89 Bible Verses About God's Sovereignty
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
14 Kung gayon, ano ang sasabihin natin? Mayroon bang kawalan ng katarungan sa Diyos? Huwag nawang mangyari. 15 Sapagkat sinabi niya kay Moises, “Kaaawaan ko ang sinumang kaaawan ko, at kahahabagan ko ang sinumang kahahabagan ko.”
16 Kaya nga, hindi dahil sa kaniya na nagnanais, hindi rin dahil sa kaniya na tumatakbo, kundi dahil sa Diyos, na nagpapakita ng awa. 17 Sapagkat sinasabi ng kasulatan kay Paraon, “Dahil sa layuning ito kaya itinaas kita, upang maipakita ko ang aking kapangyarihan sa pamamagitan mo, at upang maipahayag ang pangalan ko sa buong mundo.” 18 Kaya nga, may awa ang Diyos sa sinumang nais niyang kaawaan, at pinapatigas niya ang kalooban ng sinumang naisin niya.
19 Sasabihin mo sa akin, “Bakit pa siya humahanap ng kamalian? Sapagkat sino ang nakapigil sa kaniyang kalooban ni minsan?” 20 Sa kabilang banda, tao, sino kang sumasagot laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinulma sa humulma nito, “Bakit mo ako ginawang ganito?” 21 Wala bang karapatan sa putik ang magpapalayok, upang gawin sa iisang tumpok ng putik ang isang sisidlan para sa natatanging paggagamitan, at ang isa pang sisidlan para sa pangaraw-araw na paggagamitan?
22 Paano kung ang Diyos, na nagnanais ipakita ang kaniyang galit at ipahayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiyaga ng may labis na pagtitiis sa mga sisidlan ng galit na naihanda para sa pagkawasak? 23 Paano kung ginawa niya ito upang mahayag ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na noon pa ay inihanda na niya para sa kaluwalhatian? 24 Paano kung ginawa niya rin ito para sa atin, na tinawag din niya, hindi lamang mula sa mga Judio, ngunit mula rin sa mga Gentil? 25 Gaya rin ng sinasabi niya sa Hosea: “Tatawagin kong mga tao ko ang hindi ko dating mga tao, at minamahal na hindi dating minamahal.”
26 At sa lugar na pinagsabihan sa kanila, 'Hindi ko kayo mga tao,' doon ay tatawagin silang “mga anak ng Diyos na buhay.'”
-
28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.
31 Ano ngayon ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang laban sa atin? 32 Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling Anak ngunit ibinigay niya para sa ating lahat, paanong hindi niya rin ibibigay sa atin ng libre ang lahat ng bagay?
-
7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo.
11 Pinili tayo kay Cristo at napagpasyahan noon pa man. Ito ay ayon sa kalooban ng gumawa ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng layunin ng kaniyang kalooban. 12 Ginawa ito ng Diyos upang tayo ay mamuhay sa pagpuri ng kaniyang kaluwalhatian. Tayo ang nauna na nagkaroon ng tiwala kay Cristo.
-
8 Tandaan ninyo ang mga bagay na ito; huwag ninyo itong balewalain, kayong mga suwail! 9 Isipin ninyo ang mga unang pangyayari, mga nakaraang panahon, dahil ako ang Diyos, wala ng iba, Ako ay Diyos, at walang ibang katulad ko. 10 Ipinapahayag ko ang wakas mula sa pasimula, at mga bagay na mangyayari na hindi pa nangyayari; Sinasabi ko, “magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng nais kong gawin.” 11 Tumatawag ako ng ibong mangdadagit mula sa silangan, ng taong aking pinili mula sa malayong lupain; Oo, ako ay nagsalita; tutuparin ko rin ito; ako ang nagplano; ako rin ang gagawa nito.
-
11 Sa iyo, Yahweh, ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian, ang katagumpayan, at ang karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang kaharian, Yahweh, at ikaw ang itinataas bilang tagapamuno ng lahat. 12 Nagmula sa iyo ang kayamanan at karangalan, at namumuno ka sa lahat ng mga tao. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan. Taglay mo ang lakas at kalakasan na gawing dakila ang mga tao at magbigay ng lakas sa sinuman.
-
32 Itataboy ka palayo mula sa mga tao, at sa parang ang iyong magiging tahanan kasama ng mga mababangis na hayop. Kakain ka ng damo tulad ng isang baka. Lilipas ang pitong taon hanggang sa kilalanin mong ang Kataas-taasan ang naghahari sa mga kaharian ng tao at ibinibigay niya ang mga ito sa sinumang naisin niya.”
33 Natupad kaagad kay Nebucadnezar ang atas na ito. Itinaboy siya palayo mula sa mga tao. Kumain siya ng damo tulad ng isang baka, at nabasa ang kaniyang katawan ng hamog mula sa kalangitan. Humaba ang kaniyang buhok na kasing haba ng mga balahibo ng mga agila, at naging tulad ng mga pangalmot ng mga ibon ang kaniyang mga kuko.
34 At sa katapusan ng mga araw, ako, si Nebucadnezar ay tumingin sa langit, at ibinalik sa akin ang aking katinuan. “Pinuri ko ang Kataas-taasan, at pinarangalan at niluwalhati ko ang siyang nabubuhay magpakailanman. Sapagkat ang kaniyang paghahari ay walang hanggang paghahari, at nananatili ang kaniyang kaharian sa lahat ng sali't saling lahi. 35 Itinuturing niyang walang halaga ang lahat ng mga naninirahan sa lupa, ginagawa niya sa hukbo ng langit at sa mga naninirahan sa lupa ang anumang naaayon sa kaniyang kagustuhan. Walang makakapigil o makakatutol sa kaniya. Walang makakapagsasabi sa kaniyang, 'Bakit mo ito ginawa?''
-
3 Ang aming Diyos ay nasa langit; ginagawa niya ang kaniyang maibigan.
-
15 Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, ang mga nasa langit at ang mga nasa lupa, ang mga nakikita at ang mga hindi nakikita. Maging mga trono o pamahalaan o pamunuan o kapangyarihan, ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya.
17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay. 18 At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang simula at ang unang anak mula sa mga patay, kaya siya ang pangunahin sa lahat ng mga bagay. 19 Sapagkat ang Diyos ay nalugod na ang kaniyang kaganapan ay nararapat na mamuhay sa kaniya, 20 at upang ipagkasundo sa kaniya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Anak. Gumawa ang Diyos ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang dugo sa krus. Ipinagkasundo ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili, maging ang mga bagay sa lupa o ang mga bagay sa kalangitan.
-
1 Ang puso ng hari ay isang batis ng tubig sa kamay ni Yahweh; siya ang pumapatnubay dito kahit saan niya naisin.
-
1 Pagkatapos sumagot si Job kay Yahweh at sinabing, 2 “Alam kong kaya mong gawin ang lahat ng bagay, na wala kang layunin na mapipigilan. 3 Tinanong mo ako, 'Sino ba itong walang nalalaman na nagdadala ng kadiliman sa aking mga plano?' Kaya sinabi ako ang mga bagay na hindi ko naintindihan, mga bagay na napakahirap para maunawaan ko, na hindi ko alam. 4 Sinabi mo sa akin, 'Makinig ka, ngayon, at magsasalita ako; magtatanong ako sa iyo ng mga bagay, at sasabihin mo sa akin.' 5 Narinig ko na ang tungkol sa iyo sa pandinig ng aking tainga, pero ngayon nakikita ka na ng aking mata. 6 Kaya kinamumuhian ko ang sarili ko; nagsisisi ako sa alikabok at abo.”
-
6 Kahit na anong naisin ni Yahweh, ginagawa niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman ng karagatan. 7 Inilagay niya ang mga ulap mula sa malayo, na gumagawa ng lumiliwanag na kidlat kasama ng ulan at nagdadala ng hangin mula sa kaniyang imbakan.
-
23 Sapagkat sa aking pagdaraan at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba, natagpuan ko ang isang altar na may naka-ukit na ganito, “SA DIYOS NA HINDI NAKIKILALA “. Ang sinasamba ninyo na hindi nakikilala ang aking ipinapahayag sa inyo.
24 Ang Diyos na lumikha ng mundo at ng lahat ng naroon, dahil siya ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi nananahan sa mga templo na itinayo ng mga kamay. 25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay. 26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.
27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.' 29 Dahil tayo ay anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang pagkadiyos ay tulad ng ginto o pilak o mga batong nilikha ng kaisipan ng tao.
30 Kaya nga, pinalampas ng Diyos ang panahon na hindi siya kinilala, ngunit ngayon inuutusan niya ang lahat ng mga tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Ito ay dahil itinakda na niya ang araw kung kailan niya hahatulan ang mundo sa katuwiran sa pamamagitan ng taong kaniyang pinili. Pinatunayan ito ng Diyos sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya sa mga patay.”
-
33 O, napakayaman ng Diyos sa karunungan at kaalaman! Hindi masuri ang kaniyang mga hatol, at ang kaniyang mga kaparaanan ay hindi kayang matuklasan! 34 “Sapagkat sino ang nakakaalam ng isipan ng Panginoon? O sino ang naging tagapayo niya? 35 O sino ang nagbigay ng una sa Diyos, upang ito ay bayaran sa kaniya?” 36 Sapagkat mula sa kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
-
6 Para malaman ng mga tao mula sa pagsikat ng araw, at mula sa kanluran, na walang ibang diyos maliban sa akin: ako si Yahweh, at wala ng iba. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at dilim; Ako ang nagbibigay ng kapayapaan at lumilikha ng kapahamakan; Ako si Yahweh, na gumagawa ng lahat ng bagay na ito. 8 Kayong mga langit, ibagsak ninyo ang ulan mula sa itaas! Hayaan ang mga himpapawid na umulan ng makatarungang kaligtasan. Hayaan ito ay sipsipin ng lupa, nang kaligtasan ay sumibol, at kasama nito tutubo ang katwiran. Ako, si Yahweh, ang lumikha sa kanilang dalawa. 9 Kaawa-awa ang sinumang nakikipagtalo sa lumalang sa kanya! Isang basag na palayok sa kalagitnaan ng lahat ng basag na palayok sa lupa! Dapat bang sabihin ng putik sa manlililok,' 'Ano ang iyong ginagawa? o, Ano ang iyong nililikha— wala ka bang mga kamay noong likhain mo ito? 10 Kaawa-awa ang nagsasabi sa isang ama, Para saan pa ang iyong pagiging ama? o sa isang babae, 'para saan at ikaw ay manganganak pa?' 11 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Banal ng Israel, kaniyang Manlilikha: tungkol sa mga bagay na darating, tinatanong ninyo ba ako tungkol sa aking mga anak? Sasabihin niyo ba sa akin kung ano ang gagawin ko sa gawa ng aking mga kamay?' 12 Aking nilikha ang lupa at nilalang ang tao mula rito. Itong aking mga kamay ang naglatag ng kalangitan, at aking inutos sa lahat ng mga bituin na lumitaw. 13 Pinakilos ko si Ciro sa katuwiran, at tutuwirin ang lahat ng kaniyang mga landas. Itatayo niya ang aking lungsod; pauuwiin niya ang aking bayang ipinatapon, nang walang kapalit na bayad o suhol, “sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo.
-
26 Samakatwid huwag ninyo silang katakutan, sapagkat walang lihim ang hindi nabubunyag, at walang natatago na hindi malalaman. 27 Ang sinabi ko sa inyo sa kadiliman ay sabihin sa liwanag, at kung anong narinig ninyo ng mahina sa inyong tainga, ipahayag sa ibabaw ng mga bubungan.
28 Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan ngunit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na kayang makapupuksa ng kaluluwa at katawan sa impyerno.
29 Hindi ba ang dalawang maya ay ibinenta sa isang baryang maliit ang halaga? Ngunit wala ni isa sa kanila ang nalaglag sa lupa na hindi nalalaman ng Ama. 30 At kahit na ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang lahat. 31 Huwag kayong matakot. Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.
32 Samakatwid ang lahat na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko din sa harap ng Ama na nasa langit. 33 Ngunit ang magtanggi sa akin sa harap ng mga tao ay itatanggi ko din sa harap ng aking Ama na nasa langit.
-
13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, “Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita.” 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala.
15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, “Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan.” 16 Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama.
-
20 At para sa inyo, ninais niyo na ipahamak ako, pero ninais ng Diyos ito para sa kabutihan, para pag-ingatan ang buhay ng maraming tao, gaya ng nakikita ninyo ngayon.
-
5 Tumayo si Jehoshafat sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa tahanan ni Yahweh, sa harap ng bagong patyo. 6 Sinabi niya, “Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno, hindi ba ikaw ang Diyos ng kalangitan? At hindi ba ikaw ang namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Ang kapangyarihan at kalakasan ay nasa iyong kamay, kaya walang sinuman ang makakatalo sa iyo.
-
33 Ang mga palabunutan ay hinahagis sa kandungan, pero ang kapasyahan ay nagmumula kay Yahweh.
-
3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak.
-
16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa hindi malapitang liwanag. Walang sinumang tao na nakakita sa kaniya o kaya ay may kakayahang makita siya. Sa kaniya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.
-
14 Tingnan ninyo, pag-aari ni Yahweh na inyong Diyos ang langit ng kalangitan, ang sanlibutan, kasama ang lahat na nasa kanila. 15 Si Yahweh lamang ang nasiyahan sa inyong mga ama para ibigin sila, at pinili niya kayo, na kanilang mga kaapu-apuhan, na kasunod nila, kaysas sa sa ibang mga tao, gaya ng ginagawa niya ngayon.
16 Kaya nga tuliin ang masamang balat ng inyong puso at huwag maging suwail. 17 Dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, ang tanging makapangyarihan at ang tanging kinatatakutan, na siyang walang itinatanging sinuman at hindi tumatanggap ng mga suhol.
-
9 Kapag ang buhay na mga nilalang ay nagbigay ng kaluwalhatian, karangalan at pasasalamat sa isa na siyang nakaupo sa trono, sa isa na siyang nabubuhay magpakailan pa man, 10 ang dalawampu't apat na nakatatanda ay nagpatirapa sa harap ng isang nakaupo sa trono. Yumuko sila sa isang nabubuhay ng walang hanggan at magpakailan pa man, at inihagis nila ang kanilang mga korona sa harap ng trono, sinasabing, 11 “Karapat-dapat ka, aming Panginoon at aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan. Dahil nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban, sila ay nabuhay at nilikha.
-
1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.
2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan.
3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag” at nagkaroon ng liwanag.
-
9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang.
-
21 Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig.
-
13 Pag-isipan ang mga ginawa ng Diyos: Sino ang maaaring magtuwid ng anumang bagay na ginawa niyang baluktot? 14 Kapag mabuti ang mga panahon, masayang mamuhay sa kabutihang iyon, ngunit kapag masama ang mga panahon, pag-isipan ito: ipinahintulot ng Diyos na magkatabing mamalagi ang dalawang ito. Sa kadahilanang ito, walang isa man ang makakaalam ng anumang bagay na darating sa kaniya.
-
24 Nanumpa si Yahweh ng mga hukbo, “Sigurado, gaya ng nais ko, mangyayari iyon; at gaya ng layunin ko, mangyayari iyon: 25 Wawasakin ko ang mga taga-Asiria sa aking lupain, at tatapakan ko sila sa aking mga bundok. Pagkatapos, maiaangat ang pamatok sa kaniya at kaniyang pasanin sa kaniyang mga balikat.” 26 Ito ang plano na nais ko para sa buong mundo, at ito ang kamay na nakataas sa lahat ng mga bansa. 27 Dahil binalak ni Yahweh ng mga hukbo ito; sino ang makapipigil sa kaniya? Nakataas ang kaniyang kamay, at sino ang makabababa nito?
-
26 Tumingin sa kanila si Jesus at sinabi, “Sa mga tao ito ay imposible ngunit sa Diyos, lahat ay posible.”
-
13 Mula sa araw na ito Ako ay siya, at walang makakasagip sa sinuman mula sa aking kamay. Ako ang gagawa, at sinong ang makakabalik nito?”
-
37 Sino ang nagsasalita at nangyayari kapag hindi ito iniutos ng Panginoon? 38 Hindi ba parehong kapahamakan at katagumpayan ay nagmumula sa bibig ng Kataas-taasan? 39 Paano makakadaing ang sinumang taong nabubuhay? Paaano makakadaing ang sinumang tao tungkol sa kaparusahan ng kaniyang mga kasalanan? 40 Siyasatin at suriin natin ang ating mga pamamaraan, at muling manumbalik kay Yahweh.
-
8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito.
-
12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya.
-
19 Itinatag ni Yahweh ang kanyang trono sa mga kalangitan, at pinamamahalaan ang bawat isa ng kanyang kaharian. 20 Bigyang papuri si Yahweh kayong mga anghel na napakalakas at sumusunod sa kanyang salita, na masunurin sa kanyang mga kautusan. 21 Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang hukbo ng mga anghel, kayo ay kanyang mga lingkod na nagsasagawa ng kanyang kalooban. 22 Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang mga nilalang, sa lahat ng mga lugar kung saan siya naghahari. Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko.
-
51 Nagpakita siya ng lakas ng kaniyang mga bisig; ikinalat niya ang mga nagmamataas ng nilalaman ng kanilang mga puso. 52 Pinabagsak niya ang mga prinsipe mula sa kanilang mga trono at itinaas niya ang mga may mababang kalagayan. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, ngunit ang mga mayayaman ay pinaalis niyang gutom.
-
44 Walang taong maaaring makalapit sa akin maliban na lamang kung ilapit siya ng Ama na siyang nagsugo sa akin, at ibabangon ko siya sa huling araw.
-
65 Sinabi niya, “ Dahil dito ay sinabi ko sa inyo na walang isa man na maaring makalapit sa akin maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.”
-
10 Si Yahweh ay umuupo bilang hari sa ibabaw ng baha; si Yahweh ay umuupo bilang hari magpakailanman.
-
1 Sa taon ng kamatayan ni Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang trono; siya ay mataas at nakaangat; at ang laylayan ng kaniyang kasuotan ay bumalot sa templo. 2 Nasa taas niya ang mga serapin, bawat isa ay mayroong anim na pakpak, dalawa ang nakatakip sa kaniyang mukha, at dalawa ang nakatakip sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad. 3 Bawat isa ay nagsasabi sa isa't isa, “Banal, banal, banal si Yahweh na pinuno ng mga hukbo! Puno ng kaniyang kaluwalhatian ang buong mundo.”
4 Nayanig ang mga pinto at mga pundasyon sa mga tinig ng mga nananawagan, at napuno ng usok ang bahay.
5 Pagkatapos sinabi ko, “Kaawa-awa ako! Mapapahamak ako dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at namumuhay kasama ng mga taong marurumi ang mga labi, dahil nakita ng aking mga mata ang Hari, si Yahweh, si Yahweh na pinuno ng mga hukbo!”
6 Pagkatapos, isang serapin ang lumipad papalapit sa akin; mayroon siyang hawak na nagbabagang uling na kinuha niya gamit ang panipit mula sa altar. 7 Idinampi niya ito sa aking bibig at sinabi, “Masdan mo, naidampi na ito sa iyong labi; ang iyong kasalanan ay nilinis at tinubos na.
-
27 Totoong kapwa sina Herod at Poncio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga Israelita ay nagtipon-tipon sa lungsod na ito laban sa inyong banal na lingkod na si Jesus, na inyong pinili. 28 Nagtipon-tipon sila upang isagawa ang lahat na napagpasyahan ng inyong kamay at ng inyong kagustuhan na mangyari noon pang una.
-
38 Ngayon sinasabi ko sa inyo, ''Lumayo kayo sa mga taong ito at hayaan sila, dahil kung sa tao ang plano o gawaing ito ito ay babagsak. 39 Ngunit kung ito ay sa Diyos hindi ninyo sila maaring pabagsakin; lalabas pang kayo ay lumalaban sa Diyos.'' Kaya nahikayat sila.
-
26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. 28 Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilan upang magyabang sa harapan niya.
30 Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin na mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya nga, gaya ng sinabi ng kasulatan, “Kung ang isa man ay magmamalaki, ipagmalaki niya ang Panginoon,”
-
1 Noon unang panahon, nakipag-usap ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta ng maraming beses at sa iba't-ibang paraan. 2 Ngunit sa mga araw na ito, nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Anak na siyang hinirang na tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ginawa ang mundo.
3 Ang kaniyang Anak ang ningning ng kaniyang kaluwalhatian, ang totoong katangian ng kaniyang diwa, at pinapanatili niya ang lahat sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang nakamit ang paglilinis ng mga kasalanan, umupo siya sa kanang kamay ng kataas-taasang kamahalan. 4 Siya ay naging higit na mataas sa mga anghel, sapagkat ang pangalan na kaniyang minana ay mas mahusay kaysa sa kanilang pangalan.
-
11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.
14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.
-
39 Kaya alamin sa araw na ito, at ilagay ito sa inyong puso, na si Yahweh ay Diyos sa ibabaw ng langit at sa ilalim ng lupa; walang iba pa.
-
10 Magkakapira-piraso ang mga sumasalungat kay Yahweh; magpapakulog siya mula sa langit laban sa kanila. Si Yahweh ang huhusga sa mga dulo ng mundo. Bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari at itataas niya ang sungay ng kanyang hinirang.”
-
31 Matuwa ang mga langit at ang daigdig ay magalak; sasabihin nila sa lahat ng mga bansa, “maghari si Yahweh.”
-
28 Dahil ang kaharian ay kay Yahweh; siya ang namumuno sa mga bansa.
-
9 Dahil siya ay nagsalita, at nangyari ito; siya ay nag-utos, at tumayo ng matayog. 10 Binibigo ni Yahweh ang pagsasanib ng mga bansa; siya ang nananaig sa mga plano ng mga tao. 11 Ang mga plano ni Yahweh ay nananatili magpakailanman, ang mga plano ng kanyang puso para sa lahat ng salinlahi.
-
2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Yahweh, na gumawa ng langit at lupa.
-
4 Ginawa ni Yahweh ang lahat ng bagay ukol sa kaniyang layunin, maging ang mga masama para sa araw ng kaguluhan.
-
21 Hindi niyo ba nalaman? Hindi niyo ba narinig? Hindi ba nasabi sa inyo ito mula simula? Hindi niyo ba nauunawaan mula sa mga pundasyon ng mundo? 22 Siya ang nakaupo sa itaas ng kapatagan ng lupa; at ang mga naniniraha'y tulad ng tipaklong sa harap niya. Kaniyang nilatag ang kalangitan tulad ng isang kurtina at inuunat ito tulad ng isang tolda para matirhan. 23 Binabawasan niya ang mga pinuno at ginagawang walang halaga ang mga pinuno sa mundo. 24 Tingnan, sila ay bahagyang nakatanim; tingnan, sila ay bahagyang inani; tingnan, sila ay bahagyang nagkaugat sa mundo, bago niya sila hipan, at sila ay nalalanta, at ang hangin ay hihipan sila tulad ng dayami. 25 “Kung ganoon, kanino niyo ako ihahambing, sino ang katulad ko?” sinabi ng Banal. 26 Tumingala ka sa himpapawid! Sino ang lumikha ng lahat ng mga bituin? Pinangungunahan niya ang kanilang mga pagkakaayos at tinatawag silang lahat sa pangalan. Sa kadakilaan ng kaniyang lakas at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan, walang isang mawawala.
-
15 Ako si Yahweh, ang Banal, ang lumikha ng Israel, ang inyong Hari.”
-
37 Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos.”
-
17 Ngayon sa hari ng walang hanggang panahon, ang walang kamatayan, hindi nakikita, at nag-iisang Diyos, sa kaniya ang karangalan at luwalhati magpakailanpaman. Amen.
-
11 Pagkatapos nakita ko ang langit na bumukas, at nakita ko roon ang isang puting kabayo. Ang nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo. Humahatol siya ng may katuwiran at nakikipagdigma siya. 12 Ang kaniyang mga mata ay parang nagniningas na apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming mga korona. Mayroon siyang pangalan na nakasulat sa kaniya na walang ibang nakakaalam kundi ang kaniyang sarili. 13 Nakasuot siya ng balabal na nilublob sa dugo at ang kaniyang pangalan ay Ang Salita ng Diyos.
14 Ang hukbo ng kalangitan ay sumusunod sa nakasakay sa puting kabayo, na nakadamit ng pinong lino, maputi at malinis. 15 Mula sa kaniyang bibig lumabas ang isang matalim na espada na ipinanghahampas niya sa mga bansa, at pamumunuan niya sila ng pamalong bakal. Pag-aapakan niya ang tindi ng galit sa poot ng Diyos, na namumuno sa lahat. 16 Sinulatan niya ang kaniyang balabal at sa kaniyang hita ng pangalang: HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.
17 Nakita ko ang isang anghel na nakatayo sa araw. Tinawag niya nang may malakas na tinig ang lahat na mga ibong lumilipad sa ibabaw ng kaniyang ulo. “Halikayo sama-samang magtipon para sa dakilang hapunan ng Diyos. 18 Halikayo kainin ang laman ng mga hari, ang laman ng pinuno ng hukbo, ang laman ng mga magigiting na lalaki, ang laman ng mga kabayo at kanilang mga mangangabayo, at ang laman ng lahat ng mga tao, kapwa malaya at alipin, ang hindi mahahalaga at ang makapangyarihan.”
19 Nakita ko ang halimaw at ang mga hari ng mundo kasama ang kanilang mga hukbo. Humahanay sila para makipagdigmaan sa kaniya na nakasakay sa kabayo kasama ng kaniyang hukbo. 20 Nabihag ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa kaniyang presensya. Gamit ang mga tandang ito nilinlang niya ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at silang sumamba sa kaniyang imahe. Ang dalawa sa kanila ay inihagis nang buhay sa dagat-dagatang apoy ng nasusunog na asupre. 21 Ang natitira sa kanila ay pinatay gamit ang espada na lumabas mula sa bibig ng siyang nakasakay sa kabayo. Kinain ng lahat ng ibon ang kanilang patay na laman.
-
11 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Sino ba itong gumawa ng bibig ng tao? Sino bang gumawa sa taong pipi o bingi, nakakakita o bulag? Hindi ba ako, si Yahweh?
-
39 Tingnan ninyo ngayon ako, kahit ako, ang Diyos, at walang nang diyos maliban sa akin; ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; ako'y sumusugat, at ako'y nagpapagaling, at walang ni isa na makakapagligtas sa inyo mula sa aking lakas.
-
11 Sa pagkarinig namin nito, natunaw ang aming mga puso at walang tapang ang naiwan sa sinuman—dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ang Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.
-
1 Noong unang taon ni Ciro, hari ng Persia, tinupad ni Yahweh ang kaniyang salita na dumating mula sa bibig ni Jeremias at inudyukan ang espiritu ni Ciro. Ang tinig ni Ciro ay narinig sa kaniyang buong kaharian. Ito ang nasusulat at nasabi:
2 Sabi ni Ciro, hari ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Langit, ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, at itinalaga niya ako na magtayo ng isang templo para sa kaniya sa Jerusalem na nasa Judea.
3 Sinuman sa inyo na nagmula sa kaniyang mga tao, sumainyo nawa ang kaniyang Diyos, para kayo ay umakyat sa Jerusalem at magtayo ng templo para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, na siyang Diyos ng Jerusalem. 4 Ang mga tao saanmang bahagi ng kaharian kung saan naninirahan ang mga nakaligtas sa lupaing iyon ay dapat magbigay sa kanila ng pilak at ginto, mga ari-arian at mga hayop, gayundin ang kusang-kaloob na handog para sa templo ng Diyos sa Jerusalem.
-
6 Ikaw si Yahweh. Ikaw lamang. Ginawa mo ang langit, ang pinakamataas na kalangitan, kasama ng lahat ng kanilang mga anghel na nakahanda para sa digmaan, at ang lupa at lahat nang naroon, at ang mga dagat at lahat ng nasa kanila. Nagbigay ka ng buhay sa kanilang lahat, at ang hukbo ng mga anghel ng langit ay sumasamba sa iyo.
-
1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. 2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog.
-
6 Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanpaman; ang setro ng katarungan ay setro ng iyong kaharian.
-
2 Dahil kasindak-sindak ang Kataas-taasang si Yahweh; sa buong mundo siya ang dakilang Hari.
-
1 Si Yahweh ay naghahari; siya ay binabalutan ng kamaharlikahan; si Yahweh ay nakadamit ng kalakasan; sinusuot niya ito na parang isang sinturon. Ang mundo ay matatag na itinayo; hindi ito matitinag.
-
2 Ang iyong trono ay naitayo mula noong unang panahon; ikaw ay mula sa magpakailanman.
-
1 Sa iyo ko itataas ang aking mga mata, ikaw na nakaupo sa kalangitan.
-
3 Nawa pagpalain kayo ni Yahweh mula sa Sion, siya na gumawa ng langit at lupa.
-
16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari.
-
8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan—ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili— 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.
-
1 Ito ang sinabi ni Yahweh, “Ang langit ay aking trono, at ang daigdig ay aking tuntungan. Nasaan na ang bahay na itatayo ninyo para sa akin? Nasaan ang lugar na maari kong pagpahingahan?
-
7 Sino ang hindi matatakot sa iyo, hari ng mga bansa? Sapagkat ito ang karapat-dapat sa iyo, sapagkat wala kang katulad sa lahat ng matatalinong tao sa mga bansa o sa lahat ng kanilang mga maharlikang kaharian.
-
7 Sa isang sandali, maaari akong magpahayag ng isang bagay tungkol sa isang bansa o isang kaharian, na aking aalisin, gigibain, o wawasakin ito. 8 Ngunit, kung ang bansa na aking pinahayagan ay tatalikod sa kasamaan nito, kung gayon mahahabag ako mula sa sakuna na binabalak kong dalhin dito.
9 Sa isa pang sandali, maaari kong ipahayag ang tungkol sa isang bansa o isang kaharian, na aking itatayo o itatanim ito. 10 Ngunit kung gagawa ito ng masama sa aking paningin sa pamamagitan ng hindi pakikinig sa aking tinig, ititigil ko ang aking sinabi na gagawin kong mabuti para sa kanila.
-
17 'Oh, Panginoong Yahweh! Tingnan mo! Ikaw lamang ang lumikha sa kalangitan at sa lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang lakas at sa pamamagitan ng iyong nakataas na braso. Wala kang sinabi na napakahirap para sa iyo na gawin.
-
27 “Tingnan mo! Ako si Yahweh, ang Diyos ng sangkatauhan. Mayroon bang bagay na napakahirap gawin para sa akin?
-
19 Ngunit ikaw si Yahweh, maghari ka magpakailanman, at ang iyong luklukan ay mula sa sali't salinlahi.
-
26 Sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo ay may anyo ng isang tronong tulad ng safiro, at ang nasa trono ay ang wangis ng isang tulad ng tao. 27 Nakita ko ang isang anyong tulad ng nagliliwanag na metal na may apoy sa loob mula sa kaniyang baywang pataas, mula sa kaniyang baywang pababa ay tulad ng apoy at liwanag ang nasa buong paligid.
28 Tulad ito ng isang bahagharing lumilitaw sa mga ulap sa isang maulang araw—at tulad ng maliwanag na ilaw ang pumapaligid dito. Nagpakita ito tulad ng anyo ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako, at narinig ko ang isang tinig na nagsasalita.
-
19 Nang gabing iyon, naihayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain. At pinuri ni Daniel ang Diyos ng kalangitan 20 at sinabi, “Purihin ang pangalan ng Diyos ng walang hanggan at magpakailanman; sapagkat ang karunungan at kapangyarihan ay sa kaniya. 21 Binabago niya ang mga panahon at mga kapanahunan; tinatanggal niya ang mga hari at inilalagay ang mga hari sa kanilang mga trono. Nagbibigay siya ng karunungan sa matalino at kaalaman sa mga mayroong pag-unawa. 22 Inihahayag niya ang malalim at nakatagong mga bagay dahil alam niya ang mga nasa kadiliman at ang liwanag ay nananahan sa kaniya. 23 Diyos ng aking mga ninuno, pinasasalamatan at pinupuri ko kayo para sa karunungan at kapangyarihan na ibinigay ninyo sa akin. Ngayon, ipinaalam mo sa akin kung ano ang aming ipinapanalangin sa iyo; ipinaalam mo sa amin ang bagay na nagpapaalala sa hari.”
-
9 Habang nakatingin ako, inihanda ang mga trono sa lugar nito at naupo sa kaniyang upuan ang Sinaunang mga Araw. Kasing puti ng niyebe ang kaniyang damit at ang buhok sa kaniyang ulo ay tulad ng balahibo ng tupa. Nagliliyab na apoy ang kaniyang trono at nagliliyab na apoy ang mga gulong nito. 10 Isang ilog na apoy ang umaagos palabas sa kaniyang harapan, milyon-milyon ang naglilingkod sa kaniya, at isang daang milyon ang nakatayo sa kaniyang harapan. Nasa pagpupulong ang hukuman at nabuksan ang mga libro.
-
9 Si Yahweh ang magiging hari sa buong mundo. Sa araw na iyon, naroon si Yahweh, ang nag-iisang Diyos, at ang kaniyang pangalan lamang.
-
6 Hindi ba ang limang mga maya ay ipinagbibili sa dalawang maliit na barya? Ganun pa man, wala ni isa sa kanila ang nalilimutan sa paningin ng Diyos. 7 Ngunit kahit ang mga buhok ninyo sa ulo ay bilang na lahat. Huwag matakot. Higit kayong mas mahalaga kaysa sa maraming maya.
-
3 Ang lahat nang mga bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, ay wala kahit isang bagay ang nilikha na nalikha. 4 Sa kaniya ay buhay, at ang buhay na iyon ay liwanag sa lahat ng sangkatauhan.
-
12 Ngunit sa kasing-dami nang tumanggap sa kaniya, na naniwala sa kaniyang pangalan, sa kanila niya ipinagkaloob ang karapatang maging mga anak ng Diyos, 13 ipinanganak sila hindi sa pamamagitan nang dugo, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng laman, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Diyos.
-
1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nanatili sa akin, tinatapon siya katulad ng sanga at natutuyo; tinitipon ng mga tao ang mga sanga at itinatapon ang mga ito sa apoy, at ang mga ito ay sinusunog.
-
10 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, “Hindi ka ba magsasalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at kapangyarihan na ipapako ka?”
11 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Wala kang kapangyarihan laban sa akin maliban kung ito ay ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”
-
5 Sapagkat marami ang tinatawag na mga diyus-diyosan sa langit o sa lupa, gaya ng marami ang mga “diyus-diyosan at mga panginoon”. 6 “Ngunit sa atin ay may iisang Diyos Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng mga bagay at siyang dahilan kaya tayo ay nabubuhay, at may isang Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng bagay ay umiiral at na sa pamamagitan niya tayo ay umiiral.”
-
8 Ngunit tungkol sa Anak sinasabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos, ay walang hanggan. Ang setro ng iyong kaharian ay setro ng katarungan.
-
17 Mas mainam, kung nais ng Diyos, na kayo ay maghirap sa paggawa ng kabutihan kaysa sa paggawa ng kasamaan.
-
6 At ang mga anghel na hindi nanatili sa kani-kanilang makapangyarihang tungkulin- ngunit iniwan ang kanilang nararapat na lugar- ginapos sila ng Diyos sa walang hanggang mga tanikala, sa lubos na kadiliman, para sa dakilang araw ng paghuhukom.
Shows Read in context, Share and Copy.