54 Bible Verses About Finances

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Bible Verses About Finances
  1. 10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami. 11 Kung hindi ka naging tapat sa paggamit ng perang hindi makatarungan, sino ang magtitiwala sa iyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi ka naging tapat sa paggamit sa pera ng ibang tao, sino ang magbibigay sa iyo ng sarili mong pera?

    13 Walang lingkod ang magkapaglilingkod sa dalawang amo, sapagkat kasusuklaman niya ang isa at mamahalin niya ang isa, o magiging tapat siya sa isa at kamumuhian niya ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan.”

  2. 6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman dito sa mundo. wala rin tayong madadala na anumang bagay. 8 Sa halip, masiyahan tayo sa pagkain at pananamit.

    9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian.

    11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan,

  3. 6 Tandaan ninyo ito: kung sino man ang nagtatanim ng kaunti ay mag aani ng kaunti, at kung sino man ang nagtatanim sa layunin ng pagpapala ay aani ng pagpapala. 7 Bawat isa ay magbigay ayon sa pasiya ng kaniyang puso. Huwag siyang hayaang magbigay na may kalungkutan o napilitan. Sapagkat minamahal ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 At may kakayahan ang Diyos na paramihin ang bawat pagpapala para sa inyo, upang, palagi, sa lahat ng bagay, magkakaroon kayo ng lahat ng kailangan ninyo. Nang sa gayon maaari kayong gumawa ng mas maraming mabubuting bagay. 9 Ito ay gaya ng nasusulat: “Ipinamahagi niya ang kaniyang kasaganaan at ibinigay sa mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay magpakailanman.”

    10 Ang nagbibigay ng binhi sa nagtatanim at tinapay para sa pagkain, ay magbibigay din at pararamihin ang inyong binhi para sa pagtatanim. Pararamihin niya ang ani ng inyong katuwiran. 11 Pasasaganahin niya kayo sa lahat ng paraan upang maging mapagbigay kayo. Magdadala ito ng pasasalamat sa Diyos mula sa amin.

  4. 19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

  5. 19 Huwag kayong mag-ipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili dito sa lupa, kung saan sisirain ng tanga at kalawang, at kung saan papasukin at nanakawin ng mga magnanakaw. 20 Sa halip, mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan maging mga tanga ni kalawang ay di kayang sirain, at kung saan ang mga magnanakaw ay di kayang pasukin at nakawin. 21 Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.

  6. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay.

  7. 5 Dapat ang paraan ng inyong pamumuhay ay maging malaya mula sa labis na pagmamahal sa pera. Masiyahan sa mga bagay na mayroon kayo, sapagkat sinabi mismo ng Diyos,” Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”

  8. 7 Ang mayayamang tao ay pinamumunuan ang mahihirap na tao, at ang isa na siyang humihiram ay isang alipin sa isa na siyang nagpapahiram.

  9. 10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil sa wakas ay binago ninyo ang inyong pagpapahalaga para sa akin. Bagama't pinahalagahan ninyo ako noon ngunit wala kayong pagkakataon para tumulong. 11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin.

  10. 10 Sinumang nagmamahal sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, at sinuman ang nagmamahal sa yaman ay maghahangad pa nang marami. Ito din ay parang singaw.

  11. 8 Maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Gayon pa man, ninanakawan ninyo ako. Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano ka namin ninakawan?' Sa mga ikapu at sa mga handog. 9 Isinumpa kayo sa pamamagitan ng isang sumpa, sapagkat ninakawan ninyo ako, ang buong bansang ito. 10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito,” sabi ni Yahweh ng mga hukbo, “kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito.

  12. 30 Kung ganoong dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa bukirin, na nabubuhay ngayon at itatapon sa hurno kinabukasan, gaano pa kaya na kayo ay higit na kaniyang dadamitan, kayong may maliit na pananampalataya?

    31 Kaya huwag kayong mabalisa at sabihin, 'Ano ang aming kakainin?' o 'Ano ang aming iinumin?' o di kaya, 'Ano ang isusuot naming mga damit?' 32 Sapagkat hinahanap ng mga Gentil ang mga bagay na ito, at alam ng iyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga ito. 33 Sapagkat hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran at ang lahat na ito ay maibibigay sa inyo.

    34 Kaya huwag kayong mabahala sa kinabukasan, sapagkat ang bukas ang mababahala sa kaniyang sarili. Ang bawat araw ay may sapat na sariliing kaguluhan.

  13. 8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man, maliban sa pagmamahal sa isa't isa. Sapagkat ang sinumang nagmamahal sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan.

  14. 2 Sa unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng anumang bagay at ipunin ninyo, ayon sa inyong makakaya. Gawin ninyo ito upang pagpunta ko diyan ay wala ng kokolektahin.

  15. 17 kung hindi, maaari ninyong sabihin sa inyong puso, 'Sa aking kapangyarihan at sa lakas ng aking kamay natamo ko ang lahat ng kayamanang ito.' 18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito.

  16. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak.

  17. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan.

  18. 20 Ang pinakamahal na yaman at langis ay nasa tahanan ng matalino, ngunit inaaksaya ito ng mangmang na lalaki.

  19. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo.”

  20. 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat na kayo ay hindi masakop ng lahat ng kasakimang pagnanasa, dahil ang buhay ng isang tao ay hindi batay sa kasaganaan ng kaniyang mga ari-arian.”

  21. 28 Sapagkat sino sa inyo, ang naghahangad na magtayo ng isang tore, ang hindi muna mauupo at bibilangin ang gastos upang kuwentahin kung nasa kaniya ang mga kailangan niya upang ito ay tapusin? 29 Kung hindi, kapag nagtayo siya ng pundasyon at hindi ito natapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat ng mga makakakita nito, 30 sinasabi, 'Ang taong ito ay nagsimulang magtayo at hindi niya natapos.'

  22. 4 Huwag magtrabaho ng sobrang hirap para lang ikaw ay maging mayaman; maging marunong para malaman kung kailan titigil.

  23. 23 Tiyakin na alam mo ang kalagayan ng iyong kawan at magmalasakit ka sa iyong mga kawan, 24 dahil ang kayamanan ay hindi panghabang panahon. Ang isang korona ba ay nanatili sa lahat ng mga henerasyon?

  24. 20 At dumating ang isa pa, sinasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina, na maingat kong itinago sa isang tela, 21 sapagkat natatakot ako sa iyo, dahil ikaw ay mabagsik na tao. Kinukuha mo ang hindi mo iniipon, at inaani ang hindi mo inihasik.'

    22 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Huhusgahan kita ayon sa iyong mga salita, ikaw na masamang lingkod. Alam mo na ako ay mabagsik na tao, kinukuha ang hindi ko inilagay, at inaani ang hindi ko inihasik. 23 Kung gayon bakit hindi mo inilagay ang aking pera sa bangko, upang sa pagbalik ko, makuha ko ito nang may kasamang tubo?'

    24 Sinabi ng maharlika sa mga nakatayo doon, 'Kunin ninyo ang mina sa kaniya, at ibigay ninyo sa may sampung mina.'

    25 Sinabi nila sa kaniya, 'Panginoon, mayroon siyang sampung mina.'

    26 'Sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mayroon ay mabibigyan pa ng mas marami, ngunit sa kaniya na wala, kahit ang mayroon siya ay kukunin sa kaniya.

  25. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya.

  26. 1 Ngayon, lumapit kayo mga mayayaman, umiyak kayo ng malakas dahil sa kahirapan na darating sa inyo. 2 Ang inyong mga kayamanan ay nabubulok at ang inyong mga kasuotan ay kinakain ng anay. 3 Ang inyong ginto at pilak ay wala nang kabuluhan, at ang kanilang kalawang ang magpapatotoo laban sa inyo at susunog ng inyong mga laman gaya ng apoy. Nag-iipon kayo ng inyong kayaman sa huling mga araw.

  27. 26 Huwag kang makiisa sa nagbibigay ng nakakagapos na mga panunumpa tungkol sa pera, at huwag kang magbibigay ng kasiguraduhan para sa mga pagkakautang ng iba. 27 Kung kulang ka ng pamamaraan para magbayad, ano ang makakapigil sa isang tao mula sa pagkuha ng iyong higaan mula sa iyo?

  28. 24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga lalaking naningil ng kalahating siklo ng buwis at sinabi, “Nagbabayad ba ng kalahating siklo ng buwis ang iyong guro?”

    25 Sinabi niya, “Oo.” Ngunit nang pumunta si Pedro sa bahay, una siyang kinausap ni Jesus at sinabi, “ Ano sa palagay mo, Simon? Ang mga hari sa lupa, kanino sila tumatanggap ng buwis o ng pagpupugay? Mula sa kanilang mga mamamayan o mula sa mga dayuhan?”

    26 Nang sinabi ni Pedro, “Sa mga dayuhan,” sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung ganoon hindi kasama ang kanilang mamamayan sa pagbabayad. 27 Ngunit upang hindi tayo maging sanhi ng pagkakasala ng mga nangongolekta ng buwis, pumunta ka sa dagat, ihagis mo ang iyong pamingwit, at kunin ang unang isda na nahuli. Kapag binuka mo ang bibig nito, makikita mo ang isang siklo. Kunin mo ito at ibigay sa mga nangongolekta ng buwis para sa akin at para sa iyo.”

  29. 12 Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos. At pinaalis palabas ang lahat ng mga namili at nagbebenta sa templo. At pinagbubuwal din niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagbebenta ng mga kalapati. 13 Sinabi niya sa kanila, “Ito ay nasusulat, 'Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-panalanginan,' ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

  30. 22 Ang mga mabuting kaloob ni Yahweh ay nagdadala ng kayamanan at hindi ito nagdagdag ng sakit.

  31. 11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi.

  32. 23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan.

  33. 32 May iisang puso at kaluluwa ang maraming bilang ng mga nanampalataya: at wala ni isa man sa kanila ang nagsabi na anuman ang mayroon siya ay tunay na kaniya; sa halip, para sa kanilang lahat ang lahat ng bagay. 33 Ipinapahayag ng mga apostol ang kanilang patotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ng may dakilang kapangyarihan, at labis na biyaya ay napa-sa kanilang lahat.

    34 Wala ni isa man sa kanila ang kinukulang sa anumang bagay, dahil ang lahat ng mga nag mamay-ari ng titulo ng mga lupa o mga bahay ay ibinenta ang mga ito at dinala ang pera ng mga napagbentahan 35 at inilagay sa paanan ng mga apostol. At nangyari ang mga pagbaha-bahagi sa bawat mananampalataya, ayon sa kani-kanilang pangangailangan.

  34. 35 Sa lahat ng bagay nagbigay ako ng halimbawa kung paano ninyo dapat tulungan ang mga mahihina sa pamamagitan ng pagtratrabaho at kung paano ninyo dapat maalala ang salita ng Panginoong Jesus, mga salita na siya mismo ang nagsabi: “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

  35. 7 Kung may isang taong mahirap sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, saanman sa loob ng inyong mga tarangkahan sa lupain na ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, hindi dapat ninyo patigasin ang inyong mga puso ni isara ang inyong kamay mula sa inyong mahirap na kapatid; 8 pero dapat ninyong tiyakin na bukas ang inyong kamay sa kaniya at tiyaking pautangin siya ng sapat para sa kaniyang kailangan.

  36. 21 Ang masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad, pero ang matuwid ay mapagbigay at nagbibigay.

  37. 4 Ang kamay na tamad ay nagdudulot sa isang tao para maging mahirap, ngunit ang kamay ng masipag na tao ay magtatamo ng kayamanan.

  38. 22 Nag-iiwan ng mana para sa kaniyang mga apo ang taong mabuti, pero ang kayamanan ng makasalanan ay inipon para sa gumagawa ng matuwid.

  39. 19 Ang isa na siyang nagtatrabaho sa kaniyang lupa ay magkakaroon ng maraming pagkain, pero ang sinumang sumusunod sa walang kabuluhang gawain ay magkakaroon ng maraming kahirapan.

  40. 21 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka at ipagbili mo ang iyong ari-arian at ibigay sa mahihirap, at magkakaroon ka ng yaman sa langit. At halika, sumunod ka sa akin.”

    22 Subalit ng marinig ng binatang lalaki ang sinabi ni Jesus, umalis siya na malungkot, sapagkat siya ay may napakaraming mga ari-arian.

    23 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, mahirap makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng langit.

  41. 41 Pagkatapos umupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng kaloob sa templo; pinagmamasdan niya ang mga tao habang inihuhulog nila ang kanilang pera sa kahon. Maraming mayayamang tao ang naglalagay ng malalaking halagang pera. 42 At dumating ang isang mahirap na balo at naglagay ng dalawang kusing na nagkakahalaga ng isang pera.

    43 At tinawag niya ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Mahalaga itong sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na balong ito ay nakapaglagay ng higit kaysa lahat ng nagbigay sa lalagyan ng kaloob 44 Sapagkat nagbigay ang lahat sa kanila mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang balong ito, sa kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng perang mayroon siya na kaniyang ikabubuhay.”

  42. 12 At may ilang mga maniningil ng buwis ang dumating upang mabautismuhan, at sinabi nila sa kaniya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”

    13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong maningil nang higit sa dapat ninyong sinisingil.”

    14 May ilang mga kawal rin ang nagtanong sa kaniya, nagsasabi, “At paano naman kami? Ano ang dapat naming gawin?” Sinabi niya sa kanila. “Huwag kayong kumuha ng salapi kanino man nang sapilitan, at huwag ninyong paratangan ang sinuman ng hindi totoo. Masiyahan kayo sa inyong mga sahod.”

  43. 16 Pagkatapos, nagsabi sa kanila si Jesus ng isang talinghaga, na nagsasabi, “Ang bukid ng isang mayamang tao ay umani ng masagana, 17 at nangatwiran sa kaniyang sarili, na nagsasabi, “Ano ang aking gagawin, dahil wala na akong paglagyan ng aking mga ani?' 18 Sinabi niya, 'Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at tatayuan ko ng mas malalaki at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at iba pang mga ari-arian. 19 Sasabihin ko sa aking kaluluwa, “Kaluluwa, marami kang mga ari-arian na naitago sa maraming taon. Magpahinga ng mabuti, kumain, uminom, at magpakasaya.'”

    20 Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, 'Hangal na tao, ang iyong kaluluwa ay kukunin ngayong gabi, at ang mga bagay na iyong inihanda, kanino mapupunta ang mga ito?

    21 Ganyan ang isang tao na nag-iipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili at hindi mayaman para sa Diyos.”

  44. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, “Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin.”

    11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob na gawin kung ano ang tama.

    14 Kung mayroon mang hindi sumusunod sa mga salita na aming isinulat, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mahiya. 15 Huwag ninyo siyang ituring na kaaway, ngunit pagsabihan ninyo siya bilang isang kapatid.

  45. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan.

  46. 6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo.

  47. 35 Kung naging mahirap ang kapwa kababayan ninyo, kung kaya hindi na niya kayang itaguyod ang kanyang sarili, sa gayon dapat ninyo siyang tulungan tulad ng tutulungan ang isang dayuhan o sino pa mang naninirahan bilang tagalabas na kasama ninyo. 36 Huwag siyang singilin ng tubo o subukang kumita mula sa kanya sa anumang paraan, ngunit parangalan ang inyong Diyos upang ang kapatid ninyo ay makapanatiling namumuhay kasama ninyo. 37 Hindi ninyo siya dapat bigyan ng pautang na pera at patawan ng tubo, ni pagbilhan ng iyong pagkain upang kumita.

  48. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa.

  49. 17 Kaya sabihin mo sa amin, ano sa palagay mo? Nararapat bang magbayad ng mga buwis kay Cesar o hindi?”

    18 Subalit nakakaintindi ng kanilang kasamaan si Jesus at nagsabi, “Bakit ninyo ako sinusubok, kayong mga mapagkunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang pangbuwis na salapi.” Dinala nila ang isang denaryo sa kaniya.

    20 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaninong mukha at pangalan ang narito?”

    21 Sinabi nila sa kaniya, “Kay Cesar.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”

  50. 32 Huwag matakot, maliit na kawan, dahil ang inyong Ama ay lubos na nalulugod na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.

  51. 20 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya, “Masawi ka sana kasama ng iyong pilak, sapagkat iniisip mong makakamit mo ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng pera.

  52. 6 Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro.

  53. 6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.

  54. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino.