57 Bible Verses About Going to Church

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Going to Church
  1. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw.

  2. 42 Nagpatuloy sila sa mga katuruan ng mga apostol at pagsasama-sama, sa pagpipira-piraso ng tinapay at sa pananalangin. 43 Dumating ang takot sa bawat kaluluwa, at maraming mga kamangha- manghang bagay at mga tanda ang nagawa ng mga apostol.

    44 Ang lahat ng nanampalataya ay nagsama-sama at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian, 45 at ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga ari-arian at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat-isa.

    46 Nagpatuloy sila sa bawat araw na may iisang layunin sa templo, at nagpira-piraso sila ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at namamahagi ng pagkain na may kagalakan at kapakumbabaan ng puso. 47 Nagpupuri sila sa Diyos at kinalugdan sila ng lahat ng mga tao. Dinagdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.

  3. 26 Ano nga ang susunod mga kapatid? Kung magsasama-sama kayo, ang bawat isa ay may salmo, may katuruan, may pahayag, may pagsasalita sa wika, o may pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng bagay upang mapatatag ang iglesya.

    27 Kung mayroon mang nagsasalita sa iba't ibang wika, hayaan na may dalawa o tatlo, at magsalitan ang bawat isa. At dapat na mayroong magpaliwanag sa kung ano ang nasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa sa iglesya. Hayaang magsalita ang bawat isa sa kaniyang sarili at sa Diyos.

    29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong propeta at ang iba na makinig ng may pagkaalam sa kung ano ang nasabi. 30 Ngunit kung may kaalaman na naibigay sa isa sa mga nakaupo sa pagtitipon, manahimik ang nagsasalita. 31 Sapagkat ang bawat isa sa inyo ay maaring magpahayag ng isa-isa upang matuto ang bawat isa at ang lahat ay mapalakas. 32 Sapagkat ang mga espiritu ng mga propeta ay napapasailalim sa pamamahala ng mga propeta. 33 Sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kalituhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng lahat ng nasa iglesya ng mga mananampalataya, 34 dapat manahimik ang mga kababaihan sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita. Sa halip, dapat silang magpasakop tulad ng sinasabi sa kautusan. 35 Kung mayroon man silang nais matutuhan, hayaan silang magtanong sa kanilang mga asawa sa tahanan. Sapagkat nakakahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.

    36 Nagmula ba sa inyo ang salita ng Diyos? Kayo lamang ba ang naabot nito? 37 Kung mayroon man ang nag-iisip sa sarili niya na isa siyang propeta o espiritwal, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay ang mga kautusan ng Panginoon. 38 Ngunit kung may sinumang hindi kumikilala nito, huwag siyang kilalanin.

    39 Kaya mga kapatid, masigasig ninyong mithiin ang magpahayag ng propesiya at huwag pagbawalan ang sinuman sa pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Ngunit gawin ang lahat na may angkop at kaayusan.

  4. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo.   Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo.

    14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig.

  5. 1 Kaya hinihikayat ko kayo, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, na ialay ninyo ang inyong mga katawan na isang buhay na alay, banal, katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang inyong nararapat na paglilingkod. 2 Huwag kayong umayon sa mundong ito, ngunit mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Gawin ninyo ito upang malaman ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at ganap na kalooban ng Diyos.

    3 Sapagkat, dahil sa biyayang ibinigay sa akin, sinasabi ko na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip na mas mataas ang inyong sarili kaysa sa nararapat ninyong isipin. Sa halip, dapat kayong mag-isip ng may karunungan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa. 4 Sapagkat marami tayong bahagi sa iisang katawan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi ay may pare-parehong tungkulin. 5 Gayon din naman, tayo na marami ay iisang katawan kay Cristo, at ang bawat isa ay bahagi ng isa't isa.

    6 Mayroon tayong iba't ibang kaloob ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob ng isa ay paghahayag ng propesiya, gawin niya ito ayon sa sukat ng kaniyang pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ng isa ay paglilingkod, hayaan siyang maglingkod. Kung ang isa ay may kaloob ng pagtuturo, hayaan siyang magturo. 8 Kung ang kaloob ng isa ay pagpapalakas ng loob, hayaan siyang magpalakas ng loob. Kung ang kaloob ng isa ay pagbibigay, hayaan siyang gawin ito ng may kagandahang-loob. Kung ang kaloob ng isa ay pamumuno, gawin ito ng may pag-iingat. Kung ang kaloob ng isa ay pagpapakita ng awa, gawin ito ng may kagalakan.

  6. 8 Ngunit ano ang sinasabi nito? “Malapit sa iyo ang salita, sa iyong bibig at sa iyong puso.” Iyan ang salita ng pananampalataya, na aming ipinapahayag. 9 Sapagkat kung sa iyong bibig, kinikilala mo si Jesus bilang Panginoon, at nananampalataya ka sa iyong puso na binuhay siya ng Diyos mula sa mga patay, maliligtas ka. 10 Sapagkat sa puso nananampalataya ang tao sa katuwiran, at sa bibig kumikilala siya para sa kaligtasan.

    11 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang sinumang nananampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.”

  7. 20 Sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ang nagkatipon dahil sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.”

  8. 18 Pumunta si Jesus sa kanila at nagsalita sa kanila at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At pakinggan ninyo, Ako ay laging nasa inyo, maging sa katapusan ng mundo.”

  9. 4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus.

    8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki.

  10. 1 Kung gayon, wala ng paghatol sa mga taong na kay Cristo Jesus. 2 Sapagkat pinalaya ako ng tuntunin ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan. 3 Sapagkat kung ano ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ito sa pamamagitan ng laman ay ginawa ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling Anak na kawangis ng makasalanang laman para maging isang handog sa kasalanan, at hinatulan niya ang kasalanan sa laman. 4 Ginawa niya ito upang sa gayon ang mga hinihingi ng kautusan ay matupad sa atin, tayong mga hindi lumalakad ayon sa laman, ngunit ayon sa Espiritu.

  11. 22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, gaya sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng babae, tulad ni Cristo na siyang ulo ng Iglesia. Siya ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngunit kung papaanong ang Iglesia ay nagpapasakop kay Cristo, gayon din naman ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng bagay.

    25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya. 26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita. 27 Ginawa niya ito upang maiharap sa kaniya ang isang maluwalhati na Iglesia na walang dungis o kulubot o ano mang katulad nito, ngunit sa halip banal at walang kamalian.

  12. 20 Dito sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno, ngunit iyong sinasabi na itong Jerusalem ay ang lugar kung saan ang mga tao ay dapat sumamba.”

    21 Sumagot si Jesus sa kaniya, “Babae, maniwala ka sa akin, darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama ni sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman. Alam namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmula sa mga Judio. 23 Subalit darating ang oras, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang Ama ay naghahanap ng mga ganoong tao na sasamba sa kaniya. 24 Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga taong sasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”

  13. 16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos.

  14. 8 Gayon din, dapat marangal ang mga diakono, hindi dalawa ang salita. Dapat hindi sila umiinom ng sobrang alak o maging sakim. 9 Dapat nilang ingatan ang naipahayag na katotohanan ng pananampalataya na may malinis na budhi. 10 Dapat mapatunayan muna silang karapat-dapat, pagkatapos dapat silang maglingkod dahil sila ay walang sala.

    11 Gayun din ang mga babae, dapat maging marangal. Dapat hindi sila mapanirang-puri. Dapat mahinahon at tapat sila sa lahat ng bagay.

    12 Ang mga diakono ay dapat maging mga asawa ng isang babae. Dapat mahusay nilang pinamamahalaan ang kanilang mga anak at sambahayan. 13 Para sa mga naglingkod ng mahusay ay nakamit na nila para sa kanilang sarili ang mabuting katayuan at malaking tiwala sa pananampalataya na nakay Cristo Jesus.

    14 Sinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo, at umaasa akong makapunta sa iyo sa lalong madaling panahon. 15 Ngunit kung maaantala ako, sumusulat ako upang iyong malaman kung paano kumilos ng wasto sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesiya ng buhay na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan.

  15. 16 Lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ito ay mapapakinabangan sa pangangaral, sa pagsaway, pagtatama sa mali, at pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng kakayahan, at mabigyan ng kasangkapan sa lahat ng mabuting gawa.

  16. 6 Sabi ni Jesus sa kaniya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko. 7 Kung nakilala mo na ako, dapat kilala mo na rin ang aking Ama; mula ngayon kilala mo na siya at nakita mo na siya.”

  17. 31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

    34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  18. 1 Huwag kayong humatol, at kayo ay hindi hahatulan. 2 Sapagkat ang paghatol na iyong inihatol ay siyang ihahatol sa inyo. At ang panukat na inyong ginamit ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

    3 At bakit mo tinitingnan ang maliit na pirasong dayami na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napapansin ang troso na nasa sarili mong mata? 4 Paano mo sasabihin sa iyong kapatid, 'Hayaan mo akong alisin ang pirasong dayami na nasa iyong mata,' habang ang troso ay nasa iyong mata? 5 Mapagpanggap ka! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at pagkatapos ay malinaw kang makakakita upang alisin ang piraso ng dayami na nasa mata ng iyong kapatid.

  19. 7 Sa unang araw ng linggo, nang kami ay nagtipun-tipon upang pagpira-pirasuhin ang tinapay, nagsalita si Pablo sa mga mananampalataya. Binabalak niyang umalis kinabukasan, kaya patuloy siyang nagsalita hanggang hating gabi.

  20. 16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinuman ang wawasak sa templo ng Diyos, sisirain din ng Diyos ang taong iyon. Sapagkat ang templo ng Diyos ay banal at maging kayo.

  21. 15 Gawin mo ang lahat mong makakaya upang iharap ang iyong sarili na karapat-dapat sa Diyos bilang isang manggagawang walang dapat ikahiya. Panghawakan mo ng tama ang salita ng katotohanan.

  22. 1 Hinihikayat ko ang mga nakatatanda sa inyo, ako, na isang kapwa nakatatanda at isang saksi sa pagdurusa ni Cristo, at kabahagi ng kaluwalhatian na maihahayag. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan. 4 Sa kapahayagan ng Punong Pastol, kayo ay makatatanggap ng maluwalhating korona na hindi kumukupas.

  23. 17 Bakal ang nagpapatalas sa bakal; gaya ng parehong paraan, ang isang tao ay nagpapatalas sa kaniyang kaibigan.

  24. 28 Nalalaman natin na sa mga nagmamahal sa Diyos, sa lahat ng bagay gumagawa siya para sa ikabubuti, ng mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Dahil ang mga kilala na niya noong una pa man, ay itinalaga din niya na matulad sa imahe ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Ang kaniyang mga itinalaga, sila rin ang kaniyang mga tinawag. Ang kaniyang mga tinawag, sila rin ang kaniyang mga pinawalang-sala. Ang kaniyang mga pinawalang-sala, kaniya ring niluwalhati.

    31 Ano ngayon ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ang laban sa atin? 32 Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling Anak ngunit ibinigay niya para sa ating lahat, paanong hindi niya rin ibibigay sa atin ng libre ang lahat ng bagay? 33 Sino ang magpaparatang laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang nagpapawalang-sala. 34 Sino ang hahatol? Si Cristo na siyang namatay para sa atin at higit pa roon, binuhay din siyang muli. Naghahari siya kasama ang Diyos sa lugar ng karangalan at siya ang namamagitan para sa atin.

    35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang matinding pagdurusa ba, o pagdadalamhati, o pag-uusig, o pagkagutom, o kahubaran, o panganib, o espada?

  25. 13 Sapagkat nabautismuhan tayo sa isang Espiritu sa iisang katawan, maging mga Judio o mga Griego man, maging nakagapos o malaya, at pinainom ang lahat sa iisang Espiritu.

  26. 1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan.

    4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag. 5 At may iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat. Siya ay higit sa lahat at kumikilos sa lahat at nananatili sa lahat.

  27. 15 Kung ang iyong kapatid ay nagkasala laban sa iyo, pumuntahan mo, ipakita mo ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makikinig siya sa iyo, mapapanumbalik mo ang iyong kapatid. 16 Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, isama mo sa iyo ang isa o dalawa pang mga kapatid, upang sa pamamamagitan ng bibig ng dalawa o tatlong mga saksi ang bawat salita ay maaaring mapatunayan. 17 At kung tumanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa iglesiya. Kung siya ay tumanggi na makinig sa iglesiya, ituring ninyo siyang gaya ng isang Gentil at maniningil ng buwis.

  28. 1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin.

    3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba.

    5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama.

  29. 6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

    8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan.

  30. 7 Pero kung tayo'y lumalakad sa liwanag katulad niyang nasa liwanag, meron tayong pakikisama sa isa't isa at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ay naglilinis sa atin mula sa lahat ng kasalanan.

  31. 12 Tipunin ang mga tao, ang mga kalalakihan, ang mga kababaihan, ang mga kabataan, at inyong dayuhan na nasa loob ng tarangkahan ng inyong lungsod, para makarinig sila at matuto, at para maaari nilang parangalan si Yahweh na inyong Diyos at sundin ang lahat ng mga salita nitong kautusan. 13 Gawin ito para sa kanilang mga anak, na walang alam, maaaring makarinig at matuto para parangalan si Yahweh na inyong Diyos, habang nabubuhay kayo sa lupain na inyong pupuntahan ang Jordan para angkinin.”

  32. 1 Ingatan ang inyong pag-uugali kapag kayo ay nasa tahanan ng Diyos. Magtungo doon para makinig. Mas mabuti ang pakikinig kaysa mga handog ng mga mangmang habang hindi nalalaman na ang kanilang ginagawa sa buhay ay masama.

  33. 13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan. Sapagkat malawak ang tarangkahan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at maraming tao ang dumaraan doon. 14 Subalit makitid ang tarangkahan at makitid ang daan na patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakahanap nito.

    15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na darating sa inyo na nakadamit na parang mga tupa ngunit ang katotohanan ay para silang mga gutom na gutom na mga lobo. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga sila ay inyong makikilala. Makapipitas ba ang tao ng mga ubas mula sa puno ng dawag, o ng mga igos sa mga matitinik na halaman? 17 Sa gayon ding paraan, ang lahat ng puno na namumunga ng mabuti ay mabuti, ngunit ang masamang puno ay namumunga ng masamang bunga. 18 Ang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, hindi rin magbubunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Sa gayon, makikilala ninyo sila sa pamamagitan nang kanilang mga bunga.

    21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa lamang sa kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Maraming tao ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsabi ng propesiya sa iyong pangalan, sa iyong pangalan ay nagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa ng maraming makapangyarihang gawain?'

    23 At hayagan kong sasabihin sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala! Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng masama!'

  34. 28 Kaya mag-ingat kayo sa inyong mga sarili, at tungkol sa mga kawan na pinamahala ng Banal na Espiritu sa inyo. Pag-ingatan ninyo ang kawan sa kapulungan ng Panginoon, na tinubos ng kaniyang sariling dugo.

  35. 12 Kaya nga, mga kapatid, may mga utang tayo, ngunit hindi sa laman upang mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat kung mabubuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu inyong pinatay ang mga gawain ng inyong katawan, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat marami ang pinapangunahan ng Espiritu ng Diyos, sila ay mga anak ng Diyos.

    15 Sapagkat hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkabihag upang matakot. Sa halip, natanggap natin ang espiritu ng pagkupkop, na kung saan sumisigaw tayo ng, “Abba, Ama!” 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ang ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Kung tayo ay mga anak, mga tagapagmana rin tayo, mga tagapagmana ng Diyos. At kasama tayo ni Cristo bilang mga tagapagmana, kung tunay nga tayong magdusa kasama niya upang sa gayon maluwalhati rin tayo kasama niya.

  36. 8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Sapagkat, “Hindi ka mangangalunya, hindi ka papatay, hindi ka magnanakaw, hindi ka mag-iimbot,” at kung may iba ring kautusan, pinagsama-sama ito sa pangugusap na ito: “Mamahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” 10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapwa. Kaya, pag-ibig ang katuparan ng kautusan.

  37. 17 Ngayon hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na isipin ninyo ang mga taong nagiging dahilan ng pagkababaha-bahagi at pagkakatisod. Lumalagpas sila sa mga turong inyong napag-aralan. Talikuran ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga taong tulad nito ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Cristo, kundi ang sarili nilang hangarin. Sa pamamagitan ng kanilang kaaya-aya at mga kalugod-lugod na pananalita nililinlang nila ang mga puso ng mga walang malay.

    19 Sapagkat ang inyong halimbawa ng pagsunod ay umabot na sa lahat. Kaya nagagalak ako sa inyo, ngunit gusto kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at walang kamalayan sa kasamaan.

  38. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

  39. 1 Ngayon tungkol sa koleksiyon para sa mga mananampalataya, gaya ng iniutos ko sa mga iglesia sa Galacia, ay inyo ding gawin. 2 Sa unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng anumang bagay at ipunin ninyo, ayon sa inyong makakaya. Gawin ninyo ito upang pagpunta ko diyan ay wala ng kokolektahin. 3 At kung ako ay makarating, ang sinuman ang inyong pahintulutan, ay aking ipapadala na kasama ng mga liham upang dalhin ang inyong mga handog sa Jerusalem.

  40. 17 Hayaan ang mga nakatatanda na namumuno ng maayos ay ituring na karapat-dapat sa mas mataas na parangal, lalo na ang mga gumagawa sa salita at sa pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik ng butil,” at “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.”

  41. 1 Ngunit alamin ito: na sa mga huling araw ay magkakaroon ng kahirapan. 2 Sapagkat ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, mayabang, hambog, mga lapastangan, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at hindi banal. 3 Sila ay mawawalan ng likas na pag-ibig, hindi mapayapa, mga mapanira, walang pagpipigil sa sarili, marahas, hindi maibigin sa mabuti. 4 Sila ay magiging mga taksil, matigas ang ulo, palalo, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Magkukunwari silang mga maka-diyos ngunit itatanggi nila ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang mga taong ito.

  42. 17 Sumunod at magpasakop sa inyong mga pinuno, sapagkat sila ang nagbabantay sa inyo alang-alang sa inyong mga kaluluwa, tulad nilang may pananagutan. Sumunod upang kayo ay ingatan ng inyong mga pinuno na may kagalakan at hindi ng dalamhati, kung saan hindi ito makakatulong sa inyo.

  43. 5 At kung manalangin kayo, huwag kayong maging katulad ng mga mapagpanggap, sapagkat nais nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at mga sulok ng lansangan upang makita ng mga tao. Totoo itong sinasabi ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala.

  44. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi, “Alam ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay nanglulupig sa kanila, at ang mga mahahalagang mga tao sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan upang sundin sila. 26 Subalit hindi dapat mangyari ito sa inyo. Sa halip, ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 27 At ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat maging tagapaglingkod ninyo. 28 Katulad ng Anak ng Tao hindi siya naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang pangtubos sa marami.

  45. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin ngunit pinili ko kayo at itinalaga kayo na humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Ito ay upang kung anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo.

  46. 13 Sapagkat ang lahat na tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

    14 Kung gayon, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinasampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na hindi pa nila naririnig? At paano sila makakarinig kung walang tagapangaral? 15 At paano sila mangangaral kung hindi sila isinugo? — Gaya ng nasusulat, “Kayganda ng mga paa ng mga nagpapahayag ng mga masasayang balita ng mga mabubuting bagay!”

  47. 9 Tapat ang Diyos na siyang tumawag sa inyo sa pakikipagtipon sa kaniyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

  48. 10 Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkakasundo kayong lahat, at walang pagkakahati-hati sa inyo. Pinapakiusap ko sa inyo na kayo ay magkaisa sa kaisipan at maging sa layunin.

  49. 26 At kung ang isang bahagi ay nagdurusa, ang lahat ng mga bahagi ay sama-samang magdurusa. O kung ang isa namang bahagi ay naparangalan, ang lahat ng bahagi ay sama-samang magsasaya.

    27 Ngayon, kayo ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito.

  50. 1 Ako si Pablo na apostol. Hindi ako apostol na mula sa mga tao o sa pamamagitan ng tao, ngunit sa pamamagitan ni Jesu Cristo at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay. 2 Kasama lahat ng mga kapatiran, sumusulat ako sa mga iglesya ng Galacia.

    3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4 na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman.

    6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.

    8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”

  51. 13 Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa. 14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na “Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung magkakagatan at magsasakmalan kayo, tingnan ninyo na hindi ninyo sinisira ang isa't isa.

    16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin. 18 Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan.

  52. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

  53. 22 Pinailalim ng Dios ang lahat sa paanan ni Cristo. Ginawa niya siyang ulo sa lahat ng nasa iglesia. 23 Ang iglesiya ay ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng mga bagay sa lahat ng mga kaparaanan.

  54. 12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga gumagawang kasama ninyo at ang mga nakatataas sa inyo sa Panginoon at ang nagbibigay ng payo sa inyo. 13 Hinihiling din namin na pag-ukulan ninyo sila ng lubos na pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Maging payapa kayo sa bawat isa.

  55. 5 Para sa ganitong layunin iniwan kita sa Creta, upang ikaw ang maaaring mag-ayos ng mga bagay na hindi pa natapos at magtalaga ng mga nakatatanda sa bawat lungsod gaya ng iniutos ko sa iyo. 6 Ang isang nakatatanda ay dapat walang kapintasan, may iisang asawa, mayroong masunurin na mga anak hindi naparatangan ng pagiging masama o matigas ang ulo.

    7 Kinakailangan para sa tagapangasiwa, bilang tagapamahala ng sambahayan ng Diyos, ay walang kapintasan. Hindi dapat matabil at walang pagpipigil sa sarili. Hindi madaling magalit, hindi lulon sa alak, hindi isang palaaway, at hindi isang taong sakim. 8 Subalit dapat bukas ang kaniyang tahanan sa mga panauhin at isang kaibigan ng mabuti. Dapat siya ay matino, matuwid, makadiyos, at may pagpipigil sa sarili. 9 Dapat siya ay matibay na nananangan sa naiturong mapakakatiwalaang mensahe, upang yaon siya ay maaaring magpalakas sa mga iba pa sa pamamagitan ng mabuting katuruan, at maituwid yaong mga sumasalungat sa kanya.

  56. 12 Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos. 13 Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan.

  57. 16 Kaya ihayag ninyo ang inyong mga kasalanan sa bawat isa at ipanalangin ang bawat isa upang kayo ay mapagaling. Ang panalangin ng matuwid ay magdudulot ng malaking bunga.