37 Bible Verses About God's Beautiful Creation

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About God's Beautiful Creation
  1. 1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.

    2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.

    3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag. 4 Nakita ng Diyos na ang liwanag ay kaaya-aya. Hiniwalay niya ang liwanag mula sa kadiliman. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na “araw,” at ang kadiliman ay tinawag niyang “gabi”. Naggabi at nag-umaga, ito ang unang araw.

    6 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng puwang sa pagitan ng mga tubig, at hayaang ihiwalay nito ang tubig mula sa tubig.” 7 Ginawa ng Diyos ang puwang at hiniwalay niya ang tubig na nasa silong ng kalawakan mula sa tubig na nasa ibabaw ng kalawakan. At nagkagayon nga. 8 Tinawag ng Diyos ang puwang na “langit.” Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalawang araw.

    9 Sinabi ng Diyos, “Hayaang ang katubigang nasa ilalim ng langit ay sama-samang magtipon sa isang lugar, at hayaang lumitaw ang tuyong lupain.” At nagkagayon nga. 10 Tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na “lupa” at ang natipong tubig ay tinawag niyang “dagat.” Nakita niyang ito ay kaaya-aya.

    11 Sinabi ng Diyos, “Hayaang tumubo ang halaman sa lupa: mga pananim na nagbibigay ng buto at mga namumungang punong kahoy na kung saan ang buto nito'y nasa loob ng kanyang bunga, ayon sa kanyang sariling uri.” At nagkagayon nga. 12 Tinubuan ng halaman ang lupa, mga pananim na nagbibigay ng buto mula sa kanilang uri, at mga namumungang punong kahoy na taglay nito ang buto, mula sa kanilang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya.

    13 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikatlong araw.

    14 Sinabi ng Diyos, “Hayaang magkaroon ng mga liwanag sa langit upang ihiwalay ang araw mula sa gabi. At hayaan silang maging mga palatandaan, para sa mga panahon, para sa mga araw at sa mga taon. 15 Hayaan silang maging mga liwanag sa langit upang magbigay liwanag sa ibabaw ng mundo.” At nagkagayon nga.

    16 Ginawa ng Diyos ang dalawang malaking mga liwanag, ang mas malaking liwanag upang pamunuan ang araw, at ang mas maliit na liwanag upang pamunuan ang gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin.

    17 Inilagay sila ng Diyos sa langit upang magbigay liwanag sa ibabaw ng mundo, 18 upang pamunuan ang buong araw at ang buong gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya.

    19 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikaapat na araw.

    20 Sinabi ng Diyos, “Hayaang mapuno ang katubigan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang na ginawa ko, mapuno ang himpapawid ng mga ibong lumilipad sa ibabaw ng lupa. ” 21 Kaya’t nilikha ng Diyos ang malalaking nilalang na naninirahan sa dagat, gayon din ang bawat buhay na nilikha ayon sa kanyang uri, mga nilalang na kumikilos at nagkukumpol sa katubigan, at bawat mga ibong may pakpak ayon sa kanyang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya.

    22 Pinagpala sila ng Diyos, sinasabing, “Maging mabunga kayo at magpakarami, punuin niyo ang katubigan sa mga dagat. Hayaang dumami ang mga ibon sa mundo.

    23 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalimang araw.

    24 Sinabi ng Diyos, “Hayaang magdulot ang mundo ng buhay na mga nilalang, bawat isa ayon sa kanyang sariling uri, mga hayop, mga gumagapang na bagay, at mga mababangis na hayop ng mundo, bawat isa nito ayon sa kanyang sariling uri”. Nagkagayon nga. 25 Ginawa ng Diyos ang mga mababangis na hayop sa mundo ayon sa kanilang uri, ang mga hayop ayon sa kanilang mga uri, at lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang uri. Nakita niya na ito ay kaaya-aya.

    26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.

    28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.

    31 Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.

  2. 1 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo, hinahayag mo ang iyong kaluwalhatian sa kalangitan. 2 Mula sa mga bibig ng mga bata at sanggol ay lumikha ka ng papuri dahil sa mga kaaway mo, para patahimikin ang kaaway at ang tagapaghiganti. 3 Kapag tumitingin ako sa iyong mga kalangitan, na ginawa ng iyong mga daliri, ang buwan at mga tala, na nilagay mo sa lugar, 4 ano ang halaga ng sangkatauhan na pinapansin mo sila, o ang mga tao na pinapakinggan sila? 5 Gayumpaman ginawa mo sila ng mababa ng kaunti kaysa sa mga nilalang sa kalangitan at kinoronahan sila ng may kaluwalhatian at karangalan. 6 Ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng ginawa ng iyong mga kamay; niligay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa: 7 lahat ng mga tupa at mga baka, at kahit ang mga hayop ng bukid, 8 ang mga ibon ng langit, at ang mga isda ng dagat, lahat ng dumadaan sa mga agos ng dagat. 9 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo!

  3. 1 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ipinapaalam ng himpapawid ang ginawa ng kaniyang kamay! 2 Bawat araw ang pananalita ay bumubuhos; bawat gabi nagpapahayag ito ng kaalaman. 3 Walang pananalita o salaysay; ni hindi naririnig ang kanilang tinig. 4 Gayumpaman ang kanilang mga salita ay umaabot sa buong mundo; at ang kanilang pananalita ay hanggang sa dulo ng mundo. Nagtayo siya ng tolda para sa araw sa kalagitnaan nila. 5 Ang araw ay parang lalaking ikakasal na lumalabas sa kaniyang silid at parang isang lalaking malakas na nagagalak kapag siya ay tumatakbo sa kaniyang karera. 6 Ang araw ay sumisikat mula sa isang dako at tumatawid sa himpapawid hanggang sa kabila; walang makatatakas sa init nito.

  4. 18 Sapagkat naihayag ang poot ng Diyos mula sa langit laban sa lahat ng kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga tao na sa pamamagitan ng kawalan ng katuwiran ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Ito ay dahil ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay nakikita nila. Sapagkat niliwanagan sila ng Diyos. 20 Sapagkat ang kaniyang likas na hindi nakikita ay malinaw na nakikita simula pa noong likhain ang mundo. Nauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng mga nilikhang bagay. Ang mga likas na ito ay ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at ang kaniyang pagka-Diyos. Kung kaya, ang mga taong ito ay walang maidadahilan.

    21 Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni hindi nila siya pinasalamatan. Sa halip, naging hangal sila sa kanilang pag-iisip at nagdilim ang manhid nilang mga puso. 22 Sila ay nagmamarunong ngunit sila ay naging mga hangal. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan para sa katulad ng imahe ng taong namamatay, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

  5. 1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. 2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog.

  6. 1 Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko, Yahweh aking Diyos, lubhang kahanga-hanga ka; dinadamitan ka ng kaningningan at kamahalan. 2 Nilulukuban mo ang iyong sarili ng liwanag gaya ng isang damit; inilalatag mo ang kalangitan na parang isang kurtina ng tolda. 3 Nilalagay mo ang mga biga ng iyong mga silid sa ibabaw ng mga ulap; ginagawa mong sariling karwahe ang mga ulap; lumalakad ka sa ibabaw ng mga pakpak ng hangin. 4 Ginagawa niyang mensahero niya ang mga hangin, mga liyab ng apoy ay kanyang mga lingkod. 5 Inilagay niya ang mga pundasyon ng daigdig, at hindi ito kailanman matitinag. 6 Binalot mo ang daigdig ng tubig tulad ng isang damit; binalot ng tubig ang mga bundok. 7 Ang pagsusuway mo ang nagpaurong ng mga tubig; sa tunog ng iyong dumadagundong na tinig, sila ay lumayo. 8 Lumitaw ang mga bundok, lumatag ang mga lambak sa mga lugar na itinalaga mo sa kanila. 9 Nagtakda ka ng isang hangganan para sa kanila na hindi nila tatawirin; hindi na nila muling babalutin ang daigdig. 10 Pinadaloy niya ang mga bukal sa mga lambak; Dumadaloy ang mga batis sa pagitan ng mga bundok. 11 Nagdadala sila ng tubig para sa lahat ng mga hayop sa bukid; napapawi ang pagkauhaw ng mga maiilap na asno. 12 Sa may tabing-ilog, ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad; umaawit sila sa mga sanga. 13 Dinidiligan niya ang mga bundok mula sa kanyang mga silid ng tubig sa kalangitan. Napupuno ang daigdig ng bunga ng kanyang mga gawain. 14 Pinapatubo niya ang damo para sa mga baka at mga halaman para linangin ng tao nang sa gayon ay makapag-ani ang tao ng pagkain mula sa lupa. 15 Gumagawa siya ng alak para pasayahin ang tao, langis para magliwanag ang kanyang mukha, at pagkain para magpatuloy ang kanyang buhay. 16 Nadidiligan nang mabuti ang mga puno ni Yahweh; itinanim niya ang mga sedar ng Lebanon. 17 Doon ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad. Ginagawang tahanan ng tagak ang puno ng pir. 18 Naninirahan sa matataas na bundok ang mababangis na kambing; ang kaitaasan ng bundok ay isang kanlungan para sa mga kuneho. 19 Itinalaga niya ang buwan bilang tanda ng mga panahon; alam ng araw ang oras ng kanyang paglubog. 20 Ginawa mo ang kadiliman ng gabi kung kailan lahat ng mga hayop sa gubat ay lumalabas. 21 Umuungol ang mga batang leon para sa kanilang huli at naghahanap sila ng pagkain mula sa Diyos. 22 Sa pagsikat ng araw, bumabalik at natutulog sila sa kanilang mga lungga. 23 Samantala, nagtatrabaho ang mga tao at gumagawa hanggang gabi. 24 Yahweh, kayrami at iba't iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo. 25 Banda roon ay ang dagat, malalim at malawak, punong-puno ng hindi mabilang na mga nilalang, kapwa maliit at malaki. 26 Naglalakbay doon ang mga barko, at naroroon din si Leviatan, na hinubog mo para maglaro sa dagat. 27 Ang lahat ng mga ito ay tumitingin sa iyo para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 28 Kapag nagbibigay ka sa kanila, sila ay nagtitipon; kapag binubuksan mo ang iyong palad, sila ay nasisiyahan. 29 Kapag itinatago mo ang iyong mukha, sila ay nababagabag; kapag nilalagot mo ang kanilang hininga, sila ay namamatay at nauuwi sa alabok. 30 Kapag ipinapadala mo ang iyong Espiritu, sila ay nalilikha, at pinapanumbalik mo ang kanayunan. 31 Nawa manatili magpakailanman ang kaluwalhatian ni Yahweh; masiyahan nawa si Yahweh sa kanyang nilikha. 32 Pinagmamasdan niya ang daigdig, at ito ay nayayanig; hinahawakan niya ang kabundukan, at ang mga iyon ay umuusok. 33 Aawit ako kay Yahweh ng buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos habang ako ay nabubuhay. 34 Nawa maging matamis ang aking mga isipan sa kanya; magagalak ako kay Yahweh. 35 Mawala nawa ang mga makasalanan mula sa daigdig, at ang mga masasama ay maglaho. Nagbibigay ako ng papuri kay Yahweh ng buong buhay ko. Purihin si Yahweh.

  7. 24 Ang Diyos na lumikha ng mundo at ng lahat ng naroon, dahil siya ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi nananahan sa mga templo na itinayo ng mga kamay. 25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay. 26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.

    27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.' 29 Dahil tayo ay anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang pagkadiyos ay tulad ng ginto o pilak o mga batong nilikha ng kaisipan ng tao.

  8. 7 Pero ngayon tanungin mo ang mga mababangis na hayop; at tuturuan ka nila; Tanungin mo ang mga ibon sa mga himpapawid at sasabihin nila sa iyo. 8 O magsalita ka sa lupa, at ikaw ay tuturuan; Ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo. 9 Alin sa mga hayop ang hindi alam na ang kamay ni Yahweh ang gumawa nito—ang nagbigay sa kanila ng buhay— 10 Yahweh, sa kaninong kamay ang bawat bagay na may buhay at ang hininga ng sangkatauhan?

  9. 1 Sa simula pa lamang ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Itong Salitang ito ay nasa simula pa kasama ng Diyos. 3 Ang lahat nang mga bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, ay wala kahit isang bagay ang nilikha na nalikha.

  10. 4 to ang mga kaganapan ukol sa kalangitan at sa mundo, nang sila ay nilikha, sa araw na ginawa ni Yahweh na Diyos ang lupa at ang kalangitan.

    5 Wala pang halamang bukid ang nasa mundo, at wala pang pananim ng bukid ang tumutubo, sapagkat hindi pa dinulot ni Yahweh na Diyos na umulan sa ibabaw ng mundo, at walang taong bubungkal ng lupa. 6 Pero umakyat ang hamog mula sa mundo at diniligan ang buong ibabaw ng lupa.

    7 Si Yahweh na Diyos ay ginawa ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging buhay na nilalang.

    8 Nagtanim si Yahweh na Diyos ng isang hardin pasilangan, sa Eden, at doon niya inilagay ang taong kanyang nilikha. 9 Mula sa lupa Pinatubo ni Yahweh na Diyos ang bawat punong kaaya-aya sa paningin at mabuti para sa pagkain. Kasama rito ang puno ng buhay na nasa gitna ng hardin, at ang puno ng kaalaman ng mabuti at masama.

  11. 12 Aking nilikha ang lupa at nilalang ang tao mula rito. Itong aking mga kamay ang naglatag ng kalangitan, at aking inutos sa lahat ng mga bituin na lumitaw.

  12. 11 “Karapat-dapat ka, aming Panginoon at aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan. Dahil nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban, sila ay nabuhay at nilikha.

  13. 5 Iniibig niya ang katuwiran at katarungan. Ang lupa ay puno ng katapatan sa tipan ni Yahweh. 6 Sa pamamagitan ng salita ni Yahweh ang mga langit ay nalikha, at ang lahat ng mga bituin ay nagawa sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. 7 Tinitipon niya ang tubig ng dagat na parang isang tumpok; nilalagay niya ang mga karagatan sa mga imbakan. 8 Hayaan ang buong mundo na matakot kay Yahweh; hayaan ang lahat ng nananahan sa mundo ay mamangha sa kanya. 9 Dahil siya ay nagsalita, at nangyari ito; siya ay nag-utos, at tumayo ng matayog.

  14. 3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos. 4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya. 5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa.

  15. 13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari.

  16. 19 Sapagkat ang nananabik na pag-asa ng mga nilikha ay naghihintay para sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Sapagkat napasailalim sa pagkawalang-saysay ang mga nilikha, hindi sa sarili nitong kalooban, kundi sa kaniya na siyang nagpasailalim nito. Ito ay dahil sa tiyak na kasiguraduhan 21 na ang nilikha mismo ay maililigtas mula sa pagkaalipin hanggang sa pagkabulok at madadala ito sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

    22 Sapagkat alam natin na magkasamang dumadaing at naghihirap sa sakit ang buong nilikha hanggang ngayon.

  17. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.

  18. 1 Ang Tanging Makapangyarihan, ang Diyos, si Yahweh, ay nagsalita at tinawag ang daigdig mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. 2 Mula sa Sion, ang kaganapan ng kagandahan, ang Diyos ay nagningning. 3 Dumarating ang ating Diyos at hindi nananatiling tahimik; isang apoy ang lumalamon sa harapan niya, at bumabagyo nang napakalakas sa kanyang paligid. 4 Nananawagan siya sa kalangitan at sa lupa para mahatulan niya ang kaniyang bayan: 5 “Tipunin ang mga matatapat sa akin, ang mga nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng pag-aalay.” 6 Ipahahayag ng kalangitan ang kaniyang katuwiran, dahil ang Diyos mismo ay hukom. Selah

  19. 1 Purihin si Yahweh. Purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kalangitan; purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kaitaas-taasan. 2 Purihin niyo siya, lahat kayong mga anghel; purihin niyo siya, lahat kayong mga hukbo ng anghel. 3 Purihin niyo siya, araw at buwan; purihin niyo siya, kayong mga nagniningning na bituin. 4 Purihin niyo siya, kayong pinakamataas na kalangitan at kayong mga katubigan sa kaulapan. 5 Hayaan silang purihin ang pangalan ni Yahweh, dahil binigay niya ang utos at sila ay nalikha. 6 Itinatag niya rin sila magpakailanman; nagbigay siya ng utos na hindi magbabago. 7 Purihin si Yahweh mula sa mundo, kayong mga hayop sa lahat ng karagatan, 8 apoy at yelo, nyebe at mga ulap, malakas na hangin, sa pagtupad ng kaniyang salita, 9 mga bundok at mga burol, mga bungang-kahoy at lahat ng sedar, 10 mga mabangis at maamong hayop, mga hayop na gumagapang at mga ibon, 11 mga hari sa mundo at lahat ng bansa, mga prinsipe at lahat ng namamahala sa lupa, 12 mga binata at dalaga, mga nakatatanda at mga bata. 13 Hayaang silang purihin ang pangalan ni Yahweh dahil ang pangalan niya lamang ang itinatanghal at ang kaniyang kadakilaan ay bumabalot sa buong mundo at kalangitan. 14 Itinaas niya ang tambuli ng kaniyang bayan para sa pagpupuri mula sa kaniyang mga tapat na lingkod, mga Israelita, mga taong malapit sa kaniya. Purihin si Yahweh.

  20. 11 Ginawang angkop ng Diyos ang lahat ng bagay para sa bawat panahon. Inilagay din niya ang kawalang hanggan sa kanilang mga puso. Ngunit hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang mga gawang ginawa ng Diyos, mula sa simula hanggang sa wakas.

  21. 5 “Ako mismo ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at ng aking nakataas na braso. Ginawa ko rin ang mga tao at mga hayop sa lupa at ibibigay ko ito sa sinumang nararapat sa aking paningin.

  22. 28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa inyong kasuotan? Isipin ninyo ang mga liryo sa mga bukirin kung papaano sila tumubo. Hindi sila nagtatrabaho, at hindi sila gumagawa ng damit. 29 Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit na si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagsuot ng tulad sa isa sa mga ito. 30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?

    31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito.

  23. 29 Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama. 30 At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat. 31 Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.

  24. 7 Inuunat niya ang hilaga sa walang laman na kalawakan at ibinibitin ang daigdig sa gitna ng kawalan. 8 Binibigkis niya ang mga tubig sa kaniyang mga makapal na ulap, pero hindi sumasabog ang mga ulap sa ilalim nila. 9 Tinatakpan niya ang mukha ng buwan at inilalatag dito ang kaniyang mga ulap. 10 Umukit siya ng isang pabilog na hangganan sa ibabaw ng mga tubig bilang guhit sa pagitan ng liwanag at kadiliman. 11 Nanginginig ang mga haligi ng langit at nabibigla sa kaniyang pagsasaway. 12 Pinakalma niya ang dagat sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan; sa pamamagitan ng kaniyang pang-unawa, winasak niya si Rahab. 13 Sa pamamagitan ng kaniyang hininga, pinagliwanag niya ang kalangitan mula sa mga bagyo; ang mga kalangitan ay pinagliwanag mula sa mga bagyo; sinaksak ng kaniyang kamay ang tumatakas na ahas. 14 Tingnan mo, ang mga ito ay mga palawit lamang ng kaniyang mga pamamaraan; kay hinang bulong ang naririing natin mula sa kaniya! Sino ang makakaunawa sa kulog ng kaniyang kapangyarihan?

  25. 11 Tunay nga, pinupuno niya ang makapal na ulap ng tubig; kinakalat niya ang kidlat mula sa mga ulap. 12 Pinaikot niya ang mga ulap sa pamamagitan ng kaniyang gabay, para magawa nila ang kahit anong inuutos niya mula sa ibabaw ng buong daigdig. 13 Ginawa niya ang lahat ng ito na mangyari; minsan nangyayari ito para sa pagtatama, minsan para sa lupain, at minsan bilang mga pagkilos sa katapatan sa tipan. 14 Makinig ka dito Job; huminto ka at isipin mo ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos. 15 Alam mo ba kung papaano pinilit ng Diyos ang kaniyang kagustuhan sa mga ulap at pinakislap ang mga kidlat? 16 Naiintindihan mo ba ang paglutang ng mga ulap, ang kamangha-manghang mga ginawa ng Diyos, na siyang nakaaalam ng lahat?

  26. 11 Sa iyo ang kalangitan, pati na ang kalupaan. Nilikha mo ang mundo at lahat ng nilalaman nito.

  27. 15 Kinuha ni Yahweh na Diyos ang lalaki at inilagay siya sa hardin ng Eden upang trabahuin at alagaan ito.

  28. 11 Hayaang ang kalangitan ay magalak, at ang daigdig ay magdiwang; hayaang ang dagat ay rumagasa at ang mga laman nito ay sumigaw nang may kagalakan. 12 Hayaang magalak ang mga bukirin at lahat ng nasa kanila. Pagkatapos hayaang ang mga puno sa kagubatan sumigaw sa kagalakan 13 sa harapan ni Yahweh, dahil siya ay darating. Siya ay darating para hatulan ang daigdig batay sa katuwiran at ang mga tao batay sa kanyang katapatan.

  29. 13 Ang kaniyang tinig ang lumilikha ng dagundong ng katubigan sa kalangitan at siya ang nagpapaangat ng hamog mula sa bawat sulok ng daigdig. Lumilikha siya ng kidlat para sa ulan at nagpapalabas ng hangin mula sa kaniyang kamalig.

  30. 8 Nilikha ng Diyos ang Pleyades at Orion; ginawa niyang umaga ang dilim; pinagdidilim niya ang araw na maging gabi at tinawag niya ang mga tubig sa dagat; ibinubuhos niya ang mga iyon sa ibabaw ng mundo. Yaweh ang kaniyang pangalan! 9 Nagdudulot siya ng biglang pagkawasak sa malalakas upang sa gayon masisira ang mga tanggulan

  31. 27 Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito.

  32. 6 Ikaw si Yahweh. Ikaw lamang. Ginawa mo ang langit, ang pinakamataas na kalangitan, kasama ng lahat ng kanilang mga anghel na nakahanda para sa digmaan, at ang lupa at lahat nang naroon, at ang mga dagat at lahat ng nasa kanila. Nagbigay ka ng buhay sa kanilang lahat, at ang hukbo ng mga anghel ng langit ay sumasamba sa iyo.

  33. 1 Masdan, malapit nang ubusin ni Yahweh ang laman ng mundo, para sirain ito, dungisan ang ibabaw nito, at ikalat ang mga naninirahan dito. 2 Mangyayari ito, sa mga tao, ganun din sa mga pari; sa mga lingkod, ganun din sa kaniyang amo; sa mga katulong na babae, ganun din sa kaniyang among babae; sa mga mamimimili, ganun din sa nagbebenta; sa mga pinagkakautangan, ganun din sa mga nangungutang; sa mga tumatanggap ng tubo, ganun din sa mga tagapagbigay ng tubo. 3 Ganap na masisira ang mundo at ganap na huhubaran; dahil sinabi na ni Yahweh ang salitang ito. 4 Manunuyo at malalanta ang mundo, mabubulok at maglalaho ang mundo, mabubulok ang mga kilalang tao sa lupa. 5 Ang mundo ay narumihan dahil sinuway ng mga naninirahan dito ang mga batas, nilabag ang mga kautusan, at winasak ang walang hanggang tipan. 6 Kaya nilamon ng sumpa ang mundo, at napatunayan na ang naninirahan dito ay maysala. Sinunog ang mga naninirahan sa mundo, at kaunting tao lang ang natira.

  34. 28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan.

  35. 17 Kaya masdan ninyo, malapit na akong lumikha ng bagong langit at bagong lupa, at ang nakaraang mga bagay ay hindi na maaalala o maiisip. 18 Pero kayo ay magagalak at magsasaya nang walang hanggan sa aking lilikhain. Masdan ninyo, malapit ko nang likhain ang Jerusalem bilang isang kaligayahan, at ang kanyang mamamayan bilang isang kagalakan.

  36. 6 Naghanda ang Diyos na si Yahweh ng isang halaman at pinatubo niya ito sa ibabaw ng ulo ni Jonas para maging lilim sa ibabaw ng ulo niya para mapagaan ang kanyang pagkabalisa. Labis na natuwa si Jonas nang dahil sa halaman.

    7 Ngunit kinabukasan sa pagsikat ng araw naghanda ang Diyos ng isang uod. Sinalakay nito ang halaman at nalanta ang halaman.

    8 Nangyari na nang sumikat ang araw ng sumunod na umaga, ang Diyos ay naghanda ng isang mainit na hangin mula sa silangan. At saka, tinamaan ng sinag ng araw ang ulo ni Jonas at naging maputla siya. Pagkatapos hinangad ni Jonas na mamatay siya. Sinabi ni Jonas sa kanyang sarili, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa sa mabuhay.

    9 Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Jonas, “Tama bang labis kang magalit dahil sa halaman? At sinabi ni Jonas, “Tama lang na magalit ako, kahit hanggang sa kamatayan.”

    10 Sinabi ni Yahweh, “Nagkaroon ka ng habag sa halaman, na hindi mo naman pinaghirapan, ni pinatubo ito. Tumubo ito sa isang gabi at namatay sa isang gabi. 11 Kaya para sa akin, hindi ba dapat akong mahabag sa Ninive, ang malaking lungsod na iyon, kung saan may mas marami pa sa isandaan at dalawampung libong tao na hindi alam ang kaibahan sa pagitan ng kanilang kanang kamay at kaliwang kamay, at saka maraming rin baka?”

  37. 6 Hindi ba ang limang mga maya ay ipinagbibili sa dalawang maliit na barya? Ganun pa man, wala ni isa sa kanila ang nalilimutan sa paningin ng Diyos.