42 Bible Verses About Unity
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.
4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag. 5 At may iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat. Siya ay higit sa lahat at kumikilos sa lahat at nananatili sa lahat.
-
12 Sapagkat ang katawan ay isa at mayroong maraming bahagi at lahat ng bahagi ay nasa iisang katawan, at kay Cristo ito. 13 Sapagkat nabautismuhan tayo sa isang Espiritu sa iisang katawan, maging mga Judio o mga Griego man, maging nakagapos o malaya, at pinainom ang lahat sa iisang Espiritu.
-
11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo. Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.
14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.
-
20 Hindi ako nanalangin para lang sa mga ito, ngunit pati na rin sa mga mananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita 21 upang lahat sila ay maging isa, na gaya mo, Ama, ay nasa akin, at ako ay nasa iyo. Ipinapanalangin ko na sila rin ay magig isa sa atin upang ang mundo ay maniwala na isinugo mo ako.
22 Ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin — ibinigay ko ito sa kanila, upang sila ay maging isa, tulad natin na iisa — 23 ako sa kanila, at ikaw sa akin, na sila ay maging ganap na iisa; nang malaman ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila, tulad ng pagmamahal mo sa akin.
24 Ama, silang mga ibinigay mo sa akin — nais ko rin na sila ay makasama ko kung nasasaan ako, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: dahil ako ay minahal mo mula noong bago pa lang natatag ang mundo.
25 Amang matuwid, hindi ka kilala ng mundo, ngunit ikaw ay kilala ko; at alam ng mga ito na isinugo mo ako. 26 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa kanila, at ipapahayag ko ito upang ang pagmamahal na iyong ibinigay sa akin ay mapasakanila, at ako ay mapasakanila.”
-
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.
3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.
5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus.
-
1 Masdan niyo, napakabuti at kaaya-aya para sa mga kapatiran na sama-samang manatili ng may pagkakaisa!
-
10 Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkakasundo kayong lahat, at walang pagkakahati-hati sa inyo. Pinapakiusap ko sa inyo na kayo ay magkaisa sa kaisipan at maging sa layunin. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na may namumuong mga alitan sa inyo. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” o “Kay Cefas ako,” o “Kay Cristo ako.”
13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo?
-
9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.
12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo.
16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
-
5 Ngayon, nawa ang Diyos ng pagtitiis at ng lakas ng loob ay pagkalooban kayo ng iisang pag-iisip ayon kay Cristo Jesus. 6 Nawa ay gawin niya ito upang kayo na may iisang pag-iisip ay magpuri ng may iisang bibig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
7 Kaya tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya ng pagtanggap din sa inyo ni Cristo, sa ikapupuri ng Diyos.
-
26 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Lahat kayo na nabautismuhan kay Cristo, isinuot ninyo ang buhay ni Cristo na parang damit. 28 Walang Judio o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 Kung kayo ay kay Cristo, kayo rin ay mga kaapu-apuhan ni Abraham, tagapagmana ayon sa pangako.
-
8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala.
-
13 Ngunit ngayon kay Cristo Jesus, kayong minsan na napalayo mula sa Diyos ay nailapit sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan. Ginawa niyang isa ang dalawa. Sa pamamagitan ng kaniyang laman sinira niya ang pader ng pagkakabaha-bahagi na humati sa atin, ang poot. 15 Binuwag niya ang mga batas ng kautusan at mga alituntunin upang maaari siyang makalikha sa kaniyang sarili ng isang bagong tao. Gumawa siya ng kapayapaan. 16 Ginawa niya ito upang ipagkasundo ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus. Sa krus inilagay niya sa kamatayan ang poot.
17 Dumating si Jesus at nagpahayag ng kapayapaan sa inyo na mga nasa malayo at kapayapaan sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan ni Jesus mayroon tayo parehong daan sa iisang Espiritu patungo sa Ama.
19 Kaya ngayon kayong mga Gentil hindi na kayo mga dayuhan at hindi kilala. Sa halip kayo ay mga kapwa mamamayan kasama ng mga pinili para sa Diyos at mga kasapi ng sambahayan ng Diyos. 20 Itinayo kayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta. Si Cristo Jesus ang batong panulukan. 21 Sa kaniya nagkakaugnay-ugnay ang buong gusali at lumalago bilang isang templo sa Panginoon. 22 Dahil sa kaniya kaya kayo din ay magkakasamang itinayo bilang isang tahanan para sa Diyos sa Espiritu.
-
4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.
6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.
-
27 Mamuhay lamang kayo na karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Gawin ninyo ito upang kahit darating ako para makita kayo o kung wala ako, marinig ko sana ang tungkol sa kung paano kayo tumatayong matibay sa iisang espiritu. Ninanais kong marinig na kayo ay nasa iisang kaluluwa na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo.
-
32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay.
-
24 Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, makikipag-isa siya sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman.
-
4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa.
-
15 Makipaggalak kayo sa mga nagagalak; makipagtangis kayo sa mga tumatangis. 16 Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag mag-isip sa mga paraang mapagmataas, ngunit tanggapin ang mga mabababang tao. Huwag maging marunong sa inyong mga sariling isipan.
17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.
-
15 Kung sasabihin ng paa, “Yamang hindi naman ako kamay, hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan. 16 At kung sasabihin ng tainga, “Yamang hindi naman ako mata, hindi na ako bahagi ng katawan”, hindi na nga ba ito bahagi ng katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, nasaan ang pakiramdam nang pandinig? Kung ang buong katawan ay tainga, nasaan ang pakiramdam nang pang-amoy?
18 Ngunit isinaayos ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan sa kaniyang pagkahugis nito. 19 At kung silang lahat ay pawang iisang bahagi, nasaan na ang katawan? 20 Kaya ngayon sila ay maraming mga bahagi, ngunit iisang katawan.
21 Hindi sasabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan.” Ni sasabihin ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.”. 22 Ngunit ang mga bahagi ng katawan na parang hindi masyadong marangal ay mahalaga. 23 At ang mga bahagi ng katawan na iniisip nating hindi masyadong marangal ay binibigyan natin ng mas malaking karangalan, at ang ating mga bahagi na inaakala nating hindi maganda ay mayroong higit na karangalan. 24 Ngayon, ang ating mga magandang bahagi ay hindi kailangang ituring ng may karangalan sapagkat mayroon na silang halaga. Ngunit pinagsama-sama ng Diyos ang lahat ng bahagi at binigyan niya ng higit na karangalan ang mga nagkukulang nito. 25 Ginawa niya ito upang walang maging pagkakabaha-bahagi sa loob ng katawan, ngunit upang pangalagaan ng mga bahagi ang bawat isa na may parehong pagmamahal. 26 At kung ang isang bahagi ay nagdurusa, ang lahat ng mga bahagi ay sama-samang magdurusa. O kung ang isa namang bahagi ay naparangalan, ang lahat ng bahagi ay sama-samang magsasaya.
-
11 Sa wakas, mga kapatid, kayo ay magalak! Gumawa para sa panunumbalik, maging masigla, magkaisa kayo, mamuhay ng may kapayapaan. At ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay mapapasainyo.
-
12 Nasa Juda rin naman ang kamay ng Diyos, upang bigyan sila ng isang puso, upang sumunod sa utos ng hari at mga pinuno ayon sa salita ni Yahweh.
-
19 Dagdag pa nito, sinasabi ko sa inyo, na kung ang dalawa sa inyo ay sumang-ayon sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling, mangyayari ito sa kanila sa pamamagitan ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ang nagkatipon dahil sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.”
-
34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”
-
16 Ang tasa ng biyaya na ating pinagpala, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpira-piraso, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng katawan ni Cristo? 17 Sapagkat mayroong iisang tinapay, tayo na marami ay iisang katawan. Magsalu-salo tayong lahat sa iisang tinapay.
-
44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.
46 Nagpatuloy sila sa bawat araw na may iisang layunin sa templo, at nagpira-piraso sila ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at namamahagi ng pagkain na may kagalakan at kapakumbabaan ng puso. 47 Nagpupuri sila sa Diyos at kinalugdan sila ng lahat ng mga tao. Dinagdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.
-
1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Dapat ba tayong magpatuloy sa kasalanan upang managana ang biyaya? 2 Huwag nawa itong mangyari. Tayong mga namatay sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay rito? 3 Hindi ba ninyo alam na kung gaano karami ang nabautismuhan kay Jesu-Cristo ay nabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Inilibing na tayo kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Nangyari ito upang gaya ng pagkabuhay ni Cristo mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, lalakad din tayo sa panibagong buhay.
5 Sapagkat kung tayo ay nakiisa sa kaniya sa wangis ng kaniyang kamatayan, tayo rin ay makikiisa sa kaniyang muling pagkabuhay. 6 Nalalaman natin ito, na ang dati nating pagkatao ay ipinako sa krus kasama niya, upang sa gayon ay masira ang ating katawang makasalanan. Nangyari ito upang hindi na tayo maging alipin pa ng kasalanan.
-
1 Tanggapin ang sinumang mahina ang pananampalataya, nang hindi hinahatulan ang mga pagtatalo. 2 Sa isang dako, ang isang tao ay may paniniwalang maari niyang kainin ang kahit na ano, ngunit sa kabilang dako, ang ibang mahina ay kumakain lamang ng mga gulay. 3 Huwag sanang hamakin ng taong kumakain ng kahit na ano ang taong hindi kinakain ang lahat. At ang siyang hindi kinakain ang lahat ay huwag husgahan ang taong kumakain ng lahat. Dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka, ikaw na humuhusga sa isang lingkod na pagmamay-ari ng iba? Sa harapan ng kaniyang amo siya tatayo o matutumba. Ngunit siya ay patatayuin, dahil nagagawa ng Panginoon na siya ay patayuin.
-
27 Ngayon, kayo ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito. 28 At hinirang ng Diyos sa iglesya, una ay ang mga apostol, pangalawa ay mga propeta, pangatlo ay mga guro, ang mga gumagawa ng mga makapangyarihang gawa, mga kaloob ng pagpapagaling, mga nagbibigay ng tulong, mga gumagawa sa gawain ng pamamahala, at ang mga may iba't ibang uri ng wika. 29 Tayong lahat ba ay mga apostol? Tayong lahat ba ay mga propeta? Tayong lahat ba ay mga guro? Tayong lahat ba ay gumagawa ng mga makapangyarihang gawa? 30 May mga kaloob ba tayong lahat ng pagpapagaling? Nagsasalita ba tayong lahat sa iba't ibang wika? Nagpapaliwanag ba tayong lahat ng mga iba't ibang wika?
-
3 Minamahal, habang sinisikap kong sumulat sa inyo tungkol sa ating pangkalahatang kaligtasan, kailangang sulatan ko kayo upang hikayatin kayo na magsumikap para sa pananampalataya na minsan nang ibinigay sa lahat ng mga naniniwala. 4 Dahil may ibang mga tao na palihim na nakisama sa kalagitnaan ninyo—mga taong tinatakan ng paghahatol - mga taong walang Diyos na inililihis ang biyaya ng Panginoon patungo sa kahalayan at itinatanggi ang ating nag-iisang Panginoon at Diyos na si Jesu- Cristo.
-
10 Hindi ba lahat tayo ay may isang ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumikha sa atin? Bakit tayo nakikitungo nang may pandaraya laban sa ating kapatid, na nilalapastangan ang kasunduan ng ating mga ama?
-
1 Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, lahat sila ay sama-sama sa iisang lugar.
-
45 Ang mga taong napabilang sa mga mananampalatayang tuli—lahat ng mga sumama kay Pedro— ay namangha, dahil ang kaloob ng Banal na Espiritu ay naibuhos din sa mga Gentil. 46 Dahil narinig nila ang mga Gentil na nagsasalita ng iba't-ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Pagkatapos sinabi ni Pedro, 47 “Mayroon bang hahadlang sa mga taong ito upang hindi mabautismuhan sa tubig, ang mga taong ito na nakatanggap ng Banal na Espiritu na katulad natin?” 48 At sila ay inutusan niya na magpabautismo sa ngalan ni Jesu-Cristo. At hiniling nila na manatili siya sa kanila ng ilang araw.
-
19 Kung gayon, ipagpatuloy natin ang mga bagay ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay ng bawat isa.
-
1 Saan nanggaling ang pag-aaway at alitan sa inyo? Hindi ba nagmula ito sa inyong mga masamang hangarin na lumalaban sa inyong mga miyembro? 2 Hinahangad ninyo kung anong wala kayo. Pumatay kayo at hinabol ninyo kung anong hindi mapapasainyo. Nakipag-away kayo at nakipagtalo, subalit hindi ninyo nakuha dahil hindi kayo humingi sa Diyos.
-
9 Si Yahweh ang magiging hari sa buong mundo. Sa araw na iyon, naroon si Yahweh, ang nag-iisang Diyos, at ang kaniyang pangalan lamang.
-
23 Kaya kung ikaw ay naghahandog ng iyong kaloob sa altar at maalala mo doon ang iyong kapatid na may anumang bagay laban sa iyo, 24 iwan mo doon ang iyong kaloob sa harap ng altar at humayo ka. Makipag-ayos ka muna sa iyong kapatid, pagkatapos ay pumunta ka at ihandog mo ang iyong kaloob.
-
16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala sa tupahang ito. Sila din, kailangan kong dalhin, at makikinig sila sa aking boses upang magkaroon lamang ng isang kawan at isang pastol.
-
10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11 Hindi lamang ito, ngunit nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay natanggap natin ang pagkakasundong ito.
-
12 Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya.
-
17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay.
-
2 Gumagawa ako upang mapalakas ko ang kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa pagmamahal at sa lahat ng kayamanan ng buong katiyakan ng pang-unawa, sa kaalaman tungkol sa lihim na katotohanan ng Diyos, na si Cristo.
-
7 Sapagkat mayroong tatlo na siyang nagpapatunay 8 ang Espiritu, ang tubig at ang dugo. Ang tatlong ito ay nagkakasundo.
Shows Read in context, Share and Copy.