45 Bible Verses About Tithing

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Tithing
  1. 6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”

    10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin.

  2. 5 “Pagkatapos lalapit ako sa inyo para sa paghahatol. Magiging isa akong mabilis na saksi laban sa mga manghuhula, sa mga mangangalunya, sa mga hindi totoong saksi, at laban sa mga nang-aapi sa mga inuupahang manggagawa sa kaniyang sahod, sila na nang-aapi sa mga balo at sa mga ulila, at naglalayo sa mga dayuhan sa kanilang mga karapatan, at laban sa mga taong hindi ako pinararangalan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

    6 Sapagkat akong si Yahweh ay hindi nagbabago; kaya kayong mga tao ni Jacob ay hindi pa nalilipol. 7 Mula pa sa mga araw ng inyong mga magulang, tinalikuran ninyo ang aking mga batas at hindi ito iningatan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo.” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. “Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano kami manunumbalik?'

    8 Maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Gayon pa man, ninanakawan ninyo ako. Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano ka namin ninakawan?' Sa mga ikapu at sa mga handog. 9 Isinumpa kayo sa pamamagitan ng isang sumpa, sapagkat ninakawan ninyo ako, ang buong bansang ito. 10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito. 11 Sasawayin ko ang maninira para sa inyo upang hindi nito sirain ang ani sa inyong lupain; hindi mawawala ang bunga ng mga ubas ninyo sa mga bukid bago ang takdang panahon,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

    12 “Tatawagin ka ng lahat ng mga bansa na pinagpala; sapagkat magiging lupain ka nang kagalakan,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

  3. 30 Lahat ng ikapu ng lupain, maging tumubong butil sa lupa o bunga mula sa mga puno, ay kay Yahweh. Banal ito kay Yahweh. 31 Kung tutubusin ng isang tao ang alinman sa kanyang ikapu, dapat siyang magdagdag ng ikalima sa halaga nito.

    32 Para sa lahat ng ikapu ng grupo ng mga hayop o ang kawan, anuman ang dumaan sa ilalim ng tungkod ng pastol, dapat ilaan kay Yahweh ang ikasampu. 33 Hindi dapat humanap ang pastol ng higit na mabuti o higit na masamang mga hayop, at hindi niya maaaring ipagpalit ang isa para sa iba. Kung papalitan man niya ito, magiging banal ang parehong mga hayop at iyon na kung saan ito ipinagpalit. Hindi ito matutubos.”'

    34 Ito ang mga utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok Sinai para sa mga bayan ng Israel.

  4. 14 Bawat bagay na inilaan sa Israel ay magiging sa iyo. 15 Bawat bagay na nagpapabukas ng sinapupunan, lahat ng panganay na hinandog ng mga tao kay Yahweh, kapwa tao at hayop, magiging sa iyo. Gayunpaman, dapat tiyak na bilhin muli ng mga tao ang bawat panganay na anak na lalaki, at dapat nilang bilhin muli ang panganay na lalaki ng maruming mga hayop. 16 Iyong mga dapat bibilhin muli ng mga tao ay dapat bilhin muli pagkatapos na maging isang buwang gulang. Pagkatapos ay maaari na silang bilhin muli ng mga tao, sa halagang limang siklo, ayon sa pamantayang timbang na siklo ng santuwaryo, na kapantay ng dalawampung gera.

    17 Subalit ang panganay ng isang baka, o ang panganay ng isang tupa, o ang panganay ng isang kambing ay hindi mo dapat bilhin muli ang mga hayop na ito; sila ay inilaan sa akin. Dapat mong isaboy ang dugo nito sa altar at sunugin ang kanilang taba bilang isang alay na pinaraan sa apoy, upang magdulot ng mabangong halimuyak para sa akin. 18 Magiging sa iyo ang karne ng mga ito. Gaya ng itinaas na dibdib at kanang hita, magiging sa iyo ang karne ng mga ito.

    19 Lahat ng dinalang handog ng banal na mga bagay na inalay ng mga tao ng Israel sa akin ay ibinibigay ko ang mga ito sa iyo, sa iyong mga anak na lalaki, sa iyong mga anak na babae bilang patuloy na bahagi. Tumatayo sila para sa isang tipan ng asin, isang umiiral na tipan magpakailanman, sa harap ko kasama mo at ng iyong mga kaapu-apuhan.”

    20 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Hindi ka dapat magkaroon ng mana sa lupain ng mga tao, ni dapat magkaroon ng bahagi sa mga ari-arian ng mga tao. Ako ang iyong magiging bahagi at mana sa piling ng mga tao ng Israel.

    21 Sa mga kaapu-apuhan ni Levi, tingnan mo, ibinigay ko ang lahat ng mga ikapu bilang kanilang mana kapalit ng kanilang paninilbihan na kanilang ibinibigay sa pagtatrabaho sa tolda ng pagpupulong. 22 Simula ngayon hindi dapat lumapit ang mga tao ng Israel sa tolda ng pagpupulong, o sila ay magkakaroon ng pananagutan sa kasalanang ito at mamatay.

    23 Dapat gawin ng mga Levita ang mga gawain na may kaugnayan sa tolda ng pagpupulong. Sila ang may pananagutan para sa anumang kasalanan tungkol dito. Ito ang magiging isang palagiang batas sa lahat ng salinlahi ng iyong mga tao. At hindi sila dapat magkaroon ng mana sa piling ng mga tao ng Israel. 24 Sapagkat ang mga ikapu ng mga tao ng Israel, na kanilang inialay bilang handog para sa akin—ito ang mga ibinibigay ko sa mga Levita bilang kanilang mana. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa kanila, 'Hindi sila dapat magkaroon ng mana sa piling ng mga tao ng Israel.'”

    25 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 26 “Dapat mong kausapin ang mga Levita at sabihin sa kanila, 'Kapag matanggap mo mula sa mga tao ng Israel ang ikasampu na ibinibigay ni Yahweh sa iyo bilang iyong mana ay dapat mong ihandog ang isang inalay na handog mula sa ikasampung iyon sa kaniya, ang ikasampu mula sa ikapu. 27 Dapat mong isaalang-alang ang iyong inalay na handog na para itong ikasampu ng butil mula sa giikang palapag o produkto mula sa pigaan ng ubas. 28 Kaya dapat ka ring mag-alay ng handog kay Yahweh mula sa ikapu na iyong natanggap mula sa mga tao ng Israel. Dapat mong ibigay mula sa kanila ang kaniyang inalay na handog kay Aaron na pari. 29 Mula sa lahat ng mga inalay na iyong natanggap, dapat kang maghandog ng bawat inalay na handog kay Yahweh. Dapat mong gawin ito mula sa lahat ng mainam at pinaka-banal na mga bagay na ibinigay sa iyo.'

  5. 1 Melquisedec na ito, ang hari ng Salem, ang pari ng Kataas-taasang Diyos, na sumalubong kay Abraham nang siya ay bumalik mula sa malupit na pagpatay ng mga hari, at pinagpala siya. 2 Binigyan siya ni Abraham ng ikamsampung bahagi ng lahat ng kaniyang nasamsam. Ang pangalan na ''Melquisedec” ay nangangahulugang ''hari ng katuwiran'' at ''hari ng Salem'' ito ay ''hari ng kapayapaan.'' 3 Siya ay walang ama, walang ina, walang mga ninuno, walang anumang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay. Sa halip nanatili siyang pari magpakailanman, katulad ng Anak ng Diyos.

    4 Ngayon isaalang-alang kung gaano kadakila ang taong ito. Ang ating ninuno na si Abraham ay nagbigay ng ikasampung bahagi mula sa pinakamahalagang mga bagay na nakuha niya mula sa labanan. 5 At sa katunayan, ang mga kaapu-apuhan ni Levi na tumanggap ng gawaing pagkapari ay may utos mula sa kautusan na tipunin ang mga ikasampung bahagi mula sa mga tao, iyon ay mula sa kanilang mga kababayang Israelita, kahit na sila rin ay nagmula kay Abraham. 6 Ngunit si Melquisedec, na hindi mula sa kaapu-apuhan ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham, at siya ay pinagpala, siya na tumanggap ng mga pangako. 7 Hindi maitatanggi na ang mas mababang tao ay pinagpapala ng mas mataas na tao.

    8 Sa ganitong kalagayan, ang taong tumanggap ng ikasampung bahagi ay mamamatay balang araw. ngunit sa isang banda, ang tumanggap ng ikasampung bahagi ni Abraham ay inilarawan bilang patuloy na nabubuhay. 9 At samakatuwid, masasabi na si Levi na tumanggap ng ikapu, ay nakapagbigay din ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham, 10 dahil si Levi ay nasa pribadong bahagi pa lamang ng kaniyang ninuno na si Abraham nang makilala ni Abraham si Melquisedec.

  6. 41 Pagkatapos umupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng kaloob sa templo; pinagmamasdan niya ang mga tao habang inihuhulog nila ang kanilang pera sa kahon. Maraming mayayamang tao ang naglalagay ng malalaking halagang pera. 42 At dumating ang isang mahirap na balo at naglagay ng dalawang kusing na nagkakahalaga ng isang pera.

    43 At tinawag niya ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Mahalaga itong sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na balong ito ay nakapaglagay ng higit kaysa lahat ng nagbigay sa lalagyan ng kaloob 44 Sapagkat nagbigay ang lahat sa kanila mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang balong ito, sa kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng perang mayroon siya na kaniyang ikabubuhay.”

  7. 22 Dapat ninyong tiyakin ang ikapu sa lahat ng bunga ng inyong pinunla, na kung saan lalabas mula sa bukid taon taon.

  8. 16 Pagkatapos dinala niya ang lahat ng mga ari-arian, at dinala rin niya ang kaniyang kamag-anak na si Lot at ang kaniyang mga kagamitan, pati na rin ang mga kababaihan at ang iba pang mga tao.

    17 Matapos bumalik ni Abram mula sa pagtalo kina Kedorlaomer at sa mga hari na kasama niya, ang hari ng Sodoma ay lumabas para salubungin siya sa lambak ng Save (tinatawag ding Lambak ng Hari).

    18 Naglabas si Melquisedec, hari ng Salem, ng tinapay at alak. Siya ay pari ng Kataastaasang Diyos. 19 Siya ay kaniyang pinagpala na nagsasabing, “Pagpalain ka Abram ng Kataastaasang Diyos, Manlilikha ng langit at lupa. 20 Pagpalain ang Kataastaasang Diyos, na siyang nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” Pagkatapos ibinigay ni Abram sa kaniya ang ikasampu ng lahat ng kaniyang pag-aari.

  9. 23 Aba kayong mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng mga yerbabuena, anis at kumin, ngunit hindi ninyo ginagawa ang mas mahalagang mga bagay tungkol sa batas - katarungan, kahabagan at pananampalataya. Subalit dapat sanang gawin ninyo ang mga ito at huwag pabayaang gawin ang iba. 24 Kayong mga bulag na tagagabay, kayong mga nagsasala ng mga niknik ngunit nilulunok ang kamelyo!

  10. 32 Tinanggap namin ang mga utos na magbigay ng ikatlo ng siklo bawat taon para sa paglilingkod sa tahanan ng ating Diyos, 33 na magkaloob ng tinapay sa kaniyang presensiya, at para sa karaniwang handog na butil, ng mga sinusunog na handog sa mga Araw ng Pamamahinga, para sa pagdiriwang ng bagong buwan at mga tinakdang kapistahan, at para sa banal na mga handog, at para sa mga handog sa kasalanan para mabayaran ang kasalanan ng Israel, gayundin sa lahat ng gawain sa tahanan ng ating Diyos.

    34 At ang mga pari, ang mga Levita, at ang mga tao ay nagpalabunutan para sa handog na kahoy. Ang palabunutan ay pipili kung sino sa mga pamilya ang magdadala ng kahoy sa tahanan ng ating Diyos sa mga itinalagang panahon bawat taon. Ang kahoy ay susunugin sa altar ni Yahweh na ating Diyos, katulad ng nasusulat sa batas.

    35 Pinangako namin na magdadala sa tahanan ni Yahweh ng mga unang bunga na tumubo sa aming lupain, at ng unang bunga ng bawat puno sa bawat taon. 36 At tulad ng nasusulat sa batas, nangako kami na dadalhin namin sa tahanan ng Diyos at sa mga pari na siyang naglilingkod doon, ang aming mga anak na lalaki at ang aming mga kawan at kalupunan.

    37 Dadalhin namin ang unang minasang tinapay at ang aming mga handog na butil, at ang bunga ng bawat puno, at ang bagong alak at ang langis na dadalhin namin sa mga pari, sa mga imbakan sa tahanan ng ating Diyos. Dadalhin namin sa mga Levita ang mga ikapu mula sa aming lupa dahil ang mga Levita ang lumilikom ng mga ikapu mula sa lahat ng bayan kung saan kami naghahanapbuhay. 38 Isang pari, mula sa kaapu-apuhan ni Aaron, ay kailangan sumama sa mga Levita kapag tumatanggap sila ng mga ikapu. Ang mga Levita ay kailangang dalhin ang ikasampu ng mga ikapu sa tahanan ng ating Diyos sa mga imbakan ng ingat-yaman. 39 Dahil ang bayan ng Israel at ang mga kaapu-apuhan ni Levi ay magdadala ng ambag na butil, bagong alak, at langis sa mga imbakan kung saan nilalagay ang mga kagamitan ng santuwaryo at kung saan nananatili ang mga pari na naglilingkod, ang mga tagapagbantay ng tarangkahan, at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang tahanan ng ating Diyos.

  11. 20 Si Jacob ay sumumpa ng isang panata na nagsasabing, “Kung ang Diyos ay kasama ko at pangangalagaan ako sa daang ito na aking nilalakaran, at bibigyan ako ng tinapay para kainin, at mga damit para suutin, 21 nang sa gayon matiwasay akong makabalik sa bahay ng aking ama, pagkatapos si Yahweh ay magiging Diyos ko. 22 Pagkatapos ang batong ito na itinayo ko bilang isang haligi ay magiging banal na bato. Mula sa lahat ng ibinigay mo sa akin, tiyak na ibabalik ko sa iyo ang ikasampung bahagi.”

  12. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak.

  13. 4 Bukod dito, inutusan niya ang mga taong nakatira sa Jerusalem na ibigay ang mga nakalaan para sa mga pari at sa mga Levita, upang mapag-ukulan nila ng panahon ang kanilang pagsunod sa kautusan ni Yahweh.

    5 Nang mailabas ang kautusan, nagbigay agad ng masagana ang mga Israelita ng unang bunga ng butil, bagong alak, langis, pulot, at lahat ng mula sa kanilang inani sa mga bukirin; at masagana rin nilang dinala ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay. 6 Nagdala rin ang mga tao ng Israel at judah na naninirahan sa lungsod ng Juda ng ikasampung bahagi ng bakahan, kawan ng tupa, at ang ikasampung bahagi ng mga bagay na nailaan kay Yahweh na kanilang Diyos, at inilatag ang mga ito sa maraming bunton.

    7 Inumpisahan nilang ilatag ang mga bunton noong ikatlong buwan at natapos nila sa ikapitong buwan. 8 Nang pumunta si Ezequias at ang mga namumuno at nakita ang napakaraming bunton, pinagpala nila si Yahweh at ang mga taga-Israel.

    9 At tinanong ni Ezequias ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga napakaraming bunton. 10 Sinagot siya ni Azarias, ang pinakapunong pari sa tahanan ni Zadok, at sinabing, “Nang magsimulang magdala ng mga handog sa tahanan ni Yahweh ang mga tao, nakakain kami ng higit sa sapat at marami pang natira, sapagkat pinagpala ni Yahweh ang kaniyang mga tao. At malaking bilang pa rin ang naiwan sa mga ito.”

    11 Pagkatapos, nag-utos si Ezequias na maghanda ng silid imbakan sa tahanan ni Yahweh, at inihanda ang mga ito. 12 At tapat silang nagdadala ng mga handog, ng ikapu at ng lahat ng bagay na para kay Yahweh. Si Conanias, na isang Levita, ang tagapangasiwa sa mga ito, at si Simie na kaniyang kapatid ang pumapangalawa sa kaniya.

  14. 42 Sa aba ninyong mga Pariseo, sapagkat ibinibigay ninyo ang ikapu ng yerbabuena at ruda at ang bawat ibang halaman sa hardin ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Kinakailangan na kumilos nang may katarungan at may pagmamahal sa Diyos na hindi rin pinababayaan na gawin ang ibang mga bagay.

  15. 5 Wala ba kaming karapatan na isama ang aming mga asawa na isang mananampalataya, gaya ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas? 6 O kami lamang ba ni Bernabe ang dapat magtrabaho?

    7 Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? O sino ang nag-aalaga ng kawan at hindi umiinom ng gatas mula sa mga ito?

    8 Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito batay sa makataong kapangyarihan? Hindi ba sinabi din ito ng batas? 9 Sapagkat nasusulat sa kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik ng butil.” Ang baka nga ba talaga ang pinahahalagahan ng Diyos? 10 Hindi ba siya nagsasalita tungkol sa amin? Naisulat ito para sa amin, sapagkat ang siyang nag-aararo ay nag-aararo sa pag-asa at ang gumigiik ay kailangang gumiik na umaasa na makikibahagi sa ani.

    11 Kung naghasik kami ng mga espirituwal na bagay sa inyo, kalabisan ba sa amin na umani ng mga materyal na bagay mula sa inyo? 12 Kung ginagawa ng iba ang karapatang ito mula sa inyo, hindi ba mas lalo na kami? Gayunman, hindi namin inangkin ang karapatang ito. Sa halip, tiniis namin ang lahat kaysa maging hadlang sa ebanghelyo ni Cristo.

    13 Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay kumukuha ng pagkain mula sa templo? Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa altar ay nakikibahagi sa kung ano ang naihandog sa altar? 14 Sa ganoon ding paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga nagpapahayag ng ebanghelyo ay dapat kunin ang kanilang kabuhayan mula sa ebanghelyo.

  16. 9 At sinabi din niya ang talinghagang ito sa mga taong nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at humahamak sa ibang tao, 10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at ipinanalangin ang mga bagay na ito tungkol sa kaniyang sarili, 'Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo dahil hindi ako katulad ng ibang taong magnanakaw, mga hindi matuwid, mga mangangalunya, o tulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Nag-aayuno ako ng dalawang beses bawat linggo. Ibinibigay ko ang ikapu ng lahat ng aking nakukuha.'

    13 Ngunit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa di-kalayuan, ayaw man lang tumingin sa langit, ngunit dinadagukan niya ang kaniyang dibdib, sinasabi, 'Diyos, kaawaan mo ako, na isang makasalanan.' 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito sa kaniyang bahay na napawalang-sala kaysa sa isa, dahil maibababa ang bawat taong nagmamataas ng kaniyang sarili at maitataas ang bawat taong nagpapakababa ng kaniyang sarili.”

  17. 19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

    22 Ang mata ay ang ilaw ng katawan. Kaya kung mabuti ang inyong mata, mapupuno ng liwanag ang buong katawan. 23 Ngunit kung masama ang inyong mata, ang inyong buong katawan ay puno ng kadiliman. Kaya kung ang liwanag na nasa inyo ay pawang kadiliman, napakatindi ng kadilimang iyon!

    24 Walang sinuman ang maaaring maglingkod sa dalawang amo, sapagkat kakamuhian niya ang isa at mamahalin ang isa, o di kaya tapat siya sa isa at hahamakin ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.

  18. 1 Ngayon tungkol sa koleksiyon para sa mga mananampalataya, gaya ng iniutos ko sa mga iglesia sa Galacia, ay inyo ding gawin. 2 Sa unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng anumang bagay at ipunin ninyo, ayon sa inyong makakaya. Gawin ninyo ito upang pagpunta ko diyan ay wala ng kokolektahin. 3 At kung ako ay makarating, ang sinuman ang inyong pahintulutan, ay aking ipapadala na kasama ng mga liham upang dalhin ang inyong mga handog sa Jerusalem. 4 At kung ito ay nararapat para sa akin na pumunta doon, sila'y pupuntang kasama ko.

  19. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  20. 6 “Pinararangalan ng isang anak ang kaniyang ama at pinararangalan ng isang lingkod ang kaniyang panginoon. At kung isa nga akong Ama, nasaan ang aking karangalan? At kung isa akong panginoon, nasaan ang paggalang para sa akin? Nagsasalita sa inyo si Yahweh ng mga hukbo, mga paring humamak sa aking pangalan. Ngunit sinabi ninyo, 'Paano namin hinamak ang iyong pangalan?'

    7 Sa pamamagitan ng paghahandog ng maruming tinapay sa aking altar. At sinabi ninyo, 'Paano ka namin dinungisan?' Sa pamamagitan ng pagsasabing maaaring hamakin ang hapag ni Yahweh.

    8 Kapag naghahandog kayo ng mga hayop na bulag para sa pag-aalay, hindi ba masama iyon? At kapag naghahandog kayo ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Ihandog ninyo iyan sa inyong gobernador, tatanggapin pa ba niya kayo o haharapin pa ba niya kayo?” sinabi ni Yahweh ng mga hukbo.

    9 At ngayon, sinusubukan ninyong humingi ng tulong sa Diyos upang maaari siyang mahabag sa atin. “Sa mga ganitong handog ninyo, tatanggapin pa ba niya kayo?” sabi ni Yahweh ng mga hukbo.

    10 “O, kung may isa man sa inyo ang maaaring magsara ng mga tarangkahan ng templo upang hindi kayo makapagsindi ng apoy sa aking altar nang walang kabuluhan! Hindi ako nalulugod sa inyo,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “at hindi ko tatanggapin ang anumang handog mula sa inyong kamay.

    11 Sapagkat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, magiging dakila ang aking pangalan sa mga bansa; sa bawat lugar na ihahandog ang insenso para sa aking pangalan at maging ang dalisay na handog. Sapagkat magiging dakila ang aking pangalan sa mga bansa,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 12 “Ngunit nilalapastangan ninyo ito nang sabihin ninyong marumi ang hapag ng Panginoon at ang mga prutas nito, dapat hamakin ang pagkain nito.

    13 Sinabi rin ninyo, 'Nakakapagod na ito,' at pasinghal ninyo itong hinamak,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. “Dinadala ninyo kung ano ang kinuha ng isang mabangis na hayop o ang pilay o may sakit; at dinala ninyo ito bilang inyong mga handog! Dapat ko ba itong tanggapin mula sa inyong kamay?” sabi ni Yahweh.

    14 “Sumpain ang mandaraya na may isang lalaking hayop sa kaniyang kawan at nangakong ibibigay ito sa akin at gayon pa man inihandog sa akin, ang Panginoon, kung ano ang may kapintasan, sapagkat isa akong dakilang Hari,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “at kinakatakutan ng mga bansa ang aking pangalan.”

  21. 6 Pagkatapos nagbigay ng kusang-loob na handog ang mga pinuno ng mga pamilya ng kanilang mga ninuno, ang mga pinuno ng mga tribo sa Israel, ang mga pinuno ng libo-libo at daan-daang mga kawal at ang mga opisyal sa mga gawain ng hari. 7 Nagbigay sila para sa paglilingkod sa tahanan ng Diyos ng limang libong talento at sampung libong dariko na ginto, sampung libong talento ng pilak, labing walong libong talento ng pilak, at 100, 000 talento ng bakal. 8 Ang mga may mahahalagang bato ay nagbigay sa kabang-yaman sa tahanan ni Yahweh, sa ilalim ng pamamahala ni Jehiel, isang kaapu-apuhan ni Gershon. 9 Nagalak ang mga tao dahil sa mga kusang-loob na handog na ito, sapagkat buong puso silang nagbigay kay Yahweh. Labis ding nagalak si Haring David.

    10 Pinapurihan ni David si Yahweh sa harapan ng lahat ng kapulungan. Sinabi niya, “Papurihan ka nawa, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ninuno, magpakailanman.

    11 Sa iyo, Yahweh, ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian, ang katagumpayan, at ang karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang kaharian, Yahweh, at ikaw ang itinataas bilang tagapamuno ng lahat. 12 Nagmula sa iyo ang kayamanan at karangalan, at namumuno ka sa lahat ng mga tao. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan. Taglay mo ang lakas at kalakasan na gawing dakila ang mga tao at magbigay ng lakas sa sinuman.

    13 At ngayon, aming Diyos, pinasasalamatan ka namin at pinapupurihan ang iyong maluwalhating pangalan.

  22. 10 Ngayon tingnan, dinala ko ang unang ani ng lupain sa iyo Yahweh, na nagbigay sa akin.' Dapat ninyong ilagay ito sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos at siya'y sambahin sa kaniyang harapan; 11 at dapat kayong magsaya sa lahat ng mabuting ginawa ni Yahwen na inyong Diyos para sa inyo, para sa inyong tahanan—kayo, at ang Levita, at ang dayuhang kasama ninyo.

    12 Kapag natapos kayo sa pagbibigay ng lahat ng ikapu ng inyong ani sa ikatlong taon, iyon ay, ang taon ng pag-iikapu, kung gayon dapat ninyong ibigay ito sa Levita, sa dayuhan, sa ulila, at sa balo, para makakain sila sa loob ng mga tarangkahan ng inyong lungsod at mabusog.

  23. 4 Pumunta kayo sa Bethel at magkasala, sa Gilgal at magparami ng kasalanan. Dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga, ang inyong mga ikapu sa bawat ikatlong araw. 5 Mag-alay ng handog pasasalamat na may tinapay; ipaalam ang kusang-loob na paghahandog. Sasabihin ninyo sa kanila, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyo, kayong mga Israelita—ito ang pahayag ng Panginoong si Yahweh.”

  24. 24 May isa na siyang naghahasik ng binhi—siya ay makaiipon nang higit pa; ang isa pa ay hindi naghahasik—siya ay darating sa kahirapan. 25 Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili.

  25. 16 Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng inyong kalalakihan ay dapat magpakita sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na kaniyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Lebadura, sa Pista ng mga Linggo, at sa Pista ng mga Kanlungan; at hindi sila makikita sa harapan ni Yahweh na walang dala; 17 sa halip, ang bawat tao ay magbibigay ayon sa kaniyang kakayahan, para malaman ninyo ang pagpapalang ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

  26. 6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman dito sa mundo. wala rin tayong madadala na anumang bagay. 8 Sa halip, masiyahan tayo sa pagkain at pananamit.

    9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.

    11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan,

  27. 1 Pag-ingatan ninyo na hindi ninyo gawin ang inyong mga gawain ng katuwiran sa harap ng mga tao upang makita nila ito, kung hindi ay wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa Ama na nasa langit.

    2 Kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong patunugin ang isang trumpeta para sa iyong sarili tulad ng ginagawa ng mga mapagpanggap sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sumakanila ang papuri ng mga tao. Totoo itong sasabihin ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Ngunit kung magbibigay ka ng mga limos, huwag mong hayaang malaman ng kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, 4 upang maibigay mo nang lihim ang iyong handog. At ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gagantimpala sa iyo.

  28. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

  29. 1 Nais naming malaman ninyo, mga kapatid, tungkol sa biyaya ng Diyos na naibigay sa mga iglesiya sa Macedonia. 2 Sa panahon ng matinding pagsubok sa pagdadalamhati, ang kasaganahan ng kanilang kagalakan at ang mahigpit na pangangailangan sa kanilang kahirapan ay nagbunga ng matinding kasaganahan ng kagandahang loob. 3 Sapagkat nagpapatotoo ako na nagbigay sila hanggang sa kanilang makakaya, at labis pa sa kung ano ang kanilang makakaya. At naaayon sa kanilang sariling kalooban 4 nang may matinding pagmamakaawa, sumasamo sila sa amin para sa pagkakataon ng pagbabahagi sa paglilingkod sa mga mananampalataya. 5 Hindi ito nangyari nang gaya sa aming inaasahan. Sa halip, una nilang ibinigay ang kanilang mga sarili sa Panginoon. At ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa amin ayon sa kalooban ng Diyos.

  30. 6 Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro.

    7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.

    9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.

  31. 10 At nalaman ko na ang mga bahaging nakatakda para sa mga Levita ay hindi naibigay sa kanila, kaya naman mabilis nilang nilisan ang templo, ang bawat isa sa kani-kaniyang bukid, tulad din ng ginawa ng mga mang-aawit.

  32. 15 Kukunin niya ang ikasampu ng inyong butil at ng inyong mga ubasan at ibibigay sa kanyang mga opisyal at mga lingkod.

  33. 2 Tinawag ni Moises sina Bezalel, Oholiab, at ang lahat ng taong bihasa na sa kaniyang pag-iisip ay pinagkalooban ni Yahweh ng kahusayan, at ang kanilang puso na napukaw ang kalooban na lumapit at gumawa ng gawain. 3 Tinanggap nila mula kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga Israelita sa paggawa ng banal na lugar. Patuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog na kusang-loob sa bawat umaga. 4 Kaya ang lahat ng mga taong bihasa na gumagawa sa banal na lugar ay lumapit kay Moises mula sa paggawa ng kanilang mga gawain. 5 Sinabi ni Moises, “Ang mga tao ay nagdadala ng labis sa paggawa ng gawain ayon sa iniutos ni Yahweh na ating gagawin.”

    6 Kaya ang tagubilin ni Moises na wala ni isa sa kampo ang magdala ng anumang mga handog para sa paggawa ng banal na lugar. Kaya ang mga tao ay huminto na sa pagdadala ng mga handog. 7 Mayroon na silang labis-labis na mga kagamitan para sa lahat ng gawain.

  34. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.

  35. 10 Dapat ninyong ipagdiwang ang Pista ng mga Linggo para kay Yahweh na inyong Diyos kasama ang inyong ambag para sa kusang-loob na handog mula sa iyong kamay na inyong ibibigay, ayon sa pagpapala sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

  36. 1 Ang mga pari, na mga Levita, at ang lahat ng lipi ni Levi, ay walang bahagi ni pamana sa Israel; dapat nilang kainin ang mga handog kay Yahweh na gawa sa apoy bilang kanilang pamana. 2 Dapat wala silang pamana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki; si Yahweh ang kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanila.

    3 Ito ang magiging bahagi ng mga nakatakdang pari mula sa mga tao, mula sa kanila na naghahandog ng isang alay, maging ito ay mga baka o tupa: dapat nilang ibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang mga lamanloob. 4 Ang mga unang bunga ng inyong butil, ng inyong bagong alak, at ng inyong langis, at ang unang balahibo ng inyong tupa, dapat ninyong ibigay sa kaniya. 5 Dahil pinili siya ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng inyong lipi para tumayong maglingkod sa pangalan ni Yahweh, siya at ang kaniyang mga anak na lalaki magpakailanman.

  37. 15 At alam ninyo, kayong mga taga-Filipos, na sa simula ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang iglesya ang tumulong sa akin sa bagay ng pagbibigay at pagtatanggap maliban sa inyo lamang. 16 Kahit nang ako ay nasa Tesalonica, nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan ng higit sa isang beses.

    17 Hindi sa hinahanap ko ang kaloob. Sa halip, hinahanap ko ang bunga na nagpapataas ng inyong halaga. 18 Nakatanggap at nagkaroon ako ng lahat bagay. Napuno ako. Natanggap ko mula kay Epafroditus ang mga bagay na galing sa inyo. Ang mga ito ay mababangong samyo, katanggap-tanggap at kalugod-lugod na handog sa Diyos.

    19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20 Ngayon, nawa'y sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

  38. 15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos.

  39. 6 Dahil dito nagbabayad din kayo ng mga buwis. Sapagkat ang mga may kapangyarihan ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa nito. 7 Bayaran ninyo ang lahat kung ano man ang inutang ninyo sa kanila: magbuwis sa dapat pagbayaran ng buwis, magbayad ng upa sa kung sinuman ang inuupahan; matakot sa nararapat katakutan; parangalan ang nararapat parangalan.

  40. 16 Sa pamamagitan nito alam natin ang pag-ibig, sapagkat inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Nararapat din nating ialay ang ating mga buhay para sa mga kapatid. 17 Pero ang sinumang mayroong mga mabubuting bagay sa mundo, nakitang nangangailangan ang kapatid, at isinara ang kanyang maawaing puso sa kanya, papaano mananatili sa kanya ang pag-ibig ng Diyos?

    18 Mga minamahal kong mga anak, huwag tayong magmahal sa salita o sa dila, pero sa mga gawa at katotohanan. 19 Sa pamamagitan nito alam natin na tayo ay nasa katotohanan at tinitiyak natin ang ating mga puso sa kanyang harapan.

  41. 31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32 Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

    34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.

    37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'

    40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'

    41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42 sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43 ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.

    44 At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?'

    45 At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'

    46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”

  42. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

  43. 42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin. 43 Dumating ang takot sa bawat kaluluwa, at maraming mga kamangha- manghang bagay at mga tanda ang nagawa ng mga apostol.

    44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

  44. 32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay. 33 Ipinapahayag ng mga apostol ang kanilang patotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ng may dakilang kapangyarihan, at labis na biyaya ay napa-sa kanilang lahat.

    34 Wala ni isa man sa kanila ang kinukulang sa anumang bagay, dahil ang lahat ng mga nag mamay-ari ng titulo ng mga lupa o mga bahay ay ibinenta ang mga ito at dinala ang pera ng mga napagbentahan 35 at inilagay sa paanan ng mga apostol. At nangyari ang mga pagbaha-bahagi sa bawat mananampalataya, ayon sa kani-kanilang pangangailangan.

  45. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila.