65 Bible Verses About Judgment Day
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.
14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.
-
1 Ngayon, sumulat ako sa inyo, mga minamahal, ang ikalawang sulat na ito ay upang gisingin ang inyong tapat na kaisipan, 2 upang inyong maalala ang mga salita na sinabi noon ng mga banal na propeta at ang tungkol sa utos ng Panginoon at tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol.
3 Una ninyong alamin ito, na darating ang mga mangungutya sa huling araw ay kukutyain kayo ng taong mangungutya at mamumuhay sa kanilang mga sariling kagustuhan. 4 at sasabihing, “Nasaan ang pangako ng kaniyang pagbabalik? Patay na ang ating mga ama, ngunit ang lahat ng mga bagay ay nananatili buhat nang likhain ang mundo.”
5 Sinadya nilang kinalimutan na ang mga langit at lupa ay nabuo mula sa tubig, at sa tubig, mahabang panahon na ang nakalipas, sa pamamagitan ng salita ng Diyos, 6 at sa kaniyang salita ang mundo ay nagkaroon ng tubig sa oras na iyon, at ang tubig ay siyang bumaha at sumira. 7 Ngunit ngayon ang mga langit at ang lupa ay ipinapanatili para sa katulad na salita para sa apoy, nakahanda para sa araw ng paghuhukom at ang pagkawasak ng mga taong hindi maka Diyos.
8 Ito ay hindi sana mawawala sa inyong kaalaman, mga minamahal, na ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng isang libong mga taon, at ang isang libong mga taon ay tulad ng isang araw. 9 Ang Panginoon ay hindi mabagal tungkol sa kaniyang mga pangako, na itinuturing ng iba na kabagalan, ngunit siya ay matiyaga sa iyo. Hindi niya ninanais na sino man sa inyo ay mapahamak, ngunit ninanais niyang bigyan ng panahon ang lahat upang magsisi.
10 Gayunpaman, ang araw ng Panginoon ay darating na parang isang magnanakaw, ang mga langit ay mawawala kasabay ng malakas na ingay. Ang mga bagay ay masusunog sa apoy, at ang lupa at ang mga gawa dito ay maihahayag.
11 Yaman lamang na ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawala sa ganitong kaparaanan, anong uri ng tao kayo dapat maging? Dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos. 12 Inyo ngang asahan at magmadali patungo sa pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, ang langit ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy, at ang mga bahagi nito ay matutunaw sa pamamagitan ng sobrang init. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.
-
31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32 Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.
34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.
37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'
40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'
41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42 sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43 ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.
44 At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?'
45 At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'
46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”
-
9 Kaya gawin natin itong layunin, kung tayo man ay nasa ating katawang lupa dito sa mundo o sa langit man, upang malugod siya. 10 Sapagkat tayo ay haharap sa hukuman ni Cristo, upang ang bawat isa ay makatanggap ng nararapat sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa sa katawan, maging sa mabuti man o masama.
11 Samakatuwid, sa pagkaalam ng takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao. Malinaw na nakikita ng Diyos kung sino tayo. Sana ay malinaw din ito sa inyong budhi.
-
24 Ang Diyos na lumikha ng mundo at ng lahat ng naroon, dahil siya ang Panginoon ng langit at lupa, ay hindi nananahan sa mga templo na itinayo ng mga kamay. 25 Hindi rin siya pinagsilbihan ng mga kamay ng tao, na para bang kailangan niya ang anuman, dahil siya mismo ang nagbigay ng buhay sa tao at hininga at lahat ng iba pang mga bagay. 26 At mula sa isang tao ay nilikha niya ang bawat lahi ng mga taong nabubuhay sa ibabaw ng mundo, itinakda niya ang kanilang mga kapanahunan at ang hangganan ng kanilang tinitirahan.
27 Kaya nga dapat nilang hanapin ang Diyos at baka sakaling maabot siya at matagpuan at sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya tayo ay nabubuhay at gumagalaw, at mayroong pagkatao, gaya nga ng sabi ng inyong mga makata, 'Dahil tayo rin ay kaniyang anak.' 29 Dahil tayo ay anak ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang pagkadiyos ay tulad ng ginto o pilak o mga batong nilikha ng kaisipan ng tao.
30 Kaya nga, pinalampas ng Diyos ang panahon na hindi siya kinilala, ngunit ngayon inuutusan niya ang lahat ng mga tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Ito ay dahil itinakda na niya ang araw kung kailan niya hahatulan ang mundo sa katuwiran sa pamamagitan ng taong kaniyang pinili. Pinatunayan ito ng Diyos sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng pagbuhay sa kaniya sa mga patay.”
-
5 Ngunit ayon sa lawak ng iyong katigasan at iyong pusong walang pagsisisi ay nag-iimbak ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng poot, iyon ay, ang araw ng paghahayag ng matuwid na paghatol ng Diyos. 6 Magbibigay siya sa bawat tao ayon sa kaniyang ginawa: 7 sa mga patuloy na gumagawa ng mga mabubuting bagay na naghangad ng papuri, karangalan at ng hindi pagkasira, bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. 8 Ngunit para sa mga makasarili, mga taong hindi sumusunod sa katotohanan ngunit sumusunod sa kalikuan, darating ang matinding galit at poot.
9 Magdadala ang Diyos ng pagdurusa at paghihirap sa bawat kaluluwa ng taong gumagawa ng masama, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 10 Subalit kapurihan, karangalan at kapayapaan ang darating sa mga taong gumagawa ng mabuti, una sa mga Judio at gayon din sa mga Griyego. 11 Sapagkat walang pinapanigan ang Diyos.
-
9 Habang nakatingin ako, inihanda ang mga trono sa lugar nito at naupo sa kaniyang upuan ang Sinaunang mga Araw. Kasing puti ng niyebe ang kaniyang damit at ang buhok sa kaniyang ulo ay tulad ng balahibo ng tupa. Nagliliyab na apoy ang kaniyang trono at nagliliyab na apoy ang mga gulong nito. 10 Isang ilog na apoy ang umaagos palabas sa kaniyang harapan, milyon-milyon ang naglilingkod sa kaniya, at isang daang milyon ang nakatayo sa kaniyang harapan. Nasa pagpupulong ang hukuman at nabuksan ang mga libro.
-
47 Gayun din naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng lamang dagat. 48 Nang ito ay napuno, hinila ito ng mga mangingisda sa dalampasigan. Pagkatapos ay umupo sila at tinipon ang mga mabuting bagay sa mga lalagyan, ngunit kanilang itinapon ang mga bagay na walang pakinabang.
49 Ganito ang mangyayari pagdating ng katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang masama sa mga matuwid. 50 Sila ay itatapon nila sa pugon ng apoy na kung saan mayroong mga iyakan at nagngangalit na ngipin.
-
36 At sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, ang mga tao ay mananagot sa bawat salita na kanilang binitawan na walang kabuluhan. 37 Sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay mapapawalang-sala, at sa iyong mga salita ikaw ay parurusahan.”
38 At sumagot ang ilang mga eskriba at Pariseo kay Jesus at sinabi, “Guro, nais naming makakita ng palatandaan mula sa iyo,” 39 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang masama at mapangalunyang salinlahi ang naghahanap ng palatandaan. Ngunit walang ibibigay na palatandaan sa kaniya maliban sa palatandaan ni Jonas na propeta. 40 Sapagkat gaya ni Jonas na tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng malaking isda, gayundin na ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi na nasa ilalim ng lupa.
41 Ang mga tao sa Nineve ay tatayo sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at parurusahan ito. Sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Jonas. 42 Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao ng salinlahing ito at parurusahan ito. Naglakbay siya mula sa dulo ng mundo upang dinggin ang karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, ang narito ay mas dakila kay Solomon.
-
1 Ngayon, tungkol sa mga oras at panahon, mga kapatid, hindi kailangang maisulat pa sa inyo ang mga bagay na ito. 2 Sapagkat alam na ninyo ng lubusan na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinabi nilang “Kapayapaan at kaligtasan,” at biglang darating sa kanila ang pagkawasak. Ito ay magiging katulad ng sakit sa panganganak ng isang babaeng buntis. Hindi sila makakatakas dito sa anumang paraan.
-
27 Tulad ng bawat tao ay itinakda na mamatay minsan, at pagkatapos ay ang paghatol, 28 gayon din si Cristo, na minsang naihandog upang alisin ang mga kasalanan ng marami, darating siya sa pangalawang pagkakataon, hindi upang ihandog muli sa kasalanan, kundi para sa kaligtasan ng mga matiyagang naghihintay sa kaniya.
-
4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, ay gaya ng maraming tao! Ang ingay ng kaguluhan sa mga kaharian ay gaya ng maraming bansa na nagtipon-tipon! Tinitipon ni Yahweh ng mga hukbo ang mga kawal para sa labanan. 5 Nanggaling sila mula sa malayong bansa na hindi na natatanaw. Si Yahweh ang wawasak ng buong lupain gamit ang kaniyang mga instrumento ng paghahatol. 6 Umungol kayo, dahil papalapit na ang araw ni Yahweh; darating ito nang may pagwasak mula sa Makapangyarihan. 7 Dahil dito, manlalambot ang lahat ng kamay at matutunaw ang bawat puso; Matatakot sila; matinding kirot at kalungkutan ang lulupig sa kanila, gaya ng isang babaeng nanganganak. 8 Titingin sila ng may pagkamangha sa isa't-isa; mag-aalab ang kanilang mga mukha. 9 Tingnan ninyo, dadating ang araw ni Yahweh nang may mabagsik na poot at nag-uumapaw na galit, para gawing malagim ang lupain at para wasakin ang mga makasalanan doon. 10 Hindi ibibigay ng mga bituin sa langit at mga grupo ng bituin ang kanilang liwanag. Magdidilim ang araw kahit na bukang-liwayway, at hindi magniningning ang buwan. 11 Parurusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito at dahil sa kanilang kasalanan. Tatapusin ko ang kayabangan ng mga mapagmataas at ibababa ko ang kayabangan ng mararahas. 12 Gagawin kong mas madalang ang mga tao kaysa sa pinong ginto at mas mahirap hanapin kaysa sa purong ginto ng Ofir. 13 Dahil dito, papanginigin ko ang kalangitan, at yayanigin ang lupa sa kinalalagyan nito, sa pamamagitan ng matinding poot ni Yahweh ng mga hukbo, at sa araw ng kaniyang matinding galit.
-
9 Nang buksan ng Kordero ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at sa kanilang patotoo na pinanghawakan nila nang buong pananalig. 10 Umiyak sila nang may malakas na tinig, “Gaano katagal, Tagapamahala sa ibabaw ng lahat, banal at totoo, hanggang hatulan mo ang mga nabubuhay sa lupa, at hanggang ipaghiganti mo ang aming dugo?
11 Pagkatapos bawa't isa sa kanila ay binigyan ng puting damit, at sila ay sinabihan na dapat silang maghintay ng kaunti hanggang ang lubos na bilang ng kapwa nila mga lingkod at mga kapatid na lalaki at babae ay abutin siyang patayin, na gaya nilang pinatay.
12 Nang buksan ng Kordero ang ika-anim na selyo, nagmasid ako, at nagkaroon ng malakas na lindol. Ang araw ay naging kasing itim ng sako. At ang kabilugan ng buwan ay naging parang dugo. 13 Ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, tulad ng puno ng igos na ang mga bunga ay nahuhulog sa panahon ng taglamig kapag inihip ng malakas na hangin. 14 Naglaho ang langit tulad ng balumbong nirolyo ng pataas. Bawat bundok at isla ay nalipat sa kanilang mga kinalalagyan.
15 Pagkatapos ang mga hari sa lupa at ang mahahalagang tao, at ang mga heneral, ang mayaman, ang makapangyarihan, at iba pa, alipin at malaya, nagtago sa mga kuweba at sa kalagitnaan ng mga bato sa kabundukan. 16 Tabunan kami! Itago mo kami mula sa mukha niya na siyang nakaupo sa trono at mula sa galit ng Kordero.” 17 Dahil darating ang dakilang araw ng kanilang poot, at sino ang makakayang tumayo?”
-
10 Ngunit ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw, bakit mo kinamumuhian ang iyong kapatid? Dahil lahat tayo ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat ito ay nasusulat, “Habang ako ay nabubuhay,” sabi ng Panginoon, “ang bawat tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawat dila ay magbibigay ng papuri sa Diyos.”
12 Kaya kung gayon, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng kaniyang sarili sa Diyos.
-
4 Kaya sa aming mga sarili ay pinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig sa inyo. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa mga pagdadalamhiti na inyong tiniis.
5 Ito ay tanda ng matuwid na paghahatol ng Diyos. Ang resulta ay ibibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos kung saan kayo ay nagdusa. 6 Matuwid para sa Diyos na ibalik ang pagdadalamhati sa mga nagdulot ng dalamhati sa inyo, 7 at kaginhawaan sa inyong mga nagdalamhati na kasama namin. Gagawin niya ito sa pagpapakita ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ng mga anghel ng kaniyang kapangyarihan. 8 Sa naglalagablab na apoy siya ay maghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi tumugon sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Sila ay daranas ng kaparusahan sa walang hanggang pagkawasak na malayo mula sa presensiya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. 10 Gagawin niya ito sa kaniyang pagbabalik sa araw na iyon para maluwalhati sa pamamagitan ng kaniyang mga tao at para mamangha sa pamamagitan ng lahat na naniwala. Sapagkat ang aming mga patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
-
24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.
26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!
-
12 Hayaan mong gisingin ng mga bansa ang kanilang mga sarili at pumunta sa lambak ni Jehoshafat. Sapagkat doon ako uupo upang hatulan ang lahat ng nakapalibot na mga bansa. 13 Gamitin ninyo ang karit dahil hinog na ang ani. Halikayo, durugin ninyo ang mga ubas dahil puno na ang mga pigaan ng ubas, umaapaw na ang mga kawa dahil katakut-takot ang kanilang kasamaan. 14 Mayroong kaguluhan, isang kaguluhan sa lambak ng Paghuhukom. Dahil ang araw ni Yahweh ay malapit sa lambak ng Paghuhukom. 15 Didilim ang araw at buwan, mawawalan ng liwanag ang mga bituin. 16 Sisigaw si Yahweh mula sa Zion, at lalakas ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. Mayayanig ang kalangitan at lupa, ngunit si Yahweh ang magiging kanlungan ng kaniyang mga tao at sandigan para sa mga tao ng Israel.
17 “Upang malaman ninyo na ako si Yahweh ang inyong Diyos na nananahan sa Zion, sa aking banal na bundok. At magiging banal ang Jerusalem, at wala nang hukbo ang muling sasalakay pa sa kaniya. 18 At mangyayari nga sa araw na iyon na papatak ang matamis na alak sa mga bundok, aapaw ang gatas sa mga burol, dadaloy ang tubig sa lahat ng mga batis ng Juda, at isang bukal ang manggagaling sa tahanan ni Yahweh at didiligan ang lambak ng Acacia. 19 Magiging wasak na lugar ang Egipto at magiging napabayaang ilang ang Edom dahil sa ginawa nilang karahasan sa mga tao ng Juda, dahil nagpadanak sila ng dugo ng mga walang kasalanan sa kanilang lupain. 20 Ngunit mananahan ang Juda magpakailanman, at mananahan ang mga salinlahi ng Jerusalem. 21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo na hindi ko pa naipaghiganti,” sapagkat nananahan si Yahweh sa Zion.
-
14 Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh, malapit na at nagmamadali! Ang tunog ng araw ni Yahweh ay magiging tulad ng mandirigmang umiiyak nang may kapaitan! 15 Ang araw na iyan ay magiging araw ng matinding galit, araw ng pagkabahala at pagdadalamhati, araw ng unos at pagkawasak, araw ng kadiliman at kalungkutan, araw ng mga ulap at pumapaitaas na kadiliman! 16 Magiging araw ito ng mga trumpeta at mga hudyat laban sa mga matitibay na lungsod at mga matataas na kuta! 17 Sapagkat magdadala ako ng pagkabahala sa sangkatauhan, upang lumakad sila na gaya ng mga bulag na tao sapagkat nagkasala sila kay Yahweh! Ibubuhos ang kanilang dugo na gaya ng alabok at ang kanilang mga lamanloob gaya ng dumi! 18 Hindi sila maililigtas maging ng kanilang mga pilak o ginto sa araw ng matinding galit ni Yahweh! Tutupukin ng apoy ng matinding poot ni Yahweh ang buong lupain sapagkat nakasisindak ang paglipol na kaniyang idudulot laban sa lahat ng naninirahan sa lupain!”
-
22 Sapagkat walang hinuhusgahan ang Ama, kundi ibinigay na niya ang lahat ng paghuhusga sa Anak 23 upang ang lahat ay parangalan ang Anak katulad ng pagparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.
-
5 Kaya, huwag kayong humatol tungkol sa anumang bagay bago ang panahon, bago dumating ang Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga lihim na bagay ng kadiliman at ihahayag ang mga layunin ng puso. At makatatanggap ang bawat isa ng kaniyang papuri mula sa Diyos.
-
39 at ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo at ang mga tagapag-ani ay ang mga anghel.
40 Kaya gaya ng mga damo na inipon at sinunog sa apoy, ganun din sa katapusan ng mundo. 41 Magpapadala ang Anak ng Tao ng kaniyang mga anghel at titipunin nila sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng bagay na sanhi ng kasalanan at ang mga gumagawa ng masama. 42 Itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy na kung saan mayroong mga iyakan at nagngangalit na ngipin. 43 At ang mga matutuwid na tao ay magliliwanag tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may taingang pandinig ay makinig.
-
29 Ngunit agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim, hindi na magliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig.
30 Pagkatapos nito, ang palatandaan ng Anak ng Tao ay lilitaw sa himpapawid, at kakabugin ng lahat ng mga tribu ang kanilang mga dibdib. Makikita nila ang Anak ng Tao na darating mula sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang lahat ng kaniyang hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabilang dulo.
32 Pag-aralan ninyo ang aral mula sa puno ng igos. Kapag nananariwa na ang mga sanga at nagdadahon na ito, alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. 33 Gayun din naman, kung makikita ninyo ang lahat ng mga ito, dapat malaman ninyo na malapit na siya, nasa tarangkahan na. 34 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hanggang mangyari ang lahat ng ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko ay hindi kailanman lilipas.
36 Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon, walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak, tanging ang Ama lamang. 37 Katulad sa kapanahunan ni Noe, ganoon din ang pagparito ng Anak ng Diyos. 38 Dahil katulad sa mga araw bago ang baha, sila ay nagkainan at nag-inuman, nag-aasawa at pinahintulutan ang mga anak nila na mag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa arka, 39 at wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat—ganoon din sa pagparito ng Anak ng Tao.
-
15 Kamuhian ang kasamaan, ibigin ang mabuti, magtatag kayo ng katarungan sa tarangkahan ng lungsod. Baka sakaling mahabag si Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, sa mga nalalabi ni Jose.
16 Kaya, ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon: “May tumataghoy sa lahat ng mga liwasan, at sasabihin nila sa lahat ng lansangan, 'Aba! Aba!' Tatawagin nila ang mga magsasaka upang magluksa at ang mga mangluluksa upang managhoy. 17 May tumatangis sa lahat ng ubasan, sapagkat dadaan ako sa kalagitnaan ninyo,” sabi ni Yahweh.
18 Aba sa inyo na naghahangad sa araw ni Yahweh! Bakit ninyo hinahangad ang araw ni Yahweh? Ito ay kadiliman at hindi liwanag. 19 Gaya ng isang tao na tinatakasan niya ang isang leon at isang oso ang sumasalubong sa kaniya, o kaya pumapasok siya sa tahanan at inihawak ang kaniyang kamay sa pader at isang ahas ang tutuklaw sa kaniya. 20 Hindi ba kadiliman ang araw ni Yahweh at hindi liwanag? Makulimlim at walang liwanag?
-
47 Kung sinuman ang nakakarinig ng aking mga salita, subalit hindi sinusunod ang mga ito, hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ang mundo. 48 Ang sinumang tumanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita ay mayroong isang hahatol sa kaniya, ito ay ang salita na aking sinabi na siyang hahatol sa kaniya sa huling araw.
-
15 Sa pamamagitan nito, ipinapakita nila na ang mga gawang hinihingi ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso. Pinatotohanan din ito ng kanilang mga budhi, at pinararatangan o ipinagtatanggol sila ng kanilang isipan sa kanilang sarili 16 at pati na rin sa Diyos. Mangyayari iyan sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng lahat ng tao, ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
-
13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.
15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.
18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.
-
17 Sa ganito ang pagmamahal ay ginawang lubos sa atin, nang sa gayon tayo ay maaring magkaroon ng kasiguraduhan sa araw ng paghuhukom, dahil gaya niya, gayon din tayo sa mundong ito.
-
42 Inutusan niya kami upang mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang pinili ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at mga patay.
-
1 Ibinibigay ko ang taimtim na kautusang ito sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at dahil sa kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian. 2 Ipangaral mo ang Salita. Maging handa kung ito ay napapanahon at kung hindi napapanahon. Pagwikaan, pagsalitaan, at pangaralan mo sila ng may buong pagtitiyaga at pagtuturo.
-
6 At ang mga anghel na hindi nanatili sa kani-kanilang makapangyarihang tungkulin- ngunit iniwan ang kanilang nararapat na lugar- ginapos sila ng Diyos sa walang hanggang mga tanikala, sa lubos na kadiliman, para sa dakilang araw ng paghuhukom. 7 Katulad ito ng Sodom at Gomorra at ang mga lungsod sa paligid nila, na nagpasasa din sa sekswal na imoralidad at sila ay nagpatuloy sa hindi likas na pagnanasa. Sila ay ipinakita bilang mga halimbawa ng mga nagdurusa sa parusa ng walang hanggang apoy.
-
14 Si Enoc, ang ika-pito sa linya mula kay Adan, nagpahayag tungkol sa kanila, na sinasabing, “Pagmasdan ninyo! Ang Panginoon ay darating kasama ang libo-libong mga banal, 15 upang magsagawa ng paghuhukom sa bawat isa, at hatulan ang lahat ng hindi maka-diyos sa kanilang mga ginagawa at pamamaraan, at sa lahat ng mga magaspang na pananalita na binigkas ng mga makasalanan laban sa Diyos.
-
14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.
-
11 Ibababa ang mapagmataas na titig ng mga tao, ibabagsak ang kahambugan ng mga tao at si Yawheh lang ang itataas sa araw na iyon. 12 Dahil darating ang araw ni Yahweh ng mga hukbo laban sa bawat hambog at matatayog, at laban sa mapagmataas, at siya ay babagsak — 13 at laban sa lahat ng sedar ng Lebanon na mataas at inangat, at laban sa mga owk ng Bashan, 14 at laban sa lahat ng matataas na bundok, at laban sa lahat ng itinaas na burol, 15 at laban sa bawat mataas na tore, at laban sa bawat matitibay na pader, at laban sa mga barko ng Tarsis, 16 at laban sa lahat ng magagandang barkong panglayag. 17 Ang yabang ng tao ay ibababa at ang kapalaluan ng mga tao ay babagsak; tanging si Yahweh lang ang itataas sa araw na iyon. 18 Ganap na maglalaho ang mga diyus-diyosan.
-
1 “Sa panahong iyon, tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nagbabantay sa iyong mga kababayan. Magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nararanasan kailanman magmula nang nagkaroon ng anumang bansa hanggang sa panahong iyon. Sa panahong iyon, maililigtas ang iyong mga kababayan, ang lahat ng pangalang matatagpuang nakasulat sa aklat.
2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng daigdig ang babangon, ang ilan ay sa walang hanggang buhay at ang ilan ay sa kahihiyan at walang hanggang pagdurusa. 3 Ang mga marurunong ay magliliwanag tulad ng liwanag ng kalangitan sa kaitaasan at ang mga nakapagpanumbalik ng marami sa katuwiran ay tulad ng mga bituin magpakailanman.
-
1 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion, at magpatunog ng hudyat sa aking banal na bundok! Manginig sa takot ang lahat ng nakatira sa lupain sapagkat dumarating ang araw ni Yahweh, tunay nga na ito ay malapit na. 2 Ito ay araw ng kadiliman at kapanglawan, araw ng mga ulap at makapal na kadiliman. Katulad ng bukang liwayway na lumalaganap sa mga bundok, paparating ang napakarami at malakas na hukbo. Hindi pa nagkaroon ng hukbong ganito at hindi na muling magkakaroon ng katulad nito, lumipas man ang maraming henerasyon. 3 Nilalamon ng apoy ang lahat ng nasa harapan nito at lumiliyab ang apoy sa likuran nito. Katulad ng hardin ng Eden ang lupain na nasa harapan nito ngunit sa likuran nito ay wasak na ilang. Tunay nga na walang makatatakas mula rito. 4 Ang anyo ng hukbo ay tulad ng mga kabayo, at tumatakbo sila na gaya ng mga mangangabayo.
-
32 Ngunit patungkol sa araw o sa oras na iyon, walang sinuman ang nakakaalam, maging ang mga anghel sa langit o maging ang Anak, tanging ang Ama lamang. 33 Maging handa kayo! Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung sa anong oras ito.
34 Katulad ito ng isang lalaking naglakbay: umalis siya sa bahay niya at ipinagkatiwala sa kaniyang mga lingkod ang pamamahala sa kaniyang bahay, ang bawat isa ay may kani-kaniyang gawain. At inutusan niya ang tagapagbantay na manatiling gising. 35 Kaya magbantay kayo! Sapagkat hindi ninyo alam kung kailan uuwi ang amo ng tahanan, maaaring sa gabi, sa hating gabi, kapag tumilaok ang tandang, o sa umaga. 36 Kung bigla siyang dumating, huwag ninyong hayaan na madatnan niya kayong natutulog. 37 Kung ano ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo!”
-
17 Sinabi ko sa aking puso, “Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama sa tamang panahon sa bawat bagay at sa bawat ginawa.
-
12 Ngayon kung sinumang nagtatayo sa ibabaw ng pundasyon sa ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan, 13 ang kaniyang gawa ay maihahayag, dahil ang liwanag ng araw ang magsisiwalat nito. Sapagkat ito ay ihahayag ng apoy. Ang apoy ang susubok sa uri at halaga ng anumang gawa ng bawat isa. 14 Kung mananatili ang anumang bagay na tinayo ng tao, siya ay tatanggap ng gantimpala. 15 Nguni't kung masunog ang ginawa ng sinuman, siya ay mawawalan. Nguni't siya mismo ay ligtas, na gaya ng naligtas mula sa mga apoy.
-
7 Kaya maging matiyaga, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon, katulad ng magsasaka na naghihintay ng mahalagang ani ng lupa, Matiyagang naghihintay dito, hangang sa una at huling pagbuhos ng ulan. 8 Kayo rin ay maging matiyaga; ayusin ninyo ang inyong mga puso, dahil ang pagdating ng Panginoon ay malapit na. 9 Huwag magreklamo, mga kapatid, laban sa isa't-isa upang kayo ay hindi mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa pintuan.
10 Bilang isang halimbawa, mga kapatid, ituring ninyo ang mga pagdurusa at pagtitiyaga ng mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon. 11 Tingnan ninyo, tinatawag namin ang mga nagtitiyaga, na “pinagpala.” Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job, at alam ninyo ang layunin ng Panginoon para kay Job, kung paano ang Panginoon ay puno ng kahabagan at awa.
-
1 Sapagkat tingnan ninyo, ang araw ay dumarating, na nagliliyab na parang isang pugon, kapag ang lahat ng mayabang at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang dayami. Susunugin sila sa araw na paparating,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “upang walang maiwan kahit ugat at maging sanga man.
-
20 At sinimulang sawayin ni Jesus ang mga lungsod kung saan nangyari ang karamihan sa mga makapangyarihan niyang gawa dahil sila ay hindi nagsisi. 21 “Sa aba mo, Korazin! Sa aba mo, Bethsaida! Kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay nangyari sa Tiro at Sidon, noon pa man nagsisi na sana sila sa pamamagitan ng sako at mga abo. 22 Ngunit mas mapagtitiisan pa ang Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa sa inyo.
23 Ikaw, Capernaum, sa tingin mo ba ay maitataas ka sa langit? Hindi, ikaw ay maibababa sa hades. Kung sa Sodoma ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa iyo, nananatili pa sana magpahanggang ngayon ang bayan na iyon. 24 Ngunit sinasabi ko sa iyo na mas magiging madali pa para sa lupain ng Sodoma sa araw ng paghuhukom kaysa sa iyo.”
-
42 Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ninyo ito, kung alam lang sana ng amo ng tahanan kung anong oras darating ang magnanakaw, nagbantay sana siya at hindi niya hinayaang mapasukan ang kaniyang bahay. 44 Kaya kailangang maghanda kayo, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.
45 Kaya sino ang matapat, matalino na utusan na pinagkatiwalaan ng kaniyang amo sa kaniyang sambahayan, upang magbigay ng kanilang pagkain sa tamang panahon? 46 Pinagpala ang utusan na iyon, na maratnan ng kaniyang among gumagawa nito sa kaniyang pagdating. 47 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ipamamahala ng amo sa kaniya ang lahat ng kaniyang ari-arian.
48 Ngunit kung may masamang utusan na magsasabi sa puso niya, 'Naantala ang aking amo,' 49 at nagsimulang mamalo ng kapwa niyang utusan, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasingero, 50 darating ang amo ng bahay na iyon sa araw na hindi inaasahan ng utusan, sa oras na hindi niya alam. 51 Hahatiin siya sa dalawa ng kaniyang amo at gagawin ang kaniyang kapalaran katulad ng sasapitin ng mga mapagkunwari, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.
-
11 'Kahit ang alikabok mula sa inyong lungsod na kumapit sa aming mga paa ay aming pinupunasan laban sa inyo! Ngunit alamin ito, ang kaharian ng Diyos ay malapit na.' 12 Sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, higit na mapagtitiisan ang Sodoma kaysa sa lungsod na iyon.
13 Aba sa inyo, Corazin! Aba sa inyo Betsaida! Kung ang makapangyarihang mga gawa na nagawa sa inyo ay nagawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupo sa telang magaspang at sa mga abo. 14 Ngunit mapagtitiisan pa ang Tiro at Sidon sa panahon ng paghuhukom kaysa sa inyo.
15 Ikaw, Capernaum, naiisip mo ba na ikaw ay itataas sa langit? Hindi, kayo ay ibababa sa Hades.
-
24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.
-
32 Samakatwid ang lahat na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko din sa harap ng Ama na nasa langit. 33 Ngunit ang magtanggi sa akin sa harap ng mga tao ay itatanggi ko din sa harap ng aking Ama na nasa langit.
-
16 Ngunit ito ang sinabi sa pamamamagitan ni propeta Joel: 17 'Mangyayari ito sa mga huling araw,' sinabi ng Diyos, 'Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Magpapahayag ang inyong mga anak na lalaki at mga babae, makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki, at magkakaroon ng mga panaginip ang inyong mga matatandang lalaki. 18 Gayundin sa aking mga lingkod at sa aking mga lingkod na babae ibubuhos ko ang aking Espiritu sa araw na iyon, at sila ay magpapahayag. 19 Magpapakita ako ng mga kamangha-manghang bagay mula sa langit at mga tanda dito sa lupa, dugo, apoy, at singaw ng usok. 20 Magiging madilim ang araw at magiging dugo ang buwan, bago dumating ang dakila at hindi pangkaraniwang araw ng Panginoon. 21 Iyon ay ang pagkakaligtas ng bawat isa na tatawag sa pangalan ng Panginoon.'
22 Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus ng Nazaret, ang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga kamangha- manghang bagay at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya, sa inyong kalagitnaan, katulad ng inyong nalalaman-
-
9 Darating si Yahweh para hatulan ang daigdig. Hahatulan niya ang mundo nang may katuwiran at ang mga bansa nang patas.
-
15 Sapagkat ang araw ni Yahweh ay malapit na sa lahat ng mga bansa. Anuman ang iyong ginawa, ay gagawin din sa iyo; at lahat ng iyong mga ginawa ay babalik sa iyong sariling ulo. 16 Sapagkat kung paano kayo uminom sa aking banal na bundok, ganoon patuloy na iinom ang lahat ng bansa. Iinom sila, at lulunok, at para bang hindi sila kailanman nabuhay.
-
21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'
23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'
24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.
26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”
-
14 Sa mga hindi naman tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, kapag kayo ay umalis sa bahay o lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang mga alikabok mula sa inyong mga paa. 15 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mas mapagtitiisan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra sa araw ng paghuhukom kaysa sa lungsod na iyon.
-
1 Kung mayroong alitan ang isa sa inyo sa iba, maglalakas-loob ba siya na pupunta sa korteng pambayan sa harapan ng hindi mananampalatayang hukom, sa halip na sa harapan ng mga mananampalataya? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga mananampalataya ang hahatol sa mundo? At kung hahatulan ninyo ang mundo, wala ba kayong kakayahan na ayusin ang mga hindi mahahalagang bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na hatulan natin ang mga bagay ng buhay na ito?
-
12 Ang ika-anim na anghel ay ibinuhos ang kaniyang mangkok sa malaking ilog, ang Eufrates, at ang tubig nito ay natuyo para maihanda ang daan para sa mga hari na nanggagaling sa silangan.
13 Nakita ko ang tatlong maruruming mga espiritu na tulad ng mga palaka na lumalabas mula sa bibig ng dragon, ng halimaw, at ng bulaang propeta. 14 Dahil sila ay mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga kamangha-manghang tanda. Pupunta sila para tipunin ang mga hari ng buong mundo para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos, siya na namumuno sa lahat.
15 (“Bantayan mo! Darating ako na parang isang magnanakaw! Pinagpala ang siyang nananatiling nagmamatyag, pinapanatiling suot ang kaniyang mga damit para hindi sila lumabas ng hubad at makita nila ang kaniyang nakakahiyang kalagayan.”)
16 Sama-sama silang dinala sa lugar na tinatawag na Armagedon sa Hebreo.
-
27 Sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang kaniyang mga anghel. Pagkatapos, bibigyan niya ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa.
-
1 Kaya wala kang maidadahilan, ikaw tao, ikaw na humahatol, sapagkat kung ano ang hatol mo sa iba, iyon ang hatol mo sa iyong sarili. Sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa din ng ganoong mga bagay. 2 Ngunit alam natin na ang hatol ng Diyos ay ayon sa katotohanan kapag ito ay bumaba sa mga gumagawa ng ganoong mga bagay. 3 Ngunit isipin mo ito, ikaw tao, ikaw na humahatol sa mga gumagawa ng mga bagay na ganoon, kahit na ginagawa mo rin ang ganoong mga bagay. Makatatakas ka ba sa hatol ng Diyos?
-
8 Kung naibigay na ni Joshua sa kanila ang kapahingahan, hindi na magsasalita ang Diyos tungkol sa ibang araw. 9 Kaya, mayroon pa ring isang Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa mga tao ng Diyos. 10 Sapagkat sinuman ang makapapasok sa kapahingahan ng Diyos kailangan siya mismo din ay nagpahinga mula sa kaniyang mga ginagawa, katulad ng ginawa ng Diyos. 11 Kaya manabik tayo na makapasok sa kapahingahan na iyon, upang walang sinuman ang mahulog sa uri ng pagsuway na kanilang ginawa.
12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso. 13 Walang bagay nanilikha ang makakatago sa paningin ng Diyos. Sa halip, lahat ng bagay ay lantad at hayag sa mga mata ng dapat nating panagutan.
14 Yamang mayroon tayong dakilang pinakapunong pari na dumaan sa pamamagitan ng kalangitan, na si Jesus na Anak ng Diyos, dapat tayong kumapit na mahigpit sa ating mga paniniwala. 15 Sapagkat wala tayong pinaka-punong pari na hindi makakaramdam ng pagkahabag sa ating mga kahinaan, ngunit siya ay tinukso sa lahat ng paraan tulad natin, maliban lang na wala siyang kasalanan. 16 Kaya magsilapit tayo na may pananalig sa trono ng biyaya, ng sa gayon makatanggap tayo ng awa at makahanap ng biyaya na makakatulong sa oras ng pangangailangan.
-
12 Tingnan mo! Malapit na akong dumating. Ang aking gantimpala ay nasa akin, para gantihan ang bawat isa ayon sa anuman na kaniyang ginawa.
-
21 Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh ang hukbo na dakila sa kataas-taasan, at mga hari ng mundo sa lupa. 22 Sila ay sama-samang titipunin, mga bilanggo sa hukay, at ikukulong sa isang bilangguan; at pagkatapos ng maraming araw sila ay hahatulan.
-
14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya,
-
11 Hayaang ang kalangitan ay magalak, at ang daigdig ay magdiwang; hayaang ang dagat ay rumagasa at ang mga laman nito ay sumigaw nang may kagalakan. 12 Hayaang magalak ang mga bukirin at lahat ng nasa kanila. Pagkatapos hayaang ang mga puno sa kagubatan sumigaw sa kagalakan 13 sa harapan ni Yahweh, dahil siya ay darating. Siya ay darating para hatulan ang daigdig batay sa katuwiran at ang mga tao batay sa kanyang katapatan.
-
5 Tingnan ninyo, isusugo ko sa inyo si Elias, na propeta bago dumating ang dakila at katakut-takot na araw ni Yahweh.
-
38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”
-
1 Samantala, nang ang libu-libong mga tao ay nagkatipon-tipon, na halos ang bawat isa ay nagkakatapak-tapakan, sinimulan muna niyang sabihin sa kaniyang mga alagad, “Mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo, na ang pagkukunwari. 2 Ngunit walang nakatago ang hindi maisisiwalat, at walang lihim ang hindi malalaman. 3 Kaya kung anuman ang inyong nasabi sa kadiliman ay maririnig sa liwanag, at anuman ang inyong ibinulong sa pinakaloob ng mga silid ay maihahayag sa ibabaw ng mga bubong.
4 Sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, at pagkatapos iyon, ay wala na silang magagawa. 5 Ngunit babalaan ko kayo tungkol sa dapat ninyong katakutan. Katakutan ang taong pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang itapon kayo sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan siya.
-
8 Sinasabi ko sa inyo, ang bawat taong kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos, 9 ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.
-
17 Sapagkat panahon na para ang paghuhukom ay magsimula sa sambahayan ng Diyos. At kung magsisimula ito sa atin, ano pa ang kalalabasan para sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
-
1 “Sa anghel ng iglesya ng Sardis isulat: 'Ang mga salita ng isa na siyang hawak ang pitong mga espiritu ng Diyos at ng pitong mga bituin. “'Alam ko ang inyong ginawa. Mayroon kayong isang dangal na kayo ay buhay, pero kayo ay patay. 2 Gumising at palakasin ninyo ang natitira, pero malapit ng mamatay, dahil hindi ko natagpuan ang inyong mga gawa na ganap sa paningin ng Diyos. 3 Kaya tandaan, kung ano ang inyong tinanggap at narinig. Sundin ito, at magsisi. Pero kung hindi kayo gigising, darating ako na parang isang magnanakaw, at hindi ninyo malalaman kung anong oras ako darating laban sa inyo.
4 Pero may ilang mga pangalan ng mga tao sa Sardis na hindi dinumihan ang kanilang mga damit. Lalakad silang kasama ko, nakadamit ng puti, dahil sila ay karapat-dapat. 5 Ang isa na siyang nakalupig ay susuotan ng puting damit, at hindi ko kailanman buburahin ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at sasabihin ko ang kaniyang pangalan sa harap ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.
Shows Read in context, Share and Copy.