41 Bible Verses About Hospitality

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Hospitality
  1. 9 Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo.

    10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos.

  2. 10 Patungkol sa pag-ibig ng mga kapatid, maging magiliw kayo sa isa't isa. Patungkol sa kapurihan, igalang ninyo ang isa't isa.

    11 Patungkol sa pagsisikap, huwag mag-atubili. Patungkol sa espiritu, maging masigasig. Patungkol sa Panginoon, maglingkod sa kaniya.

    12 Magalak sa pag-asang mayroon kayo tungkol sa hinaharap. Maging matiisin sa inyong mga kabalisahan. Magpatuloy sa pananalangin.

    13 Tumulong sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Humanap ng maraming paraan upang ipakita ang magiliw na pagtanggap sa iba.

  3. 1 Hayaang magpatuloy ang pag-ibig bilang mga magkakapatid. 2 Huwag kalimutang malugod na tanggapin ang mga dayuhan sapagkat sa paggawa nito ay hindi ninyo alam na ang iba sa mga tinatanggap ninyo ay mga anghel.

  4. 40 Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil isang propeta siya ay makatatanggap ng gantimpalan ng isang propeta. At siya na tumatanggap sa isang matuwid na tao dahil matuwid na tao siya ay makatatanggap ng gantimpala ng isang matuwid na tao. 42 Sinuman ang magbibigay sa isa sa mga hamak na mga ito, kahit na isang basong malamig na tubig upang inumin, dahil isa siyang alagad, totoo itong sasabihin ko sa inyo, hindi maaring mawala sa kaniya ang kaniyang gantimpala.”

  5. 34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

  6. 41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42 sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43 ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.

    44 At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?'

    45 At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'

    46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”

  7. 33 Kung naninirahan ang isang dayuhan sa inyong lupain, huwag dapat kayong gumawa ng anumang mali sa kanya. 34 Ang naninirahang dayuhan sa inyo ay dapat maging tulad ninyong katutubong Israelita na kasama ninyong naninirahan, at dapat ninyo siyang mahalin tulad ng inyong sarili, sapagkat naging mga dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. Ako si Yahweh na inyong Diyos.

  8. 7 Kinakailangan para sa tagapangasiwa, bilang tagapamahala ng sambahayan ng Diyos, ay walang kapintasan. Hindi dapat matabil at walang pagpipigil sa sarili. Hindi madaling magalit, hindi lulon sa alak, hindi isang palaaway, at hindi isang taong sakim. 8 Subalit dapat bukas ang kaniyang tahanan sa mga panauhin at isang kaibigan ng mabuti. Dapat siya ay matino, matuwid, makadiyos, at may pagpipigil sa sarili.

  9. 1 Ang pahayag na ito ay mapagkakatiwalaan: Kung sinuman ang nagnanais na maging tagapangasiwa, nagnanais siya ng mabuting gawa. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo.

  10. 9 Itala bilang isang balo ang babaeng hindi bababa sa animnapu ang edad, asawa ng isang lalaki. 10 Dapat siyang makilala sa kaniyang mabubuting gawa, maging sa pag-aalaga ng mga bata, o sa pagpapatuloy ng mga taga-ibang bayan, o sa paghuhugas ng paa ng mga mananampalataya, o sa pagtulong sa mga nagdurusa, o sa pagiging tapat sa bawat mabubuting gawain.

  11. 11 Sapagkat ang bawat nagmamataas ay maibababa at siya na nagpapakababa ay maitataas.

    12 Sinabi rin ni Jesus sa taong nag-anyaya sa kaniya, “Kapag naghanda ka ng pananghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak o ang mga mayayaman mong kapit-bahay, sapagkat maaari ka din nilang anyayahan at ikaw ay mababayaran. 13 Ngunit kapag ikaw ay maghahanda ng salu-salo, anyayahan mo ang mga mahihirap, ang mga lumpo, ang mga pilay, at ang mga bulag, 14 at ikaw ay pagpapalain dahil hindi ka nila mababayaran. Sapagkat ikaw ay mababayaran sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

  12. 30 Sumagot na nagsabi si Jesus, “May isang tao na bumaba sa Jerico mula sa Jerusalem. Nahulog siya sa kamay ng mga magnanakaw, na sumamsam sa kaniyang mga ari-arian, at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na.

    31 Nagkataon na may isang pari ang bumaba sa daang iyon, at nang siya ay nakita nito, siya ay dumaan sa kabila ng daan.

    32 Gayon din naman sa isang Levita, nang siya ay dumating sa lugar at nakita siya, ay dumaan sa kabila ng daan.

    33 Ngunit isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya. Nang makita siya, siya ay nahabag. 34 Lumapit siya sa kaniya at binendahan ang kaniyang mga sugat, nilagyan ng langis at alak ang mga ito. Sinakay siya sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-panuluyan, at inalagaan siya.

    35 Nang sumunod na araw, siya ay kumuha ng dalawang denaryo, at ibinigay sa katiwala ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Alagaan mo siya at anumang magagastos mong labis, sa aking pagbalik, babayaran kita.'

  13. 1 Habang nakaupo siya sa pintuan ng tolda sa kainitan ng araw, nagpakita si Yahweh kay Abraham sa mga kakahuyan ni Mamre. 2 Tumingala siya at naroon, nakita niya ang tatlong lalaki na nakatayo sa harap niya. Nang makita sila ni Abraham, tumakbo siya mula sa pintuan ng tolda, para salubungin sila at yumukod siya sa lupa.

    3 Sinabi niya, “Panginoon, kung nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, huwag kang umalis at iwan ang iyong lingkod. 4 Hayaan ninyong maidala ang kaunting tubig, mahugasan ang inyong mga paa, at makapagpahinga kayo sa ilalim ng punong kahoy. 5 Hayaan ninyong dalhan ko kayo ng kaunting pagkain, at nang manumbalik ang inyong lakas. Pagkatapos maaari na kayong tumuloy sa pupuntahan ninyo dahil naparito na kayo sa inyong lingkod.” Sinabi nila, “Gawin mo ang sinabi mo.”

    6 Pagkatapos dali-daling pumunta si Abraham sa tolda ni Sarah at sinabi, “Bilisan mo, magdala ka ng tatlong takal ng harina, masahin mo ito, at gawing tinapay.”

    7 Pagkatapos tumakbo si Abraham sa kawan, kumuha siya ng guyang mainam at maayos at ibinigay ito sa lingkod, at nagmadali siyang ihanda ito. 8 Kumuha siya ng mantikilya at gatas, at ang guya na naihanda at nilagay ang pagkain sa harap nila. At tumayo siya sa ilalim ng puno habang sila ay kumakain.

  14. 14 May isang babae na nagngangalang Lidia ang nagbebenta ng mga tela na kulay lila na nanggaling sa lungsod ng Tiatira na sumasamba sa Diyos, nakinig siya sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang bigyangpansin ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang mabautismuhan siya at ang kaniyang sambahayan, hinikayat niya kami, at nagsasabing, “Kung itinuturing ninyo na ako ay matapat sa Panginoon, pumunta kayo sa aking bahay, at manatili roon.” At nahikayat niya kami.

  15. 38 Ngayon sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, siya ay pumunta sa isang nayon, at isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa loob ng kaniyang bahay. 39 Mayroon siyang isang kapatid na nagngangalang Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kaniyang salita. 40 Ngunit si Marta ay sobrang abala sa paghahanda ng pagkain. Lumapit siya kay Jesus, at sinabi, “Panginoon, pababayaan mo ba na iniwan ako ng aking kapatid na mag-isang maglingkod? Kaya sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.”

    41 Ngunit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kaniya, “Marta, Marta, masyado kang abala tungkol sa maraming bagay, 42 ngunit iisang bagay lamang ang kinakailangan. Pinili ni Maria kung ano ang pinakamabuti, na hindi makukuha mula sa kaniya.”

  16. 1 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma sa gabi, habang nakaupo si Lot sa tarangkahan ng Sodoma. Nakita sila ni Lot, tumayo siya upang salubungin sila, at nagpatirapa na nakasayad ang mukha sa lupa. 2 Sinabi niya, “Nakikiusap ako aking mga panginoon, kayo ay pumunta muna sa bahay ng inyong lingkod at manatili ng magdamag at hugasan ang inyong mga paa. Pagkatapos, maaari na kayong bumangon nang maaga at pumunta sa inyong pupuntahan.” At sinabi nila, “Hindi, magpapalipas na lang kami ng gabi sa liwasan ng bayan.

    3 Pero pinilit niya sila kaya sumama sila sa kanya, at pumasok sila sa kanyang bahay. Naghanda siya ng makakain nila at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa at sila ay kumain.

  17. 5 Ipinaghahanda mo ako ng isang hapag sa harapan ng aking mga kaaway; binuhusan mo ng langis ang aking ulo; ang saro ko ay nag-uumapaw. 6 Tiyak na kabutihan at katapatan sa tipan ang hahabol sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako ay mananahanan sa tahanan ni Yahweh habang buhay!

  18. 8 Isang araw, naglakad si Eliseo sa Sunem kung saan nakatira ang isang mahalagang babae; pinilit niyang kumain sila ng magkasama. Kaya sa madalas na pagdaan ni Eliseo, siya ay humihinto para kumain doon.

    9 Sinabi ng babae sa kaniyang asawa, “Tingnan mo, nalaman ko na ang lalaking ito na laging dumadaan dito ay lingkod ng Diyos. 10 Gumawa tayo ng maliit na silid sa bubungan para kay Eliseo, at maglagay tayo ng higaan, upuan, at lampara. Pagkatapos, kapag pumunta siya sa atin, mananatili na siya roon.”

    11 Kaya nang dumating ang araw na bumalik si Eliseo para huminto roon, nanatili siya sa silid at nagpahinga roon.

  19. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din.

  20. 44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

  21. 2 Ang mga katutubong tao roon ay nag-alok sa amin ng hindi lang basta pangkaraniwang kabutihan. ngunit sila ay nagsindi ng apoy at tinanggap kaming lahat, dahil sa walang tigil na pag ulan at lamig.

  22. 41 Sinumang magbigay sa inyo ng isang tasa ng tubig upang inumin dahil kabilang kayo kay Cristo, totoong sinasabi ko sa inyo, hindi mawawala ang kaniyang gantimpala.

  23. 2 Sila ay isinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang pagalingin ang mga may sakit. 3 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdadala ng anuman para sa inyong paglalakbay—maging tungkod, o pitaka, o tinapay o salapi—ni magdala ng dalawang panloob na tunika.” 4 Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo doon hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 5 Para naman sa mga hindi tatanggap sa inyo, kung kayo ay aalis sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”

  24. 5 Anumang mga bahay na inyong tutuluyan, una ninyong sabihin, 'Magkaroon nawa ng kapayapaan sa bahay na ito.' 6 Kung ang isang taong payapa ay naroon, ang inyong kapayapaan ay mapapasakaniya, ngunit kung hindi, ito ay babalik sa iyo. 7 Manatili kayo sa bahay na iyon, kumain at uminom ng anumang ibigay nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.

  25. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.

  26. 6 Sa bundok na ito maghahanda si Yahweh ng mga hukbo para sa lahat ng mga tao ng isang pista ng matatabang bagay, ng mga piling alak, ng malalambot na karne, isang pista ng mga pinakamainam na alak.

  27. 1 Mga kapatid ko huwag natin sundin ang pananampalataya ng ating Panginoon Jesus-Cristo, na Panginoon ng kadakilaan, na may pagtatangi sa ilang mga tao, 2 Kung may taong pumasok sa inyong pagpupulong na may suot na mga gintong singsing at may mga marangyang kasuotan, at mayroon ding pumasok na taong mahirap na may maruming kasuotan, 3 at nagbigay lamang kayo ng pansin sa taong may marangyang kasuotan, at sinabing, “Maupo po kayo rito sa magandang lugar,” ngunit sinabi mo sa taong mahirap, “Tumayo ka sa banda roon,” o kaya ay, “maupo ka sa aking paanan,” 4 hindi ba kayo gumagawa ng paghatol sa inyong sarili, at nagiging hukom ng may mga masasamang kaisipan?

  28. 7 Kung may isang taong mahirap sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, saanman sa loob ng inyong mga tarangkahan sa lupain na ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, hindi dapat ninyo patigasin ang inyong mga puso ni isara ang inyong kamay mula sa inyong mahirap na kapatid;

  29. 1 Ang karunungan ay nagtayo ng kaniyang tahanan; nag-ukit siya ng pitong mga poste mula sa bato. 2 Hinanda niya ang mga karne niya para ihain sa hapunan; hinalo niya ang kaniyang alak; at inihanda niya ang kaniyang hapag-kainan. 3 Nagpadala siya ng mga paanyaya kasama ang mga lingkod niyang babae at tumatawag siya mula sa pinakamataas na dako ng lungsod: 4 “Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito!” sinasabi niya roon sa mga walang alam. 5 “Lumapit kayo, kainin ninyo ang aking pagkain, at inumin ang alak na aking hinalo. 6 Iwanan na ninyo ang mga kaparaanan ng kamangmangan upang kayo ay mabuhay; lumakad sa daan ng pang-unawa.

  30. 16 Nang makita ng mga eskriba na mga Pariseo si Jesus na kumakain kasama ang mga makasalanang tao at tagasingil ng buwis, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga tagasingil ng buwis at mga makasalanang tao?”

    17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang mga taong malakas ang pangangatawan ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga may sakit lamang ang nangangailangan. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid na tao kundi ang mga taong makasalanan.”

  31. 44 Humarap si Jesus sa babae at sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo itong babae. Ako ay pumasok sa iyong bahay. Hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, ngunit siya, ay binasa niya ang aking mga paa sa pamamagitan ng kaniyang mga luha, at pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng isang halik, ngunit siya, mula nang ako ay dumating, ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, ngunit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.

  32. 20 Tingnan ninyo, ako ay nakatayo sa may pinto at kumakatok. Kung sinuman ang nakaririnig sa aking tinig at nagbubukas ng pinto, papasok ako sa kaniyang tahanan at kakain kasama niya, at siya sa akin.

  33. 22 Pagkatapos sinabi ni Josue sa dalawang lalaking nagmanman sa lupain, “Puntahan ang bahay ng bayarang babae. Dalhin palabas ang babae at lahat ng kasama niya, ayon sa inyong sumpa sa kaniya.” 23 Kaya ang kabataang lalaki na nagmanman ay pumasok at inilabas si Rahab. Nilabas nila ang kaniyang ama, ina, mga kapatid at lahat ng kamag-anak na kasama niya. Dinala nila sila sa isang lugar sa labas ng kampo ng Israel.

    24 At sinunog nila ang lungsod at lahat ng naririto. Tanging pilak, ginto at mga sisidlang tanso at bakal ang inilagay sa ingatang yaman ng bahay ni Yahweh. 25 Pero pinahintulutan ni Josue si Rahab ang bayarang babae, ang sambahayan ng kaniyang ama, at lahat ng kasama niya na mabuhay. Nanirahan siya sa Israel hanggang sa araw na ito, dahil itinago niya ang mga lalaking ipinadala ni Josue para magmanman sa Jerico.

  34. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa.

  35. 6 Huwag kakainin ang pagkain ng isang masamang tao- isang tao na nakatingin nang napakatagal sa iyong pagkain- at huwag naisin ang kaniyang masarap na mga pagkain, 7 sapagkat siya ang uri ng tao na inaalam ang halaga ng pagkain. “Kumain at uminom!” sabi niya sa iyo, pero ang kaniyang puso ay wala sa iyo. 8 Iyong isusuka ang kakaunting kinain mo, at sasayangin mo ang iyong mga mabubuting sasabihin.

  36. 10 Habang nakaupo si Jesus upang kumain sa bahay, masdan ito, dumating ang maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanang tao at nakisalo sila kay Jesus at sa mga alagad niya.

  37. 58 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang malatagan ng kaniyang ulo.”

  38. 20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”

  39. 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.

  40. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  41. 16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas niya akong pinalalakas at hindi niya ikinahiya ang aking kadena.