71 Bible Verses About Cheating

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Cheating
  1. 5 Ito ang mensahe na aming narinig mula sa kanya at ipinapahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang kadiliman ang lahat. 6 Kung sinasabi natin na tayo ay mayroong pakikisama sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, tayo ay nagsisinungaling at hindi isinasagawa ang katotohanan. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.

    8 Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, niloloko natin ang ating mga sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Pero kung tayo ay umamin sa ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kapag sinabi natin na hindi tayo nagkasala, ginawa natin siyang isang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

  2. 1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian.

    5 patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo—pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Sa mga bagay na ito na minsan rin ninyong nilakaran ng namuhay kayo sa mga ito. 8 Ngunit ngayon dapat ninyong alisin ang lahat ng mga bagay na ito—poot, galit, mga masasamang layunin, mga pang-aalipusta at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.

    9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay.

  3. 15 Hindi kayo dapat magnakaw mula kaninuman. 16 Hindi kayo dapat magbigay ng maling patotoo laban sa iyong kapwa.

  4. 22 Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos.

  5. 5 Kinukutya ng bawat isa ang kaniyang kapwa at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nagtuturo ng mga mapanlinlang na bagay ang kanilang mga dila. Pagod na pagod sila sa paggawa ng malaking kasalanan. 6 Namuhay kayo sa gitna ng pandaraya. Sa kanilang panlilinlang, tinanggihan nila akong kilalanin. Ito ang pahayag ni Yahweh.”

    7 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Tingnan ninyo, susubukin at susuriin ko sila. Ano pa ang aking gagawin para sa anak ng babae ng aking mga tao? 8 Matatalas na palaso ang kanilang mga dila at nagsasalita sila ng mga bagay na kasinungalingan. Sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, naghahayag sila ng kapayapaan sa kanilang kapwa, ngunit sa kanilang mga puso inaabangan nila sila. 9 Hindi ko ba sila dapat parusahan dahil sa mga bagay na ito at hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili sa bansang tulad nito? Ito ang pahayag ni Yahweh.

  6. 23 Ang pampakintab na bumabalot sa isang banga ay tulad ng nagbabagang mga labi at isang napakasamang puso. 24 Ang isang namumuhi sa iba ay kinukubli ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng kaniyang mga labi at nag-iimbak ng panlilinlang sa kaniyang sarili. 25 Magiliw siyang mangungusap, pero huwag siyang paniwalaan, dahil may pitong mga pagkasuklam sa kaniyang puso. 26 Kahit na natatakpan ng panlilinlang ang kaniyang pagkamuhi, ang kaniyang kabuktutan ay malalantad sa kapulungan. 27 Sinumang gumagawa ng isang hukay ay mahuhulog dito at ang bato ay gugulong pabalik sa taong tumulak nito. 28 Ang isang nagsisinungaling na dila ay namumuhi sa mga taong dinudurog nito at ang nambobolang bibig ay nagiging dahilan ng pagkawasak.

  7. 42 Sabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin ninyo ako, sapagkat ako ay nagmula at nanggaling sa Diyos; sapagkat hindi ako naparito dahil sa aking sarili lamang, kundi isinugo niya ako.

    43 Bakit hindi ninyo naiintindihan ang aking mga salita? Ito ay dahil hindi ninyo kayang makinig sa aking mga salita. 44 Kayo ay mula sa inyong ama na ang diablo, at hinahangad ninyong gawin ang mga kahalayan mula sa inyong ama. Siya ay isang mamamatay tao mula sa simula at hindi nananatili sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kaniya. Kapag nagsalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa sarili niyang kalikasan dahil siya ay sinungaling at ang ama ng kasinungalingan. 45 Subalit, dahil nagsasalita ako ng katotohanan hindi kayo naniniwala.

    46 Sino sa inyo ang hahatol sa aking kasalanan? Kung nagsasalita ako ng katotohanan, bakit hindi ninyo ako pinapaniwalaan? 47 Ang sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos; hindi ninyo naririnig ang mga ito dahil hindi kayo sa Diyos.”

  8. 9 Ang puso ay higit na mapanlinlang sa anumang bagay. Ito ay sakit; sino ang nakakaunawa rito? 10 Ako si Yahweh, ang nakakasaliksik ng kaisipan, ang sumusubok sa puso. Ibibigay ko sa bawat tao ang nararapat sa kaniya, parurusahan ko siya sa bunga ng kaniyang mga nagawa.

  9. 27 Narinig ninyo na sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang tumingin sa isang babae upang siya ay pagnasaan ay nangalunya sa babaing iyon sa kaniyang puso. 29 At kung ang iyong kanang mata ang nagiging sanhi ng iyong pagkatisod, dukutin mo ito at itapon sa malayo sapagkat mas mabuti para sa iyo na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang buo mong katawan sa impiyerno. 30 At kung ang iyong kanang kamay ang sanhi ng iyong pagkadapa, putulin mo ito at itapon sa malayo. Sapagkat mas mabuti na mapahamak ang isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ay mapunta sa impiyerno.

    31 At sinabi din, 'Kung sinuman ang magpalayas sa kaniyang asawang babae, dapat niya itong bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae maliban lamang kung sa sekswal na imoralidad ang dahilan nito ay nagiging sanhi ng pangangalunya ng kaniyang asawa. At kung sinumang magpakasal sa kaniya pagkatapos siyang hiwalayan ay nangangalunya rin.

    33 Narinig ninyo rin na sinabi nang mga tao noong unang panahon, 'Huwag kang manunumpa ng kasinungalingan ngunit tuparin mo ang iyong mga sumpa sa Panginoon.' 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na lamang kayong manumpa, huwag sa langit dahil ito ang trono ng Diyos, 35 huwag sa lupa dahil ito ang tapakan ng kaniyang mga paa, huwag din sa Jerusalem dahil ito ang lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag ka ring manumpa sa pamamagitan ng iyong ulo sapagkat ni isa mang buhok ay hindi mo kayang gawing puti o itim. 37 Ngunit hayaan mo ang iyong salita ay maging, 'Oo, kung oo' o 'Hindi, kung hindi.' Anuman ang lalabis pa sa mga ito ay galing sa kaniya na masama.

  10. 16 Mayroong anim na bagay na kinamumuhian ni Yahweh, pito na kasuklam-suklam sa kaniya: 17 Ang mga mata ng isang mapagmataas na tao, ang isang dila na nagsisinungaling, ang mga kamay na nagpapadanak ng dugo ng mga inosenteng tao, 18 isang puso na lumikha ng mga masasamang balakid, mga paa na mabilis tumakbo para gumawa ng masama, 19 isang saksi na nagsasabi ng mga kasinungalingan, at ang isa na siyang naghahasik ng alitan sa kaniyang mga kapatid.

  11. 7 Ang katunayan na may mga anumang alitan sa pagitan ng mga Kristiyano ay pagkatalo na para sa inyo. Bakit hindi nalang pagdusahan ang mali? Bakit hindi nalang hayaan na kayo ay dayain? 8 Ngunit ginawan ninyo ng mali at dinaya ang iba, at sila ay inyong mga sariling kapatid!

    9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya—wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

  12. 20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo. 21 Iniisip kong narinig na ninyo ang patungkol sa kaniya. Iniisip kong naturuan na kayo patungkol sa kaniya, dahil na kay Jesus ang katotohanan. 22 Dapat ninyong hubarin ang naaayon sa dati ninyong gawain, ang dating pagkatao. Ito ay ang dating pagkatao na nabubulok dahil sa mapanlinlang na pagnanasa. 23 Hubarin ninyo ang dating pagkatao upang mabago ang espiritu ng inyong pag-iisip. 24 Gawin ninyo ito upang maisuot ninyo ang bagong pagkatao, na naaayon sa Diyos. Nilikha ito sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.

    25 Kaya nga alisin ninyo ang kasinungalingan. “Magsalita ng katotohanan, ang bawat isa sa kaniyang kapwa,” sapagkat kabahagi tayo ng bawat isa.

  13. 12 Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos. 13 Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan.

  14. 10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami. 11 Kung hindi ka naging tapat sa paggamit ng perang hindi makatarungan, sino ang magtitiwala sa iyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi ka naging tapat sa paggamit sa pera ng ibang tao, sino ang magbibigay sa iyo ng sarili mong pera?

    13 Walang lingkod ang magkapaglilingkod sa dalawang amo, sapagkat kasusuklaman niya ang isa at mamahalin niya ang isa, o magiging tapat siya sa isa at kamumuhian niya ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.”

  15. 1 Kinapopootan ni Yahweh ang timbangang hindi tama, ngunit siya ay nagagalak sa wastong timbang.

  16. 20 Sinabi niya, “Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya. 21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan. 23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao.”

  17. 3 Hindi ako gagawa ng mga pagkakamali sa harapan ng aking mga mata; nasusuklam ako sa walang katuturang kasamaan. Hindi ito kakapit sa akin. 4 Iiwanan ako ng mga taong matigas ang ulo; hindi ako tapat sa kasamaan. 5 Lilipulin ko ang sinumang lihim na naninirang puri sa kanyang kapwa. Hindi ko papayagan ang sinumang may mapagmataas at aroganteng pag-uugali. 6 Babantayan ko ang mga tapat sa kalupaan na uupo sa aking gilid. Ang mga taong lumalakad na may katapatan ay makakapaglingkod sa akin. 7 Ang mga mandarayang tao ay hindi mananatili sa loob ng aking tahanan; ang mga sinungaling ay hindi malugod na tatanggapin sa aking harapan. 8 Sa bawat umaga ay wawasakin ko ang mga masasama mula sa lupain. Aalisin ko ang lahat ng masamang tao mula sa lungsod ni Yahweh.

  18. 17 Ang tinapay na nakamit sa pamamagitan ng panlilinlang ay matamis sa panlasa, ngunit pagkatapos ang kaniyang bibig ay mapupuno ng graba.

  19. 12 Ang lahat ng gustong mamuhay ng matuwid kay Cristo Jesus ay uusigin. 13 Ang masasamang tao at ang mga mapagpanggap ay mas lalong lalala. Ililigaw nila ang iba. Sila mismo ay maililigaw.

    14 Ngunit para sa iyo, manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matibay mong pinaniniwalaan. Alam mo kung kanino ka natuto. 15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  20. 19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa.

    22 Sundin ninyo ang salita, huwag lamang itong pakinggan, kung saan dinadaya ninyo lang ang inyong mga sarili. 23 Sapagkat kung sinuman ang nakarinig ng salita at hindi ito ginagawa, para siyang isang taong humarap sa salamin at tiningnan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Tinignan ang kaniyang mukha, at umalis, at hindi nagtagal nakalimutan niya kung ano ang kaniyang itsura. 25 Ngunit ang taong tumitingin ng maingat sa ganap na batas, ang batas na nagbibigay ng kalayaan, at patuloy na sinusunod ito, hindi lamang siya naging tagapakinig na nakakalimot, ang taong ito ay pagpapalain habang ginagawa niya ito.

    26 Kung sinuman ang nag-iisip sa kaniyang sarili na siya ay relihiyoso, ngunit hindi mapigilan ang kaniyang dila, niloloko niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: para tulungan ang mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.

  21. 7 Gayun din, kayong mga asawang lalaki ay dapat mamuhay kasama ang inyong asawa nang nalalaman na sila ay mas mahinang kabiyak, kinikilala sila na kapwa ninyong tatanggap ng kaloob ng buhay. Gawin ninyo ito upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.

    8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala. 10 “Ang may gustong magmahal sa buhay at makakakita ng mabubuting araw ay kailangang pigilin ang kaniyang dila sa masama at ang kaniyang bibig sa pagsasabi ng kasinungalingan. 11 Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ito'y sundan. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nakikita ang matuwid at naririnig ng kaniyang tainga ang kanilang mga kahilingan. Pero ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”

  22. 7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.

  23. 4 Tiyak ngang hindi ka ang Diyos na pinahihintulutan ang kasamaan; ang mga masasamang tao ay hindi mo magiging mga panauhin. 5 Ang mayabang ay hindi tatayo sa harapan mo; kinamumuhian mo ang lahat nang kumikilos nang masama. 6 Wawasakin mo ang mga sinungaling; hinahamak ni Yahweh ang mga mararahas at mandarayang mga tao.

  24. 7 Hindi tama ang timbangan ng mga mangangalakal sa kanilang mga kamay; kinagigiliwan nila ang mandaya. 8 Sinasabi ni Efraim, “Talagang naging napaka-yaman ko; nakahanap ako ng kayamanan para sa aking sarili. Wala silang makitang anumang kasamaan sa akin sa lahat ng aking ginagawa, anumang bagay na kasalanan.”

  25. 4 Pakinggan ninyo ito, kayong mga umaapak sa mga nangangailangan at nagpapaalis sa mga mahihirap sa lupain. 5 Sinabi nila, “Kailan matatapos ang bagong buwan, upang muli kaming makapagbenta ng butil? At ang Araw ng Pamamahinga, kailan matatapos, upang makapagbenta kaming muli ng trigo? Gagawin naming mababa ang sukat at tataasan ang halaga, upang makapandaya kami ng maling timbang. 6 Upang makapagbenta kami ng hindi magandang trigo at bilhin ng pilak ang mga mahihirap, isang pares ng sandalyas para sa nangangailangan.”

    7 Sumumpa si Yahweh sa kapalaluan ni Jacob, “Tiyak na hindi ko malilimutan kailanman ang anumang ginawa nila.”

  26. 10 Mayroong kayamanan sa mga tahanan ng mga masasamang hindi tapat at may mandarayang mga panukat na kasuklam-suklam. 11 Ituturing ko ba na walang sala ang isang tao kung gumagamit siya ng mapandayang panukat, kasama ang isang lalagyan na may dayang timbang? 12 Puno ng karahasan ang mga mayayaman, ang naninirahan sa kaniya ay nagsasalita ng kasinungalingan at mapanlinlang ang kanilang mga dila sa kanilang mga bibig.

  27. 11 Huwag magnakaw. Huwag magsinungaling. Huwag linlangin ang bawat isa.

    12 Huwag manumpa ng kasinungalingan gamit ang aking pangalan at huwag lapastanganin pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.

  28. 1 Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2 Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3 kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon.

  29. 1 Nagsalita si Yahweh kay Moises, na nagsasabing, 2 “Kung sinuman ang nagkasala at lumabag sa isang utos laban kay Yahweh, tulad ng sinungaling na pakikitungo sa kaniyang kapwa hinggil sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya, o kung nililinlang o ninanakawan niya, o pinahihirapan ang kaniyang kapwa, 3 o nakakita ng isang bagay na nawala ng kaniyang kapwa at nagsinungaling tungkol dito, at nanumpa sa pagsisinungaling, o sa mga bagay na katulad nito na nagkasala ang mga tao, 4 kung gayon, mangyayari na kung nagkasala siya at may kasalanan, na dapat niyang ibalik anuman ang kaniyang kinuha sa pamamagitan ng pagnanakaw o pang-aapi o pagkuha ng kung ano ang ipinagkatiwala sa kaniya o ang nawalang bagay na nakita niya. 5 O kung nagsinungaling siya tungkol sa anumang bagay, dapat niyang ibalik ito nang buo at dapat dagdagan ng ikalima para bayaran siya na kung kanino ito inutang, sa araw na nakitaan siya na may kasalanan.

  30. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan. 6 Ang pagtamo ng kayamanan ng isang sinungaling na dila ay panandaliang singaw at isang patibong na nakamamatay.

  31. 4 Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa at panatilihing dalisay ang pagtatalik ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakiki-apid at ang mga nangangalunya.

  32. 7 Ang isa na manlulupig ay magmamana ng mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos, at siya ay magiging anak ko.

    8 Pero para sa mga duwag, sa walang pananampalataya, sa mga kasuklam-suklam, sa mga mamamatay-tao, sa mga sekswal na imoralidad, sa mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kanilang lugar ay sa dagat-dagatang apoy ng nagniningas na asupre. Na siyang ikalawang kamatayan.

  33. 13 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong lalagyan ng magkakaibang timbangan, isang malaki at isang maliit. 14 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong bahay ng magkakaibang sukatan, isang malaki at isang maliit.

    15 Isang ganap at tapat na timbangan ang dapat mayroon kayo; isang ganap at tapat na sukatan ang dapat mayroon kayo, para humaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh. 16 Dahil ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na iyon, lahat ng kumikilos nang hindi matuwid, ay isang kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.

  34. 7 Ang kaniyang bibig ay puno ng pagsusumpa at mapanlinlang, mapaminsalang mga salita; ang kaniyang dila ay nakasasakit at nakasisira.

  35. 23 Kinamumuhian ni Yahweh ang mga hindi parehas na timbang, at ang hindi tapat na mga timbangan ay hindi mabuti.

  36. 28 Dahil ayaw nilang magkaroon ng Diyos sa kanilang kamalayan, hinayaan niya sila sa mahahalay na pag-iisip, upang gawin nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Napuno sila ng pawang kawalan ng katuwiran, kasamaan, kasakiman at kahalayan. Puno sila ng inggit, pagpatay, pag-aawayan, pandaraya at mga masasamang hangarin. 30 Sila ay mga tsismoso, mga mapanirang puri at nasusuklam sa Diyos. Sila ay mararahas, mayayabang, at mapagmataas. Mga manlilikha sila ng kasamaan at suwail sa mga magulang. 31 Wala silang pang-unawa, hindi mapagkakatiwalaan, walang pagmamahal at walang awa.

    32 Nauunawaan nila ang mga tuntunin ng Diyos, na ang mga gumagawa ng ganoong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan. Ngunit hindi lamang nila ginagawa ang mga ganitong bagay, sumasang-ayon din sila sa iba na gumagawa nito.

  37. 17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga taong tulad nito ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Cristo, kundi ang sarili nilang hangarin. Sa pamamagitan ng kanilang kaaya-aya at mga kalugod-lugod na pananalita nililinlang nila ang mga puso ng mga walang malay.

    19 Sapagkat ang inyong halimbawa ng pagsunod ay umabot na sa lahat. Kaya nagagalak ako sa inyo, ngunit gusto kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at walang kamalayan sa kasamaan.

    20 Hindi magtatagal, ang Diyos ng kapayapaan ay dudurugin si Satanas sa ilalim ng inyong mga paa. Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

  38. 1 Samakatuwid, dahil kami ay mayroong ganitong ministeryo, at dahil nakatanggap kami ng awa, hindi kami pinanghinaan ng loob. 2 Sa halip, itinakwil pa namin ang mga kaparaanan na kahiya-hiya at nakatago. Hindi kami namumuhay sa pandaraya, at hindi namin ginagamit sa maling paraan ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahayag ng katotohanan, iminumungkahi namin ang aming sarili para sa budhi ng lahat sa paningin ng Diyos.

  39. 13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, “Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi tinukso ng diyablo, at ang Diyos mismo ay hindi tinutukso ang sino man. 14 Ang bawat tao ay natutukso ng kaniyang masamang mga pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan.

    16 Huwag kayong magpalinlang, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino.

  40. 1 Ngayon, lumapit kayo mga mayayaman, umiyak kayo ng malakas dahil sa kahirapan na darating sa inyo. 2 Ang inyong mga kayamanan ay nabubulok at ang inyong mga kasuotan ay kinakain ng anay. 3 Ang inyong ginto at pilak ay wala nang kabuluhan, at ang kanilang kalawang ang magpapatotoo laban sa inyo at susunog ng inyong mga laman gaya ng apoy. Nag-iipon kayo ng inyong kayaman sa huling mga araw. 4 Tingnan ninyo, ang bayad ng mga manggagawa—silang mga hindi ninyo binayaran para sa pag-aani ng inyong mga bukid—sumigaw sila ng malakas! At ang mga sigaw ng mga taong nag-aani ng inyong mga pananim ay nakaabot sa tainga ng Panginoon ng mga Hukbo.

    5 Kayo ay nabuhay ng marangya sa ibabaw ng lupa at nagpakasasa sa inyong mga sarili. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa isang araw ng pagkatay. 6 Hinatulan ninyo at pinatay ang mga matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

  41. 14 Hindi kayo dapat mangalunya.

  42. 5 Ang mga balakin ng lahat ng gumagawa ng tama ay makatarungan, ngunit ang payo ng masasama ay mapanlinlang.

  43. 25 Ang matapat na saksi ay naglilitas ng mga buhay, ngunit ang isang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan.

  44. 12 “Ngunit nilalapastangan ninyo ito nang sabihin ninyong marumi ang hapag ng Panginoon at ang mga prutas nito, dapat hamakin ang pagkain nito.

    13 Sinabi rin ninyo, 'Nakakapagod na ito,' at pasinghal ninyo itong hinamak,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo. “Dinadala ninyo kung ano ang kinuha ng isang mabangis na hayop o ang pilay o may sakit; at dinala ninyo ito bilang inyong mga handog! Dapat ko ba itong tanggapin mula sa inyong kamay?” sabi ni Yahweh.

    14 “Sumpain ang mandaraya na may isang lalaking hayop sa kaniyang kawan at nangakong ibibigay ito sa akin at gayon pa man inihandog sa akin, ang Panginoon, kung ano ang may kapintasan, sapagkat isa akong dakilang Hari,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “at kinakatakutan ng mga bansa ang aking pangalan.”

  45. 12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito.

    14 Samakatuwid, aking mga minamahal, lumayo kayo sa pagsamba ng diyus-diyosan.

  46. 35 Huwag gumamit ng mga maling sukatan kapag nagsusukat ng haba, bigat, o dami. 36 Dapat gumamit lamang kayo ng mga tamang timbangan, mga tamang pabigat, isang tamang epa, at isang tamang hin. Ako si Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto.

  47. 32 Ang isa na nagkasala ng pangangalunya ay walang kaisipan; ang siyang gumagawa nito ay sinisira ang kaniyang sarili. 33 Sugat at kahihiyan ay nararapat sa kaniya, at ang kaniyang kasiraang puri ay hindi maaalis.

  48. 9 Ang siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad sa kaligtasan, subalit ang isa na gumagawa ng kabuktutan, siya ay malalantad.

  49. 19 Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang. 20 Mayroong panlilinlang sa puso ng mga taong nagbabalak ng kasamaan, pero kagalakan ang dumarating sa mga tagapagpayo ng kapayapaan.

  50. 15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga. 18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.

    21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

    24 Kaya ang lahat ng nakikinig sa aking mga salita at sumusunod sa kanila ay maihahalintulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa isang bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay ngunit hindi ito bumagsak, sapagkat ito ay natatayo sa bato.

    26 Subalit lahat ng nakarinig sa aking mga salita at hindi sinusunod ang mga ito ay mahahalintulad sa isang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan, bumaha, umihip ang hangin at hinagupit ang bahay. At ito ay bumagsak at nawasak nang tuluyan.”

  51. 3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? 4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. 5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan.

  52. 6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan.

  53. 2 Iligtas mo ang aking buhay, O Yahweh, mula sa mga sinungaling na labi at mula sa mandarayang dila.

  54. 17 Huwag gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Gumawa ng mga mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. 18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng tao.

    19 Huwag ipaghiganti ang inyong mga sarili, mga minamahal, ngunit bigyang daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat na, “'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,' sinasabi ng Panginoon.”

    20 “Ngunit kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya. Kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom. Sapagkat kung gagawin mo ito, nagtatambak ka ng mga baga ng apoy sa kaniyang ulo.”

    21 Huwag kang magpadaig sa kasamaan, ngunit daigin mo ng mabuti ang kasamaan.

  55. 13 Ang kanilang lalamunan ay tulad ng isang bukas na libingan. Ang kanilang mga dila ay mayroong panlilinlang. Ang kamandag ng ahas ay nasa kanilang mga labi.

  56. 8 Ang karunungan ng taong maingat ay para maunawaan ang kaniyang sariling paraan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay panlilinlang.

  57. 18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! “Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan,” ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

  58. 6 Alam ninyong pinaglingkuran ko ang inyong ama ng buong lakas ko. 7 Nilinlang ako ng inyong ama at pinalitan ng sampung beses ang sahod ko, ngunit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na ako'y masaktan. 8 Nang sinabi niya, 'Ang batik-batik na mga hayop ang ibibigay kong sahod sa iyo,' sa gayon ang lahat ng buong kawan ay nagsilang ng mga batang batik-batik. At nang sinabi niya, 'Ang mga guhitan ang iyong magiging sahod,' sa gayon ang lahat ng buong kawan ay nagsilang ng mga batang guhitan. 9 Sa ganitong paraan kinuha ng Diyos ang mga alagang hayop ng inyong ama at ibinigay sila sa akin.

  59. 18 Ang taong masama ay nagsisinungaling para makuha ang kaniyang kabayaran, pero ang isang nagtatanim ng kung ano ang tama ay mag-aani ng kabayaran ng katotohanan.

  60. 17 Sinumang nagsasabi ng totoo ay nagsasalita ng tama, pero ang bulaang saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan.

  61. 13 Aba sa sinuman na magpapatayo ng kaniyang tahanan sa paraan na hindi makatuwiran at ang kaniyang mga silid sa itaas na hindi makatarungan; sapagkat pinagawa niya sa ibang manggagawa, ngunit hindi niya sila binayaran.

  62. 18 Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay galing sa puso. Ang mga bagay na ito ang nakapagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang mga masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, bulaang saksi at mga paghamak. 20 Ito ang mga bagay na nakapagpaparumi sa tao. Ngunit ang kumain na hindi naghugas ng mga kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”

  63. 1 Ngayon, may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias, kasama ang kaniyang asawa na si Safira, ang nagbenta ng bahagi ng kanilang ari-arian, 2 at kaniyang itinago ang bahagi ng napagbilhang pera (alam din ito ng kaniyang asawang babae), at idinala ang ibang bahagi nito at inilagay sa paanan ng mga apostol.

    3 Ngunit sinabi ni Pedro, ''Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling sa Banal na Espiritu upang itago ang bahagi ng napagbilhan ng iyong lupa? 4 Habang hindi pa ito nabebenta, hindi ba nanatili itong sa iyo? At matapos itong maipagbili, hindi ba't nasa iyo parin ang pamamahala? Paano mong naisip ang mga bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka sa tao nagsinungaling, kundi sa Diyos.”

    5 Habang pinakikinggan ang mga salitang ito, si Ananias ay nabuwal at nawalan ng hininga. At matinding takot ang dumating sa lahat ng nakarinig nito.

  64. 13 Sumusulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya na mula pa sa simula. Sumusulat ako sa inyo mga kabataang lalaki, dahil napagtagumpayan ninyo ang kasamaan. Sumulat ako sa inyo, mga bata, dahil kilala ninyo ang Ama.

    14 Sumulat ako sa inyo mga ama, dahil kilala ninyo siya na mula pa sa simula. Sumulat ako sa inyo mga kabataang lalaki, dahil kayo ay malakas, at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at napagtagumpayan ninyo ang kasamaan.

    15 Huwag ninyong mahalin ang mundo ni anumang mga bagay na nasa mundo. Kung sinumang umiibig sa mundo, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kanya. 16 Pagkat ang lahat ng nasa sa mundo - ang kahalayan ng laman, ang kahalayan ng mata, at ang kahambugan sa buhay - ay hindi sa Ama pero sa mundo. 17 Ang mundo at ang pagnanasa nito ay lumilipas. Pero ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

  65. 10 Ang magkakaibang timbang at hindi pantay na mga sukat— parehong kinapopootan ang mga ito ni Yahweh.

  66. 22 Siya na naihasik sa may mga matitinik na halaman ay nakaririnig ng salita, ngunit ang pagkabalisa sa mundo at ang panlilinlang ng mga yaman ang siyang sumakal sa salita, at hindi siya namunga.

  67. 8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.

    11 Dahil dito, nalalaman niyo ang oras, na ito na ang oras upang kayo ay magising mula sa inyong pagkakatulog. Sapagkat ngayon, ang ating kaligtasan ay mas malapit na kaysa noong una tayong nanampalataya. 12 Palipas na ang gabi at malapit ng mag-umaga. Kaya iisantabi natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isuot ang baluti ng liwanag. 13 Lumakad tayo nang nararapat, gaya ng sa liwanag, hindi sa magulong pagdiriwang o sa paglalasing. At huwag tayong mamuhay sa kahalayan o sa pagnanasang walang pagpipigil, at hindi sa alitan o pagkainggit. 14 Ngunit paghariin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo at huwag pagbigyan ang kagustuhan ng laman, para sa mga pagnanasa nito.

  68. 19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

    22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.

    24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa.

  69. 5 Dapat ang paraan ng inyong pamumuhay ay maging malaya mula sa labis na pagmamahal sa pera. Masiyahan sa mga bagay na mayroon kayo, sapagkat sinabi mismo ng Diyos,” Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”

  70. 13 Huwag ninyong apihin ang inyong kapit-bahay o pagnakawan sila. Ang bayad ng isang inupahang tagapaglingkod ay hindi dapat manatili sa inyo ng buong gabi hanggang umaga.

  71. 12 Silang mga naghahangad ng masama sa aking buhay ay naglagay ng mga patibong para sa akin. Silang naghahangad ng aking kapahamakan ay nagsasabi ng mga mapanira at mapanlinlang na mga salita buong araw.