55 Bible Verses About Commitment
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
-
6 Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananaias, Misael, at Azarias, ilan sa mga tao ng Juda. 7 Binigyan sila ng mga pangalan ng pinunong opisyal: tinawag si Daniel na Beltesazar, tinawag si Hananias na Shadrac, si Misael na Meshac, at si Azarias na Abednego.
8 Ngunit ipinasiya ni Daniel sa kaniyang isipan na hindi niya dudungisan ang kaniyang sarili sa mga pagkain ng hari o sa mga alak na kaniyang iniinom. Kaya humiling siya ng pahintulot mula sa pinunong opisyal na hindi niya maaaring dungisan ang kaniyang sarili.
9 Binigyang pabor at habag ng Diyos si Daniel sa pamamagitan ng pagkakaroon ng paggalang ng pinuno ng mga opisyal sa kaniya. 10 Sinabi ng pinunong opisyal kay Daniel, “Natatakot ako sa aking panginoong hari. Ipinag-utos ng hari kung ano ang inyong kakainin at ang inyong iinumin. Bakit kailangan niyang makita na mukhang mahina kayo kaysa sa mga binata na kasing-edad ninyo? Pupugutan ako ng ulo ng hari dahil sa inyo.”
11 At nakipag-usap si Daniel sa katiwala na siyang itinalaga ng pinunong opisyal kina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. 12 Sinabi niya, “Nakikiusap ako na subukin mo kami, ang iyong mga lingkod, sa sampung araw. Bigyan mo lamang kami ng ilang mga gulay na makakain at tubig upang inumin. 13 At ihambing ang aming itsura sa itsura ng mga binatang nagsikain ng pagkain ng hari, at pakitunguhan mo kami, na iyong mga lingkod, batay sa kung ano ang iyong nakita.”
-
5 Ibigay mo ang iyong pamamaraan kay Yahweh; magtiwala ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo. 6 Itatanghal niya ang iyong katarungan gaya ng liwanag ng araw at ang iyong kawalang-muwang gaya ng araw sa tanghali.
-
1 Ang mga balak ng puso ay pag-aari ng isang tao, ngunit mula kay Yahweh ang sagot mula sa kaniyang dila. 2 Lahat ng pamamaraan ng isang tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin, pero tinitimbang ni Yahweh ang mga kalooban. 3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo.
-
25 Ngayon maraming tao ang sumasama sa kaniya, at bumaling siya at sinabi sa kanila, 26 “Kung sinuman ang lumapit sa akin at hindi namumuhi sa kaniyang sariling ama, ina, asawa, anak, mga kapatid—oo, at pati ang kaniyang sariling buhay—hindi siya maaaring maging alagad ko. 27 Ang sinumang hindi magbubuhat ng kaniyang sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 Sapagkat sino sa inyo, ang naghahangad na magtayo ng isang tore, ang hindi muna mauupo at bibilangin ang gastos upang kuwentahin kung nasa kaniya ang mga kailangan niya upang ito ay tapusin? 29 Kung hindi, kapag nagtayo siya ng pundasyon at hindi ito natapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat ng mga makakakita nito, 30 sinasabi, 'Ang taong ito ay nagsimulang magtayo at hindi niya natapos.'
31 O anong hari, sa kaniyang pagpunta upang sagupain sa digmaan ang isa pang hari, ang hindi muna mauupo at hihingi ng payo kung kaya ba niya kasama ang sampung libong tao na labanan ang isa pang hari na dumarating laban sa kaniya na may kasamang dalawampung libong tao? 32 At kung hindi, habang malayo pa ang hukbo na iyon, magpapadala siya ng kinatawan at hihingi ng mga kailangan sa pagkakasundo.
33 Kaya, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman sa inyo na hindi magsusuko ng lahat ng nasa kaniya.
-
57 Habang sila ay papunta sa kanilang daraanan, may nagsabi sa kaniya, “Ako ay susunod sa iyo saan ka man pumunta.”
58 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang malatagan ng kaniyang ulo.”
59 At sinabi niya sa isa pang tao, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sinabi niya, “Panginoon, hayaan mong ilibing ko muna ang aking ama.”
60 Ngunit sumagot siya sa kaniya, “Hayaan ninyo ang patay na maglibing sa sarili nilang mga patay, ngunit kayo ay humayo at ipahayag sa lahat ng dako ang kaharian ng Diyos.”
61 Isa pang tao naman ay nagsabi din, “Ako ay susunod sa iyo, Panginoon, ngunit hayaan mo muna akong magpaalam sa kanila na nasa aking bahay.”
62 Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Walang sinumang naglagay ng kaniyang mga kamay sa araro at tumitingin sa likuran, ang karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos.”
-
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kinakailangang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' 38 Ito ang dakila at unang kauutusan. 39 At ang pangalawang kautusan ay katulad nito— 'Kinakailangang ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.' 40 Dito sa dalawang mga kautusang ito nakasalalay ang buong kautusan at ang mga propeta.”
-
1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.
-
21 Magmula sa oras na iyon sinimulang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kailangan niyang pumunta sa Jerusalem, magdurusa ng maraming bagay sa kamay ng mga nakatatanda at sa mga punong pari at sa mga eskriba, papatayin at mabubuhay muli sa ikatlong araw.
22 Pagkatapos ay hinila siya ni Pedro sa tabi at pinagsabihan siya, na sinasabi, “Mailayo sana ito sa iyo, Panginoon, hindi sana ito mangyari sa iyo.”
23 Ngunit bumaling si Jesus kay Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Hadlang ka sa akin, sapagkat wala kang pakialam sa mga bagay ng Diyos, kundi sa mga bagay ng mga tao.”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Kung sinuman ang nais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, buhatin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat sinuman ang may nais iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawala ang buhay alang-alang sa akin ay matatagpuan niya ito. 26 Ano ang mapapala ng isang tao, kung mapasakaniya man ang buong mundo ngunit ang kabayaran ay ang kaniyang buhay? Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kaniyang buhay?
-
4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.
6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata.
-
34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito.
36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay? 37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.”
-
23 Sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung sinuman ang may gustong sumunod sa akin, kailangan niyang tanggihan ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus araw-araw, at sumunod sa akin. 24 Sinumang sumubok na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay maliligtas ito.
-
34 Huwag ninyong isipin na pumarito ako sa lupa upang magbigay ng kapayapaan. Hindi ako dumating upang magbigay ng kapayapaan, kundi isang espada. 35 Sapagkat naparito ako upang paglabanin ang isang lalaki sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenan na babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay kaniyang sariling sambahayan.
37 Ang nagmamahal sa kaniyang ama at ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagmamahal sa kaniyang anak na lalaki at babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang hindi nagbubuhat ng kaniyang krus at sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang naghahanap ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang mawawalan ng buhay nang dahil sa akin ay makahahanap nito.
-
17 At nang simulan niya ang kaniyang paglalakbay, patakbong lumapit sa kaniya ang isang lalaki at lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang manahin ang buhay na walang hanggan?”
18 At sinabi ni Jesus, “Bakit mo ako tinawag na mabuti? “Walang sinuman ang mabuti, maliban lamang sa Diyos. 19 Alam mo ang mga kautusan: 'Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magpapatotoo ng kasinungalingan, huwag kang mandaraya, igalang mo ang iyong ama at ina'.”
20 Sinabi ng lalaki, “Guro, sinunod ko ang lahat ng mga bagay na ito magmula pa sa aking pagkabata.”
21 Tiningnan siya ni Jesus at minahal siya. Sinabi niya sa kaniya, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Dapat mong ipagbili ang lahat ng mayroon ka at ibigay sa mga mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay sumunod ka sa akin.”
22 Ngunit pinanghinaan siya ng loob sa mga pahayag na ito, umalis siya na lubusang nalungkot sapagkat marami siyang ari-arian.
-
12 Hindi totoo na natanggap ko na ang mga bagay na ito, o ako ay naging isang ganap. Ngunit nagsumikap ako upang aking matanggap ang anumang natanggap ko sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko iniisip na natanggap ko na ito. Ngunit mayroong isang bagay, kinakalimutan ko kung ano ang nakalipas at pinagsisikapan ko kung ano ang nasa hinaharap. 14 Nagpatuloy ako sa layunin upang makamit ang gantimpala ng pagkatawag ng Diyos, kay Cristo Jesus.
-
24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.
-
61 Kung gayon, hayaang ang iyong puso na maging totoo kay Yahweh ating Diyos, para lumakad sa kaniyang alituntunin at pagkaingatan ang kaniyang mga kautusan, mula sa araw na ito.
-
15 Kung mahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga kautusan.
-
12 Dahil dito ako din ay nagdurusa sa mga bagay na ito. Ngunit hindi ako nahiya, sapagkat kilala ko ang aking pinaniwalaan. Natitiyak ko na kaya niyang ingatan ang anumang bagay na ipinagkatiwala ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.
-
36 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, “Panginoon, saan kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, kung saan ako pupunta, sa ngayon ay hindi kayo makakasunod, ngunit makakasunod kayo pagkatapos nito.”
37 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, bakit hindi kita masusundan kahit ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.”
38 Sumagot si Jesus, “Ibibigay mo ang buhay mo para sa akin? Tunay nga sinasabi ko sa iyo, hindi titiilaok ang tandang hanggang ikaila mo ako ng tatlong beses.
-
7 Nais ko sanang ang bawat isa ay katulad ko. Kaya lang may kaloob ang bawat isa na galing sa Diyos. Ang isa ay may ganitong uri ng kaloob at ang iba ay may ibang kaloob.
8 Sa mga hindi pa nag-aasawa at sa mga babaeng balo sinasabi ko na mas mabuti pa sa kanila na manatiling walang asawa, katulad ko. 9 Ngunit kung hindi na nila kayang pigilan ang kanilang mga sarili, sila ay dapat ng mag- asawa. Dahil mas mabuti na sila ay mag-asawa kaysa mag-alab sa pita ng damdamin.
10 Ngayon sa mga may asawa ibinibigay ko ang utos na ito—hindi ako, kundi ang Panginoon: “Ang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”. 11 Ngunit kung siya ay hihiwalay sa kaniyang asawa, dapat na manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa kaniya. At “ang lalaki ay hindi dapat hiwalayan ang kaniyang asawa.”
12 Ngunit sa iba ay sinasabi ko—ako, at hindi ang Panginoon—na kung may kapatid na lalaki na may asawang hindi mananampalataya, at kung ang babae ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 13 Kung ang babae ay may asawang hindi mananampalataya at kung ang lalake ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 14 Sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay naibukod na dahil sa kaniyang mananampalatayang asawa, at ang babae na hindi mananampalataya ay naibukod na rin dahil sa kaniyang asawang mananampalataya. Kung hindi, ang inyong mga anak ay hindi malilinis, ngunit sa katotohanan sila ay naibukod na.
15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa. 16 Sapagkat babae, paano mo nalalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O lalaki, paano mo nalalaman kung maliligtas mo ang iyong asawa?
-
12 Ngayon, Israel, ano ang kailangan ni Yahweh na inyong Diyos, maliban sa matakot kay Yahweh na inyong Diyos, para lumakad sa lahat ng kaniyang kaparaanan, para ibigin siya, at para sambahin si Yahweh na inyong Diyos ng buong puso at buong kaluluwa, 13 para sundin ang mga utos ni Yahweh, at ang kaniyang mga batas, na inuutos ko sa inyo ngayon para sa inyong kabutihan?
-
18 Kaya nga ilagay ang mga salita kong ito sa inyong puso at kaluluwa; itali ang mga ito bilang isang tanda sa inyong kamay, at hayaan ang mga ito na maging gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 19 Ituturo ninyo ang mga ito sa inyong mga anak at pag-usapan ang tungkol sa mga ito kapag nakaupo kayo sa bahay ninyo, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag humihiga at bumabangon kayo. 20 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pinto ng inyong bahay at sa mga tarangkahan ng inyong lungsod, 21 para dumami ang inyong mga araw, at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama na ibibigay niya sa kanila, na maging tulad ang dami ng araw na gaya ng kalangitan ay mataas sa ibabaw ng mundo.
22 Dahil kung masigasig ninyong susundin ang lahat ng mga utos na ito na sinasabi ko sa inyo, para gawin ang mga iyon, ibigin si Yahweh na inyong Diyos, lumakad sa lahat ng kaniyang mga kaparaanan, at kumapit sa kaniya, 23 at itataboy ni Yahweh ang lahat ng mga bansang ito mula sa harapan ninyo, at aagawan ninyo ang mga bansang higit na malaki at higit na malakas kaysa sa inyong sarili. 24 Bawat lugar na lalakaran ng inyong mga talampakan ay mapapasa inyo; mula sa ilang hanggang sa Lebanon, mula sa ilog, ang Ilog Eufrates, hanggang sa kanlurang dagat ay magiging hangganan ninyo. 25 Walang sinumang tao ang makakatayo sa harapan ninyo; maglalagay si Yahweh na inyong Diyos ng takot at ng kilabot sa lahat ng mga lupaing lalakaran ninyo, tulad ng sinabi niya sa inyo.
-
10 Sa gayon, Dapat ninyong sundin ang boses ni Yahweh na inyong Diyos at sundin ang kaniyang mga utos at mga batas na sinasabi ko sa inyo ngayon.”
-
16 Pero sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong palayuin mula sa iyo, sapagkat kung saan ka pupunta, doon ako pupunta; kung saan ka titira, doon ako titira; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos. 17 Kung saan ka mamamatay, doon ako mamamatay at doon din ako ililibing. Nawa parusahan ako ni Yahweh, at kahit higit pa, kung anuman pero kamatayan kailanman ang magpahiwalay sa atin.
18 Nang makita ni Naomi na nagpasya nang sumama si Ruth sa kanya, tumigil na siyang makipagtalo sa kaniya.
-
3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan.
-
33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.
34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.
-
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka at ipagbili mo ang iyong ari-arian at ibigay sa mahihirap, at magkakaroon ka ng yaman sa langit. At halika, sumunod ka sa akin.”
22 Subalit ng marinig ng binatang lalaki ang sinabi ni Jesus, umalis siya na malungkot, sapagkat siya ay may napakaraming mga ari-arian.
-
42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin.
-
1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.
-
1 Kaya ikaw, anak ko, maging matatag ka sa biyayang nakay Cristo Jesus. 2 At ang mga bagay na narinig mo sa akin kasama ng maraming saksi, ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat na tao na kaya ring magturo sa iba.
3 Samahan mo ako sa pagdurusa at paghihirap, tulad ng isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. 4 Walang sundalo ang naglilingkod habang nakatali sa mga bagay ng buhay na ito, upang sa ganoon kalugdan siya ng kaniyang mataas na opisyal.
-
20 Sa mayamang tahanan, hindi lamang lalagyang yari sa ginto at pilak ang naroon. May mga lalagyan ding yari sa kahoy at putik. Ang ilan sa mga ito ay ginagamit sa marangal ngunit ang ilan ay sa hindi marangal. 21 Kung sinuman ang maglinis ng kaniyang sarili mula sa hindi marangal na pagkakagamit, siya ay isang marangal na lalagyan. Siya ay ibinukod, kagamit-gamit sa kaniyang Panginoon, at inihanda para sa bawat mabuting gawain.
22 Lumayo sa mga makalamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan na matamo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.
-
21 Mga minamahal, kapag hindi tayo isinisumpa ng mga puso natin, may kapanatagan tayo sa Diyos. 22 At anuman ang hihilingin natin, matatanggap natin mula sa kanya, dahil pinanatili natin ang kanyang mga kautusan at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. 23 At ito ang kanyang kautusan - na tayo ay dapat maniwala sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo at mahalin ang bawat isa - gaya ng ibinigay niyang kautusan sa atin. 24 Siya na pinapanatili ang kautusan ng Diyos ay nananatili sa kanya, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. At sa pamamagitan nito alam natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.
-
2 Kapag gumawa ng panata ang sinuman kay Yahweh, o sumumpa ng isang panunumpa upang itali ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang pangako, hindi niya dapat sirain ang kaniyang salita. Dapat niyang tuparin ang kaniyang pangako na gawin ang lahat ng bagay na lumabas sa kaniyang bibig.
-
5 Ipinagkakatiwala ko sa iyong mga kamay ang aking espiritu; tutubusin mo ako, Yahweh, Diyos ng katapatan.
-
3 Pumunta sa kaniya ang mga Pariseo upang subukin siya na nagsasabi, “Pinahihintulutan ba sa batas na hihiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa sa anumang kadahilanan?”
4 Si Jesus ay sumagot at nagsabi, “Hindi ba ninyo nabasa, na ang gumawa sa kanila sa simula pa lamang ay ginawa silang lalaki at babae? 5 At sinabi rin niyang, 'Sa ganitong dahilan iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makiisa sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging iisang laman?' 6 Kaya nga sila ay hindi na dalawa, kundi iisang laman. Samakatwid ang ano mang pinagsama ng Diyos ay walang sinumang makapaghihiwalay.”
7 Sinabi nila sa kaniya, “Bakit noon ay inutusan tayo ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay at paalisin na siya?”
8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong mga asawa, subalit mula sa simula hindi gayon. 9 Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang makikipaghiwalay sa kaniyang asawa, maliban sa sekwal na imoralidad, at mag-aasawa ng iba, ay nangangalunya. At ang lalaki na magpapakasal sa hiniwalayan na babae ay nakagawa ng pangangalunya.”
10 Sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Kung ganyan ang kalagayan ng lalaki sa kaniyang asawa, mabuti pang hindi na mag-aasawa.”
11 Subalit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi lahat ay tatanggap sa aral na ito, kundi sila lamang na pinahihintulutan na tanggapin ito. 12 Sapagkat mayroong mga eunuko na ipinanganak sa sinapupunan ng kanilang ina. At may mga eunoko na ginawang eunuko ng mga tao. At may mga eunuko na ginawa nilang mga eunuko ang kanilang sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Siya na kayang tumanggap sa aral na ito, tanggapin niya ito.
-
46 At si Jesus, na may malakas na tinig ay nagsabi, “Ama, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu sa iyong mga kamay.” Pagkasabi niya nito, siya ay namatay.
-
8 Lahat ng tao ay magkakasabay na sumagot at sinabing, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi ni Yahweh.” Pagkatapos ipinarating ni Moises ang mga salita ng mga tao kay Yahweh.
-
9 Kaya kilalanin si Yahweh na inyong Diyos— siya ay Diyos, ang tapat na Diyos, na nagpapanatili ng mga tipan at katapatan sa isang libong salinlahi sa mga nagmamahal sa kaniya at nagpapanatili ng kaniyang mga utos, 10 pero pagbabayarin silang mga nagagalit sa kaniya sa kanilang harapan, para wasakin sila; hindi siya magiging maawain sa sinumang galit sa kaniya; gagantihan niya sila sa harapan niya.
11 Kaya susundin ninyo ang kaniyang mga utos, ang mga batas, at ang mga kautusan na inuutos ko sa inyo sa araw na ito, para gawin ninyo ang mga ito.
-
1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
-
25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya. 26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita. 27 Ginawa niya ito upang maiharap sa kaniya ang isang maluwalhati na Iglesia na walang dungis o kulubot o ano mang katulad nito, ngunit sa halip banal at walang kamalian.
28 Gayon din naman, ang mga asawang lalaki ay kailangang mahalin ang kanilang sariling asawa katulad ng sarili nilang katawan. Ang nagmamahal sa kaniyang sariling asawa ay nagmamahal din sa Kaniyang sarili. 29 Walang tao ang nagagalit sa kaniyang sariling katawan. Sa halip, inaalagaan niya ito at minamahal katulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia. 30 Sapagkat tayo ay mga bahagi ng kaniyang katawan.
31 Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikiisa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.” 32 Ito ay nakatagong dakilang katotohanan, subalit ako ay nagsasalita patungkol kay Cristo at sa iglesia. 33 Gayon pa man, ang bawat isa sa inyo ay kinakailangang mahalin ang kaniyang sariling asawa tulad ng kaniyang sarili, at ang asawang babae ay kinakailangang igalang ang kaniyang asawa.
-
9 Itala bilang isang balo ang babaeng hindi bababa sa animnapu ang edad, asawa ng isang lalaki. 10 Dapat siyang makilala sa kaniyang mabubuting gawa, maging sa pag-aalaga ng mga bata, o sa pagpapatuloy ng mga taga-ibang bayan, o sa paghuhugas ng paa ng mga mananampalataya, o sa pagtulong sa mga nagdurusa, o sa pagiging tapat sa bawat mabubuting gawain.
11 Ngunit sa mga mas batang balo, tanggihan mo silang itala sa listahan. Dahil kapag sila ay bumigay sa pagnanasa ng laman laban kay Cristo ay nais nilang mag-asawa. 12 Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan nila ang kasalanan dahil tinalikuran nila ang una nilang pangako. 13 Nasanay din silang maging tamad. Pumupunta din sila sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila naging tamad, ngunit sila din ay naging mga mapanirang-puri at naging mapanghimasok. Sinasabi nila ang mga bagay na hindi nila dapat sabihin.
14 Kaya naman gusto ko ang mga mas batang babae na mag-asawa, manganak, upang mamahala sa tahanan, upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang kaaway na tayo ay paratangan sa paggawa ng masama. 15 Dahil may mga ilan na tuluyan nang tumalikod at napunta na kay Satanas.
16 Kung ang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na mga balo, tulungan niya sila upang ang iglesiya ay hindi mabigatan at matulungan nito ang tunay na mga balo.
-
13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.”
-
19 Kaya ipagkatiwala nawa ng mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na Manlilikha habang sila ay gumagawa ng kabutihan.
-
7 Minamahal, mahalin natin ang isa't isa, dahil ang pag-ibig ay sa Diyos, at lahat ng nagmamahal ay pinanganak sa Diyos at kilala ang Diyos.
-
5 Walang sinumang makakatayo sa harap ninyo sa lahat ng araw ng inyong buhay. Sasamahan kita tulad ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita pababayaan o iiwan kita.
6 Maging malakas at matapang. Idudulot mong manahin ng mga taong ito ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninunong ibibigay ko sa kanila.
7 Maging malakas at napakatapang. Maging maingat na sundin ang lahat ng batas na iniutos sa inyo ng aking lingkod na si Moises. Huwag kayong lilihis mula rito sa kanan o sa kaliwa, para maging matagumpay kayo saan man kayo pupunta. 8 Palagi kang magsasalita tungkol sa aklat ng batas na ito. Pagbubulay-bulayan mo ito sa araw at gabi para masunod mo ang lahat na nakasulat dito. Sa gayon magiging maunlad ka at matagumpay.
9 Hindi ba iniutos ko sa iyo? Maging malakas at matapang! Huwag matakot. Huwag matakot. Kasama mo si Yahweh na iyong Diyos saan ka man pupunta.”
-
3 Sinabi ni Samuel sa lahat ng tao ng Israel, “Kung babalik kayo kay Yahweh nang inyong buong puso, alisin ninyo ang mga dayuhang diyos at ang Astarot mula sa inyo, ibaling ang inyong mga puso kay Yahweh, at siya lamang ang sambahin, sa gayon ililigtas niya kayo mula sa kamay ng mga Filisteo.”
-
9 At ikaw naman Solomon na aking anak, sundin mo ang Diyos ng iyong ama, at paglingkuran mo siya ng buong puso at may isang espiritu na may pagkukusa. Gawin ito sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang lahat ng puso at nauunawaan ang bawat pag-uudyok ng kaisipan ng bawat isa. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya, ngunit kung iiwan mo siya, itatakwil ka niya magpakilanman.
-
30 Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.'
-
13 Walang lingkod ang magkapaglilingkod sa dalawang amo, sapagkat kasusuklaman niya ang isa at mamahalin niya ang isa, o magiging tapat siya sa isa at kamumuhian niya ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.”
-
66 Pagkatapos nito, marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na lumakad kasama niya.
67 Kaya sinabi ni Jesus sa Labingdalawa, “Hindi rin ninyong gustong umalis? hindi ba?”
68 Sinagot siya ni Simon Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan,
-
15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking mga tupang bata.”
16 Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Alagaan mo ang aking mga tupa”.
17 Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, “Mahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Pakainin mo ang aking tupa”.
-
14 Huwag kayong makikipag-isa sa mga hindi mananampalataya. Ano ang kaugnayan ng katuwiran sa kasamaan? At anong kaugnayan mayroon ang ilaw sa kadiliman? 15 Anong kasunduan mayroon si Cristo kay Belial? O anong kabahagi mayroon ang mga mananampalataya sa mga hindi mananampalataya? 16 At anong kasunduan mayroon sa pagitan ng templo ng Diyos at sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo ang templo ng buhay na Diyos, katulad ng sinabi ng Diyos: “Ako ay mananahan sa kanila at lalakad kasama nila. Ako ang magiging Diyos nila at sila ay magiging bayan ko.” 17 Kaya, “Lumabas kayo mula sa kanilang kalagitnaan, at maihiwalay kayo,” sabi ng Panginoon. “Huwag humawak ng anumang maruming bagay, at tatanggapin ko kayo.
-
9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko.
-
6 Sapagkat ako ay ibinubuhos na. Dumating na ang araw ng aking pag-alis. 7 Nakipaglaban ako ng mabuti sa paligsahan, natapos ko ang aking takbuhin, napanatili ko ang pananampalataya. 8 Ang korona ng katuwiran ay nakalaan na para sa akin, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, sa araw na iyon. At hindi lamang sa akin ngunit sa lahat din ng umiibig sa kaniyang pagpapakita.
-
4 Kayong mga mangangalunya! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away laban sa Diyos? Kaya, sinuman ang magpasiyang maging kaibigan ng mundo ay ginawa niya mismo ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.
Shows Read in context, Share and Copy.