
-
11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo. Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.
14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang.
-
36 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung binabalak mo akong gamitin para iligtas ang Israel, gaya ng sinabi mo— 37 Tingnan mo, inilalagay ko ang isang tela na gawa sa balahibo ng tupa sa giikang palapag. Kapag merong hamog sa balahibo ng tupa lamang, at tuyo sa lahat ng lupa, kung gayon malalaman ko na gagamitin mo ako para iligtas ang Israel, gaya ng sinabi mo.”
38 Ito ang nangyari—Bumangon si Gideon ng maaga nang sumunod na araw, piniga niyang sabay ang balahibo ng tupa, at piniga ang hamog mula sa balahibo ng tupa, tama lamang para punuin ang isang mangkok ng tubig.
39 Pagkatapos sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag kang magalit sa akin, magsasalita ako ng isa pang beses. Pakiusap pahintulutan mo ako ng isa pang pagsubok gamit ang balahibo ng tupa. Sa pagkakataong ito gawing tuyo ang balahibo ng tupa, at hayaang mayroong hamog sa lahat ng lupa sa palibot nito.”
40 Ginawa ng Diyos ang anumang kaniyang hiningi para sa gabing iyon. Ang balahibo ng tupa ay tuyo, at mayroong hamog sa lahat ng lupa sa palibot nito.
-
23 Nang sumakay na si Jesus sa bangka, sumunod sa kaniya ang mga alagad niya. 24 Masdan ito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa dagat kaya natabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog si Jesus. 25 Pumunta sa kaniya ang kaniyang mga alagad at siya ay ginising nila na nagsasabi, “Iligtas mo tayo, Panginoon, mamamatay na tayo!”
26 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot, kayong maliit ang pananampalataya?” At bumangon si Jesus at sinaway ang mga hangin at ang dagat. At nagkaroon ng labis na katahimikan.
27 Namangha ang mga lalaki at sinabi nila, “Anong uring tao ito, maging ang dagat at hangin ay sumusunod sa kaniya?”
-
37 Ngunit sila ay nasindak at napuno ng takot, at inakala nila na espiritu ang kanilang nakita.
38 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo naguguluhan? Bakit may mga katanungan sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, na ako talaga ito. Hawakan ninyo ako at tingnan ninyo. Sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
-
1 Ngayon ang pananampalataya ay ang katiyakan ng sino man kung siya ay nagtitiwalang naghihintay sa isang bagay. Ito ang katiyakan tungkol sa hindi pa nakita.
-
1 Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, “Talaga bang sinabi ng Diyos, “Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?”
2 Sinabi ng babae sa ahas, “Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin, 3 pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, “Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'”
4 Sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”
6 At nang nakita ng babae na ang puno ay mabuti para sa pagkain at kaaya-aya sa paningin, at ang puno ay kanais-nais para gawing matalino ang isang tao, kumuha siya ng bunga nito at kinain ito. At binigyan niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain niya ito.
-
28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.
-
14 Pagbalik nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit ang isang tao at lumuhod sa kaniyang harapan, at sinabi, 15 “Panginoon, mahabag kayo sa aking anak na lalaki, sapagkat siya ay may epilepsiya at lubhang nahihirapan. Sapagkat madalas siyang nahuhulog sa apoy o sa tubig. 16 Dinala ko siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila siya mapagaling.
17 Sumagot si Jesus at sinabi, “Kayong salinlahi na walang pananampalataya at mga baluktot, hanggang kailan ba ako mananatili kasama ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.” 18 Sinaway siya ni Jesus at umalis ang demonyo sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.
19 Pagkatapos nito sarilinang lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi, “Bakit hindi namin ito mapalayas?”
20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinliit ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon,' at lilipat nga ito at walang magiging imposible sa inyo. 21 (Ngunit hindi mapapalayas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa panalangin at pag-aayuno.)
-
12 Kapag nakita ka ng mga taga-Ehipto sasabihin nilang, 'Ito ay kaniyang asawa,' at ako ay papatayin nila, pero hahayaan ka nilang mabuhay. 13 Sabihin mong ikaw ay kapatid kong babae, para mapabuti ako ng dahil sa iyo, at maliligtas ang buhay ko dahil sa iyo.”
-
21 Si Elias ay lumapit sa lahat ng tao at sinabi niya, “Gaano katagal ninyong babaguhin ang inyong kaisipan? Kung si Yahweh ay Diyos, sumunod kayo sa kaniya. Ngunit kung si Baal ay Diyos, sundin siya.” Subalit ang mga tao ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.
-
6 Naglagay siya ng mga pinunong kawal na mangangasiwa sa mga tao. Tinipon niya silang sama-sama sa kaniyang harapan sa malawak na lugar sa tarangkahan ng lungsod at pinalakas niya ang kanilang kalooban. Sinabi niya, 7 “Magpakalakas at magpakatapang kayo. Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob dahil sa hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbo na kasama niya, Sapagkat kasama natin ang mas malakas kaysa sa mga kasama niya. 8 Kawal lamang sa laman ang mga kasama niya, ngunit kasama natin si Yahweh, na ating Diyos, upang tulungan tayo, at upang makipaglaban para sa atin.” At pinalakas nila ang loob ng bawat isa ayon sa sinalita ni Ezequias, na hari ng Juda.
-
5 Nagpunta ang mga alagad sa kabilang bahagi, ngunit nakalimutang magdala ng tinapay. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7 Nagdahilan ang mga alagad sa kanilang mga sarili at sinabi, “Ito ay dahil wala tayong nadalang tinapay.”
8 Batid ito ni Jesus at sinabi, “Kayong maliit ang pananampalataya, bakit kayo nagdadahilan sa inyong mga sarili at sinasabi na ito ay dahil wala kayong nadalang tinapay? 9 Hindi pa rin ba ninyo napapansin o naaalala ang limang tinapay para sa limang-libo, at ilang mga basket na tinapay ang naipon ninyo? 10 O ang pitong basket na tinapay na para sa apat na libo at ilang mga basket ang inyong naipon? 11 Paanong hindi ninyo naintindihan na hindi ako nagsasalita sa inyo tungkol sa tinapay? “Unawain ninyo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at Saduseo.”
12 Pagkatapos naintindihan nila na sila ay hindi pinag-iingat sa lebadura sa tinapay, kundi upang mag-ingat sa itinuturo ng mga Pariseo at mga Saduseo.
-
39 At gumising siya at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka, tigil.” Tumigil ang hangin, at nagkaroon ng labis na kapayapaan.
40 At sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Wala pa rin ba kayong pananampalataya?”
-
1 Umalis siya doon at pumunta siya sa kaniyang sariling bayan at sumunod ang kaniyang mga alagad. 2 Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kaniya at namangha sila. Sinabi nila, “Saan niya nakuha ang mga katuruang ito?” “Ano itong karunungan na naibigay sa kaniya?” “Ano itong mga himala na nagagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay?”. 3 “Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba't kasama natin ang kaniyang mga kapatid na babae dito?” At sumama ang kanilang loob kay Jesus.
4 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay hindi nawawalan ng parangal, maliban sa kaniyang sariling bayan at sa kaniyang mga kamag-anak at sa kaniyang sariling sambahayan.” 5 Hindi siya makagawa ng kahit na anong makapangyarihang gawain, maliban lamang sa pagpatong ng kaniyang mga kamay sa ilang may sakit at pagalingin sila.
6 Ikinamangha niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya. At naglibot siyang nagtuturo sa mga nayon.
-
13 Sapagkat ang pangako na naibigay kay Abraham at pati na rin sa kaniyang mga kaapu-apuhan ay hindi sa pamamagitan ng kautusan, ang pangakong ito na sila ang magiging mga tagapagmana ng mundo. Sa halip ay sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Sapagkat kung ang mga kabilang sa kautusan ay tagapagmana, ang pananampalataya ay walang kabuluhan, at mawawalan ng bisa ang pangako. 15 Sapagkat matinding galit ang naibibigay ng kautusan, ngunit kung saan walang kautusan, wala ring pagsuway.
16 Sa kadahilanang ito, nangyayari ito sa pamamagitan ng pananampalataya, upang ito ay sa pamamagitan ng biyaya. Ang kalalabasan, ang pangako ay tiyak para sa lahat ng mga kaapu-apuhan. At hindi lamang ang mga nakakaalam sa kautusan ang makakabilang sa mga kaapu-apuhan na ito, kundi pati na rin ang mga nagmula sa pananampalataya ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat, 17 tulad ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Naroon si Abraham sa presensiya ng kaniyang pinagkakatiwalaan, iyon ay ang Diyos, na nagbibigay buhay sa mga patay at lumilikha sa mga bagay na wala pa.
18 Sa kabila ng lahat ng mga pangyayari, nagtiwala ng lubusan si Abraham sa Diyos para sa hinaharap. Kaya naging ama siya ng maraming bansa, tulad ng sinabi, “... Magiging ganoon ang iyong mga kaapu-apuhan.” 19 Hindi siya mahina sa pananampalataya. Kinilala ni Abraham na patay na ang kaniyang katawan sapagkat mag-iisandaang taon na siya. Kinilala rin niya ang pagiging patay ng bahay-bata ni Sara. 20 Ngunit dahil sa pangako ng Diyos, hindi nag-alinlangan si Abraham sa pananampalataya. Sa halip, napalakas siya sa pananampalataya at nagbigay papuri sa Diyos. 21 Lubos siyang naniwala na kung ano ang ipinangako ng Diyos, kaya din niyang tuparin. 22 Kung kaya ito ay itinuring sa kaniya bilang katuwiran.
23 Ngayon, hindi ito isinulat para lamang sa kaniyang kapakinabangan, na ibinilang sa kaniya. 24 Ito rin ay isinulat para rin sa atin, na ibibilang, tayong nanampalataya sa kaniya na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa kamatayan. 25 Ito ang siyang ibinigay para sa ating mga kasalanan at muling binuhay para sa ating pagpapawalang-sala.
-
1 Tanggapin ang sinumang mahina ang pananampalataya, nang hindi hinahatulan ang mga pagtatalo. 2 Sa isang dako, ang isang tao ay may paniniwalang maari niyang kainin ang kahit na ano, ngunit sa kabilang dako, ang ibang mahina ay kumakain lamang ng mga gulay. 3 Huwag sanang hamakin ng taong kumakain ng kahit na ano ang taong hindi kinakain ang lahat. At ang siyang hindi kinakain ang lahat ay huwag husgahan ang taong kumakain ng lahat. Dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka, ikaw na humuhusga sa isang lingkod na pagmamay-ari ng iba? Sa harapan ng kaniyang amo siya tatayo o matutumba. Ngunit siya ay patatayuin, dahil nagagawa ng Panginoon na siya ay patayuin.
-
14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.
-
8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip.
-
15 Masdan mo, kasama mo ako, iingatan kita saan ka man magpunta. Dadalhin kitang muli sa lupaing ito; dahil hindi kita iiwan. Tutuparin ko ang lahat ng naipangako ko sa iyo.”
-
4 Dahil anuman ang isinulat noong una ay para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pamamangitan ng pagpapalakas ng loob ng mga kasulatan ay magkakaroon tayo ng pag-asa.
-
13 Ang mga bagay na ito ay sinulat ko sa inyo para malaman ninyo na mayroon kayong buhay na walang hanggan-sa inyo na naniniwala sa pangalan ng Anak ng Diyos.
-
10 Sinabi niya, “Makatitiyak ka na babalik ako sa iyo sa tagsibol at makikita mo, magkakaroon ng anak na lalaki ang iyong asawa na si Sarah.” Nakikinig si Sarah sa pintuan ng tolda na nasa likod ni Abraham. 11 Ngayon matanda na nga sina Abraham at Sarah, talagang napakatanda na at nalampasan na ni Sarah ang edad kung saan hindi na maaaring magkaanak pa ang isang babae. 12 Kaya tinawanan ni Sarah ang kaniyang sarili at sinabing,” “Ngayong matanda na ako, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan, gayong ang panginoon ko ay matanda na rin?”
13 Sinabi ni Yahweh kay Abraham, “Bakit tumawa si Sarah at sinabing, 'Magkakaanak pa batalaga ako gayong matanda na ako?' 14 Mayroon bang mahirap para kay Yahweh? Pagsapit ng itinakda kong panahon, sa tagsibol, babalik ako sa iyo. Sa ganitong oras sa susunod na taon, si Sarah ay magkakaroon ng anak na lalaki.
15 Pagkatapos, itinanggi ni Sarah ito at sinabing, “Hindi ako tumawa,” dahil siya ay natakot. Sumagot si Yahweh, “Hindi, tumawa ka.”
-
9 Sumagot sa hari ang babae ng Tekoa, “Aking panginoon, hari, nawa'y sa akin at sa pamilya ng aking ama ang kasalanan. Walang kasalanan ang hari at kaniyang trono.”
-
14 Sa ibang pagkakataon, nagpakita si Jesus sa labing-isa habang nakasandal sila sa hapag, at sinaway sila dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, dahil hindi sila naniniwala sa mga nakakita sa kaniya matapos siyang bumangon mula sa mga patay.
-
9 Ang sabi ni Jesus sa kaniya, “Felipe, hindi ba matagal na akong kasama ninyo, at hindi mo pa rin ako nakikilala? Kung sinuman ang nakakita sa akin, nakakita sa Ama; paano mo nasasabi, 'Ipakita sa amin ang Ama'? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko hindi sa aking sariling kapasyahan; sa halip, ito ay ang Ama na nananahan sa akin na siyang gumagawa ng kaniyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin, na ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; o kaya, maniwala kayo sa akin dahil sa mismo kong ginagawa.
-
1 Ngayon tayong mga malalakas ang nararapat na pumasan sa mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi natin dapat bigyang-lugod ang ating mga sarili.
-
1 Ito na ang pangatlong pagkakataon na ako ay pupunta sa inyo. “Ang bawat paratang ay dapat pagtibayin ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi.”
2 Sinabi ko na sa mga nagkasala noon at sa lahat, noong ikalawang pagpunta ko riyan, at sasabihin kong muli: Sa aking pagbabalik, hindi ko na sila patatawarin. 3 Sinasabi ko ito sa inyo dahil kayo ay naghahanap ng katibayan na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina patungkol sa inyo. Sa halip, siya ay makapangyarihan sa inyo. 4 Sapagkat siya ay naipako sa kahinaan ngunit siya ay buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sapagka't kami rin ay mahina ngunit kami ay mabubuhay kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na nasa inyo.
5 Suriin ninyo ang inyong sarili upang makita ninyo kung kayo ay namumuhay sa pananampalataya. Subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo napagtanto na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? Siya ay nasa inyo maliban kung kayo ay hindi pinagtibay. 6 At ako ay nakatitiyak na kami ay makikita ninyong pinagtibay.
-
6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.
8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito.
-
6 Kung walang pananampalataya hindi maaaring bigyan ng kaluguran ang Diyos, at ang sino man na lalapit sa Diyos ay kinakailangang manalig na siya ay umiiral at gagantimpalan niya ang sino man na humahanap sa kaniya.
-
28 Saan tayo maaaring pumunta ngayon? Pinanghinaan tayo ng loob ng ating mga kapatid, na nagsasabing, 'Ang mga taong iyon ay malalaki at matataas kaysa sa atin; ang kanilang mga lungsod ay malaki at pinagtibay hanggang kalangitan; higit pa rito, nakita natin doon ang mga anak na lalaki ng Anakim.'
-
4 Ang aming mga ninuno ay nagtiwala sa iyo; nagtiwala sila sa iyo at sila ay niligtas mo. 5 Dumaing sila sa iyo at sila ay niligtas mo. Nagtiwala sila sa iyo at hindi sila nabigo.
-
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalaman ito? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay may pataw na ng maraming taon.”
19 Ang anghel ay sumagot at sinabi sa kaniya, “Ako si Gabriel na nakatayo sa presensiya ng Diyos. Ako ay inutusan upang makipag-usap sa iyo, upang iparating sa iyo ang mabuting balita. 20 Masdan mo, magiging pipi ka, hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay dahil sa hindi ka naniwala sa aking mga salita na matutupad ito sa tamang panahon.”
-
22 Ngayon, nangyari isa sa mga araw na iyon na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka, at sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa kabilang dako ng lawa.” At sila ay naglayag.
23 Ngunit sa kanilang paglalayag, si Jesus ay nakatulog, at isang bagyo na may napakalakas na hangin ang dumating sa buong lawa, at ang kanilang bangka ay nagsimulang mapuno ng tubig, at sila ay nasa matinding panganib. 24 At lumapit ang mga alagad ni Jesus sa kaniya at siya ay ginising, nagsasabi, “Panginoon! Panginoon! Tayo ay nasa bingit ng kamatayan!” Siya ay gumising at sinaway ang hangin at ang nagngangalit na tubig at ang mga ito ay humupa, at nagkaroon ng kapanatagan. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Sa pagkatakot, sila ay lubos na namangha, at sinabi sa isa't isa. “Sino nga kaya ito, na kaniyang nauutusan kahit na ang mga hangin at tubig at ang mga ito ay sumusunod sa kaniya?”
-
12 Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos. 13 Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan.
Shows Read in context, Share and Copy.