61 Bible Verses About Peace and Love

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Peace and Love
  1. 4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon.

    6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

    8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.

  2. 6 Mamumuhay ang lobo kasama ng kordero, at hihiga ang leopardo kasama ng batang kambing, guya, batang leon at pinatabang guya. Isang maliit na bata ang mamumuno sa kanila. 7 Magkasamang kakain ang baka at oso, at magkakasamang matutulog ang kanilang mga anak. Kakain ang leon ng damo gaya ng baka. 8 Makapaglalaro ang isang sanggol sa bahay ng ahas, at mailalagay ng batang hindi na sumususo sa kaniyang ina ang kaniyang mga kamay sa lungga ng ahas. 9 Hindi nila sasaktan ni wawasakin ang lahat ng banal na bundok; dahil mapupuno ang mundo ng maraming kaalaman kay Yahweh, gaya ng tubig na binabalutan ang dagat.

    10 Sa araw na iyon, titindig ang ugat ni Jesse bilang isang bandila para sa mga tao. Hahanapin siya ng mga bansa, at magiging maluwalhati ang kaniyang lugar ng kapahingahan. 11 Sa araw na iyon, muling iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay para mabawi ang nalabi sa kaniyang mga tao sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Sinar, Hamat, at mga isla sa karagatan.

  3. 28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako ay mahinahon at may mapagpakumbabang puso at makakamit ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat madali ang aking pamatok at ang aking pasanin ay magaan.”

  4. 11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  5. 27 Kapayapaan ang iiwan ko sa inyo; ibinibigay ko ang aking kapayapaan sa inyo. Hindi ko ito ibinibigay katulad ng pagbibigay ng mundo. Huwag hayaang mabalisa ang inyong puso, at huwag ito hayaang matakot.

  6. 12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.

  7. 1 Yamang napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan niya nagkaroon din tayo ng daan sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na kung saan tayo ay tumatayo. Nagagalak tayo sa pananalig na ibinibigay sa atin ng Diyos para sa hinaharap, ang pananalig na makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.

    3 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa ating mga pagdurusa. Alam natin na ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng pagsang-ayon, at ang pagsang-ayon ay nagbubunga ng katiyakan para sa hinaharap. 5 Hindi mangbibigo ang pananalig na ito, dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang ibinigay sa atin.

  8. 17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, ngunit tungkol ito sa pagiging matuwid, kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu. 18 Sapagkat ang sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay katanggap-tanggap sa Diyos at sinang-ayunan ng mga tao.

    19 Kung gayon, ipagpatuloy natin ang mga bagay ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay ng bawat isa.

  9. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus.

  10. 16 Sapagkat kung saan may paninibugho at makasariling hangaring umiiral, may pagkalito at masasamang pag-uugali.

    17 Ngunit ang karunungang mula sa itaas unang-una ay dalisay, at maibigin sa kapayapaan, mahinahon, may nag-aalab na puso, puno ng awa at mabuting bunga, walang inaayunang ibang tao, at tapat. 18 At ang bunga ng katuwiran ay naitanim sa kapayapaan alang-alang sa mga gumagawa ng kapayapaan.

  11. 16 Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag mag-isip sa mga paraang mapagmataas, ngunit tanggapin ang mga mabababang tao. Huwag maging marunong sa inyong mga sariling isipan.

    17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.

    19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”

    20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”

    21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.

  12. 3 Nanatili sa iyo ang kaisipan, pananatalihin mo siya sa ganap na kapayapaan, dahil nagtitiwala siya sa iyo. 4 Magtiwala kay Yahweh magpakailanman; dahil kay Yah, Yahweh, ay ang walang hanggang tanggulan.

  13. 33 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito upang magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Sa mundo, kayo ay mayroong mga kabalisahan, subalit lakasan ninyo ang inyong loob; napagtagumpayan ko na ang mundo.

  14. 8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala. 10 “Ang may gustong magmahal sa buhay at makakakita ng mabubuting araw ay kailangang pigilin ang kaniyang dila sa masama at ang kaniyang bibig sa pagsasabi ng kasinungalingan. 11 Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ito'y sundan. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nakikita ang matuwid at naririnig ng kaniyang tainga ang kanilang mga kahilingan. Pero ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”

  15. 165 Malaking kapayapaan ang nakakamtan ng mga nagmamahal sa batas mo, walang makatitisod sa kanila. 166 Naghihintay ako para sa iyong kaligtasan, Yahweh, at sinusunod ko ang iyong mga kautusan. 167 Sinusunod ko ang mga banal mong kautusan at labis ko itong minamahal. 168 Iniingatan ko ang mga tagubilin mo at banal na kautusan, dahil alam mo ang lahat ng ginagawa ko. TAV.

  16. 22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

    24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa.

  17. 13 Ngunit ngayon kay Cristo Jesus, kayong minsan na napalayo mula sa Diyos ay nailapit sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

    14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan. Ginawa niyang isa ang dalawa. Sa pamamagitan ng kaniyang laman sinira niya ang pader ng pagkakabaha-bahagi na humati sa atin, ang poot. 15 Binuwag niya ang mga batas ng kautusan at mga alituntunin upang maaari siyang makalikha sa kaniyang sarili ng isang bagong tao. Gumawa siya ng kapayapaan. 16 Ginawa niya ito upang ipagkasundo ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus. Sa krus inilagay niya sa kamatayan ang poot.

    17 Dumating si Jesus at nagpahayag ng kapayapaan sa inyo na mga nasa malayo at kapayapaan sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan ni Jesus mayroon tayo parehong daan sa iisang Espiritu patungo sa Ama.

    19 Kaya ngayon kayong mga Gentil hindi na kayo mga dayuhan at hindi kilala. Sa halip kayo ay mga kapwa mamamayan kasama ng mga pinili para sa Diyos at mga kasapi ng sambahayan ng Diyos.

  18. 9 Pinagpala ang mga mapagpayapa, sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.

  19. 6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. 7 Ito ay dahil sumasalungat sa Diyos ang kaisipan ng laman, sapagkat hindi ito nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi ito maaaring maging sakop. 8 Hindi kayang pasiyahin ng taong nasa laman ang Diyos.

    9 Gayunman, wala na kayo sa laman ngunit nasa Espiritu, kung totoong ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo. Ngunit kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siya ay hindi kabilang sa kaniya.

  20. 6 Dahil para sa atin, isang sanggol ang isinilang, isang anak na lalaki ang binibigay; at ang kapamahalaan ay nasa kaniyang balikat; at ang pangalang itatawag sa kaniya ay Kahanga-hangang Taga-payo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. 7 Sa paglawak ng kaniyang kapamahalaan, mananatili ang kapayapaan, habang siya ay nakaluklok sa trono ni David, sakop ang kaniyang kaharian, patatatagin niya at panatilihin ito nang may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang tutupad nito.

  21. 14 Sikapin ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at gayundin ang kabanalan na kung wala ito walang makakakita sa Panginoon. 15 Maging maingat upang walang sinuman ang hindi maisama mula sa biyaya ng Diyos, at walang ugat ng kapaitan ang tumubo upang maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan at mahawa ang marami.

  22. 11 Sa wakas, mga kapatid, kayo ay magalak! Gumawa para sa panunumbalik, maging masigla, magkaisa kayo, mamuhay ng may kapayapaan. At ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay mapapasainyo.

  23. 12 Sinong naghahangad ng buhay at naghahangad ng mahabang panahon na mabuhay at magkaroon ng magandang buhay? 13 Kung ganoon, lumayo kayo sa pagsasabi ng masama, at ilayo ang inyong mga labi sa pagsasabi ng mga kasinungalingan. 14 Tumalikod kayo sa kasamaan at gumawa ng mabuti; hangarin ninyo ang kapayapaan at ito ay palaganapin.

  24. 1 Judas, isang lingkod ni Jesu-Cristo, at kapatid na lalaki ni Santiago, sa kanilang mga tinawag, minamahal sa Diyos Ama at nanatili para kay Jesu-Cristo, 2 nawa ang awa, kapayapaan at pag-ibig ay sumagana sa inyo.

    3 Minamahal, habang sinisikap kong sumulat sa inyo tungkol sa ating pangkalahatang kaligtasan, kailangang sulatan ko kayo upang hikayatin kayo na magsumikap para sa pananampalataya na minsan nang ibinigay sa lahat ng mga naniniwala.

  25. 8 Sa kapayapaan, ako ay hihiga at matutulog, dahil tanging ikaw, Yahweh, ang nagliligtas at nagpapatiwasay sa akin.

  26. 16 Nawa ang Panginoon ng kapayapaan aymagbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng paraan. Nawa ang Panginoon ay sumainyong lahat.

  27. 13 Ngayon nawa ang Diyos ng pagtitiwala ay punuin kayo ng buong kagalakan at kapayapaan sa inyong paniniwala, upang kayo ay managana sa pagtitiwala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

  28. 1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.

    4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag. 5 At may iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat. Siya ay higit sa lahat at kumikilos sa lahat at nananatili sa lahat.

  29. 11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kaniyang bayan; Pinagpapala ni Yahweh ng kapayapaan ang kaniyang bayan.

  30. 33 Sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kalituhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng lahat ng nasa iglesya ng mga mananampalataya,

  31. 50 Ang asin ay mabuti, ngunit kung mawala ang pagka-alat nito, paano mo ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang asin sa inyong mga sarili at magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't-isa.”

  32. 20 Hindi magtatagal, ang Diyos ng kapayapaan ay dudurugin si Satanas sa ilalim ng inyong mga paa. Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

  33. 3 Kung lalakad kayo sa aking mga batas at isaisip ang aking mga utos at susundin ang mga ito, 4 Sa gayon bibigyan ko kayo ng ulan sa kapanahunan nito; mapapakinabangan ang lupain at magbibigay ang mga punong kahoy sa bukid ng kanilang mga bunga. 5 Magpapatuloy ang inyong paggiik hanggang sa panahon ng aning ubas at aabot ang aning ubas hanggang sa panahon ng pagtatanim. Kakainin ninyo ang inyong tinapay ng sagana at mamumuhay ng ligtas sa ginawa ninyong tahanan sa lupain;

    6 Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain; hihiga kayo ng walang kahit na anong kinatatakutan. Aalisin ko ang mga mababangis na hayop mula sa lupain at hindi dadaan ang espada sa inyong lupain.

  34. 7 Kapag ang pamamaraan ng isang tao ay kalugod-lugod kay Yahweh, ginagawa niya kahit na ang mga kaaway nito ay makipagbati sa kaniya.

  35. 10 Kahit na ang mga bundok ay maaring bumagsak at yayanigin ang mga burol, gayon man ang aking katapatan sa tipan ay hindi hihiwalay mula sa inyo, ni ang aking tipan ng kapayapaan ay mayayanig—sinasabi ni Yahweh, siyang naaawa sa inyo.

  36. 34 Huwag ninyong isipin na pumarito ako sa lupa upang magbigay ng kapayapaan. Hindi ako dumating upang magbigay ng kapayapaan, kundi isang espada. 35 Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.

  37. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang matinding pagdurusa ba, o pagdadalamhati, o pag-uusig, o pagkagutom, o kahubaran, o panganib, o espada? 36 Gaya ng nasusulat, “Para sa iyong kapakinabangan pinapatay kami buong araw. Itinuturing kaming tulad ng isang tupa na kakatayin.”

    37 Sa lahat ng bagay na ito, higit pa tayo sa mga manlulupig sa pamamagitan ng nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat naniniwala ako na kahit ang kamatayan, ni ang buhay, ni mga anghel, ni mga pamahalaan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, 39 ni ang kataasan, ni ang kailaliman, ni anumang bagay na nilikha, ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

  38. 4 Ang pag-ibig ay mapagpasensya at magandang loob. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit o nagyayabang. Hindi mapagmataas, 5 o hindi marahas. Hindi makasarili, hindi madaling magalit, ni nagkikimkim ng bilang na mga kamalian. 6 Hindi nagsasaya sa kalikuan. Sa halip, nagsasaya sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay kinakaya ang lahat ng mga bagay, pinaniniwalaan ang lahat, at nagtitiwala sa lahat ng mga bagay, at tinitiis ang lahat ng mga bagay.

    8 Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroon mang mga propesiya, ang mga ito ay lilipas. Kung mayroon mang pagsasalita ng wika, ang mga ito ay hihinto, at kung may kaalaman ito ay lilipas.

  39. 19 Sapagkat ang Diyos ay nalugod na ang kaniyang kaganapan ay nararapat na mamuhay sa kaniya, 20 at upang ipagkasundo sa kaniya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Anak. Gumawa ang Diyos ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang dugo sa krus. Ipinagkasundo ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili, maging ang mga bagay sa lupa o ang mga bagay sa kalangitan.

  40. 33 Nawa ay sumainyong lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.

  41. 15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa.

  42. 12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga gumagawang kasama ninyo at ang mga nakatataas sa inyo sa Panginoon at ang nagbibigay ng payo sa inyo. 13 Hinihiling din namin na pag-ukulan ninyo sila ng lubos na pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Maging payapa kayo sa bawat isa.

    14 Hinihikayat namin kayo, mga kapatid: pagsabihan ninyo ang mga magugulo, palakasin ang mga pinanghinaan ng loob, tulungan ang mahina at maging matiyaga para sa lahat.

    15 Siguraduhin ninyo na walang sinuman ang gaganti ng masama para sa masama sa sino man. Sa halip, pagsikapang matamo ang makakabuti sa bawat isa at para sa lahat.

  43. 23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ay gawin kayong ganap na banal. Nawa ang buo ninyong espiritu, kaluluwa, at katawan ay mailaan na walang bahid sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at siya rin ang gagawa ng mga ito.

  44. 10 Tumahimik kayo at kilalanin ninyo na ako ay Diyos; itatanghal ako sa ginta ng mga bansa; itatanghal ako sa mundo.

  45. 20 Mayroong panlilinlang sa puso ng mga taong nagbabalak ng kasamaan, pero kagalakan ang dumarating sa mga tagapagpayo ng kapayapaan.

  46. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya.

  47. 1 Kaya una sa lahat, ipinakikiusap ko na ang mga kahilingan, mga panalangin, mga panalangin para sa iba at mga pasasalamat ay maipaabot para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at sa lahat ng mga nasa kapangyarihan, upang tayo ay makapamuhay ng mapayapa at tahimik na may buong kabanalan at karangalan.

  48. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba.

  49. 10 Ang katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan ay nagkatagpo, ang katuwiran at kapayapaan ay hinalikan ang isa't isa.

  50. 1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao.

  51. 13 Siya na nakasusumpong ng karunungan ay masaya, siya din ay nakakuha ng kaunawaan. 14 Ang matatamo ninyo sa karunungan ay mas mabuti kaysa sa maibibigay ng pilak at ang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa ginto. 15 Ang karunungan ay mas mahalaga kaysa sa mga hiyas at wala sa mga ninanais mo ang maikukumpara sa kaniya. 16 Mayroon siyang haba ng mga araw sa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan. 17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kabaitan at lahat ng kaniyang mga landas ay kapayapaan. 18 Siya ay isang puno ng buhay sa mga humahawak dito, ang mga kumakapit dito ay masasaya.

  52. 18 Nakita ko ang kanilang mga pamamaraan, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at pagiginhawain at aaliwin ang mga nagdadalamhati para sa kaniya, 19 at nilikha ko ang bunga ng mga labi. Kapayapaan, kapayapaan, sa mga malalayo at sa mga malalapit—sinasabi ni Yahweh—pagagalingin ko sila. 20 Pero ang mga masasama ay gaya nang maalon na dagat, kung saan hindi nagpapahinga, at ang tubig nito ay umaalimbukay ng burak at putik. 21 Walang kapayapaan para sa isang masama—sinasabi ng Diyos.”

  53. 13 Kung ang bahay ay karapat-dapat, pumaroon ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, hayaan ninyong bumalik ang inyong kapayapaan sa inyo.

  54. 1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din.

  55. 11 Walang disiplina sa kasalukuyan na masaya kundi masakit. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon ito ay magbibigay ng mapayapang bunga ng katuwiran para sa sinumang nagsanay sa pamamagitan nito.

  56. 20 Ngayon nawa ang Diyos ng kapayapaan, na siyang nagbalik mula sa kamatayan ang dakilang Pastol ng mga tupa, Ang ating Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, 21 ay magbigay sa inyo ng bawat mabubuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, kumikilos sa atin na mga nakakalugod sa kaniyang paningin, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na nararapat tumanggap ng papuri magpakailan man. Amen

  57. 12 Dahil lalabas kayo ng may kagalakan at magpapatuloy ng may kapayapaan; ang mga bundok at mga burol ay mag-uumpisang sumigaw nang may kagalakan sa inyong harapan at lahat ng mga puno sa mga bukirin ay ipapalakpak ang kanilang mga kamay. Sa halip na mga matitinik na halaman, tutubo ang mga luntiang halaman;

  58. 39 At gumising siya at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka, tigil.” Tumigil ang hangin, at nagkaroon ng labis na kapayapaan.

  59. 36 Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus mismo sa kalagitnaan nila, at sinabi niya sa kanila, “Kapayapaan ay sumainyo.” 37 Ngunit sila ay nasindak at napuno ng takot, at inakala nila na espiritu ang kanilang nakita.

  60. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan.

  61. 16 At alam natin at pinaniwalaan ang pag-ibig na mayroon ang Diyos na nasa sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig, at siyang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganito ang pagmamahal ay ginawang lubos sa atin, nang sa gayon tayo ay maaring magkaroon ng kasiguraduhan sa araw ng paghuhukom, dahil gaya niya, gayon din tayo sa mundong ito.

    18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pero ang pag-ibig na lubos ay inaalis ang takot, dahil ang takot ay may kinalaman sa kaparusahan. Pero kung sinuman ang siyang natatakot ay hindi nagawang lubos sa pag-ibig.