27 Bible Verses About Eating Animals

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Eating Animals
  1. 24 Sinabi ng Diyos, “Hayaang magdulot ang mundo ng buhay na mga nilalang, bawat isa ayon sa kanyang sariling uri, mga hayop, mga gumagapang na bagay, at mga mababangis na hayop ng mundo, bawat isa nito ayon sa kanyang sariling uri”. Nagkagayon nga. 25 Ginawa ng Diyos ang mga mababangis na hayop sa mundo ayon sa kanilang uri, ang mga hayop ayon sa kanilang mga uri, at lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang uri. Nakita niya na ito ay kaaya-aya.

    26 Sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila.

    28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, “Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo.”

    29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain.” At nagkagayon nga.

    31 Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.

  2. 1 At pinagpala ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki, at sinabi sa kanila, “Maging mabunga kayo, magpakarami, at punuin ang mundo. 2 Ang takot at ang sindak sa inyo ay mapupunta sa bawat nabubuhay na hayop sa mundo, sa bawat ibon sa langit, sa lahat ng bagay na nasa lupa, at sa lahat ng isda sa karagatan. Ibinigay ko ang mga ito sa inyong kamay. 3 Magiging pagkain para sa inyo ang bawat gumagalaw na bagay na nabubuhay. Tulad nang ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ngayon ibinigay ko na ang bawat bagay sa inyo. 4 Subalit hindi ninyo dapat kainin ang karneng may buhay pa—iyon ay ang dugo nito—na narito. 5 Subalit para sa iyong dugo, ang buhay na nasa iyong dugo, hihingin ko ang kabayaran. Mula sa kamay ng bawat hayop hihingin ko ito. Mula sa kamay ng sinumang tao, iyon ay, mula sa kamay na pumatay ng kanyang kapatid, aking hihingin ang pagsusulit sa buhay ng taong ito. 6 Sinuman ang magpapadanak ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao dadanak ang dugo niya, sapagkat ayon sa wangis ng Diyos ay nilalang niya ang tao.

  3. 1 Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo 2 sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan.

    3 Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan. 5 Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.

  4. 18 Sinabi ni Jesus, “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na kahit anong pumasok sa isang tao mula sa labas, ito ay hindi makapagpapadungis sa kaniya, 19 dahil hindi ito maaaring mapunta sa kaniyang puso kung hindi sa kaniyang sikmura at lalabas ito patungo sa palikuran.” Dahil sa pahayag na ito, ginawang malinis ni Jesus ang lahat ng mga pagkain.

    20 Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya. 21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan. 23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”

  5. 1 Tanggapin ang sinumang mahina ang pananampalataya, nang hindi hinahatulan ang mga pagtatalo. 2 Sa isang dako, ang isang tao ay may paniniwalang maari niyang kainin ang kahit na ano, ngunit sa kabilang dako, ang ibang mahina ay kumakain lamang ng mga gulay. 3 Huwag sanang hamakin ng taong kumakain ng kahit na ano ang taong hindi kinakain ang lahat. At ang siyang hindi kinakain ang lahat ay huwag husgahan ang taong kumakain ng lahat. Dahil tinanggap siya ng Diyos. 4 Sino ka, ikaw na humuhusga sa isang lingkod na pagmamay-ari ng iba? Sa harapan ng kaniyang amo siya tatayo o matutumba. Ngunit siya ay patatayuin, dahil nagagawa ng Panginoon na siya ay patayuin.

    5 Sa isang dako, pinahahalagahan ng isang tao ang isang araw ng higit kaysa sa iba. Sa kabilang dako, pinahahalagahan naman ng iba ang bawat araw ng pantay-pantay. Ang bawat tao ay magpasya sa kaniyang sariling isipan. 6 Ang nagpapahalaga ng araw, ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At siya na kumakain, ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya ay nagbibigay pasasalamat sa Diyos. Ang hindi kumakain, ay nagpipigil na kumain para sa Panginoon. Nagpapasalamat din siya sa Diyos.

  6. 10 At sinuman sa Israel, o sinumang dayuhang naninirahan sa kanila, na kumain ng kahit anong dugo, itatalikod ko ang aking mukha laban sa mga taong iyon, sa sinumang kumain ng dugo; ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan. 11 Sapagkat ang buhay ng isang hayop ay nasa dugo nito. Ibinigay ko ang dugo nito sa inyo upang gawing pambayad ng kasalanan sa altar para sa inyong mga buhay, dahil ang dugong ito ang ginagawang pambayad ng kasalanan, sapagkat ang dugo ay pambayad ng kasalanan para sa buhay. 12 Kaya sinabi ko sa bayan ng Israel na walang sinuman sa inyo ang dapat kumain ng dugo, ni sinumang dayuhan na naninirahan kasama ninyo ang maaaring kumain nito.

    13 At sinumang mamamayan ng Israel, o sinumang mga dayuhang naninirahan sa kanila, na nangaso at pumatay ng isang hayop o ibon na maaaring kainin, dapat patuluin ng taong iyon ang dugo nito at takpan ng lupa. 14 Sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay ang dugo nito. Kaya sinabi ko sa bayan ng Israel, “Hindi ninyo dapat kainin ang dugo ng anumang nilalang, sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay ang dugo nito. Dapat na itiwalag ang sinumang kumain nito.”

  7. 14 Nalalaman ko at nahikayat ako sa Panginoong Jesus, na walang bagay na hindi malinis sa kaniyang sarili. Sa kaniya lamang na itinuturing ang anumang bagay na marumi, para sa kaniya ito ay marumi. 15 Kung dahil sa pagkain ay nasaktan ang iyong kapatid, hindi ka na lumalakad sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak sa iyong pagkain ang siyang pinagkamatayan ni Cristo.

    16 Kaya huwag ninyong hayaan na ang inyong mabubuting gawa ang maging dahilan upang kutyain sila ng mga tao. 17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, ngunit tungkol ito sa pagiging matuwid, kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu. 18 Sapagkat ang sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay katanggap-tanggap sa Diyos at sinang-ayunan ng mga tao.

  8. 11 at nakita niyang bumukas ang langit at may isang sisidlan na bumababa mula sa langit, katulad ng isang malaking kumot na ipinababa sa lupa sa pamamagitan ng apat na mga sulok nito. 12 Naroon ang lahat na uri ng hayop na may apat na paa, at mga bagay na gumagapang sa lupa, at mga ibon sa himpapawid. 13 At may tinig na kumausap sa kaniya: “Bumangon ka Pedro, magkatay ka at kumain.”

    14 Ngunit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari Panginoon, dahil ni minsan hindi ako kumain ng anumang marumi at hindi malinis.”

    15 Ngunit muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: “Huwag mong ituring na marumi ano man ang nilinis na ng Diyos.”

  9. 20 Huwag ninyong sirain ang gawain ng Diyos ng dahil sa pagkain. Ang lahat ng mga bagay ay tunay na malinis, ngunit masama ito para sa taong kumakain at nagiging dahilan ng kaniyang pagkatisod. 21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, o uminom ng alak, o anumang magiging sanhi ng pagkakatisod ng iyong kapatid.

  10. 1 Sinabi ni Yahweh kay Noe, “Halika, ikaw at lahat ng iyong sambahayan sa arka, sapagkat sa salinlahing ito nakita ko na ikaw ay matuwid sa aking harapan. 2 Sa bawat malinis na hayop magdala ka ng pitong lalaki at pitong babae. At sa mga hayop na hindi malinis, magdala ka ng dalawa, ang lalaki at kanyang kapares. 3 Gayundin ang mga ibon sa kalangitan, magdala ka ng pitong lalaki at pitong babae, upang mapanatili ang kanilang mga supling sa ibabaw ng buong mundo.

  11. 19 Anumang karne na madikit sa maruming bagay ay hindi dapat kainin. Dapat itong sunugin. Ganoon din sa natirang karne, sinuman ang malinis ay maaaring kumain nito. 20 Subalit, ang taong marumi na kumain sa anumang karne mula sa alay ng isang handog para sa kapayapaan na pag-aari ni Yahweh—dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga kababayan. 21 Kung sinuman ang makahahawak ng anumang bagay na marumi—kahit ang taong walang kalinisan, o hayop na hindi malinis, o alin mang hindi malinis at nakapandidiring bagay, at kung kinain niya ang ilan sa karne na isang alay na handog para sa kapayapaan na pag-aari ni Yahweh, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga kababayan.”'

    22 Pagkatapos nangusap si Yahweh kay Moises, sinasabing, 23 “Kausapin mo ang bayan ng Israel at sabihin, 'Hindi kayo dapat kumain ng taba ng isang baka o tupa o kambing. 24 Ang taba ng isang hayop na namatay na hindi naalay, o ang taba ng isang hayop na nilapang mga mababangis na hayop, maaaring gamitin para sa ibang mga layunin, pero tiyak na hindi ninyo dapat kainin ito.

    25 Sinuman ang kumain ng taba ng isang hayop na maaaring ihandog ng mga lalaki bilang isang alay na susunugin sa apoy para kay Yahweh, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga lahi. 26 Hindi dapat kayo kumain ng anumang dugo sa anuman sa inyong mga bahay, mula man ito sa isang ibon o sa isang hayop. 27 Sinuman ang kumain ng anumang dugo, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga kababayan.”'

  12. 19 Kaya, ang opinyon ko ay dapat huwag nating gambalain ang mga Gentil na nagbalik sa Diyos; 20 sa halip, sulatan natin sila na dapat silang lumayo sa karumihan ng mga diyus-diyosan, mula sa sekswal na imoralidad, at mula sa mga binigti at sa dugo. 21 Mula sa mga nagdaang salinhali may mga tao na nagpapahayag at nagbabasa ng katuruan ni Moises sa sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga”.

  13. 4 Gayunman, ang ilang mga hayop maging ang ngumunguya ng pagkain o may hati ang kuko, hindi ninyo dapat kainin ang mga ito, mga hayop tulad ng kamelyo, dahil ngumunguya ito ng pagkain ngunit hindi hati ang kuko. Kaya marumi ang kamelyo para sa inyo. 5 Gayundin ang liebre na nakatira sa batuhan: dahil ngumunguya ito ng pagkain ngunit hindi hati ang kuko, marumi rin ito para sa inyo. 6 At ang kuneho: dahil ngumunguya ito ng pagkain ngunit hindi hati ang kuko, marumi ito para sa inyo. 7 At ang baboy kahit hati ang kuko, hindi ito ngumunguya, kaya marumi ito para sa inyo.

    8 Hindi ninyo dapat kainin alinman sa kanilang karne, ni hawakan ang kanilang patay na katawan. Marumi ang mga ito para sa inyo.

  14. 4 Kaya tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan: Alam natin na “ang diyus-diyosan sa mundong ito ay walang kabuluhan” at “walang Diyos liban sa iisa.” 5 Sapagkat marami ang tinatawag na mga diyus-diyosan sa langit o sa lupa, gaya ng marami ang mga “diyus-diyosan at mga panginoon”. 6 “Ngunit sa atin ay may iisang Diyos Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng mga bagay at siyang dahilan kaya tayo ay nabubuhay, at may isang Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng bagay ay umiiral at na sa pamamagitan niya tayo ay umiiral.”

    7 Gayunman, ang kaalamang ito ay wala sa bawat isa. Sa halip, kinaugalian na ng iba noong mga nakaraan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan at kumain sila ng pagkaing ito na tila naialay sa diyus-diyosan. Napasama ang kanilang budhi dahil ito ay mahina.

  15. 20 Gumawa ng altar si Noe para kay Yahweh. Kumuha siya ng ilang malinis na hayop at ilang malinis na ibon, at naghandog ng handog na susunugin sa altar. 21 Naamoy ni Yahweh ang kaaya-ayang halimuyak at sinabi niya sa kanyang puso, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa sangkatauhan, kahit na ang ninanais ng kanilang mga puso ay masama mula sa pagkabata. Ni muli kong wawasakin ang lahat ng may buhay, tulad nang ginawa ko.

  16. 6 Mamumuhay ang lobo kasama ng kordero, at hihiga ang leopardo kasama ng batang kambing, guya, batang leon at pinatabang guya. Isang maliit na bata ang mamumuno sa kanila. 7 Magkasamang kakain ang baka at oso, at magkakasamang matutulog ang kanilang mga anak. Kakain ang leon ng damo gaya ng baka. 8 Makapaglalaro ang isang sanggol sa bahay ng ahas, at mailalagay ng batang hindi na sumususo sa kaniyang ina ang kaniyang mga kamay sa lungga ng ahas. 9 Hindi nila sasaktan ni wawasakin ang lahat ng banal na bundok; dahil mapupuno ang mundo ng maraming kaalaman kay Yahweh, gaya ng tubig na binabalutan ang dagat.

  17. 3 At nangyari na sa paglipas ng panahon dinala ni Cain ang ilan sa bunga ng lupa bilang handog kay Yahweh. 4 Si Abel naman ay nagdala ng ilan sa panganay ng kanyang kawan at ilan sa taba. Tinanggap ni Yahweh si Abel at ang kanyang handog,

  18. 17 Magiging isang permanenteng batas ito sa lahat ng mga salinlahi ng inyong bayan sa bawat lugar na gagawan ninyo ng inyong bahay, na dapat hindi kayo kakain ng taba o dugo.”'

  19. 41 Habang sila ay hindi pa rin makapaniwala dahil sa galak, at namangha, sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon ba kayong anumang makakain?” 42 Siya ay binigyan nila ng inihaw na isda. 43 Kinuha ito ni Jesus at kinain niya ito sa harapan nila.

  20. 28 Sapagkat minabuti namin at ng Banal na Espiritu na huwag kayong bigyan ng mabibigat na mga pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: 29 na talikuran ninyo ang bagay na naialay sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa mga binigti, at sa sekswal na imoralidad. Kapag nailayo ninyo ang inyong mga sarili sa mga ito, ikabubuti ninyoito. Paalam.”

  21. 13 Kaya nga, kung pagkain ang magiging sanhi na matisod ang aking mga kapatid, hindi na ako kailanman kakain ng karne upang hindi ako maging sanhi ng pagbagsak ng aking mga kapatid.

  22. 24 Walang sinuman ang dapat na maghahanap sa sarili niyang kabutihan. Sa halip, hanapin ng bawat isa ang ikabubuti ng kaniyang kapwa.

    25 Maaari niyong kainin ang lahat ng nabibili sa pamilihan, na walang katanungan sa budhi. 26 Sapagkat “Ang mundo ay sa Diyos at ang kabuuan nito.”

  23. 16 Kaya, huwag ninyong hayaang husgahan kayo ng iba sa pagkain o sa pag-inom, o tungkol sa araw ng pista o bagong buwan, o tungkol sa mga Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito ay anino ng mga bagay na darating, ngunit ang nilalaman ay si Cristo.

  24. 2 “Magsalita kayo sa bayan ng Israel, sabihin ninyo, ' ito ang mga bagay na buhay na maaari ninyong kainin sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.

  25. 21 Hindi ninyo dapat kainin ang anumang hayop na kusang namatay; maaari ninyo itong ibigay sa dayuhan na nasa inyong mga tarangkahan, na maaari niyang kainin ito; o maaari ninyo itong ipagbili sa isang dayuhan. Sapagka't kayo ay isang bansa na inilaan para kay Yahweh na inyong Diyos. Dapat huwag ninyong pakuluan ang isang batang kambing sa gatas ng ina nito.

  26. 16 Pero hindi ninyo kakainin ang dugo, ibubuhos ninyo ito sa lupa na parang tubig.

  27. 12 Sinabi niya, “Nakikiusap ako na subukin mo kami, ang iyong mga lingkod, sa sampung araw. Bigyan mo lamang kami ng ilang mga gulay na makakain at tubig upang inumin.