71 Bible Verses About Alcohol

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Alcohol
  1. 1 Ang alak ay mangungutya at ang matapang na inumin ay basag-ulero; ang sinumang naliligaw sa pamamagitan ng pag-inom ay hindi matalino.

  2. 15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag magpakalasing sa alak, sapagkat hahantong ito sa pagkasira. Sa halip, mapuspos kayo ng Banal na Espiritu.

    19 Mangusap kayo sa isat-isa sa mga salmo at mga himno at mga espiritwal na mga awitin. Umawit at magpuri sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Magpasalamat lagi sa Diyos Ama sa lahat ng bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

  3. 4 Hindi ito para sa mga hari, Lemuel, hindi para sa mga hari ang uminom ng alak, ni para sa mga namumuno ang magtanong, “Nasaan ang matapang na inumin? 5 Dahil kung sila ay iinom, makakalimutan nila kung ano ang naisabatas, at mababaluktot ang mga karapatan ng lahat ng mga naghihirap. 6 Bigyan ang mga taong nasasawi ng inuming matapang at alak sa mga taong may mapait na kalungkutan. 7 Iinom siya at makakalimutan niya ang kaniyang kahirapan, at hindi niya maaalala ang kaniyang kabalisahan. 8 Magsalita ka para sa mga hindi nakakapagsalita, para sa mga kapakanan ng lahat ng mga napapahamak. 9 Magpahayag at humatol sa pamamagitan ng panukat na matuwid at ipagtanggol ang kapakanan ng mga mahihirap at ng mga taong nangangailangan.

  4. 29 Sino ang may kasawian? Sino ang may kalungkutan? Sino ang may mga laban? Sino ang nagrereklamo? Sino ang may mga sugat na walang dahilan? Sino ang may matang namumula? 30 Silang sugapa sa alak, sila na sinusubukan ang pinaghalong alak. 31 Huwag tumingin sa alak kung ito ay mapula, kung ito ay kumikinang sa tasa at bumaba nang tuloy-tuloy. 32 Sa bandang huli ito ay tumutuklaw katulad ng isang ulupong at ito ay kumakagat tulad ng isang ahas. 33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng kakaibang mga bagay at ang iyong puso ay magsasabi ng napakasamang mga bagay. 34 Ikaw ay magiging gaya ng isang natutulog sa mataas na karagatan o humihiga sa ibabaw ng isang duyan. 35 “Tinamaan nila ako!” iyong sasabihin, “pero ako ay hindi nasaktan. Binugbog nila ako, pero hindi ko ito naramdaman. Kailan ako magigising? Maghahanap ako ng isa pang maiinom.”

  5. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin. 18 Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.

    19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

  6. 29 Hindi ko tinutukoy ang inyong sariling budhi kundi ang budhi ng ibang tao. Sapagkat bakit hinuhusgahan ang aking kalayaan sa pamamagitan ng ibang budhi? 30 Kung kakain ako ng pagkain ng may pasasalamat, bakit ako iinsultuhin sa pinagpasalamatan ko?

    31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos.

  7. 19 Makinig, aking anak, at maging matalino at patnubayan ang iyong puso sa daan. 20 Huwag makikisama sa mga lasenggero, o sa mga matatakaw na kumakain ng karne, 21 dahil ang lasenggero at ang matakaw ay nagiging mahirap, at ang naiidlip ay madadamitan ng mga basahan.

  8. 23 Huwag lamang tubig ang iyong inumin. Sa halip uminom ka ng konting alak para sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit.

  9. 14 Pinapatubo niya ang damo para sa mga baka at mga halaman para linangin ng tao nang sa gayon ay makapag-ani ang tao ng pagkain mula sa lupa. 15 Gumagawa siya ng alak para pasayahin ang tao, langis para magliwanag ang kanyang mukha, at pagkain para magpatuloy ang kanyang buhay.

  10. 20 Huwag ninyong sirain ang gawain ng Diyos ng dahil sa pagkain. Ang lahat ng mga bagay ay tunay na malinis, ngunit masama ito para sa taong kumakain at nagiging dahilan ng kaniyang pagkatisod. 21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, o uminom ng alak, o anumang magiging sanhi ng pagkakatisod ng iyong kapatid.

  11. 1 Kaya nga, dahil si Cristo ay naghirap sa laman, armasan ninyo ang inyong mga sarili ng kaparehas na hangarin. Sinuman ang naghirap sa laman ay tumigil na sa kasalanan. 2 Ang taong ito ay hindi na namumuhay para sa mga pansariling pagnanasa, pero para sa kalooban ng Diyos—sa kaniyang natitirang buhay. 3 Sapagkat sapat na panahon na ang lumipas para gawin ng mga Gentil ang nais nilang gawin—kahalayan, pagkahumaling, paglalasing, panggugulo, labis na pagsasaya at kasuklam-suklam na pagsamba sa diyus-diyosan.

    4 Naisip nilang kakaiba na hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na ito kasama sila, kaya nagsasalita sila ng masama patungkol sa inyo. 5 Magbibigay sila ng pagsusulit sa kaniya na handang hatulan ang lahat ng mga tao, patay man o buhay.

  12. 1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 “Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Sabihin mo sa kanila, “Kapag ang isang lalaki o isang babae ay ibinukod niya ang kaniyang sarili kay Yahweh kasama ang isang natatanging panata ng isang Nazareo, 3 dapat niyang ilayo ang kaniyang sarili mula sa alak at matapang na inumin. Dapat hindi siya iinom ng suka na gawa mula sa alak o mula sa matapang na inumin. Dapat hindi siya iinom ng anumang katas ng ubas o kakain ng sariwang mga ubas o mga pasas. 4 Sa lahat ng araw na siya ay ibinukod sa akin, dapat wala siyang kakaining anumang bagay na gawa mula sa mga ubas, kabilang ang lahat ng bagay na gawa mula sa mga buto hanggang sa kanilang mga balat.

  13. 22 Kaawa-awa silang mga pasimuno sa pag-inom ng alak, at dalubhasa sa paghahalo-halo ng matatapang na alak; 23 silang nagpapawalang-sala sa masasama kapalit ng kabayaran, at nag-aalis ng karapatan ng mga inosente!

  14. 9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

  15. 8 Gayon din, dapat marangal ang mga diakono, hindi dalawa ang salita. Dapat hindi sila umiinom ng sobrang alak o maging sakim.

  16. 1 Ngunit ikaw, sabihin ang tama kasama ng tapat na pagtuturo.

    2 Ang mga nakatatandang lalake ay dapat maging mahinahon, marangal, matino, nasa tamang pananampalataya, sa pag-ibig, at sa katiyagaan.

    3 Ang mga nakatatandang babae gayon din dapat laging ipakilalang sila rin ay kagalang-galang at hindi mga tsismosa. Sila ay hindi dapat inalipin ng sobrang alak. Sila ay dapat nagtuturo ng kung ano ang mabuti

  17. 8 Nangusap si Yahweh kay Aaron, sinabing, 9 “Huwag uminom ng alak o matapang na inumin, ikaw, ni ang iyong mga anak na lalaki na natitirang kasama mo, para kapag pumasok ka sa tolda ng pagpupulong hindi kayo mamatay. Ito ay permanenteng batas sa buong salinlahi ng iyong mga mamamayan, 10 para maibukod ang banal sa pangkaraniwan, at ang marumi sa malinis, 11 para maituro mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng batas na iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”

  18. 7 Pero kahit na ang mga ito ay humahapay-hapay sa alak, at nagpapasuray-suray sa inuming matapang. Ang pari at ang propeta ay humahapay-hapay sa malakas na alak, at nalululon sila ng alak. Nagpapasuray-suray sila sa malakas na alak, nagsusuray-suray sa pangitain at humahapay-hapay sa pagpasya. 8 Tunay nga, lahat ng mesa ay natatakpan ng suka, kung kaya't walang malinis na lugar.

  19. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

  20. 11 Kaawa-awa sila na bumabangon nang maaga para maghanap ng matapang na alak; sila na nagkakasiyahan sa hating-gabi hanggang malunod sila sa kalasingan! 12 Nagsasalo-salo sila ng may alpa, lira, tamburin, plauta, at alak, pero hindi nila kinikilala ang gawa ni Yahweh, ni iniisip ang mga ginawa ng kaniyang mga kamay.

  21. 13 Lumakad tayo nang nararapat, gaya ng sa liwanag, hindi sa magulong pagdiriwang o sa paglalasing. At huwag tayong mamuhay sa kahalayan o sa pagnanasang walang pagpipigil, at hindi sa alitan o pagkainggit.

  22. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo. 3 Dapat hindi sugapa sa alak, hindi marahas, kundi marahan, payapa. Hindi maibigin sa pera.

  23. 7 Humayo ka, masaya mong kainin ang tinapay mo, at inumin ang alak mo nang may masayang puso, dahil pinapayagan ng Diyos ang pagdiriwang ng mga mabubuting gawa.

  24. 15 Sapagkat siya ay magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin, at siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula sa sinapupunan ng kaniyang ina.

  25. 33 Sapagkat naparito si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak, at inyong sinabi, 'Siya ay may demonyo.' 34 Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at uminom at inyong sinabi, 'Masdan ninyo, siya ay isang napakatakaw na tao at isang manginginom, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan!' 35 Ngunit ang karunungan ay napawalang-sala ng lahat ng kaniyang mga anak.”

  26. 20 Nagsimulang maging magsasaka si Noe, at nagtanim siya ng ubasan. 21 Uminom siya ng kaunting alak at nalasing. Siya ay nakahigang walang damit sa kanyang tolda. 22 Pagkatapos si Ham, na ama ni Canaan, ay nakita ang kahubaran ng kanyang ama at sinabi ito sa kanyang dalawang kapatid na nasa labas.

    23 Kaya kumuha si Sem at Jafet ng damit at inilagay ito sa parehong balikat nila, at patalikod na lumakad at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama. Ang kanilang mga mukha ay lumihis sa ibang direksyon, kaya hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.

  27. 17 Ni walang taong maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kung ito ay gagawin, puputok ang sisidlang balat at matatapon lang ang alak, at ang sisidlang balat ay masisira. Sa halip, ilalagay nila ang bagong alak sa bagong sisidlang balat, at pareho silang magtatagal.”

  28. 6 Ngayon mayroon doong anim na mga banga ng tubig na ginagamit sa seremonya ng paghuhugas ng mga Judio, na ang bawa't isa ay naglalaman ng may dalawa hanggang tatlong metretes. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ang banga ng tubig.” Kaya pinuno nila ang mga ito hanggang labi.

    8 Pagkatapos ay sinabi niya sa mga lingkod, “Kumuha kayo ng kaunti at ibigay sa punong tagapag-silbi.” Kaya ginawa nga nila. 9 Tinikman ng punong tagapag-silbi ang tubig na naging alak, ngunit hindi niya alam kung saan ito nanggaling (ngunit alam ito ng mga lingkod na kumuha ng tubig). Pagkatapos ay tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kaniya, “Ang unang hinahain ng bawa't isa ay ang mainam na alak at pagkatapos ay ang murang alak kapag ang mga tao ay lasing na. Ngunit itinira mo ang napakainam na alak hanggang ngayon.”

    11 Ang himalang ito sa Cana ng Galilea ay ang simula ng mga mahimalang tanda na ginawa ni Jesus, ipinapahayag ang kaniyang kaluwalhatian, kaya ang mga alagad ay nananampalataya sa kaniya.

  29. 8 Ngunit hindi pagkain ang nagmumungkahi sa atin sa Diyos. Hindi tayo malala kung hindi tayo kakain, ni mas mabuti kung tayo ay kakain.

    9 Ngunit pag-ingatan na ang iyong kalayaan ay huwag maging sanhi na matisod ang isang tao na mahina sa pananampalataya. 10 Sapagkat kung ipagpapalagay na mayroong nakakakita sa iyo na may kaalaman, na kumain ka ng pagkain sa isang templo ng diyus-diyosan. Hindi ba mapalalakas ang kaniyang mahinang budhi na kumain ng naialay sa mga diyus-diyosan? 11 Kaya dahil sa iyong pang-unawa tungkol sa totoong kalikasan ng mga diyus-diyosan, ang mga mahihinang kapatid na siyang dahilan kung bakit namatay si Cristo ay napupuksa. 12 Kaya nga kung ikaw ay nagkasala sa iyong mga kapatid at nasugatan ang kanilang mga mahihinang budhi, ikaw ay nagkasala kay Cristo.

    13 Kaya nga, kung pagkain ang magiging sanhi na matisod ang aking mga kapatid, hindi na ako kailanman kakain ng karne upang hindi ako maging sanhi ng pagbagsak ng aking mga kapatid.

  30. 17 Ang sinumang minamahal ang aliw ay magiging mahirap, ang taong minamahal ang alak at langis ay hindi magiging mayaman.

  31. 13 “Tingnan, darating ang mga araw”—Ito ang pahayag ni Yahweh— “Kapag mauunahan ng mang-aararo ang mag-aani, at ang taga-pisa ng ubas ay mauunahan ang mga taga-pagtanim ng binhi. Papatak sa mga bundok ang matatamis na alak, at aagos ito sa mga burol. 14 Ibabalik ko mula sa pagkakabihag ang aking mga taong Israel. Itatayo nila ang nasirang lungsod at maninirahan doon, magtatanim sila sa ubasan at iinumin ang mga alak nito, gagawa sila ng hardin at kanilang kakainin ang mga bunga nito 15 Itatanim ko ang mga ito sa kanilang mga lupain, at kailan man ay hindi na sila muling mabubunot mula sa lupain na ibinigay ko sa kanila,” sinabi ni Yahweh na inyong Diyos.

  32. 18 Sapagkat dumating si Juan na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at sasabihin nilang, 'May demonyo siya.' 19 Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at umiinom at sinasabi nilang, 'Tingnan ninyo, siya ay napakatakaw na tao at lasenggero, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!' Ngunit ang karunungan ay napawalang-sala sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa.”

  33. 34 Ngunit bigyang-pansin ang inyong mga sarili, upang hindi magnais ang inyong mga puso ng kahalayan, kalasingan, at mga alalahanin sa buhay. Sapagkat darating ang araw na iyon sa inyo nang biglaan

  34. 26 Doon gagastusin ninyo ang pera para sa anumang ninais ninyo: para sa mga baka, o para sa tupa, o para sa alak, o para sa matapang na inumin, o para sa anumang nais ninyo; kakain ka doon sa harap ni Yahweh na inyong Diyos, at magsasaya kayo, kayo at ang inyong sambahayan.

  35. 11 Ang mahalay na gawain, ang alak at bagong alak ang nag-alis sa kanilang pang-unawa. 12 Sumasangguni ang aking mga tao sa kanilang mga diyus-diyosan na kahoy, ang kanilang mga tungkod ang nagbibigay sa kanila ng mga hula. Sapagkat ang espiritu ng kahalayan ang nagligaw sa kanila at iniwan nila ako, na kanilang Diyos. 13 Nag-aalay sila sa mga tuktok ng mga bundok at nagsusunog ng insenso sa mga burol, sa ilalim ng mga ensina, mga alamo at mga roble, sapagkat mabuti ang lilim ng mga iyon. Kaya naman nakagawa ng sekswal na imoralidad ang inyong mga anak na babae at nangangalunya ang inyong mga manugang na babae.

  36. 48 Ngunit kung may masamang utusan na magsasabi sa puso niya, 'Naantala ang aking amo,' 49 at nagsimulang mamalo ng kapwa niyang utusan, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasingero, 50 darating ang amo ng bahay na iyon sa araw na hindi inaasahan ng utusan, sa oras na hindi niya alam. 51 Hahatiin siya sa dalawa ng kaniyang amo at gagawin ang kaniyang kapalaran katulad ng sasapitin ng mga mapagkunwari, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.

  37. 12 “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang para sa akin. “Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas,” ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito.

  38. 4 Ngunit kayo, mga kapatid, wala na kayo sa kadiliman kaya aabutan kayo ng araw na iyon gaya ng isang magnanakaw. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng umaga. Hindi tayo mga anak ng gabi o ng kadiliman. 6 Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng ginagawa ng karamihan. Sa halip, magbantay tayo at maging malinaw ang ating pag-iisip. 7 Sapagkat ang mga natutulog, sa gabi natutulog, at ang mga naglalasing, sa gabi naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo ay mga anak ng umaga, manatili tayong malinaw ang pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at ang helmet, na siyang katiyakan sa hinaharap na kaligtasan.

  39. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak.

  40. 13 Ngunit nangutya ang iba at sinabi, “Lasing na lasing sila ng bagong alak.”

  41. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa.

  42. 11 Ngunit ngayon sumusulat ako sa inyo upang huwag kayong makisama sa sinumang tinawag na kapatid kay Cristo ngunit siya ay namumuhay sa sekswal na imoralidad, o sakim, o sumasamba sa mga diyus-diyosan, o mapang-abuso sa pananalita, o lasinggero, o mandaraya. Ni makikisalo sa pagkain sa ganiyang tao.

  43. 7 Kinakailangan para sa tagapangasiwa, bilang tagapamahala ng sambahayan ng Diyos, ay walang kapintasan. Hindi dapat matabil at walang pagpipigil sa sarili. Hindi madaling magalit, hindi lulon sa alak, hindi isang palaaway, at hindi isang taong sakim. 8 Subalit dapat bukas ang kaniyang tahanan sa mga panauhin at isang kaibigan ng mabuti. Dapat siya ay matino, matuwid, makadiyos, at may pagpipigil sa sarili.

  44. 5 Pinamunuan ko kayo sa loob ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong mga sandalyas ay hindi napudpod sa inyong mga paa. 6 Hindi kayo kumain ng kahit na anong tinapay ni uminom ng kahit na anong alak o nakakalasing na mga inumin, para inyong malaman na ako si Yahweh na inyong Diyos.

  45. 6 Sa bundok na ito maghahanda si Yahweh ng mga hukbo para sa lahat ng mga tao ng isang pista ng matatabang bagay, ng mga piling alak, ng malalambot na karne, isang pista ng mga pinakamainam na alak. 7 Sisirain niya sa bundok na ito ang tumatakip sa lahat ng mamayan, ang bahay na hinabi sa lahat ng mga bansa. 8 Lulunukin niya ang kamatayan habang buhay, at ang Panginoong Yahweh ay pupunasan ang mga luha mula sa lahat ng mga mukha; ang mga kahihiyan ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa mundo, dahil sinabi na ito ni Yahweh. 9 Sasabihin ito sa araw na iyon. Masdan, ito ang ating Diyos, hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito si Yahweh; Naghintay tayo para sa kaniya, magagalak tayo at magdidiwang sa kaniyang kaligtasan.”

  46. 1 Lumapit kayo, ang bawat isang nauuhaw, magsiparito kayo sa tubig! At kayo na walang salapi, bumili kayo at kumain! Halikayo, bumili kayo ng alak at gatas na walang pera at walang bayad.

  47. 14 Ang mga salita ni Jonadab na anak ni Recab na ibinigay niya sa kaniyang mga anak bilang utos, na huwag uminom ng anumang alak ay sinusunod hanggang sa panahong ito. Sinunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Ngunit para sa akin, ako mismo ang patuloy na nagpapahayag sa inyo, ngunit hindi kayo nakikinig sa akin.

  48. 21 Walang pari ang maaaring uminom ng alak kapag pumunta siya sa panloob na patyo, 22 ni kumuha ng isang balo o isang babaeng hiwalay sa asawa bilang kaniyang asawa, ngunit isang birhen lamang mula sa hanay ng sambahayan ng Israel o isang balo na dating asawa ng isang pari. 23 Sapagkat ituturo nila sa aking mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng banal at hindi banal. Ipapaalam nila sa kanila ang pagkakaiba ng marumi at malinis.

  49. 15 'Aba sa taong nagpapainom sa kaniyang kapit-bahay, ikaw na nagdadagdag ng iyong lason hanggang sa malasing mo sila upang makita mo ang kanilang kahubaran!' 16 Mapupuno ka ng kahihiyan at hindi ng karangalan! Inumin mo rin ito, at ipakita ang iyong kahubaran! Ang saro ng kanang kamay ni Yahweh ay darating at babaling sa iyo, at tatakpan ng kahihiyan ang iyong karangalan. 17 Tatakpan ka ng karahasang ginawa sa Lebanon, at kakikilabutan ka sa pagkawasak ng mga mababangis na hayop dahil sa dugo ng mga tao at dahil sa karahasang ginawa sa lupain, sa mga lungsod at sa lahat ng mga naninirahan doon.

  50. 27 Kumuha siya ng kopa at nagpasalamat, at ibinigay ito sa kanila at sinabi, “Inumin ninyo ito, kayong lahat. 28 Sapagkat ito ay ang aking dugo ng kasunduan na ibinuhos para sa marami para sa ikapapatawad ng mga kasalanan. 29 Subalit sasabihin ko sa inyo, buhat ngayon hindi na ako muling iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na ako ay iinom nito ng panibago kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.”

  51. 8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin.

  52. 9 Isa pang anghel — ang pangatlong anghel — ay sumunod sa kanila, sinasabi ang malakas na tinig, “Kung sinuman ang sumasamba sa halimaw at sa kaniyang imahe, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, 10 siya rin ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, ang alak na inihanda at ibinuhos nang walang halo sa kopa ng kaniyang galit. Ang taong umiinom nito ay maghihirap sa apoy at asupre sa harap ng mga banal na anghel at sa harap ng Kordero. 11 Ang usok mula sa kanilang paghihirap ay aangat magpakailan pa man, at wala silang kapahingahan sa umaga o gabi — silang mga sumasamba sa halimaw at sa kaniyang imahe, at lahat ng tumatanggap ng tanda sa kaniyang pangalan.

  53. 28 Nawa bigyan ka ng Diyos ng isang bahagi ng hamog ng langit, isang bahagi ng katabaan ng lupa, at masaganang mga butil at bagong alak.

  54. 18 Kung ang isang lalaki ay may isang anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na hindi sumusunod sa boses ng kaniyang ama o sa boses ng kaniyang ina, at sinuman, kahit na siya ay kanilang itinutuwid, hindi nakikinig sa kanila; 19 sa gayon dapat lamang siyang pigilan ng kaniyang ama at kaniyang ina at dalhin siya palabas sa mga nakatatanda ng kaniyang lungsod at sa tarangkahan ng kaniyang siyudad. 20 Dapat nilang sabihin sa mga nakatatanda sa kaniyang lungsod, 'Ang aming anak na lalaking ito ay matigas ang ulo at suwail; hindi siya sumusunod sa aming boses; siya ay isang matakaw at isang lasenggo.'

    21 Pagkatapos ang lahat ng kalalakihan sa kaniyang lungsod ay dapat batuhin siya hanggang mamatay gamit ang mga bato; at maaalis ninyo ang kasamaan mula sa inyo. Maririnig ito ng buong Israel at matatakot.

  55. 8 Sa ika-dalawampu't anim na taon ni Asa, hari ng Juda, si Ela na anak ni Baasa ay nagsimulang maghari sa buong Israel sa Tirza; siya ay naghari sa loob ng dalawang taon.

    9 Ang kaniyang lingkod na si Zimri, ang pinuno ng kalahati ng kaniyang mga karuwaheng pandigma, ay nagbalak ng masama laban sa kaniya. Sa panahong iyon si Ela ay nasa Tirza, na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arza, na namamahala sa buong sambahayan sa Tirza. 10 Pumasok sa loob si Zimri, sinalakay at pinatay niya si Ela, at naging hari kapalit niya sa ika-dalawampu't pitong taon ni Asa hari ng Juda.

  56. 9 Hindi na sila umiinom ng alak at nag-aawitan, at mapait ang alak sa mga umiinom nito.

  57. 1 Nagdaos si haring Belsazar nang napakalaking handaan para sa isang libo niyang maharlikang tauhan, at uminom siya ng alak sa harapan nilang lahat na isang libo. 2 Habang tinitikman ni Belsazar ang alak, nagbigay siya ng mga utos na ilabas ang mga sisidlan na gawa sa ginto at pilak na kinuha sa templo ng Jerusalem ng kaniyang amang si Nebucadnezar, upang mainuman niya at ng kaniyang mga maharlikang tauhan at ng kaniyang mga asawa at mga asawang tagapaglingkod.

    3 Dinala ng mga tagapaglingkod ang mga gintong sisidlan na kinuha sa templo, ang bahay ng Diyos sa Jerusalem. At ito ang pinag-inuman ng hari at ang mga maharlika niyang tauhan at kaniyang mga asawa at mga asawang niyang taga-paglingkod. 4 Ininom nila ang alak at nagpuri sa kanilang mga diyus-diyosan na gawa sa ginto at pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.

  58. 3 Hindi ako kumain ng masasarap na pagkain, hindi ako kumain ng karne, hindi ako uminom ng alak, at hindi ko pinahiran ng langis ang aking sarili hanggang sa matapos ang buong tatlong linggo.

  59. 19 Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami. 20 Sa mga Judio, naging katulad ako ng isang Judio upang makahikayat ng mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautuan, naging katulad ako ng isang nasa ilalim ng batas upang makahikayat ng mga nasa ilalim ng batas. Ginawa ko ito kahit na wala ako sa ilalim ng batas. 21 Sa mga nasa labas ng kautusan, naging katulad ako ng nasa labas ng kautusan, kahit na ako mismo ay wala sa labas ng kautusan ng Diyos ngunit sa ilalim ng kautusan ni Cristo. Ginawa ko ito upang aking mahikayat ang mga nasa labas ng kautusan. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina, upang aking mahikayat ang mga mahihina. Naging kagaya ako ng lahat ng mga bagay upang sa lahat ng paraan ay maligtas ko ang ilan.

    23 Ginawa ko ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng ebanghelyo, upang makalahok ako sa lahat ng pagpapala nito.

  60. 20 Dapat itaas ng pari ang mga ito bilang isang handog sa harap ni Yahweh at idulog ang mga ito sa kaniya. Ito ay banal na pagkain na nakalaan para sa pari, kasama ang dibdib na itinaas at ang hita na inihandog. Pagkatapos nito, maaari nang uminom ng alak ang Nazareo.

  61. 13 Sinabi ng puno ng ubas sa kanila, 'Dapat ko bang bitawan ang aking bagong alak, na nagpapaligaya sa mga diyos at sangkatauhan, at bumalik at umuyog sa ibabaw ng ibang mga puno?'

  62. 1 Muling gumawa ng kasamaan sa paningin ni Yahweh ang bayan ng Israel, at pinahintulutan niya sila na pamunuan ng mga Palestina sa loob ng apatnapung taon.

    2 Mayroong isang lalaki na mula sa Zora, sa pamilya ng mga Danita, na ang pangalan ay Manoa. Walang kakayahang magbuntis ang kaniyang asawa kaya hindi siya magkaanak. 3 Nagpakita ang anghel ni Yahweh sa babae at sinabi sa kaniya, “Tingnan mo ngayon, walang kang kakayahang magbuntis, at hindi ka magkaanak, pero mabubuntis ka at manganganak ng isang batang lalaki. 4 Ngayon maging maingat, huwag uminom ng alak o matapang na inumin, at huwag kakain ng anumang maruming pagkain na inihayag ng batas na madumi. 5 Masdan, mabubuntis ka at manganganak ng isang batang lalaki. Walang labaha ang gagamitin sa kaniyang ulo, sapagkat magiging Nazareo ang bata na inihandog para sa Diyos mula sa sinapupunan. Sisimulan niyang iligtas ang Israel mula sa kamay ng mga Palestina.”

    6 Pagkatapos dumating ang babae at sinabi sa kaniyang asawa. “Nagpakita sa akin ang isang tao ng Diyos, at ang itsura ay katulad ng isang anghel ng Diyos, nagdulot siya sa akin ng labis na takot. Hindi ko tinanong kung saan siya galing, at hindi niya sinabi sa akin ang kaniyang pangalan. 7 Sinabi niya sa akin, 'Masdan mo! Mabubuntis ka, at manganganak ng isang batang lalaki. Kaya hindi ka iinom ng alak o matapang na inumin, at huwag kakain ng anumang pagkain na hinayag ng batas na marumi, dahil magiging isang Nazareo sa Diyos ang bata mula sa araw na nasa sinapupunan mo siya hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.'”

  63. 14 Sinabi ni Eli sa kanya, “Gaano katagal kang magiging lasing? Itapon mo ang iyong alak.”

    15 Sumagot si Ana, “Hindi, aking amo, ako ay isang babaeng nagdadalamhati ang kalooban. Hindi ako nakainom ng alak o matapang na inumin, ngunit ibinubuhos ko ang aking kaluluwa sa harapan ni Yahweh.”

  64. 13 Nang pinatawag siya ni David, kumain siya at uminom kasama niya, at nilasing siya ni David. Kinagabihan lumabas si Urias para matulog sa kaniyang higaan kasama ang mga lingkod ng kaniyang amo; hindi siya umuwi sa kaniyang bahay.

  65. 18 “Halika at pag-usapan natin ito,” sabi ni Yahweh; “bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana.

  66. 10 Nawala ang kagalakan at kasiyahan mula sa mga prutasan; at wala ng awitan ni masasayang sigawan sa iyong taniman ng ubas. Wala ng taga-tapak ang umaapak sa pagawaan ng alak; ginawa kong pahintuin ang antigong sigawan.

  67. 12 Ang Panginoon, si Yahweh ng mga hukbo sa ay tumawag sa panahong iyon para sa pagtatangis, pananaghoy, pag-aahit ng buhok sa ulo, at pagsusuot ng sako. 13 Pero tingnan ninyo, sa halip na magdiwang at magalak, magkatay ng baka at magpakatay ng tupa, kumain ng karne at uminom ng alak; tayo ay kumain at uminon, dahil bukas ay mamamatay na tayo.

  68. 1 Kaawaan ang ipinagyayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng masaganang lambak ng mga lango sa alak!

  69. 8 Si Yahweh ay nangako sa pamamagitan ng kaniyang kanang kamay at sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang bisig, “Siguradong hindi ko na kailanman ibibigay ang inyong butil bilang pagkain para sa inyong mga kaaway. Ang mga dayuhan ay hindi iinom ng inyong bagong alak, na inyong pinagtrabahuhan. 9 Dahil ang mga umaani ng butil ang kakain nito at magpupuri kay Yahweh, at ang mga pumipitas ng mga ubas ay iinom ng alak sa mga patyo ng aking banal na santuwaryo.”

  70. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito.

  71. 1 Ang bawat kaluluwa ay maging masunurin sa mga matataas na kapangyarihan, dahil walang kapangyarihan na hindi nanggagaling sa Diyos. At ang mga may kapangyarihang umiiral ay itinalaga ng Diyos. 2 Samakatuwid ang lumalaban sa kapangyarihang iyon ay sumasalungat sa mga utos ng Diyos, at ang mga sumasalungat dito ay makakatanggap ng kahatulan sa kanilang mga sarili.

    3 Sapagkat ang mga namumuno ay hindi kilabot sa mga mabubuting gawain, kundi sa mga masasama gawain. Nais mo bang hindi matakot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at makatatanggap ka ng papuri dahil dito. 4 Sapagkat siya ay isang lingkod ng Diyos para sa kabutihan. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, matakot ka. Sapagkat hindi niya dala-dala ang espada ng walang dahilan. Sapagkat siya ay isang lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti ng poot sa mga gumagawa ng masama.

    5 Samakatuwid dapat kayong sumunod, hindi lang dahil sa matinding poot, ngunit dahil din sa konsensya.