46 Bible Verses About Going to Heaven

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Going to Heaven
  1. 1 Pagkatapos nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong mundo, dahil ang unang langit at unang mundo ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. 2 Nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumamababa mula sa langit mula sa Diyos, inihanda tulad ng isang babaeng ikakasal na pinaganda para sa kaniyang asawa.

    3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono sinasabing: “Tingnan mo! Ang tirahan ng Diyos ay kasama ng mga tao, at siya ay naninirahan kasama nila. Sila ay magiging kaniyang bayan, at ang Diyos mismo ay makakasama nila at siya ay magiging kanilang Diyos. 4 Papahirin niya ang bawat luha mula sa kanilang mga mata, wala nang kamatayan, o pagdadalamhati, o pag-iyak, o sakit. Ang naunang mga bagay ay lumipas na.

    5 Siya na nakaupo sa trono ay sinabing, “Tingnan mo! Ginawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi niya, “Isulat mo ito dahil ang mga salitang ito ay mapagkakatiwalaan at totoo. 6 Sinabi niya sa akin, “Ang mga bagay ng ito ay tapos na, Ako ang Alpa at ang Omega, ang simula at ang katapusan. Sa sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng inuming walang bayad mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang isa na manlulupig ay magmamana ng mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos, at siya ay magiging anak ko.

    8 Pero para sa mga duwag, sa walang pananampalataya, sa mga kasuklam-suklam, sa mga mamamatay-tao, sa mga sekswal na imoralidad, sa mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kanilang lugar ay sa dagat-dagatang apoy ng nagniningas na asupre. Na siyang ikalawang kamatayan.

  2. 1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta.”

    5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, papaano namin malalaman ang daan?

    6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko.

  3. 20 Ngunit ang ating pagkamamamayan ay sa langit, kung saan naghihintay rin tayo sa isang tagapagligtas na ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang ating mga katawang lupa upang maging mga katawang binuo gaya ng kaniyang maluwalhating katawan, binuo sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang kapangyarihan upang mapasailalim sa kaniya ang lahat ng bagay.

  4. 4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus.

    8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki.

  5. 1 Alam natin na kung nasira ang ating lupang tahanan na tinitirahan, mayroon tayong tahanan sa langit na ginawa ng Diyos. Ito ay tirahan na hindi ginawa ng kamay ng tao, kundi walang hanggang tahanan, sa langit. 2 Sapagkat dumaraing tayo sa katawang lupa na ito, na naghahangad na madamitan ng ating makalangit na tahanan. 3 Hinahangad natin ito sapagkat sa pamamagitan ng ating pagsuot dito hindi tayo madaratnang hubad. 4 Sapagkat habang nakatira pa tayo sa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil nabibigatan. Ayaw nating matanggalan ng damit. Sa halip, nais nating madamitan, upang ang katawang namamatay ay mapalitan ng buhay. 5 Ang naghanda sa atin para sa ganitong pagbabago ay ang Diyos mismo, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan sa kung ano ang darating.

    6 Kaya maging laging malakas ang loob. Dapat nating malaman na habang tayo ay nasa katawang-lupa, malayo tayo sa Panginoon. 7 Sapagkat lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Kaya mayroon tayong lakas ng loob. Mas pipiliin pa nating iwanan ang katawang ito at manirahan kasama ng Panginoon. 9 Kaya gawin natin itong layunin, kung tayo man ay nasa ating katawang lupa dito sa mundo o sa langit man, upang malugod siya.

  6. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos.

    19 Ito ang dahilan sa paghahatol, na ang ilaw ay dumating sa mundo, at minahal ng mga tao ang dilim kaysa ang liwanag dahil masama ang kanilang mga naging gawa. 20 Dahil ang sinuman na gumagawa ng masama ay galit sa liwanag at hindi lumalapit sa ilaw upang ang kaniyang mga gawa ay hindi malantad. 21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag upang ang kaniyang mga gawa ay malinaw na makita at ang mga iyon ay naganap dahil sa pagsunod sa Diyos.”

  7. 13 Ang lahat ng ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, sa halip kahit malayo pa nakita at tinanggap na nila, na sila ay mga dayuhan at banyaga dito sa lupa.

    14 Kaya sa mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagbibigay linaw na sila ay naghahanap ng kanilang sariling bayan. 15 Sa katunanayan, kung ang iniwan nilang lupain ang kanilang iniisip, sila ay may pagkakataon pang bumalik, 16 Subalit naghahangad sila ng mas mabuting bayan, na isang makalangit. Kaya naman hindi nahihiya ang Diyos na tawaging kanilang Diyos sapagkat naghanda siya ng isang lungsod para sa kanila.

  8. 13 Nais naming maintindihan ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga natutulog, upang hindi kayo magdalamhati gaya ng marami na hindi nakakatiyak tungkol sa kinabukasan. 14 Dahil kung tayo ay naniniwala na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, ganoon din dadalhin ng Diyos kasama ni Jesus ang mga natutulog sa kaniya.

    15 Sinasabi namin ito sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong mga buhay, na naiwan sa pagparito ng Panginoon, ay tiyak na hindi mauuna sa mga natutulog. 16 Sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit. Siya ay paparito na may isang sigaw, na may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ang unang bubuhayin. 17 At tayong mga buhay, na naiwan, ay makakasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa ganitong paraan tayo ay makakapiling natin ang Panginoon.

    18 Kaya, aliwin ang bawat isa ng mga salitang ito.

  9. 1 Pagkatapos ipinakita sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay, ang tubig ay kasing linaw ng kristal. Dumadaloy ito mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay naroon ang puno ng buhay na nagbubunga ng labingdalawang uri ng prutas, at sa bawat buwan ay namumunga ito. Ang mga dahon ng puno ay para mapagaling ang bansa.

    3 Wala na kahit anumang sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan sa lungsod at paglilingkuran siya ng kaniyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan ay malalagay sa kanilang mga noo. 5 Wala nang magiging gabi, hindi na sila mangangailangan ng liwanag ng ilawan o sikat ng araw dahil ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Maghahari sila magpakailan pa man.

  10. 39 Nilait siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus, sinasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.”

    40 Ngunit sumagot ang isa, sinaway siya at sinabi, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos, sapagkat ikaw ay nasa ilalim ng parehong parusa? 41 Nararapat lang na narito tayo, sapagkat tinatanggap natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit ang taong ito ay walang ginawang mali.” 42 At dagdag pa niya, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”

    43 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tunay ngang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa paraiso.”

    44 Nang pasapit na ang Ika-anim na oras, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras

  11. 9 Nang sabihin ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, habang nakatingala sila, siya ay itinaas, at itinago siya ng ulap mula sa kanilang mga mata. 10 Habang nakatitig sila sa langit nang siya ay paalis, bigla na lamang may dalawang lalaking nakatayo sa tabi nila na nakasuot ng puti. 11 Sinabi nila, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo dito na nakatingin sa langit? Itong Jesus na umakyat sa langit ay babalik rin sa paraang katulad ng nakita ninyo na pagpunta niya sa langit.”

  12. 21 Sapagkat para sa akin, ang mabuhay ay kay Cristo at ang mamatay ay kapakinabangan. 22 Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay magdudulot ng bunga sa aking paghihirap, kung gayon hindi ko alam kung ano ang pipiliin. 23 Sapagkat naguguluhan ako sa dalawang pagpipilian na ito. Gusto ko nang mamatay at makasama si Cristo, kung saan iyon ang pinakamabuti! 24 Ngunit ang manatili sa laman ay mas kinakailangan para sa inyong kapakanan.

  13. 10 Gayunpaman, ang araw ng Panginoon ay darating na parang isang magnanakaw, ang mga langit ay mawawala kasabay ng malakas na ingay. Ang mga bagay ay masusunog sa apoy, at ang lupa at ang mga gawa dito ay maihahayag.

    11 Yaman lamang na ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawala sa ganitong kaparaanan, anong uri ng tao kayo dapat maging? Dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos. 12 Inyo ngang asahan at magmadali patungo sa pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon, ang langit ay magugunaw sa pamamagitan ng apoy, at ang mga bahagi nito ay matutunaw sa pamamagitan ng sobrang init. 13 Ngunit ayon sa kaniyang pangako, ating hintayin ang bagong mga langit at ang bagong lupa, kung saan ang mga katuwiran ay mananahan.

    14 Kaya nga, mga minamahal, yaman din lamang na inaasahan ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong gawin ang lahat na kayo ay matagpuang walang bahid, at walang kapintasan upang makatagpo ng kapayapaan sa kaniya,

  14. 2 Ako ay may kilalang tao kay Cristo, labing apat na taon na ang nakararaan—kung sa katawan o hindi sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos— na dinala sa ikatlong langit. 3 At alam ko na ang taong ito—kung sa katawan o hindi sa katawan, hindi ko alam, alam ng Diyos— 4 na dinala sa paraiso at narinig ang mga bagay na labis na sagrado na sabihin ng kahit na sino.

  15. 2 Pumunta ang taong ito kay Jesus nang bandang gabi, at sinabi niya “Rabi, alam namin ikaw ay isang guro galing sa Diyos dahil walang sinumang makagagawa ng mga tandang ito na ginawa mo maliban na nasa kaniya ang Diyos.”

    3 Sumagot si Jesus sa kanya, “Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”

    4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, “Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?”

    5 Sumagot si Jesus, “Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.

  16. 12 Walang kaligtasan sa sinumang tao: sapagkat wala ng iba pang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, kung saan tayo maliligtas.”

  17. 10 Ang demonyo, na siyang nanlinlang sa kanila, ay itinapon sa lawa ng nasusunog na asupre, kung saan ang halimaw at ang mga bulaang propeta ay itinapon. Sila ay pahihirapan umaga at gabi magpakailan pa man.

    11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.

    14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.

  18. 19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

  19. 13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.

  20. 13 Walang sinumang umakyat sa langit maliban ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao.

  21. 22 Sa halip, kayo ay lumapit sa Bundok ng Zion at sa lungsod ng Diyos na buhay, ang makalangit na Jerusalem, at sa hindi mabilang na hukbo ng mga anghel na nagdiriwang. 23 Kayo ay lumalapit sa kapulungan ng mga unang ipinanganak na inilista sa langit, sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng katuwiran na naging ganap. 24 Kayo ay lumapit kay Jesus na tagapamagitan ng isang bagong tipan, at sa dugong naikalat na higit na nagsasalita ng mabuti kaysa sa dugo ni Abel.

  22. 13 Pagkatapos isa sa mga matatanda ay nagtanong sa akin: “Sino ang mga ito, nadaramitan ng puting mga kasuotan, at saan sila nagmula?”

    14 Sinabi ko sa kaniya, “Alam po ninyo, ginoo,” at sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagmula sa Dakilang Pag-durusa. Hinugasan nila ang kanilang mga kasuotan at naging maputi dahil sa dugo ng Kordero.” 15 Dahil sa ganitong dahilan, sila ay nasa harapan ng trono ng Diyos at sumasamba sila araw at gabi sa kaniyang templo. Siya na siyang nakaupo sa trono, ay maglalatag ng tolda sa ibabaw nila. 16 Hindi na sila magugutom muli, ni sila ay mauuhaw muli. Hindi sila masasaktan sa araw ni anumang nasusunog na init. 17 Dahil ang Kordero na nasa gitna ng trono ay kanilang magiging pastol, at gagabayan niya sila patungo sa bukal na tubig ng buhay, papahirin ng Diyos ang bawat luha mula sa kanilang mga mata.”

  23. 22 Wala akong nakitang templo sa lungsod, dahil ang Panginoong Diyos, na siyang namumuno sa lahat, at ang Kordero ang kanilang templo. 23 Hindi na kailangan ng lungsod ang araw o ang buwan para liwanagan ito dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagliliwanag dito, at ang kaniyang ilawan ay ang Kordero. 24 Ang mga bansa ay maglalakad sa pamamagitan ng ilaw ng lungsod na iyon. Dadalahin ng mga hari ng mundo ang karangyaan nila dito. 25 Hindi isasara ang tarangkahan nito sa araw, at hindi na magkakaroon ng gabi dito.

    26 Dadalhin nila ang karangyaan at ang karangalan ng mga bansa dito, 27 at walang marurumi ang maaaring makapasok dito. Maging ang sinumang gumagawa ng anumang kahihiyan o panlilinlang ang makakapasok, pero ang mga nakasulat lamang ang pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero.

  24. 21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

  25. 13 May maliliit na mga bata na dinala sa kaniya upang patungan ng kaniyang mga kamay at ipanalangin sila, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ang maliliit na mga bata, at huwag silang pagbawalan na pumunta sa akin, sapagkat ang kaharian ng langit ay para sa mga ganito.”

  26. 31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32 Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

    34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

    41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42 sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43 ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.

    44 At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?'

    45 At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'

    46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”

  27. 25 Nang maghahating gabi na sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig ang ibang bilanggo sa kanila. 26 Biglang may malakas na lindol, kaya't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig; at agad nagbukas ang lahat ng mga pintuan, at nakalas ang kadena ng bawat isa.

    27 Nagising ang bantay sa kaniyang pagkakatulog at nakitang bukas ang mga pintuan ng bilangguan; hinugot niya ang kaniyang espada at magpapakamatay na sana, dahil inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. 28 Ngunit sumigaw si Pablo ng may malakas na boses na nagsasabing, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, narito kaming lahat.”

    29 Humingi ng ilaw ang bantay ng bilangguan at nagmamadaling pumasok na nanginginig sa takot at nagpatirapa kina Pablo at Silas, 30 at inilabas sila at nagsabing, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?”

    31 Sinabi nila sa kaniya, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas, ikaw at ang buo mong sambahayan.” 32 Ipinahayag nila ang salita ng Panginoon sa kaniya, kasama ang lahat sa kaniyang tahanan. 33 Nang gabing iyon kinuha sila ng bantay ng bilanguan sa oras ding iyon at hinugasan ang kanilang mga sugat at siya at ang lahat ng kaniyang sambahayan ay agad na nabautismuhan. 34 Dinala niya si Pablo at Silas sa kaniyang tahanan at naghain ng pagkain para sa kanila. Siya ay lubhang nagalak kasama ang lahat ng kaniyang sambahayan, dahil lahat sila ay nanampalataya sa Diyos.

  28. 5 Sapagkat sumulat si Moises tungkol sa katuwiran na nagmumula sa kautusan: “Ang taong gumagawa ng katuwiran ng kautusan ay mabubuhay sa katuwirang ito.” 6 Ngunit ganito ang sinasabi ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, 'Sino ang aakyat sa langit?' (sa makatuwid ay upang pababain si Cristo). 7 At huwag mong sasabihing, 'Sino ang bababa sa kailaliman?'” (sa makatuwid ay upang iakyat si Cristo mula sa patay.)

    8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.

    11 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” 12 Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at Griyego. Dahil iisang Panginoon ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya. 13 Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

    14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”

    16 Ngunit hindi lahat sa kanila ay nakinig sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?” 17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at pakikinig sa salita ni Cristo.

  29. 1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.

  30. 7 Kung mayroon kayong tainga, makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Sa isang na siyang nakalupig pahihintulutan ko na kumain mula sa puno ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos.'

  31. 4 Si Yahweh ay nasa kaniyang banal na templo; ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, sinusuri ng kaniyang mga mata ang mga anak ng mga tao. 5 Parehong sinusuri ni Yahweh ang matuwid at masama, pero kinapopootan niya ang mga gumagawa ng karahasan. 6 Nagpapaulan siya ng mga nagbabagang uling at asupre sa mga masasama; nakakapasong hangin ang kanilang magiging bahagi sa kaniyang kopa! 7 Dahil si Yahweh ay matuwid, at mahal niya ang katuwiran; makikita ng matuwid ang kaniyang mukha.

  32. 2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng daigdig ang babangon, ang ilan ay sa walang hanggang buhay at ang ilan ay sa kahihiyan at walang hanggang pagdurusa.

  33. 5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, isang senturion ang lumapit at kumausap sa kaniya 6 na nagsasabin, “Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, paralisado at lubhang nahihirapan.”

    7 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pupunta ako at pagagalingin ko siya.”

    8 Sumagot ang senturion at sinabing, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na papasukin ka sa ilalim ng aking bubong, sabihin mo lamang ang salita at gagaling na ang aking lingkod. 9 Sapagkat ako ma'y isang taong nasa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal ako na napapasailalim sa akin. Sinasabi ko sa isa, 'Humayo ka' at siya ay humayo, sa isa 'Halika' at siya ay lalapit at sa aking lingkod 'Gawin mo ito' at ginawa nga niya.”

    10 Nang marinig ito ni Jesus, siya ay namangha at kaniyang sinabi sa mga taong sumusunod sa kaniya, “Totoo ito sasabihin ko sa inyo, hindi pa ako nakakita ng may ganitong pananampalataya sa Israel. 11 Sinasabi ko sa inyo, maraming darating mula sa silangan at kanluran at sila ay sasandal sa mesa ni Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit ang mga anak ng kaharian ay ipatatapon sa kadiliman sa labas na kung saan may pagtangis at pagngangalit ng ngipin.”

    13 Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka! Mangyari sa iyo ang naaayon sa iyong pinaniwalaan.” At gumaling nga ang kaniyang lingkod sa ganap na oras na iyon.

  34. 19 Ngayon, may isang mayamang lalaki na nakadamit ng kulay lila na gawa sa pinong lino, at araw-araw nagsasaya sa kaniyang labis na kayamanan. 20 May isang pulubi na nagngangalang Lazarus na pinahiga sa kaniyang tarangkahan na lipos ng sugat, 21 at inaasam-asam niyang kainin ang nahuhulog sa mesa ng mayamang tao—at maliban doon, lumapit ang mga aso at dinilaan ang kaniyang mga sugat.

    22 At nangyari na namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa kinaroroonan ni Abraham. Namatay din ang mayamang tao at inilibing, 23 at doon sa hades, sa kaniyang pagdurusa, tumingala siya at nakita si Abraham sa malayo at si Lazarus na nasa tabi niya.

    24 At sumigaw siya at sinabi, 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at papuntahin mo si Lazarus, upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, dahil naghihirap ako sa apoy na ito.'

    25 Ngunit sinabi ni Abraham, 'Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo, natanggap mo ang mga magagandang bagay, at si Lazaro sa ganoon ding paraan ay masasamang bagay. Ngunit ngayon, siya ay inaaliw dito, at ikaw ay nagdurusa. 26 At maliban sa lahat ng ito, may malaking bangin na nakalagay upang ang mga gustong tumawid mula rito papunta sa iyo ay hindi makakatawid, at wala ring makakatawid mula riyan papunta sa amin.'

    27 At sinabi ng mayamang tao, 'Nagmamakaawa ako, Amang Abraham, na papuntahin mo siya sa bahay ng aking ama— 28 sapagkat ako ay may limang kapatid na lalake—upang balaan niya sila, dahil baka pumunta rin sila sa lugar na ito ng pagdurusa.'

    29 Ngunit sinabi ni Abraham, 'Nasa kanila si Moises at mga propeta; makinig sila sa kanila.'

    30 Sumagot ang mayamang tao, 'Hindi, Amang Abraham, ngunit kung may pumunta sa kanila mula sa mga patay, magsisisi sila.'

    31 Ngunit sinabi ni Abraham sa kaniya, 'Kung hindi sila makikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila mahihikayat kung may mabuhay mula sa mga patay.”. /.

  35. 36 Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan, ngunit ang sinumang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi mananatili ang poot ng Diyos sa kaniya.”

  36. 26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil.” At muli, “Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao.” 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos!

  37. 2 Mga minamahal, ngayon tayo ay mga anak ng Diyos, at hindi pa naipahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kapag magpakita si Cristo, tayo ay magiging katulad niya, dahil makikita natin siya bilang siya. 3 At bawat isa na may ganitong pagtitiwala tungkol sa hinaharap na nakatuon sa kanya ay dinadalisay ang kanyang sarili tulad ng siya ay dalisay.

  38. 29 Subalit sasabihin ko sa inyo, buhat ngayon hindi na ako muling iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na ako ay iinom nito ng panibago kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.”

  39. 24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay.

  40. 32 Samakatwid ang lahat na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko din sa harap ng Ama na nasa langit. 33 Ngunit ang magtanggi sa akin sa harap ng mga tao ay itatanggi ko din sa harap ng aking Ama na nasa langit.

  41. 40 Kaya gaya ng mga damo na inipon at sinunog sa apoy, ganun din sa katapusan ng mundo. 41 Magpapadala ang Anak ng Tao ng kaniyang mga anghel at titipunin nila sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng bagay na sanhi ng kasalanan at ang mga gumagawa ng masama. 42 Itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy na kung saan mayroong mga iyakan at nagngangalit na ngipin. 43 At ang mga matutuwid na tao ay magliliwanag tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may taingang pandinig ay makinig.

  42. 1 Sa oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi, “ Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”

    2 Tinawag ni Jesus ang isang bata sa kaniya, at inilagay niya sa kanilang kalagitnaan, 3 at sinabi, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, maliban na lamang kung kayo ay magsisi at maging katulad ng mga maliliit na bata, hindi talaga kayo makapapasok sa kaharian ng langit. 4 Kaya kung sinuman ang nagpapakumbaba sa kaniyang sarili katulad ng maliit na batang ito, ang taong iyon ang pinakadakila sa kaharian ng langit.

  43. 21 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka at ipagbili mo ang iyong ari-arian at ibigay sa mahihirap, at magkakaroon ka ng yaman sa langit. At halika, sumunod ka sa akin.”

    22 Subalit ng marinig ng binatang lalaki ang sinabi ni Jesus, umalis siya na malungkot, sapagkat siya ay may napakaraming mga ari-arian.

  44. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, na dapat walang sinuman akong maiwala sa lahat ng ibinigay niya sa akin, subalit dapat maibangon sila sa huling araw. 40 Dahil ito ang kalooban ng aking Ama, na bawat isa na nakakakita sa Anak at sumampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa huling araw.

  45. 50 Ngayon sinasabi ko ito, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi maaring magmana ng kaharian ng Diyos. Ni ang mga nasisira ay hindi magmamana ng hindi nasisira.

    51 Tingnan ninyo! Sinasabi ko sa inyo ang lihim na katotohanan: Tayong lahat ay hindi mamamatay ngunit tayong lahat ay mababago. 52 Tayong ay mababago sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at babangon ang lahat ng namatay na hindi na nasisira at tayo ay mababago. 53 Sapagkat itong nasisira ay dapat mailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay dapat mailagay sa hindi namamatay.

    54 Ngunit kung itong nasisira ay nailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay mailalagay sa hindi namamatay, mangyayari ang tungkol sa kasabihang naisulat, “Nilamon ang kamatayan ng pagtatagumpay.”

  46. 19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

    22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.