47 Bible Verses About Heaven

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Heaven
  1. 1 Pagkatapos nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong mundo, dahil ang unang langit at unang mundo ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. 2 Nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumamababa mula sa langit mula sa Diyos, inihanda tulad ng isang babaeng ikakasal na pinaganda para sa kaniyang asawa.

    3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono sinasabing: “Tingnan mo! Ang tirahan ng Diyos ay kasama ng mga tao, at siya ay naninirahan kasama nila. Sila ay magiging kaniyang bayan, at ang Diyos mismo ay makakasama nila at siya ay magiging kanilang Diyos. 4 Papahirin niya ang bawat luha mula sa kanilang mga mata, wala nang kamatayan, o pagdadalamhati, o pag-iyak, o sakit. Ang naunang mga bagay ay lumipas na.

    5 Siya na nakaupo sa trono ay sinabing, “Tingnan mo! Ginawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi niya, “Isulat mo ito dahil ang mga salitang ito ay mapagkakatiwalaan at totoo. 6 Sinabi niya sa akin, “Ang mga bagay ng ito ay tapos na, Ako ang Alpa at ang Omega, ang simula at ang katapusan. Sa sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng inuming walang bayad mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang isa na manlulupig ay magmamana ng mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos, at siya ay magiging anak ko.

    8 Pero para sa mga duwag, sa walang pananampalataya, sa mga kasuklam-suklam, sa mga mamamatay-tao, sa mga sekswal na imoralidad, sa mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kanilang lugar ay sa dagat-dagatang apoy ng nagniningas na asupre. Na siyang ikalawang kamatayan.

  2. 1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta.”

    5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, papaano namin malalaman ang daan?

    6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.

  3. 9 Pagkatapos makita ko ang mga ito, at mayroong isang malaking maraming tao na walang sinuman ang makabilang — mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika — nakatayo sa harap ng trono sa harapan ng Kordero. Nakasuot sila ng puting mga balabal at hawak ang mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay, 10 at sila ay sumisigaw ng may malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay pagmamay-ari ng ating Diyos, siya na nakaupo sa trono, at ng Kordero!”

    11 Ang lahat ng mga anghel ay nakatayo sa paligid ng trono, at sa paligid ng mga matatanda at ng apat na buhay na mga nilalang, at sila ay humiga sa lupa, at inilapat ang kanilang mga mukha sa lupa sa harap ng trono at sumamba sila sa Diyos, 12 na nagsasabing, “Amen! Papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan ay sumaating Diyos magpakailan pa man. Amen!”

    13 Pagkatapos isa sa mga matatanda ay nagtanong sa akin: “Sino ang mga ito, nadaramitan ng puting mga kasuotan, at saan sila nagmula?”

  4. 1 Pagkatapos ipinakita sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay, ang tubig ay kasing linaw ng kristal. Dumadaloy ito mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay naroon ang puno ng buhay na nagbubunga ng labingdalawang uri ng prutas, at sa bawat buwan ay namumunga ito. Ang mga dahon ng puno ay para mapagaling ang bansa.

    3 Wala na kahit anumang sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan sa lungsod at paglilingkuran siya ng kaniyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan ay malalagay sa kanilang mga noo. 5 Wala nang magiging gabi, hindi na sila mangangailangan ng liwanag ng ilawan o sikat ng araw dahil ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Maghahari sila magpakailan pa man.

  5. 1 Alam natin na kung nasira ang ating lupang tahanan na tinitirahan, mayroon tayong tahanan sa langit na ginawa ng Diyos. Ito ay tirahan na hindi ginawa ng kamay ng tao, kundi walang hanggang tahanan, sa langit. 2 Sapagkat dumaraing tayo sa katawang lupa na ito, na naghahangad na madamitan ng ating makalangit na tahanan. 3 Hinahangad natin ito sapagkat sa pamamagitan ng ating pagsuot dito hindi tayo madaratnang hubad.

  6. 20 Ngunit ang ating pagkamamamayan ay sa langit, kung saan naghihintay rin tayo sa isang tagapagligtas na ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang ating mga katawang lupa upang maging mga katawang binuo gaya ng kaniyang maluwalhating katawan, binuo sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang kapangyarihan upang mapasailalim sa kaniya ang lahat ng bagay.

  7. 1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.

    2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.

  8. 19 Ang pundasyon ng pader ay pinaganda ng iba't ibang uri ng mamahaling bato. Ang una ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay agate, ang ikaapat ay esmeralda, 20 ang ikalima ay oniks, ang ikaanim ay kornalina, ang ikapito ay krisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam topaz, ang ikasampu ay krisopraso, ang ikalabing-isa ay jacinto, at ang ikalabingdalawa ay amatista.

    21 Ang labing dalawang tarangkahan ay labing dalawang perlas, ang bawat tarangkahan ay mula sa iisang perlas. Ang mga lansangan ng lungsod ay purong ginto, gaya ng malinaw na salamin.

    22 Wala akong nakitang templo sa lungsod, dahil ang Panginoong Diyos, na siyang namumuno sa lahat, at ang Kordero ang kanilang templo. 23 Hindi na kailangan ng lungsod ang araw o ang buwan para liwanagan ito dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagliliwanag dito, at ang kaniyang ilawan ay ang Kordero. 24 Ang mga bansa ay maglalakad sa pamamagitan ng ilaw ng lungsod na iyon. Dadalahin ng mga hari ng mundo ang karangyaan nila dito. 25 Hindi isasara ang tarangkahan nito sa araw, at hindi na magkakaroon ng gabi dito.

    26 Dadalhin nila ang karangyaan at ang karangalan ng mga bansa dito, 27 at walang marurumi ang maaaring makapasok dito. Maging ang sinumang gumagawa ng anumang kahihiyan o panlilinlang ang makakapasok, pero ang mga nakasulat lamang ang pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero.

  9. 22 Sa halip, kayo ay lumapit sa Bundok ng Zion at sa lungsod ng Diyos na buhay, ang makalangit na Jerusalem, at sa hindi mabilang na hukbo ng mga anghel na nagdiriwang. 23 Kayo ay lumalapit sa kapulungan ng mga unang ipinanganak na inilista sa langit, sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng katuwiran na naging ganap. 24 Kayo ay lumapit kay Jesus na tagapamagitan ng isang bagong tipan, at sa dugong naikalat na higit na nagsasalita ng mabuti kaysa sa dugo ni Abel.

  10. 27 Ngunit ang Diyos ba ay talagang maninirahan sa mundo? Masdan ito, ang buong sansinukob at kalangitan mismo ay hindi ka kayang ilulan — paano pa kaya ang templo na aking tinayo!

  11. 2 Ako ay may kilalang tao kay Cristo, labing apat na taon na ang nakararaan—kung sa katawan o hindi sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos— na dinala sa ikatlong langit. 3 At alam ko na ang taong ito—kung sa katawan o hindi sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos— 4 na dinala sa paraiso at narinig ang mga bagay na labis na sagrado na sabihin ng kahit na sino.

  12. 10 Gayunpaman, ang araw ng Panginoon ay darating na parang isang magnanakaw, ang mga langit ay mawawala kasabay ng malakas na ingay. Ang mga bagay ay masusunog sa apoy, at ang lupa at ang mga gawa dito ay maihahayag.

    11 Yaman lamang na ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawala sa ganitong kaparaanan, anong uri ng tao kayo dapat maging? Dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos. 12 Inyo ngang asahan at magmadali patungo sa pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, ang langit ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy, at ang mga bahagi nito ay matutunaw sa pamamagitan ng sobrang init. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.

    14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya,

  13. 19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

  14. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.

    18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.

  15. 9 Umawit sila ng bagong awit: “Ikaw ay karapat-dapat kumuha ng balumbon at buksan ang mga selyo nito. Dahil ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo, binili mo ang mga tao para sa Diyos mula sa bawat lipi, wika, mga tao, at bansa. 10 Ginawa mo silang isang kaharian at mga pari para maglingkod sa ating Diyos at sila ay maghahari sa mundo.

    11 Pagkatapos nakita ko at narinig ang tunog ng maraming mga anghel sa palibot ng trono, — ang kanilang bilang ay 200, 000, 000 — at ang mga buhay na nilalang at mga nakatatanda. 12 Kanilang sinabi sa malakas na tinig, “Karapat-dapat ang Kordero na pinatay na tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan.”

    13 Narinig ko bawat bagay na nasa langit, at sa lupa, at sa ilalim ng lupa at sa dagat — lahat ng bagay sa kanila — sinasabing: “Sa kaniya na siyang nakaupo sa trono, at sa Kordero, ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan para mamahala, magpakailan pa man.

    14 Ang apat na buhay na nilalang ay sinabing'”Amen” at ang mga nakatatanda ay humiga at sumamba.

  16. 2 Agad akong nasa Espiritu, at nakita ko ang isang trono na inilagay sa langit, na may isang tao na nakaupo dito. 3 Ang isa na siyang nakaupo dito ay parang batong jaspe at kornalina. May isang bahaghari sa palibot ng trono. Ang bahaghari ay katulad ng isang esmeralda. 4 Sa paligid ng trono ay may dalawampu't apat na mga trono, at nakaupo sa mga trono ay ang dalawampu't apat na mga nakatatanda, bihis ng mga puting damit, may gintong mga korona sa kanilang mga ulo.

    5 Mula sa trono dumating ang bulos ng kidlat, mga dagundong at mga lagapak ng kulog. Nag aapoy ang pitong ilawan sa harapan ng trono, mga ilawan ng pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa harapan din ng trono ay mayroon isang dagat, kasing linaw ng kristal. Lahat ng palibot ng trono ay may apat na buhay na mga nilalang, puno ng mga mata sa harapan at likod. 7 Ang unang buhay na nilalang ay katulad ng isang leon, ang ikalawang buhay na nilalang ay katulad ng isang guya, ang ikatlong buhay na nilalang ay may isang mukha ng isang tao at ang ikaapat na buhay na nilalang ay katulad ng isang lumilipad na agila. 8 Ang bawat isa sa apat na buhay na mga nilalang ay mayroong anim na mga pakpak, puno ng mga mata sa tuktok at sa ilalim. Gabi at araw hindi sila tumigil sa pagsasabing, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang namumuno sa lahat, siyang noon, at siyang ngayon, at siyang darating.

  17. 44 Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang kayamanang nakatago sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at itinago. Sa kaniyang kagalakan ay umalis siya at ibinenta niya lahat ng mayroon siya at binili ang bukid na iyon.

    45 Gayun din naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng mga mahahalagang perlas. 46 Nang mahanap niya ang isang perlas na may malaking halaga, umalis siya at ibinenta niya lahat ng mayroon siya at binili ito.

  18. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

  19. 5 Sapagkat matitiyak ninyo na walang nakikiapid, marumi, o sakim na tao, na sumasamba sa diyus-diyosan ang magkaroon ng kahit na anong mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.

  20. 4 Si Yahweh ay nasa kaniyang banal na templo; ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, sinusuri ng kaniyang mga mata ang mga anak ng mga tao. 5 Parehong sinusuri ni Yahweh ang matuwid at masama, pero kinapopootan niya ang mga gumagawa ng karahasan. 6 Nagpapaulan siya ng mga nagbabagang uling at asupre sa mga masasama; nakakapasong hangin ang kanilang magiging bahagi sa kaniyang kopa! 7 Dahil si Yahweh ay matuwid, at mahal niya ang katuwiran; makikita ng matuwid ang kaniyang mukha.

  21. 24 Maaari bang makapagtago ang sinuman sa tagong lugar na hindi ko siya nakikita? —Ito ang pahayag ni Yahweh—at hindi ba ako ang nagpuno ng mga langit at ang lupa? —ito ang pahayag ni Yahweh.

  22. 20 Gayon pa man huwag kayong magalak lamang sa mga ito, na ang mga espiritu ay sumusunod sa inyo, ngunit higit na magalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”

  23. 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga anak na lalaki ng mundong ito ay mag-aasawa at ibinibigay upang makapangasawa. 35 Ngunit ang mga nahatulan na karapat-dapat na tumanggap ng muling pagkabuhay mula sa mga patay at pumasok sa walang hanggang ay hindi mag-aasawa at hindi ibinibigay upang makapangasawa. 36 At hindi na rin sila mamamatay, sapagkat kapantay nila ang mga anghel at sila ay mga anak ng Diyos, bilang mga anak ng muling pagkabuhay.

  24. 21 Ang isa na siyang nakalupig, bibigyan ko ng karapatang umupo kasama ko sa aking trono, gaya nang ako ay nakalupig at umupo kasama ng aking Ama sa kaniang trono.

  25. 1 Ito ang sinabi ni Yahweh, “Ang langit ay aking trono, at ang daigdig ay aking tuntungan. Nasaan na ang bahay na itatayo ninyo para sa akin? Nasaan ang lugar na maari kong pagpahingahan?

  26. 29 Subalit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang mga kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin. Sa halip, sila ay katulad ng mga anghel sa langit.

  27. 6 Pagdating niya sa bahay, tinitipon niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, sinasabi sa kanila, 'Makisaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawawalang tupa.' 7 Sinasabi ko sa inyo na gayon din, magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisisi, higit pa sa siyamnapu't siyam na taong matuwid na hindi kailangang magsisi.

  28. 1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos.

  29. 15 Ang siyang nagsalita sa akin ay may tungkod na panukat na gawa sa ginto para sukatin ang lungsod, ang mga tarangkahan at pader nito. 16 Ang pagkakatayo ng lungsod ay parisukat; magkatulad ang haba at ang lawak nito. Sinukat niya ang lungsod gamit ang tungkod na panukat, ang haba nito ay 12, 000 na mga estadio (ang haba, ang lawak, at ang taas ay magkakapareho). 17 Sinukat din niya ang pader nito, 144 na kubit ang kapal sa panukat ng tao (na ganoon din sa panukat ng anghel).

    18 Ang pader ay itinayo sa jaspe, at ang lungsod sa purong ginto, tulad ng malinaw na salamin.

  30. 17 Kaya masdan ninyo, malapit na akong lumikha ng bagong langit at bagong lupa, at ang nakaraang mga bagay ay hindi na maaalala o maiisip. 18 Pero kayo ay magagalak at magsasaya nang walang hanggan sa aking lilikhain. Masdan ninyo, malapit ko nang likhain ang Jerusalem bilang isang kaligayahan, at ang kanyang mamamayan bilang isang kagalakan.

  31. 13 Narinig ko ang isang tinig mula sa langit na sinabing, “Isulat ito: Pinagpala ang mga patay na namatay sa Panginoon.” “Oo,” sabi ng Espiritu, “kaya sila ay makapagpahinga sa kanilang mga gawain, dahil sa kanilang mga gawa ay susunod sila.”

  32. 15 Nasa labas ang mga aso, ang mga mangkukulam, ang sekswal na imoralidad, ang mga mamamatay tao, ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang lahat ng nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan.

    16 Ako, si Jesus, ipinadala ko ang aking anghel para magpatotoo sa inyo tungkol sa mga bagay para sa mga iglesiya. Ako ang ugat at ang kaapu-apuhan ni David, ang maningning na Bituin sa Umaga.

    17 Sinasabi ng Espiritu at ng Babaeng ikakasal, “Halika! Hayaang sabihin ng nakaririnig, “Halika!” Sinuman ang nauuhaw, hayaan siyang lumapit, at sinuman ang nagnanais nito, hayaan siya na malayang magkaroon ng tubig ng buhay.

  33. 22 At nangyari na namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa kinaroroonan ni Abraham. Namatay din ang mayamang tao at inilibing, 23 at doon sa hades, sa kaniyang pagdurusa, tumingala siya at nakita si Abraham sa malayo at si Lazarus na nasa tabi niya.

  34. 12 Kung sinabi ko sa iyo ang tungkol sa mga bagay na makalupa at hindi ka naniwala, paano ka maniniwala kung sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na makalangit? 13 Walang sinumang umakyat sa langit maliban ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao.

  35. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.

    14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.

  36. 11 Dahil kung gaano kataas ang kalangitan sa ibabaw ng daigdig, ganoon kadakila ang kanyang katapatan sa tipan sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya.

  37. 11 Babalik ang mga tinubos ni Yahweh at pupunta sa Sion nang may mga sigaw ng kagalakan at may kaligayahan magpakailanman sa kanilang mga ulo; at kaligayahan at kagalakan ang mananaig sa kanila, at lalayo ang kalungkutan at pagluluksa.

  38. 46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”

  39. 9 Kaya, mayroon pa ring isang Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa mga tao ng Diyos.

  40. 23 Samakatwid kinakailangan nga na ang mga bagay na kahalintulad nang nasa langit ay dapat na malinis nitong mga hayop na handog. Gayunman, dapat na linisin ng mas mabuting handog ang mga bagay na panlangit.

  41. 12 Nang buksan ng Kordero ang ika-anim na selyo, nagmasid ako, at nagkaroon ng malakas na lindol. Ang araw ay naging kasing itim ng sako. At ang kabilugan ng buwan ay naging parang dugo. 13 Ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, tulad ng puno ng igos na ang mga bunga ay nahuhulog sa panahon ng taglamig kapag inihip ng malakas na hangin. 14 Naglaho ang langit tulad ng balumbong nirolyo ng pataas. Bawat bundok at isla ay nalipat sa kanilang mga kinalalagyan.

  42. 6 Ikaw si Yahweh. Ikaw lamang. Ginawa mo ang langit, ang pinakamataas na kalangitan, kasama ng lahat ng kanilang mga anghel na nakahanda para sa digmaan, at ang lupa at lahat nang naroon, at ang mga dagat at lahat ng nasa kanila. Nagbigay ka ng buhay sa kanilang lahat, at ang hukbo ng mga anghel ng langit ay sumasamba sa iyo.

  43. 12 Paano ka nahulog mula sa kalangitan, ikaw na bituin sa araw, anak ng umaga! Paano ka naputol sa lupa, ikaw na sumakop sa mga bansa! 13 Sabi mo sa iyong puso, 'Aakyat ako sa langit, itataas ko ang aking trono sa taas ng mga bituin ng Diyos, at uupo ako sa bundok ng kapulungan, sa malayong bahagi ng hilaga. 14 Aakyat ako na mas mataas sa mga ulap; gagawin kong Kataas-taasang Diyos ang aking sarili.' 15 Pero ngayon nadala ka dito pababa sa Sheol, sa ilalim ng hukay.

  44. 13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.

    15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo.

  45. 11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan.

  46. 6 Sa bundok na ito maghahanda si Yahweh ng mga hukbo para sa lahat ng mga tao ng isang pista ng matatabang bagay, ng mga piling alak, ng malalambot na karne, isang pista ng mga pinakamainam na alak. 7 Sisirain niya sa bundok na ito ang tumatakip sa lahat ng mamayan, ang bahay na hinabi sa lahat ng mga bansa. 8 Lulunukin niya ang kamatayan habang buhay, at ang Panginoong Yahweh ay pupunasan ang mga luha mula sa lahat ng mga mukha; ang mga kahihiyan ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa mundo, dahil sinabi na ito ni Yahweh.

  47. 1 Tumingin ako at nakita ang Kordero na nakatayo sa aking harapan sa Bundok Sion. Kasama niya ang 144, 000 siyang may pangalan at pangalan ng kaniyang Ama na naisulat sa kanilang mga noo. 2 Narinig ko ang tinig mula sa langit na tila isang dagundong ng maraming tubig at malakas na kulog. Ang tunog na narinig ko ay tulad din ng mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.

    3 Umawit sila ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harap ng apat na buhay na nilalang at sa mga nakatatanda. Walang sinuman ang nakakaalam ng awit maliban sa 144, 000 na tinubos mula sa mundo.